Itaas ang Matapat na mga Kamay sa Panalangin
“Nais ko na sa bawat dako ay magpatuloy sa pananalangin ang mga lalaki, na itinataas ang matapat na mga kamay, hiwalay sa poot at mga debate.”—1 TIMOTEO 2:8.
1, 2. (a) Paano kumakapit ang 1 Timoteo 2:8 sa panalanging may kinalaman sa bayan ni Jehova? (b) Ano ngayon ang isasaalang-alang natin?
INAASAHAN ni Jehova na ang kaniyang bayan ay magiging tapat sa kaniya at sa isa’t isa. Iniugnay ni apostol Pablo ang pagkamatapat sa panalangin nang sumulat siya: “Nais ko na sa bawat dako ay magpatuloy sa pananalangin ang mga lalaki, na itinataas ang matapat na mga kamay, hiwalay sa poot at mga debate.” (1 Timoteo 2:8) Maliwanag, tinutukoy ni Pablo ang pangmadlang panalangin “sa bawat dako” kung saan nagkakatipon ang mga Kristiyano. Sino ang kumakatawan sa bayan ng Diyos sa panalangin sa mga pulong ng kongregasyon? Tanging ang banal, matuwid, at mapitagang mga lalaki na buong-ingat na tumutupad ng maka-Kasulatang mga tungkulin sa Diyos. (Eclesiastes 12:13, 14) Sila’y kailangang malinis sa espirituwal at sa moral at walang-alinlangang tapat sa Diyos na Jehova.
2 Ang matatanda sa kongregasyon ay lalo nang dapat ‘magtaas ng matapat na mga kamay sa panalangin.’ Ang kanilang taos-pusong mga panalangin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay nagpapakita ng pagkamatapat sa Diyos at tumutulong sa kanila na iwasan ang mga debate at pagsiklab ng galit. Ang totoo, sinumang lalaki na may pribilehiyong kumatawan sa kongregasyong Kristiyano sa pangmadlang panalangin ay dapat na malaya mula sa poot, sama ng loob, at kawalang-katapatan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. (Santiago 1:19, 20) Ano pa ang mga alituntunin mula sa Bibliya para sa mga may pribilehiyong kumatawan sa iba sa pangmadlang panalangin? At ano ang ilang maka-Kasulatang simulain na dapat nating ikapit sa ating pribado at pampamilyang mga panalangin?
Pag-isipan Muna ang Panalangin
3, 4. (a) Bakit kapaki-pakinabang na pag-isipan muna ang pangmadlang panalangin? (b) Ano ang ipinakikita ng Kasulatan hinggil sa haba ng mga panalangin?
3 Kung hinilingan tayong manalangin sa madla, sa paano man ay malamang na pinag-iisipan muna natin ang ating panalangin. Ang paggawa nito ay magpapangyari sa atin na masaklaw ang angkop na mahahalagang bagay nang hindi bumibigkas ng mahaba at maligoy na panalangin. Mangyari pa, ang ating pribadong mga panalangin ay maaari ring sambitin. Maaari kahit gaano kahaba ang mga ito. Gumugol si Jesus ng buong magdamag sa pananalangin bago niya piliin ang kaniyang 12 apostol. Gayunman, nang pasinayaan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, ang kaniyang panalangin para sa tinapay at alak ay maliwanag na maikli lamang. (Marcos 14:22-24; Lucas 6:12-16) At alam natin na maging ang maiikling panalangin ni Jesus ay ganap na kaayaaya sa Diyos.
