Maglingkod kay Jehova Nang Buong Katapatan
“Sa sinumang tapat ikaw [Jehova] ay makikitungo nang may katapatan.”—2 SAMUEL 22:26.
1. Papaano nakikitungo si Jehova sa mga tapat sa kaniya?
SI Jehova ay hindi mababayaran para sa lahat ng kaniyang ginagawa sa kaniyang bayan. (Awit 116:12) Tunay na kahanga-hanga ang kaniyang espirituwal at materyal na mga kaloob at malumanay na kaawaan! Batid din noon ni Haring David ng sinaunang Israel na ang Diyos ay nakikitungo rin naman nang may katapatan sa mga tapat sa kaniya. Gayon ang sinabi ni David sa isang awit na siya ang may-akda “nang araw na iniligtas siya ni Jehova buhat sa kamay ng kaniyang kaaway at buhat sa kamay ni [Haring] Saul.”—2 Samuel 22:1.
2. Ano ang ilang mga puntong inihaharap ng awit ni David sa 2 Samuel kabanata 22?
2 Sinimulan ni David ang kaniyang awit (katumbas ng Awit 18) sa pamamagitan ng pagpuri kay Jehova bilang “ang Tagapagligtas” na tumutugon sa panalangin. (2 Samuel 22:2-7) Mula sa kaniyang makalangit na templo, ang Diyos ay kumilos upang iligtas ang kaniyang tapat na lingkod buhat sa makapangyarihang mga kaaway. (2Sa 22 Talatang 8-19) Sa gayon ay ginantimpalaan si David sa pagtataguyod ng katuwiran at paglakad sa mga daan ni Jehova. (2Sa 22 Talatang 20-27) Sumunod ay isinaysay ang mga nagawa sa tulong ng bigay-Diyos na kalakasan. (2Sa 22 Talatang 28-43) Ang huli, binanggit ni David ang pagkaligtas buhat sa mga pakikipagtalo sa kaniyang bayan at buhat sa mga kaaway sa ibang bayan at nagpasalamat kay Jehova bilang “ang Isang gumagawa ng mga dakilang pagliligtas sa kaniyang hari at nagpapakita ng kagandahang-loob sa kaniyang pinahiran.” (2Sa 22 Talatang 44-51) Tayo man ay maililigtas ni Jehova kung tayo’y magtataguyod ng katuwiran at aasa sa kaniya ng lakas.
Kung Ano ang Kahulugan ng Pagiging Tapat
3. Batay sa Kasulatan, ano ang kahulugan ng pagiging tapat?
3 Ang awit ni David ng kaligtasan ay nagbibigay sa atin ng ganitong nakaaaliw na kasiguruhan: “Sa sinumang tapat ikaw [Jehova] ay makikitungo na may katapatan.” (2 Samuel 22:26) Ang pang-uring Hebreo na cha·sidhʹ ang may kahulugang “sinumang tapat,” o “isang may kagandahang-loob.” (Awit 18:25, talababa) Ang pangngalang che·sedhʹ ay may diwa ng kabaitan na maibiging nag-uugnay ng sarili sa isang bagay hanggang sa ang layunin niyaon na may kaugnayan doon ay matupad. Ang ganiyang uri ng kabaitan ang ipinakikita ni Jehova sa kaniyang mga lingkod, gaya ng kanilang ipinahahayag para sa kaniya. Ang matuwid, banal na katapatang ito ay isinasaling “kagandahang-loob” at “tapat na pag-ibig” (Genesis 20:13; 21:23) Sa Kasulatang Griego, ang “katapatan” ay may taglay na diwa ng kabanalan at pagpapakundangan, na inihahayag ng pangngalang ho·si·oʹtes at ng pang-uring hoʹsi·os. Sa gayong katapatan ay kasali ang pagkamatapat at debosyon at nangangahulugang maging relihiyoso at maingat sa pagsasagawa ng lahat ng tungkulin sa Diyos. Ang pagiging tapat kay Jehova ay nangangahulugan ng pananatili sa kaniya na taglay ang napakatibay na debosyon na nagsisilbing tulad ng isang matibay na pandikit.
