“Tanggihan Mo ang mga Kuwentong Di-totoo”
ANG Bibliya ay punô ng mga karanasan at mga kuwento tungkol sa mga tao. Tayo’y hindi lamang natutuwa sa pagbabasa ng mga iyan kundi nakikinabang din tayo. Ang apostol na si Pablo ay sumulat sa kongregasyong Kristiyano sa Roma: “Ang lahat ng mga bagay na isinulat nang una ay isinulat bilang tagubilin sa atin, upang sa pamamagitan ng ating pagbabatá at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”—Roma 15:4.
Si Pablo mismo ay may bahagi sa paglalahad ng mga karanasan. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol kina Pablo at Bernabe sa katapusan ng kanilang unang paglalakbay misyonero: “Nang sila ay makarating na [sa Antioquia ng Syria] at matipon ang kongregasyon, pinasimulan nilang ilahad ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.” (Gawa 14:27) Walang alinlangan na ang mga kapatid ay lubhang pinatibay-loob ng mga karanasang ito.
Subalit, hindi lahat ng karanasan ay nakapagpapatibay. Sa ilalim ng pagkasi, pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo: “Tanggihan mo ang mga kuwentong di-totoo na lumalapastangan sa kung ano ang banal at na siyang ikinukuwento ng matatandang babae.” (1 Timoteo 4:7) At kay Tito siya ay sumulat na ang tapat na mga Kristiyano ay dapat “na hindi nagbibigay-pansin sa mga pabulang Judio at mga kautusan ng mga tao na nagtatalikod ng kanilang mga sarili mula sa katotohanan.”—Tito 1:14.
Ano ba ang mga kuwentong ito na di-totoo, o mga pabula? Ang dalawang terminong iyan ay galing sa Griegong myʹthos (“myth”). Sinasabi ng The International Standard Bible Encyclopaedia na ang salitang ito ay naglalarawan ng “isang (relihiyosong) kuwento na walang kaugnayan sa totoo.”
Ang sanlibutan noong kaarawan ni Pablo ay punô ng gayong mga kuwento. Ang isang halimbawa ay ang apokripang aklat ni Tobit, marahil isinulat mahigit na dalawang daang taon bago ng panahon ni Pablo. Ang kuwentong ito ay naglalahad tungkol kay Tobit, isang relihiyosong Judio, na nabulag nang malaglag sa kaniyang mga mata ang dumi ng isang ibon. Nang bandang huli, isinugo niya ang kaniyang anak, si Tobias, upang maningil ng isang pautang. Habang nasa daan, dahil sa tagubilin ng isang anghel, nakuha ni Tobias ang puso, atay, at apdo ng isang isda. Pagkatapos ay nakasalubong siya ng isang biyuda na, bagaman pitong ulit na nag-asawa, ay nanatiling isang birhen sapagkat bawat naging asawa niya ay pinatay ng isang masamang espiritu nang gabi ng kasal. Sa pag-uudyok ng anghel, pinakasalan ni Tobias ang biyuda at pinalayas ang demonyo sa pamamagitan ng pagsusunog sa puso at atay ng isda. Sa pamamagitan ng apdo ng isda, nang maglaon ay napanauli ni Tobias ang paningin ng kaniyang ama.
Maliwanag, ang kuwentong ito ay hindi totoo. Bukod sa ito’y isang pantasya at mapamahiin, ito’y may kamalian. Halimbawa, ang ulat ay nagsasabi na nasaksihan ni Tobit kapuwa ang paghihimagsik ng mga tribo sa hilaga at ang pagkatapon ng mga Israelita sa Nineve, na mga pangyayari sa kasaysayan ng Israel na may pagitang 257 taon. Gayunman, sinasabi ng kuwento na si Tobit ay 112 taóng gulang nang siya’y mamatay.—Tobit 1:4, 11; 14:1, The Jerusalem Bible.
Ang ganiyang mga pabula ay malayung-malayo sa katotohanang “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” na ipinahayag ng tapat na mga lingkod Diyos. (2 Timoteo 1:13) Ang mga ito ay bunga ng guniguni, salungat sa tunay na pangyayari sa kasaysayan, ang uri ng kuwento ng di-maka-Diyos na matatandang babae. Ito ang mga kuwentong dapat tanggihan ng mga Kristiyano.
