May Kakayahan Ka ba sa Paglilingkod?
“Ang aming sapat na kakayahan ay mula sa Diyos.”—2 CORINTO 3:5.
1. Ang kongregasyong Kristiyano ay walang dako para sa anong uring mga tao?
ANG Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ay mga manggagawa. Sinabi ni Jesus: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako’y patuloy na gumagawa.” (Juan 5:17) Hindi nalulugod ang Diyos sa mga taong tumatangging gumawa; ni sinasang-ayunan man niya ang mga taong naghahangad ng pananagutan upang magkaroon ng kapangyarihan sa iba. Ang kongregasyong Kristiyano ay walang dako para sa mga tamad o sa mga mapag-imbot at ambisyoso.—Mateo 20:25-27; 2 Tesalonica 3:10.
2. Bakit mayroon ngayong malaking pangangailangan ng mga lalaking babalikat ng pananagutan sa kongregasyong Kristiyano?
2 Ang mga Saksi ni Jehova ay ‘maraming gawain sa Panginoon,’ lalo na ngayon na napakaraming tao ang humuhugos sa “bundok” ng tunay na pagsamba. (1 Corinto 15:58; Isaias 2:2-4) May malaking pangangailangan para sa mga lalaking may espirituwal na kuwalipikasyon na bumalikat ng pananagutan sa kongregasyon. Yamang sila’y hindi pinakikilos ng mapag-imbot na ambisyon, ang dinadakila ng gayong mga lalaki ay si Jehova, hindi ang kanilang sarili. (Kawikaan 8:13) Batid nila na tinutulungan sila ng Diyos upang magkaroon ng kakayahan para sa mga tungkulin sa kongregasyon, gaya ng kung papaano kaniyang binigyan ng ‘sapat na kakayahan ang mga ministro ng bagong tipan.’—2 Corinto 3:4-6.
3. Sa simpleng pangungusap, ano ang mga pananagutan ng mga matatanda?
3 Sa ngayon, tulad din sa mga unang Kristiyano, ang mga lalaki’y hinihirang ng banal na espiritu at sa pamamagitan ng organisasyonal na kaayusan ni Jehova upang maglingkod bilang matatanda at ministeryal na mga lingkod. (Gawa 20:28; Filipos 1:1; Tito 1:5) Mga matatanda ang espirituwal na mga pastol ng kawan ng Diyos, na nagbibigay ng proteksiyon at nangangasiwa rito. Sila’y tinutulungan ng mga ministeryal na lingkod, na ang mga gawain ay hindi naman tuwirang kinasasangkutan ng espirituwal na pangangasiwa. (1 Pedro 5:2; ihambing ang Gawa 6:1-6.) Tulad ng Anak ng Diyos, na naparito upang maglingkod, ang gayong mga hinirang ay nagnanasang maglingkod sa kapuwa mga mananampalataya. (Marcos 10:45) Kung ikaw ay isang lalaking Kristiyano, ikaw ba’y mayroon ng ganiyang espiritu?
Mga Kuwalipikasyon na Para sa Lahat
4. Saan lalung-lalo na makikita natin ang nakatalang mga kuwalipikasyon para sa mga pinagkakatiwalaan ng pananagutan sa kongregasyon?
4 Lalung-lalo na ang mga kahilingan para sa mga pinagkatiwalaan ng pananagutan sa kongregasyon ang tinutukoy ni apostol Pablo sa 1 Timoteo 3:1-10, 12, 13 at Tito 1:5-9. Sa ating pagsasaalang-alang sa mga kuwalipikasyong ito, na ang iba ay kumakapit sa kapuwa matatanda at ministeryal na mga lingkod, ito’y hindi natin dapat malasin ayon sa makasanlibutang mga pamantayan. Kundi malasin natin ito gaya ng pagkamalas dito noong unang siglo bilang kumakapit sa mga lingkod ni Jehova. Upang matugunan ang mga kahilingang ito hindi naman kinakailangan ang pagiging sakdal, sapagkat kung gayon ay walang taong maaaring makatugon sa mga kahilingang ito. (1 Juan 1:8) Ngunit kung ikaw ay isang lalaking Kristiyano, mayroon ka man o wala ng mga tungkulin sa kongregasyon, bakit hindi suriin ang iyong personal na mga kuwalipikasyon?
5. Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging walang kapintasan?
5 Walang kapintasan; may mabuting patotoo ng mga taong tagalabas; sa kanila’y walang maisusumbat na kapintasan. (1 Timoteo 3:2, 7, 8, 10; Tito 1:6, 7) Pagka inatasan at samantalang naglilingkod, ang ministeryal na mga lingkod at matatanda ay kailangang walang kapintasan, samakatuwid nga, sa kanila’y walang maisisisi at hindi masusumbatan dahil sa makatuwirang paratang na maling asal o turo. Hindi dahil sa walang-katotohanang mga paratang ng “sinungaling na mga kapatid” o mga iba pa ay masusumbatan ang isang tao. Upang ang isang tao’y maging diskuwalipikadong maglingkod sa kongregasyon, ang isang paratang ay hindi dapat maging biru-biruan, at ito’y kailangang mapatunayan na naaayon sa mga pamantayang maka-Kasulatan. (2 Corinto 11:26; 1 Timoteo 5:19) Ang isang inatasan sa kongregasyon ay “dapat din namang magkaroon ng mabuting patotoo ng mga taong tagalabas, upang huwag siyang mahulog sa kapintasan at sa silo ng Diyablo.” Kung ang isang tao’y nakagawa ng malubhang pagkakasala noong nakaraan, siya’y maaaring mahirang tangi lamang kung naalis na sa kaniya ang anumang upasala at siya’y nakagawa na ng mabuting pangalan para sa kaniyang sarili.
6. Ano ang ibig sabihin ng pagiging asawa ng iisang babae?
6 Asawa ng iisang babae. (1 Timoteo 3:2, 12; Tito 1:6) Hindi ibig sabihin na tanging ang mga lalaking may asawa ang maaaring maging ministeryal na mga lingkod at matatanda. Kundi, kung ang isang lalaki’y may asawa kailangan na siya’y may iisa lamang buháy na asawang babae at siya’y tapat sa babaing ito. (Hebreo 13:4) Di-gaya ng maraming di-Kristiyanong mga lalaki noong unang siglo, siya’y hindi maaaring magkaroon ng maraming asawa.a
7. (a) Ang pisikal na edad ba ang nagbibigay sa isang lalaki ng kakayahan na maging isang matanda? (b) Ano ang kasangkot sa pangangasiwang mabuti sa isang sambahayan?
7 Nangangasiwang mabuti sa sambahayan niya, na supil ang mga anak niya. (1 Timoteo 3:4, 5, 12; Tito 1:6) Iniisip ng iba na ang matatanda ay kailangang di-kukulangin sa 30 taóng gulang, ngunit ang Bibliya ay hindi nagtatakda ng pinakamababang edad. Gayunman, ang taong iyon ay kailangang kumilos na gaya ng isang nakatatandang lalaki ayon sa diwang espirituwal. Ang ministeryal na mga lingkod at ang matatanda ay dapat na may sapat na gulang upang magkaroon ng mga anak. Kung may asawa, ang isang lalaki ay hindi kuwalipikado kung siya’y kumikilos sa maka-Diyos na paraan sa isang lugar ngunit isang taong malupit kung nasa tahanan. Siya’y kailangang iginagalang dahil sa pangangasiwa sa kaniyang sambahayan ayon sa mga prinsipyo ng Bibliya, at ang kaniyang layunin ay dapat na ang magtagumpay sa espirituwal sa bawat miyembro ng pamilya. Bilang pangkalahatang alituntunin, ang isang matanda na isang ama ay dapat na may disiplinadong menor-de-edad na mga anak na “sumasampalataya.” Sila’y kailangang sumusulong tungo sa pag-aalay sa Diyos o dili kaya sila ay bautismado na bilang mga Saksi ni Jehova. Ang isang taong hindi nakapagpapatibay ng pananampalataya sa kaniyang mga anak ay malamang na hindi rin makagawa ng gayon sa iba.
