Lumakad na Gaya ng mga Naturuan ng Diyos
“Tayo’y umakyat sa bundok ni Jehova . . . , at kaniyang tuturuan tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.”—MIKAS 4:2.
1. Ayon kay Mikas, ano ang gagawin ng Diyos para sa kaniyang bayan sa mga huling araw?
INIHULA ng propeta ng Diyos na si Mikas na “sa huling bahagi ng mga araw,” sa panahon natin, maraming tao ang masigasig na maghahanap sa Diyos, upang sumamba sa kaniya. Ang mga ito ay magpapalakas-loob sa isa’t isa, na nagsasabing: “Tayo’y umakyat sa bundok ni Jehova . . . , at kaniyang tuturuan tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.”—Mikas 4:1, 2.
2, 3. Papaano natutupad ngayon ang hula ni Pablo tungkol sa pagiging mga maibigin sa salapi ng mga tao?
2 Ang pag-aaral natin ng 2 Timoteo 3:1-5 ay makatutulong sa atin na makita ang mga resulta ng pagiging naturuan ng Diyos sa “mga huling araw.” Sa naunang artikulo, nagsimula tayo sa pamamagitan ng pagbanggit ng mga kapakinabangan para sa mga nagsasapuso ng babala ni Pablo na huwag maging “mga maibigin sa kanilang sarili.” Idinagdag pa ni Pablo na sa panahon natin ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa salapi.”
3 Walang sinuman ang nangangailangan ng isang diploma sa kolehiyo sa modernong kasaysayan upang maunawaan kung papaanong angkop ang mga salitang iyon sa ating mga panahon. Hindi ba may nababasa ka tungkol sa mga kapitalista at mga ulo ng mga korporasyon sa negosyo na hindi nasisiyahan sa pagkita ng napakaraming salapi sa taun-taon? Ang mga maibiging ito sa salapi ay patuloy na naghahangad ng higit pa, kahit na sa pamamagitan ng ilegal na mga paraan. Angkop din ang mga salita ni Pablo sa maraming tao sa ngayon na, bagaman hindi mayayaman, ay masasakim din, hindi nasisiyahan kailanman. Marahil ay kilala mo ang maraming taong gayon sa inyong lugar.
4-6. Papaano tinutulungan ng Bibliya ang mga Kristiyano upang maiwasan ang pagiging mga maibigin sa salapi?
4 Ang binanggit ba ni Pablo ay isang bahagi lamang ng kalikasan ng tao na hindi maiiwasan? Hindi kung sang-ayon sa Awtor ng Bibliya, na noon pa mang una ay nagsabi ng katotohanang ito: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.” Pansinin na hindi sinabi ng Diyos na, ‘Ang salapi ang ugat ng lahat ng nakapipinsalang mga bagay.’ Sinabi niya na iyon ay “ang pag-ibig sa salapi.”—1 Timoteo 6:10.
5 Kapansin-pansin, sang-ayon sa konteksto ng mga salita ni Pablo ang ilan sa maiinam na Kristiyano noong unang siglo ay mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, kahit ang kayamanan ay minana nila o pinagpaguran. (1 Timoteo 6:17) Kung gayon, dapat makita na tayo man ay mayaman o hindi, nagbababala sa atin ang Bibliya tungkol sa panganib ng pagiging isang maibigin sa salapi. Ang Bibliya ba ay may higit pang tagubilin tungkol sa pag-iwas sa malubha at karaniwang depektong ito? Oo, tulad halimbawa sa Sermon sa Bundok ni Jesus. Ang taglay na karunungan nito ay kilala sa buong daigdig. Halimbawa, pansinin ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:26-33.
6 Ayon sa ulat sa Lucas 12:15-21, may binanggit si Jesus na isang taong mayaman na patuloy na nagtipon ng higit pang kayamanan ngunit biglang namatay. Ano ba ang punto ni Jesus? Sinabi niya: “Magbantay laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi resulta ng mga bagay na tinataglay niya.” Kaugnay sa pagbibigay ng gayong payo, hinahatulan ng Bibliya ang katamaran at idiniriin ang halaga ng tapat na pagpapagal. (1 Tesalonica 4:11, 12) Ah, marahil ay tututol ang ilan at sasabihing hindi kumakapit sa mga panahon natin ang mga turong ito—subalit kumakapit ang mga ito, at nagtatagumpay.