Pagsubok sa mga Salita ng Katotohanan
Marami ngayon ang nahahawig na mga kuwento. Sumulat si Pablo: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi titiisin [ng mga tao] ang nakapagpapalusog na turo, kundi, . . . itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan, samantalang sila ay naibabaling sa mga kuwentong di-totoo.” (2 Timoteo 4:3, 4) Sa ilang panig ng lupa, laganap at popular ang mga kuwento tungkol sa mga bagay na mahiwaga. Kung gayon, ang mga Kristiyano ay may kapantasang “sinusubok [ang] mga salita” ng relihiyosong mga kuwento upang alamin kung ang mga ito ay kasuwato ng Bibliya.—Job 12:11.
Maliwanag, marami ang hindi kasuwato. Halimbawa, sa maraming panig ng daigdig ay karaniwan nang makaririnig ng mga kuwentong sumusuhay sa paniniwala na ang kaluluwa ng tao ay walang kamatayan. Ang mga kuwentong ito ay naglalarawan kung papaano namamatay ang isang tao, at muling napakikita na taglay ang alinman sa katawan ng isang bagong-silang na sanggol, bilang isang espiritu, isang hayop, o isang tao sa isang naiibang lugar.
Subalit, ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang kaluluwa ng tao ay may kamatayan; pumapanaw ang mga kaluluwa. (Ezekiel 18:4) Bukod dito, sinasabi ng Bibliya na ang mga patay ay walang buhay sa libingan, hindi na nakapag-iisip, nakapagsasalita, o nakagagawa ng anuman. (Eclesiastes 9:5, 10; Roma 6:23) Sa gayon, ang mga nadadaya ng mga kuwentong di-totoo na nagtataguyod ng paniwala na walang kamatayan ang kaluluwa ay, gaya ng sabi ni Pablo, “naibabaling” mula sa “nakapagpapalusog na turo” ng Bibliya.
Mahiwagang mga Kuwento
Ang ibang mga kuwento ay nakatuon sa gawa ng mga mangkukulam at mga manggagaway. Halimbawa, sa ilang panig ng Aprika, ang mga ahenteng ito ng kasamaan ay sinasabing nasasangkapan ng kakila-kilabot na mga kapangyarihan, may kakayahang baguhin ang kanilang sarili o ang iba upang maging mga reptilya, matsing, at mga ibon; nakalilipad sa himpapawid upang tuparin ang kanilang mga misyon; nagpapakita at nawawala; nakatatagos sa mga pader; at nakikita ang mga bagay na nakabaon sa lupa.
Dahilan sa napakarami ng gayong mga kuwento, kasali na ang malaganap na paniniwala sa mga ito, ang ilan sa kongregasyong Kristiyano ay maaaring maimpluwensiyahan na maniwala rin na ang mga ito ay totoo. Baka sila’y mangatuwiran na samantalang ang normal na mga tao ay hindi makagawa ng gayong mga bagay, yaong tumatanggap ng mahiwagang mga kapangyarihan buhat sa mga espiritung nilalang, ang mga demonyo, ay maaaring makagawa nito. Ang waring saligan para sa ganitong panghihinuha ay ang 2 Tesalonica 2:9, 10, na nagsasabi: “Ang pagkanaririto ng isa na tampalasan ay alinsunod sa pagkilos ni Satanas taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan at taglay ang bawat di-matuwid na panlilinlang para doon sa mga nalilipol, bilang kagantihan sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan upang sila ay maligtas.”
Bagaman totoo na ipinakikita ng kasulatang ito na si Satanas ay nakagagawa ng makapangyarihang mga gawa, binanggit nito na si Satanas ang may kagagawan din ng “kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan,” gayundin ng “di-matuwid na panlilinlang.” Walang pagbabago, ipinakikita ng Bibliya na si Satanas ang pusakal na manlilinlang na siyang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Siya’y bihasa sa panlilinlang sa mga tao upang maniwala sa mga bagay na hindi totoo.
Dahilan dito, kahit na ang patotoo at mga pagtatapat niyaong mga napasangkot sa espiritismo at pangkukulam ay kalimitan hindi mapanghahawakan. Ang gayong mga tao ay maaaring taimtim na naniniwalang kanilang nakita, narinig, o naranasan ang ilang bagay; subalit, ang totoo, hindi gayon. Halimbawa, nariyan ang mga nag-aakalang sila’y nakipagtalastasan sa espiritu ng mga taong namatay na. Subalit sila’y nagkakamali, nadaya, mga biktima ng isang panlilinlang ni Satanas. Sinasabi ng Bibliya na ang mga namatay ay “bumababa sa katahimikan.”—Awit 115:17.
