Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 11/15 p. 17-22
  • Maglakasloob!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maglakasloob!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Lakas ng Loob na Tularan si Kristo
  • Lakas ng Loob na Magpatuloy na Mangaral
  • Lakas ng Loob na Pumanig kay Jehova
  • Lakas ng Loob sa Nababahaging mga Sambahayan
  • Lakas ng Loob na ‘Ipain ang Ating Leeg’
  • Ang Lakas ng Loob ay Nagdudulot ng Kagalakan
  • Magpatuloy na Taglay ang Lakas ng Loob
  • ‘Magpakalakas-Loob Ka at Lubhang Magpakatibay’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • “Magpakalakas-loob Ka . . . at Kumilos”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • ‘Magpakalakas-loob Ka at Magpakatibay!’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Magpakalakas-Loob—Si Jehova ay Sumasaiyo!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 11/15 p. 17-22

Maglakasloob!

“Maglakasloob at sabihin: ‘Si Jehova ang katulong ko.’”​—HEBREO 13:6.

1. Anong katapangan ang ipinakita ng mga natuto ng katotohanan ng Diyos noong unang siglo C.E.?

IYON ang unang siglo ng ating Panlahatang Panahon (C.E.). Ang malaon nang hinihintay na Mesiyas ay dumating na. Kaniyang naturuang mainam ang kaniyang mga alagad at nagpasimula ng mahalagang gawaing pangangaral. Panahon na iyon upang ang mga tao ay makarinig ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa gayon, ang mga lalaki at mga babae na natuto ng katotohanan ay buong tapang na naghayag ng kahanga-hangang pabalitang iyon.​—Mateo 28:19, 20.

2. Bakit nangangailangan ngayon ng lakas ng loob ang mga Saksi ni Jehova?

2 Ang Kaharian ay hindi natatag ng mga araw na iyon. Subalit ang Haring-Hinirang, si Jesu-Kristo, ay humula tungkol sa kaniyang panghinaharap na di-nakikitang pagkanaririto taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Ang palatandaang iyon ay mga bagay na gaya ng wala pang katulad na mga digmaan, taggutom, salot, lindol, at pandaigdig na pangangaral ng mabuting balita. (Mateo 24:3-14; Lucas 21:10, 11) Bilang mga Saksi ni Jehova, kailangan natin ang lakas ng loob upang mapagtagumpayan ang mga kalagayang ito at ang pag-uusig sa atin. Kaya kapaki-pakinabang na isaalang-alang ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa may lakasloob na mga tagapagbalita ng Kaharian noong unang siglo C.E.

Lakas ng Loob na Tularan si Kristo

3. Sino ang pinakamabuting halimbawa ng lakas ng loob, at ano ang sinabi tungkol sa kaniya sa Hebreo 12:1-3?

3 Si Jesu-Kristo ang pinakamabuting halimbawa ng lakas ng loob. Pagkatapos banggitin ang ‘napakakapal na ulap’ ng may lakasloob na mga saksi ni Jehova bago nang panahong Kristiyano, si apostol Pablo ay nagtutok ng pansin kay Jesus sa pagsasabi: “Yamang isang napakakapal na ulap ng mga saksi ang nakapalibot sa atin, iwaksi rin natin ang bawat pabigat at ang kasalanang madaling pumigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harap natin, habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos, hinamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos. Oo, pag-isipan ninyong maingat yaong nagtiis ng gayong pag-alipusta ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling kapakanan, upang huwag kayong manghimagod at manlupaypay sa inyong mga kaluluwa.”​—Hebreo 12:1-3.

