Tugunin ang mga Pangako ng Diyos sa Pamamagitan ng Pagsampalataya
“Siya [ang Diyos na Jehova] ay saganang nagkaloob sa atin ng mahalaga at napakadakilang mga pangako.”—2 PEDRO 1:4.
1. Ano ang nagpapangyari upang magtaglay tayo ng tunay na pananampalataya?
NAIS ni Jehova na sumampalataya tayo sa kaniyang mga pangako. Subalit, “ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tesalonica 3:2) Ang katangiang ito ay isang bunga ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Kaya nga, tanging ang mga inaakay ng espiritu ni Jehova ang makasasampalataya.
2. Ano ba ang “pananampalataya” ayon kay apostol Pablo?
2 Ngunit ano ba ang pananampalataya? Ito ay tinatawag ni apostol Pablo na “ang malinaw na katunayan ng totohanang mga bagay bagaman hindi nakikita.” Ang malinaw na katunayan ng totohanang mga bagay na ito na hindi nakikita ay napakatindi anupat ang pananampalataya ay katumbas nito. Sinasabi rin na ang pananampalataya “ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay” sapagkat ang mga taong may katangiang ito ay may garantiya na lahat ng ipinangako ng Diyos na Jehova ay tiyak na tiyak na para na ring natupad.—Hebreo 11:1.
Ang Pananampalataya at ang mga Pangako ni Jehova
3. Ano ang tatamasahin ng pinahirang mga Kristiyano kung sila’y sasampalataya?
3 Upang makalugod kay Jehova, kailangang sumampalataya tayo sa kaniyang mga pangako. Ito’y ipinakita ni apostol Pedro sa kaniyang ikalawang kinasihang liham, isinulat mga 64 C.E. Binanggit niya na kung sasampalataya ang kaniyang kapuwa pinahirang mga Kristiyano, makikita nila ang katuparan ng “mahalaga at napakadakilang mga pangako” ng Diyos. Kaya nga, sila’y “makakabahagi sa kalikasan ng Diyos” bilang mga tagapagmanang kasama ni Jesu-Kristo sa makalangit na Kaharian. Taglay ang pananampalataya at tulong ng Diyos na Jehova, nakatakas na sila sa pagkaalipin sa likong mga ugali at gawain ng sanlibutang ito. (2 Pedro 1:2-4) At gunigunihin lamang! Ang mga nagtataglay ng tunay na pananampalataya ay nagtatamasa ng ganoon ding walang katulad na kalayaan sa ngayon.
4. Anong mga katangian ang dapat na ilakip natin sa ating pananampalataya?
4 Ang pananampalataya sa mga pangako ni Jehova at ang pagkilala ng utang na loob dahil sa ating bigay-Diyos na kalayaan ay dapat na magpakilos sa atin upang gawin ang buong makakaya para maging ulirang mga Kristiyano. Sinabi ni Pedro: “Sa pamamagitan ng inyong pagbibigay naman ng lahat ng masigasig na pagsisikap, ilakip sa inyong pananampalataya ang kagalingan, sa inyong kagalingan ang kaalaman, sa inyong kaalaman ang pagpipigil-sa-sarili, sa inyong pagpipigil-sa-sarili ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis ang banal na debosyon, sa inyong banal na debosyon ang pagmamahal sa kapatid, sa inyong pagmamahal sa kapatid ang pag-ibig.” (2 Pedro 1:5-7) Sa gayo’y binibigyan tayo ni Pedro ng nakatalang pagkakasunud-sunod na magiging katalinuhan para sa atin na sauluhin. Suriin natin nang malapitan ang mga katangiang ito.
Mahalagang mga Bahagi ng Pananampalataya
5, 6. Ano ang kagalingan, at papaano natin mailalakip ito sa ating pananampalataya?
5 Sinabi ni Pedro na ang kagalingan, kaalaman, pagpipigil-sa-sarili, pagtitiis, banal na debosyon, pagmamahal sa kapatid, at pag-ibig ay kailangang ilakip sa isa’t isa at sa ating pananampalataya. Tayo’y kailangang puspusang magpagal upang ang mga katangiang ito ay maging mahalagang mga bahagi ng ating pananampalataya. Halimbawa, ang kagalingan ay hindi isang katangian na ating ipinakikita nang hiwalay sa ating pananampalataya. Ang leksikograpong si W. E. Vine ay bumanggit na sa 2 Pedro 1:5, “ang kagalingan ay idinaragdag bilang isang mahalagang katangian sa pagsampalataya.” Bawat isa sa iba pang mga katangian na binanggit ni Pedro ay kailangang isang bahagi rin ng ating pananampalataya.
