Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 9/1 p. 19-24
  • Namumuhay Ayon sa Batas ng Kristo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Namumuhay Ayon sa Batas ng Kristo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sa Pamilya
  • Sa Kongregasyon
  • Ikinakapit ng Matatanda ang Batas ng Kristo
  • Namumuhay Ayon sa Batas ng Kristo
  • Kumikilos ang Batas ng Kristo!
  • Ang Batas ng Kristo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Pag-ibig at Katarungan sa Kongregasyong Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Abangan ang Sagot sa mga Tanong na Ito
    2017-2018 Programa sa Pansirkitong Asamblea—May Kinatawan ng Sangay
  • Ano ang Hinihiling ni Jehova sa Atin Ngayon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 9/1 p. 19-24

Namumuhay Ayon sa Batas ng Kristo

“Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ay tuparin ninyo ang batas ng Kristo.”​—GALACIA 6:2.

1. Bakit masasabi na ang batas ng Kristo ay isang makapangyarihang puwersa sa ngayon sa ikabubuti?

SA Rwanda, isinuong sa panganib ng Hutu at Tutsi na mga Saksi ni Jehova ang kanilang buhay upang ipagsanggalang ang isa’t isa sa pamamaslang ng lahi na sumiklab sa lupaing iyan. Ang mga Saksi ni Jehova sa Kobe, Hapón, na namatayan ng mga kapamilya sa mapangwasak na lindol ay nasiraan ng loob dahil sa kanilang pangungulila. Subalit kumilos sila kaagad upang sagipin ang ibang biktima. Oo, ang nakaaantig-pusong mga halimbawa sa buong daigdig ay nagpapakita na ang batas ng Kristo ay umiiral sa ngayon. Ito ay isang makapangyarihang puwersa sa ikabubuti.

2. Paanong hindi nauunawaan ng Sangkakristiyanuhan ang kahulugan ng batas ng Kristo, at paano natin matutupad ang batas na iyan?

2 Kasabay nito, natutupad ang isang hula sa Bibliya tungkol sa mapanganib na “mga huling araw” na ito. Marami ang may “anyo ng maka-Diyos na debosyon” ngunit “nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2 Timoteo 3:1, 5) Lalo na sa Sangkakristiyanuhan, ang relihiyon ay kadalasang isang pormalidad lamang, wala sa puso. Iyan ba’y dahil sa napakahirap mamuhay ayon sa batas ng Kristo? Hindi. Hindi tayo bibigyan ni Jesus ng isang batas na hindi maaaring sundin. Talaga lamang hindi naunawaan ng Sangkakristiyanuhan ang kahulugan ng batas. Nabigo siyang sundin ang kinasihang mga salitang ito: “Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ay tuparin ninyo ang batas ng Kristo.” (Galacia 6:2) ‘Tinutupad natin ang batas ng Kristo’ sa pamamagitan ng pagdadala ng mga pasanin ng isa’t isa, hindi sa pamamagitan ng pagtulad sa mga Fariseo at sa di-makatuwirang pagpapabigat sa pasan ng ating mga kapatid.

3. (a) Ano ang ilang utos na kalakip sa batas ng Kristo? (b) Bakit mali na isiping ang Kristiyanong kongregasyon ay hindi dapat magkaroon ng mga alituntunin maliban sa mga tuwirang utos ni Kristo?

3 Kalakip sa batas ng Kristo ang lahat ng utos ni Kristo Jesus​—maging iyon man ay ang pangangaral at pagtuturo, pagpapanatiling dalisay at simple ang mata, pakikipagpayapaan sa ating kapuwa, o pag-aalis ng karumihan buhat sa kongregasyon. (Mateo 5:27-​30; 18:15-​17; 28:19, 20; Apocalipsis 2:14-​16) Sa katunayan, obligado ang mga Kristiyano na tuparin ang lahat ng utos sa Bibliya na itinagubilin sa mga tagasunod ni Kristo. At hindi lamang ito. Ang organisasyon ni Jehova, gayundin ang bawat kongregasyon, ay dapat na magtakda ng kinakailangang mga alituntunin at pamamaraan upang mapanatili ang mabuting kaayusan. (1 Corinto 14:33, 40) Aba, hindi makapagtitipon ang mga Kristiyano kung wala silang mga alituntunin kung kailan, saan, at kung paano idaraos ang gayong mga pulong! (Hebreo 10:24, 25) Ang pagsunod sa makatuwirang mga direksiyon na itinakda niyaong binigyan ng awtoridad sa organisasyon ay bahagi rin ng pagtupad sa batas ng Kristo.​—Hebreo 13:17.

