Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 11/15 p. 29-31
  • Onesiforo—Isang Malakas-ang-loob na Mang-aaliw

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Onesiforo—Isang Malakas-ang-loob na Mang-aaliw
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ikalawang Pagkabilanggo ni Pablo
  • Pagdalaw sa Bilanggong si Pablo
  • Ano ang Nangyari kay Onesiforo?
  • Tayo Nawa ay Maging Matapat na Mang-aaliw
  • Onesiforo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 1
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Abangan ang Sagot sa mga Tanong na Ito
    2024-2025 Programa ng Pansirkitong Asamblea na May Kinatawan ng Sangay
  • Aklat ng Bibliya Bilang 55—2 Timoteo
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 11/15 p. 29-31

Onesiforo​—Isang Malakas-ang-loob na Mang-aaliw

“INGATAN ninyo sa isipan yaong nasa mga gapos ng bilangguan na para bang naigapos kayong kasama nila, at yaong mga pinagmamalupitan.” (Hebreo 13:3) Nang isulat ni apostol Pablo ang mga salitang ito noong mga 61 C.E., siya mismo ay nabilanggo nang hindi lamang miminsan at mabibilanggo na naman bago siya mamatay na isang martir. (Gawa 16:23, 24; 22:24; 23:35; 24:27; 2 Corinto 6:5; 2 Timoteo 2:9; Filemon 1) Apurahan noon, gaya rin sa ngayon, na asikasuhin ng mga kongregasyon ang mga kapananampalataya na dumaranas ng mga pagsubok sa kanilang pananampalataya.

Ang isang unang-siglong alagad na lalo nang maasikaso sa pangangailangang ito ay si Onesiforo. Dinalaw niya si Pablo sa ikalawang pagkabilanggo nito sa Roma. Hinggil sa kaniya, sumulat ang apostol: “Ang Panginoon nawa ay magkaloob ng awa sa sambahayan ni Onesiforo, sapagkat madalas siyang magdala sa akin ng pagpapanariwa, at hindi niya ikinahiya ang aking mga tanikala. Sa kabaligtaran, nang mangyaring siya ay nasa Roma, hinanap niya ako nang masikap at natagpuan ako.” (2 Timoteo 1:16, 17) Nagkaroon na ba kayo ng pagkakataon na bulay-bulayin ang talagang kahulugan ng ilang salitang ito? Ang paggawa nito ay malamang na magpapatindi sa inyong pagpapahalaga kay Onesiforo. Makikita ninyo na siya ay isang malakas-ang-loob na mang-aaliw.

Ikalawang Pagkabilanggo ni Pablo

Pagkaraang makalaya sa kaniyang unang pagkabilanggo, muli na namang napiit sa Roma si Pablo sa ilalim ng naiibang kalagayan. Dati ay napupuntahan siya ng mga kaibigan sa kaniyang sariling inuupahang bahay, at waring nakatitiyak siya na malapit na siyang palayain. Ngayong pinabayaan na ng karamihan, napipinto na siyang patayin.​—Gawa 28:30; 2 Timoteo 4:6-8, 16; Filemon 22.

Nabilanggo si Pablo sa pagkakataong ito noong mga 65 C.E. Humigit-kumulang isang taon bago nito​—noong Hulyo 64 C.E.​—nagkaroon ng sunog sa Roma, anupat napinsala ang 10 sa 14 na rehiyon ng lunsod. Ayon sa Romanong istoryador na si Tacitus, hindi nagawang “mabura [ni Emperador Nero] ang masamang paniniwala na ang sunog ay bunga ng isang utos. Dahil dito, upang mapatigil ang ulat, ibinaling ni Nero ang sisi at ipinataw ang pinakamatinding pahirap sa isang grupong kinapopootan dahil sa kanilang kasuklam-suklam na mga gawain, ang tinatawag na mga Kristiyano ng taong-bayan. . . . Lahat ng uri ng paglibak ay inilakip sa kanilang kamatayan. Habang nababalutan ng balat ng mga hayop, sila’y nilapa ng mga aso at nangamatay, o ipinako sa mga krus, o itinalaga sa mga apoy at sinunog, upang magsilbing tanglaw sa gabi, kapag lumubog na ang araw.”

