Kabanata 1—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Ang Pagnanasa ng Kapayapaan at Katiwasayan sa Buong Daigdig
1, 2. Ano ang pinakamahalagang pangangailangan na taglay ng lahat ng sangkatauhan, at bakit?
NAIS natin ng kapayapaan at katiwasayan dito sa lupa. Ang pangangailangan sa gayong kaaya-ayang kalagayan ay mas mahalaga ngayon higit kailanman. Ito ay totoo hindi lamang sa atin bilang mga indibiduwal kundi gayundin sa buong sambahayan ng tao sa buong globo.
2 Iyan ang dahilan kung bakit ang kasalukuyang populasyon ng lupa ay nabubuhay ngayon sa panahon ng mga panahon! ‘Paano nangyari ito,’ maitatanong mo, ‘yamang tayo ngayon ay nasa pinakanakatatakot na yugto sa lahat ng kasaysayan ng tao, ang panahon ng mga sandatang nuklear?’
3. (a) Ano ang ikinakatuwiran ng mga bansa sa pagtataglay ng bombang nuklear? (b) Ano ang idinidikta ng karaniwang sentido komon?
3 Hindi kukulangin sa walong mga bansa ang iniulat na may kakayahang gumawa ng bombang nuklear. At tinataya na 31 mga bansa ang maaaring magkaroon ng mga sandatang nuklear sa taóng 2000. Ang kanilang ikinakatuwiran sa pagtataglay ng pangkatapusang mga bomba diumano ay bilang proteksiyon, isang paghadlang sa iba pang kahawig na mga bansang armado, isang banta ng nuklear na pagganti. Sa harap ng gayong mga kalagayan sa daigdig, idinidikta ng karaniwang sentido komon na ang mga bansa ay dapat na sumang-ayong mamuhay nang magkaagapay na nagpaparaya sa isa’t isa.
4. Bagaman hindi hinadlangan ng Maylikha ang mga pagsisikap ng tao na humanap ng katiwasayan, anong layunin mayroon siya tungkol dito?
4 Gayunman, isang gawang-taong kapayapaan ba lamang ang ninanais natin, pati na ng katiwasayan na maaaring ilaan ng tao? Bagaman hindi hinadlangan ng Maylikha ang mga pagsisikap ng tao upang magtatag at mapanatili ang kapayapaan at katiwasayan sa buong lupa, mayroon siyang kaniyang sariling sakdal na paraan upang sapatan ang ating likas na pagnanasa sa kapayapaan at katiwasayan. Mayroon siyang kaniyang sariling itinakdang panahon sa pag-aalis sa lahat ng mga gumagambala sa katiwasayan niyaong nagnanais na sumamba sa kaniya. Anong laking kagalakan nga para sa atin na malaman na ang panahon niya sa paggawa nito ay malapit na!
5. Ano ang sinabi ng kinasihang salmista tungkol sa lupa, at ano ang layunin ng Maylikha para sa tao?
5 Pagkatapos ng libu-libong taon ng magulong kasaysayan ng tao, inaasahan na magkakaroon ng isang matinding pambuong-daigdig na pagnanasa para sa kapayapaan at katiwasayan. Ang lupa ang naging likas na tirahan ng tao mula sa pasimula ng pag-iral ng tao. Ang kinasihang salmista ay nagsabi: “Kung tungkol sa mga langit, ang mga langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.” (Awit 115:16) Mula sa pasimula, maibiging layunin ng Maylikha na tamasahin ng tao ang isang ganap na buhay sa kaniyang bigay-Diyos na makalupang tahanan.
6. Sa anong paraan na ang unang tao at ang kaniyang supling ay maaaring kumilos na gaya ng Diyos?
6 Sang-ayon sa ulat ng paglalang sa Genesis 2:7, “Nagpatuloy ang Diyos na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Walang ibang nabubuhay na nilalang sa lupa ang kapantay ng tao kung tungkol sa buhay o sa antas ng kakayahan—na maaaring kumilos na gaya ng Diyos sa pagsasagawa ng pamamahala. Higit pa riyan, ang pamamahalang ito ay hindi lamang para sa unang nilalang na tao kundi ito ay isasagawa at tatamasahin din ng kaniyang supling.
