Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 6/1 p. 8-13
  • Pagtingin sa mga Kapakanan ng Matatanda Na

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtingin sa mga Kapakanan ng Matatanda Na
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paggalang sa mga Babaing Balo
  • Tinitingnan ng mga Tagapangasiwa ang Kapakanan ng Matatanda Na
  • Tinitingnan ng mga Indibiduwal ang Kapakanan ng Matatanda Na
  • Ang Pamilyang Kristiyano ay Tumutulong sa mga May Edad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pangangalaga sa mga May-edad Na—Isang Pananagutang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Nagmamalasakit ang Diyos sa mga May-edad Na
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Pagtugon sa Pangangailangan ng Ating Matatanda Na—Isang Hamon sa mga Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 6/1 p. 8-13

Pagtingin sa mga Kapakanan ng Matatanda Na

“Tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.”​—FILIPOS 2:4.

1, 2. (a) Paanong ang lupong tagapamahala noong unang siglo ay nagpakita na sila’y interesado sa mga pangangailangan ng matatanda na? (b) Ano ang nagpapatunay na hindi naman pinabayaan noon ang gawaing pangangaral?

NOON ay katatapos lamang ng Pentecostes 33 C.E. nang “bumangon ang bulung-bulungan [sa kongregasyong Kristiyano] sa gitna ng mga Judiong Griego ang wika, laban sa mga Judiong Hebreo ang wika, sapagkat ang kanilang mga biyuda ay kinaliligtaan sa araw-araw na pamamahagi [ng pagkain sa mga dukha].” Walang alinlangan na ang ilan sa mga biyudang ito ay matatanda na at hindi na makapagsustento sa kanilang sarili. Kaya naman, ang mga apostol ay nakialam na, at nagsabi: “Magsihanap nga kayo sa inyo ng pitong lalaking may mabuting patotoo, puspos ng espiritu at ng karunungan, upang ating mailagay sa kinakailangang gawain na ito.”​—Gawa 6:1-3.

2 Samakatuwid ang pag-asikaso sa mga dukha ay itinuturing ng mga sinaunang Kristiyano na “kinakailangang gawain.” Mga ilang taon ang nakaraan ay isinulat ng disipulong si Santiago: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” (Santiago 1:27) Ito ba’y nangangahulugan, kung gayon, na ang pinakamahalagang gawaing pangangaral ay napabayaan? Hindi, sapagkat ang ulat sa Gawa ay nagsasabi na pagkatapos maorganisa nang husto ang gawaing pagtulong sa mga biyuda, “ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang mga alagad ay patuluyang dumaming lubha sa Jerusalem.”​—Gawa 6:7.

3. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa Filipos 2:4, at bakit lalo nang angkop ito sa ngayon?

3 Sa ngayon tayo ay nakaharap sa “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Dahil sa pag-asikaso sa pamilya at sa hanapbuhay ay baka tayo wala nang gaanong lakas​—o pagnanasa​—​na asikasuhin pa ang mga pangangailangan ng matatanda na. Angkop, kung gayon, na nagpapayo sa atin ang Filipos 2:4 na ‘tingnan, hindi lamang ang [ating] sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.’ Paano nga magagawa ito sa isang timbang at praktikal na paraan?

Paggalang sa mga Babaing Balo

4. (a) Bakit at papaano ‘iginalang’ ng kongregasyon noong unang siglo ang mga biyuda? (b) Ang gayon bang mga paglalaan ay kailangan sa tuwina?

4 Sa 1 Timoteo kabanata 5, ipinakikita ni Pablo kung paanong ang mga unang Kristiyano ay nangalaga sa matatanda nang mga biyuda sa kongregasyon. Kaniyang ipinayo kay Timoteo: “Igalang mo ang mga babaing balo na talagang mga biyuda.” (1 Timoteo 5 Talatang 3) Ang matatanda nang biyuda ang partikular na binanggit bilang nangangailangan na tumanggap ng karangalan sa pamamagitan ng regular na sustentong salapi. Ang gayong mga tao ay walang anumang pinagkukunan ng sustento at walang magagawa kundi ‘ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos at laging nasa pagsusumamo at pananalangin gabi at araw.’ (1 Timoteo 5 Talatang 5) Paano ngang sinagot ang kanilang mga panalangin upang magkaroon sila ng ikabubuhay? Sa pamamagitan ng kongregasyon. Sa isang organisadong paraan, ang karapat-dapat na mga biyuda ay pinaglaanan ng isang katamtamang ikabubuhay. Mangyari pa, kung ang isang biyuda ay may pinagkukunan ng ikabubuhay, o may mga kamag-anak na maaaring sumustento sa kaniya, ang gayong mga paglalaan ay hindi na kailangan.​—1 Timoteo 5 Talatang 4, 16.

