Mga Magulang, Kailangan ng Inyong mga Anak ang Pantanging Pag-aasikaso
“Ang mga anak mo ay magiging gaya ng mga pasangá ng mga punong olibo sa palibot ng iyong mesa.”—AWIT 128:3.
1. Papaano mapaghahambing ang pagpapalaki ng mga halaman at ang pagpapalaki ng mga anak?
SA MARAMING paraan, ang mga anak ay lumalaki at umuunlad na gaya ng mga pananim. Samakatuwid, hindi kataka-taka na sa Bibliya, ang asawa ng isang lalaki ay tinutukoy na parang “isang mabungang puno ng ubas” at ang kaniyang mga anak ay inihahalintulad sa “mga pasanga ng mga punong olibo sa palibot ng [kaniyang] mesa.” (Awit 128:3) Sasabihin sa iyo ng isang magsasaka na ang pagpapalaki ng mga halaman ay hindi madali, lalo na kapag ang klima at mga uri ng lupa ay hindi maganda. Sa katulad na paraan, sa mapanganib na “mga huling araw” na ito, napakahirap ngang magpalaki ng mga anak upang maging mahuhusay, may-takot sa Diyos na mga adulto.—2 Timoteo 3:1-5.
2. Ano ang karaniwan nang kailangan upang magkaroon ng mabuting ani?
2 Upang magkaroon ng mabuting ani, ang magsasaka ay nangangailangan ng matabang lupa, mainit na sikat ng araw, at tubig. Bukod sa paglinang at pagbubunot ng damo sa paligid, kailangang may pamatay ng mga insekto at iba pang mga pananggalang. Baka may mga balakid sa panahon ng paglaki ng pananim, patuloy hanggang sa pag-aani. Anong lungkot nga pagka lumabas na hindi mabuti ang ani! Subalit, anong laki ng kasiyahan ng isang magsasaka kung, pagkatapos ng isang puspusang pagpapagal, ang ani ay mabuti!—Isaias 60:20-22; 61:3.
3. Papaano mapaghahambing ang kahalagahan ng mga halaman at ng mga anak, at anong uri ng pag-aasikaso ang dapat ibigay sa mga anak?
3 Ang isang matagumpay, mabungang buhay ng tao ay lalong mahalaga kaysa ani ng isang magsasaka. Samakatuwid ay hindi kataka-taka na ang matagumpay na pagpapalaki ng isang anak ay maaaring gumugol ng higit pang panahon at pagsisikap kaysa isang mabuting ani. (Deuteronomio 11:18-21) Ang isang bata na itinanim sa halamanan ng buhay, kung diniligan at pinalaki sa pag-ibig at binigyan ng nararapat na mga hangganan, ay lálakí at mamumukadkad sa espirituwal kahit na sa isang sanlibutang punô ng bulok na mga pamantayang moral. Subalit kung minaltrato o inapi, ang anak ay masisiraan ng loob at maaaring mamatay pa nga sa espirituwal na diwa. (Colosas 3:21; ihambing ang Jeremias 2:21; 12:2.) Oo, lahat ng anak ay nangangailangan ng pantanging pag-aasikaso!
Pag-aasikaso Araw-araw Mula sa Pagkasanggol
4. Anong uri ng pag-aasikaso ang kailangan ng mga anak “mula sa pagkasanggol”?
4 Ang mga magulang ay kinakailangang magbigay ng halos walang tigil na pag-aasikaso sa isang bagong silang. Gayunman, ang sanggol ba ay nangangailangan lamang ng pisikal o materyal na pag-aasikaso sa araw-araw? Sa lingkod ng Diyos na si Timoteo, si apostol Pablo ay sumulat: “Mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan.” (2 Timoteo 3:15) Samakatuwid ang pag-aasikaso na nakamit ni Timoteo mula sa magulang, kahit na mula sa pagkasanggol, ay uring espirituwal din. Subalit kailan nagsisimula ang pagkasanggol?
5, 6. (a) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga di pa isinisilang? (b) Ano ang nagpapakita na ang mga magulang ay dapat na magmalasakit tungkol sa kapakanan ng di pa isinisilang na anak?
