Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 6/22 p. 18-20
  • Paano Ko Magagamit Nang Wasto ang Meykap?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Magagamit Nang Wasto ang Meykap?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Panuntunan Mula sa Salita ng Diyos
  • Bago Maglagay ng Meykap
  • Pagsusuri sa Inyong Pangangailangan
  • Mga Tip sa Meykap
  • Kailan Kaya Ako Payagan ng Aking mga Magulang na Magmeykap?
    Gumising!—1990
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Hinggil sa Paglalagay ng Makeup at Pagsusuot ng Alahas?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 6/22 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Magagamit Nang Wasto ang Meykap?

“NAIS mo bang gumamit ng kaunting meykap?” Si Nina ay gulat na gulat nang tanungin siya ng nanay niya ng tanong na iyon. Dalawang taon bago nito, siya ay hindi pinayagang magmeykap. Subalit sa pantanging okasyong ito, isang handaan ng kasal na dadaluhan nila, ipinasiya ng nanay niya na panahon na upang matuto si Nina ng pambabaing sining ng pagmemeykap. “Medyo nininerbiyos ako,” gunita ni Nina. “Hindi ko alam kung paano ilalagay ito nang tama. Kaya nilagyan ako ni Inay ng kaunting lipstick at blush.”

Marahil ay inaakala rin ng iyong mga magulang na angkop para sa iyo na magmeykap.a Kapag ginagamit nang wasto​—at nang bahagya—​maaaring pagandahin ng meykap ang hitsura ng isa. Gayunman, kung gagamitin nang hindi wasto, kabaligtaran ang epekto nito. “Ang ilang mga babae ay nagmemeykap at ito’y maganda,” sabi ng isang tin-edyer na lalaki. “Ngunit ang ibang babae ay makapal maglagay ng meykap, at pinapapangit sila.”

“Kapag naglalagay sila ng matingkad na kulay, at ito’y talagang, talagang matingkad,” susog ng isang tin-edyer na babae, “ginagawa sila nitong parang payaso!” Paano ka gagamit ng meykap sa paraan na magpapaganda​—hindi magpapapangit—​sa iyong hitsura?

Mga Panuntunan Mula sa Salita ng Diyos

Ang kosmetiks ay hindi na bago. Nakatago sa gitna ng mga kaguhuan ng Israelita ay nasumpungan ang mga mangkok o paleta na nagsilbi sa isang nakapagtatakang makabagong layunin. Ang mga ito “ay ginamit upang ihanda ang mga kulay para sa mukha,” ng mga Israelita. Sang-ayon sa The Biblical Archaeologist, Pebrero 1955, “ang paggamit ng . . . mga kosmetik ay malaganap” kahit noong panahon ng Bibliya.​—Ezekiel 23:40.

Ngayon, ang industriya ng kosmetik ay gumagasta ng mga dalawang libong milyong dolyar sa isang taon sa pag-aanunsiyo sa Estados Unidos lamang. Gumagamit ng napakaganda’t kaakit-akit na mga modelo, itinataguyod nila ang pinakabagong “look,” mula sa “natural” hanggang sa “offbeat.” Ang “look,” na ito, sabi nila, ay mapapasaiyo kung ikaw ay bibili ng isang hanay ng mga produkto ng kosmetik. Gayunman, iilang babae ang nagtagumpay na magmukhang parang mga modelo. At kahit na sila’y mukhang modelo, ang bagong “look” ay maaaring maging luma bago pa maubos ang unang tubo ng lipstick.

Ang Bibliya ay tumutulong sa iyo na huwag masupil ng mga hangin ng moda. Sabi nito: “Huwag kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Noong panahon ng Bibliya, ang ilang babaing Kristiyano ay baka nahilig na magsuot ng marangyang mga kasuotan at masalimuot na mga istilo ng buhok na popular noon. Subalit si apostol Pablo ay nagpayo: “Ibig kong ang mga babae ay magsigayak ng maayos na damit, na may kahinhinan at katinuan ng isip, hindi ng mga istilo ng pag-aayos ng buhok at ginto o perlas o napakamamahaling kasuotan.”​—1 Timoteo 2:9.

Ang payo ni Pablo ay hindi naman nagbabawal sa iyo na ikaw ay maging kaakit-akit. Nangangahulugan lamang ito na ang iyong hitsura ay dapat na “maayos,” o angkop, hindi mapasikat; mahinhin at may katinuan ng isip, hindi naman kakatuwa o sunod sa uso. Ang salitang Griego para sa “mahinhin” ay may diwa na pagkakaroon ng ‘paggalang sa opinyon ng iba,’ at dapat na igalang mo lalo na ang mga opinyon ng iyong mga magulang. Tingnan natin kung paano ito nauugnay sa paggamit ng meykap.