4. Papaano ipinakikita ang katapatan ni Jehova?
4 Ang katapatan ni Jehova ay ipinakikita sa maraming paraan. Halimbawa, kaniyang isinasagawa ang kahatulan laban sa mga balakyot dahil sa tapat na pag-ibig sa kaniyang bayan at sa katapatan sa katarungan at katuwiran. (Apocalipsis 15:3, 4; 16:5) Ang katapatan sa kaniyang tipan kay Abraham ang nag-udyok sa kaniya na maging mapagbata sa mga Israelita. (2 Hari 13:23) Yaong mga tapat sa Diyos ay makaaasa sa kaniyang tulong hanggang sa katapusan ng kanilang takbuhin at kanilang masisiguro na sila’y aalalahanin niya. (Awit 37:27, 28; 97:10) Si Jesus ay napatibay ng kaalaman na bilang ang pangunahing “tapat” sa Diyos, ang kaniyang kaluluwa ay hindi pababayaan sa Sheol.—Awit 16:10; Gawa 2:25, 27.
5. Yamang si Jehova ay tapat, ano ang kaniyang kahilingan sa kaniyang mga lingkod, at anong tanong ang isasaalang-alang natin?
5 Yamang ang Diyos na Jehova ay tapat, ang katapatan ay kahilingan niya sa kaniyang mga lingkod. (Efeso 4:24) Halimbawa, ang mga lalaki ay kailangang tapat upang maging kuwalipikado na mahirang bilang matatanda sa kongregasyon. (Tito 1:8) Anong mga bagay ang dapat magpakilos sa mga lingkod ni Jehova upang maglingkod sa kaniya nang buong katapatan?
Pagpapahalaga sa mga Natutuhan
6. Ano ang dapat nating madama tungkol sa mga bagay sa Kasulatan na ating natutuhan, at ano ang dapat nating tandaan tungkol sa gayong kaalaman?
6 Ang pasasalamat dahil sa mga bagay sa Kasulatan na ating natutuhan ay dapat magpakilos sa atin na maglingkod kay Jehova nang buong katapatan. Si Timoteo ay pinayuhan ni apostol Pablo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat ka na paniwalaan, yamang nalalaman mo kung kanino mo natutuhan ang mga iyon at mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na nakapagpaparunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya na may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Timoteo 3:14, 15) Tandaan na ang gayong kaalaman ay nanggaling sa Diyos sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.
7. Ano ang dapat madama ng matatanda kung tungkol sa espirituwal na pagkaing inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng tapat na alipin?
7 Ang hinirang na matatanda lalo na ang dapat magpahalaga sa nakapagpapalusog na pagkaing espirituwal na inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng tapat na alipin. Mga ilang taon na ngayon ang ilang matatanda ay kulang ng ganiyang pagpapahalaga. Isang tagapagmasid ang nakapansin na ang mga lalaking ito “ay palapintas sa mga artikulo sa Ang Bantayan, hindi nila ibig na tanggapin iyon bilang . . . ang alulod ng Diyos ng katotohanan, laging sinisikap na maimpluwensiyahan ang iba sa kanilang paraan ng pag-iisip.” Subalit, ang tapat na matatanda ay hindi nagsisikap na maimpluwensiyahan ang iba na tanggihan ang anuman sa espirituwal na pagkaing inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng tapat na alipin.
8. Ano kung hindi natin lubusang inuunawa ang ilang punto sa Kasulatan na iniharap ng tapat at maingat na alipin?
8 Bilang nag-alay na mga Saksi ni Jehova, lahat tayo ay kailangang maging tapat sa kaniya at sa kaniyang organisasyon. Huwag nating pag-isipan man lamang na humiwalay sa kahanga-hangang liwanag ng Diyos, lumakad sa landas ng mga apostata na maaaring umakay sa atin sa espirituwal na kamatayan ngayon at balang araw ay sa pagkapuksa. (Jeremias 17:13) Subalit kumusta naman kung nahihirapan tayo na tanggapin o lubusang unawain ang ilang punto sa Kasulatan na iniharap ng tapat na alipin? Kung gayon ay mapagpakumbabang kilalanin natin kung saan natin natutuhan ang katotohanan at manalangin na bigyan ng karunungan sa pakikitungo sa pagsubok na ito hanggang sa ito’y matapos dahil sa paglalathala ng paliwanag sa bagay na ito.—Santiago 1:5-8.
