Pananalangin sa Harap ng Iba Taglay ang Mapagpakumbabang Puso
ISANG maligayang araw iyon sa kasaysayan ng Israel. Isinaayos ni Haring David na ang Kaban ni Jehova ay dalhin sa bagong punong lunsod, ang Jerusalem. Buong kagalakan na pinuri niya si Jehova sa harap ng lahat ng tao, at tinapos iyon ng isang taos-pusong panalangin sa ganitong pananalita: “Purihin ang Diyos ng Israel na si Jehova mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.” Ang mga nakikinig ay buong pusong “nagsabi ‘Amen’ at nagpuri kay Jehova.”—1 Cronica 16:36, The Bible in Living English.
Noong sinaunang panahon, karaniwan na para sa isang taong kuwalipikado na kabilang sa bayan ng Diyos ang kumatawan sa iba sa pananalangin sa ganitong paraan. At ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay nananalangin din. Ang mga pulong sa kongregasyon, mga asamblea, kung mga oras na kumakain ang pamilya, at ang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang ilan sa mga pagkakataon na mga lalaking Kristiyano—at kung minsan mga babae—ang may pribilehiyo na kumatawan sa iba sa pananalangin. (1 Corinto 11:4, 5) Ang resulta? Tulad noong kaarawan ng David, yaong mga nakikinig at nagsasabi ng “Amen” ay napatitibay at nadarama nila na tumitibay ang kanilang kaugnayan kay Jehova.
Isang mabigat na pananagutan na maging kinatawan ka ng mga iba sa pananalangin. Ang nananalangin ay kailangang magpahayag ng kaisipan na wastong nagpapaaninaw ng laman ng puso ng mga nakikinig. Ang kaniyang panalangin ay may epekto sa kanilang espirituwalidad. Kaya, ang mga mayroong ng ganitong pribilehiyo ay makabubuting humiling ng gaya ng hiling ni David: “Harinawang ang aking panalangin ay mahandang gaya ng kamangyan sa harap mo.”—Awit 141:2.
Paano natin maihahanda ang ating mga panalangin upang magkaroon ng halimuyak na gaya ng kamangyan sa harap ni Jehova? Sa pamamagitan ng patiunang pag-iisip ng kung ano ang sasabihin natin ayon sa patnubay na inilaan ni Jehova. Nasa Bibliya ang maraming ulirang panalangin at maiinam na payo tungkol sa panalangin. Ang pagsasaalang-alang ng impormasyong ito ay magtuturo sa atin ng mahalagang mga simulain na makatutulong lalo na pagka tayo’y nananalangin na naririnig ng iba at alang-alang sa kanila.
Taglay ang Mapagpakumbabang Puso
Isa na sa gayong simulain ay na si Jehova’y nakikinig sa mga panalangin ng mga taong mapagpakumbaba. (2 Cronica 7:13, 14) Sinasabi ng salmista: “Sapagkat si Jehova ay mataas, gayunma’y nakikita niya ang mapagpakumbaba; ngunit ang hambog ay nakikilala niya buhat lamang sa malayo.” (Awit 138:6) Bilang halimbawa nito, pag-isipan ang pagpapakumbaba ni Haring Solomon nang siya’y manalangin sa madla nang ialay ang templo. Katatapus-tapos lamang niya ng pagtatayo ng isa sa pinakamagandang gusali na kailanman ay nakita sa ibabaw ng lupang ito, subalit hindi dahil dito ay naghambog na siya. Sa halip, siya’y nanalangin: “Totohanan bang ang Diyos ay tatahan kasama ng mga tao sa lupa? Narito! Sa langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasiya; gaano pa nga sa bahay na ito na aking itinayo?”—2 Cronica 6:18.