4. Papaano nagpakita si Jesus ng lakas ng loob nang tuksuhin ni Satanas?

4 Pagkatapos ng kaniyang bautismo at 40 araw na pagbubulay-bulay, pananalangin, at pag-aayuno sa ilang, may katapangang sinalansang ni Jesus si Satanas. Sa pagtukso sa kaniya ng Diyablo na gawing tinapay ang mga bato, si Jesus ay tumanggi sapagkat mali na gumawa ng isang himala upang mabigyang kasiyahan ang personal na hangarin. “Nasusulat,” ani Jesus, “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” Nang hamunin ni Satanas na siya’y tumalon buhat sa taluktok ng templo, si Jesus ay tumanggi sapagkat isang kasalanan na tuksuhin ang Diyos na iligtas siya buhat sa pagpapatiwakal. “Nasusulat din naman,” ang sabi ni Kristo, “Huwag mong ilalagay sa pagsubok si Jehova mong Diyos.” Lahat ng kaharian ng sanlibutan ay inialok sa kaniya ni Satanas kapalit ng isang “gawang pagsamba,” subalit si Jesus ay hindi naging apostata at napadala sa pangungutya ng Diyablo na ang mga tao’y hindi mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng pagsubok. Kaya sinabi ni Jesus: “Lumayo ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehovang iyong Diyos ang sasambahin mo, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod.’ ” Sa gayon, ang Manunukso ay “lumayo na sa kaniya hanggang sa isa pang kombinyenteng panahon.”​—Mateo 4:1-11; Lucas 4:13.

5. Ano ang makatutulong sa atin na mapaglabanan ang tukso?

5 Si Jesus ay napasakop kay Jehova at sumalansang kay Satanas. Kung tayo’y tutulad na ‘pasasakop sa Diyos at sasalansang sa Diyablo, siya’y lalayo sa atin.’ (Santiago 4:7) Tulad ni Jesus, lakasloob na mapaglalabanan natin ang tukso kung ating ikakapit ang Kasulatan, marahil sinisipi pa iyon sa oras na tayo’y tinutukso na magkasala. Malamang ba na tayo’y padadala sa tukso na magnakaw kung sa oras na iyon ay inuulit-ulit natin sa ating sarili ang kautusan ng Diyos na: “Huwag kang magnanakaw”? Ang dalawang Kristiyano ba ay malamang na mahulog sa imoralidad sa sekso kung kahit na isa sa kanila ay lakasloob na sumisipi ng mga salitang: “Huwag kang mangangalunya”?​—Roma 13:8-10; Exodo 20:14, 15.

6. Papaano lakasloob na dinaig ni Jesus ang sanlibutan?

6 Bilang mga Kristiyanong kinapopootan ng sanlibutang ito, maiiwasan natin ang espiritu at makasalanang asal nito. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian, ngunit kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Kaniyang pinagtagumpayan ang sanlibutan sa pamamagitan ng hindi pagtulad dito. Ang halimbawa niya bilang isang mananagumpay at ang resulta ng kaniyang pag-iingat ng katapatan ay maaaring magbigay sa atin ng lakas ng loob na tularan siya sa pamamagitan ng pananatiling hiwalay sa sanlibutang ito at hindi pagkahawa rito.​—Juan 17:16.

Lakas ng Loob na Magpatuloy na Mangaral

7, 8. Ano ang tutulong sa atin na patuloy na mangaral bagaman pinag-uusig?

7 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay sa Diyos umasa para sa pagtatamo ng lakas ng loob upang makapagpatuloy ng pangangaral sa kabila ng pag-uusig. May katapangang ginanap ni Kristo ang kaniyang ministeryo sa kabila ng pag-uusig, at pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ang kaniyang pinag-usig na mga tagasunod ay nagpatuloy ng paghahayag ng mabuting balita kahit na sinikap ng relihiyosong mga pinunong Judio na sila’y pahintuin. (Gawa 4:18-20; 5:29) Nanalangin ang mga alagad: “Jehova, pansinin mo ang kanilang mga banta, at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuluyang salitain ang iyong salita nang buong katapangan.” At ano ang nangyari? “Nang sila’y makapanalangin na, nayanig ang dakong pinagtitipunan nila,” ang sabi ng ulat, “at napuspos silang lahat ng banal na espiritu at kanilang sinalita nang buong katapangan ang salita ng Diyos.”​—Gawa 4:24-31.

8 Yamang karamihan ng tao sa ngayon ay hindi handang tumanggap sa mabuting balita, kadalasan na kailangan ang katapangan upang patuloy na makapangaral sa kanila. Lalo na kung pinag-uusig, kailangan ng mga lingkod ni Jehova ang bigay-Diyos na lakas ng loob upang lubusang makapagpatotoo. (Gawa 2:40; 20:24) Kaya ang may lakasloob na tagapagbalita ng Kaharian na si Pablo ay nagsabi sa isang nakababata, kulang sa karanasan na kamanggagawa niya: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng isip. Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon, ni ako na isang bilanggo dahil sa kaniya, kundi magtiis ka ng mga kahirapan dahil sa mabuting balita ayon sa kapangyarihan ng Diyos.” (2 Timoteo 1:7, 8) Kung tayo’y mananalangin upang bigyan tayo ng lakas ng loob, makapagpapatuloy tayo ng pangangaral, at maging ang pag-uusig man ay hindi makapag-aalis ng ating kagalakan bilang mga tagapagbalita ng Kaharian.​—Mateo 5:10-12.

