Ano ang Kailangan Upang Lumigaya Ka?
ANG mga pulitikong halal ng mga mamamayan ay nagsisikap na paligayahin ang gayong mga mamamayan. Mangyari pa, depende roon ang kanilang hanapbuhay. Subalit isang magasin ng balita ang tumutukoy tungkol sa “isang nawalan ng tiwala at humiwalay na mga manghahalal” sa Polandya. Isang peryodista ang nagpapaliwanag na ang Estados Unidos ay isang lipunan na “punô ng kawalang tiwala sa pamamalakad pulitika.” Isa pang manunulat ang nagsasabi sa atin ng tungkol sa “lumalagong panlalamig sa pulitika sa Pransya.” Ang gayong malaganap na panlalamig at pagkadiskontento—na hindi lamang sa tatlong bansang ito makikita—ay nagpapahiwatig na ang mga pulitiko ay bigo sa pagsisikap na paligayahin ang mga tao.
Ang mga lider ng relihiyon ay nangangako rin ng kaligayahan, kung hindi man sa buhay na ito, kahit man lang sa buhay sa hinaharap. Kanilang isinalig ito sa paniniwala na ang mga tao ay may isang walang-kamatayan o nagpapalipat-lipat na kaluluwa, isang idea na sa sari-saring kadahilanan ay tinatanggihan ng maraming tao at malinaw na pinabubulaanan ng Bibliya. Ipinakikita ng walang katau-taong mga simbahan at nangangaunting miyembro na milyun-milyon ang hindi na naniniwalang ang relihiyon ay kailangan upang lumigaya.—Ihambing ang Genesis 2:7, 17; Ezekiel 18:4, 20.
Di-Nasisiyahang mga Mangingibig ng Pilak
Kung hindi man sa pulitika o sa relihiyon, saan masusumpungan ang kaligayahan? Sa larangan ba ng komersiyo? Ito man ay nag-aangking nakapagdudulot ng kaligayahan. Inihaharap nito ang kaniyang positibong mga argumento sa pamamagitan ng pag-aanunsiyo, na malinaw na nagsasabi: Ang kaligayahan ay nanggagaling sa pagkakaroon ng lahat ng materyal na bagay at serbisyo na mabibili ng salapi.
Waring dumarami ang bilang ng mga taong humahanap ng kaligayahan sa ganitong paraan. Iniulat mga ilang taon na ang nakalipas na 50% ng mga sambahayan sa Alemanya ang baon sa utang. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang maimpluwensiyang pahayagan sa Aleman na Die Zeit ay humula na “marami [sa mga ito] ay hindi kailanman makaaahon sa pagkakautang.” Ipinaliwanag nito: “Napakadali na magpakalabis sa paglalabas ng pera na palaging iniaalok sa iyo ng bangko—at napakahirap na makaahon sa silo ng pagkakautang.”
Nakakatulad niyan ang kalagayan sa ibang lubhang-industriyalisadong mga bansa. Mga ilang taon na ngayon ang nakalipas, tinaya ni David Caplovitz, isang sosyologo sa City University of New York, na sa Estados Unidos, sa pagitan ng 20 milyon at 25 milyong sambahayan ang baón sa utang. “Ang mga tao ay natatabunan na ng pagkakautang,” aniya, “at sinisira nito ang kanilang buhay.”
Mahirap maniwala na ang ganiyan ay kaligayahan! Subalit dapat ba nating asahan na ang daigdig ng komersiyo ay makagagawa ng maliwanag na hindi magawa ng dalawang binanggit (pulitika at relihiyon)? Ang mayamang si Haring Solomon ay sumulat minsan: “Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni siya mang umiibig sa kayamanan ay masisiyahan sa pakinabang. Ito man ay wala ring kabuluhan.”—Eclesiastes 5:10.
Ang paghahanap ng kaligayahan sa materyal na mga ari-arian ay gaya ng pagtatayo ng mga kastilyo sa hangin. Marahil ay nakatutuwang itayo ang mga iyan, subalit ikaw ay magkakaproblema kung diyan ka titira.
Maaaring Makamit ang Kaligayahan Subalit Papaano?
