Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 2/15 p. 29
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtulong sa Iba na Sumamba sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kailangan ng mga Tupa ni Jehova ang Magiliw na Pangangalaga
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2013
  • Sino ang Sasang-ayunan ni Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 2/15 p. 29

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

◼ Ang materyal tungkol sa pagiging sinang-ayunan ng Diyos ay nangangahulugan ba na ang mga Kristiyano’y maaaring makipag-usap sa isa na dating itinuring na “sinang-ayunang kasama” ngunit nang bandang huli, dahilan sa nagawang pagkakasala, ay kailangang iwasan?

Oo, gayon nga. Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1988, ang nagpapakita kung bakit maka-Kasulatan na itumpak ang ating pangmalas sa isang di-bautismadong tao na nakikibahagi sa pangmadlang ministeryo kasama ng mga Saksi ni Jehova. Dati, ang gayung tao ay tinatawag na isang “approved associate” o “sinang-ayunang kasama.” Kung pagkatapos ay nilabag niya ang mga kautusan ng Diyos at hindi niya pinagsisihan ang gayon, ang kongregasyon ay pinagsasabihan tungkol doon, at ang mga miyembro ay kailangang umiwas ng pakikisama at pakikipag-usap sa kaniya.

Gaya ng ipinakita ng kamakailang artikulo, kahilingan ng Bibliya na ang gayung aksiyon ng pagdisiplina ay gawin sa kaso ng taong bautismado at nagkasala at di-nagsisi. (1 Corinto 5:11-13; 2 Juan 9-11) Gayunman, ang pananagutan ng isang di-bautismadong tao na nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi kagaya ng isa na nabautismuhan. (Lucas 12:48) Siya’y hindi nabautismuhan at sa gayo’y hindi isang sinang-ayunan sa paningin ng Diyos, kaya’t hindi angkop na siya’y itiwalag. Ang totoo, siya ngayon ay makasanlibutang tao at maaaring pakitunguhan ng naaayon doon.

Kung gayon, kumusta naman ang isa na dating tinatawag na isang “sinang-ayunang kasama” subalit hindi na maaaring gumanap ng pangmadlang ministeryo dahilan sa maling hakbangin niya? Yamang hindi siya tiwalag, siya’y dapat na pakitunguhan gaya ng isang tao ng sanlibutan yamang gayon nga siya.a Kung sa bagay, ang Nobyembre 15 ng Bantayan ay may payo sa pahina 19 na kailangan ang kaukulang pag-iingat ng tapat na mga Kristiyano. Natatalos ng mga ito na ang taong di-bautismado ay baka gumawa ng pagkakasala sa kabila ng pagkakaroon niya ng kaalaman sa mga kahilingan ng Diyos. Ang maygulang na mga Kristiyano ay magpapakaingat tungkol sa sosyal na pakikisama sa gayung tao. Kung may magbangong mga tanong tungkol sa kung hanggang saan maaaring makihalubilo sa kaniya, karamihan nito ay maaaring masagot sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Kasulatan. Mapag-iisipan natin ang payo na gaya ng nasa 1 Corinto 15:33 at Kawikaan 13:20 at tanungin natin ang ating sarili: ‘Ano bang pakikisama ang wastong magagawa ko sa pakikitungo sa isang taong tagasanlibutan na hindi namumuhay ayon sa mga pamantayang Kristiyano?’ Kung makita ng matatanda na ang gayung uring tao na makasanlibutan ay nagiging isang panganib, sila’y sarilinang makapagbibigay ng payo na silbing babala sa mga miyembro ng kongregasyon na waring nanganganib.

Pagdating ng panahon, ang isang taong di-bautismado na naging isang “sinang-ayunang kasama” ay marahil magbibigay ng makatuwirang ebidensiya na siya’y nagsisisi, at baka nais niyang siya’y muling aralan ng Bibliya. (Gawa 26:20) Maaari siyang makipag-usap sa matatanda ng kongregasyon na dinadaluhan niya ngayon, na, kung waring kinakailangan, ay magsasaayos na siya’y aralan ng Bibliya. Ito’y kakapit din kung sa hinaharap ang sinuman ay diskuwalipikado bilang isang di-bautismadong mamamahayag at sa bandang huli ipakita niyang siya’y nagsisisi. Karaniwan, nararapat na siya’y makipag-usap sa dalawang matatanda na tumulong sa kaniya tungkol sa kaniyang nagawang pagkakasala o sa dalawang iba pa na pinili ng matatanda upang muling magsuri sa kaso kung sakaling hiniling niya iyan.