4. Ano ang nagpapakilos na puwersa na nasa likod ng dalisay na pagsamba?

4 Gayunpaman, hindi hinahayaan ng mga tunay na Kristiyano na maging isang walang-kabuluhang kaayusan ng mga batas ang kanilang pagsamba. Hindi sila naglilingkod kay Jehova dahil lamang sa iyon ang sinasabi sa kanila ng ilang tao o sa organisasyon. Sa halip, pag-ibig ang siyang nagpapakilos na puwersa na nasa likod ng kanilang pagsamba. Isinulat ni Pablo: “Ang pag-ibig ng Kristo ang nagtutulak sa amin.” (2 Corinto 5:14, talababa sa Ingles) Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ibigin ang isa’t isa. (Juan 15:12, 13) Ang pag-ibig na mapagsakripisyo sa sarili ang siyang saligan ng batas ng Kristo, at ito ang nagtutulak o gumaganyak sa mga tunay na Kristiyano sa lahat ng dako, kapuwa sa pamilya at sa kongregasyon. Tingnan natin kung paano.

Sa Pamilya

5. (a) Paano matutupad ng mga magulang ang batas ng Kristo sa tahanan? (b) Ano ang kailangan ng mga anak sa kanilang mga magulang, at anong mga hadlang ang dapat mapagtagumpayan ng mga magulang upang matugunan iyon?

5 Sumulat si apostol Pablo: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyong mga asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efeso 5:25) Kapag si Kristo ay tinutularan ng isang asawang lalaki at nakikitungo sa kaniyang kabiyak nang may pag-ibig at pang-unawa, tinutupad niya ang mahalagang bahagi ng batas ng Kristo. Isa pa, hayagang nagpakita si Jesus ng pagmamahal sa mga bata, anupat kinuha sila sa kaniyang mga bisig, ipinatong ang kaniyang kamay sa kanila, at pinagpala sila. (Marcos 10:16) Nagpapamalas din ng pagmamahal sa kanilang mga anak ang mga magulang na tumutupad sa batas ng Kristo. Totoo, may mga magulang na nahihirapang tumulad sa halimbawa ni Jesus hinggil sa bagay na ito. Ang ilan ay hindi likas na malambing. Mga magulang, huwag hayaan na ang gayong mga salik ay makahadlang sa inyo sa pagpapamalas ng pag-ibig sa inyong mga anak! Hindi sapat na alam ninyo na mahal ninyo ang inyong mga anak. Dapat na malaman din nila iyon. At hindi nila malalaman iyon hangga’t hindi kayo gumagawa ng mga paraan upang maipamalas ang inyong pag-ibig.​—Ihambing ang Marcos 1:11.

6. (a) Kailangan ba ng mga anak ang mga alituntunin ng mga magulang, at bakit gayon ang sagot mo? (b) Anong saligang dahilan ng mga alituntunin sa sambahayan ang kailangang maunawaan ng mga anak? (c) Anong mga panganib ang naiiwasan kapag ang batas ng Kristo ay namamayani sa sambahayan?

6 Kasabay nito, kailangan ng mga anak ang mga hangganan, na nangangahulugang kailangang magtakda ng mga alituntunin ang mga magulang at kung minsa’y ipatupad ang mga alituntuning ito sa pamamagitan ng disiplina. (Hebreo 12:7, 9, 11) Magkagayunman, ang mga anak ay kailangang baytang-baytang na matulungang makita ang saligang dahilan sa mga alituntuning ito: mahal sila ng kanilang mga magulang. At dapat nilang matutuhan na pag-ibig ang pinakamabuting dahilan sa pagsunod sa kanilang mga magulang. (Efeso 6:1; Colosas 3:20; 1 Juan 5:3) Tunguhin ng isang maunawaing magulang na maturuan ang mga bata na gamitin ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran” upang sa bandang huli ay makagawa sila ng mahuhusay na desisyon sa ganang sarili. (Roma 12:1; ihambing ang 1 Corinto 13:11.) Sa kabilang dako, hindi dapat na magkaroon ng napakaraming alituntunin o napakahigpit na disiplina. Sinabi ni Pablo: “Kayong mga ama, huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21; Efeso 6:4) Kapag ang batas ng Kristo ang namamayani sa sambahayan, walang dako para sa disiplina na inilalapat nang may matinding galit o nakasasakit na salita. Sa gayong tahanan, panatag at napatitibay ang mga anak, hindi nabibigatan o nasisiraan ng loob.​—Ihambing ang Awit 36:7.