Tayo man naman ay dapat na maging mapagpakumbaba, lalo na kapag nananalangin alang-alang sa iba. Sa isang bahagi, ang pagpapakumbaba ay makikita sa tono ng boses. Mangyari pa, dapat iwasan ng mga Kristiyano ang paimbabaw na pagpapakumbaba o pagbabanal-banalan. Subalit ang mapagpakumbabang mga panalangin ay hindi bombastiko na parang palabas sa teatro. (Mateo 6:5) Ang pagpapakumbaba ay ipinakikita rin naman sa pamamagitan ng ating sinasabi. Kung tayo’y mapagpakumbaba, sa panalangin ay hindi natin hihilingin na gawin ni Jehova ang ganoo’t-ganitong bagay. Sa halip, ating isasamo na sana’y kumilos siya sa isang paraan na naaayon sa kaniyang kalooban.—Ihambing ang Awit 118:25.
Ang pagpapakumbaba ay aakay din sa atin na iwasan ang paggamit ng panalangin upang patunayan ang isang punto o magbigay ng personal na payo sa mga indibiduwal. Kung ganoon, ipakikita natin ang espiritu na ipinakita ng Fariseo sa isa sa mga talinghaga ni Jesus. Binanggit ni Jesus ang isang Fariseo at isang maniningil ng buwis na magkasabay na nananalangin sa templo. Sinabi ng Fariseo: “Oh Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, liko, mangangalunya, o dili kaya’y gaya ng maniningil na ito ng buwis. Ako’y makalawang nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu ng lahat ng aking kita.” Subalit dinadagukan ng maniningil ng buwis ang kaniyang dibdib na sinasabi: “Oh Diyos, kahabagan mo ako na isang makasalanan.” Ano ang konklusyon ni Jesus? “Ang taong ito [maniningil ng buwis] na nanaog sa kaniyang tahanan ay nagpatunay na lalong matuwid kaysa tao [Fariseo] na iyon.—Lucas 18:9-14.
Ang mga lingkod ni Jehova na talagang mapagpakumbaba ay kumikilala sa kanilang katayuan sa harap niya. Sila’y medyo mababa kaysa mga anghel, samantalang si Jehova ang siyang walang hanggang Kataas-taasang Soberano ng sansinukob. (Awit 8:3-5, 9; 90:1-4) Pagka may pagkakataon ang sinoman na makipag-usap sa mga hari o mga pinuno ng sanlibutang ito, karaniwan nang ginagawa nila iyan nang may paggalang at karangalan, palibhasa’y pinahahalagahan nila ang gayong pribilehiyo. Tayo ba naman ay di-magpapakita ng ganoon ding paggalang at pagpapahalaga pagka nakikipag-usap tayo sa “Diyos na buháy at Haring walang hanggan”? (Jeremias 10:10) Siyempre hindi. Ang mga pananalita na, “Magandang hapon, Jehova” o, “Gusto naming makipag-usap sa iyo, Jehova” ay hindi dapat gamitin kung nananalangin, tulad din ng mga pangungusap na gaya ng, “Kumusta ka ngayon?” “Ihatid mo ang aming pag-ibig kay Jesus,” o “Maging maganda sana ang araw mo.”—Ihambing ang Eclesiastes 5:1, 2.
Subalit hindi ba sinabi ni apostol Pablo na tayo’y lumapit kay Jehova nang “may kalayaan ng pagsasalita”? (Hebreo 4:16; ihambing ang 1 Juan 3:21, 22.) Hindi ba nagbibigay iyan sa atin ng kalayaan na magsalita ayon sa ating minamagaling? Hindi. Ang ibig sabihin ni Pablo ay na dahilan sa inihandog ni Jesus na hain tayo ay makalalapit kay Jehova bagaman tayo’y makasalanan. Makalalapit tayo sa kaniya sa panalangin anomang oras at tungkol sa anomang paksa. Subalit kahit na tayo’y nananalangin na may kalayaan ng pagsasalita, mapagpakumbabang kilalanin natin ang ating sariling kaliitan. Kaya naman sinabi ni Jehova: “Ang isang ito, kung gayon, ang titingnan ko, siyang nahahapis at nagsisisi ang kalooban at nanginginig sa aking salita.”—Isaias 66:2.
