Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 12/15 p. 16-21
  • Maliligayang “Tagatupad ng Salita”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maliligayang “Tagatupad ng Salita”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbabata na May Kagalakan
  • Paghahanap ng Karunungan
  • Pagiging ‘Mga Tagatupad ng Salita’
  • Aklat ng Bibliya Bilang 59—Santiago
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Sa Kabila ng mga Pagsubok, Mangunyapit Kayo sa Inyong Pananampalataya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Kung Bakit Kailangan Natin ang Pananampalataya at Karunungan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Santiago, Liham ni
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 12/15 p. 16-21

Maliligayang “Tagatupad ng Salita”

“Tanggapin nang may kahinahunan ang pagkikintal ng salita na may kakayahang magligtas ng inyong mga kaluluwa. Gayunman, maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.”​—SANTIAGO 1:21, 22.

1. Papaano isasaalang-alang ang ating teksto para sa 1996?

“MAGING MGA TAGATUPAD KAYO NG SALITA.” Ang payak na pangungusap na ito ay naghahatid ng mabisang mensahe. Ito ay hinalaw mula sa “Liham ni Santiago” sa Bibliya, at ito ay ilalagay sa mga Kingdom Hall bilang siyang teksto ng mga Saksi ni Jehova para sa taóng 1996.

2, 3. Bakit angkop na si Santiago ay sumulat ng liham na isinunod sa kaniyang pangalan?

2 Si Santiago, ang kapatid sa ina ng Panginoong Jesus, ay prominente sa sinaunang Kristiyanong kongregasyon. Sa isang pagkakataon pagkatapos buhaying-muli si Jesus, ang ating Panginoon ay personal na nagpakita kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng apostol. (1 Corinto 15:7) Pagkaraan, nang si apostol Pablo ay makahimalang makalaya mula sa bilangguan, sinabi niya sa isang grupo ng nagkakatipong mga Kristiyano: “Iulat ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago at sa mga kapatid.” (Gawa 12:17) Lumilitaw na si Santiago, bagaman siya mismo ay hindi isang apostol, ay nanguna sa pulong ng lupong tagapamahala sa Jerusalem nang magpasiya ang mga apostol at ang matatanda na ang mga nakumberteng Gentil ay hindi na kailangan pang tuliin. Binuod ni Santiago ang mga bagay-bagay, at ang pasiya na pinagtibay ng banal na espiritu ay ipinadala sa lahat ng kongregasyon.​—Gawa 15:1-29.

3 Maliwanag, malaki ang pagpapahalaga sa maygulang na pangangatuwiran ni Santiago. Gayunman, mapagpakumbabang inamin niya na siya mismo ay “isang alipin [lamang] ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.” (Santiago 1:1) Ang kaniyang kinasihang liham ay punúng-punô ng mahuhusay na payo at pampatibay-loob para sa mga Kristiyano sa ngayon. Iyon ay nakumpleto mga apat na taon bago ang unang pagsalakay ng mga Romano sa Jerusalem sa pangunguna ni Heneral Cestius Gallus, pagkatapos na ang mabuting balita ay malawak na naipangaral “sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:23) Iyon ay maselang na panahon, at ang mga lingkod ni Jehova ay lubusang nakababatid na ang Kaniyang kahatulan ay malapit nang ilapat sa bansang Judio.

4. Ano ang nagpapakita na ang naunang mga Kristiyano ay may malaking tiwala sa Salita ng Diyos?

4 Taglay na ng mga Kristiyanong iyon ang buong Hebreong Kasulatan at ang karamihan sa Griegong Kasulatan. Gaya ng ipinakikita ng kanilang malimit na pagbanggit sa naunang mga kasulatan, maliwanag na malaki ang pagtitiwala ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya sa Salita ng Diyos. Gayundin naman, tayo ngayon ay kailangang taimtim na mag-aral ng Salita ng Diyos at magkapit niyaon sa ating buhay. Upang makapagbata, kailangan natin ang espirituwal na lakas at tibay ng loob na inilalaan ng Banal na Kasulatan.​—Awit 119:97; 1 Timoteo 4:13.

5. Bakit natin kailangan ang pantanging patnubay sa ngayon, at saan natin masusumpungan iyon?

5 Ang sangkatauhan ay nakatayo ngayon sa bingit ng “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa pagkakaroon ng banal na patnubay. Papaano natin ito masusumpungan? Sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating puso sa mga turo ng Salita ng Diyos na kinasihan ng kaniyang espiritu. Ito ay aakay sa atin na ‘maging tagatupad ng salita,’ tulad ng tapat na mga lingkod ng Diyos noong unang panahon. Kailangang masikap na basahin at pag-aralan natin ang Salita ng Diyos at gamitin ito ukol sa kapurihan ni Jehova.​—2 Timoteo 2:15; 3:16, 17.

Pagbabata na May Kagalakan

6. Bakit dapat tayong makasumpong ng kagalakan sa pagharap sa mga pagsubok?

6 Sa pagbubukas ng kaniyang liham, binanggit ni Santiago ang kagalakan, ang ikalawang bunga ng espiritu ng Diyos. Ganito ang isinulat niya: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag kayo ay napaharap sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata. Subalit hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito, upang kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman.” (Santiago 1:2-4; Galacia 5:22, 23) Papaano masasabi na “buong kagalakan” ang mapaharap sa maraming pagsubok? Buweno, maging si Jesus ay nagsabi sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin. Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa mga langit.” (Mateo 5:11, 12) May kagalakan at kasiyahan sa pagkakitang pinagpapala ni Jehova ang ating pagsisikap habang sumusulong tayo tungo sa buhay na walang-hanggan.​—Juan 17:3; 2 Timoteo 4:7, 8; Hebreo 11:8-10, 26, 35.

