Sanayin Ninyo Sila Mula sa Pagkasanggol
ANG modernong pagsasaliksik ay nagpapakita na ang “mga fetus ay may mga pisyolohikong reaksiyon sa mga tinig.” Ang mga mananaliksik sa University of North Carolina ay “nakasumpong na matapos basahan ng mga ina ang kanilang mga anak na nasa sinapupunan, ang mga bagong silang ay tumugon nang basahin muli ang mga siniping bahagi,” ang sabi ng Winnipeg Free Press. Kapag ang mga babae ay nagbabasa nang malakas samantalang nagdadalang-tao, makatutulong ito nang malaki sa pagtitimo ng mabubuting pamantayang moral sa bata. Sinasabi ng Bibliya na ‘mula sa pagkasanggol ay alam na ni Timoteo ang banal na mga kasulatan.’ (2 Timoteo 3:14, 15) Maliwanag, naunawaan ng kaniyang ina at ng kaniyang lola ang kahalagahan ng pagsasanay sa kaniya mula sa pagkasanggol, na malamang na malamang ay kasali ang pagbabasa nang malakas.
Ang pagbabasa “ang pinakamabisang kasanayan sa buhay na taglay natin sa ating lipunan ngayon,” ang sabi ng awtor na si Jim Trelease. Napauunlad ang wika at ang mga kasanayan sa talasalitaan sa pamamagitan ng pagbasa nang malakas.
Katalinuhan na simulan ang pagbasa nang malakas sa sandaling kayo ay makipag-usap sa inyong sanggol. Bagaman sa simula ay hindi maiintindihan ng inyong hindi pa isinisilang o bagong silang na anak ang inyong sinasabi, sulit ang potensiyal na pangmatagalang mga pakinabang. Sinasabi ng Kawikaan 22:6: “Sanayin mo ang bata alinsunod sa daan na para sa kaniya; kahit tumanda man siya ay hindi siya hihiwalay mula roon.”
Ano ang maaari mong basahin na kapuwa praktikal at kapaki-pakinabang? Basahin ang Bibliya nang malakas sa iyong anak araw-araw. Magbasa rin ng ibang kapaki-pakinabang na mga publikasyon, gaya ng Pakikinig sa Dakilang Guro, Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, at mga artikulo sa mga magasing Bantayan at Gumising!
Totoo, ang paggawa mo ng ganito ay nagsasangkot ng panahon, subalit ito ay mahusay na paggamit ng panahon. Ito ay isang tuwirang paraan upang ipakita ang iyong pagmamalasakit at pag-ibig sa iyong anak.