Mga Magulang, Ano ang Itinuturo ng Inyong Halimbawa?
“Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig, at patuloy na lumakad sa pag-ibig.”—EFESO 5:1, 2.
1. Anong uri ng mga tagubilin ang inilaan ni Jehova sa unang mag-asawang tao?
SI Jehova ang Pinagmulan ng kaayusang pampamilya. Utang sa kaniya ng bawat pamilya ang pag-iral nito sapagkat itinatag niya ang unang pamilya at binigyan ng kakayahang magkaanak ang unang mag-asawang tao. (Efeso 3:14, 15) Pinaglaanan niya sina Adan at Eva ng saligang tagubilin hinggil sa kanilang mga pananagutan at binigyan din sila ng sapat na pagkakataon upang gamitin ang kanilang sariling pag-iisip sa pagsasagawa ng mga ito. (Genesis 1:28-30; 2:6, 15-22) Matapos magkasala sina Adan at Eva, naging lalong masalimuot ang mga kalagayan na kinailangang harapin ng mga pamilya. Gayunpaman, maibiging naglaan si Jehova ng mga alituntunin na tutulong sa kaniyang mga lingkod upang maharap ang gayong mga situwasyon.
2. (a) Sa paanong paraan nilakipan ni Jehova ng bibigang pagtuturo ang nasusulat na payo? (b) Ano ang dapat itanong ng mga magulang sa kanilang sarili?
2 Bilang ating Dakilang Tagapagturo, marami pang ginawa si Jehova bukod sa paglalaan ng nasusulat na mga tagubilin hinggil sa kung ano ang dapat nating gawin at dapat iwasan. Noong unang panahon, ang nasusulat na instruksiyon ay nilakipan niya ng bibigang instruksiyon sa pamamagitan ng mga saserdote at mga propeta at sa pamamagitan ng mga ulo ng pamilya. Sino pa ang ginagamit niya upang maglaan ng gayong bibigang pagtuturo sa ating panahon? Ang Kristiyanong matatanda at mga magulang. Kung isa kang magulang, ginagampanan mo ba ang iyong bahagi sa pagtuturo sa iyong pamilya sa mga daan ni Jehova?—Kawikaan 6:20-23.
3. Ano ang matututuhan ng mga ulo ng pamilya mula kay Jehova may kinalaman sa mabisang pagtuturo?
3 Paano ba dapat ilaan ang gayong pagtuturo sa loob ng pamilya? Nagpakita si Jehova ng parisan. Maliwanag niyang sinasabi kung ano ang mabuti at kung ano ang masama, at madalas siyang gumamit ng pag-uulit. (Exodo 20:4, 5; Deuteronomio 4:23, 24; 5:8, 9; 6:14, 15; Josue 24:19, 20) Naghaharap siya ng mga tanong na pumupukaw sa isip. (Job 38:4, 8, 31) Sa pamamagitan ng mga ilustrasyon at mga halimbawa sa totoong buhay, inaantig niya ang ating damdamin at hinuhubog ang ating puso. (Genesis 15:5; Daniel 3:1-29) Mga magulang, kapag tinuturuan ninyo ang inyong mga anak, sinisikap ba ninyong tularan ang parisang iyan?
4. Ano ang natututuhan natin kay Jehova may kinalaman sa paglalapat ng disiplina, at bakit mahalaga ang disiplina?
4 Si Jehova ay matatag sa kung ano ang tama, ngunit nauunawaan niya ang mga epekto ng di-kasakdalan. Kaya bago siya magparusa, siya’y nagtuturo at paulit-ulit na nagbababala at nagpapaalaala sa di-sakdal na mga tao. (Genesis 19:15, 16; Jeremias 7:23-26) Kapag nagdidisiplina siya, ginagawa niya ito sa tamang antas, hindi labis-labis. (Awit 103:10, 11; Isaias 28:26-29) Kung ganiyan ang pakikitungo natin sa ating mga anak, patotoo ito na kilala natin si Jehova, at magiging mas madali para sa kanila na makilala rin siya.—Jeremias 22:16; 1 Juan 4:8.