5. (a) Paanong ang mga ibang biyuda ay marahil ‘nabuyó sa kalayawan’? (b) Ang kongregasyon ba ay obligado na sustentuhan ang gayong mga biyuda?

5 “Ngunit ang [biyuda] na nagpapakabuyó sa mga kalayawan,” ang paalaala ni Pablo, “ay patay [sa espirituwal] bagaman nabubuhay pa.” (1 Timoteo 5 Talatang 6) Hindi ipinaliliwanag ni Pablo kung paanong ang iba ay, gaya ng literal na pagkasalin dito ng Kingdom Interlinear, “behaving voluptuously” (gumagawi nang may kalayawan). Ang iba sa kanila ay baka nakikipagbaka sa kanilang “pita sa sekso.” (1 Timoteo 5 Talatang 11) Gayunman, ayon sa Liddell and Scott’s Greek-English Lexicon, ang ‘paggawi nang may kalayawan’ ay maaaring tumutukoy rin naman sa ‘pamumuhay nang maalwan o sa labis-labis na kaginhawahan o pagpapasasa.’ Marahil, noon, ibig ng iba na ang kongregasyon ay kumilos upang payamanin sila, tumustos ng salapi sa isang maluho, mapagpalayaw na buhay sa pagpapasasa. Anuman ang totoo riyan, ipinakikita ni Pablo na ang gayong mga tao ay diskuwalipikado sa pagtanggap ng sustento buhat sa kongregasyon.

6, 7, at talababa. (a) Ano ba ang “talaan”? (b) Bakit yaong mga wala pang 60 taon ay diskuwalipikado na tumanggap ng sustento? (c) Paano tinulungan ni Pablo ang mga bata pang biyuda upang makaiwas sa ‘hatol’ na laban sa kanila?

6 Pagkatapos ay sinabi ni Pablo: “Ilagay sa talaan [ng mga sustentado ng salapi] ang isang babaing balo na edad animnapung taon pataas.” Noong kaarawan ni Pablo ang isang babae na mahigit na 60 anyos ay maliwanag na itinuturing na hindi makasusuporta sa kaniyang sarili at malamang na hindi mag-asawang muli.a “Datapuwat,” ang sabi ni Pablo, “tanggihan mo ang mga nakababatang biyuda [ipuwera sa talaan], sapagkat ang kanilang mga pita sa sekso ay nangibabaw sa kanila higit sa Kristo, ibig nilang mag-asawa, anupa’t sila’y hinahatulan sapagkat di nila isinaalang-alang ang kanilang unang kapahayagan ng pananampalataya.”​—1 Timoteo 5 Talatang 9, 11, 12.

7 Kung sakaling sa “talaan” ay maaaring maisali ang mga biyudang nasa kabataan, baka ang iba ay agad-agad magpapahayag ng intensiyon na manatiling walang asawa. Subalit, sa paglakad ng panahon, sila ay baka magkaroon ng problema sa pagsupil sa kanilang “mga pita sa sekso” at ibig nila na muling mag-asawa, ‘kaya’t sila’y hinahatulan sapagkat di nila isinaalang-alang ang kanilang unang kapahayagan ng pananampalataya’ na manatiling walang asawa. (Ihambing ang Eclesiastes 5:2-6.) Nahadlangan ni Pablo ang gayong mga problema, at sinabi pa niya, “ibig kong magsipag-asawa ang nakababatang mga biyuda, sila’y magsipag-anak.”​—1 Timoteo 5 Talatang 14.

8. (a) Paanong ang ibinigay ni Pablong mga alituntunin ay proteksiyon sa kongregasyon? (b) Inalagaan ba rin ang nangangailangang mga biyudang kabataan o mga lalaking matatanda na?

