Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
Papaanong ang mga kapakinabangan ng paglilingkod ni Kristo Jesus bilang mataas na saserdote, na binanggit sa Hebreo 4:15, 16, ay kumakapit ngayon sa “ibang mga tupa”?
Bagaman ang papel na ginagampanan ni Jesus bilang Mataas na Saserdote ay may pangunahing kahalagahan sa mga makakasama niya sa langit, ang mga Kristiyanong may makalupang pag-asa ay nakikinabang kahit ngayon buhat sa paglilingkod ni Jesus bilang saserdote.
Magbuhat kay Adan, ang mga tao ay pinabibigatan na ng kasalanan. Tayo’y nagdurusa dahil sa minanang kasalanan, gaya ng mga Israelita. Sila’y umasa sa isang mahabang angkan ng matataas at kasamang mga saserdote, na naghandog ng mga hain para sa kanilang sariling kasalanan gayundin para sa kasalanan ng bayan. Dumating ang panahon, si Jesus ay pinahiran bilang isang saserdote “ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedek.” Pagkatapos buhaying-muli, si Jesus ay humarap kay Jehova upang ihandog ang halaga ng kaniyang sakdal na hain bilang tao.—Awit 110:1, 4.
Ano ang kahulugan nito para sa atin ngayon? Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, tinatalakay ni Pablo ang paglilingkuran ni Jesus bilang Mataas na Saserdote. Sa Hebreo 5:1, ating mababasa: “Bawat mataas na saserdote na kinukuha mula sa mga tao ay inaatasan alang-alang sa mga tao sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, upang siya ay makapaghandog ng mga kaloob at mga hain para sa mga kasalanan.” Pagkatapos, sa Heb 5 talatang 5 at 6, ipinakita ni Pablo na si Jesus ay naging isang mataas na saserdote, na maaaring magdulot ng mga pakinabang para sa atin.
Sa papaano? Si Pablo ay sumulat: “Bagaman siya ay Anak, natuto siya ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan; at pagkatapos na magawa siyang sakdal siya ang nagkaroon ng pananagutan ukol sa walang-hanggang kaligtasan niyaong lahat ng mga sumusunod sa kaniya.” (Hebreo 5:8, 9) Sa simula, sa talatang iyan ay malamang na isipin natin kung papaano tayo makikinabang sa bagong sanlibutan, kapag yaong mga tapat sa Diyos at kay Jesus ay mahahango na sa pagiging makasalanan at magtatamo ng buhay na walang-hanggan. Iyan ay isang matibay na pag-asa, salig sa tumutubos na halaga ng hain ni Jesus at sa kaniyang paglilingkod bilang Mataas na Saserdote.
Subalit ang totoo, maaari na tayong makinabang ngayon buhat sa kaniyang papel o paglilingkod bilang Mataas na Saserdote. Pansinin ang Hebreo 4:15, 16: “Taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na subok na sa lahat ng mga bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan. Samakatuwid, lumapit tayo nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.” Kailan ang “tamang panahon”? Iyon ay kapag tayo’y nangangailangan ng awa at di-sana-nararapat na kabaitan. Lahat tayo, dahilan sa ating di-kasakdalan, ay dapat makadama ng pangangailangang ito ngayon.
Ang Hebreo 4:15, 16 ay nagdiriin na si Jesus—na isang saserdote na ngayon sa langit—ay naging isang tao rin, kaya siya ay maaaring makiramay. Kanino? Sa atin. Kailan? Ngayon. Nang siya’y isang tao, si Jesus ay dumanas ng kaigtingan at kagipitan na karaniwan sa mga tao. Minsan, si Jesus ay nagutom at nauhaw. At sa kabila ng pagiging sakdal, siya’y napagod. Iyan ay nagbibigay sa atin ng kasiguruhan. Bakit? Sapagkat si Jesus ay nakaranas ng likas na pagkahapo, alam niya ang madalas nating nadarama. Tandaan din na si Jesus ay malimit ding mapaharap sa may inggitang pagtatalo sa gitna ng kaniyang mga apostol. (Marcos 9:33-37; Lucas 22:24) Oo, siya’y nakaranas ng mga pagkasiphayo. Hindi ba dapat magbigay iyan sa atin ng pagtitiwala na siya’y nakakaunawa pagka tayo’y nasisiphayo, nasisiraan ng loob? Tiyak na gayon nga.