Pahalagahan ang Kapatirang Kristiyano
9. Papaano ipinakikita ng 1 Juan 1:3-6 na ang mga Kristiyano ay kailangang may espiritu ng pakikisama?
9 Ang taus-pusong pagpapahalaga sa espiritu ng pagsasamahan na umiiral sa loob ng ating kapatirang Kristiyano ay nagbibigay ng isa pang pampasigla upang maglingkod kay Jehova nang buong katapatan. Ang totoo, ang ating kaugnayan sa Diyos at kay Kristo ay hindi maaaring maging matatag sa espirituwal kung wala ang espiritung ito. Si apostol Juan ay nagsabi sa pinahirang mga Kristiyano: “Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo man ay aming makabahagi [“makasama,” Diaglott]. Isa pa, ito’y pakikibahagi natin sa Ama at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. . . . Kung sinasabi natin: ‘Tayo’y may pakikibahagi sa kaniya,’ subalit patuloy na lumalakad tayo sa kadiliman, tayo’y nagsisinungaling at hindi nagsasagawa ng katotohanan.” (1 Juan 1:3-6) Ang simulaing ito ay kumakapit sa lahat ng Kristiyano, ang pag-asa man nila ay sa langit o sa lupa.
10. Bagaman si Euodia at si Syntique ay nahirapan marahil na lutasin ang isang personal na suliranin, ano ang pangmalas ni Pablo sa mga babaing ito?
10 Kailangan ang pagsisikap upang makapanatiling may espiritu ng pakikisama. Halimbawa, ang mga babaing Kristiyano na si Euodia at si Syntique ay marahil nahirapan sa paglutas ng suliraning namagitan sa kanila. Kaya pinayuhan sila ni Pablo na “magkaisa ng pag-iisip sa Panginoon.” Isinusog niya: “Ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pamatok, na patuloy na tulungan ang mga babaing ito na nangagpagal na kasama ko sa pagtataguyod ng mabuting balita kasama si Clemente gayundin ang iba pa sa aking mga kamanggagawa, na ang pangalan ay nasa aklat ng buhay.” (Filipos 4:2, 3) Ang maka-Diyos na mga babaing iyon ay nagpagal na kasama ni Pablo at ng iba pa sa pagtataguyod ng “mabuting balita,” at natitiyak niya na sila’y kabilang sa mga taong ‘ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.’
11. Kung ang isang tapat na Kristiyano ay mapaharap sa isang espirituwal na suliranin, ano ang tamang isaisip?
11 Ang mga Kristiyano ay hindi nagsusuot ng isang insigniya upang ipakita ang ibinigay sa kanilang pribilehiyo sa organisasyon ni Jehova at kung papaano napaglingkuran na nila siya nang buong katapatan. Kung sila’y may espirituwal na suliranin, tunay na kawalan ng pag-ibig na hindi isaalang-alang ang kanilang mga taon ng tapat na paglilingkuran kay Jehova! Malamang, ang isang tinawag na “tapat na kasama sa pamatok” ay isang matapat na kapatid na handang tumulong sa iba. Kung ikaw ay isang matanda, ikaw ba ay isang “tapat na kasama sa pamatok,” na handang tumulong sa isang paraang mahabagin? Harinawang isaalang-alang nating lahat ang kabutihang nagawa ng ating mga kapananampalataya, gaya rin ng ginagawa ng Diyos, at maibiging tulungan sila na dalhin ang kanilang mga pasanin.—Galacia 6:2; Hebreo 6:10.
Wala Nang Iba Pang Mapupuntahan
12. Nang dahil sa mga salita ni Jesus ay ‘maraming alagad ang nagsibalik sa mga bagay na iniwan na nila,’ ano ang paninindigan ni Pedro?
12 Tayo ay mauudyukan na maglingkod kay Jehova nang buong katapatan sa loob ng kaniyang organisasyon kung ating tatandaan na wala nang iba pang mapupuntahan para matamo ang buhay na walang-hanggan. Nang sa mga pangungusap ni Jesus ay ‘maraming alagad ang nangagbalik sa mga bagay na iniwanan na nila,’ itinanong niya sa kaniyang mga apostol: “Ibig ba rin ninyong magsialis?” si Pedro ay tumugon: “Panginoon, kanino pa kami paroroon? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang-hanggan; at kami’y sumasampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal na Isa ng Diyos.”—Juan 6:66-69.