Paalaalang Payo
Si Jesu-Kristo ay nagbigay ng higit pang payo sa panalangin sa kaniyang Sermon sa Bundok. Kaniyang ipinaalaala na pagka tayo’y nananalangin huwag nating “gagamitin ang walang kabuluhang pag-ulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa.” (Mateo 6:7) Hindi ibig sabihin na hindi tayo paulit-ulit na mananalangin tungkol sa iyon at iyon ding paksa (habang natitiyak natin na iyon ang tamang hilingin natin sa ating pananalangin). Sa atin ay sinasabi: “Patuloy na humingi, at iyon ay ibibigay sa inyo; patuloy na humanap, at kayo’y makakasumpong; patuloy na kumatok, at yao’y bubuksan sa inyo.” (Mateo 7:7) Sa halip, ang ibig sabihin ni Jesus ay na huwag nating paulit-ulitin ang mga bagay hanggang sa sukdulan na ang mga ito’y mawalan na ng kabuluhan. Sa ibang pananalita, “Huwag magsalita nang walang kabuluhang paulit-ulit.”—Mateo 6:7, talababa ng Reference Bible.
May mga relihiyon na kinaugalian na ang paulit-ulit na pananalangin na hindi pinag-iisipan ang ginagamit na pananalita. Kung minsan ang pag-ulit-ulit ay ginagawa sa isang wika na hindi naiintindihan ng nananalangin. Ito’y isang uri ng ‘walang kabuluhang paulit-ulit.’ Narito ang isa pa: Gunigunihin ang isang Kristiyano na kaugalian na ang ulit-ulitin ang ganoo’t-ganoon din pananalita araw-araw pagka nagpapasalamat kay Jehova. Sa wakas, ang mga pananalita ay nagiging walang kabuluhan. Kahit na ang pangalan ng Diyos, na Jehova, ay baka ginagamit sa ganitong paraan. Totoo, tayo’y pinapayuhan na tumawag sa pangalan ni Jehova. (Awit 105:1) Subalit kung gagamitin natin ang pangalang iyan sa dulo ng halos bawat pangungusap sa ating panalangin, iyon ay nagiging isang pinakaugalian na o ‘walang kabuluhang pag-ulit-ulit.’
Binanggit ni Pablo ang isa pang mahalagang simulain ng kaniyang isulat: “Kung ako’y nananalangin sa isang wika, ang kaloob sa akin na espiritu ang nananalangin, datapuwat ang aking pag-iisip ay walang bunga. . . . Kapag naghandog ka ng papuri taglay ang kaloob na espiritu, paanong ang taong nasa karaniwang upuan ay makapagsasabi ng ‘Amen’ sa iyong pagpapasalamat, yamang hindi niya nalalaman ang iyong sinasabi?” (1 Corinto 14:14-16) Noong kaarawan ni Pablo, may mga Kristiyanong tumanggap ng kahima-himalang kaloob na mga wika, at marahil ang iba sa kanila ay nanalangin sa harap ng kongregasyon sa pamamagitan ng mga wikang ito. Ngunit gaya ng ipinakita ni Pablo, hindi naunawaan iyon ng mga nasa kongregasyon.
Sa ngayon, wala tayo ng gayong kahima-himalang kaloob. Subalit ang mga Kristiyano na nananalangin alang-alang sa iba ay dapat na manalangin sa paraan na mauunawaan. Halimbawa, sa pasimula ng isang pahayag pangmadla inaanyayahan natin ang mga nakikinig na sumama sa atin sa pananalangin. Sa gayong panalangin, makatuwiran na iwasan ang talasalitaan o paksa na hindi nauunawaan ng mga nakikinig na panauhin.
Dapat na Gaanong Kahaba ang Panalangin?
Ang sariling mga panalangin ay maaaring kasinghaba ng ayon sa ibig natin. Bago pinili ni Jesus ang kaniyang 12 apostol, siya’y nanalangin buong magdamag. (Lucas 6:12) Subalit, gaano nga bang kahaba ang dapat sa isang pangmadlang panalangin? Bueno, bago ipasa ang mga emblema nang pasimulan ang Alaala ng kaniyang kamatayan, ‘pinagpala’ iyon ni Jesus at ‘nagpasalamat,’ maliwanag na maiikling panalangin ang binigkas niya. (Mateo 26:26-28) Sa kabilang dako, ang panalangin ni Solomon nang ialay ang templo ay medyo mahaba. Gayundin ang panalangin ni Jesus noong gabi bago siya namatay.—2 Cronica 6:14-42; Juan 17:1-26.
