Tito—“Isang Kamanggagawa Para sa Inyong Kapakanan”
KUNG minsan ay bumabangon noon ang mga suliranin sa loob ng unang-siglong Kristiyanong kongregasyon. Ang mga ito’y dapat lutasin, at kailangan dito ang lakas ng loob at pagkamasunurin. Ang isang lalaki na hindi lamang miminsang nakapanagumpay sa gayong hamon ay si Tito. Bilang isa na nakasama ni apostol Pablo sa gawain, gayon na lamang ang kaniyang pagsisikap na matulungan ang iba na gawin ang mga bagay ayon sa paraan ni Jehova. Kaya naman sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto na si Tito ay ‘isang kamanggagawa para sa kanilang kapakanan.’—2 Corinto 8:23.
Sino ba si Tito? Anong bahagi ang ginampanan niya sa paglutas sa mga suliranin? At paano tayo makikinabang sa pagsasaalang-alang sa kaniyang paggawi?
Ang Isyu ng Pagtutuli
Si Tito ay isang di-tuling Griego. (Galacia 2:3)a Yamang tinatawag siya ni Pablo na “isang tunay na anak alinsunod sa pananampalataya na taglay ng lahat,” maaaring si Tito ay isa sa mga espirituwal na anak ng apostol. (Tito 1:4; ihambing ang 1 Timoteo 1:2.) Si Tito ay kasama nina Pablo, Bernabe, at iba pa mula sa Antioquia, Sirya, nang sila’y pumunta sa Jerusalem noong mga 49 C.E. upang pag-usapan ang problema tungkol sa pagtutuli.—Gawa 15:1, 2; Galacia 2:1.
Ipinahihiwatig na yamang ang pangungumberte sa mga di-tuling Gentil ay pinag-uusapan pa sa Jerusalem, si Tito ay isinama upang ipakita na maaaring matamo ng mga Judio at di-Judio ang pagsang-ayon ng Diyos tuli man sila o hindi. Ikinatuwiran ng ilang miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem na dati’y mga Fariseo bago naging mga Kristiyano na obligado ang mga nakumberteng Gentil na magpatuli at sumunod sa Batas, ngunit ang pangangatuwirang ito ay tinutulan. Ang pagpilit kay Tito at sa iba pang Gentil na magpatuli ay pagpapabulaan sa kaligtasan na nakadepende sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova at sa pananampalataya kay Jesu-Kristo sa halip na sa mga gawang ayon sa Batas. Ito’y isa ring pagtanggi sa ebidensiya na ang mga Gentil, o mga tao ng mga bansa, ay tumanggap na ng banal na espiritu ng Diyos.—Gawa 15:5-12.
Isinugo sa Corinto
Nang malutas ang isyu sa pagtutuli, sina Pablo at Bernabe ay binigyan ng lubusang awtoridad na mangaral sa mga bansa. Kasabay nito, nagsikap din sila na ingatan sa isipan ang mga dukha. (Galacia 2:9, 10) Sa katunayan, nang muling mabanggit si Tito sa kinasihang ulat pagkalipas ng mga anim na taon, siya’y nasa Corinto naman bilang sugo ni Pablo sa pag-oorganisa ng isang pangingilak para sa mga banal. Ngunit habang ginagawa ito ni Tito, napasuong na naman siya sa isang kalagayang tigib ng kaigtingan.
Isinisiwalat ng mga liham ni Pablo sa mga taga-Corinto na noong una’y sinulatan niya sila na “tumigil sa pakikihalubilo sa mga mapakiapid.” Kinailangang sabihin niya sa kanila na alisin ang isang di-nagsisising mapakiapid mula sa gitna nila. Oo sinulatan sila ni Pablo ng isang matinding liham, na ginagawa ito “taglay ang maraming luha.” (1 Corinto 5:9-13; 2 Corinto 2:4) Samantala, si Tito ay isinugo sa Corinto upang tumulong sa pangingilak na ginagawa roon para sa nangangailangang mga Judeanong Kristiyano. Malamang, siya’y ipinadala rin upang matyagan ang reaksiyon ng mga taga-Corinto sa liham ni Pablo.—2 Corinto 8:1-6.