4 Ipagpalagay nang may pribilehiyo tayong kumatawan sa isang pamilya sa panalangin bago kumain. Ang gayong panalangin ay maaaring maikli—ngunit anuman ang sasabihin ay dapat may kalakip na pagpapasalamat para sa pagkain. Kung tayo ay nananalangin sa madla bago o pagkatapos ng isang pulong Kristiyano, hindi tayo kailangang maghandog ng mahabang panalangin na sumasaklaw sa maraming punto. Pinuna ni Jesus ang mga eskriba na ‘sa pagpapanggap ay gumawa ng mahahabang panalangin.’ (Lucas 20:46, 47) Hindi kailanman nanaisin ng isang makadiyos na tao na ganiyan ang gawin. Subalit kung minsan, maaaring angkop ang isang medyo mas mahabang pangmadlang panalangin. Halimbawa, ang isang matanda na napiling bumigkas ng pangwakas na panalangin sa isang asamblea ay dapat na pag-isipan muna ito at maaaring magnais na bumanggit ng ilang punto. Gayunman, hindi dapat na labis-labis ang haba maging ng gayong panalangin.
Lumapit sa Diyos Nang May Pagpipitagan
5. (a) Ano ang dapat nating tandaan kapag nananalangin sa madla? (b) Bakit dapat manalangin sa paraang may dignidad at magalang?
5 Kapag nananalangin sa madla, dapat nating tandaan na hindi tayo nakikipag-usap sa mga tao. Sa halip, tayo’y makasalanang mga nilalang na nakikiusap sa Soberanong Panginoong Jehova. (Awit 8:3-5, 9; 73:28) Kaya naman dapat tayong magpakita ng mapitagang pagkatakot na hindi siya mapalugdan sa pamamagitan ng ating sinasabi at kung paano natin ipinahahayag iyon. (Kawikaan 1:7) Umawit ang salmistang si David: “Kung sa akin, lalapit ako sa iyong bahay sa kasaganaan ng iyong maibiging-kabaitan, yuyukod ako sa iyong banal na templo taglay ang pagkatakot sa iyo.” (Awit 5:7) Kung ganiyan ang ating saloobin, paano natin ipahahayag ang ating sarili kapag hinilingang manguna sa panalangin sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova? Buweno, kung nakikipag-usap tayo sa isang taong hari, ginagawa natin iyon sa paraang magalang at may dignidad. Hindi ba dapat na lalong may dignidad at magalang ang ating mga panalangin, yamang nananalangin tayo kay Jehova, ang “Haring walang-hanggan”? (Apocalipsis 15:3) Kaya kapag nananalangin, iiwasan natin ang mga pangungusap na gaya ng, “Magandang umaga sa iyo, Jehova,” “Ipinaaabot namin sa iyo ang aming pag-ibig,” o kaya’y, “O, sige.” Ipinakikita ng Kasulatan na ang bugtong na Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay hindi kailanman nakipag-usap sa kaniyang makalangit na Ama sa ganiyang paraan.
6. Ano ang dapat nating tandaan kapag tayo’y ‘lumalapit sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan’?
6 Sinabi ni Pablo: “Lumapit tayo nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan.” (Hebreo 4:16) Malalapitan natin si Jehova nang may “kalayaan sa pagsasalita” sa kabila ng ating makasalanang kalagayan dahil sa ating pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Gawa 10:42, 43; 20:20, 21) Gayunman, ang gayong “kalayaan sa pagsasalita” ay hindi nangangahulugang tayo ay nakikipagkuwentuhan sa Diyos; ni dapat man tayong magsabi sa kaniya ng walang-pagpipitagang mga bagay. Upang makalugod kay Jehova ang ating pangmadlang panalangin, ang mga ito ay dapat ihandog nang may wastong paggalang at dignidad, at hindi angkop na gamitin ang mga ito para magpatalastas, magpayo sa mga indibiduwal, o magsermon sa mga tagapakinig.
Manalangin Taglay ang Mapagpakumbabang Espiritu
7. Paano nagpakita si Solomon ng pagpapakumbaba nang nananalangin sa pag-aalay ng templo ni Jehova?
7 Tayo man ay nananalangin sa madla o sa pribado, ang isang mahalagang simulain sa Kasulatan na dapat tandaan ay na dapat tayong magpamalas ng mapagpakumbabang saloobin sa ating mga panalangin. (2 Cronica 7:13, 14) Si Haring Solomon ay nagpakita ng pagpapakumbaba sa kaniyang pangmadlang panalangin sa pag-aalay ng templo ni Jehova sa Jerusalem. Katatapos lamang ni Solomon ng isa sa pinakamagagarang gusali na naitayo kailanman sa lupa. Gayunman, buong-pagpapakumbaba siyang nanalangin: “Ang Diyos ba’y mananahanan sa ibabaw ng lupa? Narito! Sa langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!”—1 Hari 8:27.