Tinuruan at Nakinabang
7. Ano ang dahilan natin upang magtiwala na tayo’y magtatagumpay sa pagkakapit ng payo ng Bibliya tungkol sa mga kayamanan?
7 Sa maraming bansa, makasusumpong ka ng mga halimbawa sa tunay na buhay ng mga lalaki at mga babae buhat sa lahat ng antas ng lipunan o kabuhayan na nagkapit ng banal na mga simulain tungkol sa salapi. Sila’y nakinabang pati na ang kani-kanilang pamilya, gaya ng makikita ng mga taong di-Saksi. Halimbawa, sa aklat na Religious Movements in Contemporary America, mula sa tagapaglathala para sa Princeton University, isang antropologo ang sumulat: “Sa mga publikasyon [ng mga Saksi] at sa mga pahayag sa kongregasyon sila’y pinaaalalahanan na sila’y hindi dumidepende sa mga bagong kotse, mamahaling mga kasuutan, o magarang pamumuhay para sa kanilang katayuan. Gayundin ang isang Saksi ay kailangang magbigay ng isang makatuwirang maghapong paggawa sa kaniyang pinaglilingkuran [at kailangan] na walang-kapintasan sa katapatan . . . Ang ganiyang mga katangian ay nagpapangyaring ang isang taong walang gaanong kasanayan ay maging isang kapaki-pakinabang na empleyado, at ang ilang Saksi sa North Philadelphia [E.U.A.] ay napataas sa mga puwestong may taglay na maraming pananagutan.” Maliwanag, ang mga taong tumanggap ng turo buhat sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita ay napaalalahanan tungkol sa mga saloobin na nagpapahirap ng pakikitungo sa kasalukuyang mga kalagayan. Ang kanilang karanasan ay nagpapatunay na ang mga turo ng Bibliya ay umaakay sa isang mas mainam, higit na maligayang buhay.
8. Bakit mapag-uugnay-ugnay ang mga “mapagmapuri-sa-sarili,” “palalo,” at “mga mamumusong,” at ano ang kahulugan ng tatlong terminong ito?
8 Mapag-uugnay-ugnay natin ang tatlong bagay na binanggit ni Pablo. Sa mga huling araw, ang mga tao ay magiging “mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong.” Ang tatlong katangiang ito ay hindi magkakasingkahulugan, subalit lahat ay may kaugnayan sa pagmamataas. Ang una ay “mapagmapuri-sa-sarili.” Isang diksiyunaryo ang nagsasabi na ang saligang salitang Griego rito ay nangangahulugang: “‘Isa na nagmamataas sa kaniyang sarili kaysa sa talagang nararapat,’ o ‘nangangako ng higit kaysa kaniyang magagawa.’” Mauunawaan mo kung bakit ang ilang Bibliya ay gumagamit ng terminong “hambog.” Kasunod ay ang “palalo,” o sa literal ay “nagpapakitang nakahihigit.” Ang huli ay “mamumusong.” Maaaring isipin ng ilan tungkol sa mamumusong ang mga nagsasalita nang walang galang sa Diyos, subalit sa pinagbabatayang termino ay kasali ang nakapipinsala, nakasisirang-puri, o mapang-abusong pananalita laban sa mga tao. Kaya ang tinutukoy ni Pablo ay pamumusong laban sa Diyos at sa tao.
9. Kakaiba sa umiiral na nakapipinsalang mga saloobin, anong mga saloobin ang hinihimok ng Bibliya na paunlarin ng mga tao?
9 Ano ba ang nadarama mo pagka ikaw ay napaliligiran ng mga taong tumutugon sa paglalarawan ni Pablo, sila man ay mga katrabaho, kamag-aral, o mga kamag-anak? Mas pinadadali ba nito ang iyong pamumuhay? O ang gayong mga tao ba ay nakabibigat sa iyong buhay, anupat nagiging mas mahirap para sa iyo na pakitunguhan ang ating mga panahon? Subalit, ang Salita ng Diyos ay nagtuturo sa atin na iwaksi ang ganitong mga saloobin, anupat nagmumungkahi ng turo na gaya ng masusumpungan sa 1 Corinto 4:7; Colosas 3:12, 13; at Efeso 4:29.
10. Ano ang nagpapakita na ang bayan ni Jehova ay nakikinabang sa pagtanggap ng turo ng Bibliya?
10 Bagaman ang mga Kristiyano ay di-sakdal, ang pagkakapit nila ng mainam na turong ito ay lubhang nakatutulong sa kanila sa mapanganib na mga panahong ito. Ang lathalaing La Civiltà Cattolica sa Italia ay nagsabi na ang isang dahilan kung bakit dumarami ang mga Saksi ni Jehova ay “sapagkat ang kilusan ay nagbibigay sa mga miyembro nito ng isang tiyak at matibay na pagkakakilanlan.” Subalit, sa pananalitang “matibay na pagkakakilanlan,” ang ibig bang sabihin ng manunulat ay “mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong”? Sa kabaligtaran, ang magasing Jesuita ay bumabanggit na ang kilusan ay “nagbibigay sa mga miyembro nito ng isang tiyak at matibay na pagkakakilanlan, at iyon ay isang dako para sa kanila na kung saan sila’y tinatanggap nang buong init at taglay ang diwa ng pagkakapatiran at pagkakaisa.” Hindi ba maliwanag na ang mga bagay na itinuro sa mga Saksi ay tumutulong sa kanila?
Ang Turo ay Pinakikinabangan ng mga Miyembro ng Pamilya
11, 12. Papaano wastong ipinakita ni Pablo kung ano ang magiging katulad ng kalagayan sa maraming pamilya?
11 Maaari nating pangkatin ang susunod na apat na bagay, na tila magkakaugnay. Inihula ni Pablo na sa mga huling araw, marami ang magiging “mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal.” Batid mo na dalawa sa mga depektong ito—ang pagiging walang utang-na-loob at pagiging di-matapat—ay palasak. Gayunman, dagling makikita natin kung bakit ang mga ito ay inilagay ni Pablo sa pagitan ng pagiging “mga masuwayin sa mga magulang” at “mga walang likas na pagmamahal.” Ang apat ay magkakaugnay.
12 Halos aaminin ng sinumang mapagmasid, bata o matanda, na palasak ang pagsuway sa mga magulang, at ito ay patuloy na lumulubha. Maraming magulang ang nagrereklamo na ang mga kabataan ay waring hindi nagpapasalamat sa lahat ng ginagawa para sa kanila. Maraming kabataan ang nagpoprotesta dahil sa ang kanilang mga magulang ay hindi talagang tapat sa kanila (o sa pamilya sa pangkalahatan) kundi buhós na buhós sa kanilang mga trabaho, sa kalayawan, o sa kanilang sarili. Sa halip na sikaping alamin kung sino ang may kasalanan, tingnan ang mga resulta. Ang paghihiwalay ng mga adulto at mga kabataan ay kalimitan umaakay sa mga tin-edyer upang bumuo ng kanilang sariling pamantayan ng moralidad, o imoralidad. Ano ba ang resulta? Ang patuloy na dumaraming tin-edyer na nagdadalang-tao, nagpapalaglag, at may mga sakit na naisasalin sa pamamagitan ng pagtatalik. Kadalasan, ang kawalan ng likas na pagmamahalan sa tahanan ay humahantong sa karahasan. Marahil ay makapaglalahad ka ng mga halimbawa nito buhat sa inyong lugar, patotoo na ang likas na pagmamahal ay naglalaho na.
13, 14. (a) Sa kabila ng patuloy na pagsamâ ng maraming pamilya, bakit tayo dapat magbigay-pansin sa Bibliya? (b) Anong uri ng pantas na payo ang iniaalok ng Diyos tungkol sa buhay pampamilya?
13 Ito ay maaaring dahilan kung bakit parami nang paraming tao ang bumabaling laban sa dati-rati’y bahagi ng kanilang pinalawak na pamilya, buhat sa parehong angkan, tribo, o grupo. Gayunman, isaisip na hindi namin binabanggit ang mga bagay na ito upang patingkarin ang mga negatibo sa pamumuhay sa ngayon. Tayo’y interesado sa dalawang pangunahing bagay: Ang mga turo ba ng Bibliya ay makatutulong sa atin upang makaiwas sa pagdurusa na likha ng mga ugaling tinukoy ni Pablo, at tayo ba’y makikinabang sa pagkakapit ng mga turo ng Bibliya sa ating buhay? Ang mga sagot ay maaaring maging oo, gaya ng makikita tungkol sa apat na punto na itinala ni Pablo.
14 Ang isang pangkalahatang pangungusap ay lubos na may katuwiran: Walang turo ang nakahihigit sa turo ng Bibliya sa pagpapaunlad ng isang buhay pampamilya na nakapagpapatibay sa damdamin at nagtatagumpay. Iyan ay pinatutunayan ng kahit isa lamang halimbawa ng payo nito na makatutulong sa mga miyembro ng pamilya upang hindi lamang maiwasan ang mga kabiguan kundi upang magtagumpay. Sa Colosas 3:18-21 ay mainam ang pagkalarawan tungkol diyan, bagaman marami pang ibang magaganda at praktikal na mga talata na ukol sa mga asawang lalaki, asawang babae, at mga anak. Ang turong ito ay matagumpay sa ating kaarawan. Totoo naman, maging sa mga pamilya ng tunay na mga Kristiyano, may mga bagay na masalimuot at nagsisilbing hamon. Gayunpaman, ang pangkalahatang resulta ay nagpapatunay na ang Bibliya ay naglalaan ng lubhang nakatutulong na pagtuturo para sa mga pamilya.
15, 16. Anong kalagayan ang nasumpungan ng isang mananaliksik na nag-aaral tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa Zambia?
15 Sa loob ng isang taon at kalahati, isang mananaliksik buhat sa University of Lethbridge, Canada, ang nag-aral ng buhay panlipunan sa Zambia. Ganito ang kaniyang konklusyon: “Ang mga Saksi ni Jehova ay higit na matagumpay kaysa mga miyembro ng ibang mga denominasyon sa pagpapanatili ng matatag na pag-aasawa. . . . Ang kanilang tagumpay ay kumakatawan sa isang bagong ugnayan sa pagitan ng asawang lalaki at asawang babae, na, sa kanilang katutuklas, hindi nagbabanta, nagtutulungang mga pagsisikap, ang kanilang pakikitungo sa isa’t isa ay nagiging pananagutan sa isang bagong lider, ang Diyos. . . . Ang mga asawang lalaking Saksi ni Jehova ay tinuturuan sa pagbalikat ng mga pananagutan ukol sa kapakanan ng kaniyang kabiyak at mga anak. . . . Ang mag-asawa ay pinatitibay-loob na maging mga taong may katapatan . . . Ang umiiral na kahilingang ito ng katapatan ang nagpapatibay sa pag-aasawa.”
16 Ang pag-aaral na iyan ay ibinatay sa maraming tunay na mga karanasan. Halimbawa, sinabi ng mananaliksik na ito na salungat sa kinaugaliang asal, “Ang mga lalaking Saksi ni Jehova ay kadalasang matatagpuang tumutulong sa kani-kanilang kabiyak sa mga taniman, hindi lamang sa panahon ng paghahanda ng lupa upang pagtamnan, kundi pati na rin sa pagtatanim at paghuhukay.” Sa gayo’y maliwanag na di-mabilang na mga karanasan sa buong lupa ang nagpapakita na ang mga buhay ay naaapektuhan ng turo sa Bibliya.
17, 18. Anong nakapagtatakang mga resulta ang nahayag sa isang pag-aaral tungkol sa relihiyosong pamana at sekso bago pa makasal?
17 Ang naunang artikulo ay bumanggit ng mga natuklasan sa Journal for the Scientific Study of Religion. Noong 1991, ito ay may isang artikulo na pinamagatang “Relihiyosong Pamana at Sekso Bago Makasal: Katunayan Buhat sa Isang Pambansang Halimbawa ng Kabataang mga Adulto.” Marahil ay alam mo kung gaano kapalasak ang sekso bago pa makasal ang isa. Sa kabataang edad marami ang napadadala sa silakbo ng damdamin, at maraming tin-edyer ang may iba’t ibang kapareha sa pagtatalik. Maaari bang baguhin ng Bibliya ang ganitong karaniwang kalakaran?
18 Umasa ang tatlong associate professor na nag-aral ng isyu na matutuklasan nila ‘na di-gaanong malaki ang posibilidad na ang mga bagong sibol at kabataang mga adulto na lumaki sa mas makalumang tradisyong Kristiyano ay makikipagtalik bago pa makasal.’ Subalit ano ang ipinakita ng mga katibayan? Lahat-lahat, sa pagitan ng 70 porsiyento at 82 porsiyento ang nakipagtalik na bago pa makasal. Para sa ilan, “isang pundamentalistang pinagmulan [ang nakabawas] ng posibilidad ng pagsisiping bago makasal, subalit hindi sa kaso ng ‘pagsisiping ng mga tin-edyer bago pa makasal.’” Nagkomento ang mga mananaliksik tungkol sa mga kabataan buhat sa mga pamilyang waring relihiyoso na “nagpakita ng isang kapansin-pansing mas mataas na posibilidad ng pagsisiping bago makasal kung ihahambing sa mga Mainline Protestant.”—Amin ang italiko.
19, 20. Papaano nakatulong at nakapagsanggalang sa maraming kabataang Saksi ni Jehova ang tagubilin ng Diyos?
19 Nasumpungan ng mga propesor ang tuwirang kabaligtaran kung tungkol sa mga kabataang Saksi ni Jehova, na kabilang sa “grupong namumukod-tangi sa iba.” Bakit? “Ang antas ng pananagutan at kaugnayan sa lipunan bunga ng mga karanasan, mga inaasahan, at pagkasangkot . . . ay pangkalahatang lilikha ng mas matataas na antas ng pagsunod sa mga simulain ng pananampalataya.” Kanilang isinusog: “Ang mga Saksi ay inaasahang tutupad ng pangmisyonerong mga pananagutan bilang mga bagong sibol at mga kabataang adulto.”
20 Samakatuwid ang mga turo ng Bibliya ay nakaapekto sa mga Saksi ni Jehova ukol sa ikabubuti sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makaiwas sa imoralidad. Iyan ay nangangahulugan ng proteksiyon buhat sa mga sakit na naisasalin sa pamamagitan ng pagtatalik, ang ilan ay hindi na napagagaling at ang iba’y nakamamatay. Iyon ay nangangahulugan na walang panggigipit upang magpalaglag, na ayon sa Bibliya ay katumbas ng pagpatay. Iyon ay nangangahulugan din na ang mga kabataang adulto ay nag-aasawa na taglay ang malinis na budhi. Iyan ay nangangahulugan ng mga pag-aasawang nakasalig sa isang lalong matibay na pundasyon. Ang gayong mga turo ang makatutulong sa atin na magtagumpay, maging mas malulusog, mas maliligaya.
Positibong Pagtuturo
21. Anong mga bagay ang may kawastuang inihula ni Pablo tungkol sa ating panahon?
21 Ngayon ay bumalik tayo sa 2 Timoteo 3:3, 4, at pansinin kung ano pa ang sinabi ni Pablo na magpapangyaring maging mahirap pakitunguhan ang ating panahon para sa marami—ngunit hindi para sa lahat: “[Ang mga tao ay] hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matitigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, [at] mga maibigin sa kaluguran kaysa mga maibigin sa Diyos.” Tumpak na tumpak nga! Gayunpaman, ang turo buhat sa Bibliya ay maaaring magsanggalang sa atin at sangkapan tayo upang makayanan iyon, upang magtagumpay.
22, 23. Niwakasan ni Pablo ang kaniyang talaan sa anong positibong payo, at ano ang kahalagahan niyaon?
22 Niwakasan ni apostol Pablo ang kaniyang talaan sa pamamagitan ng isang positibong pagpapayo. Ang huling binanggit ay ginagawa niyang isang maka-Diyos na utos na maaari ring magdulot sa atin ng walang-hanggang kapakinabangan. Binabanggit ni Pablo yaong mga “may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito; at mula sa mga ito ay lumayo ka.” Alalahanin na sa mga kabataan sa ilang relihiyon ay aktuwal na may mataas na katumbasan ng mga nagsisiping bago pakasal kaysa pangkaraniwan. Aba, kahit na kung ang imoralidad ng mga nagsisimbang iyon ay nasa katamtamang antas lamang, hindi ba patotoo iyan na walang bisa ang kanilang anyo ng pagsamba? Isa pa, binabago ba ng mga turo ng relihiyon ang pagkilos ng mga tao sa negosyo, kung papaano sila nakikitungo sa mga nakabababa sa kanila, o kung papaano nila pinakikitunguhan ang mga kamag-anak?