8. Bago ang isang padre-de-pamilya’y maging isang matanda, ano ang kailangang matutuhan niyang gawin?
8 Bago maging isang matanda ang isang padre-de-pamilya na makapangangasiwa sa espirituwal sa isang kongregasyon, siya’y kailangang matuto kung papaano pangangasiwaan ang kaniyang sariling sambahayan. ‘Kung ang sinumang lalaki’y hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sambahayan, papaano niya mapangangalagaan ang kongregasyon ng Diyos?’ (1 Timoteo 3:5) Totoo, ang isang lalaki ay baka sinasalungat ng isang di-sumasampalatayang asawa. (Mateo 10:36; Lucas 12:52) O isa sa kaniyang mga anak ay baka makagawa ng malubhang pagkakasala, bagaman yaong iba ay nasa mabuting kalagayan ng espirituwalidad. Gayunman, kung nagawa ng lalaking iyon ang lahat ng inaasahang magagawa niya, at lalo na kung siya’y nagtagumpay sa espirituwalidad ng iba na miyembro ng kaniyang sambahayan, ang hindi pagsunod sa kaniyang mabuting pangangasiwa ng isang miyembro ng pamilya ay hindi naman mag-aalis sa kaniyang kuwalipikasyon na maging isang ministeryal na lingkod o isang matanda.
9. Anong pag-iingat laban sa alak ang kailangang ugaliin ng isang matanda o isang ministeryal na lingkod?
9 Hindi isang lasenggong basag-ulero o matakaw sa alak. (1 Timoteo 3:3, 8; Tito 1:7) Ang isang ministeryal na lingkod o isang matanda ay hindi dapat magmalabis ng pag-inom ng alak. Ang pagkasugapa sa alak ay maaaring magbunga ng pagkawala ng pagtitimpi ng kaisipan at damdamin, na humahantong sa basag-ulo o pag-aaway na likha ng paglalasing. Siya’y hindi isang ‘matakaw sa alak’ o kilala sa pagiging isang sugapa na o mapagmalabis sa alak. (Kawikaan 23:20, 21, 29-35) Anong lungkot kung ang pagdalaw ng espirituwal na mga pastol ay sisirain ng walang-pagtitimping inuman! Kung sakaling ang isang kapatid ay umiinom, hindi siya dapat uminom kung nakikibahagi sa mga pulong, sa ministeryo, o sa iba pang banal na paglilingkuran.—Levitico 10:8-11; Ezekiel 44:21.
10. Bakit ang mga maibigin sa salapi at ang mga masasakim sa mahalay na pakinabang ay hindi kuwalipikadong maging matatanda o mga ministeryal na lingkod?
10 Hindi maibigin sa salapi o sakim sa mahalay na pakinabang. (1 Timoteo 3:3, 8; Tito 1:7) Ang mga maibigin sa salapi ay nanganganib ang espirituwalidad, at ang “masasakim na tao” ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. Samakatuwid, ang gayong mga lalaki ay hindi kuwalipikado na maging matatanda o ministeryal na mga lingkod. (1 Corinto 6:9, 10; 1 Timoteo 6:9, 10) Ang salitang ugat sa Griego na isinaling “mahalay” ay sa simpleng pangungusap nangangahulugang “kahiya-hiya,” at yaong isinaling “pakinabang” ay tumutukoy sa anumang uri ng tubò o bentaha. (Filipos 1:21; 3:4-8) Mangyari pa, ang isang lalaking ang ugali’y nagpapakita na kaniyang pakikitunguhan ang “mga tupa” ng Diyos sa paraang may pandaraya ay hindi kuwalipikado para sa pananagutang pangkongregasyon. (Ezekiel 34:7-10; Gawa 20:33-35; Judas 16) Ang pangangailangan ng pag-iingat sa pagrerekomenda ay idiniriin kung ating isasaalang-alang na ang isang lalaki, minsang mahirang na, ay baka pagkatiwalaan ng pondo at matukso na nakawin ang isang bahagi ng salapi.—Juan 12:4-6.
