KABANATA 4
Bakit Natin Dapat Igalang ang Awtoridad?
“Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao.”—1 PEDRO 2:17.
1, 2. (a) Ano ang karaniwang reaksiyon may kinalaman sa paggalang sa awtoridad? (b) Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin?
NAPANSIN mo na ba ang reaksiyon ng isang batang lalaki na inutusang gawin ang isang bagay na ayaw niyang gawin? Marahil ay kitang-kita mo sa mukha niya kung ano ang kaniyang nadarama. Naririnig niya ang utos ng kaniyang mga magulang, at alam niya na dapat niyang igalang ang kanilang awtoridad. Pero sa pagkakataong ito, talagang ayaw niya lamang sumunod. Inilalarawan nito kung ano ang nangyayari sa atin paminsan-minsan.
2 Hindi laging madali para sa atin na igalang ang awtoridad. Nadarama mo rin ba ito kung minsan? Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Nabubuhay tayo sa panahong laganap ang kawalang-galang sa awtoridad. Gayunman, sinasabi ng Bibliya na dapat nating igalang ang mga may awtoridad sa atin. (Kawikaan 24:21) Sa katunayan, kailangan natin itong gawin upang manatili sa pag-ibig ng Diyos. Kung gayon, natural lamang na itanong natin: Bakit ba tayo nahihirapang igalang ang awtoridad? Bakit ito hinihiling sa atin ni Jehova? Ano ang makatutulong sa atin na gawin ang kahilingang ito? At sa anu-anong paraan natin maipapakita ang ating paggalang sa awtoridad?
KUNG BAKIT ITO ISANG HAMON
3, 4. Paano nagsimula ang kasalanan at di-kasakdalan, at bakit nahihirapan ang di-sakdal na mga tao na gumalang sa awtoridad?
3 Talakayin natin sandali ang dalawang dahilan kung bakit nahihirapan tayong igalang ang mga may awtoridad sa atin. Una, lahat tayo ay hindi sakdal; ikalawa, lahat ng taong may awtoridad ay hindi rin sakdal. Naging di-sakdal ang tao nang maghimagsik sa awtoridad ng Diyos sina Adan at Eva sa hardin ng Eden. Kaya ang kasalanan ay nagsimula sa paghihimagsik. Hanggang ngayon, lahat tayo ay may tendensiyang maghimagsik.—Genesis 2:15-17; 3:1-7; Awit 51:5; Roma 5:12.
4 Palibhasa’y ipinanganak na makasalanan, madali tayong maging mapagmataas at palalo, samantalang hirap na hirap naman tayong maging mapagpakumbaba, yamang kailangan nating magsikap nang husto para patuloy na malinang ang katangiang ito na bihirang makita sa mga tao. Kahit matagal na tayong tapat na naglilingkod sa Diyos, maaari pa ring manaig sa atin ang katigasan ng ulo at pagmamataas. Halimbawa, isaalang-alang si Kora, na nanatiling tapat sa bayan ni Jehova sa kabila ng mahihirap na kalagayan. Pero naghangad siya ng higit pang awtoridad at lantaran niyang pinangunahan ang isang paghihimagsik laban kay Moises, ang pinakamaamong lalaki noong panahong iyon. (Bilang 12:3; 16:1-3) Alalahanin din si Haring Uzias, na dahil sa kaniyang pagmamataas ay nangahas na pumasok sa templo ni Jehova at nagsagawa ng sagradong tungkulin na tanging ang mga saserdote lamang ang may karapatang gumanap. (2 Cronica 26:16-21) Mabigat ang naging parusa sa mga lalaking ito dahil sa kanilang paghihimagsik. Gayunman, ang kanilang masamang halimbawa ay mainam na paalaala para sa ating lahat. Kailangan nating paglabanan ang pagmamataas na siyang dahilan kung bakit nahihirapan tayong igalang ang awtoridad.