6 Una, sa ating pananampalataya ay ilakip natin ang kagalingan. Ang pagkakaroon ng kagalingan ay nangangahulugan ng paggawa ng kabutihan sa paningin ng Diyos. Para sa salitang Griego rito na isinaling “kagalingan,” ang ginagamit ng ilang bersiyon ay “kabutihan.” (New International Version; The Jerusalem Bible; Today’s English Version) Ang kagalingan ay nagsisilbing motibo natin upang maiwasan ang paggawa ng masama o ang pamiminsala sa ating kapuwa tao. (Awit 97:10) Ito’y nagpapakilos din sa paggawa ng mabuti para sa espirituwal, pisikal, emosyonal na kapakinabangan ng iba.
7. Bakit dapat nating ilakip ang kaalaman sa ating pananampalataya at kagalingan?
7 Bakit tayo hinihimok ni Pedro na ilakip ang kaalaman sa ating pananampalataya at kagalingan? Buweno, habang tayo’y napapaharap sa bagong mga hamon sa ating pananampalataya, nangangailangan tayo ng kaalaman kung nais nating makilala ang pagkakaiba ng tama at mali. (Hebreo 5:14) Sa pamamagitan ng pag-aaral sa Bibliya at ng karanasan sa pagkakapit ng Salita ng Diyos at sa paggamit ng praktikal na karunungan sa araw-araw na pamumuhay, ating dinaragdagan ang ating kaalaman. Sa kabilang dako, tinutulungan tayo nito na mapanatili ang ating pananampalataya at patuloy na gawin ang bagay na may kagalingan pagka tayo’y nasa ilalim ng pagsubok.—Kawikaan 2:6-8; Santiago 1:5-8.
8. Ano ba ang pagpipigil-sa-sarili, at papaano ito kaugnay ng pagtitiis?
8 Upang matulungan tayo na harapin ang mga pagsubok taglay ang pananampalataya, kailangang lakipan natin ang ating kaalaman ng pagpipigil-sa-sarili. Ang salitang Griego para sa “pagpipigil-sa-sarili” ay nagpapakita ng kakayahan na pigilin ang ating sarili. Ang bungang ito ng espiritu ng Diyos ay tumutulong sa atin upang magtimpi sa kaisipan, salita, at asal. Sa pamamagitan ng patuloy na pagpipigil-sa-sarili, inilalakip natin dito ang pagtitiis. Ang salitang Griego para sa “pagtitiis” ay nangangahulugan ng may tibay-loob na katatagan, hindi ng malungkot na pagsuko sa di-maiiwasang kahirapan. Ang kagalakang inilagay sa unahan niya ang tumulong kay Jesus upang mapagtiisan ang pahirapang tulos. (Hebreo 12:2) Ang bigay-Diyos na lakas kaugnay ng pagtitiis ang sumusuhay sa ating pananampalataya at tumutulong sa atin na magalak sa kapighatian, labanan ang tukso, at iwasan ang pakikipagkompromiso pagka inuusig.—Filipos 4:13.
9. (a) Ano ba ang banal na debosyon? (b) Bakit dapat nating lakipan ng pagmamahal sa kapatid ang ating banal na debosyon? (c) Papaano natin malalakipan ng pag-ibig ang ating pagmamahal sa kapatid?