Angkop naman, ipinaliwanag ng Ang Bantayan na medyo may pagkakaiba ang kaso ng mga magulang na nag-aasikaso ng menor-de-edad na mga anak sa tahanan​—yaong legal na mga menor-de-edad na dumidepende pa sa kanila at may pananagutan sila na sustentuhan sa materyal. (Efeso 6:1-4) Ayon sa Kasulatan ang mga magulang ang obligado na magturo at umakay sa kanilang mga anak. Kaya’t ang mga magulang (o sumasampalatayang magulang) ay maaaring magdaos ng isang pribadong pakikipag-aral ng Bibliya sa nagkasalang menor-de-edad o isali siya sa programa ng pamilya sa pag-aaral at pagtalakay sa Bibliya.

Samantalang ang kamakailang artikulo sa Bantayan ay humihingi na itumpak natin ang ating kaisipan at mga pakikitungo, ito’y ginagawa kaayon ng Kasulatan na kapaki-pakinabang “sa pagdisiplina ng ayon sa katuwiran.”​—2 Timoteo 3:16, 17.

◼ Sa liwanag ng Tito 1:6, lahat ba ng anak ng isang lalaki’y kailangang nabautismuhan upang siya’y maging kuwalipikado na isang matanda sa kongregasyon?

Sa unang kabanata ng Tito, inisa-isa ni apostol Pablo ang mga katangiang dapat taglayin ng mga lalaki na naglilingkod bilang matatanda sa kongregasyon. Ang isa ay na dapat na ang isang kapatid na lalaki ay “walang kapintasan, . . . na may mga anak na sumasampalataya.”

Ito’y hindi nangangahulugan na lahat ng anak ng isang matanda ay kailangang nabautismuhan, sapagkat baka ang mga iba sa kanila ay mga sanggol. Samakatuwid ang Tito 1:6 ay makatuwirang nangangahulugan na ang menor-de-edad na mga anak ng isang lalaki ay dapat na nabautismuhan o dili kaya sila ay dapat na nag-aaral ng katotohanan sa Bibliya, tinatanggap at ikinakapit yaon at kumikilos patungo sa bautismo, habang sila’y nasa ilalim ng pampamilyang merito. (1 Corinto 7:14) Ang isang matanda ay dapat magsumikap na gawing mga alagad ang kaniyang mga anak, yamang sila’y wala “sa ilalim ng sumbong na panliligalig o pagiging suwail.”b

Lalong higit nating mauunawaan ito sa pamamagitan ng pagpansin sa kung paanong ginagamit ng Bibliya ang pananalitang “sumasampalataya.” Mangyari pa, ang isang tao ay maaaring magkaroon ng pananampalataya, o maniwala, sa maraming bagay. (Gawa 26:27, 28; 2 Tesalonica 2:3, 11; Santiago 2:19) Subalit makikita natin na ang “paniniwala” ay karaniwang iniugnay sa pagtanggap sa Kristiyanismo at pagpapabautismo. (Gawa 8:13; 18:8; ihambing ang 19:1-5.) Ang bautismo lalo na ang nagpapakilala na ang isang tao ay isang sumasampalataya.​—Gawa 2:41, 44; 4:4, 32.

Ang ibang nakababatang mga anak ng isang matanda ay marahil hindi pa handang pabautismo dahil sa kanilang kalagayang pisikal, emosyonal, o espirituwal. Gayunman, sa Tito 1:6 ay tinutukoy sila na mga “anak na sumasampalataya” kung sila’y sumusulong tungo sa bautismo, dahil sa kanilang edad at kalagayan.

[Mga talababa]

a Kung ang isang nasa ganiyang situwasyon ay walang alam tungkol sa itinumpak na pangmalas na ito, isang kabaitan na itawag-pansin sa kaniya ang mga artikulong ito sa Bantayan.

b Tingnan din ang The Watchtower ng Pebrero 15, 1972, pahina 126.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share