8. Ano ang ilang paraan na doo’y makikita ang pagpapakumbaba sa pangmadlang panalangin?
8 Tulad ni Solomon, dapat tayong maging mapagpakumbaba kapag kumakatawan sa iba sa pangmadlang panalangin. Bagaman dapat nating iwasan ang magbanal-banalan, ang pagpapakumbaba ay maipakikita sa pamamagitan ng tono ng ating boses. Ang mapagpakumbabang mga panalangin ay hindi matayog o madrama. Ang mga ito ay umaakay ng pansin, hindi sa taong nananalangin, kundi sa Isa na dinadalanginan. (Mateo 6:5) Makikita rin ang kapakumbabaan sa kung ano ang sinasabi natin sa panalangin. Kung mapagpakumbaba tayong nananalangin, hindi natin ito gagawin na para bang iginigiit sa Diyos na gawin niya ang ilang bagay sa paraang gusto natin. Sa halip, makikiusap tayo na kumilos sana si Jehova sa paraan na kasuwato ng kaniyang sagradong kalooban. Ipinakita ng salmista ang tamang saloobin nang magsumamo siya: “Pakisuyong magligtas ka ngayon, O Jehova! Pakisuyong magkaloob ka ng tagumpay, O Jehova!”—Awit 118:25; Lucas 18:9-14.
Manalangin Mula sa Puso
9. Anong mainam na payo na ibinigay ni Jesus ang masusumpungan sa Mateo 6:7, at paano ito maikakapit?
9 Upang makalugod kay Jehova ang ating pangmadla o pribadong mga panalangin, ang mga ito ay dapat na mula sa puso. Sa gayon, hindi natin basta uulitin lamang ang isang panalangin nang hindi na iniisip kung ano ang sinasabi natin. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, nagpayo si Jesus: “Kapag nananalangin, huwag sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa, sapagkat [may-kamaliang] inaakala nila na sila ay pakikinggan dahil sa kanilang paggamit ng maraming salita.” Sa ibang pananalita, sinabi ni Jesus: “Huwag kayong magngangawa; huwag kayong bumigkas ng mga walang-kabuluhang pag-uulit-ulit.”—Mateo 6:7; talababa sa Ingles.
10. Bakit angkop na manalangin tungkol sa isang bagay nang hindi lamang miminsan?
10 Sabihin pa, baka kailanganing ulit-ulitin natin ang ating panalangin tungkol sa isang bagay. Hindi naman mali iyan sapagkat humimok si Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at inyong masusumpungan; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.” (Mateo 7:7) Marahil ay kailangan ang isang bagong Kingdom Hall dahil pinalalago ni Jehova ang lokal na gawaing pangangaral. (Isaias 60:22) Angkop na laging banggitin ang pangangailangang ito kapag nananalangin nang sarilinan o kapag nangunguna sa panalangin sa mga pulong ng bayan ni Jehova. Ang paggawa nito ay hindi nangangahulugan ng ‘pagbigkas ng mga walang-kabuluhang pag-uulit-ulit.’