5 Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo (na breʹphos) ay kumakapit din sa isang di pa isinisilang na sanggol. Si Elizabeth, na ina ni Juan na Tagapagbautismo, ay nagsabi sa kaniyang kamag-anak na si Maria: “Nang ang tunog ng iyong pagbati ay dumating sa aking mga tainga, ang sanggol [breʹphos] sa aking bahay-bata ay lumukso taglay ang malaking katuwaan.” (Lucas 1:44) Samakatuwid, kahit na ang di pa isinisilang ay tinatawag na mga sanggol, at ipinakikita ng Bibliya na sila’y maaaring tumugon sa pangyayari sa labas ng bahay-bata. Kung gayon, dapat bang isali sa pangangalaga bago magsilang, na kalimitang iminumungkahi sa ngayon, ang pag-aasikaso sa espirituwal na kapakanan ng di pa isinisilang na sanggol?
6 Ito’y kailangang isaalang-alang, yamang isinisiwalat ng katibayan na ang mga di pa isinisilang ay maaaring makinabang o mapinsala buhat sa kanilang naririnig. Natuklasan ng isang direktor sa musika na ang sari-saring piyesa na kaniyang ineensayo ay waring pamilyar, lalo na ang bahaging tinutugtog sa cello. Nang banggitin niya ang pamagat ng mga piyesa ng musika sa kaniyang ina, na isang propesyonal na manunugtog ng cello, sinabi niya na ang mga ito ang mismong mga komposisyon sa musika na kaniyang ineensayo nang siya’y kagampan sa kaniya. Gayundin, ang di pa isinisilang ay maaaring maapektuhan sa negatibong paraan kapag nakaugalian na ng kani-kanilang ina ang manood sa TV ng mga soap opera. Sa gayon, isang lathalain sa medisina ang bumanggit ng “fetal soap addiction.”
7. (a) Papaano nagbigay-pansin ang maraming magulang sa kapakanan ng kanilang di pa isinisilang na anak? (b) Anong mga kakayahan ang taglay ng isang sanggol?
7 Sa pagkatalos ng kapakinabangang ibinibigay ng positibong mga pampasigla sa mga sanggol, maraming magulang ang nagsisimulang magbasa, makipag-usap, at umawit sa kanilang mga sanggol kahit na bago pa ito isilang. Magagawa mo rin iyan. Bagaman hindi pa naiintindihan ng sanggol ang mga salita, malamang na makikinabang iyon buhat sa iyong nakaaaliw na tinig at sa mapagmahal na tono niyaon. Pagkasilang, magsisimulang unawain ng sanggol ang iyong mga salita nang mas madali kaysa iyong inaakala. Sa loob lamang ng dalawa o tatlong taon, ang isang sanggol ay natututo ng isang masalimuot na wika kahit na lamang sa pagkahantad doon. Ang isang sanggol ay maaari ring magsimulang matuto ng “dalisay na wika” ng katotohanan ng Bibliya.—Zefanias 3:9.
8. (a) Ano ang maliwanag na ibig sabihin ng Bibliya sa pagbanggit na si Timoteo ay nakaáalám ng banal na mga kasulatan “mula sa pagkasanggol”? (b) Ano ang napatunayang totoo tungkol kay Timoteo?
8 Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo nang kaniyang banggitin na si Timoteo ay ‘nakaalam na ng banal na mga kasulatan mula sa pagkasanggol’? Maliwanag na ang ibig niyang sabihin ay nakatanggap na si Timoteo ng espirituwal na pagsasanay mula pa sa kaniyang pagkasanggol, hindi lamang buhat sa pagkabata. Ito ay kasuwato ng kahulugan ng salitang Griego na breʹphos, na karaniwan nang tumutukoy sa isang bagong silang. (Lucas 2:12, 16; Gawa 7:19) Tumanggap si Timoteo ng espirituwal na turo buhat sa kaniyang inang si Eunice at sa kaniyang lolang si Loida mula sa panahong naaabot ng kaniyang alaala. (2 Timoteo 1:5) Ang kasabihang, ‘Ayon sa pagkahubog ng murang sanga, ganoon lumalaki ang puno,’ ay tiyak na kumakapit kay Timoteo. Siya’y ‘sinanay ayon sa daan na dapat niyang lakaran,’ at, bilang resulta, siya’y naging isang mainam na lingkod ng Diyos.—Kawikaan 22:6; Filipos 2:19-22.