Si Jehova ay tinawag ni apostol Pablo na “ang maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Sa pamamagitan ng paglalang sa mga tao ayon sa kaniyang sariling larawan, sila’y binigyan din ng maligayang Diyos ng kakayahan na maging maligaya. (Genesis 1:26) Subalit ang kanilang kaligayahan ay kailangang depende sa kanilang paglilingkod sa Diyos, gaya ng ipinakita ng salmista: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!” (Awit 144:15b) Kung ano ang kasali sa ating paglilingkod sa Diyos at kung papaano umaakay sa tunay na kaligayahan ang ating paglilingkod sa kaniya ay lalong higit na mauunawaan kung ating isasaalang-alang ang ilan sa 110 lugar sa New World Translation na makikitaan ng mga salitang “maligaya” at “kaligayahan.”
Ang Pagkilala sa Espirituwal na mga Pangangailangan
Si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, ay nagsabi sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Ang daigdig ng komersiyo ay nagsisikap na iligaw tayo sa pag-aakalang ang pamimilí ng mga de luho ay sapat na para magkaroon ng kaligayahan. Sinasabi nito sa atin na ang kaligayahan ay dulot ng pagkakaroon ng isang home computer, isang video camera, isang telepono, isang kotse, ang pinakamodernong kagamitan sa isport, o sunod-sa-modang mga damit. Ang hindi nito sinasabi sa atin ay ang katotohanan na milyun-milyong tao sa daigdig ang wala ng mga bagay na ito ngunit sila’y maliligaya rin. Bagaman pinagiging komportable at maginhawa ang buhay, ang mga bagay na ito ay hindi kailangan upang lumigaya.
Gaya ni Pablo, yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay nagsasabi: “Kung tayo’y may pagkain at pananamit na, masisiyahan na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:8) Bakit? Sapagkat ang kasapatan sa espirituwal na mga pangangailangan ang umaakay patungo sa buhay na walang-hanggan.—Juan 17:3.
Mayroon bang masama sa pagtatamasa ng mabubuting bagay kung tayo ay may salaping maibibili? Hindi naman. Gayunman, mapatitibay ang ating espirituwalidad kung matututong huwag sundin ang bawat kapritso o bumili ng isang bagay dahil lamang sa kaya nating bilhin iyon. Sa gayon ay natututo tayong makontento at makapanatiling maligaya, gaya ni Jesus, bagaman ang kaniyang kalagayan sa pamumuhay ay hindi siyang pinakamagaling ayon sa mga pamantayang makasanlibutan. (Mateo 8:20) At si Pablo ay hindi nagpapahayag ng kalungkutan nang kaniyang isulat: “Aking natutuhan ang masiyahan na sa anumang kalagayang aking kinalalagyan. Marunong naman akong masiyahan kahit sa kaunting panustos-buhay, marunong din naman akong magpakasagana. Sa bawat bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan at maging sa kagutuman, maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.”—Filipos 4:11, 12.
Pagtitiwala kay Jehova
Ang pagkapalaisip sa espirituwal na pangangailangan ng tao ay nagpapakilala ng pagkukusa na magtiwala sa Diyos. Ito’y nagdudulot ng kaligayahan, gaya ng paliwanag ni Haring Solomon: “Maligaya ang nagtitiwala kay Jehova.”—Kawikaan 16:20.
Datapuwat, hindi ba isang katotohanan na maraming tao ang naglalagak ng higit na pagtitiwala sa salapi at sa mga ari-arian sa halip na sa Diyos? Kung mamalasin sa ganitong punto de vista, wala nang lalong angkop na paglantaran ng kawikaang “Sa Diyos Kami Tumitiwala” kundi sa salapi, bagaman ang ganiyang kapahayagan ay makikita sa salapi ng E.U.
