Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 4/15 p. 26-31
  • Ang Disiplina na Makapagbubunga ng Bungang Mapayapa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Disiplina na Makapagbubunga ng Bungang Mapayapa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit ang Matatag ma Paninindigang Ito?
  • Lubos na Pinutol
  • Kumusta Naman ang mga Kamag-anak?
  • Ang Hatol ng Hukuman
  • Disiplina​—Dito’y Maraming Mapapakinabang
  • Magpamalas ng Kristiyanong Pagkamatapat Kapag Natiwalag ang Isang Kamag-anak
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
  • Kung Paano Dapat Pakitunguhan ang Isang Tiwalag
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Kung Bakit Maibiging Kaayusan ang Pagtitiwalag
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Kapag Iniwan ng Mahal Natin sa Buhay si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 4/15 p. 26-31

Ang Disiplina na Makapagbubunga ng Bungang Mapayapa

“Walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakapagpapaligaya, kundi nakapagpapalungkot; subalit pagkatapos, sa mga nasanay na ay namumunga ng bungang mapayapa.”​—HEBREO 12:11.

1, 2. (a) Sang-ayon sa Hebreo 12:9-11, ano ang mapagmahal na inilalaan ng Diyos? (b) Ano ang isang halimbawa ng disiplina, at ano ang maaaring maging resulta nito?

GUNITAIN mo ang mga araw ng iyong pagkabata. Naalaala mo pa ba nang dinidisiplina ka ng iyong mga magulang? Karamihan sa atin ang nakakaalaala pa nito. Ginamit iyan ni apostol Pablo bilang paghahalimbawa nang banggitin niya ang tungkol sa disiplinang nanggagaling sa Diyos, na mababasa natin sa Hebreo 12:9-11.

2 Ang makaamang disiplina ng Diyos, na maaaring makaapekto sa ating espirituwal na buhay, ay maaaring may sarisaring anyo. Isa na rito ang kaniyang kaayusan na alisin sa kongregasyong Kristiyano ang isa na ayaw mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos, o tumatangging gawin ang gayon. Ang isang tao na sa ganoo’y nilalapatan ng matinding parusa o disiplina ay baka magsisi at magbalik-loob. Dito ang kongregasyon ng mga tapat ay nadidisiplina rin yamang kanilang napapag-alaman ang kahalagahan ng pagsunod sa matataas na pamantayan ng Diyos.​—1 Timoteo 1:20.

3. Paano naaapektuhan ang iba ng ideya ng pagtitiwalag?

3 ‘Ngunit,’ marahil ay itatanong ng sinuman, ‘hindi baga isang kalupitan na itiwalag ang isang tao at pagkatapos ay tumanggi tayong makipag-usap sa taong itiniwalag?’ Ang ganiyang pangmalas ay napaharap tungkol sa isang kaso sa hukuman kamakailan na kinasangkutan ng isang babae na pinalaki ng kaniyang mga magulang na mga Saksi ni Jehova. Natiwalag ang kaniyang mga magulang. Siya’y hindi, ngunit kusang humiwalay siya pagkatapos sumulat ng isang liham na nagsasabing umaalis na siya sa kongregasyon. Kaya naman, ang kongregasyon ay basta pinatalastasan na siya’y hindi na isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y lumayo na, ngunit makalipas ang mga taon siya ay bumalik at nakita niya na ayaw nang makipag-usap sa kaniya ang mga Saksi sa lugar na iyon. Kaya’t siya’y naghabla sa hukuman. Ano ba ang resulta, at paano kaya ito makakaapekto sa iyo? Upang maunawaan nang husto ang bagay na iyan, tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaugnay na paksang pagtitiwalag.

Bakit ang Matatag ma Paninindigang Ito?

