Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • lvs kab. 11 p. 147-158
  • Pagkatapos ng Araw ng Kasal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkatapos ng Araw ng Kasal
  • Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Basahin sa Pag-ibig ng Diyos
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MAGING MALAPÍT SA DIYOS AT SA ISA’T ISA
  • MAKAKATULONG SA PAG-AASAWA ANG PAG-IBIG KAY JEHOVA
  • PARANGALAN ANG PAG-AASAWA SA SINASABI AT GINAGAWA MO
  • “HUWAG NAWANG MADUNGISAN ANG HIGAANG PANGMAG-ASAWA”
  • KUNG PAANO MO MAPAPATIBAY ANG PAGSASAMA NINYO
  • Pag-aasawa—Isang Regalo Galing sa Diyos
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Pag-aasawa—Kaloob ng Isang Maibiging Ama
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Gawing Matagumpay ang Kristiyanong Pag-aasawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Manatiling Tapat sa Inyong Sumpaan Bilang Mag-asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
lvs kab. 11 p. 147-158
Mag-asawa na masayang gumagawa sa kusina

KABANATA 11

Pagkatapos ng Araw ng Kasal

“Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 CORINTO 13:8.

1, 2. Bigo na ba ang pag-aasawa kapag nagkaroon ng mga problema? Ipaliwanag.

ANG pag-aasawa ay regalo galing kay Jehova. Puwedeng maging mas masaya ang buhay ng isang tao dahil dito. Pero nagkakaproblema ang lahat ng mag-asawa. Kung minsan, parang hindi na matapos-tapos ang mga problema, at baka maramdaman nilang hindi na ganoon kalapít ang loob nila sa isa’t isa gaya ng dati.

2 Hindi tayo dapat magtaka kung magkaroon ng problema pana-panahon ang ating pagsasama. Pero hindi ibig sabihin nito na bigo na tayo sa pag-aasawa. Kahit ang mga mag-asawang may matitinding problema ay nakagawa ng paraan para ayusin at patibayin ang relasyon nila. Paano?

MAGING MALAPÍT SA DIYOS AT SA ISA’T ISA

3, 4. Ano kung minsan ang nangyayari sa mag-asawa?

3 Pinagkakaisa ng pag-aasawa ang dalawang tao na may kani-kaniyang gusto at di-gusto, opinyon, at diskarte sa buhay. Baka magkaiba rin ang pinagmulan o kultura ng mag-asawa. Kailangan ng panahon at pagsisikap para mas makilala nila at maunawaan ang isa’t isa.

4 Sa paglipas ng panahon, baka maging mas mahalaga na sa mag-asawa ang personal nilang gawain, na para bang may kani-kaniya na silang buhay. Ano ang makakatulong sa kanila na maging mas malapít sa isa’t isa?

Mag-asawa na magkasamang nag-aaral ng Bibliya

Mahalaga ang payo ng Bibliya para maging maganda ang pagsasama ng mag-asawa

5. (a) Ano ang makakatulong sa isang Kristiyano na maging mas malapít sa asawa niya? (b) Ayon sa Hebreo 13:4, ano ang dapat na maging tingin natin sa pag-aasawa?

5 May mahuhusay na payo si Jehova na makakatulong sa iyo at sa asawa mo na maging mas malapít sa kaniya at sa isa’t isa. (Awit 25:4; Isaias 48:17, 18) Sinasabi niya sa atin: “Maging marangal nawa para sa lahat ang pag-aasawa.” (Hebreo 13:4) Ang isang bagay na itinuturing mong marangal ay mahalaga. Iniingatan mo ito at hindi binabale-wala. Iyan ang gusto ni Jehova na maging tingin natin sa pag-aasawa.

MAKAKATULONG SA PAG-AASAWA ANG PAG-IBIG KAY JEHOVA

6. Ano ang sinasabi ng Mateo 19:4-6 tungkol sa pananaw ni Jehova sa pag-aasawa?

6 Si Jehova ang nagkasal sa unang mag-asawa. Sinabi ng Anak niya, si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at sinabi: ‘Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:4-6) Mula sa pasimula, dinisenyo ni Jehova na maging permanente ang pag-aasawa. Gusto niyang maging malapít ang pamilya sa isa’t isa at maging masaya.

7. Paano mapapatibay ng mag-asawa ang pagsasama nila?

7 Mas maraming stress at problema ang nararanasan ng mga mag-asawa ngayon. Kung minsan, dahil sa tindi ng problema, iniisip ng mag-asawa na hindi na maisasalba ang pagsasama nila, kaya sumusuko na sila. Pero makakatulong sa atin kapag naintindihan natin ang pananaw ni Jehova sa pag-aasawa.—1 Juan 5:3.