Si Haring Solomon, na hindi nagkulang ng isa man sa mabubuting bagay na mabibili ng salapi, ay kumilala na ang pagtitiwala sa materyal na mga ari-arian ay hindi humahantong sa walang-hanggang kaligayahan. (Eclesiastes 5:12-15) Ang salapi sa bangko ay maaaring mawala dahil sa pagkabangkarote ng bangko o dahilan sa implasyon. Ang bahay at lupa ay maaaring wasakin ng malalakas na bagyo. Ang mga polisá sa seguro, bagaman pansamantalang nakapagtatakip ng materyal na mga kapinsalaan, ay hindi makapagtatakip ng emosyonal na pinsala. Ang mga aksiyón at mga bono ay maaaring mawalang kabuluhan sa magdamag sa biglang pagbagsak ng pamilihan ng aksiyón. Kahit ang isang trabahong may mataas na sahod ay maaari—sa maraming dahilan—maging pansamantala lamang.
Sa mga kadahilanang ito ang taong tumitiwala kay Jehova ang nakakakita ng katalinuhan ng pakikinig sa babala ni Jesus: “Tumigil na kayo ng pagtitipon para sa inyong sarili ng kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tangà at kalawang, at dito’y nakapapasok ang mga magnanakaw at nagnanakaw. Kundi, magtipon kayo ng kayamanan sa langit, na kung saan hindi sumisira ang tangà o ang kalawang man, at kung saan hindi nakapapasok ang mga magnanakaw at nakapagnanakaw.”—Mateo 6:19, 20.
Ano ang hihigit pa sa seguridad at kaligayahan kaysa maalaman na ang isang tao’y naglagak ng kaniyang tiwala sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, na laging naglalaan sa atin?—Awit 94:14; Hebreo 13:5, 6.
Pagtanggap ng Saway ng Diyos
Ang payo, maging ang pagsaway, ay tinatanggap pagka may kalakip na espiritu ng pag-ibig buhat sa isang tunay na kaibigan. Isang nag-aangking kaibigan ng lingkod ng Diyos na si Job ang may pagmamatuwid-sa-sarili na nagsabi sa kaniya minsan: “Maligaya ang taong sinasaway ng Diyos.” Bagaman totoo iyan, ang ipinahiwatig ni Eliphaz sa mga salitang ito—na nagkakasala nang malubha si Job—ay hindi totoo. Anong ‘nakayayamot na mang-aaliw’! Subalit, sa bandang huli na sawayin ni Jehova si Job sa maibiging paraan, may kapakumbabaang tinanggap ni Job ang saway at siya’y nalagay sa daan ng lalong malaking kaligayahan.—Job 5:17; 16:2; 42:6, 10-17.
Sa ngayon, hindi nagsasalitang tuwiran ang Diyos sa kaniyang mga lingkod gaya nang ginawa niya kay Job. Sa halip, kaniyang sinasaway sila sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang inaakay-ng-espiritung organisasyon. Gayunman, ang mga Kristiyanong nagtataguyod ng materyalistikong mga kapakanan ay kalimitang walang panahon, lakas, ni hilig man na mag-aral ng Bibliya nang palagian at dumalo sa lahat ng pulong na inilalaan ng organisasyon ni Jehova.
Ang taong sinasaway ng Diyos ayon sa Kawikaan 3:11-18, ay kumikilala sa karunungan ng pagtanggap sa gayong saway: “Maligaya ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pakinabang dito ay maigi kaysa pilak at sa ginto man. Mahalaga nga kayo sa mga rubi, at lahat ng iba pang kinalulugdan ninyo ay hindi maihahalintulad dito. Ang haba ng mga araw ay nasa kaniyang kanang kamay; sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at kaluwalhatian. Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at lahat niyang landas ay kapayapaan. Siya’y punungkahoy ng buhay sa mga nanghahawakan sa kaniya, at tatawaging maliligaya yaong patuluyang nanghahawakang mahigpit sa kaniya.”
Malilinis at Mapagpayapa
Tinukoy ni Jesus ang maliligayang tao bilang “malilinis ang puso” at “mapagpayapa.” (Mateo 5:8, 9) Subalit sa isang sanlibutan na nang-aakit sa materyalistikong istilo ng pamumuhay, anong dali na ang mapag-imbot, marahil maging ang di-malilinis, na mga hangarin ay magkaugat sa ating puso! Kung hindi aakayin ng karunungang buhat sa Diyos, anong dali para sa atin na mailigaw pa nga upang humanap ng salapi sa pamamagitan ng mga paraang kahina-hinala na sisira ng ating mapayapang kaugnayan sa iba! May dahilan ang Bibliya sa pagbibigay ng babala: “Ang pag-ibig sa salapi ang ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.”—1 Timoteo 6:10.