Huwag Kalilimutan ang Pasasalamat at Papuri
11. Paano kumakapit ang Filipos 4:6, 7 sa pribado at pangmadlang panalangin?
11 Nananalangin lamang ang maraming tao kapag may hinihiling na isang bagay, ngunit ang pag-ibig natin sa Diyos na Jehova ay dapat magpakilos sa atin na magpasalamat sa kaniya at purihin siya kapuwa sa pangmadla at pribadong panalangin. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Oo, bukod sa mga pagsusumamo at pakiusap, dapat tayong magpasalamat kay Jehova para sa espirituwal at materyal na mga pagpapala. (Kawikaan 10:22) Umawit ang salmista: “Maghandog ng pasasalamat bilang iyong hain sa Diyos, at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan.” (Awit 50:14) At sa isang himig ng panalangin ni David ay kalakip ang nakaaantig na mga salitang ito: “Pupurihin ko ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng awit, at aking dadakilain siya sa pamamagitan ng pasasalamat.” (Awit 69:30) Hindi ba dapat na gayundin ang gawin natin sa pangmadla at pribadong panalangin?
12. Paano natutupad sa ngayon ang Awit 100:4, 5, at para sa ano maaari tayong magpasalamat at pumuri sa Diyos?
12 Tungkol sa Diyos, umawit ang salmista: “Lumapit kayo sa kaniyang mga pintuang-daan nang may pasasalamat, sa kaniyang mga looban nang may papuri. Pasalamatan ninyo siya, pagpalain ang kaniyang pangalan. Sapagkat si Jehova ay mabuti; ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda, at ang kaniyang katapatan sa sunud-sunod na salinlahi.” (Awit 100:4, 5) Sa ngayon, ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay pumapasok sa mga looban ng santuwaryo ni Jehova, at dahil dito ay maaari nating purihin at pasalamatan siya. Pinasasalamatan mo ba ang Diyos para sa lokal na Kingdom Hall at ipinakikita ang iyong pagpapahalaga sa pamamagitan ng regular na pakikipagtipon doon kasama ng mga umiibig sa kaniya? Habang naroroon, buong-puso mo bang inaawit ang mga awit ng papuri at pasasalamat sa ating maibiging Ama sa langit?
Huwag Kailanman Mahihiyang Manalangin
13. Anong maka-Kasulatang halimbawa ang nagpapakita na dapat tayong magsumamo kay Jehova kahit na sa pakiwari nati’y hindi tayo karapat-dapat dahil sa pagkadama ng pagkakasala?
13 Kahit sa pakiwari nati’y hindi tayo karapat-dapat dahil sa pagkadama ng pagkakasala, dapat tayong bumaling sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim na pagsusumamo. Nang magkasala ang mga Judio ng pakikipag-asawa sa mga babaing banyaga, lumuhod si Ezra, ibinuka ang kaniyang matapat na mga palad sa Diyos, at buong-pagpapakumbabang nanalangin: “O Diyos ko, ako ay nahihiya at nanliliit na itaas ang aking mukha sa iyo, O Diyos ko, sapagkat ang aming mga kamalian ay dumami sa ibabaw ng aming ulo at ang aming pagkakasala ay lubhang lumaki na abot hanggang langit. Mula nang mga araw ng aming mga ninuno ay mayroon na kaming matinding pagkakasala hanggang sa araw na ito . . . At pagkatapos ng lahat ng sumapit sa amin dahil sa aming masasamang gawa at sa aming matinding pagkakasala—sapagkat ang aming kamalian, O aming Diyos, ay itinuring mo nang maliit kaysa marapat, at ibinigay mo sa amin yaong mga tumakas na gaya ng mga ito—lalabagin ba naming muli ang iyong mga utos at makikipag-alyansa sa pag-aasawa sa mga bayan na may mga karima-rimarim na bagay na ito? Hindi ka ba magagalit sa amin nang sukdulan anupat walang sinumang malalabi at walang sinumang tatakas? O Jehova na Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagkat kami ay naiwan bilang isang takas na bayan gaya sa araw na ito. Narito, kami ay nasa harapan mo sa aming pagkakasala, sapagkat hindi maaaring tumayo sa harapan mo dahil dito.”—Ezra 9:1-15; Deuteronomio 7:3, 4.