13, 14. (a) Bakit ang Diyos ay walang pagsang-ayon sa Judaismo noong unang siglo? (b) Ano ang sinabi ng isang matagal nang Saksi ni Jehova tungkol sa nakikitang organisasyon ng Diyos?
13 Ang “mga salita ng buhay na walang-hanggan” ay hindi masusumpungan sa Judaismo noong unang siglo C.E. Ang pinakamalaking kasalanan nito ay ang pagtanggi kay Jesus bilang Mesiyas. Wala sa anumang anyo nito na doon ang Judaismo’y nakasalig sa Kasulatang Hebreo lamang. Itinatwa ng mga Saduceo ang pag-iral ng mga anghel at hindi sila naniniwala sa pagkabuhay-muli. Bagaman ang mga Fariseo ay hindi nila kasang-ayon sa mga bagay na ito, ang kanilang kasalanan ay nasa pagwawalang-kabuluhan sa Salita ng Diyos dahilan sa kanilang mga sali’t saling-sabi na wala sa Kasulatan. (Mateo 15:1-11; Gawa 23:6-9) Ang mga sali’t saling-sabing ito ang umalipin sa mga Judio at nahirapan ang marami na tanggapin si Jesu-Kristo. (Colosas 2:8) Ang sigasig sa ‘mga sali’t saling-sabi ng kaniyang mga ninuno’ ang humila kay Saulo (Pablo) na sa kaniyang kawalang-muwang ay maging isang mahigpit na mang-uusig sa mga tagasunod ni Kristo.—Galacia 1:13, 14, 23.
14 Walang pagsang-ayon ang Diyos sa Judaismo, subalit pinagpala ni Jehova ang organisasyon na binubuo ng mga tagasunod ng kaniyang Anak—‘isang bayan na masigasig sa mabubuting gawa.’ (Tito 2:14) Ang organisasyong iyan ay umiiral pa rin, at tungkol dito isang matagal nang Saksi ni Jehova ang nagsabi: “Kung mayroon mang bagay na naging pinakamahalaga sa akin, iyon ay ang pananatiling malapít sa nakikitang organisasyon ni Jehova. Ang aking maagang mga karanasan ang nagturo sa akin kung papaanong walang katatagan na tumiwala sa pangangatuwiran ng tao. Minsang nagliwanag ang aking isip sa puntong iyan, ako’y naging determinado na manatili sa tapat na organisasyon. Sa papaano pa makakamit ng isa ang pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova?” Wala nang iba pang mapupuntahan para kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos at ang buhay na walang-hanggan.
15. Bakit dapat makipagtulungan sa nakikitang organisasyon ni Jehova at sa mga bumabalikat doon ng pananagutan?
15 Ang ating mga puso ay dapat mag-udyok sa atin na makipagtulungan sa organisasyon ni Jehova dahilan sa alam natin na ito lamang ang pinapatnubayan ng kaniyang espiritu at nagtatanyag ng kaniyang pangalan at mga layunin. Mangyari pa, yaong mga bumabalikat ng pananagutan dito ay mga di-sakdal. (Roma 5:12) Subalit “ang galit ni Jehova ay nagsiklab” laban kay Aaron at kay Miriam nang sila’y makipagtalo kay Moises at makalimot na siya, hindi sila, ang pinagkatiwalaan ng bigay-Diyos na pananagutan. (Bilang 12:7-9) Sa ngayon, ang tapat na mga Kristiyano ay nakikipagtulungan sa “mga nangunguna” sapagkat iyan ang kahilingan ni Jehova. (Hebreo 13:7, 17) Kabilang sa patotoo ng ating katapatan ay ang palagiang pagdalo sa mga pulong Kristiyano at pagkokomento na ‘nag-uudyok sa iba sa pag-iibigan at mabubuting gawa.’—Hebreo 10:24, 25.