Kapag ikaw ay nasisiraan ng loob, ano ang magagawa mo? Sinabi ba ni Pablo na maghintay ka na lamang hanggang, sa bagong sanlibutan, ikaw ay tulungan ng iyong Mataas na Saserdote, si Jesus, upang maging sakdal sa isip at katawan? Hindi. Sinabi ni Pablo: ‘Makapagtatamo tayo ng awa at makasusumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon,’ at kasali na riyan ang kasalukuyan. Isa pa, nang tao si Jesus, siya’y nakaranas ng pagdurusa at kahirapan, palibhasa’y ‘sinubok sa lahat ng mga bagay tulad natin.’ Kaya kapag tayo’y napaharap sa gayong mga bagay, siya’y handang tumulong sa atin, salig sa kaniyang unawa sa ating dinaranas. Hindi ba iyan ay naglalapit sa iyo sa kanya?
Ngayon pansinin ang Heb 4 talatang 16. Sinasabi ni Pablo na tayo—at kasali rito kapuwa ang pinahiran at ang mga ibang tupa—ay makalalapit sa Diyos taglay ang kalayaan sa pagsasalita. (Juan 10:16) Hindi ibig sabihin ng apostol na maaari na nating sambitin sa panalangin ang anumang ibig natin, maging ang mga bagay na masama at di-kagalang-galang. Sa halip, salig sa hain ni Jesus at sa kaniyang papel bilang Mataas na Saserdote, tayo’y makalalapit sa Diyos bagaman tayo’y makasalanan.
Isa pang paraan na makikinabang tayo kahit ngayon buhat sa paglilingkod ng ating Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, ay may kinalaman sa ating mga kasalanan, o kamalian. Tunay na hindi natin maaaring asahan na sa kasalukuyang sistema ay lubusang ikakapit sa atin ni Jesus ang buong bisa ng kanyang hain. Gawin man niya ito, hindi pa rin natin tataglayin ang walang-hanggang buhay. Natatandaan ba ninyo ang nasa Lucas 5:18-26, tungkol sa lalaking paralisado na ang higaan ay idinaan sa butas upang maibaba mula sa bubong? Sinabi sa kaniya ni Jesus: “Lalaki, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na sa iyo.” Hindi iyan tumutukoy sa ilang espesipikong kasalanan na sanhi ng paralisis. Kaypala ang tinutukoy ay ang mga kasalanan ng lalaki sa pangkalahatan, at marahil kasali na ang kaniyang minanang di-kasakdalan, na sanhi ng mga karamdaman.
Salig sa hain na ihahandog niya, maaaring dalhin ni Jesus ang mga kasalanan ng lalaki, gaya ng kambing para kay Azazel na nagdala ng kasalanan ng Israel sa Araw ng Pagbabayad-sala. (Levitico 16:7-10) Gayunman, ang lalaking paralisado ay isang tao pa rin. Siya ay magkakasalang-muli, at namatay siya pagsapit ng panahon, gaya ng mga makasalanan. (Roma 5:12; 6:23) Ang sinabi ni Jesus ay hindi nangangahulugan na karaka-raka’y nagtamo ang lalaki ng buhay na walang-hanggan. Ngunit ang lalaki ay pinagpala ng isang antas ng kapatawaran noong panahong iyon.
Ngayon isaalang-alang ang ating katayuan. Palibhasa’y di-sakdal, tayo’y nagkakamali araw-araw. (Santiago 3:2) Ano ang magagawa natin hinggil dito? Buweno, sa langit tayo’y may isang maawaing Mataas na Saserdote na sa pamamagitan niya ay makalalapit tayo kay Jehova sa panalangin. Oo, gaya ng isinulat ni Pablo, tayong lahat ay maaaring “lumapit nang may kalayaan sa trono [ng Diyos] ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.” Kaya naman, lahat ngayon na kabilang sa mga ibang tupa ay tiyak na nagtatamo ng kahanga-hangang mga pakinabang, lakip na ang isang malinis na budhi, buhat sa paglilingkod ni Kristo bilang mataas na saserdote.
Lahat ng Kristiyano na may makalupang pag-asa ay makaaasa sa lalong dakilang mga pagpapala sa dumarating na bagong sanlibutan. Kung gayon ay lubusang ikakapit ng ating Mataas na Saserdote sa langit ang bisa ng kaniyang hain, na aakay sa lubos na kapatawaran ng kasalanan. Siya’y magkakaloob din ng mas maraming mga pakinabang sa pamamagitan ng pangangalaga sa pisikal at espirituwal na kalusugan ng mga tao. At lubhang palalawakin ni Jesus ang pagtuturo sa bayan ng Diyos sa lupa, yamang ang pagtuturo ng Batas ay isang pangunahing pananagutan ng mga saserdote sa Israel. (Levitico 10:8-11; Deuteronomio 24:8; 33:8, 10) Kung gayon, samantalang tayo’y nakikinabang sa makasaserdoteng paglilingkuran ni Jesus ngayon, higit pa ang naghihintay sa atin!