8, 9. (a) Kailan natin dapat sundin ang patnubay ni Jehova tungkol sa pag-aasawa? (b) Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang ating pag-aasawa?

8 Ang patnubay ni Jehova ay palaging sa ikabubuti natin. Kaya nga pinapayuhan niya tayo: “Maging marangal nawa . . . ang pag-aasawa.” (Hebreo 13:4; Eclesiastes 5:4) Kung susundin natin ang patnubay ni Jehova kahit mahirap itong gawin, tiyak na makikinabang tayo.—1 Tesalonica 1:3; Hebreo 6:10.

9 Dahil mahalaga para sa atin ang ating pag-aasawa, iniiwasan nating gumawa o magsalita ng anumang bagay na makakasira dito. Sa halip, gusto nating patibayin ang relasyon natin sa ating asawa. Paano natin iyon magagawa?

PARANGALAN ANG PAG-AASAWA SA SINASABI AT GINAGAWA MO

10, 11. (a) Ano ang malubhang problema ng ilang mag-asawa? (b) Bakit mahalaga kung paano tayo nakikipag-usap sa ating asawa?

10 Puwedeng masaktan ng isang tao ang asawa niya sa iba’t ibang paraan. Alam natin na hindi dapat saktan ng isang Kristiyano ang asawa niya sa pisikal na paraan. Pero baka masaktan natin ang isa’t isa sa mga sinasabi natin. Puwedeng makasugat ang salita. Sinabi ng isang babae: “Binubulyawan ako ng asawa ko. Wala nga akong mga pasâ, pero sinusugatan niya ang puso ko kapag pinagsasalitaan niya ako nang masakit, gaya ng ‘Pabigat ka sa buhay ko!’ at ‘Wala kang kuwenta!’” Sinabi naman ng isang lalaki na lagi siyang nasasaktan sa masasamang sinasabi ng asawa niya. Sinabi niya: “Hindi ko maikukuwento sa mababait na kasama ang mga sinasabi niya tungkol sa akin. Ayaw ko siyang kausapin at nagpapagabi na lang ako sa trabaho, kasi mas panatag ako doon kaysa umuwi ng bahay.” Karaniwan na lang sa ngayon ang mapang-abusong pananalita, o ang pagsasabi ng masasakit na salita na nakakasugat ng damdamin.

11 Kapag masakit magsalita ang mag-asawa sa isa’t isa, nakakasugat ito ng damdamin at matagal itong gumaling. Maliwanag, hindi ganiyan ang gusto ni Jehova na maging pagtrato ng mag-asawa sa isa’t isa. Pero posibleng masaktan mo ang asawa mo nang hindi mo namamalayan. Baka iniisip mong mabait ka sa asawa mo, pero ganoon kaya ang nararamdaman niya? Kung may nasabi kang nakasakit sa asawa mo, handa ka bang magbago?—Galacia 5:15; basahin ang Efeso 4:31.

12. Ano ang puwedeng makaapekto sa kaugnayan kay Jehova ng isang may asawa?

12 Mahalaga kay Jehova kung paano tayo makipag-usap sa asawa natin, may nakakarinig mang iba o wala. (Basahin ang 1 Pedro 3:7.) Ipinapaalaala sa atin ng Santiago 1:26: “Kung iniisip ng isang tao na mananamba siya ng Diyos pero hindi niya kinokontrol ang dila niya, dinaraya niya ang sarili niyang puso, at walang saysay ang pagsamba niya.”

Mag-asawa na masayang gumagawa sa kusina

13. Ano pa ang puwedeng makasakit sa asawa mo?

13 May iba pang paraan para maipakita ng mag-asawa na palaisip sila sa nararamdaman ng isa’t isa. Halimbawa, ano kaya ang madarama ng asawa mo kung mas marami kang panahon sa isa na hindi mo asawa? Kahit maganda naman ang intensiyon mo, gaya ng pagsama sa kaniya sa ministeryo o pagtulong sa problema niya, masasaktan kaya ang asawa mo? Sinabi ng isang asawang babae: “Nasasaktan ako kapag nagbibigay ng maraming panahon at atensiyon ang asawa ko sa ibang sister sa kongregasyon. Parang nawawalan ako ng halaga.”

14. (a) Anong pangunahing katotohanan ang matututuhan natin sa Genesis 2:24? (b) Ano ang dapat nating itanong sa sarili?