Paano kaya tinanggap ng mga taga-Corinto ang payo ni Pablo? Palibhasa’y nasasabik na malaman, maaaring isinugo ni Pablo si Tito mula sa Efeso patawid sa kabilang ibayo ng Dagat Aegeano patungong Corinto, na binilinang bumalik agad hangga’t maaari. Kung ang gayong misyon ay natapos bago tumigil ang paglalayag sa panahon ng taglamig (noong mga kalahatian ng Nobyembre), si Tito ay maaaring pumunta sa Troas sakay ng barko o dumaan sa mas mahabang katihan na biyaheng Hellespont. Malamang na maagang dumating si Pablo sa pinagkasunduang tagpuan sa Troas, yamang dahil sa pagkakagulong sinimulan ng mga platero ay umalis siya sa Efeso nang mas maaga sa inaasahan. Matapos ang di-mapalagay na paghihintay sa Troas, napag-unawa ni Pablo na hindi daraan si Tito sa dagat. Kaya naman, dali-daling naglakbay si Pablo sa katihan sa pag-asang makakatagpo ito sa daan. Nang nasa Europeong lupain na si Pablo, dumaan siya sa Via Egnatia, at sa wakas ay nagtagpo sila ni Tito sa Macedonia. Gayon na lamang ang ginhawa at kagalakan ni Pablo nang marinig ang magandang balita mula sa Corinto. Maganda ang naging pagtugon ng kongregasyon sa payo ng apostol.—2 Corinto 2:12, 13; 7:5-7.
Bagaman nag-aalala si Pablo sa gagawing pagtanggap sa kaniyang sugo, tinulungan ng Diyos si Tito na ganapin ang kaniyang atas. Si Tito ay tinanggap na may “takot at panginginig.” (2 Corinto 7:8-15) Sa paggamit sa pananalita ng ekspositor na si W. D. Thomas: “Mahihinuha natin na sa paraang hindi pinabababaw ang paninisi ni Pablo, buong-husay at mataktikang nangatuwiran [si Tito] sa mga taga-Corinto; na tinitiyak sa kanila na si Pablo, sa pagsasalita nang gayon, ay walang nasa isip kundi ang kanilang espirituwal na kapakanan.” Habang nagaganap ito, napamahal kay Tito ang mga Kristiyanong taga-Corinto dahil sa kanilang masunuring espiritu at positibong pagbabago. Ang kanilang kapuri-puring saloobin ay totoong nakapagpatibay sa kaniyang loob.
Kumusta naman ang isa pang aspekto ng misyon ni Tito sa Corinto—ang pag-oorganisa ng pangingilak para sa mga banal na nasa Judea? Inasikaso rin ito ni Tito, gaya ng mahihinuha sa impormasyong masusumpungan sa 2 Corinto. Ang liham na iyan ay malamang na isinulat sa Macedonia noong taglagas ng 55 C.E., di-nagtagal matapos magkita sina Tito at Pablo. Isinulat ni Pablo na si Tito, na nagpasimula ng pangingilak, ay pinababalik na ngayon kasama ang dalawa pang katulong na di-binanggit ang pangalan upang tapusin ito. Palibhasa’y taimtim na nagmamalasakit sa mga taga-Corinto, gustung-gusto ni Tito na makabalik. Sa pagbabalik ni Tito sa Corinto, malamang na dala niya ang ikalawang kinasihang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto.—2 Corinto 8:6, 17, 18, 22.
Si Tito ay hindi lamang isang mahusay na tagapag-organisa kundi siya rin ang uri ng lalaking mapagkakatiwalaan ng maselan na atas sa mahihirap na kalagayan. Siya’y matapang, maygulang, at matatag. Maliwanag na kinilala ni Pablo ang kakayahan ni Tito sa pagharap sa patuloy na mga hamong ibinabangon ng “ubod-galing na mga apostol” ng Corinto. (2 Corinto 11:5) Ang impresyong ito tungkol kay Tito ay pinatutunayan ng kaniyang sumunod na paglitaw sa Kasulatan, sa isa na namang mahirap na atas.
