-
Pinupuno ng “mga Kanais-nais na Bagay” ang Bahay ni JehovaAng Bantayan—2000 | Enero 15
-
-
9. Bakit hindi maaaring pumasok si Jesus sa langit bilang tao, at paano nalutas ang kalagayang ito?
9 Sa kabila ng kaniyang pagiging isang pinahiran-ng-espiritung Anak ng Diyos, ang taong si Jesus ay hindi maaaring mabuhay sa langit. Bakit hindi? Sapagkat ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng makalangit na Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 15:44, 50) Yamang ang laman ni Jesus bilang tao ay isang hadlang, angkop na isinagisag ito ng kurtina na naghihiwalay sa Banal na dako mula sa Kabanal-banalang dako sa sinaunang templo ng Diyos. (Hebreo 10:20) Subalit tatlong araw pagkamatay niya, si Jesus ay binuhay-muli ng Diyos bilang isang espiritu. (1 Pedro 3:18) Sa gayon ay makapapasok na siya sa Kabanal-banalang silid ng espirituwal na templo ng Diyos—ang langit mismo. At ito nga ang eksaktong nangyari. Sumulat si Pablo: “Si Kristo ay pumasok, hindi sa isang banal na dakong [maliwanag na tumutukoy sa Kabanal-banalang dako] ginawa ng mga kamay, na isang kopya ng katunayan, kundi sa langit mismo, upang ngayon ay magpakita sa harap ng persona ng Diyos para sa atin.”—Hebreo 9:24.
10. Ano ang ginawa ni Jesus pagbalik niya sa langit?
10 Sa langit, ‘iwinisik ni Jesus ang dugo’ ng kaniyang hain sa pamamagitan ng paghaharap kay Jehova ng tumutubos na halaga ng kaniyang dugo. Gayunman, may ginawa pa si Jesus. Nang malapit na siyang mamatay, sinabihan niya ang kaniyang mga tagasunod: “Ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa inyo. Gayundin, kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumuon din kayo.” (Juan 14:2, 3) Kaya nga nang makapasok sa Kabanal-banalang dako, o sa langit, binuksan ni Jesus ang daan para sumunod ang iba. (Hebreo 6:19, 20) Ang mga indibiduwal na ito, na ang magiging bilang ay 144,000, ay maglilingkod bilang mga katulong na saserdote sa kaayusan ng espirituwal na templo ng Diyos. (Apocalipsis 7:4; 14:1; 20:6) Kung paanong ipinasok muna ng mataas na saserdote ng Israel ang dugo ng toro sa Kabanal-banalang dako upang ibayad sa mga kasalanan ng mga saserdote, ang halaga ng itinigis na dugo ni Jesus ay ikinapit muna sa 144,000 katulong na saserdoteng ito.b
-
-
Pinupuno ng “mga Kanais-nais na Bagay” ang Bahay ni JehovaAng Bantayan—2000 | Enero 15
-
-
b Di-gaya ng mataas na saserdote ng Israel, si Jesus ay walang kasalanan kung kaya hindi nangangailangan ng pagbabayad-sala. Gayunman, ang kaniyang mga kasamahang saserdote ay may mga kasalanan sapagkat sila’y binili mula sa makasalanang sangkatauhan.—Apocalipsis 5:9, 10.
-