11. Bakit ang “isang lalaking bagong kakukumberte” ay hindi dapat irekomenda para sa pananagutan sa kongregasyon?
11 Hindi bagong kakukumberte; sinubok kung karapat-dapat. (1 Timoteo 3:6, 10) Ang isang taong bagong kababautismo ay hindi pa nagkakaroon ng panahon upang patunayan na kaniyang maaasikasong may katapatan ang mga gawaing iniatas sa kaniya. Baka kulang siya ng simpatiya sa mga may karamdaman o ng kinakailangang karunungan upang tulungan ang mga kapuwa mananamba at baka hamak-hamakin niya ang iba. Samakatuwid, bago irekomenda bilang isang ministeryal na lingkod at lalo na bilang isang matanda, ang isang lalaki ay dapat “subukin kung karapat-dapat” at dapat mapatunayan na siya’y mahusay magpasiya at maaasahan. Walang itinatakdang panahon para sa pagsubok na ito, at ang mga indibiduwal ay nagkakaiba-iba naman sa bilis ng paglaki sa espirituwal. Ngunit ang matatanda’y hindi dapat magmabilis ng pagrerekomenda sa isang lalaking baguhan sapagkat “baka siya’y magmataas dahil sa kapalaluan at mahulog sa iginawad na kaparusahan sa Diyablo.” Hayaan munang ang lalaking iyon ay magpakita ng tulad-Kristong pagpapakumbaba.—Filipos 2:5-8.
Pagtututok ng Pansin sa mga Ministeryal na Lingkod
12. Ang mga ministeryal na lingkod ba lamang ang dapat na makatugon sa mga kahilingan na nakatala para sa kanila?
12 May mga ilang kahilingan na nakatala para sa mga ministeryal na lingkod. Subalit, kung ang matatanda ay hindi rin nakatutugon sa gayong mga kahilingan, sila’y hindi kuwalipikado na maglingkod. Bilang isang lalaking Kristiyano, ikaw ba ay kuwalipikado sa mga bagay na ito?
13. Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging seryoso?
13 Seryoso. (1 Timoteo 3:8) Ang isang taong kuwalipikadong maglingkod bilang isang ministeryal na lingkod ay dapat maging seryoso sa kaniyang pananagutan. Siya’y kikilos sa marangal at kagalang-galang na paraan. Bagaman manakanaka’y hindi naman masama ang pagpapatawa, siya’y hindi magiging kuwalipikado kung sa tuwina’y kumikilos siya na laging mapagbiro.
14. (a) Ano ba ang ibig sabihin ng hindi pagiging dalawang-dila? (b) Ano ang kailangan upang magkaroon ng malinis na budhi?
14 Hindi dalawang-dila; may malinis na budhi. (1 Timoteo 3:8, 9) Ang mga ministeryal na lingkod (at ang matatanda) ay kailangang nagsasalita ng katotohanan, hindi mapaghatid-dumapit o magdaraya. Yamang sila’y hindi dapat maging dalawang-dila, sila’y hindi dapat paimbabaw na magsabi ng isang bagay sa isang tao at ang mismong kabaligtaran niyaon ang sabihin naman sa iba. (Kawikaan 3:32; Santiago 3:17) Ang mga lalaking ito ay kailangan ding maging matatatag na tagatangkilik ng hayag na katotohanan, “iniingatan ang banal na lihim ng pananampalataya taglay ang isang malinis na budhi.” Sa harap ng Diyos, ang gayong budhi ng isang tao ay dapat magpatotoo na siya ay matuwid at hindi namimihasa sa paggawa ng anumang bagay na pailalim o nakasasama. (Roma 9:1; 2 Corinto 1:12; 4:2; 7:1) Walang sinumang kuwalipikado na maglingkod sa kawan ng Diyos maliban sa siya’y nakakapit nang mahigpit sa katotohanan at sa maka-Diyos na mga simulain.
Pagsusuri sa Kuwalipikasyon ng Matatanda
15. Kaninong mga kuwalipikasyon ang sinusuri ngayon, at ano lalung-lalo na ang nasasangkot sa mga ito?
15 May mga kuwalipikasyon na kumakapit lalung-lalo na sa matatanda at may kinalaman ang malaking bahagi sa kanilang gawain bilang mga pastol at mga guro. Bilang isang lalaking Kristiyano, ikaw ba ay nakatutugon sa mga kahilingang ito?
