Sina Eunice at Loida—Mga Ulirang Tagapagturo
Bilang mga lingkod ni Jehova, alam natin na ang paglalaan sa ating mga anak ng mabisang edukasyon sa relihiyon ay isang maselan na pananagutan. Maging sa pinakamainam na kalagayan, ang tungkuling ito ay maaaring malipos ng lahat ng uri ng hadlang at mga suliranin. Lalo na nga kung ang napapaharap sa hamong iyan ay isang Kristiyanong magulang na nasa isang nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon. Hindi na bago ang ganiyang kalagayan. Sinasabi sa atin ng Kasulatan ang hinggil sa isang magulang na nasa ganitong kalagayan noong unang siglo C.E.
Ang pamilya ng isang babaing nagngangalang Eunice ay nakatira sa Listra, isang lunsod sa rehiyon ng Lycaonia sa timog-sentral ng Asia Minor. Ang Listra ay isang maliit na panlalawigang lunsod na hindi gaanong kilala. Ito’y isang kolonya ng mga Romano na tinatawag na Julia Felix Gemina Lustra, na itinatag ni Augustus Caesar upang hadlangan ang mga gawain ng mga tulisan sa nakapalibot na mga lugar. Si Eunice ay isang Kristiyanong Judio na nakatira sa isang nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon kasama ng kaniyang asawang Griego, ng kaniyang anak na si Timoteo, at ng kaniyang inang si Loida.—Gawa 16:1-3.
Malamang, walang gaanong Judio sa Listra, yamang walang binabanggit ang Bibliya na may sinagoga roon, bagaman may mga Judio sa Iconio, na mga 30 kilometro ang layo. (Gawa 14:19) Kaya tiyak na hindi naging madali para kay Eunice na isagawa ang kaniyang pananampalataya. Ang bagay na ang kaniyang anak na si Timoteo ay hindi tinuli pagkapanganak sa kaniya ay umakay sa ilang iskolar na ipalagay na salungat ang asawa ni Eunice sa ideyang iyon.
Gayunman, hindi nag-iisa si Eunice sa kaniyang paniniwala. Lumilitaw na tumanggap si Timoteo ng turo sa “banal na mga kasulatan” mula sa kaniyang ina at lola sa ina, si Loida.a Tinagubilinan ni apostol Pablo si Timoteo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan, yamang nakikilala mo kung kaninong mga tao natutuhan mo ang mga ito at na mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.”—2 Timoteo 3:14, 15.
Pagtuturo “Mula sa Pagkasanggol”
Nang sabihin ni Pablo na ang pagtuturo kay Timoteo sa “banal na mga kasulatan” ay ginawa “mula sa pagkasanggol,” maliwanag na ito’y nangangahulugang mula sa pagiging sanggol. Ito’y kaayon ng kaniyang paggamit ng salitang Griego na (breʹphos) na karaniwang tumutukoy sa isang bagong panganak. (Ihambing ang Lucas 2:12, 16.) Kaya nga buong-taimtim na isinagawa ni Eunice ang kaniyang bigay-Diyos na pananagutan, anupat hindi nag-aksaya ng panahon na pasimulan ang pagsasanay kay Timoteo na tutulong dito upang lumaking isang tapat na lingkod ng Diyos.—Deuteronomio 6:6-9; Kawikaan 1:8.
Si Timoteo ay “nahikayat na sampalatayanan” ang mga katotohanan sa Kasulatan. Ayon sa isang leksikong Griego, ang salitang ginamit dito ni Pablo ay nangangahulugang “may katatagang hikayatin sa; tiyakin ang” isang bagay. Walang alinlangan, kinailangan ang mahabang panahon at pagsisikap upang mag-ugat sa puso ni Timoteo ang gayong matibay na pananalig, anupat tinutulungan siyang mangatuwiran hinggil sa Salita ng Diyos at sampalatayanan ito. Kung gayon, malamang na sina Eunice at Loida ay kapuwa nagpagal upang maturuan si Timoteo mula sa Kasulatan. At gayon na lamang ang gantimpalang inani ng makadiyos na mga babaing ito! Ganito ang isinulat ni Pablo kay Timoteo: “Nagugunita ko ang pananampalatayang nasa iyo na walang anumang pagpapaimbabaw, at na unang nanahan sa iyong lolang si Loida at sa iyong inang si Eunice, ngunit may tiwala rin akong nasa iyo.”—2 Timoteo 1:5.
Talagang napakahalaga ng papel na ginampanan nina Eunice at Loida sa buhay ni Timoteo! Tungkol dito, sinabi ng manunulat na si David Read: “Kung naniniwala ang apostol na walang mahalaga kundi ang sariling personal na karanasan ng pagkakumberte ni Timoteo, sana’y iyon na agad ang ipinagunita nito sa kaniya. Subalit ang unang bagay na sinabi niya tungkol sa pananampalataya ni Timoteo ay na ito’y ‘buháy [na] kina Loida . . . at Eunice.’ ” Ipinakikita ng pangungusap ni Pablo hinggil sa pananampalataya nina Loida, Eunice, at Timoteo na madalas na ang maagang pagtuturo sa Kasulatan na ginagawa ng mga magulang at maging ng mga lolo’t lola sa tahanan ay napakahalaga sa pagtiyak sa magiging espirituwal na kinabukasan ng isang bata. Hindi ba dapat na maging dahilan ito upang pag-isipang mabuti ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang ginagawa upang maisakatuparan ang pananagutang ito kapuwa sa Diyos at sa kanilang mga anak?