9 Sa ating pagtitiis ay kailangang ilakip natin ang banal na debosyon—pagpapakundangan, pagsamba, at paglilingkod kay Jehova. Lumalago ang ating pananampalataya habang ikinakapit natin ang banal na debosyon at nakikita kung papaano pinakikitunguhan ni Jehova ang kaniyang bayan. Gayunman, upang makapagpakita ng kabanalan, kailangan natin ang pagmamahal sa kapatid. Sa kabila ng lahat, “ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” (1 Juan 4:20) Ang ating puso ay dapat magpakilos sa atin na magpakita ng tunay na pagmamahal sa iba pang mga lingkod ni Jehova at hanapin ang kanilang ikabubuti sa lahat ng panahon. (Santiago 2:14-17) Subalit bakit ba tayo pinagsasabihan na lakipan ng pag-ibig ang ating pagmamahal sa kapatid? Maliwanag na ang ibig sabihin ni Pedro ay na kailangan ngang magpakita tayo ng pag-ibig sa lahat ng tao, hindi lamang sa ating mga kapatid. Ang pag-ibig na ito ay naipapakita lalung-lalo na sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita at pagtulong sa mga tao sa espirituwal na paraan.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Nagkakaibang mga Epekto
10. (a) Papaano tayo kikilos kung inilakip sa ating pananampalataya ang kagalingan, kaalaman, pagpipigil-sa-sarili, pagtitiis, banal na debosyon, pagmamahal sa kapatid, at pag-ibig? (b) Ano ang mangyayari kung ang isang nag-aangking Kristiyano ay wala ng mga katangiang ito?
10 Kung sa ating pananampalataya ay inilalakip natin ang kagalingan, kaalaman, pagpipigil-sa-sarili, pagtitiis, banal na debosyon, pagmamahal sa kapatid, at pag-ibig, tayo’y mag-iisip, magsasalita, at kikilos sa mga paraang may pagsang-ayon ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung ang isang nag-aangking Kristiyano ay hindi nakikitaan ng mga katangiang ito, nagiging bulag siya sa espirituwal. Kaniyang ‘ipinipikit ang kaniyang mga mata sa liwanag’ buhat sa Diyos at nakakalimutan na siya ay nilinis na buhat sa nakaraang mga kasalanan. (2 Pedro 1:8-10; 2:20-22) Huwag nawa tayong mabigo sa ganiyang paraan at sa gayo’y mawalan ng pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.
11. Ano ang matuwid na maaasahan natin sa tapat na mga pinahiran?
11 Ang tapat na pinahirang mga Kristiyano ay may pananampalataya sa mga pangako ni Jehova at nagsusumikap na bigyan ng kasiguruhan ang kaniyang pagkatawag at pagkapili sa kanila. Sa kabila ng anumang katitisuran sa kanilang landas, maaasahan natin na sila’y magpapakita ng mga katangian ng kabanalan. Para sa tapat na mga pinahiran ‘saganang ipinagkakaloob sa kanila ang pagpasok sa walang-hanggang kaharian ni Jesu-Kristo’ sa pamamagitan ng kanilang pagkabuhay-muli sa maka-espiritung buhay sa langit.—2 Pedro 1:11.
12. Papaano natin uunawain ang mga salita sa 2 Pedro 1:12-15?
12 Natalos ni Pedro na siya’y malapit nang mamatay, at umaasa siyang tatanggap sa wakas ng pagkabuhay-muli sa langit. Subalit habang siya’y buhay sa “tabernakulong ito”—ang kaniyang katawang tao—sinikap niya na patibayin ang pananampalataya ng kapuwa mga kapananampalataya at pukawin sila sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa kanila ng mga bagay na kailangan upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos. Pagkatapos ng kaniyang pagpanaw, ang espirituwal na mga kapatid ni Pedro ay titibay sa kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pag-alaala sa kaniyang mga salita.—2 Pedro 1:12-15.
Pananampalataya sa Salita ng Hula
13. Papaano nagbigay ang Diyos ng nagpapatibay-pananampalatayang patotoo tungkol sa pagparito ni Kristo?
13 Ang Diyos mismo ay nagbigay ng nagpapatibay-pananampalatayang patotoo tungkol sa katiyakan ng pagparito ni Jesus “taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” (Mateo 24:30; 2 Pedro 1:16-18) Sa kawalan ng patotoo, ang paganong mga saserdote ay nagkuwento ng walang-katotohanang mga bagay tungkol sa kanilang mga diyos, samantalang sina Pedro, Santiago, at Juan ay mga saksing nakakita ng kaluwalhatian ni Kristo sa pagbabagong-anyo. (Mateo 17:1-5) Kanilang nakita siya nang buong kaluwalhatian at narinig ang taginting ng sariling tinig ng Diyos na kumikilala kay Jesus bilang Kaniyang sinisintang Anak. Ang pagkilalang iyon at ang maningning na anyo noon na ipinagkaloob kay Kristo ay nagbibigay sa kaniya ng karangalan at kaluwalhatian. Dahilan sa kinasihang pagsisiwalat na ito, ang lugar na iyon ay tinawag ni Pedro, malamang na nasa isang tagaytay sa kabundukan ng Hermon, na “ang banal na bundok.”—Ihambing ang Exodo 3:4, 5.