Lakas ng Loob na Pumanig kay Jehova

9, 10. (a) Ano ang ginawa ng mga Judio at mga Gentil noong unang siglo upang maging bautisadong mga tagasunod ni Kristo? (b) Bakit kinailangan noon ang lakas ng loob upang maging isang Kristiyano?

9 Maraming Judio at mga Gentil noong unang siglo ang naglakasloob na tinalikuran ang di-maka-Kasulatang mga tradisyon upang maging bautisadong mga tagasunod ni Kristo. Hindi nagtagal pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., “ang mga alagad ay patuluyang dumaming lubha sa Jerusalem; at isang lubhang karamihan ng mga saserdote ang tumalima sa pananampalataya.” (Gawa 6:7) Ang mga Judiong iyon ay may lakas ng loob na kumalag sa dating relihiyon at tanggapin si Jesus bilang ang Mesiyas.

10 Pasimula noong 36 C.E., maraming Gentil ang sumampalataya. Nang si Cornelio, pati mga miyembro ng kaniyang pamilya, at iba pang mga Gentil ay nakarinig ng mabuting balita, agad nilang tinanggap iyon, sila’y tumanggap ng banal na espiritu, at “nabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Kristo.” (Gawa 10:1-48) Sa Filipos ang Kristiyanismo ay agad tinanggap ng isang Gentil na tagapamahala ng mga bilanggo at ng kaniyang sambahayan, at “siya at ang kaniyang sambahayan ay binautismuhan agad-agad.” (Gawa 16:25-34) Lakas ng loob ang kailangan upang makagawa ng gayon sapagkat ang mga Kristiyano ay isang pinag-uusig, di-popular na minoryá. Sila’y ganoon pa rin hanggang ngayon. Subalit kung hindi ka pa nag-aalay ng sarili sa Diyos at nababautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi ba panahon na para kumuha ka ng ganitong lakasloob na mga hakbangin?

Lakas ng Loob sa Nababahaging mga Sambahayan

11. Anong maiinam na halimbawa ng lakas ng loob ang ipinakita nina Eunice at Timoteo?

11 Si Eunice at ang kaniyang anak na si Timoteo ay nagpakita ng maiinam na halimbawa ng lakasloob na pananampalataya sa isang nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon. Bagaman isang pagano ang asawa ni Eunice, tinuruan niya ang kaniyang anak ng “mga banal na kasulatan” mula sa kaniyang pagkasanggol. (2 Timoteo 3:14-17) Nang siya’y naging Kristiyano, siya’y nagpakita ng ‘pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.’ (2 Timoteo 1:5) Siya’y nagkaroon din ng lakas ng loob na turuan si Timoteo ng mga aral Kristiyano samantalang nagpapakita ng paggalang sa pagkaulo ng kaniyang asawang di-sumasampalataya. Tiyak, ang kaniyang pananampalataya at lakas ng loob ay ginantimpalaan nang ang kaniyang anak na mainam ang pagkaturo ay napili na sumama kay Pablo sa mga paglalakbay misyonero. Anong laking pampalakas-loob ito sa Kristiyanong mga magulang na nasa ganoon ding mga kalagayan!