5. Ano ang matututuhan ng mga magulang mula kay Jehova tungkol sa pakikinig?
5 Sa kamangha-manghang paraan, si Jehova ay nakikinig bilang isang maibiging Ama sa langit. Hindi siya basta nagpapalabas lamang ng mga utos. Pinatitibay-loob niya tayo na sabihin sa kaniya ang nilalaman ng ating puso. (Awit 62:8) At kung hindi naman tama ang mga damdaming ipinahahayag natin, hindi siya sumisigaw ng pagsaway mula sa langit. Tayo’y matiyaga niyang tinuturuan. Angkop nga, kung gayon, ang payo ni apostol Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig”! (Efeso 4:31–5:1) Ano ngang inam na halimbawa ang inilaan ni Jehova para sa mga magulang habang sinisikap nilang maturuan ang kanilang mga anak! Iyon ay isang halimbawa na tumatagos sa ating puso at gumaganyak sa atin na lumakad sa kaniyang daan ukol sa buhay.
Ang Impluwensiya ng Halimbawa
6. Paano nakaiimpluwensiya sa kanilang mga anak ang saloobin at halimbawa ng mga magulang?
6 Bukod sa bibigang pagtuturo, ang halimbawa ay may malaking impluwensiya sa mga bata. Gustuhin man o hindi ng mga magulang, tutularan sila ng kanilang mga anak. Maaaring makalugod sa magulang—kung minsan ay makagimbal sa kanila—kapag narinig nilang nagsasalita ang kanilang mga anak ng mga bagay na nasabi na rin nila mismo. Kapag kapuwa ang paggawi at saloobin ng mga magulang ay nagpapaaninaw ng matinding pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, nagkakaroon ito ng positibong impluwensiya sa mga anak.—Kawikaan 20:7.
7. Anong uri ng halimbawa ng magulang ang inilaan ni Jefte sa kaniyang anak na babae, at ano ang naging resulta?
7 Ang epekto ng halimbawa ng magulang ay mainam na inilarawan sa Bibliya. Si Jefte, na ginamit ni Jehova upang akayin ang Israel sa tagumpay laban sa mga Ammonita, ay isa ring ama. Sa ulat ng kaniyang naging pagtugon sa hari ng Ammon, ipinahihiwatig na madalas basahin ni Jefte ang kasaysayan ng pakikitungo ni Jehova sa Israel. Malaya siyang sumisipi mula sa kasaysayang iyan, at nagpakita siya ng matibay na pananampalataya kay Jehova. Tiyak, ang kaniyang halimbawa ay nakatulong sa kaniyang anak na babae upang magkaroon ng pananampalataya at espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili na ipinamalas niya sa habambuhay na paglilingkuran kay Jehova bilang isang dalaga.—Hukom 11:14-27, 34-40; ihambing ang Josue 1:8.
8. (a) Anong mainam na saloobin ang ipinakita ng mga magulang ni Samuel? (b) Paano iyon pinakinabangan ni Samuel?
8 Si Samuel ay isang ulirang bata at tapat sa Diyos bilang isang propeta sa buong buhay niya. Nais ba ninyong maging katulad niya ang inyong mga anak? Suriin ang halimbawang ipinakita ng mga magulang ni Samuel, sina Elkana at Hana. Bagaman hindi uliran ang situwasyon sa kanilang sambahayan, sila’y regular na pumaparoon sa Shilo upang sumamba, ang dako na kinaroroonan ng sagradong tabernakulo. (1 Samuel 1:3-8, 21) Pansinin ang masidhing damdamin ni Hana sa kaniyang panalangin. (1 Samuel 1:9-13) Bigyang-pansin ang nadama nilang dalawa hinggil sa kahalagahan ng pagtupad sa anumang ipinangako sa Diyos. (1 Samuel 1:22-28) Ang kanilang mainam na halimbawa ay tiyak na nakatulong kay Samuel upang magkaroon ng mga katangiang nagpangyari sa kaniya na magtaguyod ng tamang landasin—kahit na ang mga tao sa paligid niya na di-umano’y naglilingkod kay Jehova ay hindi nagpakita ng paggalang sa mga daan ng Diyos. Nang maglaon, pinagkatiwalaan ni Jehova si Samuel ng responsibilidad bilang Kaniyang propeta.—1 Samuel 2:11, 12; 3:1-21.