7. Paano nagkaroon ng asawa si Adan, at ano ang sinabi niya nang ang sakdal na nilikhang ito ay iharap sa kaniya?
7 Sa kadahilanang iyan, binigyan ng Maylikha si Adan ng isang asawa. Siya ang magiging ina ng lahat ng magiging mga maninirahang tao sa lupa. Iyan ang dahilan kung bakit, nang iharap ang sakdal na nilalang na ito, ay nasabi ng lalaki: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” Kaya’t tinawag siya ng lalaki na babaing uri ng tao, ’ish·shahʹ, na pambabaing kasarian ng salitang Hebreo na isinaling tao, yaon ay, ’ish.—Genesis 2:21-23.
8. Anong mga tagubilin ang ibinigay ng Maylikha sa unang mag-asawang tao?
8 Sinabi ng Maylikha at makalangit na Ama sa unang mag-asawang tao: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.” (Genesis 1:28) Ang paraang ito ay isang bagay na totoong bago sa kasaysayan ng matalinong paglalang. Ang espirituwal na mga naninirahan sa di-nakikitang mga langit ay hindi umiral sa pamamagitan ng pag-aanak.
9. Paano inilalarawan ng Awit 8:4, 5 ang kaayusan ng mga bagay ng Diyos?
9 Hindi kataka-taka na, sa panahon ng paglalang sa lupa, “nagsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay naghiyawan sa kagalakan.” (Job 38:7) Nang panahong iyon, lahat ay mapayapa at nagkakasuwato sa buong sansinukob. Sa ikawalong awit, nag-uumapaw sa tuwa dahilan sa kaayusan ng mga bagay ng Diyos, ang salmista ay bumulalas tungkol sa tao: “Iyo rin namang ginawa siya na kaunti lamang mababa kaysa mga tulad-Diyos, at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.” (Mga talatang 4, 5) Sang-ayon sa awit na ito, inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay dito sa lupa sa ilalim ng tao.
Ang Simula ng Isang Kaagaw na Pagkasoberano
10. (a) Bago pa maipaglihi ang unang anak na tao, ano ang sumiklab? (b) Ano sa gayon ang naitatag sa sangkatauhan?
10 Kataka-taka, bago pa maipaglihi ang unang anak na tao, sumiklab ang paghihimagsik sa pansansinukob na organisasyon ng Diyos na Jehova. Ang situwasyon ay maaaring humantong sa pagtatatag ng isang bagong pagkasoberano, isang bagong nakahihigit na pamamahala, sa sangkatauhan—kung ang sangkatauhan ay maihihiwalay at mailalayo sa pansansinukob na organisasyon ni Jehova. Isang pagkasoberano ang maaaring itatag na kaagaw ng pagkasoberano ni Jehova. Ito ay nangailangan ng pagsasabi ng unang kasinungalingan, ipinakikilala ang Diyos na Jehova sa isang maling liwanag.
11. Sa pamamagitan ng pagpapakilala sa Diyos na Jehova sa isang maling liwanag, ano ang nangyari sa unang rebelde?
11 Ang pagsasabi ng unang kasinungalingan ay gumawa sa unang rebeldeng ito laban sa Diyos na unang sinungaling, ang unang Diyablo, o maninirang-puri. Ibang-iba sa kaniya, si Jesu-Kristo ay nagsabi: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Juan 14:6) Sa kaniyang relihiyosong mga mananalansang, sinabi ni Jesus: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa noong una, at hindi nanatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ng sa ganang kaniya, sapagkat siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
12. (a) Paano sinabi ng Diyablo ang unang kasinungalingan, at ano ang epekto nito kay Eva? (b) Ano ang nangyari nang si Adan ay kumain ng ipinagbabawal na bungangkahoy?