8 Gayundin na sa talaan ang isinali ng apostol ay yaon lamang may mahabang rekord ng mabubuting gawang Kristiyano. (1 Timoteo 5 Talatang 10) Kaya naman ang kongregasyon ay hindi naging isang “welfare state” (estadong mapagkawanggawa) para sa mga tamad o masasakim. (2 Tesalonica 3:10, 11) Subalit kumusta naman ang mga lalaking matatanda na o ang mga biyudang kabataan? Kung ang gayong mga tao ay napaharap sa pangangailangan, walang alinlangan na ang bawat isa sa kongregasyon ay may bahagi na tulungan sila.​—Ihambing ang 1 Juan 3:17, 18.

9. (a) Bakit ang mga kaayusan para sa pangangalaga sa matatanda na sa ngayon ay naiiba kaysa roon sa mga kaayusan noong unang siglo? (b) Ang pagtalakay ni Pablo ng tungkol sa mga biyuda sa 1 Timoteo kabanata 5 ay tumutulong sa atin na maunawaan ang ano sa ngayon?

9 Ang gayong mga kaayusan ay malamang na sadyang sapat na para sa mga pangangailangan ng mga kongregasyon noong unang siglo. Subalit gaya ng puna ng The Expositor’s Bible Commentary: “Sa ngayon, na may kita sa seguro, social security, at mga oportunidad sa trabaho, ang situwasyon ay ibang-iba.” Bilang resulta ng pagbabago sa lipunan at ekonomiya, bihira nang nangangailangan na ang mga kongregasyon sa ngayon ay magkaroon ng mga talaan ng mga pangalan ng tinutulungang mga matatanda na. Gayunman, ang mga salita ni Pablo kay Timoteo ay tumutulong sa atin na maunawaan: (1) Ang mga problema ng matatanda na ay nagdudulot ng pagkabahala sa buong kongregasyon​—lalo na sa mga tagapangasiwa. (2) Ang pangangalaga sa matatanda na ay dapat na organisado sa wastong paraan. (3) Ang gayong pangangalaga ay limitado sa mga talagang nasa pangangailangan.

Tinitingnan ng mga Tagapangasiwa ang Kapakanan ng Matatanda Na

10. Paanong ang mga tagapangasiwa sa ngayon ay makapangunguna sa pagpapakita ng interes sa mga matatanda na?

10 Paanong ang mga tagapangasiwa ngayon ay nangunguna sa pagpapakita ng interes sa matatanda na? Manaka-naka maaari nilang isali ang pangangailangan ng matatanda na sa mga tatalakayin nila sa kanilang mga pulong. Pagka espisipikong tulong ang kinakailangan, maaaring isaayos nila ang pagbibigay niyaon. Baka kailangan na hindi sila mismo ang gumawa ng gayong pag-aasikaso, yamang kadalasan ay mayroong maraming mga handang tumulong​—kasali na ang mga kabataan​—​sa kongregasyon. Gayunman, maaari nilang maingat na pamahalaan ang gayong pag-aasikaso, marahil sa pamamagitan ng pag-aatas sa isang kapatid na lalaki na pag-ugnay-ugnayin ang pag-asikaso sa isang indibiduwal.

11. Paanong ang mga tagapangasiwa ay makakaalam ng mga pangangailangan ng matatanda na?

11 Si Solomon ay nagpayo: “Narapat na alamin mo nang tiyakin ang kalagayan ng iyong kawan.” (Kawikaan 27:23) Sa gayo’y maaaring personal na dalawin ng mga tagapangasiwa ang matatanda na upang matiyak kung paano pinakamainam na “madadamayan sila . . . ayon sa kanilang pangangailangan.” (Roma 12:13) Ganito ang pagkasabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Ang ibang matatanda na ay napakamalasarili, at kung basta tatanungin mo sila kung ano ang kailangang gawin ay walang kabuluhan. Ang pinakamagaling ay unawain kung ano ang kinakailangang gawin at gawin na iyon!” Sa Hapón natuklasan ng mga ilang tagapangasiwa na ang isang 80-anyos na sister ay nangangailangan ng malaking atensiyon. Ganito ang pag-uulat nila: “Ngayon ay tinitiyak namin na mayroong nagpupunta roon sa kaniya nang makalawa isang araw, umaga at gabi, dinadalaw siya o tinatawagan sa telepono.”​—Ihambing ang Mateo 25:36.