Marahil ay iniisip din ni Pablo ang uri ng kapaligiran sa tahanan na nilikha nina Loida at Eunice. Marahil ay nakadalaw ang apostol sa kanilang tahanan noong unang pagtigil niya sa Listra, mga 47/48 C.E. Malamang na noon nakumberte ang dalawang babaing ito sa Kristiyanismo. (Gawa 14:8-20) Marahil ang mainit at maligayang pagsasamahan na tinatamasa sa sambahayang iyon ang nakaimpluwensiya sa ginamit na mga salita ni Pablo nang tukuyin si Loida bilang “lola” ni Timoteo. Ayon sa iskolar na si Ceslas Spicq, ang salitang Griego na kaniyang ginamit (mamʹme, kung ihahambing sa klasikal at mapitagang teʹthe) ay “isang malambing na salita ng isang bata” para sa kaniyang lola, na sa kontekstong ito ay nangangahulugang isang “detalye ng pagkamalapít at pagmamahal.”
Ang Pag-alis ni Timoteo
Hindi naging maliwanag ang kalagayan ni Eunice bilang may asawa nang dumalaw muli si Pablo sa Listra sa ikalawang pagkakataon (mga 50 C.E.). Ipinalalagay ng maraming iskolar na siya’y isa nang balo. Anuman ang pangyayari, sa ilalim ng patnubay ng kaniyang ina at lola, si Timoteo ay lumaking isang mabuting binata, na marahil ay mga 20 taon na ang gulang nang panahong iyon. Siya’y “may mabuting ulat mula sa mga kapatid sa Listra at Iconio.” (Gawa 16:2) Maliwanag, naitanim sa puso ni Timoteo ang hangaring palaganapin ang mabuting balita ng Kaharian, sapagkat tinanggap niya ang paanyaya ni Pablo na sumama sa kaniya at kay Silas sa kanilang paglalakbay bilang misyonero.
Gunigunihin ang nadama nina Eunice at Loida nang malapit nang umalis si Timoteo! Alam nila na noong unang dumalaw si Pablo sa kanilang lunsod, ang apostol ay binato at inakalang patay na. (Gawa 14:19) Kaya hindi marahil naging madali para sa kanila na payagang umalis ang kabataang si Timoteo. Malamang, iniisip nila kung gaano katagal siyang mawawala at kung siya’y makababalik pa nang ligtas. Sa kabila ng ganitong posibleng pagkabalisa, walang-alinlangang hinikayat siya ng kaniyang ina at lola na tanggapin ang pantanging pribilehiyong ito na magpapangyari sa kaniya na lubusan pang makapaglingkod kay Jehova.
Mahahalagang Aral
Napakaraming matututuhan sa maingat na pagsasaalang-alang kina Eunice at Loida. Ang pananampalataya ang nag-udyok sa kanila na palakihin si Timoteo na malusog sa espirituwal. Ang maygulang at matatag na halimbawa ng makadiyos na debosyon na ipinakikita ng mga lolo’t lola sa kanilang mga apo at sa iba ay tiyak na magiging kapaki-pakinabang sa buong kongregasyong Kristiyano. (Tito 2:3-5) Ang halimbawa ni Eunice ay nagpapaalaala rin sa mga ina na may di-sumasampalatayang asawa tungkol sa pananagutan at mga gantimpala ng espirituwal na pagtuturo sa kanilang mga anak. Sa paggawa nito ay nangangailangan ng malaking tibay ng loob kung minsan, lalo na kung ang ama ay hindi gaanong sang-ayon sa relihiyosong mga paniniwala ng kaniyang asawa. Kailangan din dito ang taktika, yamang dapat igalang ng Kristiyanong asawang babae ang pagkaulo ng kaniyang asawa.
Ang pananampalataya, pagsisikap, at pagpapakasakit nina Loida at Eunice ay ginantimpalaan nang makita nilang si Timoteo ay sumusulong sa espirituwal hanggang sa punto na siya’y naging isang mahusay na misyonero at tagapangasiwa. (Filipos 2:19-22) Gayundin sa ngayon, ang pagtuturo sa ating mga anak ng mga katotohanan sa Kasulatan ay nangangailangan ng panahon, pagtitiis, at determinasyon, ngunit nagiging sulit naman ang lahat ng pagsisikap dahil sa mainam na bunga nito. Maraming ulirang kabataang Kristiyano na tinuruan sa ‘banal na mga kasulatan mula sa pagkasanggol’ sa nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon ang nakapagdulot ng malaking kagalakan sa kanilang makadiyos na magulang. At totoong-totoo ang kawikaan na nagsasabi: ‘Siyang nagsilang sa isang pantas ay magagalak’!—Kawikaan 23:23-25.
Ganito ang sabi ni apostol Juan tungkol sa kaniyang espirituwal na mga anak: “Wala na akong mas dakila pang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Tiyak, ang damdaming ipinahayag sa mga salitang iyon ay nadarama rin ng marami na napatunayang katulad nina Eunice at Loida, ang dalawang ulirang tagapagturo.
[Talababa]
a Na si Loida ay hindi lola ni Timoteo sa ama ay ipinahiwatig ng saling Syriac na “ina ng kaniyang ina” sa 2 Timoteo 1:5.