Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Maaari Ko Kayang Pagbutihin Pa ang Aking Pag-aaral?
“Ang mga marka ay napakahalaga sa aking mga magulang. ‘Anong marka ang nakuha mo sa inyong pagsusulit sa math? Anong marka ang nakuha mo sa inyong leksiyon sa Ingles?’ Inis na inis ako!”—13-taong-gulang na si Sam.
HINDI nag-iisa si Sam sa kaniyang problema. Sa katunayan, ganito ang isinulat ng mga awtor ng aklat na “Could Do Better”: “Wala pa kaming nakilalang isang magulang na nag-aakalang kasinghusay nila ang kanilang anak sa pag-aaral.” Ngunit nadarama ng maraming kabataang gaya ni Sam na masyado silang ginigipit ng kanilang mga magulang na maging mahusay sa kanilang gawain sa paaralan—marahil ay makahigit pa nga sa iba. Baka mapaharap sila sa karagdagang panggigipit sa silid-aralan. “Hindi gaanong matiyaga ang mga guro,” reklamo ng isang tin-edyer. “Ibig nilang matandaan mo kaagad ang mga bagay-bagay at kung hindi, ituturing ka nilang tanga. Kaya hindi man lamang ako nagsisikap.”
Ang mga kabataan na hindi nakaaabot sa mga inaasahan ng kanilang mga magulang at guro ay malimit na tawaging mga walang pagsisikap. At halos lahat ng estudyante ay dumaan sa isang panahon na sila’y hindi nagsisikap. Bakit? Kapansin-pansin, ang katamaran o kawalang-kakayahang matuto ay hindi laging siyang dahilan.a
Kung Bakit ang Ilan ay Hindi Nagsisikap
Totoo, pagdating sa gawain sa paaralan, may ilang kabataan na waring kontento na lamang na makaraos. “Kung aabutin ko lang ang pinakamababang markang kailangan para makapasa,” ipinagtapat ng 15-taong-gulang na si Herman, “iyon lang ang gagawin ko.” Gayunman, para sa kabutihan ng lahat, hindi naman lahat ng kabataang ito ay ayaw na matuto. Baka lamang hindi sila interesado sa isang asignatura. Pagkatapos ay nariyan ang ilan na nahihirapang maunawaan ang praktikal na kahalagahan ng kanilang natututuhan. Ganito ang sabi ni Reuben, edad 17, hinggil dito: “May mga asignatura na natitiyak kong hindi ko kailanman magagamit pagkatapos kong mag-aral.” Ang kawalan ng interes o pangganyak ay maaaring madaling umakay sa kawalan ng pagsisikap.
May iba pang salik. Halimbawa, kung napakabilis para sa iyo ng isang guro, baka masiraan ka ng loob. Kung napakabagal naman, baka mabagot ka. Maaari ring maapektuhan ng panggigipit ng mga kasamahan ang iyong pag-aaral. Ganito ang paliwanag ng aklat na Kids Who Underachieve: “Kung nais ng isang matalino at may kakayahang bata na tanggapin siya ng isang hindi palaaral na grupo ng mga kasama, baka mapilitan siyang huwag magsikap.” Kaya naman, nagreklamo ang isang tin-edyer na noong nag-aaral siya nang husto sa mga naunang taon sa paaralan, ang iba ay naiinggit at ginagawa siyang katatawanan. Oo, maaaring maranasan ng isang kabataan ang katotohanan ng simulain sa Kawikaan 14:17: “Kinapopootan ang taong may kakayahang mag-isip.”
Kung minsan, mas malalim ang ugat ng kawalang pagsisikap. Nakalulungkot, ang ilang kabataan ay lumalaking may negatibong pangmalas sa sarili. Maaaring ito ang maging resulta kapag ang isang bata ay palagi na lamang tampulan ng di-kanais-nais na mga palayaw, tulad ng makupad, tanga, o tamad. Nakalulungkot, ang gayong mga bansag ay maaaring ikapit ng isa sa kaniyang sarili. Gaya ng pagkasabi ng isang doktor, “kung sabihan ka na ikaw ay bobo at pinaniwalaan mo ito, kikilos ka nga nang gayon.”