Ang Pantanging Pag-aasikaso na Kailangan
9. (a) Ano ang hindi dapat gawin ng mga magulang, at bakit? (b) Habang lumalaki ang anak, ano ang kailangang gawin ng mga magulang, at anong halimbawa ang dapat nilang sundin?
9 Ang mga anak ay katulad din ng mga halaman sa bagay na hindi lahat ay may pare-parehong katangian, ni sila man ay tumutugong lahat sa pare-parehong paraan ng pangangalaga. Isasaalang-alang ng marurunong na magulang ang mga pagkakaiba at iiwasang ihambing ang isang anak sa iba. (Ihambing ang Galacia 6:4.) Upang ang inyong mga anak ay lumaking mahuhusay na adulto, kailangang magmasid kayo sa kani-kanilang katangian ng personalidad, anupat pinasusulong ang mabubuti at inaalis ang masasama. Ano kung makahalata kayo ng isang kahinaan o di-nararapat na ugali, marahil may kinalaman sa di-pagtatapat, materyalismo, o kasakiman? Ituwid iyon nang may kabaitan, gaya ni Jesus na itinuwid ang mga kahinaan ng kaniyang mga apostol. (Marcos 9:33-37) Lalo na, palagiang papurihan ang bawat bata para sa kaniyang lakas at mabubuting katangian.
10. Ano ang lalung-lalo nang kailangan ng mga anak, at papaano ito mapaglalaanan?
10 Ang lalo nang kailangan ng mga bata ay ang mapagmahal na personal na pag-aasikaso. Gumugol si Jesus ng panahon upang mabigyan ang maliliit na bata ng gayong pantanging pag-aasikaso, kahit na sa magawaing mga huling araw ng kaniyang ministeryo. (Marcos 10:13-16, 32) Mga magulang, sundin ang halimbawang iyan! Walang-imbot na gumugol kayo ng panahon kasama ng inyong mga anak. At huwag mahiyang ipakita sa kanila ang tunay na pag-ibig. Sila’y inyong yakapin, gaya ng ginawa ni Jesus. Sila’y buong init at mapagmahal na yapusin at hagkan. Nang ang mga magulang ng mahuhusay na kabataang mga adulto ay tanungin kung ano ang maipapayo nila sa ibang mga magulang, kabilang sa pinakamalimit na tugon ay: ‘Saganang mag-ibigan,’ ‘gumugol ng panahon nang magkakasama,’ ‘paunlarin ang paggalang sa isa’t isa,’ ‘talagang pakinggan sila,’ ‘magbigay ng patnubay sa halip na magsermon,’ at ‘maging makatotohanan.’
11. (a) Papaano dapat malasin ng mga magulang ang paglalaan ng pantanging pag-aasikaso sa kanilang mga anak? (b) Kailan mangyayaring tamasahin ng mga magulang ang mahalagang pakikipag-usap sa kanilang mga anak?
11 Ang paglalaan ng gayong pantanging pag-aasikaso ay maaaring maging isang kagalakan. Isang matagumpay na magulang ang sumulat: “Nang ang aming dalawang anak na lalaki ay mga bata pa, ang paraan ng paghahanda sa kanila bago matulog, pagbabasa sa kanila, paglalagay ng kumot sa kanila, at pananalangin na kasama nila ay isang kasiyahan.” Ang gayong mga panahon ay naglalaan ng pagkakataon para sa pag-uusap na makapagpapatibay sa kapuwa magulang at anak. (Ihambing ang Roma 1:11, 12.) Isang mag-asawa ang nakinig habang ang kanilang tatlong-taóng-gulang ay humihiling sa Diyos na pagpalain si “Wally.” Nanalangin siya ukol kay “Wally” nang sumunod na mga gabi, at ang mga magulang ay lubhang napatibay-loob nang kanilang matanto na ang tinutukoy niya ay ang mga kapatid sa Malawi, na noon ay dumaranas ng pag-uusig. Isang babae ang nagsabi: ‘Nang ako’y apat na taóng gulang lamang, tinulungan ako ng aking ina na magsaulo ng mga teksto at umawit ng mga awiting pang-Kaharian samantalang nakatayo ako sa isang silya upang mapunasan ang mga pinggan na hinuhugasan ng aking ina.’ May naiisip ba kayong mga panahon na maaaring tamasahin ninyo ang mahalagang pakikipag-usap sa inyong mga anak?