Bago Maglagay ng Meykap

Yamang ang meykap ay ipinalalagay na nagpapaganda sa iyong hitsura, hindi gumawa ng isang maskara o isang balatkayo, makabubuti munang pangalagaan ang iyong natural na hitsura at panlahat na kalusugan. Ang pagpapanatili ng isang timbang na pagkain at pagkakaroon ng sapat na tulog at regular na ehersisyo ay maaaring makagawa ng higit upang gawin kang mas kaakit-akit kaysa magagawa ng anumang meykap.

Ang kasangguni sa kagandahan na si Jane Parks-McKay ay humihimok pa sa mga kabataang babae na “magsimula sa panimula​—yaon ay, ang regular, mabisang pangangalaga sa balat. . . . Maraming tao ang waring pinababayaan ang kanilang balat . . . [at pagkatapos] tinatakpan nila ang kanilang di-gaanong-kaakit-akit na balat ng mga kosmetik sa pag-asang pagagandahin sila nito.”

Ang meykap ay pinakamaganda sa alagang-alagang balat. Sabi ng aklat na A Lifetime of Beauty: “Ang paglilinis sa balat ay parang paghahanda sa isang dingding para sa isang bagong pahid ng pintura: gaano man kaganda ang kulay, ang pagpipintura ay magmumukhang balbon kung may dumi at magaspang na dako sa ilalim. Ang hindi gaanong nalinis na balat ay magtitinging di-makinis at maligasgas.”

Kaya isang makeup artist ang nagsabi sa Gumising!: “Sa umaga, maaaring hilamusan ng babae ang kaniyang mukha ng isang mahusay na facial cleanser. Maaari niya itong sundan na isang facial toner at isang magaling na moisturizer.”

Pagsusuri sa Inyong Pangangailangan

Ngayon, tingnang mabuti ang iyong mukha at suriin mo ang iyong magaganda at pangit na katangian. Ikaw ba’y may nangungusap na mata, isang makinis na kutis, o malusog pa nga, na kulay ng balat? Kung gayon malamang na kaunting meykap lamang ang kailangan mo o walang meykap. Sa kabilang panig naman, marahil ang iyong balat ay masyadong malangis (karaniwan sa panahon ng mga pagtitin-edyer) at matagiyawat. O marahil ay mayroon kang katangian sa iyong mukha (gaya ng iyong mga buto ng pisngi) na nais mong itampok. Ang makatuwirang paggamit ng meykap ay maaaring makatulong.

Noong panahon ng Bibliya ang ilang babae ay gumagamit ng itim na pintura upang magtinging ‘malaki ang mata.’ (Jeremias 4:30) Ngayon, ang eye shadow, eyeliner pencils, at liquid eyeliners ay ginagamit sa gayunding epekto. Maaari pa ngang pakinisin ng mga foundation cream at losyon ang magaspang na kutis. Maaaring patingkarin ng blush ang inyong buto ng pisngi.

Ano naman kung kailangan mo ng tulong sa pagpili o paglalagay ng meykap? May mga aklat na makukuha sa mga aklatang pambayan na makatutulong. Subalit baka gusto mo ring tanungin ang iyong nanay o isang mas matandang kaibigan. Ganito ang gunita ng isang tin-edyer na babaing nagngangalang Tina: “Isinama ako ni Inay sa pamimili at nagpatulong ako sa isang makeup clerk kung anong mga kulay ang bagay sa akin.” Ang mga kasangguni sa kagandahan sa kilalang mga tindahan ay makapagbibigay ng payo sa kung anong mga kulay ang pinakabagay sa kulay ng iyong balat at kung paano pinakamabuting ilalagay ang meykap. Subalit yamang ang kanilang trabaho ay pagbilhan ka ng mga produkto, mag-ingat ka at huwag mong bilhin ang mga produktong hindi talaga kailangan. At dahil sa pambihirang pangangailangan ng iyong Kristiyanong istilo-ng-buhay, nanaisin mong tiyakin na hindi ka bibili ng mga kulay na maganda nga sa isang pormal na pupuntahan kung gabi subalit hindi naman angkop sa eskuwela o sa mga gawaing Kristiyano.

Mga Tip sa Meykap

Ang mga istilo ng meykap ay iba-iba sa bawat bansa. Subalit maaaring banggitin ang ilang panlahat na simulain:

Isaalang-alang ang Iyong Uri ng Balat. Yamang ang karamihan ng mga tin-edyer ay may malangis na balat, malamang na mananatili ka sa inihahalo sa tubig, walang langis, na mga meykap. Ito ay hindi makapal, kaya hindi halata ang meykap. Inaakala rin ng marami na ang malangis na mga meykap ay nagpapalala ng acne.