5. Paano inabuso ng di-sakdal na mga tao ang kanilang awtoridad?
5 Sa kabilang dako, maisisisi rin naman sa mga taong nasa kapangyarihan kung bakit bibihira ang gumagalang sa awtoridad. Marami sa kanila ang naging malupit, mapang-abuso, o mapaniil. Sa katunayan, ipinakikita ng kalakhang bahagi ng kasaysayan ang pag-abuso ng tao sa kapangyarihan. (Eclesiastes 8:9) Halimbawa, mabuti at mapagpakumbabang tao si Saul nang piliin siya ni Jehova para maging hari. Pero naging mapagmataas siya at mainggitin. Nang maglaon, pinag-usig niya ang tapat na lalaking si David. (1 Samuel 9:20, 21; 10:20-22; 18:7-11) Si David naman ay naging isa sa mga pinakamahusay na hari ng Israel. Pero nang dakong huli, inabuso rin niya ang kaniyang awtoridad nang agawin niya ang asawa ni Uria na Hiteo at nang ipadala niya ang walang-salang taong ito sa harap ng sagupaan para mapatay. (2 Samuel 11:1-17) Oo, dahil sa di-kasakdalan, mahirap para sa tao na gamitin ang kaniyang kapangyarihan sa tamang paraan, at lalo pa kung hindi niya iginagalang si Jehova. Matapos ilarawan ng isang Britanong pulitiko kung paano pinangunahan ng ilang papang Katoliko ang isang malawakang pang-uusig, ganito ang isinulat niya: “Ang kapangyarihan ay may tendensiyang magpasamâ, at ang ganap na kapangyarihan ay ganap na nagpapasamâ.” Yamang pinatutunayan ng kasaysayan na inaabuso ng tao ang kaniyang awtoridad, isaalang-alang natin ang tanong na ito: Bakit natin dapat igalang ang awtoridad?
BAKIT NATIN DAPAT IGALANG ANG AWTORIDAD?
6, 7. (a) Inuudyukan tayo ng ating pag-ibig kay Jehova na gawin ang ano, at bakit? (b) Ano ang nasasangkot sa pagpapasakop?
6 Ang pangunahing dahilan kung bakit natin dapat igalang ang awtoridad ay pag-ibig—ang pag-ibig kay Jehova, sa kapuwa, at maging sa ating sarili. Dahil iniibig natin si Jehova higit kaninuman, nais nating pasayahin ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11; Marcos 12:29, 30) Batid natin na ang kaniyang soberanya, o ang karapatan niyang mamahala sa sansinukob, ay kinuwestiyon mula pa noong maghimagsik ang tao sa Eden. Alam din natin na karamihan sa sangkatauhan ay pumanig kay Satanas at tumanggi sa pamamahala ni Jehova. Pero nalulugod tayong manindigan sa panig ng Diyos. Naaantig ang ating puso kapag binabasa natin ang mga salita sa Apocalipsis 4:11. Kumbinsidung-kumbinsido nga tayo na si Jehova ang karapat-dapat na Tagapamahala ng sansinukob! Dahil diyan, itinataguyod natin ang soberanya ni Jehova sa bawat araw ng ating buhay.
7 Subalit higit pa sa pagsunod ang nasasangkot sa gayong paggalang. Handa tayong sumunod kay Jehova dahil iniibig natin siya. Gayunman, may mga pagkakataon na napakahirap para sa atin na sumunod. Kapag napaharap tayo sa gayong mga situwasyon, tulad ng batang lalaki na inilarawan kanina, kailangan nating magpasakop. Batid natin na nagpasakop si Jesus sa kalooban ng kaniyang Ama kahit waring napakahirap na gawin ito. “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo,” ang sabi niya sa kaniyang Ama.—Lucas 22:42.
8. (a) Ano ang madalas na nasasangkot sa pagpapasakop sa awtoridad ni Jehova sa ngayon, at anong halimbawa ang nagsasabi sa atin ng damdamin ni Jehova hinggil sa bagay na ito? (b) Ano ang makatutulong sa atin na makinig sa payo at tumanggap ng disiplina? (Tingnan ang kahong “Makinig Ka sa Payo at Tumanggap Ka ng Disiplina.”)
8 Mangyari pa, hindi personal na nakikipag-usap si Jehova sa atin ngayon; ginagamit niya ang kaniyang Salita at ang kaniyang mga kinatawan sa lupa. Kaya madalas na maipapakita natin ang ating pagpapasakop sa awtoridad ni Jehova sa pamamagitan ng paggalang sa mga taong pinagkalooban o pinahintulutan niyang magkaroon ng awtoridad sa atin. Kung maghihimagsik tayo sa mga taong ito—halimbawa, kung tatanggihan natin ang kanilang maka-Kasulatang payo at pagtutuwid—hindi natin mapaluluguran ang ating Diyos. Nang magbulung-bulungan ang mga Israelita at maghimagsik laban kay Moises, itinuring ni Jehova na sa kaniya mismo sila naghimagsik.—Bilang 14:26, 27.