Maging Pampatibay
16. Ang pagnanasang maging ano sa iba ay magpapakilos din sa atin na maglingkod kay Jehova nang buong katapatan?
16 Ang pagnanasang maging pampatibay sa iba ay dapat ding maging motibo natin sa paglilingkod kay Jehova nang buong katapatan. Sumulat si Pablo: “Ang kaalaman ay nagpapalalo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1 Corinto 8:1) Yamang ang isang uri ng kaalaman ay nagpapalalo sa mga may taglay niyaon, tiyak na ang ibig sabihin ni Pablo ay pinatitibay rin ng pag-ibig yaong mga nagpapakita ng katangiang iyan. Isang aklat nina Propesor Weiss at English ang nagsasabi: “Ang taong may katangian na umibig ay karaniwan nang iniibig naman. Ang kakayahan na magpakita ng kabutihang-loob at konsiderasyon sa lahat ng pitak ng buhay . . . ay may lubhang mabuting epekto sa taong nagpapakita ng gayong damdamin at gayundin sa taong tumatanggap nito at sa gayo’y nagdadala ng kaluguran sa magkabilang panig.” Sa pagpapakita ng pag-ibig, ating pinatitibay ang iba at ang ating sarili, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap”—Gawa 20:35.
17. Papaano nagpapatibay ang pag-ibig, at dahil dito ay ano ang maiiwasan nating gawin?
17 Sa 1 Corinto 8:1, ay ginamit ni Pablo ang salitang Griego na a·gaʹpe, na tumutukoy sa may simulaing pag-ibig. Ito’y nagpapatibay, sapagkat mapagbata at mabait, binabata at tinitiis ang lahat ng bagay, at hindi nagkukulang. Ang pag-ibig na ito ay nag-aalis sa nakapipinsalang mga emosyon, tulad halimbawa ng pagmamataas at pagkamapanibughuin. (1 Corinto 13:4-8) Ang ganiyang pag-ibig ay maglalayo sa atin sa pagrereklamo tungkol sa ating mga kapatid, na mga di-sakdal na kagaya rin natin. Sa tulong nito ay maiiwasan natin ang mapatulad sa “masasamang tao” na “pumuslit” sa gitna ng tunay na mga Kristiyano noong unang siglo. “Niwawalang-kabuluhan [ng mga taong ito] ang pagkapanginoon at nilalait ang mga maluwalhati,” marahil tinutuya ang gayong mga tao bilang pinahirang mga tagapangasiwang Kristiyano na binigyan ng ilang karangalan. (Judas 3, 4, 8) Taglay ang katapatan kay Jehova, huwag tayong padala sa tukso na gumawa ng anumang katulad nito.
Labanan ang Diyablo!
18. Ano ang nais ni Satanas na gawin sa bayan ni Jehova, ngunit bakit hindi niya ito magawa?
18 Ang pagkaalam na nais ni Satanas na sirain ang ating pagkakaisa bilang bayan ng Diyos ay dapat magpatindi ng ating determinasyon na maglingkod kay Jehova nang buong katapatan. Nais pa nga ni Satanas na lipulin ang lahat ng lingkod ng Diyos, at ang tunay na mga mananampalataya ay pinapatay kung minsan ng mga lingkod ng Diyablo. Subalit hindi papayagan ng Diyos na silang lahat ay malipol ni Satanas. Si Jesus ay namatay upang “mapuksa niya ang isa na nagpapangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo.” (Hebreo 2:14) Ang sakop na paggagamitan ng kapangyarihan ay naging limitado lalo na buhat ng palayasin siya sa langit matapos maging Hari si Kristo noong 1914. At sa takdang panahon ni Jehova, pupuksain ni Jesus si Satanas at ang kaniyang organisasyon.
19. (a) Anong babala tungkol sa mga pagsisikap ni Satanas ang ibinigay ng magasing ito mga taon na ang lumipas? (b) Upang maiwasan ang mga silo ni Satanas, anong pag-iingat ang nararapat kung nakikitungo sa mga kapananampalataya?
19 Minsan ay nagbabala ang magasing ito: “Kung magagawa ni Satanas, na diyablo, na magbangon ng kaguluhan sa gitna ng bayan ng Diyos, magagawa na sila’y mag-away-away at maglaban-laban, o magpakita at magpaunlad ng mapag-imbot na saloobin na aakay sa pagkawala ng pag-iibigan sa gitna ng magkakapatid, sa ganito’y magtatagumpay siya ng paninila sa kanila.” (The Watch Tower, Mayo 1, 1921, pahina 134) Huwag nating payagang sirain ng Diyablo ang ating pagkakaisa, marahil sa pamamagitan ng paghila sa atin na manirang-puri, o maglaban-laban. (Levitico 19:16) Harinawang tayo’y huwag madaig ni Satanas sa paraan na ating personal na pinipinsala yaong mga tapat na naglilingkod kay Jehova o lalong pinahihirap ang buhay para sa kanila. (Ihambing ang 2 Corinto 2:10, 11.) Bagkus, ikapit natin ang mga salita ni Pedro: “Palaging talasan ang inyong pakiramdam, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila. Ngunit labanan ninyo siya nang matatag sa pananampalataya.” (1 Pedro 5:8, 9) Sa pamamagitan ng matatag na paninindigan laban kay Satanas, mapananatili natin ang ating pinagpalang pagkakaisa bilang bayan ni Jehova.—Awit 133:1-3.