9. (a) Anong mga impluwensiya sa tahanan ang nagkaroon ng mabuting epekto kay Timoteo? (b) Naging anong uri ng tao si Timoteo?
9 Nais ba ninyong ang inyong anak na lalaki ay maging katulad ni Timoteo, na bilang isang kabataan ay naging kasamahan ni apostol Pablo? Ang ama ni Timoteo ay hindi mananampalataya, ngunit ang kaniyang ina at lola ay nagpakita ng mainam na halimbawa ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Tiyak na nakatulong ito upang maglatag ng mahusay na pundasyon sa buhay ni Timoteo bilang isang Kristiyano. Sinasabi sa atin na ang kaniyang ina, si Eunice, at ang kaniyang lola na si Loida ay may “pananampalatayang . . . walang anumang pagpapaimbabaw.” Ang kanilang buhay bilang mga Kristiyano ay hindi palabas lamang; talagang namuhay sila ayon sa kanilang pinaniniwalaan, at ganito rin ang itinuro nila sa batang si Timoteo. Pinatunayan ni Timoteo na siya ay maaasahan at taimtim na nagmamalasakit sa kapakanan ng iba.—2 Timoteo 1:5; Filipos 2:20-22.
10. (a) Anong mga halimbawa sa labas ng tahanan ang maaaring makaapekto sa ating mga anak? (b) Paano tayo dapat tumugon kapag nakikita ang mga impluwensiyang ito sa pananalita o saloobin ng ating mga anak?
10 Ang mga halimbawa na nakaaapekto sa ating mga anak ay hindi pawang nasa loob ng tahanan. Nariyan ang mga bata na kasama nila sa paaralan, mga guro na ang gawain ay hubugin ang mga murang kaisipan, mga taong may matinding paniniwala na ang lahat ay dapat sumunod sa malalim-ang-pagkakaugat na mga kaugalian sa tribo o pamayanan, mga idolo sa palakasan na ang mga tagumpay ay malawakang pinupuri, at mga opisyal ng bayan na ang paggawi ay laging itinatampok sa balita. Milyun-milyong bata ang nalalantad din sa kalupitan ng digmaan. Dapat ba nating ipagtaka kung ang mga impluwensiyang ito ay makita sa pananalita o saloobin ng ating mga anak? Paano tayo tumutugon kapag gayon nga ang nangyayari? Nalulutas ba ang problema sa pamamagitan ng matinding saway o mahigpit na sermon? Sa halip na magalit kaagad sa ating mga anak, hindi ba mas mabuti na tanungin ang ating sarili, ‘Mayroon bang anumang bagay sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa atin na maaaring makatulong upang matiyak kung paano haharapin ang ganitong situwasyon?’—Ihambing ang Roma 2:4.
11. Kapag nagkamali ang mga magulang, paano ito makaaapekto sa saloobin ng kanilang mga anak?
11 Sabihin pa, hindi laging mahaharap ng di-sakdal na mga magulang ang mga situwasyon sa pinakamainam na paraan. Sila’y magkakamali. Kapag natalos ito ng mga anak, mawawala ba ang respeto nila sa kanilang mga magulang? Maaaring magkagayon nga, lalo na kung tatangkain ng mga magulang na ipagwalang-bahala ang kanilang mga pagkakamali sa pamamagitan ng mahigpit na paggiit ng kanilang awtoridad. Ngunit maaaring ibang-iba rito ang kahihinatnan kung ang mga magulang ay mapagpakumbaba at malayang aamin ng kanilang pagkakamali. Sa ganito, makapaglalaan sila ng mahalagang halimbawa para sa kanilang mga anak, na kailangang matutong gumawa rin ng gayon.—Santiago 4:6.