14 Bilang mga Kristiyano, may pananagutan tayo sa mga magulang natin at sa mga kapatid sa kongregasyon. Pero kapag may asawa na tayo, siya na ang pangunahing responsibilidad natin. Sinabi ni Jehova na ang lalaki ay “mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae.” (Genesis 2:24) Dapat na mahalaga sa atin ang damdamin ng asawa natin. Tanungin ang sarili: ‘Ibinibigay ko ba sa asawa ko ang panahon, atensiyon, at pagmamahal na kailangan niya at nararapat para sa kaniya?’

15. Bakit dapat iwasan ng mga may-asawang Kristiyano na maging masyadong malapít sa hindi nila asawa?

15 Kung masyado tayong malapít sa hindi natin asawa, magdudulot ito ng problema. Puwedeng mahulog ang loob natin sa kaniya. (Mateo 5:28) Puwedeng lumalim ang damdaming iyon at baka makagawa ka ng isang bagay na sisira sa pagsasama ninyong mag-asawa.

“HUWAG NAWANG MADUNGISAN ANG HIGAANG PANGMAG-ASAWA”

16. Ano ang utos ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa?

16 Pagkatapos sabihin ng Bibliya na ‘maging marangal ang pag-aasawa,’ idinagdag nito: “Huwag nawang madungisan ang higaang pangmag-asawa, dahil hahatulan ng Diyos ang mga nagkakasala ng seksuwal na imoralidad at ang mga nangangalunya.” (Hebreo 13:4) Tumutukoy ang “higaang pangmag-asawa” sa seksuwal na ugnayan ng mag-asawa. (Kawikaan 5:18) Paano tayo makapagpapakita ng paggalang sa ugnayang ito para hindi ito madungisan?

17. (a) Ano ang tingin ng marami ngayon sa pangangalunya? (b) Ano ang dapat na maging tingin ng mga Kristiyano sa pangangalunya?

17 Sa ngayon, iniisip ng ilan na walang masama kung hindi ka tapat sa asawa mo. Hindi tayo dapat magpaimpluwensiya sa ganitong saloobin. Malinaw na sinasabi ni Jehova na kinapopootan niya ang seksuwal na imoralidad at pangangalunya. (Basahin ang Roma 12:9; Hebreo 10:31; 12:29) Kung makikipag-sex tayo sa hindi natin asawa, madudungisan ang pag-aasawa natin. Ipinapakita nito na hindi natin iginagalang ang pamantayan ni Jehova, at masisira ang kaugnayan natin sa kaniya. Kaya dapat nating iwasan kahit ang unang hakbang na aakay sa pangangalunya. Kasama dito ang pagpapantasya sa isang tao.—Job 31:1.

18. (a) Bakit ang pangangalunya ay katulad ng pagsamba sa huwad na mga diyos? (b) Ano ang tingin ni Jehova sa pangangalunya?

18 Sa Kautusan ni Moises sa sinaunang Israel, ang pangangalunya ay napakalubhang kasalanan, kasinlubha ng pagsamba sa huwad na mga diyos. Kamatayan ang parusa sa mga ito. (Levitico 20:2, 10) Bakit ang pangangalunya ay katulad ng pagsamba sa huwad na mga diyos? Kung ang isang Israelita ay sasamba sa huwad na mga diyos, sinisira niya ang pangako niyang maging tapat kay Jehova. Kung mangangalunya siya, sinisira niya ang pangako niyang maging tapat sa asawa niya. (Exodo 19:5, 6; Deuteronomio 5:9; basahin ang Malakias 2:14.) Kaya noon, napakalubhang kasalanan para kay Jehova ang pangangalunya.

19. Ano ang makakatulong sa atin na maging determinado na huwag mangalunya?

19 Kumusta naman sa ngayon? Kahit wala na tayo sa ilalim ng Kautusan ni Moises, hindi nagbago ang tingin ni Jehova sa pangangalunya. Hinding-hindi natin magagawang sumamba sa huwad na diyos, kaya hinding-hindi rin naman natin dapat pagtaksilan ang asawa natin. (Awit 51:1, 4; Colosas 3:5) Kung gagawin natin iyan, winawalang-dangal natin ang pag-aasawa at ang Diyos, si Jehova.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 26.

KUNG PAANO MO MAPAPATIBAY ANG PAGSASAMA NINYO

20. Paano makakatulong sa pag-aasawa ang karunungan?

20 Paano mo mapapatibay ang pagsasama ninyo? Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Naitatayo ang bahay dahil sa karunungan, at nagiging matatag ito dahil sa kaunawaan.” (Kawikaan 24:3) Ang isang tahanan ay puwedeng maging malamig at malungkot o puwedeng maging masaya, komportable, at panatag. Ganiyan din sa pag-aasawa. Tinitiyak ng isang marunong na tao na ang pagsasama nilang mag-asawa ay panatag at masaya.