Kadalasan, may mabuti namang motibo ang panunulsol ng mga magulang at guro. Subalit kahit na ganoon, baka madama ng mga kabataan na sobra na ang inaasahan sa kanila. Kung waring ganito ang kalagayan mo, ipanatag mo ang iyong loob na hindi ka sinasagad ng iyong mga magulang at mga guro. Malamang na gusto lamang nilang marating mo ang iyong buong potensiyal. Gayunpaman, ang kabalisahan sa pag-abot nito ay maaaring magpahina ng iyong loob. Ngunit huwag kang sumuko: Maaari mo pang pagbutihin ang iyong pag-aaral.
Maganyak
Ang unang hakbang ay ang maganyak ka! Upang magawa ito, kailangang makita mo ang layunin ng iyong natututuhan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang taong nag-aararo ay dapat na mag-araro na may pag-asa at ang taong gumigiik ay dapat na gawin ang gayon sa pag-asa na maging isang kabahagi.” (1 Corinto 9:10) Hindi laging madaling makita ang kahalagahan ng “pag-aararo” sa pamamagitan ng ilang asignatura. Halimbawa, baka sabihin mo, ‘Gusto kong maging isang computer programmer. Kaya bakit ko kailangang pag-aralan ang kasaysayan?’
Totoo, maaaring hindi lahat ng nasa inyong kurikulum sa paaralan ay waring kailangan—sa paano man hindi sa ngayon mismo. Ngunit sikaping magkaroon ng isang pangmatagalang pananaw. Ang pangkalahatang edukasyon sa sari-saring paksa ay magpapayabong ng iyong pagkaunawa sa daigdig na nakapalibot sa iyo. Nasumpungan ng maraming kabataang kabilang sa mga Saksi ni Jehova na ang isang malawak na edukasyon ay tumutulong sa kanila na ‘maging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao,’ anupat nagbibigay sa kanila ng sari-saring pamamaraan sa paghaharap ng mensahe ng Kaharian sa iba’t ibang uri ng mga tao. (1 Corinto 9:22) Kahit na kung ang isang asignatura ay waring hindi gaanong mahalaga sa praktikal na paraan, maaari kang makinabang kung matututuhan mo ito nang lubos. At sa paano man, mapasusulong mo ang iyong “kakayahang mag-isip,” isang bagay na pakikinabangan mo nang husto sa dakong huli.—Kawikaan 1:1-4.
Maaari ring matuklasan sa paaralan ang iyong natatagong mga talino. Sumulat si apostol Pablo kay Timoteo: “Paningasin tulad ng apoy ang kaloob ng Diyos na nasa iyo.” (2 Timoteo 1:6) Maliwanag na si Timoteo ay naatasan ng isang pantanging paglilingkuran sa kongregasyong Kristiyano. Ngunit ang kaniyang bigay-Diyos na kakayahan—ang kaniyang “kaloob”—ay kailangang linangin, baka sakaling ito ay hindi magamit at masayang lamang. Mangyari pa, ang iyong mga kakayahan sa pag-aaral ay hindi tuwirang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, gaya ng kaloob kay Timoteo. Gayunpaman, ang mga kakayahang taglay mo—maging iyon man ay sa sining, musika, matematika, siyensiya, o sa iba pang larangan—ay natatangi sa iyo, at matutulungan ka ng paaralan upang matuklasan at mapasulong ang gayong mga kaloob.
Mabubuting Kaugalian sa Pag-aaral
Subalit upang makinabang nang husto sa paaralan, kakailanganin mo ang mabuting kaugalian sa pag-aaral. (Ihambing ang Filipos 3:16.) Magtakda ng sapat na panahon upang saklawin ang hustong dami ng materyal, ngunit magpahingalay ka paminsan-minsan upang mapanariwa ang iyong sarili. Kung kasali sa iyong pag-aaral ang pagbabasa, suriin mo muna ang materyal upang makuha mo ang sumaryo nito. Pagkatapos, gumawa ka ng mga tanong batay sa pamagat ng mga kabanata o pangunahing mga titulo. Saka ka magbasa, na hinahanap ang sagot sa mga tanong habang ginagawa mo ito. Sa wakas, tingnan kung mabibigkas mo mula sa memorya ang iyong natutuhan.