Basahin ang mga Etiketa. Ihambing ang mga sangkap ng mababang-halagang marka sa mamahaling marka. Marahil ang tanging tunay na pagkakaiba ay ang presyo at ang pagkakabalot. Ang pagbabasa ng mga etiketa ay lalo nang mahalaga kung ikaw ay may alerdyi sa meykap.

Gumamit ng Maliwanag na Ilaw. Kung hindi sapat ang liwanag, baka makapal ang mailagay mong meykap. Yamang ang meykap na inilagay sa liwanag ng ilaw na fluorescent ay maaaring magtinging magaspang sa liwanag ng araw, subuking magmeykap malapit sa bintana upang makita mo kung ano ang hitsura nito sa natural na liwanag.

Gamitin Nang Bahagya ang Meykap. Ang isang bagay kahit na mabuti kung sobra ay nakapipinsala. (Ihambing ang Kawikaan 24:​13; 25:27.) Kung ang iyong mukha ay totoong sumisigaw ng “meykap!” makapal o masyadong matingkad ang mga kulay ng meykap mo. Ang sobrang meykap ay nagpapamura sa iyong hitsura at maaari pa ngang magbigay ng maling impresyon kung tungkol sa iyong mga simulain sa asal. (Ihambing ang Ezekiel 23:​36-42.) Kaya manatili sa hindi halata, hindi matingkad, na mga kulay. Maging bihasa sa mga paraan ng paglalagay ng meykap upang ang blush ay hindi magtinging ikinulapol sa iyong mukha o ikaw ay magmukhang raccoon dahil sa iyong eyeshadow.

Linising Mabuti ang Iyong Mukha. Sabi ng aklat na A Lifetime of Beauty: “Huwag na huwag kang matutulog nang hindi inaalis ang lahat ng bakas ng meykap . . . Ang kinaugaliang pagtulog na may suson ng dumi, mga labí at patay na selula ng balat na nakadikit sa iyong mukha ay gagawa sa iyong kutis na mukhang marumi at hindi makinis.” Sinasabi pa nga ng isang dermatologo na “maaari ka pang maimpeksiyon at mangati kung hindi mo aalisin ang lahat ng meykap gabi-gabi bago matulog.” Gumamit ng pang-alis ng meykap, gaya ng cold cream, upang linisin ang iyong mukha.

“Ang kagandahan ay walang kabuluhan,” sabi ng Kawikaan 31:​30, at hindi maitatago kahit na ng maganda ang pagkakalagay na meykap ang isang negatibong disposisyon o mababaw na isip. Ang Bibliya ay nagpapaalaala sa atin: “Ang inyong kagandahan ay hindi dapat manggaling sa panlabas na paggayak . . . Bagkus, ito’y dapat na ang inyong panloob na pagkatao, ang hindi kumukupas na kagandahan ng mahinahon at maamong espiritu, na mas mahalaga sa paningin ng Diyos.”​—1 Pedro 3:​3, 4, New International Version.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Bakit Ayaw Akong Payagan ng Aking mga Magulang na Magmeykap?” na lumilitaw sa Mayo 22, 1990, na labas ng Gumising!

[Kahon sa pahina 20]

Mga Panganib ng Meykap

Ang tagapagtaguyod ng mga mamimili na si Elaine Brumberg ay nag-uulat: “Maraming kemikal at mga sangkap sa kosmetik ang tumatagos sa balat at pumapasok sa katawan.” Ang ilang karaniwang ginagamit na sangkap ay pinaghihinalaang mga carcinogen (nakakakanser).

Ang ibang sangkap naman (karaniwan na ang mga pabango at preserbatibo) ay kilalang pinagmumulan ng alerdyi mula sa pangangati hanggang sa pagbahin. Totoo, ang ilang produkto ay nagsasabing hypoallergenic o “allergy tested.” Subalit kung ano ang reaksiyon mo sa isang produkto ay matitiyak lamang ng karanasan at ng maingat na pagsusuri sa mga etiketa.

Ang isa pang malaganap na panganib ay ang bakteriolohikal na pagkahawa. Ang mascara ay maaaring pamugaran ng pagkaliliit na organismo na inilipat doon mula sa talukap ng mata o mga daliri sa pamamagitan ng tagapaglagay ng mascara. Maaari itong pagmulan ng mga impeksiyon sa mata kung hahayaang makiskis ng mascara wand ang mata. Ang pagkahawa ay isang problema lalo na sa mga sampol ng tindahan kung saan hinawakan na ito dose-dosenang tao. Kaya nga inirerekomenda ng ilang eksperto na iwasang maglagay ng mga sampol ng tindahan sa iyong mukha.

[Larawan sa pahina 18]

Maaaring turuan ka ng iyong ina ng sining ng paglalagay ng meykap

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share