12. (a) Paanong ang mga tagapangasiwa ay makapag-aasikaso upang ang matatanda na ay makinabang sa mga pulong ng kongregasyon? (b) Paano magagamit ang mga tapes na inihanda ng Samahan?

12 Inaasikaso rin ng mga tagapangasiwa ang matatanda na upang matiyak na nakikinabang sila sa mga pulong ng kongregasyon. (Hebreo 10:24, 25) Ang iba ba ay nangangailangan ng masasakyan? Ang mga iba ba naman ay walang kakayahan na “makinig at umunawa sa” tinatalakay sa mga pulong dahilan sa kahinaan ng pandinig? (Mateo 15:10) Baka praktikal na magkabit ng mga headphones para sa kanila. Gayundin naman, ang mga ilang kongregasyon ngayon ay may mga pulong na pinararaan sa mga linya ng telepono upang ang mga may karamdaman ay makapakinig sa tahanan. Para sa iba ang mga miting ay inirerekord sa mga tapes para sa mga maysakit at hindi makadalo​—sa mga ilang pagkakataon ay binibili ang mga tape recorder para sa kanila. At yamang napag-usapan ang mga tapes, ganito ang puna ng isang tagapangasiwa sa Alemanya: “Ako’y nakadalaw sa maraming matatanda na na basta nakaupo sa harap ng telebisyon at nanonood ng mga programa na hindi masasabing nakapagpapatibay sa espirituwalidad.” Bakit hindi sila himukin na makinig sa halip sa mga tapes na inihanda ng Samahan, gaya niyaong may mga awitin sa Kaharian at pagbasa sa Bibliya?

13. Paanong ang mga matatanda na ay matutulungan upang manatiling aktibo bilang mga mangangaral ng Kaharian?

13 Ang ibang matatanda nang miyembro ng kongregasyon ay naging iregular o inaktibo bilang mga mangangaral. Gayunman, ang edad ay hindi laging nakahahadlang sa isa sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Baka ang iba’y tumugon sa isang simpleng paanyaya na sila’y sumama sa iyo sa larangan ng paglilingkod. Baka naman muling mapaningas mo ang kanilang pag-ibig sa pangangaral sa pamamagitan ng pagkukuwento sa kanila ng mga karanasan mo sa larangan ng paglilingkod. Kung sakaling isang problema ang pag-akyat sa mga hagdanan, isaayos mong sila’y gumawa sa mga apartment na may mga elibeytor o sa mga lugar sa bayan na kung saan walang inaakyat. Ang mga matatanda na ay maaaring isama rin ng mga ibang mamamahayag sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya​—o dili kaya ay doon sa tahanan ng matanda na ganapin ang pag-aaral.

14 at kahon. (a) Ano ang magagawa ng mga tagapangasiwa kung ang isang matanda nang kapatid na lalaki o babae ay mapalagay sa malaking kagipitan sa pananalapi? (b) Paanong ang mga ibang kongregasyon ay tumulong sa mga pangangailangan ng matatanda nang mamamahayag?

14 ‘Ang salapi ay isang pananggalang.’ (Eclesiastes 7:12) Gayunman marami sa matatanda nang kapatid na lalaki o babae ang nasa malaking kagipitan sa pananalapi at walang mga kamag-anak na handang tumulong sa kanila. Ang mga indibiduwal sa kongregasyon, bagaman gayon, ang karaniwan nang nagagalak na tumulong pagka nalaman nila ang gayong pangangailangan. (Santiago 2:15-17) Ang mga tagapangasiwa ay maaari ring magsuri sa kung anuman mayroon ang gobyerno na mapapakinabangan o dili kaya’y ng mga social services, mga polisa sa seguro, pensiyon, at iba pa. Datapuwat, sa mga ibang bansa ang ganiyang mga serbisyo ay mahirap na makuha, at baka walang anupamang ibang paraan kundi ang sundin ang kaayusan na tinutukoy sa 1 Timoteo kabanata 5 at isaayos na ang kongregasyon na ang maglaan ng tulong. (Tingnan ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 122-3.)