Sa Isla ng Creta
Malamang na noong pagitan ng 61 at 64 C.E., si Pablo ay sumulat kay Tito, na noo’y naglilingkod sa isla ng Creta sa Mediteraneo. Iniwan siya roon ni Pablo upang “maituwid ang mga bagay na may depekto” at upang “makagawa ng mga pag-aatas ng mga nakatatandang lalaki sa lunsod at lunsod.” Sa pangkalahatan, ang mga taga-Creta ay may reputasyon ng pagiging “mga sinungaling, mababangis na hayop na nakapipinsala, matatakaw na walang trabaho.” Samakatuwid, sa Creta, muli na namang kakailanganin ni Tito na kumilos nang may katapangan at katatagan. (Tito 1:5, 10-12) Iyan ay isang napakabigat na trabaho, sapagkat iyan ang malamang na huhubog sa kinabukasan ng Kristiyanismo sa isla. Sa ilalim ng pagkasi, tinulungan ni Pablo si Tito sa pamamagitan ng pagtiyak sa kung ano ang dapat hanapin sa mga may potensiyal na maging tagapangasiwa. Ang mga kuwalipikasyong iyon ay isinasaalang-alang pa rin may kaugnayan sa pag-aatas ng Kristiyanong matatanda.
Hindi binanggit ng Kasulatan kung kailan umalis si Tito sa Creta. Dumoon siya sa loob ng sapat na panahon anupat nahilingan siya ni Pablo na paglaanan ang mga pangangailangan nina Zenas at Apolos, na daraan doon sa isang paglalakbay na di-tiyak kung kailan. Ngunit hindi gaanong magtatagal si Tito sa Isla. Isinaplano ni Pablo na ipadala roon si Artemas o kaya’y si Tiquico, at si Tito naman ay makikipagkita sa apostol sa Nicopolis, na malamang na siyang prominenteng lunsod na may gayong pangalan sa hilagang-kanluran ng Gresya.—Tito 3:12, 13.
Sa huli at maigsing pagtukoy ng Bibliya kay Tito, napag-alaman natin na noong mga 65 C.E., inatasan na naman siya ni Pablo sa ibang lugar. Dinala siya nito sa Dalmatia, isang rehiyon sa silangan ng Dagat Adriatiko sa kasalukuyang Croatia. (2 Timoteo 4:10) Hindi sinabi sa atin kung ano ang gagawin ni Tito roon, ngunit sinasabing siya’y ipinadala roon upang pangasiwaan ang mga gawain ng kongregasyon at maging abala sa gawain bilang misyonero. Sakaling gayon nga, gagampanan ni Tito ang tungkuling gaya ng ipinaglingkod niya sa Creta.
Talagang dapat nating ipagpasalamat ang mga maygulang na Kristiyanong tagapangasiwa na tulad ni Tito! Ang kanilang maliwanag na pagkaunawa sa mga simulain ng Kasulatan at ang kanilang matatag na pagkakapit ng mga ito ay tumutulong upang mapangalagaan ang espirituwalidad ng kongregasyon. Tularan natin ang kanilang pananampalataya at patunayan na tayo’y gaya ni Tito sa pamamagitan ng pagtataguyod ng espirituwal na kapakanan ng ating kapuwa mananampalataya.—Hebreo 13:7.
[Talababa]
a Si Tito ay inilalarawan sa Galacia 2:3 bilang isang Griego (Helʹlen). Maaari itong mangahulugan na ang kaniyang mga ninuno ay mga Griego. Gayunman, sinasabi na may ilang manunulat na Griego na gumamit ng pangmaramihang anyo (Helʹle·nes) bilang pagtukoy sa mga hindi naman Griego ngunit ang wika at kultura ay sa Griego. Posible rin na si Tito ay Griego sa diwang iyan.
[Larawan sa pahina 31]
Si Tito ay isang matapang na kamanggagawa para sa kapakanan ng mga Kristiyano sa Corinto at sa ibang lugar