12. Ano ang may karunungang mailalaan ng mga magulang na Kristiyano para sa kanilang mga anak, at anong mga paraan ang magagamit?
12 Ang marurunong na Kristiyanong mga magulang ay nagsasaayos ng isang regular na programa sa pag-aaral. Bagaman maaari ninyong gamitin ang isang pormal na paraang tanong-at-sagot, makatutulong ba kayo ukol sa nakalulugod na pag-uusap sa pamamagitan ng pag-aangkop ng mga sesyon sa pag-aaral, lalo na para sa nakababatang mga anak? Maaaring isali ang pagguhit ng mga larawan ng mga eksena sa Bibliya, paglalahad ng mga kuwento sa Bibliya, o pakikinig sa isang report na hiniling ninyong ihanda ng isang bata. Gawin ninyong napakasarap hangga’t maaari ang Salita ng Diyos para sa inyong mga anak upang sila’y magkaroon ng pananabik doon. (1 Pedro 2:2, 3) Isang ama ang nagsabi: ‘Nang maliliit pa ang mga bata, gumagapang kami sa sahig kasama nila at isinasadula ang makasaysayang mga pangyayari tungkol sa mga tanyag na tauhan sa Bibliya. Gustung-gusto iyon ng mga bata.’
13. Ano ang kahalagahan ng mga sesyon sa pagsasanay, at ano ang maaaring ensayuhin ninyo sa mga panahong ito?
13 Ang mga sesyon sa pagsasanay ay nagbubunga rin ng mahahalagang pag-uusap sapagkat nakatutulong ang mga ito sa mga bata upang maghanda para sa mga situwasyon sa tunay na buhay. Isa sa mga anak ng mga Kusserow—lahat silang 11 ay nanatiling tapat sa Diyos noong panahon ng pag-uusig ng Nazi—ay nagsabi ng ganito tungkol sa kaniyang mga magulang: “Ipinakita nila sa amin kung papaano kikilos at kung papaano ipagtatanggol ang aming sarili sa pamamagitan ng Bibliya. [1 Pedro 3:15] Malimit na kami’y nagdaraos ng mga sesyon sa pagsasanay, nagtatanong at sinasagot ang mga iyon.” Bakit hindi ganiyan din ang gawin ninyo? Maaari kayong magsanay ng mga presentasyon para sa ministeryo, na isang magulang ang maaaring magsilbing maybahay. O ang sesyon sa pagsasanay ay maaaring may kinalaman sa mga tukso sa tunay na buhay. (Kawikaan 1:10-15) “Ang pag-eensayo para sa mahihirap na situwasyon ay maaaring magpatibay sa kakayahan at pagtitiwala ng isang bata,” ang paliwanag ng isang tao. “Maaaring makasali sa pag-eensayo ang pagganap ng papel ng isang kaibigan na nag-aalok sa inyong anak ng isang sigarilyo, inumin o bawal na gamot.” Ang mga sesyong ito ay makatutulong sa inyo upang malaman kung papaano tutugon ang inyong anak sa gayong mga situwasyon.
14. Bakit ang maibigin at mahabaging mga pakikipagtalakayan sa inyong mga anak ay totoong mahalaga?
14 Sa pakikipagtalastasan sa inyong anak, makipag-usap sa kaniya sa gayunding mahabaging paraan na gaya ng ginawa ng sumulat ng mga salitang ito: “Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan, at ingatan sana ng iyong puso ang aking mga utos, sapagkat ang maraming araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay idaragdag sa iyo.” (Kawikaan 3:1, 2) Hindi ba maaantig ang puso ng inyong anak kung may pagmamahal na ipaliliwanag ninyo na kayo’y humihiling ng pagsunod dahil ito’y magbubunga ng pagkakaroon niya ng kapayapaan at maraming araw—sa katunayan, ng buhay na walang-hanggan sa mapayapang bagong sanlibutan ng Diyos? Isaalang-alang ninyo ang personalidad ng inyong anak samantalang nangangatuwiran kayo buhat sa Salita ng Diyos. Gawin ito na may kalakip na panalangin, at pagpapalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap. Ang gayong maibigin at mahabaging mga pakikipagtalakayan na salig sa Bibliya ay malamang na magbunga ng mabuti at magdulot ng walang-hanggang kapakinabangan.—Kawikaan 22:6.