21. Paano mapapatibay ng kaalaman ang pagsasama ninyong mag-asawa?

21 Tungkol sa bahay na iyon, sinasabi pa ng Bibliya: “Dahil sa kaalaman, napupuno ang mga silid nito ng lahat ng klase ng magaganda at mahahalagang kayamanan.” (Kawikaan 24:4) Ang mga natututuhan mo sa Salita ng Diyos ay makakatulong para mas gumanda ang pagsasama ninyo. (Roma 12:2; Filipos 1:9) Kapag binabasa ninyong magkasama ang Bibliya at ang mga publikasyon natin, pag-usapan kung paano ninyo maisasabuhay ang natututuhan ninyo. Humanap ng mga paraan para maipakita ninyo ang pagmamahal at paggalang sa isa’t isa, pati na ang pagiging mabait at maalalahanin. Hilingin kay Jehova na tulungan kang magkaroon ng mga katangiang magpapatibay sa pagsasama ninyo para lalo kang mahalin ng asawa mo.—Kawikaan 15:16, 17; 1 Pedro 1:7.

Asawang lalaki na nananalangin kasama ng kaniyang asawa bago mag-family worship

Humiling ng patnubay kay Jehova sa inyong pampamilyang pagsamba

22. Bakit dapat nating ipakita na minamahal, iginagalang, at pinararangalan natin ang ating asawa?

22 Dapat nating gawin ang lahat para maipakita nating minamahal, iginagalang, at pinararangalan natin ang ating asawa. Makakatulong ito para maging mas matibay at masaya ang pag-aasawa natin. At ang pinakamahalaga, mapapasaya natin si Jehova.—Awit 147:11; Roma 12:10.

MGA PRINSIPYO SA BIBLIYA

1 ANG ATING PAG-AASAWA AY MAKAPAGPAPARANGAL KAY JEHOVA

“Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:8

Ano ang makakatulong para maayos natin ang mga problema sa ating pag-aasawa?

  • Eclesiastes 5:4; Mateo 19:4-6

    Nagkakaproblema ang lahat ng mag-asawa. Pero huwag basta-basta susuko sa pagsasama ninyo.

  • Awit 25:4; Isaias 48:17, 18; Mateo 6:33, 34

    Kapag nagiging mas malapít kay Jehova ang mag-asawa, titibay ang pagsasama nila.

2 ANG SINASABI AT GINAGAWA NATIN AY MAY EPEKTO SA ATING PAG-AASAWA

“Sila ay magiging isang laman.”—Genesis 2:24

Paano natin maiiwasang masaktan ang ating asawa?

  • Mateo 5:28; Efeso 4:31

    Maging tapat sa asawa mo kahit sa mga iniisip mo. Maging palaisip sa nararamdaman niya. Kung alam mong nasasaktan mo siya, maging handang magbago.

  • Galacia 5:15

    Hinding-hindi natin sasaktan ang asawa natin sa pisikal o emosyonal. Ang masasakit na salita ay makakasamâ lang sa pagsasama ng mag-asawa.

  • Kawikaan 5:18; Hebreo 13:4

    Malubhang kasalanan para kay Jehova ang pangangalunya. Dapat tayong maging determinado na manatiling tapat sa ating asawa at pahalagahan ang pagsasama natin. Ayaw nating gumawa ng anumang bagay na hindi magpaparangal kay Jehova o sa asawa natin.

3 MAPAPATIBAY MO ANG PAGSASAMA NINYO

“Naitatayo ang bahay dahil sa karunungan.”—Kawikaan 24:3

Ano ang magagawa mo para maging matibay at masaya ang pagsasama ninyo?

  • Kawikaan 24:4; Mateo 6:14, 15; Roma 12:2; 1 Pedro 3:1

    Magbigay ng panahon para makipag-usap sa asawa mo. Pakitunguhan siya nang may pagmamahal, paggalang, at kabaitan. Matutong magpatawad agad.

  • Kawikaan 14:1; 31:29; Filipos 1:9; 2:4; 1 Pedro 3:7

    Humingi ng tulong kay Jehova kung paano ka magiging mas mabuting asawa. Humanap ng mga paraan para maging mas mabait at maalalahanin.

  • Roma 12:10; 1 Pedro 4:8

    Kung gagawin mo ang lahat para pahalagahan at parangalan ang asawa mo, mas titibay ang pagsasama ninyo at mapapasaya ninyo si Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share