Ang Pagtitiwala sa Diyos Kasama ang Panalangin
20, 21. Papaanong ang pagtitiwala kay Jehova kasama ang panalangin ay kaugnay ng paglilingkod sa kaniya nang buong katapatan?
20 Ang pagtitiwala sa Diyos kasama ang panalangin ay tutulong sa atin na magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova nang buong katapatan. Pagka nakita natin na kaniyang sinasagot ang ating mga panalangin, tayo ay lalong napapalapit sa kaniya. Ang pagtitiwala sa Diyos na Jehova kasama ang panalangin ay ipinayo nang sumulat si apostol Pablo: “Ibig ko nga na ang mga tao’y magsipanalangin sa bawat dako, na iunat ang banal na mga kamay, walang pagkakagalit at pagtatalu-talo.” (1 Timoteo 2:8) Halimbawa, anong pagkahala-halaga nga na ang matatanda ay magkaroon ng pagtitiwala sa Diyos kasama ang panalangin! Ang gayong katunayan ng katapatan kay Jehova pagka nagpupulong upang talakayin ang mga bagay sa kongregasyon ay tutulong upang maiwasan ang walang katapusang mga pagtatalu-talo at posibleng pagsilakbo ng galit.
21 Ang pagtitiwala sa Diyos na Jehova kasama ang panalangin ay tutulong sa atin na asikasuhin ang mga pribilehiyo sa paglilingkod sa kaniya. Isang lalaki na naglingkod kay Jehova nang buong katapatan sa loob ng maraming taon ang makapagsasabi: “Ang aming kusang pagtanggap sa anumang atas na ibinigay sa amin ng pambuong-daigdig na organisasyon ng Diyos, at ang aming pananatili sa aming tungkulin, di-nakikilos, ay nagdala ng ngiti ng pagsang-ayon ng Diyos sa aming taimtim na mga pagsisikap. Kahit na kung ang iniatas na gawain ay waring mababang-uri, kadalasan ay lumalabas na kung kinaligtaang gawin iyon maraming ibang mahahalagang serbisyo ang hindi magagawa. Kaya kung tayo ay mapagpakumbaba at tuwirang interesado sa pagluwalhati sa pangalan ni Jehova at hindi sa ating sarili, matitiyak natin na tayo’y laging magiging ‘matatag, di-nakikilos, maraming gawain kay Jehova.’ ”—1 Corinto 15:58.
22. Papaano dapat maapektuhan ang ating katapatan ng maraming pagpapala ni Jehova?
22 Mangyari pa, anuman ang ating gawin sa paglilingkod kay Jehova, siya’y hindi natin mababayaran sa kaniyang ginagawa para sa atin. Anong tatag natin sa organisasyon ng Diyos, na napaliligiran ng mga kaibigan niya! (Santiago 2:23) Tayo’y pinagpala ni Jehova ng pagkakaroon ng pagkakaisa na nanggagaling sa pag-iibigang magkakapatid na totoong malalim ang pagkakaugat kung kaya hindi ito mabubunot kahit ni Satanas. Kung gayon ay kumapit tayo nang buong higpit sa ating tapat na Ama sa langit at gumawang sama-sama bilang kaniyang bayan. Ngayon at magpakailanman, maglingkod tayo kay Jehova nang buong katapatan.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang kahulugan ng pagiging tapat?
◻ Ano ang ilang bagay na dapat magpakilos sa atin na maglingkod nang buong katapatan kay Jehova?
◻ Bakit kailangang labanan natin ang Diyablo?
◻ Papaano tayo matutulungan ng panalangin na maging tapat na mga lingkod ni Jehova?
[Larawan sa pahina 23]
Hindi pinapayagan ng tapat na mga lingkod ni Jehova na ang kanilang pagkakaisa ay sirain ng kanilang tulad-leong Kaaway, ang Diyablo