9. Bakit ang pag-ibig natin sa ating kapuwa ay mag-uudyok sa atin na igalang ang awtoridad? Ilarawan.
9 Iginagalang din natin ang awtoridad dahil iniibig natin ang ating kapuwa. Bakit natin nasabi ito? Buweno, ipagpalagay na isa kang sundalo. Ang tagumpay, maging ang kaligtasan ng hukbo, ay kadalasan nang nakadepende sa pakikipagtulungan, pagsunod, at paggalang ng bawat sundalo sa namumuno sa kanila. Kung hindi ka susunod sa kaayusan at patakaran, maisasapanganib mo ang buhay ng mga kapuwa mo sundalo. Malaking pinsala ang naidudulot ng mga hukbo ng sundalong tao sa daigdig. Pero may hukbo si Jehova na laging kabutihan ang naidudulot sa tao. Daan-daang ulit na tinawag ng Bibliya ang Diyos bilang si “Jehova ng mga hukbo.” (1 Samuel 1:3) Siya ang Kumandante ng napakalaking hukbo ng mga makapangyarihang espiritung nilalang. Kung minsan, itinutulad ni Jehova sa isang hukbo ang kaniyang mga lingkod sa lupa. (Awit 68:11; Ezekiel 37:1-10) Kung maghihimagsik tayo sa mga taong pinagkalooban ni Jehova ng awtoridad, hindi ba para na rin nating inilalagay sa panganib ang ating mga kapuwa espirituwal na sundalo? Kapag naghimagsik ang isang Kristiyano laban sa hinirang na matatanda, maaari ding magdusa ang iba sa kongregasyon. (1 Corinto 12:14, 25, 26) Kapag nagrebelde ang isang bata, apektado ang buong pamilya. Kaya kung mahal natin ang ating kapuwa, igagalang natin sila at makikipagtulungan tayo sa kanila.
10, 11. Ano pa ang mag-uudyok sa atin na sumunod sa awtoridad? Ipaliwanag.
10 Iginagalang din natin ang awtoridad dahil para ito sa ating ikabubuti. Kapag hinilingan tayo ni Jehova na igalang natin ang awtoridad, madalas ay sinasabi niya kung ano ang mabuting maidudulot nito sa atin. Halimbawa, sinasabi niya sa mga anak na sumunod sa kanilang mga magulang nang sa gayo’y magkaroon sila ng mahaba at kasiya-siyang buhay. (Deuteronomio 5:16; Efeso 6:2, 3) Inuutusan niya tayo na igalang ang matatanda sa kongregasyon dahil kung hindi natin ito gagawin, baka masira ang ating kaugnayan sa kaniya. (Hebreo 13:7, 17) At sinasabi niya sa atin na sundin ang sekular na mga awtoridad para sa ating proteksiyon.—Roma 13:4.
11 Hindi ka ba sasang-ayon na ang pagkaalam sa dahilan ni Jehova kung bakit nais niya tayong maging masunurin ay makatutulong sa atin na igalang ang awtoridad? Kung gayon, isaalang-alang natin kung paano natin maipapakita ang paggalang sa awtoridad sa tatlong pangunahing aspekto ng buhay.
PAGGALANG SA AWTORIDAD SA LOOB NG PAMILYA
12. Anong papel ang ibinigay ni Jehova sa mga asawang lalaki at ama ng pamilya, at paano nila magagampanan ang papel na iyon?
12 Si Jehova mismo ang gumawa ng kaayusan sa pamilya. Yamang siya ay Diyos ng kaayusan, isinaayos niya ang papel ng bawat miyembro ng pamilya nang sa gayo’y magtagumpay ito. (1 Corinto 14:33) Ang mga asawang lalaki at ama ang binigyan ng awtoridad bilang ulo ng pamilya. Ipinakikita ng asawang lalaki na iginagalang niya ang kaniyang Ulo, si Kristo Jesus, sa pamamagitan ng pagtulad kay Jesus bilang ulo ng kongregasyon. (Efeso 5:23) Kaya naman, hindi dapat magpabaya sa kaniyang mga responsibilidad ang asawang lalaki, kundi dapat na seryoso niya itong gampanan. Hindi rin siya dapat maging mapaniil o malupit, kundi sa halip, dapat siyang maging maibigin, makatuwiran, at mabait. Lagi niyang tinatandaan na ang kaniyang awtoridad ay may limitasyon—hindi ito nakahihigit sa awtoridad ni Jehova.