16. (a) Ano ang kailangan upang maging makatuwiran sa pag-uugali? (b) Papaanong makapananatiling may pagpipigil-sa-sarili ang isang matanda?
16 Makatuwiran sa pag-uugali; may pagpipigil-sa-sarili. (1 Timoteo 3:2; Tito 1:8) Ang isang matanda ay dapat na mapagtimpi, hindi alipin ng masasamang kinaugalian. Pagka siya’y nakaharap sa mga pagsubok, siya’y tutulungan ng Diyos na manatiling timbang kung siya’y mananalangin na gaya ng salmista: “Ang mga kahirapan ng aking puso ay dumami; Oh hanguin mo ako sa aking mga kagipitan.” (Awit 25:17) Dapat ding ipanalangin ng isang tagapangasiwa na bigyan siya ng espiritu ng Diyos at maipakita ang mga bunga nito, kasali na ang pagpipigil-sa-sarili. (Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23) Kung napipigil ng isang matanda ang kaniyang mga kaisipan, pananalita, at mga kilos, kaniyang maiiwasan ang mga pagmamalabis samantalang isinasagawa niya ang espirituwal na pag-akay sa kongregasyon.
17. Ano ba ang kasangkot sa pagiging matino ang pag-iisip?
17 Matino ang pag-iisip. (1 Timoteo 3:2) Ang isang matanda ay kailangang may katinuan, maingat, at mabuting magpasiya. Siya’y dapat na may layunin at makatuwiran sa pagsasalita at pagkilos. Ang kaniyang mapagpakumbaba, timbang na kaisipan ay nakasalig sa maka-Diyos na karunungan at sa magagaling na turo ng Salita ni Jehova, na nararapat na pag-aralan niya nang buong sigasig.—Roma 12:3; Tito 2:1.
18. Upang maging maayos, ano ba ang hinihiling ng isang matanda?
18 Maayos. (1 Timoteo 3:2) Ang salitang Griegong ginamit dito ay isinaling “mainam-ang-pagkaayos” sa 1 Timoteo 2:9. Samakatuwid ang isang matanda ay dapat na may disente, mainam-ang-pagkaayos na kaayusan ng buhay. Halimbawa, siya’y dapat na laging nasa oras. Ang unang-siglong mga Kristiyano ay maliwanag na hindi mga eksperto sa pag-iingat ng rekord, at ang isang tagapangasiwa sa ngayon ay hindi naman kailangang maging isang ekspertong accountant o clerk. Ang mga ministeryal na lingkod ay maaaring mag-asikaso sa mga bagay na kinakailangan dito. Ngunit ang terminong Griego para sa “maayos” ay maaaring tumukoy sa mabuting paggawi, at ang isang tao ay tiyak na hindi magiging kuwalipikadong isang matanda kung siya’y di-maayos o magulo.—1 Tesalonica 5:14; 2 Tesalonica 3:6-12; Tito 1:10.
19. Dahilan sa siya’y mapagpatuloy, ano ba ang ginagawa ng matanda?
19 Mapagpatuloy. (1 Timoteo 3:2; Tito 1:8) Ang isang matanda ay ‘mapagpatuloy.’ (Roma 12:13; Hebreo 13:2) Ang salitang Griego para sa “mapagpatuloy” ay literal na nangangahulugang “magiliw sa mga estranghero.” Sa gayon, ang mga baguhan ay malugod na tinatanggap ng mapagpatuloy na matanda sa mga pulong-Kristiyano, nagpapakita ng ganoon ding interes sa mga maralita gaya ng sa mga nakaririwasa sa buhay. Siya’y mapagpatuloy sa mga naglalakbay sa kapakanan ng pagka-Kristiyano at pinayayaon sila sa kanilang paglalakbay “ayon sa paraan na karapat-dapat sa Diyos.” (3 Juan 5-8) Oo nga, ang isang matanda ay mapagpatuloy lalung-lalo na sa mga kapananampalataya alinsunod sa kanilang mga pangangailangan at ayon sa ipinahihintulot ng kaniyang kalagayan.—Santiago 2:14-17.