Kung Ano ang Maaaring Ituro ng Ating Halimbawa
12, 13. (a) Ano ang kailangang matutuhan ng mga anak tungkol sa pag-ibig, at paano ito pinakamabisang maituturo? (b) Bakit mahalaga na matutuhan ng mga anak ang tungkol sa pag-ibig?
12 Maraming mahahalagang aral na pinakamabisang maituturo kapag ang bibigang pagtuturo ay nilalakipan ng isang mabuting halimbawa. Isaalang-alang ang ilan sa mga ito.
13 Pagpapahayag ng walang-pag-iimbot na pag-ibig: Ang isa sa pinakamahahalagang aral na mapatitibay sa pamamagitan ng halimbawa ay ang kahulugan ng pag-ibig. “Tayo ay umiibig, sapagkat [ang Diyos] ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Siya ang Pinagmumulan at pinakadakilang halimbawa ng pag-ibig. Ang may-simulaing pag-ibig na ito, ang a·gaʹpe, ay binabanggit sa Bibliya nang mahigit na 100 ulit. Iyon ay isang katangian na pagkakakilanlan sa mga tunay na Kristiyano. (Juan 13:35) Dapat ipakita ang gayong pag-ibig sa Diyos at kay Jesu-Kristo at gayundin ng mga tao sa isa’t isa—kahit na sa mga taong hindi natin gusto. (Mateo 5:44, 45; 1 Juan 5:3) Ang pag-ibig na ito ay dapat na nasa ating puso at makikita sa ating buhay bago natin mabisang maituro ito sa ating mga anak. Mas malakas mangusap ang gawa kaysa sa salita. Sa loob ng pamilya, kailangang makita at maranasan ng mga anak ang pag-ibig at ang kaugnay nitong mga katangian, gaya ng pagmamahal. Kung wala nito, mapipigil ang paglaki ng bata sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan. Kailangan ding makita ng mga anak kung paano wastong maipapakita ang pag-ibig at pagmamahal sa mga kapuwa Kristiyano na hindi nila kapamilya.—Roma 12:10; 1 Pedro 3:8.
14. (a) Paano matuturuan ang mga anak ng mabuting paggawa na nagdudulot ng kasiyahan? (b) Paano ito maisasagawa sa kalagayan ng inyong pamilya?
14 Matuto kung paano gumawa: Ang paggawa ay isang mahalagang bahagi ng buhay. Upang makadama ng pagpapahalaga sa sarili, kailangang matutuhan ng tao ang mabuting paggawa. (Eclesiastes 2:24; 2 Tesalonica 3:10) Kung ang isang anak ay inatasan ng mga gawain nang hindi gaanong nabigyan ng tagubilin at saka pinagalitan dahil sa hindi niya mahusay na nagawa iyon, malamang na hindi siya matuto ng mabuting paggawa. Ngunit kapag ang mga anak ay natututo sa pamamagitan ng aktuwal na paggawang kasama ng kanilang mga magulang at nabibigyan ng angkop na komendasyon, malamang na matuto sila kung paano gagawa na nagdudulot ng kasiyahan. Kung ang halimbawa ng mga magulang ay nilalakipan ng paliwanag, baka matutuhan ng mga anak hindi lamang kung paano tatapusin ang gawain kundi kung paano rin malulutas ang mga suliranin, kung paano magtitiyaga sa isang gawain hanggang sa matapos ito, at kung paano mangangatuwiran at magpapasiya. Sa ganitong kalagayan ay matutulungan silang maunawaan na si Jehova ay gumagawa rin, na mabuti ang kaniyang gawa, at na tinutularan ni Jesus ang kaniyang Ama. (Genesis 1:31; Kawikaan 8:27-31; Juan 5:17) Kung ang isang pamilya ay nagsasaka o nagpapatakbo ng isang negosyo, ang ilang miyembro ng pamilya ay maaaring gumawang sama-sama. O marahil ay matuturuan ng ina ang kaniyang anak na lalaki o babae na magluto at magligpit matapos kumain. Ang isang ama na nagtatrabaho sa malayo ay maaaring magplano na gumawa ng mga proyekto sa bahay na kasama ang kaniyang mga anak. Totoong kapaki-pakinabang kung iisipin ng mga magulang hindi lamang ang pagtatapos kaagad ng mga gawain kundi ang paghahanda rin sa kanilang mga anak para sa magiging buhay nila sa kalaunan!