7. Sa anu-anong paraan makapaglalaan ng halimbawa ang mga tahanang Bethel may kinalaman sa pagtatakda ng mga alituntunin sa tahanan?

7 Ang ilan na nakadalaw na sa mga tahanang Bethel sa buong daigdig ay nagsasabi na ang mga ito ay mabubuting halimbawa sa pagiging timbang may kinalaman sa mga alituntunin para sa isang pamilya. Bagaman binubuo ng mga nasa hustong gulang, ang gayong mga institusyon ay umiiral na katulad ng mga pamilya.a Ang mga gawain sa Bethel ay masalimuot at nangangailangan ng maraming alituntunin​—tiyak na mas marami kaysa sa pangkaraniwang pamilya. Gayunpaman, sinisikap ng matatandang nangunguna sa mga tahanan, tanggapan, at mga operasyon sa pagawaan sa Bethel na ikapit ang batas ng Kristo. Minamalas nila bilang kanilang atas hindi lamang ang mag-organisa ng gawain kundi ang magtaguyod din ng espirituwal na pagsulong at “kagalakan kay Jehova” sa gitna ng kanilang mga kamanggagawa. (Nehemias 8:10) Kaya naman, sinisikap nilang gawin ang mga bagay-bagay sa isang positibo at nakapagpapatibay na paraan at nagsisikap na maging makatuwiran. (Efeso 4:31, 32) Hindi nakapagtataka na ang mga pamilyang Bethel ay kilala sa kanilang pagiging masayahin!

Sa Kongregasyon

8. (a) Ano ang dapat na lagi nating maging tunguhin sa kongregasyon? (b) Ano ang mga kalagayan na doon ang ilan ay humingi o nagtangkang gumawa ng mga alituntunin?

8 Tunguhin din naman natin sa kongregasyon na patibayin ang isa’t isa sa diwa ng pag-ibig. (1 Tesalonica 5:11) Kaya lahat ng Kristiyano ay dapat na maging maingat na hindi makaragdag sa pasanin ng iba sa pamamagitan ng paggigiit ng kanilang sariling mga idea sa mga bagay na personal. May mga panahon na ang ilan ay sumusulat sa Samahang Watch Tower upang humingi ng mga alituntunin hinggil sa mga bagay tulad ng kung paano nila dapat malasin ang espesipikong mga pelikula, aklat, at maging mga laruan. Subalit, hindi awtorisado ang Samahan na suriin ang gayong mga bagay at magpalabas ng pasiya hinggil sa mga ito. Sa maraming kaso, ang mga bagay na ito ay dapat pagpasiyahan ng indibiduwal o ng ulo ng pamilya, salig sa kaniyang pag-ibig sa mga simulain sa Bibliya. Ang iba ay nahihilig na gawing alituntunin ang mga mungkahi at payo ng Samahan. Halimbawa, sa Marso 15, 1996, isyu ng Ang Bantayan, may isang mainam na artikulo na nagpapasigla sa matatanda na gumawa ng regular na pagpapastol sa mga miyembro ng kongregasyon. Ang layunin ba ay ang magtakda ng mga alituntunin? Hindi. Bagaman yaong nakasusunod sa mungkahi ay nakasumpong ng maraming kapakinabangan, ang ilang matanda ay wala sa kalagayan na gawin iyon. Gayundin, ang artikulong “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Abril 1, 1995, isyu ng Ang Bantayan ay nagbabala laban sa pag-aalis ng dignidad sa okasyon ng bautismo sa pamamagitan ng pagpapakalabis, tulad ng magugulong kasayahan o pagdiriwang. Mahigpit na ikinapit ng ilan ang may-gulang na payong ito, anupat ginawang alituntunin, na ang pagpapadala ng nakapagpapatibay na kard sa okasyong ito ay isang kamalian!