15. Papaano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang malutas ang mga suliranin?
15 Kahit na kung ang gayong pakikipagtalakayan ay hindi nagaganap sa panahon ng inyong isinaplanong pag-aaral, huwag hayaang magambala kayo ng ibang bagay. Pakinggang mabuti hindi lamang ang sinasabi ng inyong anak kundi gayundin kung papaano ipinahahayag ang nasa isip niya. “Pagmasdan ang inyong anak,” ang sabi ng isang eksperto. “Ibigay sa kaniya ang inyong buong atensiyon. Kailangang kayo’y makaunawa, hindi lamang makarinig. Ang mga magulang na nagbibigay ng ganiyang higit na pagsisikap ay makagagawa ng isang malaking pagbabago sa buhay ng kanilang mga anak.” Ang mga anak ay kalimitang napapaharap ngayon sa malulubhang suliranin sa paaralan at saanman. Bilang isang magulang, pukawing magsalita ang anak, at tulungan siyang malasin ang mga bagay-bagay buhat sa pangmalas ng Diyos. Kung hindi ninyo natitiyak kung papaano lulutasin ang suliranin, magsaliksik sa Kasulatan at sa mga publikasyon na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Sa lahat ng paraan, ibigay sa inyong anak ang lahat ng pantanging pag-aasikaso na kailangan upang malutas ang suliranin.
Pahalagahan ang Panahon na Kayo’y Magkasama
16, 17. (a) Bakit lalo nang kailangan ng mga kabataan ang pantanging pag-aasikaso at pagtuturo sa ngayon? (b) Ano ang kailangang malaman ng mga anak kapag dinidisiplina ng kanilang mga magulang?
16 Ang mga kabataan ay nangangailangan ng pantanging pag-aasikaso ngayon higit kailanman sapagkat tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw,” at ang mga ito ay “mga panahong mapanganib.” (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-14) Ang mga magulang at mga anak ay kapuwa nangangailangan ng proteksiyon na dulot ng tunay na karunungan na ‘nag-iingat ng buhay ng mga nagtataglay niyaon.’ (Eclesiastes 7:12) Yamang kasangkot sa maka-Diyos na karunungan ang tamang pagkakapit ng salig-Bibliyang kaalaman, kailangang regular na turuan ng Salita ng Diyos ang mga anak. Samakatuwid, pag-aralan ang Kasulatan kasama ng inyong mga anak. Turuan sila tungkol kay Jehova, maingat na ipaliwanag ang kaniyang mga kahilingan, at masayang antigin ang kanilang pananabik sa katuparan ng kaniyang dakilang mga pangako. Pag-usapan ang gayong mga bagay sa tahanan, habang naglalakad kasama ng inyong mga anak—oo, sa bawat angkop na pagkakataon.—Deuteronomio 6:4-7.
17 Batid ng mga magsasaka na hindi lahat ng pananim ay lumalago sa ilalim ng pare-parehong kalagayan. Ang mga halaman ay nangangailangan ng pantanging pangangalaga. Gayundin naman, bawat anak ay naiiba at nangangailangan ng pantanging pag-aasikaso, pagtuturo, at disiplina. Halimbawa, baka sapat na titigan lamang ng isang magulang ang anak upang mapigil ito sa kaniyang maling ginagawa, samantalang ang isa namang bata ay baka nangangailangan ng mas matinding disiplina. Subalit kailangang malaman ng lahat ng inyong anak kung bakit kayo ay hindi nalulugod sa ilang salita o pagkilos, at ang kapuwa mga magulang ay dapat magtulungan upang magkatugma ang pagdidisiplina. (Efeso 6:4) Lalong mahalaga na ang mga magulang na Kristiyano ay magbigay ng malinaw na patnubay na kasuwato ng Kasulatan.
18, 19. Ano ang pananagutan ng Kristiyanong mga magulang sa kanilang mga anak, at ano ang malamang na maging resulta kung ang gawaing iyon ay nagampanang mainam?