May mga mamamahayag sa Nigeria ang regular na tumulong sa isang 82-anyos na regular payunir at sa kaniyang maybahay sa pamamagitan ng materyal na mga kaloob. Pagkatapos na itakda ng gobyerno ang paggiba sa gusali na tinitirhan nila, sila’y inanyayahan ng kongregasyon na lumipat sa isang kuwarto na kakabit ng Kingdom Hall hanggang sa maisaayos ang ibang matitirhan nila.

Sa Brazil isang kongregasyon ang bumayad ng isang nars upang mag-alaga sa isang matanda nang mag-asawa. Kasabay nito, isang sister ang inatasan na maglinis ng kanilang bahay, maghanda ng kanilang pagkain, at mangalaga sa iba pang pisikal na mga pangangailangan. Buwan-buwan ang kongregasyon ay nagtatabi ng mga pondo para sa gamit nila.

15. (a) Mayroon bang mga limitasyon ang pagtulong na magagawa ng kongregasyon? (b) Paanong ang payo na nasa Lucas 11:34 ay magiging angkop para sa mga iba na nagiging labis na mapaghanap?

15 Tulad noong unang siglo, ang gayong mga paglalaan ay para sa mga karapat-dapat na talagang nangangailangan niyaon. Ang mga tagapangasiwa ay hindi obligado na tugunan ang maluluhong mga kahilingan o kaya ay paunlakan ang paghingi ng pansin tungkol sa walang katuwirang mga hinihiling. Ang matatanda na ay kailangan din naman na manatiling may ‘simpleng mata.’​—Lucas 11:34.

Tinitingnan ng mga Indibiduwal ang Kapakanan ng Matatanda Na

16, 17. (a) Bakit mahalaga para sa iba bukod sa mga tagapangasiwa na maging interesado sa matatanda na? (b) Paanong ang magawaing mga mamamahayag ay ‘makapagsasamantala ng panahon’ para sa matatanda na?

16 Noong nakaraan isang matanda nang sister ang tinanggap sa isang ospital. Sa pagsusuri sa kaniya ay natuklasan na siya’y dumaranas ng malnutrisyon o kakapusan sa pagkain. “Kung higit pa sa mga miyembro ng kongregasyon ang nagkaroon ng personal na interes sa kaniya,” ang sabi sa sulat ng isang tagapangasiwa, “marahil ito ay hindi nangyari.” Oo, hindi lamang ang mga tagapangasiwa ang kailangang maging interesado sa matatanda na. Sinabi ni Pablo: “Tayo’y mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.”​—Efeso 4:25.

17 Walang alinlangan na ang iba sa inyo ay may mabibigat na pasanin na personal na mga responsabilidad. Subalit ‘tingnan, hindi lamang ang iyong sariling kapakanan.’ (Filipos 2:4) Sa pamamagitan ng wastong personal na organisasyon, malimit na iyong ‘masasamantala ang panahon.’ (Efeso 5:16) Halimbawa, puwede kayang dalawin mo ang isang matanda na pagkatapos ng paglilingkod sa larangan? Ang mga simpleng araw ang lalung-lalo nang malulungkot na panahon para sa iba. Ang mga tin-edyer man ay maaaring makasali sa mga dumadalaw sa mga matatanda na at gumagawa ng mga gawaing-bahay para sa kanila. Ganito ang dalangin ng isang sister na tinulungan ng isang kabataan: “Salamat sa iyo Jehova para sa kabataan na si Brother John. Anong pagkabait-bait niya.”

18. (a) Bakit ang pakikipag-usap sa isang matanda na ay nagiging mahirap kung minsan? (b) Paano mo magagawang ang isang pagdalaw o isang pakikipag-usap sa isang matanda na ay maging kapaki-pakinabang sa inyong dalawa?