Sa kapaligirang gaya nito at sa katulad na mga posibilidad nang mabilanggong muli si Pablo. Hindi nakapagtatakang gayon na lamang ang pasasalamat niya sa mga pagdalaw ng kaniyang kaibigang si Onesiforo! Ngunit tingnan natin ang situwasyon ding iyon sa pangmalas ni Onesiforo.

Pagdalaw sa Bilanggong si Pablo

Maliwanag, nakatira sa Efeso ang pamilya ni Onesiforo. (2 Timoteo 1:18; 4:19) Hindi binanggit kung pumunta man si Onesiforo sa kabisera ng imperyo sa sariling kadahilanan o tangi lamang upang dalawin si Pablo. Magkagayunman, sinabi ng apostol: ‘Kapag nagkataong nasa Roma si Onesiforo, madalas niya akong dalhan ng pagpapanariwa.’ (2 Timoteo 1:16, 17) Anong uri ng pagpapanariwa? Bagaman maaaring kalakip sa tulong ni Onesiforo ang materyal na bagay, maliwanag na ang pagkanaroroon niya ay nagsilbi ring pampasigla upang palakasin at patibaying-loob si Pablo. Sa katunayan, ganito ang mababasa sa ilang salin: “Madalas niyang pasayahin ang aking loob,” o “madalas niya akong aliwin.”

Ang pagtugon sa hangaring dalawin ang isang Kristiyanong bilanggo sa Roma noon ay naghaharap ng mga hamon. Di-tulad noong unang pagkabilanggo ni Pablo, maliwanag na hindi na natagpuan si Pablo ng mga Kristiyanong Romano. Sa isang malaking lunsod gaya ng Roma, hindi madaling hanapin ang isang di-kilalang bilanggo sa gitna ng karamihan na tiyak na nakakulong dahil sa iba’t ibang paglabag. Kaya naman, kailangan ang masikap na paghahanap. Ganito ang paglalarawan ng iskolar na si Giovanni Rostagno sa mga bagay-bagay: “Maaaring iba-iba ang suliranin. Higit sa lahat, kailangan ang pambihirang pag-iingat sa paghahanap. Ang pagtitipon ng impormasyon sa iba’t ibang lugar at pagpapakitang sabik na matagpuan ang piitan na kinaroroonan ng isang panatiko at matandang bilanggo na isinangkot sa maraming krimen ay maaaring pumukaw ng labis na paghihinala.”

Malinaw ang pagkakalarawan ng manunulat na si P. N. Harrison sa situwasyon ding ito, anupat sinabi: “Waring nasusulyapan natin ang isang determinadong mukha sa gitna ng naglalakad na pulutong, at sinusundan nang may napukaw na interes ang estrangherong ito mula sa malalayong baybayin ng Aegeano, habang tinatahak niya ang masalimuot at di-kilalang mga lansangan, kumakatok sa maraming pintuan, sinusubaybayan ang bawat palatandaan, anupat binabalaan tungkol sa panganib na kaniyang sinusuong ngunit determinadong magpatuloy sa kaniyang paghahanap; hanggang sa isang madilim-dilim na bahay-kulungan ay binati siya ng isang kilalang tinig, at natagpuan niya si Pablo na nakatanikala sa isang Romanong sundalo.” Kung ganiyan ang iba pang piitang Romano, malamang na iyon ay isang malamig, madilim, at maruming dako, na punô ng lahat ng uri ng tanikala at kapighatian.

Mapanganib ang makilala bilang kaibigan ng isang bilanggong tulad ni Pablo. Lalo pang mapanganib ang patuloy na dalawin siya. Nariyan ang panganib na maaresto at mapatay sa pamamagitan ng pagpapahirap kung hayagang ipakikilala ng isa ang sarili na isang Kristiyano. Ngunit hindi kontento si Onesiforo na dumalaw nang minsan o makalawa lamang. Hindi siya nahiya ni natakot man na gawin iyon nang “madalas.” Talagang namuhay si Onesiforo ayon sa kahulugan ng kaniyang pangalan, “Tagapagdala ng Pakinabang,” anupat naglaan ng lakas ng loob at maibiging tulong sa kabila ng mga panganib.