12. Naging anong uri ng tao si Timoteo, at sino ngayon ang mga nagpapatotoong sila’y kagaya niya?

12 Bagaman si Timoteo ay naninirahan sa isang nababahaging sambahayan dahil sa relihiyon, lakasloob na tinanggap niya ang Kristiyanismo at naging isang taong espirituwal na tungkol sa kaniya’y nasabi ni Pablo: “Umaasa ako sa Panginoong Jesus na papupuntahin niya sa inyo [mga taga-Filipos] sa madaling panahon si Timoteo, upang ako’y maging isang masayahing kaluluwa pagka nalaman ko na ang tungkol sa inyong kalagayan. Sapagkat wala akong alam na taong katulad niya ang pag-iisip na nagmamalasakit na totoo sa inyong kalagayan. . . . Nalalaman ninyo ang pagpapatotoo niya tungkol sa kaniyang sarili, na gaya ng isang anak kasama ng kaniyang ama ganoon siya naglingkod na kasama ko sa ikalalaganap ng mabuting balita.” (Filipos 2:19-22) Sa ngayon, maraming batang lalaki at mga batang babae sa nababahaging mga tahanan dahil sa relihiyon ang buong tapang na tumatanggap sa tunay na Kristiyanismo. Tulad ni Timoteo sila’y nagpapatotoo tungkol sa kanilang sarili, at anong laki ng ating kagalakan na sila ay bahagi ng organisasyon ni Jehova!

Lakas ng Loob na ‘Ipain ang Ating Leeg’

13. Papaano nagpakita ng lakas ng loob sina Aquila at Priscila?

13 Si Aquila at ang kaniyang asawang si Priscila (Prisca), ay nagpakita ng halimbawa sa pamamagitan ng lakasloob na ‘pagpapain ng kanilang leeg’ para sa isang kapananampalataya. Kanilang tinanggap si Pablo sa kanilang tahanan, gumawang kasama niya sa paggawa ng tolda, at tinulungan siya upang itayo ang bagong kongregasyon sa Corinto. (Gawa 18:1-4) Sa loob ng kanilang 15-taóng pagkakaibigan, kanila pa man ding isinapanganib ang kanilang buhay alang-alang sa kaniya sa isang paraang hindi ipinaalám. Sila’y naninirahan sa Roma nang kaniyang sabihan ang mga Kristiyano roon: “Ako’y ipakibati ninyo kina Prisca at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Kristo Jesus, na ipinain ang kanilang sariling leeg alang-alang sa aking buhay, anupat hindi lamang ako kundi lahat din ng kongregasyon sa mga bansa ay nagpapasalamat.”​—Roma 16:3, 4.

14. Sa pagpapain ng kanilang leeg alang-alang kay Pablo, sina Aquila at Prisca ay kumikilos na kasuwato ng anong utos?

14 Sa pagpapain ng kanilang leeg alang-alang kay Pablo, sina Aquila at Prisca ay kumilos na kasuwato ng mga salita ni Jesus: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung papaanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa.” (Juan 13:34) Ang utos na ito ay ‘bago’ sa bagay na lumampas pa ito sa kahilingan ng Kautusang Mosaico na ibigin ng isang tao ang kaniyang kapuwa na gaya ng pag-ibig niya sa kaniyang sarili. (Levitico 19:18) Ito’y humihiling ng mapagsakripisyong pag-ibig na hahantong hanggang sa pagbibigay ng buhay ng isang tao alang-alang sa iba, gaya ng ginawa ni Jesus. Ang manunulat na si Tertullian noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. ay sumipi sa mga salita ng makasanlibutang mga tao tungkol sa mga Kristiyano nang siya’y sumulat: “ ‘Tingnan ninyo,’ kanilang sinasabi, ‘kung papaano sila nagmamahalan sa isa’t isa . . . at kung papaanong handa silang mamatay alang-alang sa isa’t isa.’ ” (Apology, kabanata XXXIX, 7) Lalo na sa gitna ng pag-uusig maaari tayong maubligahan na ipakita ang pag-iibigang pangmagkakapatid sa pamamagitan ng lakasloob na pagpapain ng ating buhay upang maiwasan ang paglalantad sa mga kapananampalataya sa kalupitan o kamatayan sa kamay ng mga kaaway.​—1 Juan 3:16.

Ang Lakas ng Loob ay Nagdudulot ng Kagalakan

15, 16. Gaya ng ipinakikita sa Gawa kabanata 16, papaano mapag-uugnay ang lakas ng loob at ang kagalakan?

15 Sina Pablo at Silas ay nagpapatotoo na ang pagpapakita ng lakas ng loob sa gitna ng mga pagsubok ay makapagdudulot ng kagalakan. Sa pag-uutos ng mga hukom ng bayan sa lunsod ng Filipos, sila’y hayagang ginulpi ng mga pamalo at inilagay sa pangawan sa bilangguan. Gayunman, sila’y hindi nangalumbay na yumukyók na lamang sa takot. Sa kabila ng kanilang mahirap na kalagayan, taglay pa rin nila ang bigay-Diyos na lakas ng loob at kagalakan na dulot nito sa tapat na mga Kristiyano.

16 Sa may kalagitnaan ng gabi, sina Pablo at Silas ay nananalangin at nagpupuri sa Diyos sa isang awit. Biglang-bigla, isang lindol ang yumanig sa bilangguan, nakalag ang kanilang gapos, at nabuksan ang mga pinto. Ang nahintakutang tagapamahala ng mga bilanggo at ang kaniyang pamilya ay binigyan ng isang tahasang patotoo na umakay sa kanilang pagpapabautismo bilang mga lingkod ni Jehova. Siya mismo ay “nagsayang totoo kasama ang kaniyang buong sambahayan ngayon na siya’y sumampalataya na sa Diyos.” (Gawa 16:16-34) Anong laking kagalakan ang tiyak na naidulot nito kina Pablo at Silas! Pagkatapos isaalang-alang ito at ang iba pang maka-Kasulatang halimbawa ng lakas ng loob, papaano tayo makapananatiling may lakas ng loob bilang mga lingkod ni Jehova?

Magpatuloy na Taglay ang Lakas ng Loob

17. Gaya ng ipinakikita sa Awit 27, papaano kaugnay sa lakas ng loob ang paglalagak ng pag-asa kay Jehova?

17 Ang paglalagak ng pag-asa kay Jehova ay tutulong sa atin na manatiling may lakas ng loob. Si David ay umawit: “Umasa ka kay Jehova; lakasan mo ang loob mo at magpakatibay ang iyong puso. Oo, umasa ka kay Jehova.” (Awit 27:14) Ipinakikita ng Awit 27 na si David ay umasa kay Jehova bilang “ang katibayan” ng kaniyang buhay. (Talatang 1) Ang pagkakita kung papaano pinakitunguhan ng Diyos ang mga kaaway ni David noong nakaraan ay nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob. (Talatang 2, 3) Ang pagpapahalaga sa sentro ng pagsamba kay Jehova ay isa pang dahilan. (Talatang 4) Ang pagtitiwala sa tulong, proteksiyon, at pagliligtas ni Jehova ay nagpatibay rin sa lakas ng loob ni David. (Talatang 5-10) Nakatulong din ang patuloy na pagtuturo ng mga simulain ng matuwid na daan ni Jehova. (Talatang 11) Ang may tiwalang panalangin para iligtas sa kaniyang mga kaaway, lakip ang pananampalataya at pag-asa, ay tumulong kay David na magkaroon ng lakas ng loob. (Talatang 12-14) Mapatitibay natin ang ating lakas ng loob sa katulad na mga paraan, sa gayo’y ipinakikita na tayo’y talagang ‘umaasa kay Jehova.’

18. (a) Ano ang nagpapakita na ang palagiang pakikisama sa mga kapuwa sumasamba kay Jehova ay makatutulong sa atin na manatiling may lakas ng loob? (b) Ang mga pulong Kristiyano ay gumaganap ng anong bahagi sa pagpapatibay ng lakas ng loob?

18 Ang palagiang pakikisama sa ating mga kapuwa sumasamba kay Jehova ay makatutulong sa atin na manatiling may lakas ng loob. Nang si Pablo ay umapela kay Cesar at naglalakbay patungong Roma, siya’y sinalubong ng kaniyang mga kapuwa mananampalataya sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan. “Nang sila’y matanaw,” ang sabi ng ulat, “si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang loob.” (Gawa 28:15) Habang tayo’y palagiang dumadalo sa mga pulong Kristiyano, ating sinusunod ang payo ni Pablo: “Ating sikaping mapukaw ang bawat isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, at lalo na habang nakikita ninyong palapit nang palapit ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Ano ba ang ibig sabihin ng palakasin ang loob ng isa’t isa? Ang ibig sabihin ng palakasin ang loob ay “pukawin ang lakas ng loob, espiritu, o pag-asa.” (Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary) Malaki ang magagawa natin upang pukawin ang lakas ng loob ng ibang mga Kristiyano, at ang kanilang pagpapalakas-loob sa atin ay makapagpapatibay rin ng katangiang ito sa atin.

19. Papaano ang Kasulatan at ang mga publikasyong Kristiyano ay kaugnay ng ating pananatiling may lakas ng loob?

19 Upang makapanatiling may lakas ng loob, kailangang palagiang mag-aral tayo ng Salita ng Diyos at ikapit sa ating buhay ang payo nito. (Deuteronomio 31:9-12; Josue 1:8) Sa ating palagiang pag-aaral ay dapat makasali ang mga publikasyong Kristiyano na salig sa Kasulatan, sapagkat ang matatag na payo na ibinigay ay makatutulong sa atin na mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa pananampalataya sa pamamagitan ng bigay-Diyos na lakas ng loob. Buhat sa mga pag-uulat ng Bibliya, nakita natin kung papaano nagkaroon ng lakas ng loob ang mga lingkod ni Jehova sa sari-saring situwasyon. Sa mismong sandaling ito, maaaring hindi natin alam kung papaano makakatulong sa atin ang gayong impormasyon, ngunit ang Salita ng Diyos ay may kapangyarihan, at ang ating natututuhan buhat dito ay maaaring laging pakinabangan natin. (Hebreo 4:12) Halimbawa, kung ang takot sa tao ay magsimulang makaapekto sa ating ministeryo, maaaring alalahanin natin kung papaano nagkaroon si Enoc ng lakas ng loob na ipabatid sa mga balakyot ang pabalita ng Diyos.​—Judas 14, 15.

20. Bakit masasabing kailangan ang panalangin kung nais nating manatiling may lakas ng loob bilang mga lingkod ni Jehova?

20 Upang makapanatiling may lakas ng loob bilang mga lingkod ni Jehova, tayo’y kailangang magtiyaga sa pananalangin. (Roma 12:12) Napagtiisan ni Jesus ang mga pagsubok sa kaniya na taglay ang lakas ng loob sapagkat siya’y “naghandog ng mga pagsusumamo at pati mga paghiling sa Isa na makapagliligtas sa kaniya buhat sa kamatayan, kasabay ng matinding pagtangis at ng mga luha, at siya’y sinang-ayunan at dininig dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot.” (Hebreo 5:7) Sa pamamagitan ng pananatiling malapít sa Diyos sa pananalangin, tayo’y hindi matutulad sa makasanlibutang mga duwag na makararanas ng “ikalawang kamatayan” na kung saan wala nang pagkabuhay-muli. (Apocalipsis 21:8) Ang banal na proteksiyon at buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos ay para sa kaniyang may lakasloob na mga lingkod.

21. Bakit ang tapat na mga Saksi ni Jehova ay maaaring magkaroon ng lakas ng loob?

21 Bilang tapat na mga Saksi ni Jehova, hindi tayo nangangailangang matakot sa mga demonyo at mga kaaway na tao, sapagkat tayo’y inaalalayan ng Diyos at ng halimbawa ni Jesus ng lakas ng loob bilang isang nanaig sa sanlibutan. Ang nagpapatibay sa espirituwal na pakikisama sa bayan ni Jehova ay nakatutulong din sa atin na magkaroon ng lakas ng loob. Napatitibay rin ang ating lakas ng loob sa pamamagitan ng patnubay at payo ng Kasulatan at ng mga publikasyong Kristiyano. At ang ulat sa Bibliya ng mga lingkod ng Diyos noong nakaraan ay tumutulong sa atin na lumakad sa kaniyang mga daan nang may lakas ng loob. Kung gayon, sa maselang na mga huling araw na ito, tayo’y buong katapangang magpatuloy sa banal na paglilingkuran. Oo, hayaang ang buong bayan ni Jehova ay maglakasloob!

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaano tayo pupuspusin ng lakas ng loob ng halimbawa ni Jesus?

◻ Ano ang nagbigay kay Jesus at sa kaniyang mga alagad ng lakas ng loob upang patuloy na mangaral?

◻ Bakit ang mga Judio at mga Gentil ay nangailangan ng lakas ng loob upang pumanig kay Jehova?

◻ Anong mga halimbawa ng lakas ng loob ang ipinakita nina Eunice at Timoteo?

◻ Ano ang patotoo na ang lakas ng loob ay nagdadala ng kagalakan kahit na sa gitna ng pag-uusig?

[Larawan sa pahina 18]

Tulad ni Jesus, mapaglalabanan natin ang tukso kung ating ikakapit at sisipiin ang Kasulatan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share