“Alalahanin Ninyo ang mga Araw na Lumipas”—Bakit?
“ALALAHANIN ninyo ang mga araw na lumipas.” Ang paalaalang ito ni apostol Pablo, na isinulat noong mga 61 C.E., ay patungkol sa mga Hebreong Kristiyano sa Judea. (Hebreo 10:32, The New English Bible) Ano ang nag-udyok sa kaniya na sabihin ito? Bakit hindi dapat kalimutan ng mga unang-siglong mananamba ni Jehova ang nakalipas? Makikinabang kaya tayo sa pagsunod sa katulad na paalaala sa ngayon?
Sa paglakad ng mga siglo, paulit-ulit na nagbabala ang mga manunulat ng Bibliya laban sa pagwawalang-bahala o paglimot sa nakalipas. Ang mga panahon at pangyayari noong una ay dapat na itanim sa isip at isaalang-alang. Maging si Jehova ay nagsabi: “Iyong alalahanin ang mga dating bagay noong una, na ako ang Isang Banal at wala nang ibang Diyos, ni sinumang gaya ko.” (Isaias 46:9) Suriin natin ang tatlong matitibay na dahilan sa pagsunod sa payong ito.
Pangganyak at Pampatibay-loob
Una, iyon ay malaking pagmumulan ng pangganyak at pampatibay-loob. Nang isulat ni Pablo ang kaniyang liham sa Hebreong kongregasyon, sumulat siya sa mga kapuwa Kristiyano na sa araw-araw ay nasusubok ang kanilang pananampalataya dahil sa pagsalansang ng mga Judio. Bilang pagkilala sa pangangailangang mapatibay ang kanilang pagbabata, sinabi ni Pablo: “Patuloy ninyong alalahanin ang mga araw noong una kung kailan, pagkatapos na kayo ay maliwanagan, kayo ay nagbata ng malaking pakikipaglaban sa ilalim ng mga pagdurusa.” (Hebreo 10:32) Ang paggunita nila sa nakaraang mga gawa ng pagkamatapat sa espirituwal na pakikipagbaka ay magbibigay sa kanila ng kinakailangang lakas ng loob na tapusin ang takbuhan. Sa katulad na paraan, sumulat si propeta Isaias: “Alalahanin ninyo ito, upang kayo’y makapagtipon ng lakas ng loob.” (Isaias 46:8) Taglay ang gayunding kanais-nais na epekto sa isip kung kaya sinabi ni Jesu-Kristo sa kongregasyon sa Efeso: “Samakatuwid alalahanin mo kung mula sa ano ka nahulog [ang pag-ibig na taglay mo noong una], at magsisi ka at gawin mo ang mga gawa noong una.”—Apocalipsis 2:4, 5.
Ang masidhing payo na “alalahanin ang mga araw noong una, isipin ang mga taon ng mga sali’t salinlahi” ay isang paulit-ulit na paksa sa mga talumpati ni Moises sa Israel, habang hinihimok niya ang bansa na magpamalas ng walang-takot na katapatan kay Jehova. (Deuteronomio 32:7) Bigyang-pansin ang kaniyang mga salita, na nakaulat sa Deuteronomio 7:18: “Hindi ka dapat matakot sa kanila [sa mga Canaanita]. Mangyari pa ay dapat mong alalahanin ang ginawa ni Jehova na iyong Diyos kay Faraon at sa buong Ehipto.” Ang paggunita sa mga pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan ay dapat na maging pampasigla sa kanilang patuloy at tapat na pagsunod sa mga batas ng Diyos.—Deuteronomio 5:15; 15:15.
Nakalulungkot, ang mga Israelita ay malimit na nahulog sa pagkakasala ng paglimot. Ano ang resulta? “Paulit-ulit nilang inilalagay ang Diyos sa pagsubok, at pinasakitan nila maging ang Banal na Isa ng Israel. Hindi nila naalaala ang kaniyang kamay, ang araw na tinubos niya sila mula sa kaaway.” (Awit 78:41, 42) Sa wakas, ang paglimot nila sa mga utos ni Jehova ay humantong sa pagtatakwil niya sa kanila.—Mateo 21:42, 43.
Isang mainam na halimbawa ang ipinakita ng salmista na sumulat: “Aalalahanin ko ang mga gawa ni Jah; sapagkat aking aalalahanin ang iyong kagila-gilalas na gawa noong una. At aking tiyak na bubulay-bulayin ang lahat ng iyong aktibidad, at pagkakaabalahan ko ang iyong mga pakikitungo.” (Awit 77:11, 12) Ang gayong may pagbubulay-bulay na paggunita sa nakaraang matapat na paglilingkuran at maibiging mga gawa ni Jehova ay maglalaan sa atin ng kinakailangang pangganyak, pampatibay-loob, at pagpapahalaga. Gayundin, ang ‘pag-alaala sa mga araw noong una’ ay makapapawi sa pagkapagod at pupukaw sa atin na gawin ang buong makakaya natin at panatilihin ang tapat na pagbabata.