9. Bakit mahalaga na iwasan nating maging labis na mapunahin at mapanghatol sa isa’t isa?

9 Isaalang-alang din na upang mamayani sa atin ang “sakdal na batas na nauukol sa kalayaan,” dapat nating kilalanin na hindi pare-pareho ang budhi ng lahat ng Kristiyano. (Santiago 1:25) Dapat ba tayong magalit kung ang mga tao ay may pasiya na hindi naman lumalabag sa mga simulain ng Kasulatan? Hindi. Ang paggawa nito ay magbubunga ng pagkakabaha-bahagi. (1 Corinto 1:10) Bilang babala sa atin laban sa paghatol sa kapuwa Kristiyano, sinabi ni Pablo: “Sa kaniyang sariling panginoon ay tumatayo siya o nabubuwal. Tunay nga, siya ay patatayuin, sapagkat mapatatayo siya ni Jehova.” (Roma 14:4) Nanganganib tayong di-mapalugdan ang Diyos kung nagsasalita tayo laban sa isa’t isa hinggil sa mga bagay na dapat ay ipabahala na lamang sa budhi ng bawat isa.​—Santiago 4:10-12.

10. Sino ang mga inatasan na magbantay sa kongregasyon, at paano natin sila dapat na suportahan?

10 Tandaan din natin na ang matatanda ay inatasang magbantay sa kawan ng Diyos. (Gawa 20:28) Nariyan sila upang tumulong. Hindi tayo dapat na mag-atubiling lumapit sa kanila ukol sa payo, sapagkat sila’y mga estudyante ng Bibliya at pamilyar sa mga natalakay na sa literatura ng Samahang Watch Tower. Kapag nakikita ng matatanda ang paggawi na malamang ay umakay sa paglabag sa mga simulain sa Kasulatan, walang-takot silang nagbibigay ng kinakailangang payo. (Galacia 6:1) Sinusunod ng mga miyembro ng kongregasyon ang batas ng Kristo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa minamahal na mga pastol na ito, na nangunguna sa kanila.​—Hebreo 13:7.

Ikinakapit ng Matatanda ang Batas ng Kristo

11. Paano ikinakapit ng matatanda ang batas ng Kristo sa kongregasyon?

11 Sabik ang matatanda na tuparin ang batas ng Kristo sa kongregasyon. Nangunguna sila sa pangangaral ng mabuting balita, nagtuturo buhat sa Bibliya upang maabot ang puso at, bilang maibigin at magiliw na mga pastol, nagsasalita sa “mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Iniiwasan nila ang di-Kristiyanong mga saloobin na umiiral sa napakaraming relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Totoo, mabilis na lumulubog ang sanlibutang ito, at tulad ni Pablo, nababalisa ang matatanda para sa kawan; ngunit sila’y nananatiling timbang habang hinaharap ang mga kabalisahang iyon.​—2 Corinto 11:28.

12. Kapag lumapit ang isang Kristiyano sa isang matanda upang humingi ng tulong, paano maaaring tumugon ang matanda?

12 Halimbawa, baka naisin ng isang Kristiyano na sumangguni sa isang matanda hinggil sa isang mahalagang bagay na hindi tuwirang tinatalakay sa mga reperensiya sa Kasulatan o nangangailangan ng pagtitimbang-timbang ng iba’t ibang simulaing Kristiyano. Marahil ay inaalok siya ng mas mataas na tungkulin sa trabaho na may mas malaking suweldo ngunit mas malaking pananagutan. O baka ang di-sumasampalatayang ama ng isang kabataang Kristiyano ay humihiling ng mga bagay sa kaniyang anak na makaaapekto sa kaniyang ministeryo. Umiiwas ang matanda na magbigay ng personal na opinyon sa gayong mga situwasyon. Sa halip, malamang na bubuksan niya ang Bibliya at tutulungan ang isa na mangatuwiran ayon sa kaugnay na mga simulain. Maaari niyang gamitin ang Watch Tower Publications Index, kung mayroon, upang hanapin kung ano ang sinasabi ng “tapat at maingat na alipin” sa paksang iyon sa mga pahina ng Ang Bantayan at iba pang publikasyon. (Mateo 24:45) Ano kung pagkatapos nito’y gumawa ng pasiya ang isang Kristiyano na hindi isang kapantasan sa malas ng matanda? Kung ang pasiya ay hindi naman tuwirang lumalabag sa mga simulain o batas sa Bibliya, masusumpungan ng Kristiyano na kinikilala ng matanda ang karapatan ng isa na gumawa ng gayong pasiya, sa pagkaalam na “ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” Gayunman, dapat tandaan ng Kristiyano na “anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Galacia 6:5, 7.