Ang pag-ibig sa salapi ay nagtataguyod ng maka-akong kaisipan na nagdudulot ng pagkadi-kontento, ng kawalang-utang na loob, at kasakiman. Upang maiwasan ang ganiyang maling saloobin, ang ilang Kristiyano bago gumawa ng mahalagang mga pasiya sa pananalapi ay nagtatanong: Talaga bang kailangan ko iyon? Ang mamahaling bilihing ito o itong malaki ang sahod, pang-ubos-panahon na trabaho ay kailangan ko ba kaysa pangangailangan ng angaw-angaw na iba pa na maaari namang mabuhay nang wala nito? Mas mainam kayang gugulin ko ang aking salapi o ang aking panahon sa pagpapalawak ng aking bahagi sa tunay na pagsamba, sa pagsuporta sa pambuong-daigdig na pangangaral, o sa pagtulong sa mga taong hindi gaanong mapalad kaysa sa akin?
Ang Pagtitiis
Ang isa sa mga pagsubok na napilitang tiisin ni Job ay ang karalitaan. (Job 1:14-17) Gaya ng ipinakikita ng kaniyang halimbawa, ang pagtitiis ay kinakailangan sa bawat pitak ng buhay. Ang ilang Kristiyano ay kailangang magtiis ng pag-uusig; ang iba, ng tukso; ang iba naman, ng karalitaan. Subalit ang pagtitiis, anumang uri ito, ay gagantihin ni Jehova, gaya ng isinulat ng Kristiyanong alagad na si Santiago tungkol kay Job: “Tinatawag nating maliligaya yaong nakapagtiis.”—Santiago 5:11.
Ang pagpapabaya sa mga kapakanang espirituwal upang lalong mapaangat ang ating kalagayan sa buhay ay maaaring magdulot ng pansamantalang kaginhawahan sa kabuhayan, subalit makatutulong ba ito upang mapanatiling maaliwalas ang ating pangitain ng permanenteng kaginhawan sa kabuhayan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos? Ito ba ay isang panganib na sulit kung gagawin?—2 Corinto 4:18.
Pagtatamo ng Kaligayahan Ngayon at Magpakailanman
Maliwanag na may mga taong tumututol sa pangmalas ni Jehova tungkol sa kung ano ang magpapaligaya sa mga tao. Palibhasa’y kinaliligtaan nila ang lalong mahalagang matagalang kapakinabangan, sila’y walang nakikitang agad-agad na pansariling kapakinabangan sa paggawa ng ipinapayo ng Diyos. Hindi nila natatalos na ang pagtitiwala sa materyal na mga bagay ay walang kabuluhan at humahantong sa kabiguan. Tama naman ang tanong ng manunulat ng Bibliya: “Pagka ang mga pag-aari ay dumarami, dumarami rin ang nagsisikain nito. At anong pakinabang mayroon ang mayamang may-ari niyaon, kundi ang mamasdan yaon ng kaniyang mga mata?” (Eclesiastes 5:11; tingnan din ang Eclesiastes 2:4-11; 7:12.) Anong daling pumanaw ng interes at ang mga bagay na inaakala nating kailangan natin ay napapatabi na lamang at nakakalimutan na!
Ang tunay na Kristiyano ay hindi laging ‘makikipagpaligsahan sa iba’ sa materyal na paraan. Batid niya na ang tunay na halaga ay sinusukat, hindi sa ari-arian ng isa, kundi sa kung ano ba ang isa. Tiyak sa kaniyang isip kung ano ang nagpapaligaya sa isang tao—tunay na maligaya: pagtatamasa ng isang mainam na kaugnayan kay Jehova at laging magawain sa paglilingkod sa Kaniya.
[Larawan sa pahina 20]
Ang materyal na mga bagay lamang ay hindi kailanman makapagdudulot ng walang-hanggang kaligayahan
[Larawan sa pahina 22]
Sinasabi ng Bibliya: “Maligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan”