“Mula sa Pagkasanggol ay Alam Mo Na”
AYON sa kamakailang pag-aaral sa siyensiya, ang pakikipag-usap sa mga sanggol ay may matinding impluwensiya sa pagsulong ng kanilang utak, anupat napahuhusay ang kanilang kakayahang mag-isip, mangatuwiran, at lumutas ng mga suliranin. Lalo nang totoo ito sa unang taon ng buhay ng isang sanggol. Nag-uulat ang International Herald Tribune na ang ilang mananaliksik ay naniniwala ngayon na “ang bilang ng mga salitang naririnig ng isang sanggol sa bawat araw ay ang nag-iisang pinakamahalagang makapagsasabi nang patiuna sa panghinaharap na talino, tagumpay sa paaralan at kakayahang panlipunan.”
Gayunman, ang sinasambit na mga salita ay dapat manggaling sa isang tao. Ang telebisyon o radyo, ay waring hindi maaaring ipalit dito.
Ganito ang sabi ng isang neuroscientist sa University of Washington sa Seattle, E.U.A.: “Alam na namin ngayon na ang mga koneksiyon ng mga nerbiyo ay nabubuo sa napakaagang yugto ng buhay at na ang utak ng sanggol ay literal na naghihintay ng mga karanasan upang matiyak kung paano nagagawa ang mga koneksiyon. Ngayon lamang namin napagtanto kung gaano kaaga nagsisimula ang prosesong ito. Halimbawa, natututuhan ng mga sanggol ang tunog ng kanilang katutubong wika sa edad na anim na buwan.”
Sinasalungat ng pananaliksik ang palasak na palagay na ang mga sanggol ay nagiging matalino basta pagpakitaan lamang ng saganang pagmamahal. Itinatampok din nito ang kahalagahan ng mga magulang sa pagsulong ng isang anak.
Ito’y nagpapaalaala sa mga salita ng kinasihang liham ni apostol Pablo kay Timoteo: “Mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan.” Malamang na ang banal na mga kasulatan, na sinabi sa sanggol na si Timoteo ng kaniyang mananampalatayang ina at lola, ay gumanap ng isang mahalagang papel sa kaniyang pagsulong bilang isang namumukod-tanging lingkod ng Diyos.—2 Timoteo 1:5; 3:15.