Matuto sa mga Nakaraang Pagkakamali
Pangalawa, ang di-paglimot ay isang paraan upang matuto sa nakaraang mga pagkakamali at sa naging mga bunga nito. Taglay ito sa isip, pinayuhan ni Moises ang mga Israelita: “Tandaan: Huwag mong kalimutan kung paano mo pinukaw sa galit si Jehova na iyong Diyos sa ilang. Mula sa araw na lumabas ka sa lupain ng Ehipto hanggang sa pagparito mo sa dakong ito ay napatunayan kayong rebelyoso sa inyong paggawi kay Jehova.” (Deuteronomio 9:7) Gaya ng sinabi ni Moises, ang resulta ng gayong pagsuway sa bahagi ng mga Israelita ay ang ‘pagpapangyari ni Jehova na kanilang Diyos na sila’y lumakad sa ilang sa loob ng apatnapung taon.’ Bakit sila pinasigla na alalahanin ito? Iyon ay upang magpakumbaba sila at magsilbing pagtutuwid sa kanilang rebelyosong landasin upang kanilang “matupad ang mga utos ni Jehova [na kanilang] Diyos sa pamamagitan ng paglakad sa kaniyang mga daan at pagkatakot sa kaniya.” (Deuteronomio 8:2-6) Sila’y dapat na matuto sa diwa na hindi na nila uulitin ang kanilang nakaraang mga pagkakamali.
Ganito ang sabi ng isang manunulat: “Ang isang maingat na tao ay nakikinabang buhat sa personal na karanasan, ang isang pantas ay nakikinabang naman mula sa karanasan ng iba.” Samantalang nanawagan si Moises sa bayan ng Israel na makinabang sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kanilang nakaraang mga pagkakamali, pinayuhan naman ni apostol Pablo ang iba—ang unang-siglong kongregasyon sa Corinto at kasali na tayo—na unawain ang isang aral mula sa gayunding makasaysayang ulat. Sumulat siya: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila [sa mga Israelita] bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.” (1 Corinto 10:11) Nasa isip naman ni Jesu-Kristo ang isa pang sinaunang pangyayari sa Bibliya at ang pangangailangang matuto mula roon nang sabihin niya: “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.” (Lucas 17:32; Genesis 19:1-26) Ganito ang isinulat ng Ingles na makata at pilosopong si Samuel Taylor Coleridge: “Kung matututo sana ang mga tao mula sa kasaysayan, gayon na lamang ang mga aral na maituturo nito sa atin!”
Kahinhinan at Pagtanaw ng Utang-na-Loob
Pangatlo, ang pag-alaala ay magbubunga sa atin ng nakalulugod-sa-Diyos na mga katangian na kahinhinan at pagtanaw ng utang-na-loob. Habang ikinagagalak natin ang maraming pitak ng ating pandaigdig na espirituwal na paraiso, sana’y huwag nating kalimutan na iyon ay nakasalalay sa pinagsasaligang mga simulain. Kasali sa mga ito ang pagkamatapat, pag-ibig, pagsasakripisyo-sa-sarili, katapangan sa harap ng kagipitan, pagbabata, mahabang-pagtitiis at pananampalataya—mga katangiang ipinakita ng ating Kristiyanong mga kapatid na nagpasimula ng gawain sa iba’t ibang lupain mga dekada na ang nakaraan. Sa pagtatapos ng ulat nito tungkol sa modernong-panahong kasaysayan ng bayan ng Diyos sa Mexico, ganito ang sabi ng 1995 Yearbook of Jehovah’s Witnesses: “Para sa mga taong kamakailan lamang nakisama sa mga Saksi ni Jehova, maaaring ipagtaka nila ang pagsubok na napaharap doon sa mga nakibahagi sa pagpapasimula ng gawain sa Mexico. Nasanay sila sa isang espirituwal na paraiso na may saganang espirituwal na pagkain, kung saan nariyan ang daan-daang libong may takot sa Diyos na mga kasamahan, at kung saan lubusang organisado ang pagsasagawa ng paglilingkuran sa Diyos.”
Ang mga naunang iyon ay malimit na gumawang mag-isa o sa maliliit na grupong nasa malalayong lugar. Sila’y nalungkot, napagkaitan, at matinding nasubok ang integridad habang matiyaga silang naghahayag ng mensahe ng Kaharian. Bagaman marami sa mga lingkod na ito noong una ang nangamatay na, tunay na nakapagpapasigla sa puso ang malamang naaalaala ni Jehova ang kanilang tapat na paglilingkuran! Tiniyak ito ni apostol Pablo, nang sumulat siya: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Kung si Jehova ay nakaaalaala nang may pagpapahalaga, hindi ba dapat na gayundin ang gawin natin sa diwa ng pagtanaw ng utang-na-loob?
Masusumpungan niyaong mga baguhan sa katotohanan ang kaalamang ito sa kasaysayan sa pamamagitan ng publikasyong Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos.a Isa pa, kung pribilehiyo nating mapabilang sa isang pamilya o sa isang Kristiyanong kongregasyon na sa mga miyembro ay may matagal nang naglilingkod na nakatatandang mga kapatid, hinihimok tayo sa diwa ng Deuteronomio 32:7 na “alalahanin ang mga araw noong una, isipin ang mga taon ng mga sali’t salinlahi; tanungin ang iyong ama, at masasabi niya sa iyo; ang iyong nakatatandang mga lalaki, at sasabihin nila iyon sa iyo.”
Oo, ang paggunita sa mga gawa ng maka-Diyos na debosyon noong una ay pupukaw sa atin na patuloy na magbata nang may kagalakan sa ating Kristiyanong paglilingkuran. Gayundin, ang kasaysayan ay may mga aral na dapat nating matutuhan. At ang pagbubulay-bulay sa ating espirituwal na paraisong pinagpala ng Diyos ay magbubunga ng kaayaayang mga katangian na kahinhinan at pagtanaw ng utang-na-loob. Tunay, inyong “alalahanin ang mga araw na lumipas.”
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.