20. Sa anong mga paraan kailangang maging sanáy magturo ang isang matanda?
20 Sanáy magturo. (1 Timoteo 3:2) Ang kakayahan ng isang matanda bilang isang espirituwal na tagapagturo ay hindi resulta ng matalas na pag-iisip o makasanlibutang karunungan. (1 Corinto 2:1-5, 13) Ito’y dahil sa siya’y “nakahawak nang mahigpit sa tapat na salita kung tungkol sa kaniyang sining o [paraan] ng pagtuturo, upang kapuwa makapagpayo siya sa pamamagitan ng aral at masaway niya ang mga sumasalungat.” (Tito 1:9; ihambing ang Gawa 20:18-21, 26, 27.) Kailangang siya’y ‘nagtuturo nang may kaamuan sa mga sumasalansang.’ (2 Timoteo 2:23-26) Kahit na kung ang isang matanda ay hindi siyang pinakamagaling na pangmadlang tagapagpahayag sa kongregasyon, siya’y dapat na isang mahusay na estudyante ng Salita ng Diyos na anupa’t siya’y sanáy magturo at magpayo sa mga kapananampalataya, na nagsisipag-aral din ng Bibliya. (2 Corinto 11:6) Siya’y kailangang kuwalipikadong magturo ng “magaling na turo” na tumutulong sa mga pamilya at mga indibiduwal na mamuhay sa maka-Diyos na paraan.—Tito 2:1-10.
21. (a) Bakit masasabing ang isang matanda ay hindi magaang ang kamay? (b) Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging makatuwiran? (c) Ang pagiging hindi palaaway ay nangangahulugan ng ano?
21 Hindi magaang ang kamay, kundi makatuwiran, hindi palaaway. (1 Timoteo 3:3; Tito 1:7) Yamang mapagpayapa, ang isang matanda ay hindi nanununtok ng mga tao o nambubulyaw sa kanila sa pamamagitan ng mapag-abuso o nakasasakit na mga pangungusap. (Ihambing ang 2 Corinto 11:20.) (Ang naunang komento na siya’y “hindi isang lasenggong basag-ulero” ay nagpapakita na siya’y umiiwas sa labis na pag-inom ng alak na malimit humahantong sa away.) Yamang “makatuwiran” (o, “mapagbigay”), hindi makadiktador at di-mahirap palugdan, hindi niya pinalalaki ang maliliit na bagay. (1 Corinto 9:12; Filipos 4:5; 1 Pedro 2:18) Yamang ang isang matanda ay hindi palaaway, o di-mahilig makipagtalo, siya’y umiiwas sa mga pakikipag-away at “hindi magagalitin.”—Tito 3:2; Santiago 1:19, 20.
22. Ano ang ipinakikita ng bagay na ang isang matanda ay hindi dapat may mapagsariling-kalooban?
22 Hindi mapagsariling-kalooban. (Tito 1:7) Sa literal, ang ibig sabihin nito ay “hindi mapagpalugod-sa-sarili.” (Ihambing ang 2 Pedro 2:10.) Ang isang matanda ay hindi kailangang maging dogmatiko kundi dapat na may mapakumbabang pagkakilala sa kaniyang mga kakayahan. Palibhasa’y hindi nag-iisip na mas magaling siya kaysa kanino pa man sa paggawa ng mga bagay-bagay, kaniyang may pakumbabang binabahaginan ng pananagutan ang iba at minamahalaga niya ang maraming tagapayo.—Bilang 11:26-29; Kawikaan 11:14; Roma 12:3, 16.
23. (a) Papaano mo ipaliliwanag ang ibig sabihin ng “isang maibigin sa mabuti”? (b) Ano ang kahulugan ng pagiging matuwid?