Tinutularan ng Kristiyanong ama ang pagkaulo ni Kristo
13. Paano magagampanan ng mga asawang babae at ina ang kanilang papel sa paraang makalulugod kay Jehova?
13 Ang mga asawang babae at ina ay gumaganap bilang katulong, o kapupunan, ng asawang lalaki. Pinagkalooban din sila ng awtoridad sa pamilya, yamang binabanggit ng Bibliya ang pananalitang “kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 1:8) Siyempre pa, nakahihigit sa kaniya ang awtoridad ng kaniyang asawang lalaki. Ipinakikita ng Kristiyanong asawang babae na iginagalang niya ang awtoridad ng kaniyang asawa kapag tinutulungan niya ito na magampanan ang papel nito bilang ulo ng pamilya. Hindi niya hinahamak, ni minamanipula ang kaniyang asawang lalaki, o inaagaw ang posisyon nito. Sa halip, handa siyang makipagtulungan sa kaniyang asawa. Kapag hindi siya sang-ayon sa desisyon ng kaniyang asawang lalaki, maaari niyang sabihin dito ang kaniyang niloloob sa magalang na paraan, pero dapat pa rin siyang maging mapagpasakop. Kung ang asawang lalaki ay hindi mananampalataya, maaaring mapaharap sa mahihirap na situwasyon ang asawang babae. Ngunit kung mapagpasakop ang asawang babae, maaaring maudyukan ang kaniyang asawa na kilalanin si Jehova.—1 Pedro 3:1.
14. Paano mapasasaya ng mga anak ang kanilang mga magulang, pati na si Jehova?
14 Kapag sinusunod naman ng mga anak ang kanilang ama’t ina, napasasaya nila ang puso ni Jehova. Napasasaya at nabibigyan din nila ng karangalan ang kanilang mga magulang. (Kawikaan 10:1) Sa mga pamilyang may nagsosolong magulang, sinusunod din ng mga anak ang kanilang magulang yamang alam nilang mas kailangan nito ang kanilang suporta at pakikipagtulungan. Kapag ginagampanan ng bawat miyembro ng pamilya ang papel na itinalaga sa kanila ng Diyos, tunay na nagiging mapayapa at masaya ang tahanan. Nagdudulot ito ng karangalan sa Tagapagpasimula ng pamilya, ang Diyos na Jehova.—Efeso 3:14, 15.
IGALANG ANG AWTORIDAD SA KONGREGASYON
15. (a) Paano natin maipapakita sa loob ng kongregasyon na iginagalang natin ang awtoridad ni Jehova? (b) Anu-anong simulain ang makatutulong sa atin na maging masunurin sa mga nangunguna sa atin? (Tingnan ang kahong “Maging Masunurin Kayo Doon sa mga Nangunguna sa Inyo.”)
15 Inatasan ni Jehova ang kaniyang Anak bilang Tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano. (Colosas 1:13) Inatasan naman ni Jesus ang kaniyang “tapat at maingat na alipin” para matugunan ang espirituwal na mga pangangailangan ng bayan ng Diyos sa lupa. (Mateo 24:45-47) Ang uring alipin ay kinakatawanan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Kagaya ng sa mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, ang matatanda ngayon ay tumatanggap ng mga tagubilin mula sa Lupong Tagapamahala, tuwiran man o sa pamamagitan ng mga kinatawan nito, gaya ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Sinusunod natin si Jehova kapag iginagalang ng bawat isa sa atin ang awtoridad ng Kristiyanong matatanda.—Hebreo 13:17.
16. Sa anong diwa hinirang ng banal na espiritu ang matatanda?
16 Hindi sakdal ang matatanda at mga ministeryal na lingkod. Nagkakamali rin sila gaya natin. Gayunman, ang matatanda ay “mga kaloob na mga tao,” na tumutulong sa kongregasyon upang manatili itong malakas sa espirituwal. (Efeso 4:8) Ang matatanda ay hinirang ng banal na espiritu. (Gawa 20:28) Bakit natin nasabi ito? Sapagkat bago sila hirangin bilang matatanda, kinailangan muna nilang abutin ang mga kuwalipikasyong nakaulat sa Salita ng Diyos na kinasihan ng banal na espiritu. (1 Timoteo 3:1-7, 12; Tito 1:5-9) Karagdagan pa, ang matatanda na sumusuri sa mga kuwalipikasyon ng isang kapatid na lalaking hihirangin para sa gayong pribilehiyo ay taimtim na nananalangin para sa gabay ng banal na espiritu ni Jehova.
17. Bakit kailangang maglambong ang mga Kristiyanong babae kapag gumaganap ng ilang gawain sa kongregasyon?
17 Sa loob ng kongregasyon, may mga pagkakataon na walang matatanda at mga ministeryal na lingkod para gumanap ng mga atas na karaniwang iniatas sa kanila, gaya ng pangunguna sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Sa gayong mga kalagayan, maaari itong gampanan ng ibang bautisadong kapatid na lalaki. Kung wala ring kapatid na lalaki, maaari itong gampanan ng mga kuwalipikadong Kristiyanong kapatid na babae. Gayunman, kapag ang papel na karaniwang iniaatas sa bautisadong lalaki ay ginagampanan ng isang babae, kailangan niyang maglambong sa ulo.a (1 Corinto 11:3-10) Hindi naman ito paghamak sa mga babae. Sa halip, nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataon upang ipakita ang kanilang paggalang sa kaayusan ni Jehova sa pagkaulo, kapuwa sa loob ng pamilya at ng kongregasyon.