4. Ano manaka-naka ang nangyayari sa mga ilan na nasa kongregasyon? (Galacia 6:1; Judas 23)

4 Karamihan ng mga tunay na Kristiyano ay tapat na mga nagtataguyod sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga kautusan. (1 Tesalonica 1:2-7; Hebreo 6:10) Subalit, manaka-naka, ang isang tao ay lumilihis sa landas ng katotohanan. Halimbawa, sa kabila ng pagtulong ng mga Kristiyanong hinirang na matatanda, baka siya’y lumalabag sa mga kautusan ng Diyos at hindi niya pinagsisisihan iyon. O kaya naman ay baka itinatakwil niya ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtuturo ng doktrina na walang katotohanan o ng paghihiwalay ng kaniyang sarili sa kongregasyon. Ano ngayon ang dapat na gawin? Ang ganiyang mga bagay ay naganap noong kahit na buháy pa ang mga apostol; kaya, tingnan natin kung ano ang kanilang isinulat tungkol dito.

5, 6. (a) Mayroon tayong anong matalinong payo tungkol sa pakikitungo sa mga taong nagkakasala nang mabigat at hindi nagsisisi? (Mateo 18:17) (b) Anong mga tanong ang napapaharap sa atin?

5 Nang isang tao sa Corinto ang nahulog sa imoralidad at hindi nagsisi, sinabi ni Pablo sa kongregasyon: “Huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim o mananamba sa diyus-diyosan o mapagtungayaw o lasenggo o mangingikil, sa gayo’y huwag man lamang kayo makisalo sa pagkain sa ganoong tao.” (1 Corinto 5:11-13) Ganiyan din ang dapat gawin kung tungkol sa mga apostata, tulad ni Himeneo: “Ang taong nagtatatag ng isang sekta, pagkatapos ng una at ikalawang pagsaway ay tanggihan mo; yamang nalalaman mo na ang gayong tao ay lumihis na ng daan at nagkakasala.” (Tito 3:10, 11; 1 Timoteo 1:19, 20) Ang gayong pagtanggi ay angkop din naman para sa sinumang nagtatakwil sa kongregasyon: “Sila’y nagsihiwalay sa atin, ngunit sila’y hindi natin kauri; sapagkat kung sila’y kauri natin, sana’y nanatili silang kasama natin. Ngunit sila’y nagsihiwalay upang mahayag na hindi lahat ay kauri natin.”​—1 Juan 2:18, 19.

6 Inaasahan na ang gayong tao ay magsisisi upang siya’y tanggaping muli. (Gawa 3:19) Subalit samantala, maaari bang ang mga Kristiyano ay magkaroon ng limitadong pakikisama sa kaniya, o kailangang tuluyang huwag makisama sa kaniya? At kung gayon, bakit?

Lubos na Pinutol

7. Paano nagkakaiba ang ating pakikitungo sa dalawang uri ng nagkakasala?

7 Ang mga Kristiyano ay hindi nagbubukod ng kanilang sarili buhat sa mga tao. Tayo’y normal na nakikipagtalastasan sa mga kapitbahay, sa mga kamanggagawa, sa mga kamag-aral, at sa mga iba, at nagpapatotoo sa kanila kahit na ang iba sa kanila ay ‘mga mapakiapid, mga taong masasakim, mangingikil, o mga mananamba sa diyus-diyosan.’ Sa sulat ni Pablo ay sinabi niya na hindi natin sila lubusang maiiwasan, ‘sapagkat kung ganoon ay kailangang umalis tayo sa sanlibutan.’ Gayunman, sinabi niya na naiiba naman kung tungkol sa “isang kapatid” na namumuhay na katulad niyan: “Huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid [kung siya’y bumalik sa ganoong dating lakad], sa gayo’y huwag man lamang kayong makisalo sa pagkain sa ganoong tao.”​—1 Corinto 5:9-11; Marcos 2:13-17.

8. Anong payo ang ibinigay ni apostol Juan tungkol dito?

8 Sa mga sinulat ni apostol Juan, makikita natin ang katulad na payo na nagdiriin kung paano kailangang lubusang iwasan ng mga Kristiyano ang gayong mga tao: “Ang sinumang nagpapauna at hindi nananatili sa aral ng Kristo ay hindi kinaroroonan ng Diyos . . . Kung sa inyo’y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin siya sa inyong mga tahanan o batiin man. Sapagkat ang sa kaniya’y bumati [Griego, khaiʹro] ay nakakaramay sa kaniyang mga gawang balakyot.”a​—2 Juan 9-11.