14. Papaano dapat maapektuhan ang ating pananampalataya ng pagbabagong-anyo ni Jesus?
14 Papaano nga dapat maapektuhan ang ating pananampalataya ng pagbabagong-anyo ni Jesus? Sinabi ni Pedro: “Kaya kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; at mabuti ang inyong ginagawa kung ito’y inyong binibigyang-pansin na gaya ng isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway at ang tala sa umaga ay sumilang, sa inyong mga puso.” (2 Pedro 1:19) Sa “salita ng hula” ay malinaw na kasali hindi lamang ang mga hula ng Kasulatang Hebreo tungkol sa Mesiyas kundi pati na rin ang sinabi ni Jesus na siya’y paparito na “taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” Papaano ngang ang salita ay ‘ginawang lalong panatag’ sa pamamagitan ng pagbabagong-anyo? Ang pangyayaring iyon ay nagpatunay sa salita ng hula tungkol sa maluwalhating pagparito ni Kristo taglay ang kapangyarihan sa Kaharian.
15. Ano ang kasali sa pagbibigay-pansin sa salita ng hula?
15 Upang patibayin ang ating pananampalataya, kailangang bigyang-pansin natin ang salita ng hula. Kasali rito ang pag-aaral ng salitang iyan, pagtalakay niyan sa mga pulong Kristiyano, at pagkakapit ng payo niyan. (Santiago 1:22-27) Hayaan nating ito ay maging “isang ilawan na nagliliwanag sa isang dakong madilim,” tinatanglawan ang ating mga puso. (Efeso 1:18) Tanging sa ganiyang paraan aakay ito sa atin hanggang sa ang “tala sa araw,” o, “ang maningning na tala sa umaga,” si Jesu-Kristo, ay maghayag ng kaniyang sarili sa kaluwalhatian. (Apocalipsis 22:16) Ang pagkahayag na iyan ay mangangahulugan ng pagkapuksa para sa mga walang pananampalataya at pagpapala naman para sa mga sumasampalataya.—2 Tesalonica 1:6-10.
16. Bakit tayo makasasampalataya na lahat ng inihulang mga pangako sa Salita ng Diyos ay matutupad?
16 Ang mga propeta ng Diyos ay hindi lamang matalinong mga tao na gumawa ng may karunungang mga panghuhula, sapagkat sinabi ni Pedro: “Walang hula ng Kasulatan na buhat sa sariling pagpapakahulugan. Sapagkat ang hula’y hindi dumating kailanman dahil sa kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila’y inaakay ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:20, 21) Halimbawa, sinabi ni David: “Ang espiritu ni Jehova ang nagsalita sa pamamagitan ko.” (2 Samuel 23:1, 2) At si Pablo ay sumulat: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Yamang ang mga propeta ng Diyos ay kinasihan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, makasasampalataya tayo na lahat ng mga pangako sa kaniyang Salita ay matutupad.
Sila’y May Pananampalataya sa mga Pangako ng Diyos
17. Anong pangako ang naging saligan ng pananampalataya ni Abel?
17 Ang mga pangako ni Jehova ay saligan para sa pananampalataya ng ‘makapal na ulap’ ng kaniyang mga saksi bago ng panahong Kristiyano. (Hebreo 11:1–12:1) Halimbawa, si Abel ay sumampalataya sa pangako ng Diyos tungkol sa isang “binhi” na susugat sa ulo ng “ahas”. May patotoo ang katuparan ng sentensiya ng Diyos sa mga magulang ni Abel. Sa labas ng Eden, si Adan at ang kaniyang pamilya ay kumain ng tinapay sa tulo ng kanilang pawis sapagkat ang sinumpang lupa ay nagsibol ng mga tinik at dawag. Malamang na nasaksihan ni Abel ang labis na pagmimithi ni Eva sa kaniyang asawa at nakita na siya’y dominado ni Adan. Tiyak na may binanggit siya tungkol sa hirap ng kaniyang panganganak. At ang pasukan sa halamanan ng Eden ay binantayan ng mga kerubin at may isang nagniningas na tabak na umiikot. (Genesis 3:14-19, 24) Lahat na ito ay isang “malinaw na katunayan” na nagbibigay kasiguruhan kay Abel na darating ang kaligtasan sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi. Sa pagkilos nang may pananampalataya, si Abel ay naghandog sa Diyos ng isang hain na napatunayang may higit na halaga kaysa hain ni Cain.—Hebreo 11:1, 4.