15. Sa anu-anong paraan maituturo ang mga aral tungkol sa pananampalataya? Ilarawan.
15 Pag-iingat ng pananampalataya sa harap ng kagipitan: Ang pananampalataya ay isa ring mahalagang bahagi ng ating buhay. Kapag pinag-uusapan ang pananampalataya sa pampamilyang pag-aaral, maaaring matutuhan ng mga anak na mabigyan ito ng kahulugan. Maaari rin nilang mabatid ang patotoo na nagiging dahilan ng paglago ng pananampalataya sa kanilang puso. Ngunit kapag nakikita nilang nagpapamalas ng matibay na pananampalataya ang kanilang mga magulang sa kabila ng matitinding pagsubok, ang epekto ay maaaring tumagal habambuhay. Isang estudyante ng Bibliya sa Panama ang pinagbantaang palalayasin ng kaniyang asawa sa kanilang bahay kung hindi siya hihinto ng paglilingkod kay Jehova. Gayunpaman, kasama ng kaniyang apat na maliliit na anak, regular pa rin niyang nilalakad ang 16 na kilometro at saka sumasakay ng bus sa layong 30 kilometro upang makarating sa pinakamalapit na Kingdom Hall. Palibhasa’y napatibay sa halimbawang iyan, mga 20 miyembro ng kaniyang pamilya ang yumakap sa daan ng katotohanan.
Paglalaan ng Halimbawa sa Pagbabasa ng Bibliya Araw-araw
16. Bakit inirerekomenda na basahin ng pamilya ang Bibliya araw-araw?
16 Isa sa pinakamahahalagang kaugalian na maitatatag ng anumang pamilya—isang kaugalian na pakikinabangan ng mga magulang at magiging isang halimbawa para tularan ng mga anak—ang regular na pagbabasa ng Bibliya. Hangga’t maaari, basahin ang Bibliya araw-araw. Hindi ang dami ng nababasa ang siyang pinakamahalaga. Makapupong higit na mahalaga ang pagiging regular at ang paraan ng pagbabasa. Para sa mga anak, ang pagbabasa ng Bibliya ay maaaring lakipan ng pakikinig sa mga audiocassette ng My Book of Bible Stories kung mayroon nito sa inyong wika. Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos sa araw-araw ay tumutulong sa atin na laging unahin ang kaisipan ng Diyos. At kung ang gayong pagbabasa ng Bibliya ay gagawin hindi lamang ng mga indibiduwal kundi ng mga pamilya, makatutulong ito sa buong sambahayan upang makalakad sa mga daan ni Jehova. Ang kaugaliang ito ang pinasigla sa kamakailang “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Kombensiyon sa dramang Mga Pamilya—Ugaliin ang Pagbabasa ng Bibliya Araw-Araw!—Awit 1:1-3.
17. Paano nakatutulong ang pampamilyang pagbabasa ng Bibliya at pagsasaulo ng mga pangunahing teksto sa pagkakapit ng payo sa Efeso 6:4?