12 Sa pagsasalita sa pamamagitan ng isang ahas sa halamanan ng Eden, o paraiso ng kasiyahan, iniharap ng Diyablo ang unang kasinungalingan sa unang babae. Sinabi niya na ang Maylikha sa babae ay isang sinungaling, sa gayo’y ginugulo ang kapayapaan ng isipan ni Eva. Ipinadama niya sa babae ang kawalang katiwasayan sa kaniyang inaakalang katayuan ng kawalang-alam, kaya ang babae ay kumuha ng ipinagbabawal na bungangkahoy. Siya ay nanaig sa kaniyang asawa, si Adan, upang makibahagi sa kaniya sa ipinagbabawal na bungangkahoy at sa gayo’y sumama sa kaniya sa kaniyang paghihimagsik laban sa Diyos na Jehova. (Genesis 3:1-6) Naiwala ng masuwaying mag-asawa ang kanilang kapayapaan sa Diyos at sila’y pinalayas sa paraiso ng kasiyahan upang mamuhay sa kalagayan ng kawalang-katiwasayan sa labas. Inilalarawan ng Roma 5:12 ang malungkot na pamumuhay na ito, na sinasabi: “Kung papaanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”
13. Anong pagpili ang dapat gawin ng bawat isa sa atin ngayon?
13 Ang kalagayan sa ating panahon ay humihiling sa atin na gumawa ng isang tiyak na pagpili. Ito ay isang pagpili sa pagitan ng kaagaw na pagkasoberano ni Satanas na Diyablo, “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” at ng pagkasoberano ni Jehova, ang Kataas-taasan at Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ng sansinukob.—2 Corinto 4:4; Awit 83:18.
Ang Pagtatamasa ng Pakikipagpayapaan sa Diyos
14. Anong kapayapaan at katiwasayan ang maaari nating tamasahin kahit na ngayon?
14 Taglay ang masakit na pahirap sa kanilang mga sarili, ayaw tanggapin o paniwalaan ng karamihan sa sangkatauhan ang paglalaan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat para sa kaniyang mga mananamba na magtamasa ng may pasubaling kapayapaan at katiwasayan kahit na sa pinakamalungkot na katayuang ito ng pamumuhay ng tao. Gayunman, si Jehova “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan,” at ating pinagpalang pribilehiyo ngayon na pumasok sa isang kapayapaan at katiwasayan na hindi kailanman mabibigo. (Roma 16:20; Filipos 4:6, 7, 9) Ito ay isang kapayapaan at katiwasayan na ibinibigay niya kahit na ngayon pa sa kaniyang lupon ng makalupang mga lingkod, ang kaniyang nakikitang organisasyon, bilang katuparan ng kaniyang maaasahang mga pangako. Ito ay isang kapayapaan at katiwasayan na maaari lamang nating tamasahin sa pakikisama sa kaniyang nakikitang organisasyon sa lupa.
15. Hindi ba makatuwirang isipin na ang Diyos ay may isang organisasyon, at ano ang kinilala ni Jesus?
15 Magiging taliwas sa maliwanag na mga turo ng Kasulatan na maniwala na ang Diyos ay walang organisasyon, isang organisadong bayan, na pantangi niyang kinikilala. Kinilala ni Jesu-Kristo na ang kaniyang makalangit na Ama ay may isang nakikitang organisasyon. Hanggang noong Pentecostes 33 C.E., ito’y ang Judiong organisasyon na may pakikipagtipan sa Diyos na Jehova sa ilalim ng Kautusan ni Moises.—Lucas 16:16.
16. (a) Kanino namagitan si Moises? (b) Kanino naging Tagapamagitan ang Lalong-dakilang Moises, si Jesu-Kristo?
16 Kung paanong ang sinaunang bansa ng Israel ay nasa pakikipagtipan sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng tagapamagitan na si Moises, gayundin na ang bansa ng espirituwal na Israel, “ang Israel ng Diyos,” ay nasa isang pakikipagtipan sa pamamagitan ng isang tagapamagitan. (Galacia 6:16) Ito ay gaya ng isinulat ni apostol Pablo sa kaniyang mga kamanggagawang Kristiyano: “Sapagkat may isang Diyos, at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus.” (1 Timoteo 2:5) Si Moises ba ay tagapamagitan ng Diyos na Jehova at ng sangkatauhan sa pangkalahatan? Hindi, siya ay tagapamagitan sa Diyos ni Abraham, Isaac, at Jacob at sa bansa ng kanilang mga inapo sa laman. Sa gayunding paraan, ang Lalong-dakilang Moises, si Jesu-Kristo, ay hindi Tagapamagitan sa Diyos na Jehova at sa lahat ng sangkatauhan. Siya ang Tagapamagitan sa kaniyang makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, at sa bansa ng espirituwal na Israel, na limitado sa 144,000 mga membro lamang. Ang espirituwal na bansa na ito ay gaya ng isang munting kawan sa mga tulad-tupa ni Jehova.—Roma 9:6; Apocalipsis 7:4.