23 Ipinakikita ng mga salita ni Pablo na dapat nating ikapit ang mga natutuhan natin buhat sa Salita ng Diyos, palibhasa’y may isang paraan ng pagsamba na nagpapakita ng tunay na kapangyarihan ng pagka-Kristiyano. Tungkol sa mga taong ang anyo ng pagsamba ay walang bisa, tayo’y sinasabihan ni Pablo: “Mula sa mga ito ay lumayo ka.” Iyan ay isang malinaw na utos, na magdudulot sa atin ng walang-hanggang kapakinabangan.
24. Papaanong ang pananawagan sa Apocalipsis kabanata 18 ay nakakatulad sa payo ni Pablo?
24 Sa anong paraan? Buweno, ang huling aklat ng Bibliya ay naglalarawan ng isang makasagisag na babae, isang patutot, tinatawag na Babilonyang Dakila. Ipinakikita ng katibayan na ang Babilonyang Dakila ay kumakatawan sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na sinuri at tinanggihan ng Diyos na Jehova. Subalit, hindi kailangan na makasali tayo roon. Ang Apocalipsis 18:4 ay nananawagan sa atin: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” Hindi ba iyan ang kaparehong pasabi na ipinayo ni Pablo, “mula sa mga ito ay lumayo ka”? Ang ating pagsunod dito ay isa pang paraan na tayo’y makikinabang buhat sa pagtuturo ng Diyos.
25, 26. Anong kinabukasan ang naghihintay para sa tumatanggap at nagkakapit ngayon ng tagubilin buhat sa Diyos na Jehova?
25 Di na magtatagal at ang Diyos ay makikialam sa mga pamamalakad ng tao. Kaniyang lilipulin ang lahat ng huwad na relihiyon at ang natitira pang bahagi ng kasalukuyang balakyot na sistema. Ito ay magiging isang dahilan ng kagalakan, gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 19:1, 2. Sa lupa yaong mga tumatanggap at sumusunod sa mga itinagubilin ng Diyos ay papayagan na patuloy na sumunod sa kaniyang mga turo pagka nakalipas na ang mga hadlang na likha ng mapanganib na mga panahong ito.—Apocalipsis 21:3, 4.
26 Ang pamumuhay sa isinauling makalupang Paraisong iyon ay tunay na magiging kalugud-lugod higit kaysa ating naguguniguni. Ipinangangako ng Diyos na posible iyan para sa atin, at makapagtitiwala tayo sa kaniya nang lubusan. Sa gayon ay binibigyan niya tayo ng saganang dahilan upang tanggapin at sundin ang kaniyang nakatutulong na pagtuturo. Kailan? Ating sundin ang kaniyang mga tagubilin ngayon sa ating mapanganib na mga panahon at hanggang sa Paraiso na kaniyang ipinangangako.—Mikas 4:3, 4.
Mga Punto na Dapat Pagbulaybulayin
◻ Papaano nakikinabang ang bayan ni Jehova buhat sa kaniyang payo tungkol sa mga kayamanan?
◻ Isang magasing Jesuita ang nagpatotoo sa anong mabubuting resulta na nakakamit ng mga lingkod ng Diyos sa pagkakapit ng kaniyang Salita?
◻ Isang pagsasaliksik sa Zambia ang nagsiwalat ng anong mga kapakinabangan na dumating sa mga pamilyang nagkakapit ng banal na turo?
◻ Anong proteksiyon ang ibinibigay ng banal na pagtuturo para sa mga kabataan?
[Kahon sa pahina 15]
ANONG LAKING HALAGA NA IBAYAD!
“Ang mga tin-edyer ay nakaharap sa malaking panganib ng AIDS sapagkat ibig nilang mag-eksperimento sa sekso at sa droga, manganib at mabuhay para sa kasalukuyan, at dahil inaakala nilang sila’y hindi maaaring mamatay at lumalaban sa awtoridad,” ang sabi ng isang report na iniharap sa isang komperensiya tungkol sa AIDS at mga tin-edyer.—New York Daily News, Linggo, Marso 7, 1993.
“Ang aktibo-sa-seksong mga dalagita ay lumilitaw bilang ang susunod na ‘nangunguna’ sa salot na AIDS, ayon sa natuklasan ng isang pag-aaral na ginawa ng United Nations sa Europa, Aprika at Timog-silangang Asia.”—The New York Times, Biyernes, Hulyo 30, 1993.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang turo ng Bibliya ay pinakikinabangan ng mga Saksi ni Jehova sa kongregasyon at sa tahanan