9, 10. (a) Ano ang nangyari sa di nagsising mga manlalabag-batas sa Israel, at bakit? (b) Ano ang dapat na madama natin tungkol sa kaayusan sa ngayon ukol sa pakikitungo sa mga taong itinitiwalag dahil sa kasalanang di-pinagsisihan? (2 Pedro 2:20-22)

9 Bakit angkop kahit na ngayon ang ganiyang matatag na paninindigan? Bueno, pag-isipan ang Kautusan ng Diyos sa Israel tungkol sa mahigpit na utos ng paghihiwalay. Sa iba’t ibang seryosong mga bagay, ang kusang mga manlalabag-batas ay pinapatay. (Levitico 20:10; Bilang 15:30, 31) Pagka ganiyan ang nangyari, ang mga iba, maging sila ma’y mga kamag-anak, ay hindi na maaaring makipag-usap sa pinatay na manlalabag-batas. (Levitico 19:1-4; Deuteronomio 13:1-5; 17:1-7) Bagaman ang tapat na mga Israelita noon ay normal na mga tao na may mga damdamin ding katulad ng sa atin, batid nila na ang Diyos ay makatuwiran at mapagmahal at ang kaniyang Kautusan ay proteksiyon sa kanilang moral at espirituwal na kalinisan. Kaya’t maaari nilang tanggapin na ang kaniyang kaayusan na ihiwalay ang mga nagkakasala ay mabuti at matuwid sa pangkalahatan.​—Job 34:10-12.

10 Katulad nila na masisiguro natin na ang kaayusan ng Diyos na nagbabawal sa mga Kristiyano na makisama sa kaninuman na itinawalag dahil sa kasalanang di pinagsisisihan ay isang matalinong proteksiyon sa atin: “Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo’y maging bagong limpak, na tulad sa kayo’y walang lebadura.” (1 Corinto 5:7) Sa pamamagitan din ng pag-iwas sa mga taong kusang humihiwalay, ang mga Kristiyano ay naiingatan laban sa posibleng mapamintas, walang pagpapahalaga, o apostatang mga kuru-kuro.​—Hebreo 12:15, 16.

Kumusta Naman ang mga Kamag-anak?

11, 12. (a) Ano ang epekto sa mga kamag-anak na Israelita pagka ang isang nagkasala ay ihinihiwalay? (b) Magbigay ng halimbawa ng mga kapakinabangan ng pagsunod.

11 Natatalos nga ng Diyos na ang pagsasakatuparan ng kaniyang matuwid na mga kautusan tungkol sa paghihiwalay ng mga nagkakasala ay kadalasan nagsasangkot at may epekto sa mga kamag-anak. Gaya ng binanggit na, pagka ang isang nagkasalang Israelita ay pinatay, hindi na maaaring makasama siya ng kaniyang pamilya. Ang totoo, kung ang isang anak na lalaki ay isang lasenggo at masiba, siya’y dapat dalhin ng kaniyang mga magulang sa mga hukom, at kung siya’y hindi magsisisi, ang mga magulang ay kasali rin sa mga babato sa kaniya hanggang sa siya’y mamatay, ‘upang alisin ang kasamaan sa gitna ng Israel.’ (Deuteronomio 21:18-21) Mahuhulo mo na ito’y hindi magiging madali para sa kanila. Gunigunihin ang nadama ng mga kapatid, o mga nuno niyaong nagkasala. Gayunman, maaaring nagliligtas-buhay para sa kanila ang pagsunod muna sa kanilang matuwid na Diyos imbis na ang mangibabaw sa kanila’y ang pagmamahal sa pamilya.

12 Alalahanin ang nangyari kay Kore, isang lider sa isang rebelyon laban sa pangunguna ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Dahilan sa kaniyang sakdal na hustisya, pinapangyari ni Jehova na mamatay si Kore. Subalit, pinayuhan ang lahat ng mga tapat: “Pakisuyo, huwag kayong lalapit sa mga tolda ng mga balakyot na taong ito at huwag kayong hihipo ng anumang pag-aari nila, upang kayo’y huwag maparamay sa lahat nilang kasalanan.” Ang mga kamag-anak na ayaw tumanggap sa paalaala ng Diyos ay namatay kasama ng mga rebelde. Subalit ang iba sa mga kamag-anak ni Kore ay may katalinuhang pumanig kay Jehova, at ito ang nagligtas sa kanilang buhay at nagdala ng mga pagpapala sa hinaharap.​—Bilang 16:16-33; 26:9-11; 2 Cronica 20:19.