Pastol Hindi Lamang ng “Munting Kawan”
17. (a) Inatasan ng Diyos na Jehova si Jesu-Kristo na maging ano? (b) Ano ang sinabi ni Jesus doon sa mga magmamana ng makalangit na Kaharian?
17 Sa Awit 23:1, si Haring David ng sinaunang Israel ay kinasihang magsabi: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman.” Inatasan ni Jehova, ang Kataas-taasan Pastol, si Jesu-Kristo na maging “ang mabuting pastol.” (Juan 10:11) Sa Lucas 12:32, tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang Mabuting Pastol at sinabi sa kanila: “Huwag kayong mangatakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan na ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.”
18. (a) Sino sa ngayon ang kumakatawan sa mga Nethinim at sa mga anak na lalaki ng hindi Israelitang mga lingkod ni Solomon? (b) Kanino sila malapit na nakikisama?
18 Noong sinaunang panahon, may mga hindi Judio, gaya ng mga Nethinim at ang mga anak na lalaki ng hindi Israelitang mga lingkod ni Solomon, na nakisama sa bansang Israel. (Ezra 2:43-58; 8:17-20) Gayundin naman sa ngayon, may mga lalaki at mga babae na lubusang nag-alay sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na hindi espirituwal na mga Israelita. Gayunman, sila ay nakikisama sa nalabi ng espirituwal na Israel dahilan sa pag-aalay nila ng kanilang sarili sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, “na ibinigay ang kaniyang sarili na katumbas na pantubos para sa lahat.” (1 Timoteo 2:6) Sa ngayon, nahihigitan nito ang bilang ng 144,000 espirituwal na mga Israelita, na magmamana ng makalangit na Kaharian.
19. Ano ang sinabi ni Jesu-Kristo na nagpapakita na siya ay magiging Pastol hindi lamang ng “munting kawan”?
19 Sa gayon si Jesu-Kristo ay aatasan, sa takdang panahon ng Diyos, na maging Pastol sa mas malaking kawan ng tulad-tupang mga tao na magmamana ng isang makalupang mana sa pamamagitan niya. Ito yaong mga nasa isipan niya nang sabihin niya: “Mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.” Nasa isipan ang “ibang tupa” na ito, si apostol Juan ay sumulat tungkol kay Jesus: “Siya’y pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.”—Juan 10:16; 1 Juan 2:2.
20. (a) Ano ang bilang ng “ibang tupa” kung ihahambing sa nalalabi ng “munting kawan”? (b) Ano ang kahulugan ng pangangalaga ng Mabuting Pastol para sa kanilang lahat?
20 Sa ngayon, wala pang 9,000 ang nag-aangking mga membro ng nalabi ng “munting kawan” ng espirituwal na tupa. Sa kabilang panig, angaw-angaw na mga nag-alay ang nakikisama sa pinahirang nalabi sa pagsunod sa mga yapak ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. Sila ay masusumpungan sa mahigit 200 mga lupain sa buong globo. Ano ang kahulugan ng pangangalaga ng Mabuting Pastol para sa kanilang lahat? Ito’y nangangahulugan ng pagtatamasa ng kapayapaan at katiwasayan! Kung wala silang kapayapaan sa isa’t isa, hindi magkakaroon ng taos-pusong pagkakaisa at di-nasisirang pagtutulungan sa gitna nila. Kung wala silang maibiging pagkabahala sa isa’t isa kung tungkol sa espirituwal na mga kapakanan, hindi sila magkakaroon ng katiwasayan na tinatamasa nila. Kaya, ang kanilang pagnanasa ng kapayapaan at katiwasayan sa buong lupa ay nasasapatan na kahit na sa ngayon.