18, 19. Sa papaano sumampalataya sina Abraham at Sara?
18 Ang mga patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay sumampalataya rin sa mga pangako ni Jehova. Si Abraham ay sumampalataya sa pangako ng Diyos na lahat ng angkan sa lupa ay magpapala sa kanilang sarili sa pamamagitan niya at na ang kaniyang binhi ay bibigyan ng isang lupain. (Genesis 12:1-9; 15:18-21) Ang kaniyang anak na si Isaac at apo na si Jacob ay “mga tagapagmanang kasama niya sa mismong pangakong iyon.” Sa pananampalataya si Abraham ay “nanirahan bilang isang dayuhan sa lupaing ipinangako” at hinintay “ang lunsod na may tunay na mga pundasyon,” ang makalangit na Kaharian ng Diyos na sa ilalim ng paghahari niyaon siya ay bubuhaying muli sa lupa. (Hebreo 11:8-10) Mayroon ka ba ng katulad na pananampalataya?
19 Ang asawa ni Abraham, si Sara, ay mga 90 taóng gulang na at totoong lampas na sa edad ng pag-aanak nang siya’y sumampalataya sa pangako ng Diyos at “ipinaglihi ang binhi” at isinilang si Isaac. Sa gayon, ang 100-taóng-gulang na si Abraham, na “mistulang patay” kung tungkol sa pag-aanak, sa kalaunan ay “nagkaanak na gaya ng mga bituin sa langit dahilan sa karamihan.”—Hebreo 11:11, 12; Genesis 17:15-17; 18:11; 21:1-7.
20. Bagaman hindi nakita ng mga patriyarka ang lubusang katuparan ng mga pangako sa kanila ng Diyos, ano ang kanilang ginawa?
20 Ang tapat na mga patriyarka ay nangamatay nang hindi nakikita ang lubusang katuparan ng mga pangako sa kanila ng Diyos. Gayunman, “kanilang nakita [ang ipinangakong mga bagay] mula sa malayo at ikinagalak at inihayag nila sa madla na sila’y mga tagaibang-bayan at pansamantalang mga mananahan sa lupain.” Kung ilang sali’t salinlahi ang lumipas bago naging pag-aari ng mga supling ni Abraham ang Lupang Pangako. Gayunpaman, sa buong buhay nila ang may takot sa Diyos na mga patriyarka ay sumampalataya sa mga pangako ni Jehova. Dahilan sa hindi sila kailanman nawalan ng pananampalataya, malapit na silang buhaying muli sa makalupang sakop ng “lunsod” na inihanda ng Diyos para sa kanila, ang Mesiyanikong Kaharian. (Hebreo 11:13-16) Sa katulad na paraan, dahil sa pananampalataya ay makapananatili tayong tapat kay Jehova bagaman hindi natin nakikita ang karaka-rakang katuparan ng lahat ng kaniyang kahanga-hangang mga pangako. Ang ating pananampalataya ang magpapakilos din sa atin na sumunod sa Diyos, gaya ng pagsunod ni Abraham. At gaya niya na may espirituwal na pamana sa kaniyang supling, ganoon din natin matutulungan ang ating mga anak na sumampalataya sa mahalagang mga pangako ni Jehova.—Hebreo 11:17-21.