17 Ang pagbabasa ng Bibliya bilang isang pamilya ay kasuwato ng isinulat ni apostol Pablo sa kaniyang kinasihang liham sa mga Kristiyano sa Efeso, na ang sabi: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ano ang ibig sabihin nito? Ang “pangkaisipang-pagtutuwid” ay literal na nangangahulugang “paglalagay ng isip sa”; kaya hinihimok ang mga Kristiyanong ama na ilagay ang isip ng Diyos na Jehova sa kanilang mga anak—tulungan ang mga anak na mabatid ang mga kaisipan ng Diyos. Upang magawa ito, makatutulong kung pasisiglahin ang mga anak na sauluhin ang mga pangunahing teksto. Ang layunin ay upang patnubayan ng mga kaisipan ni Jehova ang pag-iisip ng mga anak nang sa gayo’y unti-unting masasalamin sa mga hangarin at paggawi ng mga anak ang makadiyos na mga pamantayan kasama man o hindi ng mga magulang ang mga anak. Ang Bibliya ang siyang saligan sa gayong pag-iisip.—Deuteronomio 6:6, 7.
18. Kapag nagbabasa ng Bibliya, ano ang maaaring kailanganin upang (a) maunawaan ito nang malinaw? (b) makinabang sa payo nito? (c) tumugon sa isinisiwalat nito tungkol sa layunin ni Jehova? (d) makinabang sa sinasabi nito tungkol sa mga saloobin at pagkilos ng mga tao?
18 Mangyari pa, upang magkaroon ng epekto ang Bibliya sa ating buhay, kailangan nating maunawaan ang sinasabi nito. Para sa marami, baka mangailangan ito ng pagbabasa ng mga bahagi nito nang hindi lamang minsanan. Upang maunawaan ang ganap na diwa ng ilang pananalita, baka kailangan nating tingnan ang mga salita sa isang diksyunaryo o sa Insight on the Scriptures. Kung ang kasulatan ay nagtataglay ng payo o isang utos, pag-usapan ang tungkol sa mga situwasyon sa ating panahon na nagpapangyaring ito’y maging angkop. Saka maitatanong ninyo, ‘Paano tayo makikinabang sa pagkakapit ng payong ito?’ (Isaias 48:17, 18) Kung ang kasulatan ay may sinasabi tungkol sa ilang bahagi ng layunin ni Jehova, itanong, ‘Paano naaapektuhan nito ang ating buhay?’ Marahil ay binabasa ninyo ang isang ulat na nagsasabi tungkol sa mga saloobin at pagkilos ng mga tao. Anong mga kagipitan sa buhay ang kanilang nararanasan? Paano nila hinarap ang mga ito? Paano tayo makikinabang sa kanilang halimbawa? Laging maglaan ng panahon upang pag-usapan ang kahulugan ng salaysay sa ating buhay ngayon.—Roma 15:4; 1 Corinto 10:11.
19. Sa pagiging mga tagatulad sa Diyos, ano ang ilalaan natin sa ating mga anak?
19 Anong inam na paraan upang ikintal sa ating isip at puso ang mga kaisipan ng Diyos! Sa gayo’y matutulungan talaga tayo na maging ‘mga tagatulad ng Diyos, gaya ng mga anak na iniibig.’ (Efeso 5:1) At maglalaan tayo ng halimbawa na talagang karapat-dapat tularan ng ating mga anak.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano makikinabang ang mga magulang mula sa halimbawa ni Jehova?
◻ Bakit dapat lakipan ng mabuting halimbawa ng magulang ang bibigang pagtuturo sa mga anak?
◻ Ano ang ilang aral na pinakamainam na naituturo sa pamamagitan ng halimbawa ng magulang?
◻ Paano tayo lubusang makikinabang sa pampamilyang pagbabasa ng Bibliya?
[Mga larawan sa pahina 10]
Marami ang nasisiyahan sa araw-araw na pagbasa ng Bibliya bilang isang pamilya