18 Sa mga pulong, pahapyaw ba lamang na binabati mo ang matatanda na? Ipagpalagay natin, marahil ay hindi madali na makipag-usap sa kaninuman na mahina ang pandinig o nahihirapan na magpahayag ng kaniyang niloloob. At yamang ang matatanda na ay masasakitin, ang iba sa kanila ay hindi masayahin. Gayunman, “mas maigi ang isang matiisin.” (Eclesiastes 7:8) Sa kaunting pagsisikap, maaaring pairalin ang isang tunay na “pagpapatibay-loob sa isa’t isa.” (Roma 1:12) Subukan na magkuwento tungkol sa iyong mga karanasan sa paglilingkod sa larangan. Bahaginan mo sila tungkol sa iyong nabasa sa Ang Bantayan o Gumising! O mas mabuti pa, makinig ka sa kanila. (Ihambing ang Job 32:7.) Ang mga matatanda na ay maraming maibabahagi sa iyo kung tutulutan mo lang sila. Ganito ang inamin ng isang tagapangasiwa: “Ang pagdalaw sa matanda nang kapatid na iyon ay nakagawa sa akin ng malaking kabutihan.”

19. (a) Ang ating pagmamalasakit sa matatanda na ay umaabot hanggang kanino? (b) Ano ang mga ilang paraan na sa pamamagitan niyaon ay makatutulong tayo sa mga pamilya na nangangalaga ng kanilang matatanda nang magulang?

19 Hindi ba ang iyong pagmamalasakit sa matatanda na ay dapat ding umabot hanggang sa mga pamilyang nag-aasikaso sa kanila? Isang mag-asawa na nag-aasikaso sa kanilang matatanda nang mga magulang ang nag-ulat: “Imbis na patibayin-loob kami, ang mga iba sa kongregasyon ay naging totoong mapintasin. Isang sister ang nagsabi: ‘Kung patuloy na hindi kayo dadalo sa mga pulong, kayo’y magkakasakit sa espirituwal!’ Subalit ayaw naman niyang gumawa ng anuman upang tulungan kami na makadalo sa mga pulong.” Nakapagpapahina rin naman ng loob ang mga malalabong pangako gaya baga ng, Sakaling mangailangan kayo ng tulong, sabihin lamang ninyo sa akin. Kadalasa’y nakakatulad lamang ito ng pagsasabing, “Magpakainit ka at magpakabusog.” (Santiago 2:16) Anong laking kabutihan kung ang iyong pagmamalasakit ay lalakipan mo ng gawa! Ganito naman ang ulat ng isang mag-asawa: “Ang mga kaibigan ay totoong kahanga-hanga at madamayin! Ang iba sa kanila ay nag-aasikaso kay Inay sa loob ng mga dalawang araw upang kami’y makapahinga naman manaka-naka. Isinasama siya ng mga iba sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya. At tunay na nakapagpapalakas-loob pagka kinukumusta siya sa amin ng mga iba.”

20, 21. Ano naman ang magagawa ng matatanda na upang matulungan yaong nangangalaga sa kanila?

20 Sa pangkalahatan ang ating matatanda na ay binibigyan ng mainam na pangangalaga. Subalit, ano naman ang magagawa ng mga matatanda nang Saksi upang ang gayong gawain ay maisagawa nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntong-hininga? (Ihambing ang Hebreo 13:17.) Kayo’y makipagtulungan alang-alang sa mga kaayusan ng pag-aasikaso sa inyo na ginagawa ng mga tagapangasiwa. Kayo’y magpahayag ng pagpapasalamat at pagpapahalaga ukol sa anumang kagandahang-loob na ipinakita, at iwasan ang maging labis na mapaghanap o labis na mapintasin. At bagama’t ang mga kirot at hapdi ng katandaan ay talaga namang tunay, sikapin na maging masayahin, at magkaroon ng positibong saloobin.​—Kawikaan 15:13.

21 ‘Kahanga-hanga ang mga kapatid. Ewan ko kung ano ang mangyayari sa akin kung wala sila,’ ang sabi ng maraming matatanda na. Datapuwat, ang may pangunahing pananagutan na mangalaga sa matatanda na ay ang kanilang mga anak. Ano ba ang kasangkot dito, at paano mahaharap sa pinakamagaling na paraan ang hamon na ito?