Ang Pananampalataya ay Mahalaga Para sa mga Kristiyano
21. Upang tumanggap ng pagsang-ayon ng Diyos sa ngayon, ano ang kailangang makasali sa ating pagsampalataya?
21 Mangyari pa, mayroong higit pa sa pananampalataya kaysa pagkakaroon lamang ng pagtitiwala sa katuparan ng mga pangako ni Jehova. Sa buong kasaysayan ng tao, kinailangan na sumampalataya sa Diyos sa sari-saring paraan upang tamasahin natin ang kaniyang pagsang-ayon. Binanggit ni Pablo na “kung walang pananampalataya ay hindi makalulugod na mainam [sa Diyos na Jehova], sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay kailangang sumampalataya sa kaniya at na siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Upang tumanggap ng pagsang-ayon ni Jehova sa ngayon, ang isang tao ay kailangang sumampalataya kay Jesu-Kristo at sa haing pantubos na inilaan ng Diyos sa pamamagitan niya. (Roma 5:8; Galacia 2:15, 16) Kagaya iyon ng sinabi ni Jesus mismo: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang nagsasagawa ng pananampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan; ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay sumasakaniya.”—Juan 3:16, 36.
22. Ang Mesiyanikong Kaharian ay magpapangyari ng katuparan ng anong pangako?
22 Si Jesus ay may mahalagang papel sa katuparan ng mga pangako ng Diyos tungkol sa Kaharian na idinadalangin ng mga Kristiyano. (Isaias 9:6, 7; Daniel 7:13, 14; Mateo 6:9, 10) Gaya ng ipinakita ni Pedro, pinatunayan ng pagbabagong-anyo ang sinalitang hula tungkol sa pagparito ni Jesus na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian sa Kaharian. Pangyayarihin ng Mesiyanikong Kaharian ang katuparan ng isa pang pangako ng Diyos, sapagkat si Pedro ay sumulat: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Isang nakakatulad na hula ang natupad nang ang mga Judiong itinapon sa Babilonya ay mapabalik sa kanilang sariling bayan noong 537 B.C.E. sa ilalim ng isang pamahalaan na ang gobernador ay si Zerubabel at si Josue ang mataas na saserdote. (Isaias 65:17) Subalit ang tinukoy ni Pedro ay isang hinaharap na panahon pagka ang “mga bagong langit”—ang makalangit na Mesiyanikong Kaharian—ang magpupunò sa “isang bagong lupa,” ang matuwid na lipunan ng mga taong mamumuhay sa globong ito.—Ihambing ang Awit 96:1.
23. Anong mga tanong tungkol sa kagalingan ang susunod na tatalakayin natin?
23 Bilang tapat na mga lingkod ni Jehova at mga tagasunod ng kaniyang sinisintang Anak, si Jesu-Kristo, nasasabik tayo sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos. Batid natin na iyon ay malapit na, at taglay natin ang pananampalataya na lahat ng mahalagang mga pangako ni Jehova ay matutupad. Upang makalakad nang may pagsang-ayon sa harap ng ating Diyos, kailangang patibayin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng paglalakip dito ng kagalingan, kaalaman, pagpipigil-sa-sarili, pagtitiis, banal na debosyon, pagmamahal sa kapatid, at pag-ibig.a Sa puntong ito, maitatanong natin, Papaano tayo makapagpapakita ng kagalingan? At papaanong ang pagtataglay natin ng kagalingan ay pakikinabangan natin at ng iba, lalo na ng ating mga kasamahang Kristiyano, na tumugon sa mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng pagsampalataya?
[Talababa]
a Ang pananampalataya at ang kagalingan ay tinatalakay sa labas na ito ng Ang Bantayan. Ang kaalaman, pagpipigil-sa-sarili, pagtitiis, banal na debosyon, pagmamahal sa kapatid, at pag-ibig ay tatalakayin pa nang higit sa darating na mga labas.
Ano ba ang Iyong mga Sagot?
◻ Ano ba ang “pananampalataya”?
◻ Ayon sa 2 Pedro 1:5-7, anong mga katangian ang kailangang ilakip sa ating pananampalataya?
◻ Ano ang dapat na maging epekto sa ating pananampalataya ng pagbabagong-anyo ni Jesus?
◻ Anong mga halimbawa ng pananampalataya ang ipinakita nina Abel, Abraham, Sara, at mga iba pa noong sinaunang mga panahon?
[Larawan sa pahina 15]
Alam mo ba kung papaano makaaapekto sa pananampalataya ng isang tao ang pagbabagong-anyo ni Jesus?