14. Gaya ng ipinakita noong panahon ni Ezra, ano ang kailangan upang makamit ang pagpapatawad ng Diyos?
14 Upang mapatawad ng Diyos, ang pagtatapat sa kaniya ay kailangang lakipan ng pagsisisi at “mga bungang naaangkop sa pagsisisi.” (Lucas 3:8; Job 42:1-6; Isaias 66:2) Noong panahon ni Ezra, ang pagsisisi ay nilakipan ng pagsisikap na ituwid ang kamalian sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga asawang banyaga. (Ezra 10:44; ihambing ang 2 Corinto 7:8-13.) Kung hinahangad natin ang pagpapatawad ng Diyos sa malubhang kasalanan, ipagtapat natin iyon sa kaniya sa isang mapagpakumbabang panalangin at ipakita ang mga bungang naaangkop sa pagsisisi. Ang pagsisisi at hangaring ituwid ang kamalian ay magpapakilos din sa atin na hingin ang espirituwal na tulong ng Kristiyanong matatanda.—Santiago 5:13-15.
Magtamo ng Kaaliwan Mula sa Panalangin
15. Paano ipinakikita ng karanasan ni Hana na makasusumpong tayo ng kaaliwan sa panalangin?
15 Kapag namimighati ang ating puso sa ilang kadahilanan, makasusumpong tayo ng kaaliwan sa pananalangin. (Awit 51:17; Kawikaan 15:13) Ganiyan ang naranasan ng matapat na si Hana. Nabuhay siya noong panahon na pangkaraniwan sa Israel ang malalaking pamilya, ngunit wala siyang anak. Ang kaniyang asawa, si Elkana, ay may mga anak na lalaki at babae sa kaniyang ibang asawa, si Penina, na tumutuya kay Hana dahil sa pagiging baog nito. Taimtim na nanalangin si Hana at nangako na kung pagpapalain siya ng isang anak na lalaki, ‘ibibigay niya ito kay Jehova sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.’ Palibhasa’y naaliw sa kaniyang panalangin at sa mga salita ng Mataas na Saserdoteng si Eli, si Hana “ay hindi na naging mapanglaw.” Nagsilang siya ng isang batang lalaki na pinanganlan niyang Samuel. Nang maglaon, ibinigay niya ito para maglingkod sa santuwaryo ni Jehova. (1 Samuel 1:9-28) Bilang pasasalamat sa kabaitan ng Diyos sa kaniya, naghandog siya ng isang panalangin ng pasasalamat—isa na pumuri kay Jehova bilang isa na walang kapantay. (1 Samuel 2:1-10) Tulad ni Hana, maaari tayong magtamo ng kaaliwan mula sa panalangin, anupat nagtitiwala na sinasagot ng Diyos ang lahat ng kahilingan na kasuwato ng kaniyang kalooban. Kapag ibinubuhos natin sa kaniya ang laman ng ating puso, huwag na tayong maging “mapanglaw,” sapagkat aalisin niya ang ating pasanin o pangyayarihing makayanan natin iyon.—Awit 55:22.
16. Gaya ng ipinakita sa kalagayan ni Jacob, bakit dapat tayong manalangin kapag tayo’y natatakot o nababalisa?
16 Kung ang isang situwasyon ay nagiging sanhi ng pagkatakot, dalamhati, o kabalisahan, lumapit tayo sa Diyos sa panalangin para sa kaaliwan. (Awit 55:1-4) Natakot si Jacob nang malapit na silang magtagpo ng kaniyang nakagalit na kapatid, si Esau. Gayunman, nanalangin si Jacob: “O Diyos ng aking amang si Abraham at Diyos ng aking amang si Isaac, O Jehova, ikaw na nagsasabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong mga kamag-anak at gagawan kita ng mabuti,’ ako ay di-karapat-dapat sa lahat ng maibiging-kabaitan at sa lahat ng katapatan na iyong ipinakita sa iyong lingkod, sapagkat ang dala ko lamang ay ang aking baston nang tawirin ko ang Jordan na ito at ngayon ay naging dalawang kampo ako. Iligtas mo ako, ipinamamanhik ko sa iyo, mula sa kamay ng aking kapatid, mula sa kamay ni Esau, sapagkat natatakot ako sa kaniya na baka dumating siya at tiyak na salakayin ako, ang ina kasama ang mga anak. At ikaw, ikaw ang nagsabi, ‘Walang alinlangan na gagawan kita ng mabuti at gagawin ko ang iyong binhi na tulad ng mga butil ng buhangin sa dagat, na hindi mabibilang dahil sa dami.’ ” (Genesis 32:9-12) Hindi sinalakay ni Esau si Jacob at ang mga kasama nito. Sa gayon si Jacob ay ‘ginawan ng mabuti’ ni Jehova sa pagkakataong iyon.