23 Isang maibigin sa mabuti; matuwid. (Tito 1:8) Upang maging kuwalipikado bilang isang matanda, ang isang lalaki ay kailangang umibig sa mabuti at maging matuwid. Ang isang maibigin sa kabutihan ay umiibig sa mabuti sa paningin ni Jehova, gumagawa ng mga gawaing may kabaitan at nakatutulong sa iba, at nagpapakita ng pagpapahalaga sa kabutihan ng iba. (Lucas 6:35; ihambing ang Gawa 9:36, 39; 1 Timoteo 5:9, 10.) Ang pagiging matuwid ay nangangahulugan ng pagsunod sa mga kautusan at mga pamantayan ng Diyos. Kabilang sa iba pang mga bagay, ang gayong tao ay walang itinatangi at matuwid, malinis, at may kapurihang mga bagay ang isinasaisip. (Lucas 1:6; Filipos 4:8, 9; Santiago 2:1-9) Yamang ang kabutihan ay may pagkakaiba sa pagkamatuwid sa bagay na nilalampasan pa nito ang hinihiling ng katarungan, ang isang maibigin sa mabuti ay higit pa ang ginagawa para sa iba kaysa hinihiling sa kaniya.—Mateo 20:4, 13-15; Roma 5:7.
24. Ano ang kahulugan ng pagiging matapat?
24 Matapat. (Tito 1:8) Ang isang taong kuwalipikado na maging matanda ay nananatiling may walang-pagkasirang debosyon sa Diyos at may mahigpit na kapit sa banal na kautusan, gaano man katindi ang pagsubok sa kaniyang integridad. Kaniyang ginagawa ang inaasahan sa kaniya ni Jehova, at kasali na rito ang paglilingkod bilang isang tapat na tagapagbalita ng Kaharian.—Mateo 24:14; Lucas 1:74, 75; Gawa 5:29; 1 Tesalonica 2:10.
Pagtugon sa mga Kahilingan
25. Ang mga kuwalipikasyon na katatalakay lamang ay kahilingan kanino, at papaano makakamtan ang ganiyang mga kuwalipikasyon?
25 Karamihan sa mga kuwalipikasyon na katatalakay lamang ay may kinalaman sa mga bagay na kahilingan sa bawat Saksi ni Jehova at maaaring makamtan ng isa batay sa pagpapala ng Diyos sa kaniyang pag-aaral, pagsisikap, mabubuting kasama, at panalangin. May mga indibiduwal na maaaring mas malalakas sa mga ilang kuwalipikasyon kaysa mga iba. Subalit sa makatuwirang antas, ang mga ministeryal na lingkod at matatanda ay kailangang makatugon sa lahat ng mga kahilingan para sa kanilang pantanging pribilehiyo.
26. Bakit ang mga lalaking Kristiyano ay naghahandog ng kanilang sarili para sa pagganap ng pananagutan sa kongregasyon?
26 Lahat ng mga Saksi ni Jehova ay dapat naising gawin ang lahat ng bagay na maaaring magawa sa paglilingkuran sa Diyos. Ang espiritung ito ang nag-uudyok sa mga lalaking Kristiyano na ihandog ang kanilang sarili para sa pagganap ng pananagutan sa kongregasyon. Ikaw ba ay isang lalaking nag-alay, bautismado? Kung gayon, ikaw ay magsumikap na makaabot at gawin mo ang lahat ng magagawa mo upang magkaroon ng kakayahan sa paglilingkod!
[Talababa]
a Tingnan din Ang Bantayan, Setyembre 15, 1983, pahina 21, sa ilalim ng subtitulong “Maka-Kasulatang Diborsyo.”
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit may malaking pangangailangan ngayon para sa bautismadong mga lalaki na tatanggap ng pananagutan sa kongregasyon?
◻ Ano ang ilan sa mga kuwalipikasyon na kailangang matugunan ng mga ministeryal na lingkod?
◻ Ano ang ilan sa mga kahilingan na kailangang matugunan ng matatanda?
◻ Bakit kailangan na ang isang matanda ay marunong na mangasiwang mabuti sa kaniyang sambahayan?
◻ Ano ang nagpapakilos sa mga lalaking Kristiyano na ihandog ang kanilang sarili para sa mga tungkulin sa kongregasyon?
[Larawan sa pahina 24, 25]
Ang matatanda at mga ministeryal na lingkod ay dapat mangasiwa sa kani-kanilang sambahayan ayon sa mga simulain ng Bibliya