Kung gayon, walang alituntunin kung gaano kahaba ang dapat sa isang pangmadlang panalangin. Subalit walang natatanging bisa ang mahahabang panalangin. Sa katunayan, pinintasan ni Jesus ang mga eskriba na ‘nananakmal ng bahay ng mga babaing balo at nagpapakunwaring banal sa kanilang mahahabang mga panalangin.’ (Lucas 20:46, 47) Sa mga panalangin alang-alang sa iba ay dapat malinaw banggitin ang kanilang mga kalagayan o pangangailangan at nasa katamtamang haba na angkop sa okasyon. Hindi kailangan ang mahahaba at paliguy-ligoy na mga panalangin na sumasaklaw sa maraming mga bagay na walang kaugnayan. Pagka napasasalamat bago kumain, ang panalangin ay dapat na gawing maikli lamang. Ang panalangin na pambungad ng isang pulong Kristiyano ay hindi rin dapat na habaan. Ang isa na kumakatawan sa isang pamilya sa pasimula o dulo ng maghapon, o ang isa na bumibigkas ng pansarang panalangin sa isang asamblea, ay maaring sumaklaw ng higit pang mga punto na angkop sa okasyon.
Ang panalangin na alang-alang sa iba ay may mainam na epekto kung iyon ay galing sa isang mapagpakumbabang puso at binibigkas na taglay ang nararapat na pagkatimbang at konsiderasyon. Patitibayin niyaon ang espirituwalidad ng mga nakikinig at pati kanilang kaugnayan kay Jehova. Kaya naman, tulad ng mga nakibahagi sa taus-pusong panalangin ni David nang dinadala sa Jerusalem ang kaban ng tipan, lahat ng nakikinig ay mauudyukan na ‘magsabi ng “Amen” at magpupuri kay Jehova.’—1 Cronica 16:36.
[Kahon sa pahina 22]
Angkop ba sa mga tagapakinig na magsabi ng “Amen” sa katapusan ng isang pangmadlang panalangin?
Oo, kung ibig nila o nadarama nilang dapat nilang gawin iyon. Binanggit ni Pablo ang “Amen” na sinabi ng mga nakikinig sa isang panalangin, bagamat hindi niya tiyakang sinabi kung ito’y binigkas na naririnig o sa tahimik na paraan, sa kanilang mga puso. (1 Corinto 14:16) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, nagkaroon ng okasyon nang ang mga Israelita ay tahasang sinabihan na magsabi ng “Amen!” nang malakas. (Deuteronomio 27:14-26) Samakatuwid, pagka ipinahiwatig ng taong nananalangin na tapos na ang kaniyang panalangin at siya’y nagsasabi ng “Amen,” angkop naman para sa mga nakikinig na magsabi ng “Amen” sa kanilang mga puso o bigkasin iyon sa marahang tinig. Dapat na sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na magpakita ng wastong pagpapahalaga pagka sila’y nagsasabi ng marahang “Amen.”
[Kahon sa pahina 23]
Pagka nagsimulang umiyak ang sanggol, tumunog ang telepono, o mayroong iba pang mga pagkagambala sa mga sandaling nananalangin sa kongregasyon, isa bang kawalang-galang pagka isang tagapakinig ang umasikaso sa gayong biglaang pangyayari?
Hindi. Sa katunayan, isang pagpapakita pa nga ng pag-ibig kung ang isang inatasang ministeryal na lingkod ay tahimik na aalis at aasikasuhin sa maayos na paraan ang gayong pangyayari. (1 Corinto 14:40) Kaya, ang kongregasyon ay makapagpapatuloy ng pananalangin nang walang abala. At ang nag-asikaso sa gayong biglaang pangyayari ay maaaring bumalik at makisama sa pananalangin pagka tapos na ang kaniyang inaasikaso.