PAGGALANG SA SEKULAR NA AWTORIDAD
18, 19. (a) Paano mo ipaliliwanag ang mga simulain sa Roma 13:1-7? (b) Paano natin ipinakikita ang ating paggalang sa sekular na mga awtoridad?
18 Maingat na sinusunod ng mga tunay na Kristiyano ang mga simulaing binabanggit sa Roma 13:1-7. Kapag binasa mo ang tekstong ito, mapapansin mo na ang “nakatataas na mga awtoridad” na tinutukoy rito ay ang sekular na mga pamahalaan. Habang pinahihintulutan ni Jehova na manatili ang mga pamahalaan ng tao, nagagampanan nito ang mahahalagang papel. Nailalaan nito ang kinakailangang mga serbisyo at sa paanuman ay napananatili ang kapayapaan. Maipapakita natin ang paggalang sa mga awtoridad na ito sa pamamagitan ng pagsunod natin sa batas. Binabayaran natin ang anumang buwis na kailangan nating bayaran, wasto nating pinupunan ang anumang form o papeles na hinihiling sa atin ng gobyerno, at sinusunod natin ang anumang batas na kapit sa ating pamilya, negosyo, mga pag-aari, o sa atin bilang indibiduwal. Gayunman, hindi tayo nagpapasakop sa sekular na mga awtoridad kung inuutusan tayo nitong sumuway sa Diyos. Sa halip, naninindigan tayo gaya ng sinabi ng mga apostol noong una: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:28, 29; tingnan ang kahong “Kaninong Awtoridad ang Dapat Kong Sundin?”
19 Ipinakikita rin natin ang ating paggalang sa sekular na mga awtoridad sa pamamagitan ng ating paggawi. Kung minsan, maaari nating aktuwal na makaharap ang mga opisyal ng gobyerno. Magalang na pinakitunguhan ni apostol Pablo sina Haring Herodes Agripa at Gobernador Festo bagaman nakagawa ng malulubhang kasalanan ang mga taong ito. (Gawa 26:2, 25) Tinutularan natin ang halimbawa ni Pablo kapag nakikitungo tayo sa gayong mga opisyal, sila man ay mga makapangyarihang tagapamahala o mga pulis sa ating komunidad. Sinisikap din ng mga kabataang Kristiyano na igalang ang kanilang mga guro, pati na ang mga opisyal at empleado ng paaralan. Sabihin pa, hindi lamang ang gumagalang sa ating mga paniniwala ang iginagalang natin; magalang din tayong nakikitungo sa mga sumasalansang sa mga Saksi ni Jehova. Oo, dapat na kitang-kita ng karamihan ng mga di-mananampalataya na tayo’y magalang.—Roma 12:17, 18; 1 Pedro 3:15.
20, 21. Ano ang ilan sa mga pagpapalang matatamo natin kung patuloy nating igagalang ang awtoridad?
20 Huwag tayong mag-atubili sa pagpapakita ng paggalang. Sumulat si apostol Pedro: “Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao.” (1 Pedro 2:17) Kapag napansin ng mga tao na talagang iginagalang natin sila, maaaring magkaroon sila ng magandang impresyon sa atin. Tandaan, bibihira na lamang ang nagpapakita ng katangiang ito. Kung gayon, ang pagpapakita nito ay isang paraan upang masunod natin ang utos ni Jesus: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.”—Mateo 5:16.
21 Sa daigdig na ito na nasa kadiliman, may mga taong matuwid ang puso na naaakit tungo sa espirituwal na liwanag. Kaya kung patuloy nating igagalang ang awtoridad sa pamilya, kongregasyon, at sekular na mga pamahalaan, maaaring mahikayat ang ilang tao na lumakad na kasama natin sa liwanag. Napakasaya nga kapag nangyari ito! Pero kung hindi man, isang bagay ang tiyak. Napaliligaya natin ang Diyos na Jehova kapag patuloy nating iginagalang ang mga tao, at nakatutulong ito sa atin na manatili sa kaniyang pag-ibig. Kaylaki ngang pagpapala iyan!
a Tinatalakay ng Apendise, sa artikulong “Kailan at Bakit Dapat Maglambong sa Ulo?,” ang ilang praktikal na paraan kung paano ikakapit ang simulaing ito.