Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Huling Araw, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Mga Huling Araw na Iniugnay sa Apostasya. Kung minsan, ang pananalitang “mga huling araw” at iba pang katulad nito ay iniuugnay sa pagbangon ng apostasya sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sumulat ang apostol na si Pablo kay Timoteo: “Ang kinasihang pananalita ay tiyakang nagsasabi na sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” (1Ti 4:1; ihambing ang Gaw 20:29, 30.) Sa isa pang liham ni Pablo kay Timoteo, muli niyang tinalakay ang puntong ito at may binanggit siyang “mga huling araw” na darating. Dahil sa pagtalikod ng mga tao sa tamang paggawi, ang mga huling araw na iyon ay magiging “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” o, sa mas literal na salin, ‘mababangis na takdang panahon.’ (Int) Matapos niyang ilarawan nang detalyado ang likong landasin at masasamang ugali ng mga tao sa panahong iyon, nagpatuloy si Pablo: “Mula sa mga ito ay bumabangon yaong mga tao na may-katusuhang pumapasok sa mga sambahayan at dinadala bilang kanilang mga bihag ang mahihinang babae na lipos ng mga kasalanan, naakay ng iba’t ibang pagnanasa, laging nag-aaral gayunma’y hindi kailanman sumasapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (2Ti 3:1-7) Pagkatapos ay ipinakita ni Pablo na naiiba si Timoteo sa tiwaling mga taong iyon, dahil maingat nitong sinundan ang turo ng apostol, at pinatibay-loob niya si Timoteo na ‘magpatuloy sa mga bagay na kaniyang natutuhan at nahikayat na sampalatayanan.’ (2Ti 3:8-17; tingnan din ang 2Ti 4:3-5.) Batay sa konteksto, maliwanag na patiunang ipinagbibigay-alam ng apostol kay Timoteo kung ano ang mangyayari sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano at inilalarawan niya kung ano ang ibubunga ng gayong apostasya.

      Sa katulad na paraan, patiunang ipinaalam ng apostol na si Pedro sa mga kapuwa Kristiyano ang mga panggigipit na magmumula sa loob ng kongregasyon: “Magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo. Ang mga ito ay tahimik na magpapasok ng mapanirang mga sekta at magtatatwa maging sa may-ari na bumili sa kanila, na nagdadala ng mabilis na pagkapuksa sa kanilang sarili. Karagdagan pa, marami ang susunod sa kanilang mahahalay na paggawi.” (2Pe 2:1, 2) Ganito rin ang babalang nilalaman ng mga salita ni Judas na nagpapatibay-loob sa mga Kristiyano na “puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya”: “Kung tungkol sa inyo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga pananalita na sinalita na noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kung paanong sinasabi nila noon sa inyo: ‘Sa huling panahon ay magkakaroon ng mga manunuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa sa di-makadiyos na mga bagay.’⁠” (Jud 3, 17, 18) Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., hayag na ang pag-iral ng mga apostata. Sa ating panahon, kitang-kita na ang mga bunga ng gayong apostasya. Dumating na ang “mga huling araw” na tinukoy ni Pablo.

  • Huling Araw, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Karagdagan pa, ipinahihiwatig ng ilustrasyon na ang apostasya ay lubusang mamumunga ng kabalakyutan sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. Kaya maaasahan na sa panahong iyon, ang mga kalagayang inilarawan ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na palatandaan ng “mga huling araw” ay magiging hayag na hayag sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano. Lalago ang katampalasanan at marami ang magiging masuwayin sa mga magulang. Ang mga tao ay magiging “maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2Ti 3:2-5) Magkakaroon din ng “mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’⁠”​—2Pe 3:3, 4.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share