18 Kailangang gawin ng isang magsasaka ang pagtatanim at paglinang sa tamang panahon. Kung siya’y magpapaliban o magpapabaya sa kaniyang pananim, siya’y aani nang bahagya o wala. Buweno, ang inyong mga anak ay lumalaking “mga pananim” na nangangailangan ng pantanging pag-aasikaso sa mismong sandaling ito, hindi sa susunod na buwan o sa susunod na taon. Huwag palampasin ang mahalagang mga pagkakataon upang tulungan silang sumulong sa espirituwal kasuwato ng Salita ng Diyos at upang alisin ang makasanlibutang mga kaisipan na magiging sanhi ng kanilang pagkalanta at pagkamatay sa espirituwal na diwa. Pahalagahan ang mga oras at mga araw na pribilehiyo ninyong gugulin kapiling ng inyong mga anak, sapagkat ang mga panahong ito ay madaling lumilipas. Magpagal nang puspusan upang malinang sa inyong mga anak ang maka-Diyos na mga katangian na kailangan para sa isang maligayang buhay bilang tapat na mga lingkod ni Jehova. (Galacia 5:22, 23; Colosas 3:12-14) Ito’y hindi trabaho ng iba; ito ay inyong trabaho, at matutulungan kayo ng Diyos na gawin ito.
19 Bigyan ang inyong anak ng isang mayamang espirituwal na pamana. Pag-aralan ang Salita ng Diyos nang kasama nila, at tamasahin ang maligayang paglilibang nang sama-sama. Dalhin ang inyong mga anak sa mga pulong Kristiyano, at isama sila sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Linangin sa inyong minamahal na mga supling ang uri ng personalidad na sinasang-ayunan ni Jehova, at malamang na sila’y magdudulot sa inyo ng malaking kagalakan sa dakong huli. Oo, “ang ama ng matuwid ay walang pagsalang magagalak; siyang nagiging ama ng pantas ay magagalak din sa kaniya. Magagalak ang iyong ama at ang iyong ina, at siyang nagsilang sa iyo ay matutuwa.”—Kawikaan 23:24, 25.
Isang Mayamang Gantimpala
20. Ano ang susi sa pagiging isang matagumpay na magulang ng mga tin-edyer?
20 Ang pagpapalaki sa mga anak ay isang masalimuot, mahabang-panahong atas. Ang pagpapalaki sa ‘mga pasanga ng mga punong olibo sa palibot ng iyong mesa’ upang maging may-takot sa Diyos na mga adulto na namumunga ng mga bunga ng Kaharian ay tinatawag na isang 20-taóng proyekto. (Awit 128:3; Juan 15:8) Ang proyektong ito ay karaniwan nang nagiging mahirap pagsapit ng mga anak sa mga taon ng pagkatin-edyer, kapag ang mga panggigipit sa kanila ay kalimitang dumarami at nasusumpungan ng mga magulang na kailangang pag-ibayuhin ang kanilang mga pagsisikap. Subalit ang susi sa tagumpay ay pareho rin—ang pagiging maasikaso, magiliw, at maunawain. Tandaan na ang inyong mga anak ay talagang nangangailangan ng personal na pag-aasikaso. Maibibigay ninyo sa kanila ang gayong pag-aasikaso sa pamamagitan ng maibiging pagmamalasakit sa kanilang kapakanan. Upang matulungan sila, kailangang gugulin ninyo ang inyong buong kaya sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon, pag-ibig, at pagmamalasakit na kailangang-kailangan nila.
21. Ano ang maaaring maging gantimpala sa pagbibigay sa mga anak ng pantanging pag-aasikaso?
21 Ang gantimpala sa inyong mga pagsisikap na pangalagaan ang mahalagang bunga na ipinagkatiwala sa inyo ni Jehova ay higit pang magiging kasiya-siya kaysa masaganang ani ng sinumang magsasaka. (Awit 127:3-5) Kaya ngayon mga magulang, patuloy na magbigay sa inyong mga anak ng pantanging pag-aasikaso. Gawin ito sa kanilang ikabubuti at sa ikaluluwalhati ng ating Ama sa langit, si Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano mapaghahambing ang pagpapalaki ng mga halaman at ang pagpapalaki ng mga anak?
◻ Anong uri ng pag-aasikaso sa araw-araw ang dapat sa isang bata mula sa pagkasanggol?
◻ Anong pantanging pangangalaga ang kailangan ng mga anak, at papaano ito magagawa?
◻ Bakit dapat bigyan ang inyong mga anak ng pantanging pag-aasikaso?