13. Paanong tutugon ang tapat na mga Kristiyano kung ang isa mismong miyembro ng pamilya ay itiniwalag o naghiwalay ng kaniyang sarili?

13 Ang paghihiwalay sa isa buhat sa kongregasyong Kristiyano ay hindi naman nagdadala ng agad-agad na kamatayan, kaya’t nagpapatuloy ang relasyon niya sa pamilya. Samakatuwid, ang isang tao na itiniwalag o humiwalay sa kongregasyon ay maaari pa ring manirahan sa tahanan sa piling ng kaniyang asawang babaing Kristiyano at tapat na mga anak. Ang paggalang sa mga kahatulan ng Diyos at sa aksiyon na ginawa ng kongregasyon ang dapat mag-udyok sa asawang babae at sa mga anak na kumilala sa bagay na dahil sa kaniyang ginawa, tinapos na ng lalaking iyon ang espirituwal na ugnayan na dating umiiral sa pagitan nila. Gayunman, hindi dahil sa pagkatiwalag niya ay natatapos na ang relasyon nila bilang isang pamilya, kaya ang normal na pagmamahalan at pagsasamahan ng pamilya ay nagpapatuloy.

14. Anong kinasihang payo ang dapat maging gabay natin sa ating pakikipagtalastasan sa isang natiwalag o humiwalay na kamag-anak na hindi naman bahagi ng atin mismong pamilya?

14 Ang situwasyon ay naiiba kung ang natiwalag o ang humihiwalay ay isang kamag-anak na hindi kasama ng pamilya at hindi rin kapiling sa tahanan. Baka posible na huwag halos magkaroon ng pakikipagtalastasan sa kamag-anak na iyon. Kahit na kung mayroong mga ilang pampamilyang bagay-bagay na nangangailangan ng paminsan-minsang pagtatalastasan, ito’y dapat gawin nang bihirang-bihira, kasuwato ng banal na simulain: “Huwag kayo makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim [o nagkasala ng ibang malulubhang kasalanan], . . . huwag man lamang kayong makisalo sa pagkain sa ganoong tao.”​—1 Corinto 5:11.

15. Paano mapipigil ng mga kamag-anak ang impluwensiya ng emosyon sa gayong mga pagkakataon? (Awit 15:1-5; Marcos 10:29, 30)

15 Mauunawaan naman, ito’y maaaring maging mahirap dahilan sa emosyon at mga ugnayang pampamilya, tulad halimbawa ng pagmamahal ng mga nuno sa kanilang mga apo. Subalit, ito’y isang pagsubok sa katapatan ng isa sa Diyos, tulad ng sinabi ng sister na sinipi sa pahina 26. Sinuman na nakadarama ng kalungkutan at sama ng loob na nilikha ng gayong natiwalag na kamag-anak ay maaaring maaliw at palakasing-loob ng halimbawa na ipinakita ng ilan sa mga kamag-anak ni Kore.​—Awit 84:10-12.b

Ang Hatol ng Hukuman

16-18. Ano ang naging hatol sa kaso sa hukuman na binanggit sa pasimula, at ang hukuman ay nagbigay ng anong karagdagang opinyon sa kasong ito?

16 Marahil ay ibig ninyong malaman kung ano ang naging resulta ng kaso sa hukuman tungkol sa isang babae na nagdamdam dahilan sa ang mga dati niyang kakilala ay ayaw nang makipag-usap sa kaniya pagkatapos na itakwil niya ang pananampalataya, anupa’t inihiwalay niya ang kaniyang sarili sa kongregasyon.