Bakit ginawa ni Onesiforo ang lahat ng ito? Ganito ang sabi ni Brian Rapske: “Ang bilangguan ay isang dako hindi lamang ng pisikal na pagdurusa, kundi isang dako ng matinding kabalisahan dahil sa mga kaigtingan na idinudulot nito sa bilanggo. Sa gayong konteksto, ang pisikal na pagkanaroroon at bibigang pampatibay-loob ng mga tumutulong ay maaaring isang malaking pampasigla sa kalooban ng isang bilanggo.” Maliwanag na ito’y natanto ni Onesiforo at siya’y may lakas-ng-loob na nanatili sa kaniyang kaibigan. Tiyak na pinahalagahan ni Pablo ang gayong tulong!

Ano ang Nangyari kay Onesiforo?

Sa kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, binati ni Pablo ang sambahayan ni Onesiforo at ganito ang sabi tungkol sa kaniya: “Ipagkaloob nawa ng Panginoon sa kaniya na makasumpong ng awa mula kay Jehova sa araw na iyon.” (2 Timoteo 1:18; 4:19) Iniisip ng marami na ang mga salitang “sa araw na iyon” ay tumutukoy sa araw ng paghuhukom ng Diyos at sa gayo’y nanghinuha na si Onesiforo ay namatay na. Kung ganoon ang nangyari, marahil “hindi lamang miminsan sinuong ni Onesiforo ang mapanganib na distritong ito, at nagbayad . . . ng parusa sa pamamagitan ng kaniyang buhay,” ang pahiwatig ni P. N. Harrison. Sabihin pa, maaaring wala lamang noon si Onesiforo sa tahanan, o maaaring isinali siya ni Pablo sa pagbati para sa kaniyang buong sambahayan.

Naniniwala ang ilan na may pantanging kahulugan ang pangungusap na: “Ipagkaloob nawa ng Panginoon sa kaniya na makasumpong ng awa mula kay Jehova sa araw na iyon.” Inaakala nila na binibigyang-katuwiran ng mga salitang ito ang mga panalangin alang-alang sa mga yumaong kaluluwang nabubuhay at marahil nagdurusa sa isang dako ng mga espiritu. Gayunman, salungat ang gayong ideya sa maka-Kasulatang turo na hindi nalalaman ng mga patay ang anuman. (Eclesiastes 9:5, 10) Kahit na kung si Onesiforo ay namatay na, ipinahahayag lamang ni Pablo ang hangaring makasumpong nawa ng awa mula sa Diyos ang kaniyang kaibigan. “Ang hangaring ito ay maaari nating taglayin para sa lahat,” sabi ni R. F. Horton. “Ngunit ang pananalangin alang-alang sa mga patay, at paghahandog ng mga Misa para sa kanila, ay malayung-malayo sa isip [ng apostol].”

Tayo Nawa ay Maging Matapat na Mang-aaliw

Totoo mang naiwala o hindi ni Onesiforo ang kaniyang buhay samantalang tinutulungan si Pablo, tiyak na isinapanganib niya ito upang hanapin ang apostol at dalawin siya sa bilangguan. At walang alinlangan na pinahalagahan ni Pablo ang lubhang kinakailangang suporta at pampatibay-loob na natanggap niya kay Onesiforo.

Kapag ang mga kapuwa Kristiyano ay dumaranas ng pagsubok, pag-uusig, o pagkabilanggo, maaaring nasa kalagayan tayo na aliwin at patibaying-loob sila. Kaya naman manalangin sana tayo alang-alang sa kanila at buong-pagmamahal na gawin ang lahat ng ating makakaya upang matulungan sila. (Juan 13:35; 1 Tesalonica 5:25) Tulad ni Onesiforo, tayo nawa’y maging malakas-ang-loob na mga mang-aaliw.

[Larawan sa pahina 31]

Malakas-ang-loob na inaliw ni Onesiforo ang nakabilanggong si apostol Pablo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share