DISIPLINA
Ang pangngalang Hebreo na mu·sarʹ at ang anyong pandiwa na ya·sarʹ ay nagbibigay ng ideya ng “disiplina,” “pagpaparusa,” “pagtutuwid,” “payo.” Sa Griegong Septuagint at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang katumbas na pangngalang pai·deiʹa at ang pandiwang pai·deuʹo ay halos may gayunding kahulugan. Ang pai·deiʹa, na hinalaw sa pais na nangangahulugang “bata,” ay pangunahin nang nauugnay sa mga bagay na kailangan sa pagpapalaki ng mga bata—disiplina, tagubilin, edukasyon, pagtutuwid, pagpaparusa.
Mga Pinagmumulan at Layunin. Bilang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova, naglalaan siya ng disiplina sa kaniyang bayan. (Kaw 3:11, 12) Tinuturuan niya sila upang maituwid ang kanilang mga maling pangmalas at mahubog ang kanilang kaisipan at landasin ng paggawi. Para sa mga Israelita noong panahon ni Moises, kasama sa disiplina ang pagsaksi nila sa mga pagpapamalas ng Diyos ng kaniyang kadakilaan. Itinanghal ni Jehova ang kaniyang di-mapapantayang kapangyarihan nang maglapat siya ng kahatulan sa lahat ng mga diyos ng Ehipto, nang palayain niya ang kaniyang bayan, at nang puksain niya ang hukbong Ehipsiyo sa Dagat na Pula. Nilapatan din niya ng kakila-kilabot na mga kahatulan ang masuwaying mga Israelita. At makahimalang pinaglaanan ni Jehova ng pagkain at tubig ang mga Israelita lakip ang mga aral hinggil sa kahalagahan ng pagsasapuso at pagsunod sa lahat ng sinasabi niya. Pinagpakumbaba sila ng lahat ng disiplinang ito at idiniin ng mga ito sa kanila ang pangangailangang magkaroon ng wastong pagkatakot kay Jehova, na ipakikita sa pamamagitan ng pananampalataya at pagkamasunurin.—Deu 8:3-5; 11:2-7.
Kadalasan, ang disiplina ni Jehova ay ibinibigay sa pamamagitan ng kaniyang mga kinatawan, na mga awtoridad na may-kawastuang itinalaga. Halimbawa, ang isang Israelita na may-kabulaanang nagparatang sa kaniyang asawa na hindi na ito birhen noong ikasal sila ay didisiplinahin ng matatanda na nagsisilbing mga hukom. (Deu 22:13-19) Ang mga magulang ay kumakatawan kay Jehova kapag may-kawastuan nilang dinidisiplina ang kanilang mga supling. At ang mga anak ay dapat tumugon sa gayong disiplina na kapahayagan ng pag-ibig ng kanilang magulang para sa kanilang walang-hanggang kapakanan. (Kaw 1:8; 4:1, 13; 6:20-23; 13:1, 24; 15:5; 22:15; 23:13, 14; Efe 6:4) Sa kongregasyong Kristiyano, ginagamit ng matatanda ang Salita ng Diyos upang maglaan ng disiplina, gaya ng payo, pagtutuwid, at pagsaway. (2Ti 3:16) Kapag may mga nagkasala, ang layunin ng disiplina mula kay Jehova na inilalapat sa kanila ay upang mabawi sila sa pagkakasala at hindi sila madamay sa kahatulang ipapataw sa di-makadiyos na sanlibutan. (1Co 11:32) Bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano, tinitiyak ni Jesu-Kristo, bilang kapahayagan ng kaniyang pagmamahal, na nailalaan ang kinakailangang disiplina.—Apo 3:14, 19.
Ang pagtitiwalag mula sa kongregasyon ay isang matinding anyo ng disiplina. Ginawa ito ng apostol na si Pablo nang ibigay niya sina Alejandro at Himeneo “kay Satanas.” (1Ti 1:20) Nang ihiwalay sila sa kongregasyon, muli silang naging bahagi ng sanlibutang kontrolado ni Satanas.—1Co 5:5, 11-13.
Anumang pag-uusig na ipahintulot ni Jehova na maranasan ng kaniyang mga lingkod ay maaaring magsilbing disiplina, o pagsasanay, na magluluwal ng kanais-nais na bunga ng katuwiran at kapayapaan kapag natapos na ang pagsubok. (Heb 12:4-11) Maging ang Anak ng Diyos ay sinanay upang maging isang mahabagin at madamaying mataas na saserdote dahil sa pagdurusang ipinahintulot ng kaniyang Ama na danasin niya.—Heb 4:15.
Mga Resulta ng Pakikinig at ng Pagwawalang-bahala. Ipinakikita ng mga balakyot, mga mangmang, o niyaong mga salat sa moral ang kanilang pagkapoot sa disiplina ni Jehova sa pamamagitan ng lubusang pagtatakwil dito. (Aw 50:16, 17; Kaw 1:7) Ang masasamang resulta ng gayong kamangmangan ay nagsisilbing karagdagang disiplina, na kadalasa’y isang matinding kaparusahan. Gaya ng sabi ng isang kawikaan: “Ang pagdisiplina sa mga mangmang ay kamangmangan.” (Kaw 16:22) Maaari silang magdulot sa kanilang sarili ng karalitaan, kadustaan, sakit, at maging ng di-inaasahang kamatayan. Ipinakikita ng kasaysayan ng mga Israelita kung gaano kalaking pinsala ang maaaring sumapit sa isa. Hindi nila binigyang-pansin ang pagsaway at pagtutuwid ng mga propeta bilang disiplina sa kanila. Hindi sila tumugon nang disiplinahin sila ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakait ng proteksiyon at pagpapala. Nang dakong huli, dinanas nila ang matinding disiplina na patiunang inihula, ang pananakop at pagpapatapon sa kanila.—Jer 2:30; 5:3; 7:28; 17:23; 32:33; Os 7:12-16; 10:10; Zef 3:2.
Sa kabaligtaran, kapag tinatanggap ng isa ang disiplina, taglay ang kapaki-pakinabang na pagkatakot kay Jehova, siya ay nagiging marunong, anupat wasto niyang nagagamit ang kaalaman at nakaiiwas siya sa maraming kirot at pagdurusa. Kapag tumugon ang isa sa disiplina nang may pagpapahalaga, nakatutulong ito upang humaba ang kaniyang kasalukuyang buhay at tamuhin ang pangako ng isang walang-hanggang kinabukasan. Kaya naman dapat lamang na lubhang pahalagahan ang disiplina.—Kaw 8:10, 33-35; 10:17.