17 Bago nilitis ang kaso, isang pampurok na hukumang pederal ang diretsahang nagbaba ng hatol laban sa kaniya. Ang hatol na iyan ay salig sa ideya na ang mga hukuman ay hindi sumasangkot sa paglalapat ng simbahan ng disiplina. Ang babae ay umapela. Ang pinagkaisahang hatol ng pederal na hukumang duluganc ay batay sa lalong malawak na dahilan ng mga karapatan na nasa Unang Susog (ng Saligang-Batas ng E.U.): “Dahilan sa ang kinauugaliang pagtitiwalag ay isang bahagi ng pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova, makikita natin na ang ‘malayang pagsunod’ na probisyon ng Konstitusyon ng Estados Unidos . . . ang humahadlang [sa kaniya] sa pananaig. Ang mga nasasakdal ay may pribilehiyong protektado ng konstitusyon na gumawa ng pagtitiwalag. Kaya naman, aming pinagtitibay” ang naunang hatol ng hukumang pampurok.

18 Ang opinyon ng hukuman ay nagpapatuloy: “Ang pagtitiwalag ay ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ayon sa kanilang interpretasyon ng tekstong kanonikal, at kami ay walang kalayaan na bigyan ng ibang interpretasyon ang tekstong iyan . . . Ang mga nasasakdal ay may karapatan sa malayang pagsunod sa kanilang mga paniwalang relihiyoso . . . Pangkaraniwan nang hindi naman masusing sinusuri ng mga hukuman ang relasyong umiiral sa gitna ng mga miyembro (o mga dating miyembro) ng isang iglesya. Ang mga iglesya ay binibigyan ng malaking kalayaan pagka sila’y naglalapat ng disiplina sa mga miyembro o dating mga miyembro. Kami’y sumasang-ayon sa pananaw ni Mahistrado Jackson [dating kagawad ng Korte Suprema ng E.U.] na ang ‘[r]elehiyosong aktibidades na nauukol lamang sa mga miyembro ng isang relihiyon ay malaya at nararapat na maging malaya​—na halos lubus-lubusan ang kalayaan ayon sa maaaring gawin.’ . . . Ang mga miyembro ng Iglesya na ipinasiya [niya] na itakwil ay nagpasiya naman na hindi na nila ibig na makisama sa kaniya. Kami’y naniniwala na sila’y malaya na gumawa ng ganiyang pasiya.”

19, 20. Bakit ang isang taong pinutol sa pakikiugnay sa kongregasyon ay walang batayan upang humingi ng salaping bayad-pinsala sa hukuman?

19 Kinilala ng hukumang dulugan na kahit na kung ang babaing iyon ay nabagabag dahilan sa ayaw makipag-usap sa kaniya ang mga dating kakilala niya, “ang pagpapahintulot sa kaniya na makabangon buhat sa mahirap unawain o emosyonal na mga kapinsalaan ay magiging labag sa konstitusyon sapagkat hahadlangan nito ang mga Saksi ni Jehova sa malayang pagsunod sa kanilang relihiyon . . . Dahilan sa garantisado ng konstitusyon ang malayang pagsunod sa relihiyon kailangan na pagbigyan ng lipunan ang uri ng mga pinsala na dinaranas [niya] bilang isang karapat-dapat na halagang dapat ibayad upang maingatan ang karapatan ng pagkakaiba-iba ng relihiyon na tinatamasa ng lahat ng mamamayan.” Ang hatol na ito ay, sa isang diwa, naging lalong matimbang sapol nang igawad ito. Paano? Nang malaunan ang babae ay nagpetisyon sa pinakamataas na hukuman sa bansa na dinggin ang kaso at kung maaari’y baligtarin ang hatol laban sa kaniya. Subalit noong Nobyembre 1987, ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay tumangging gawin iyon.

20 Kaya ang mahalagang kasong ito ang nagtakda na ang isang taong natiwalag o humiwalay ay hindi maaaring kumuha ng bayad-pinsala buhat sa mga Saksi ni Jehova sa isang hukuman ng batas dahil sa pagkatiwalag.d Yamang tinutugon ng kongregasyon ang sakdal na patnubay na nababasa nating lahat sa Salita ng Diyos at ikinakapit ito, ang taong iyon ay nakadarama ng kalugihan na resulta ng kaniyang sariling kilos.

Disiplina​—Dito’y Maraming Mapapakinabang

21. Bakit kailangan ang timbang na pangmalas sa pagtitiwalag?

21 Ang ibang mga tagalabas, pagka nabalitaan nila ang tungkol sa pagtitiwalag, ay nagkakaroon ng simpatiya sa isang nagkasala na hindi na ngayon maaaring makipag-usap sa mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Subalit hindi ba ang gayong simpatiya ay mali? Pag-isipan natin ang maaaring mapakinabang ng nagkasala at ng mga iba pa.