Iugnay ang natutuhan mo sa dati mo nang alam. Halimbawa, ang aralin sa siyensiya ay maaaring maging isang bintana na sa pamamagitan nito “ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita.” (Roma 1:20) Matutulungan ka ng kasaysayan na mapatunayan sa iyong sarili ang katotohanan ng pangungusap na: “Talastas ko, O Jehova, na hindi nauukol sa makalupang tao ang kaniyang lakad. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Habang ibinubuhos mo ang iyong sarili sa pag-aaral, malamang na masumpungan mong nagiging mas madali ang matuto—mas nakasisiya pa nga! Sinabi ni Solomon: “Ang kaalaman ay madali sa kaniya na nakauunawa.”—Kawikaan 14:6.
Manatiling May Positibong Saloobin
Subalit kung minsan, ang kawalang pagsisikap ay nauugnay sa pagpili ng isa ng mga kaibigan. Pinasisigla ba ng iyong mga kaibigan ang pagtatagumpay, o sila mismo ay hindi nagsisikap? Ganito ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Siya na lumalakad kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siya na nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Kaya maging matalino sa pagpili ng iyong mga kasama. Makisama sa mga taong may positibong saloobin sa pag-aaral. Huwag mag-atubiling makipag-usap nang personal sa iyong guro tungkol sa iyong tunguhin na mapataas ang iyong mga marka. Tiyak na daragdagan ng iyong guro ang kaniyang pagsisikap na matulungan kang maabot iyon.
Kapag negatibo ka sa iyong mga kakayahan, isaalang-alang ang halimbawa ni apostol Pablo. Nang punahin ng mga tao ang kaniyang kakayahang magsalita, sumagot siya: “Kung ako man ay di-bihasa sa pananalita, tiyak namang hindi ako gayon sa kaalaman.” (2 Corinto 10:10; 11:6) Oo, nagtuon ng pansin si Pablo sa kaniyang mga kakayahan sa halip na sa kaniyang mga kahinaan. Ano ang iyong mga kakayahan? Kung hindi mo matukoy ang mga ito, bakit hindi ka makipag-usap sa isang matulunging nasa hustong gulang? Ang gayong kaibigan ay maaaring makatulong sa iyo na makilala ang iyong mga kakayahan at magamit nang husto ang mga ito.
Pagsulong sa Kabila ng mga Suliranin
“Ibuhos ang iyong buong pansin, ang iyong buong lakas, sa mga bagay na ito, upang maliwanag na makita ng lahat ang iyong pagsulong.” (1 Timoteo 4:15, Phillips) Tulad ng isang ama na nakikipag-usap sa kaniyang anak, pinatibay-loob ni Pablo ang matagumpay nang si Timoteo upang pasulungin pa ang kaniyang ministeryo. Noong panahon ng Bibliya ang pandiwang Griego na “pagsulong” ay literal na nangangahulugang “umabante,” anupat ipinaaalaala ang isang tao na dumaraan sa mga palumpong. Kung minsan, waring katulad nito ang pag-aaral. Ngunit magiging mas madali ang pag-aaral kung iisipin mo na sulit naman ang gantimpala sa bandang huli.
Ang pagsisikap, pangganyak, at pagkatuto ay magkakaugnay. Upang ilarawan: Isipin ang isang tao na tumutugtog ng isang instrumento sa musika. Kung nasisiyahan siya rito, lalo pa siyang tutugtog. Habang lalo siyang tumutugtog, magiging mas mahusay siya, na siya namang lalong nagpapagalak sa kaniya. Habang lalo tayong natututo, mas madali tayong matuto ng higit pa. Kaya huwag masiraan ng loob sa iyong mga gawain sa paaralan. Gumawa ng kinakailangang pagsisikap, makisama sa mga makatutulong sa iyo na magtagumpay, at isapuso ang mga salita ni Azarias kay Haring Asa noon: “Huwag hayaang lumaylay ang inyong mga kamay, sapagkat may gantimpala sa inyong gawain.”—2 Cronica 15:7.
[Talababa]
a Ang mga kabataan na may mga suliranin sa kakayahang matuto ay maaaring nakaharap sa pantanging mga hamon sa bagay na ito. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising!, Hunyo 22, 1996, pahina 11-13.
[Larawan sa pahina 21]
Huwag mag-atubiling kausapin ang iyong guro tungkol sa iyong tunguhin na mapataas ang iyong mga marka
[Larawan sa pahina 22]
Kahit na kung ang isang asignatura ay waring hindi gaanong mahalaga sa praktikal na paraan, maaari kang makinabang kung matututuhan mo ito nang lubos