13. Sa halip na magbigay ng tuwirang mga sagot sa mga tanong o magbigay ng sariling opinyon, bakit tinutulungan ng matatanda ang iba na mangatuwiran sa mga bagay-bagay?

13 Bakit kumikilos nang ganito ang makaranasang matanda? May di-kukulangin sa dalawang dahilan. Una, sinabi ni Pablo sa isang kongregasyon na hindi siya ‘ang panginoon sa kanilang pananampalataya.’ (2 Corinto 1:24) Sa pagtulong sa kaniyang kapatid na mangatuwiran ayon sa Kasulatan at gumawa ng kaniyang sariling may-kabatirang pasiya, tinutularan ng matanda ang saloobin ni Pablo. Kinikilala niya na may hangganan ang kaniyang awtoridad, kung paanong kinilala ni Jesus na may hangganan ang kaniyang awtoridad. (Lucas 12:13, 14; Judas 9) Kasabay nito, handang magbigay ng kapaki-pakinabang, kahit tuwiran, na maka-Kasulatang payo ang matatanda kapag kinakailangan. Pangalawa, sinasanay niya ang kaniyang kapuwa Kristiyano. Sinabi ni apostol Pablo: “Ang matigas na pagkain ay nauukol sa mga taong may-gulang, doon sa mga sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Kaya naman, upang sumulong sa pagkamay-gulang, kailangan nating gamitin ang ating kakayahan sa pang-unawa, anupat hindi laging umaasa sa iba upang bigyan tayo ng mga kasagutan. Sa pagpapakita sa kaniyang kapuwa Kristiyano kung paano mangangatuwiran ayon sa Kasulatan, sa ganitong paraan ay tumutulong ang matanda upang siya’y sumulong.

14. Paano maipakikita ng mga maygulang na sila’y may tiwala kay Jehova?

14 Makapagtitiwala tayo na sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu ay pakikilusin ng Diyos na Jehova ang puso ng kaniyang tunay na mga mananamba. Sa gayon, napupukaw ng mga maygulang na Kristiyano ang puso ng kanilang mga kapatid, anupat namamanhik sa kanila, gaya ng ginawa ni apostol Pablo. (2 Corinto 8:8; 10:1; Filemon 8, 9) Batid ni Pablo na pangunahin nang ang di-matuwid, hindi ang matuwid, ang siyang nangangailangan ng detalyadong mga batas upang mapatino sila. (1 Timoteo 1:9) Nagpahayag siya, hindi ng paghihinala o kawalang-tiwala, kundi ng pananalig sa kaniyang mga kapatid. Sumulat siya sa isang kongregasyon: “Kami ay may pagtitiwala sa Panginoon may kinalaman sa inyo.” (2 Tesalonica 3:4) Tiyak na may malaking nagawa ang pananampalataya, pananalig, at tiwala ni Pablo upang maganyak ang mga Kristiyanong iyon. Gayundin ang layunin ng matatanda at naglalakbay na mga tagapangasiwa sa ngayon. Ano ngang laking kaginhawahan ang tapat na mga lalaking ito, sa kanilang maibiging pagpapastol sa kawan ng Diyos!​—Isaias 32:1, 2; 1 Pedro 5:1-3.

Namumuhay Ayon sa Batas ng Kristo

15. Anu-ano ang maitatanong natin sa ating sarili upang makita kung ikinakapit natin ang batas ng Kristo sa kaugnayan natin sa ating mga kapatid?

15 Kailangan nating lahat na palagiang suriin ang ating sarili kung namumuhay tayo ayon sa batas ng Kristo at nagtataguyod nito. (2 Corinto 13:5) Ang totoo, makikinabang tayong lahat sa pagtatanong: ‘Ako ba’y nakapagpapatibay o mapunahin? Ako ba’y timbang o mapagmalabis? Nagpapamalas ba ako ng konsiderasyon sa iba o ipinipilit ko ang aking mga karapatan?’ Hindi sinisikap ng isang Kristiyano na idikta kung anong mga hakbang ang dapat o hindi dapat kunin ng kaniyang kapatid hinggil sa mga bagay na hindi naman espesipikong tinatalakay sa Bibliya.​—Roma 12:1; 1 Corinto 4:6.

