Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ang bayan ng Diyos ay hinihilingan na ‘alagaan ang mga kabilang sa kanilang sariling sambahayan,’ kaya’t paano magagawa ni Abraham na basta paalisin si Hagar at si Ishmael upang doon tumungo sa iláng?
Kapuwa isang pagmamahal at angkop naman para sa mga lingkod ng Diyos na alagaan nila ang nangangailangan na tulungan na mga miyembro ng pamilya. Tungkol sa mga magulang na Kristiyano, si apostol Pablo ay sumulat: “Tunay na kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8.
Matitiyak natin na ang ginawa ni Abraham ay hindi labag sa espiritu ng ganiyang maka-Diyos na payo, sapagkat siya’y inilagay na isang halimbawa ng tunay na pananampalataya, yamang siya’y “kaibigan ni Jehova.”—Santiago 2:23; Hebreo 11:8-19.
Ang Diyos ay nangako ng isang pagpapala sa pamamagitan ng binhi ni Abraham, o kaniyang tagapagmana. Nang si Sarah ay matanda na at hindi pa rin nagkakaanak, kaniyang hinimok si Abraham na anakan ang alilang Ehipsiyo ni Sarah na si Hagar. Nang maglaon, nang si Hagar ay nagdadalantao, siya ay nagsimulang kumilos ng walang paggalang kay Sarah na anupa’t masasabing iyon ay “karahasan,” o isang malisyosong pang-aapi sa sinisintang asawa ni Abraham. (Exodo 23:1; 2 Samuel 22:49; Awit 11:5) Hinayaan naman ni Abraham na ilagay ni Sarah si Hagar sa lugar niya, ngunit nang magkagayo’y lumayas si Hagar at nagpunta sa iláng, dahil nagbabalak na bumalik sa Ehipto. Hindi sinasabi ng ulat na siya’y may dalang mga panustos-buhay, kaya marahil alam niya na maari siyang makahingi ng tubig sa mga ibang kampamento, tulad halimbawa ng mga nagkakampamentong Bedouin.—Genesis 12:1-3, 7; 16:1-6.
Isang anghel ang namagitan at sinabi kay Hagar na siya’y dapat bumalik, na siya’y magkakaroon ng maraming mga inapo, at na tungkol sa kaniyang anak na si Ishmael ang kaniyang ‘kamay ay magiging laban sa lahat.’ (Genesis 16:7-12) Hindi lumipas ang maraming taon, napatunayan na si Ishmael ay laban sa batang si Isaac, ang tunay na tagapagmana ni Abraham na naging anak niya kay Sarah. Sinimulan ni Ishmael na ‘gawing katatawanan,’ o abusuhin, si Isaac. Ito’y lalong malubha kaysa pagiging magkaribal ng dalawang bata. Sa Salita ng Diyos ay tinatawag ito na “pag-uusig” sa maka-Diyos na inihulang binhi ni Abraham. Kaya angkop ang matatag na pagkilos.—Genesis 21:1-9; Galacia 4:29-31.
Sinabi ni Jehova kay Abraham na makinig sa paninindigan ng kaniyang asawa tungkol sa kinakailangang gawin, ang ‘palayasin si Hagar at ang kaniyang anak.’ Bagama’t hindi ikinalugod ni Abraham ang inaasahan niyang pag-alis ni Hagar kasama ang anak ni Abraham, sila’y pinabaunan ni Abraham ng mga pantustos-buhay. Marahil naiiba sa unang pag-alis nang pumaroon si Hagar sa iláng, sa kaniyang pag-alis na ito ay may dala siyang kakaining tinapay (marahil nagpapahiwatig ng sarisaring pagkain) at tubig—na ibinigay ni Abraham. Marahil siya ay naligaw kung saan man doon “sa iláng ng Beer-sheba,” at naubusan siya ng panustos-buhay bago niya natuklasan ang isa sa mga balon sa lugar na iyon. Subalit ang kaniyang kinasapitang iyon ay hindi isang kapulaan kay Abraham, sapagkat ito’y gumawa ng ‘mga paglalaan para sa mga sariling kaanak niya,’ kahit na sa harap ng maling gawa na nangangailangan ng pagpapaalis sa kanila sa sambahayan.—Genesis 21:10-21.
[Mapa/Larawan sa pahina 31]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Malaking Dagat
Bundok Carmelo
Megiddo
Jerusalem
Hebron
Beer-sheba
Dagat na Patay
Negeb
[Credit Line]
Batay sa isang mapa na karapatang-ari ng Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel
[Larawan]
Wadi Zin, isang libis sa natuyong ilog sa gawing timog ng Beer-sheba