17. Kasuwato ng Awit 119:52, paano maaaring magdulot sa atin ng kaaliwan ang panalangin kapag tayo’y matinding sinusubok?
17 Kapag tayo’y nagsusumamo, maaari tayong maaliw sa pamamagitan ng paggunita ng mga bagay na binanggit sa Salita ng Diyos. Sa pinakamahabang awit—isang magandang panalangin na sinaliwan ng musika—maaaring si Prinsipe Hezekias ang umawit: “Aking inalaala ang iyong mga hudisyal na pasiya hanggang sa panahong walang takda, O Jehova, at nakasumpong ako ng kaaliwan para sa aking sarili.” (Awit 119:52) Sa mapagpakumbabang pananalangin kapag tayo ay matinding sinusubok, maaari nating maalaala ang isang simulain o batas sa Bibliya na makatutulong sa atin na magtaguyod ng isang landasing nagbubunga ng nakaaaliw na katiyakan na pinalulugdan natin ang ating makalangit na Ama.
Matiyaga sa Pananalangin ang mga Matapat
18. Bakit masasabi na ‘bawat isa na matapat ay mananalangin sa Diyos’?
18 Lahat ng matapat sa Diyos na Jehova ay ‘nagmamatiyaga sa pananalangin.’ (Roma 12:12) Sa ika-32 Awit 32, malamang na nilikha ni David matapos silang magkasala ni Bath-sheba, inilarawan niya ang kaniyang matinding paghihirap dahil sa pagkabigong humingi ng kapatawaran at ang ginhawa na idinulot sa kaniya ng pagsisisi at pagtatapat sa Diyos. Pagkatapos ay umawit si David: “Dahil dito [sapagkat pinatatawad ni Jehova ang mga tunay na nagsisisi] ang bawat isa na matapat ay mananalangin lamang sa iyo sa panahong masusumpungan ka.”—Awit 32:6.
19. Bakit dapat nating itaas ang matapat na mga kamay sa panalangin?
19 Kung mahalaga sa atin ang ating kaugnayan sa Diyos na Jehova, mananalangin tayo para sa kaniyang awa salig sa haing pantubos ni Jesus. Sa pananampalataya, makalalapit tayo sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan taglay ang kalayaan sa pagsasalita upang magtamo ng awa at napapanahong tulong. (Hebreo 4:16) Ngunit napakaraming dahilan para manalangin! Kaya naman tayo sana’y ‘manalangin nang walang-lubay’—kadalasan sa pamamagitan ng mga salitang taos-pusong pumupuri at nagpapasalamat sa Diyos. (1 Tesalonica 5:17) Araw at gabi, itaas natin ang matapat na mga kamay sa panalangin.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang pakinabang kung pag-iisipan muna ang pangmadlang panalangin?
◻ Bakit dapat tayong manalangin sa paraang magalang at may dignidad?
◻ Anong espiritu ang dapat nating ipakita kapag nananalangin?
◻ Kapag nananalangin, bakit dapat nating tandaan na magpasalamat at pumuri?
◻ Paano ipinakikita ng Bibliya na maaari tayong magtamo ng kaaliwan mula sa panalangin?
[Larawan sa pahina 17]
Nagpamalas si Haring Solomon ng kapakumbabaan sa kaniyang pangmadlang panalangin sa pag-aalay ng templo ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 18]
Gaya ni Hana, maaari kang magtamo ng kaaliwan mula sa panalangin