Dahilan sa kasaysayan ng Diyablo sa panlilinlang, ang pagiging totoo ng mahiwagang mga kuwento ay dapat na paghinalaan sa anumang kaso. Karamihan ay inimbento ng mapamahiing guniguni, na nadaragdagan sa patuloy na pagkukuwento.
Ang pag-ulit-ulit sa gayong mga pabula ay nagtataguyod ng mga kapakanan ng ama ng kasinungalingan, si Satanas na Diyablo. (Juan 8:44) Pinasisigla ng mga ito ang interes sa okultismo na kasuklam-suklam kay Jehova. (Deuteronomio 18:10-12) Sinisilo nito ang mga tao sa isang mistulang bahay-gagamba ng takot at pamahiin. Hindi nga kataka-taka na pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na “huwag . . . magbigay-pansin sa mga kuwentong di-totoo.”—1 Timoteo 1:3, 4.
Pagtanggi sa Patotoo ng mga Demonyo
Datapuwat, ano kung ang mga kuwento ay waring may katotohanan? Kung minsan may mga karanasan na inilalahad tungkol sa mga espiritu o mga espiritistang kumikilala sa pagiging kataas-taasan ni Jehova at sa pagiging totoo ng kaniyang mga Saksi. Dapat bang ulit-ulitin ng mga Kristiyano ang gayong mga kuwento?
Hindi, hindi nila dapat ulitin iyon. Ayon sa Bibliya, nang ang karumal-dumal na mga espiritu ay humiyaw na si Jesus ang Anak ng Diyos, “mahigpit siyang nag-utos sa kanila na huwag siyang gawing hayag.” (Marcos 3:12) Gayundin, nang inalihan ng isang demonyo ng panghuhula ang isang batang babae upang ipakilala sina Pablo at Bernabe bilang “mga alipin ng Kataas-taasang Diyos” at mga tagapaghayag ng “daan ng kaligtasan,” ang espiritu ay pinalabas sa kaniya ni Pablo. (Gawa 16:16-18) Kahit si Jesus, Pablo, ni sinuman sa mga manunulat ng Bibliya ay hindi nagpahintulot sa mga demonyo na magpatotoo tungkol sa layunin ng Diyos o sa kaniyang piniling mga lingkod.
Gayundin, kapansin-pansin na si Jesu-Kristo ay tumahan sa dako ng mga espiritu bago siya naparito sa lupa. Kilalang-kilala niya si Satanas. Subalit, hindi nilibang ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa paglalahad ng mga kuwento tungkol sa mga gawain ni Satanas, ni nagbigay man siya ng mga detalye tungkol sa magagawa at hindi magagawa ng Diyablo. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay hindi kaibigan ni Jesus. Sila ay mga itinakwil, rebelde, napopoot sa mga bagay na banal, at mga kaaway ng Diyos.
Sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang kailangang malaman natin. Ipinaliliwanag nito kung sino ang mga demonyo, kung papaano nila inililigaw ang mga tao, at kung papaano tayo makaiiwas sa kanila. Ipinakikita nito na si Jehova at si Jesus ay lalong makapangyarihan kaysa mga demonyo. At itinuturo nito sa atin na kung tayo’y tapat na maglilingkod kay Jehova, ang mga balakyot na espiritu ay hindi makagagawa sa atin ng anumang permanenteng kapinsalaan.—Santiago 4:7.
Kung gayon, may mabuting dahilan na tanggihan ng mga Kristiyano ang mga kuwentong di-totoo, mga kuwento na ang resulta’y itaguyod lamang ang mga kapakanan ng mga sumasalansang sa Diyos. Kung papaanong si Jesus ay ‘nagpatotoo sa katotohanan,’ gayundin ang kaniyang mga tagasunod ngayon. (Juan 18:37) May kapantasang sinusunod nila ang payo ng Bibliya: “Anumang mga bagay na totoo . . . patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
[Larawan sa pahina 31]
Lahat ng anyo ng okultismo ay kailangang mahigpit na iwasan ng tunay na mga Kristiyano