16. Paano natin matutulungan yaong may negatibong pangmalas sa kanilang sarili, sa gayo’y tinutupad ang isang mahalagang bahagi ng batas ng Kristo?

16 Sa mapanganib na panahong ito, mahalaga na humanap tayo ng mga paraan upang patibayin ang isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25; ihambing ang Mateo 7:1-5.) Kapag tinitingnan natin ang ating mga kapatid, hindi ba mas mahalaga sa atin ang kanilang mabubuting katangian kaysa sa kanilang mga kahinaan? Kay Jehova, napakahalaga ng bawat isa. Nakalulungkot, hindi gayon ang nadarama ng lahat, kahit na sa kanilang sarili. Marami ang tumitingin lamang sa kanilang sariling kapintasan at di-kasakdalan. Upang mapatibay-loob ang gayong mga tao​—at ang iba​—maaari kaya nating sikaping makausap ang isa o dalawang tao sa bawat pulong, anupat ipinaaalam sa kanila kung bakit pinahahalagahan natin ang kanilang pagkanaroroon at ang malaking tulong na ginagawa nila sa kongregasyon? Ano ngang laking kagalakan na mapagaan ang kanilang pasanin sa ganitong paraan at sa gayo’y matupad ang batas ng Kristo!​—Galacia 6:2.

Kumikilos ang Batas ng Kristo!

17. Sa anong iba’t ibang paraan nakikita ninyo na kumikilos ang batas ng Kristo sa inyong kongregasyon?

17 Ang batas ng Kristo ay kumikilos sa Kristiyanong kongregasyon. Nakikita natin iyon sa araw-araw​—kapag sabik na ibinabahagi ng mga kapuwa Saksi ang mabuting balita, kapag inaaliw at pinatitibay-loob nila ang isa’t isa, kapag nagpupunyagi silang maglingkod kay Jehova sa kabila ng pinakamahihirap na suliranin, kapag nagsusumikap ang mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak upang ibigin si Jehova taglay ang maligayang puso, kapag ang mga tagapangasiwa ay maibigin at magiliw na nagtuturo ng Salita ng Diyos, anupat pinupukaw ang kawan na magkaroon ng matinding sigasig na maglingkod kay Jehova magpakailanman. (Mateo 28:19, 20; 1 Tesalonica 5:11, 14) Kapag tayo bilang mga indibiduwal ay nagpapairal ng batas ng Kristo sa ating buhay, ano ngang saya ng puso ni Jehova! (Kawikaan 23:15) Ibig niyang mabuhay magpakailanman ang lahat niyaong umiibig sa kaniyang sakdal na batas. Sa darating na Paraiso, makikita natin ang panahon na ang sangkatauhan ay sakdal, walang manlalabag-batas, at ang panahon na lahat ng hilig ng ating puso ay napagtatagumpayan. Ano ngang ningning na gantimpala sa pamumuhay ayon sa batas ng Kristo!

[Talababa]

a Ang gayong mga tahanan ay di-tulad ng mga monasteryo ng Sangkakristiyanuhan. Walang mga “abbot,” o “mga ama,” sa diwang iyan. (Mateo 23:9) Iginagalang ang responsableng mga kapatid na lalaki, ngunit ang kanilang paglilingkuran ay ginagabayan ng gayunding mga simulain na pumapatnubay sa lahat ng matatanda.

Ano ang Palagay Mo?

◻ Bakit hindi nauunawaan ng Sangkakristiyanuhan ang kahulugan ng batas ng Kristo?

◻ Paano natin maikakapit sa pamilya ang batas ng Kristo?

◻ Upang maikapit sa kongregasyon ang batas ng Kristo, ano ang dapat nating iwasan, at ano ang dapat nating gawin?

◻ Paano masusunod ng matatanda ang batas ng Kristo sa kanilang pakikitungo sa kongregasyon?

[Larawan sa pahina 23]

Pag-ibig ang siyang pinakamalaking pangangailangan ng inyong anak

[Larawan sa pahina 24]

Ano ngang laking kaginhawahan ang ating maibiging mga pastol!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share