22, 23. Magbigay ng halimbawa ng importansiya at kahalagahan ng pagsunod sa Diyos sa ating pangmalas tungkol sa mga taong itinitiwalag.

22 Halimbawa, sa pahina 26 ay napansin natin ang sinabi ni Lynette tungkol sa kaniyang pagpapasiya na ‘lubusang putulin ang kaniyang pakikihalubilo’ sa kaniyang itiniwalag na kapatid na si Margaret. Siya at ang kaniyang mga kamag-anak na Kristiyano ay ‘naniniwala na ang daan ni Jehova ang pinakamagaling.’ At gayon nga!

23 Ang kapatid ni Lynette nang malaunan ay nagsabi sa kaniya: ‘Kung naging biru-biro ang pagkakilala mo sa pagtitiwalag na iyon, batid ko na hindi ako gagawa ng mga hakbang upang mapabalik ako sa pinakamadaling panahon gaya na nga ng nangyari. Palibhasa’y lubusan akong napahiwalay sa mga mahal ko sa buhay at sa pakikisalamuha sa kongregasyon nagkaroon ako ng pagnanasa na magsisi. Natalos ko na maling-mali pala ang ginawa ko at totoong mapanganib na talikuran ko si Jehova.’

24. Paanong ang pagtugon ng isang sister sa pagtitiwalag ay may epekto sa kaniya at sa mga iba?

24 Sa isa namang kaso, ang mga magulang ni Laurie ay natiwalag. Gayunman ay sinabi niya: ‘Hindi naputol ang aking pakikisalamuha sa kanila at lalo pang naragdagan. Sa paglakad ng panahon, lalo akong naging inaktibo. Dumating ako sa punto na hindi na nga ako dumadalo sa mga pulong.’ Nang magkagayo’y nabasa niya ang artikulo sa The Watchtower ng Setyembre 1 at 15, 1981, na kung saan idiniriin ang payo ng 1 Corinto 5:11-13 at 2 Juan 9-11. “Iyon ay naging mistulang isang bombilya na nagbigay liwanag sa akin,” ang isinulat niya. ‘Nabatid ko na kailangang gumawa ako ng mga ilang pagbabago. Ngayon ay mas naiintindihan ko ang kahulugan ng Mateo 10:34-36. Ang aking pasiya ay hindi madali na tanggapin ng sinuman sa aking sambahayan, sapagkat ang aking anak na lalaki, singko anyos, ang tanging anak na lalaki, at mahal na mahal nila siya. Inaasahan na ang pagkawala ng gayong pakikihalubilo ay makakapukaw sa puso ng mga magulang, gaya ng ginawa niyaon kay Margaret. Gayunman, ang disiplinang inilapat ay tumulong kay Laurie: ‘Ngayon ay nakabalik na ako sa ministeryo sa larangan. Ang pagsasamahan naming mag-asawa at ng aming pamilya ay lalong matatag ngayon dahilan sa aking pagbabago, at ako naman ay matatag din.’

25. Ano ang naging pangmalas ng isang napabalik na dating tiwalag tungkol sa ginagawa ng Diyos na pagdisiplina?

25 O isaalang-alang ang damdamin ng isa na itiniwalag at nang malaunan ay nakabalik. Si Sandi ay sumulat: ‘Ibig kong pasalamatan kayo sa nakatutulong at nakapagtuturong mga artikulo [na binanggit sa itaas] tungkol sa pagsaway at pagtitiwalag. Ako’y natutuwa at ganiyan na lamang ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan upang panatilihing malinis ang kaniyang organisasyon. Ang wari’y isang kalupitan kung sa pananaw ng mga tagalabas ay kapuwa kailangan at talagang isang maibiging bagay na dapat gawin. Ako’y napasasalamat na ang ating makalangit na Ama ay isang Diyos na mapagmahal at mapagpatawad.’