[Talababa]

a Ang tinutukoy sa Levitico 27:1-7 ay ang pagtubos sa mga indibiduwal na ‘inialay’ (sa pamamagitan ng isang panata) sa templo bilang mga manggagawa. Ang halagang pantubos ay nagkakaiba-iba ayon sa edad. Sa edad na 60 ang halagang ito ay bumababa nang malaki, maliwanag na dahil sa ang taong gayong katanda ay inaakalang hindi na makagagawa ng kasimbigat na trabaho na gaya ng nagagawa ng isang nakababata. Sinasabi pa ng The Encyclopædia Judaica: “Ayon sa Talmud, ang pagtanda . . . ay nagsisimula sa 60.”

Natatandaan Mo Ba?

◻ Anong mga paglalaan ang ginawa noong unang siglo para sa matatanda nang biyuda?

◻ Paano makapagsasaayos ang mga tagapangasiwa upang maalagaan ang matatanda na sa kongregasyon?

◻ Paanong ang mga indibiduwal sa kongregasyon ay makapagpapakita ng interes sa matatanda nang mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae?

◻ Ano ang magagawa ng matatanda na upang makatulong naman sa mga nag-aasikaso sa kanila?

[Kahon sa pahina 11]

Pagtulong sa Matatanda Na​—Ang Ginagawa ng Ilan

Isang kongregasyon sa Brazil ang nakasumpong ng isang maginhawang paraan ng pag-asikaso sa pangangailangan ng isang kapatid na nakatira sa malapit sa kanilang Kingdom Hall: Ang grupo sa pag-aaral ng aklat na naatasang maglinis ng bulwagan ay naglilinis din ng kaniyang tahanan.

Isa pang kongregasyon doon ang nakasumpong ng isang simpleng paraan upang ang isang kapatid na may karamdaman ay maging aktibo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Pagka turno niya na magpahayag, isang kapatid ang inaatasan na magsama ng dalawa o tatlong mamamahayag upang makadalaw sa kapatid na iyon. Isang maikling pulong ang pinasisimulan ng panalangin, at pagkatapos ay nagpapahayag ang kapatid na iyon ng kaniyang asainment. Siya’y binibigyan ng kinakailangang payo. Anong laking pampatibay-loob ang pagdalaw na ito!

Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay nagpapakita rin ng magandang halimbawa sa pangunguna. Sa isang kongregasyon isang matanda nang kapatid na nakapirme na sa isang silyang de gulong ang naging totoong mayayamutin kaya naging madalang ang pagdalaw sa kaniya. Subalit, isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagsaayos na ang kaniyang pahayag sa pamamagitan ng mga slides ay sarilinang mapanood ng kapatid na iyon. Ang matanda nang kapatid ay napaluha dahil sa kaniyang nakita. Ganito ang sabi ng tagapangasiwa: “Nadama ko ang malaking kagantihan nang makita ko kung paanong ang kaunting atensiyon at pag-ibig ay nakapagdadala ng gayong resulta.”

Sa kanilang pagpapastol na pagdalaw sa isang matanda nang kapatid na lalaki natuklasan ng ilang mga tagapangasiwa sa Nigeria na siya’y may malubhang sakit. Kaagad na dinala siya sa ospital. Natuklasan na ang matanda nang kapatid ay nangangailangan ng malawak na gamutan, ngunit hindi niya kaya ang pagbabayad niyaon. Nang ipabatid sa kongregasyon ang kaniyang pangangailangan, ang mga mamamahayag ay nag-abuloy ng sapat na salapi upang matakpan ang kaniyang gastos. Dalawang tagapangasiwa ang naghali-halili ng paghahatid at pagsundo sa kaniya sa ospital, bagaman kinailangan na pumalya sila sa kani-kanilang trabaho. Gayunman, sila’y nagkaroon ng kagalakan na makita ang paggaling ng kapatid na iyon at ang kaniyang pag-aauxiliary payunir hanggang sa kaniyang kamatayan makalipas ang mga apat na taon.

Sa Pilipinas isang matanda nang kapatid na babae ang walang pamilya. Ang kongregasyon ay gumawa ng mga kaayusan sa pag-aasikaso sa kaniya sa loob ng tatlong taon na pagkakasakit niya. Kanilang pinaglaanan siya ng isang munting dako na matitirhan, dinalhan siya ng pagkain araw-araw, at kanilang inasikaso ang mga bagay na may kinalaman sa kalinisan.

[Larawan sa pahina 10]

Lahat ay maaaring makibahagi sa paggalang sa ating matatanda na sa kongregasyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share