26. Anong bunga ng katuwiran ang maaaring maging resulta sa pagtanggap ng disiplina? (Awit 94:10, 12)

26 Sa gayon ang ating Diyos na nag-uutos na itiwalag sa kongregasyon ang isang nagkasala na hindi nagsisisi ay maibiging nagpapakita rin ng kung magsisisi at magbabalik-loob ang nagkasala, siya’y maaaring makabalik sa kongregasyon. (Ang isang taong humiwalay ay maaari ring humiling na maging bahagi uli ng kongregasyon.) Pagkatapos ay maaari siyang aliwin ng mga Kristiyano na magpapatunay ng kanilang pag-ibig sa kaniya. (2 Corinto 2:5-11; 7:8-13) Oo, ito ang katuparan ng isinulat ni Pablo: “Walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakapagpapaligaya, kundi nakapagpapalungkot; subalit pagkatapos, sa mga nasanay na ay namumunga ng bungang mapayapa, samakatuwid nga ang katuwiran.”​—Hebreo 12:11.

[Mga talababa]

a Ginamit dito ni Juan ang khaiʹro, na isang pagbati na katulad ng “magandang araw” o “hello.” (Gawa 15:23; Mateo 28:9) Hindi niya ginamit ang a·spaʹzo·mai (tulad ng nasa 2 Juan talatang 13), na ang ibig sabihin ay “yakapin ng mga bisig, samakatuwid ay batiin, tanggapin” at maaaring nagpapahiwatig ng ubod-init na pagbati, maaaring may kasamang pagyakap. (Lucas 10:4; 11:43; Gawa 20:1, 37; 1 Tesalonica 5:26) Kaya’t ang kaniyang tagubilin sa 2 Juan 11 ay maaaring mangahulugan ng hindi pagbati ng kahit na “hello” sa gayong mga tao.​—Tingnan Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1985, pahina 31.

b Tinatalakay ang tungkol sa pagtitiwalag sa isang kamag-anak sa The Watchtower ng Setyembre 15, 1981, pahina 26-31.

c 819 F.2d 875 (9th Cir. 1987).

d Bagaman naghabla ang iba’t ibang indibiduwal, walang hukuman na humatol laban sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang salig-Bibliyang gawain na pagtitiwalag.

Mga Punto na Dapat Tandaan

◻ Sa anu-anong paraan maaaring isang anyo ng pagdisiplina ang pagtitiwalag?

◻ Bakit ang pakikitungo ng Kristiyano sa mga taong itiniwalag ay naiiba sa kaniyang pakikitungo sa mga makasalanan sa sanlibutan?

◻ Anong alituntunin sa Kasulatan ang dapat na isaisip kahit na isang kamag-anak ang natiwalag?

◻ Ano ang naging pasiya ng isang hukumang dulugan sa isang kaso na iniharap doon ng isang taong naghiwalay ng kaniyang sarili?

◻ Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa mga ilang personal na mga pagpapahayag tungkol sa pagtitiwalag?

[Blurb sa pahina 26]

“Ang lubusang pagputol ng lahat ng pakikihalubilo kay Margaret [ang aking kapatid na natiwalag] ang sumubok sa aming katapatan sa kaayusan ni Jehova. Binigyan nito ang aming pamilya ng pagkakataon na ipakita na kami’y talagang naniniwala na ang daan ni Jehova ang pinakamagaling.”​—Lynette.

[Kahon sa pahina 30]

Pagtitiwalag​—Ano ang Epekto?

Ang historyador na Ingles na si Edward Gibbon ay sumulat tungkol sa kawastuan at epekto ng pagtitiwalag malapit pa roon sa panahon ng mga apostol:

“Di mapag-aalinlanganan ang karapatan ng bawat lipunan na ipuwera sa pakikisama at sa mga benepisyo ang mga miyembro nito na tumatanggi o lumalabag sa mga regulasyon na itinatag sa pamamagitan ng pagsang-ayon ng kalahatan. . . . Ang mga ibinunga ng pagtitiwalag ay may temporal [makalupa] at gayundin espirituwal na kalikasan. Ang Kristiyano na itinitiwalag ay pinagkakaitan ng anumang bahagi sa mga paghahandog ng mga mananampalataya. Ang mga ugnayan kapuwa ng relihiyoso at ng pribadong pagkakaibigan ay napapawi.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share