7. (a) Papaano tayo matutulungan na makapagbata? (b) Tulad ni Job, papaano tayo maaaring gantimpalaan?

7 Si Jesus mismo ay nagbata “dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya.” (Hebreo 12:1, 2) Sa pagtinging mabuti sa may tibay-loob na halimbawa ni Jesus, tayo man ay makapagbabata! Gaya ng binanggit ni Santiago sa pagtatapos ng kaniyang liham, saganang pinagpapala ni Jehova ang mga tagapag-ingat ng katapatan. “Narito! Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata,” sabi ni Santiago. “Narinig ninyo ang pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Alalahanin kung papaano ginantimpalaan ang katapatan ni Job nang manumbalik ang kaniyang kalusugan at magtamasa ng lubos at maligayang buhay kasama ng mga minamahal. Ang pagbabata na may katapatan ay makapagdudulot sa inyo ng katulad na pagsasaya sa ipinangakong Paraiso sa bagong sanlibutan ng Diyos, bilang kasukdulan sa kagalakan ng paglilingkod kay Jehova ngayon.

Paghahanap ng Karunungan

8. Papaano tayo makasusumpong ng tunay, praktikal na karunungan, at anong bahagi ang ginagampanan dito ng panalangin?

8 Ang ating masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos, lakip na ang mga praktikal na pagkakapit nito, ay magbubunga ng maka-Diyos na karunungan, na magsasangkap sa atin upang makapagbata ng mga pagsubok sa gitna ng kabulukan ng naghihingalong sistema ni Satanas. Papaano natin matitiyak na masusumpungan ang gayong karunungan? Sinasabi sa atin ni Santiago: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay bukas-palad na nagbibigay sa lahat at hindi nandudusta; at ibibigay ito sa kaniya. Subalit patuloy siyang humingi na may pananampalataya, na hindi sa paanuman nag-aalinlangan, sapagkat siya na nag-aalinlangan ay tulad ng alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan.” (Santiago 1:5, 6) Dapat tayong marubdob na manalangin, taglay ang di-matitinag na pagtitiwala na pakikinggan ni Jehova ang ating mga pakiusap at na tutugunin niya ang mga ito sa kaniyang takdang panahon at paraan.

9. Papaano inilalarawan ni Santiago ang maka-Diyos na karunungan at ang pagkakapit nito?

9 Ang maka-Diyos na karunungan ay isang kaloob mula kay Jehova. Sa paglalarawan sa gayong mga kaloob, ganito ang sabi ni Santiago: “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat ito ay bumababa mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag, at sa kaniya ay walang pagbabagu-bago sa pagbaling ng anino.” Sa pagpapatuloy ng kaniyang liham, ipinaliwanag ni Santiago ang bunga ng pagtatamo ng tunay na karunungan nang sabihin niya: “Sino ang marunong at may-unawa sa inyo? Ipakita niya mula sa kaniyang mainam na paggawi ang kaniyang mga gawa na may kahinahunan na nauukol sa karunungan. . . . Ang karunungan mula sa itaas ay una sa lahat malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng may-kinikilingang pagtatangi, hindi mapagpaimbabaw.”​—Santiago 1:17; 3:13-17.

10. Papaano naiiba ang huwad na relihiyon sa tunay na relihiyon?

10 Sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, nasa Sangkakristiyanuhan man o nasa ibang lupain, kaugalian na ng mga mananamba na umawit ng ilang himno, makinig sa paulit-ulit na mga panalangin, at marahil makinig sa isang diskurso. Walang pagpapasiglang ibinibigay hinggil sa paghahayag ng mensahe ng pag-asa, sapagkat karamihan ng relihiyon ay walang nakikitang maaliwalas na pag-asa para sa hinaharap. Ang maluwalhating pag-asa ng Mesianikong Kaharian ng Diyos ay alinman sa hindi binabanggit o ganap na di-nauunawaan. Ganito ang makahulang sinabi ni Jehova tungkol sa mga tagapagtaguyod ng Sangkakristiyanuhan: “May dalawang masamang bagay na ginawa ng aking bayan: Kanilang iniwan ako, ang pinagmumulan ng buháy na tubig, upang umuka para sa kanilang sarili ng mga imbakang-tubig, ng mga sirang imbakang-tubig, na hindi makapaglalaman ng tubig.” (Jeremias 2:13) Wala silang tubig ng katotohanan. Wala na ang karunungan mula sa langit.

11, 12. (a) Papaano tayo dapat na maganyak ng banal na karunungan? (b) Hinggil sa ano tayo binibigyang-babala ng banal na karunungan?

11 Ibang-iba naman ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon! Taglay ang bigay-Diyos na dinamikong lakas, ang lupa ay binabahaan nila ng mabuting balita ng Kaniyang dumarating na Kaharian. Ang karunungan na sinasabi nila ay matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos. (Ihambing ang Kawikaan 1:20; Isaias 40:29-31.) Sa katunayan, praktikal na ginagamit nila ang tunay na kaalaman at pagkaunawa sa paghahayag ng dakilang layunin ng ating Diyos at Maylalang. Ang dapat na maging hangarin natin ay na ang lahat ng kabilang sa kongregasyon ay “mapuspos ng tumpak na kaalaman ng kalooban [ng Diyos] sa buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa.” (Colosas 1:9) Sa ganitong saligan, kapuwa ang mga bata at matatanda ay magaganyak sa tuwina na ‘maging tagatupad ng salita.’

12 “Ang karunungan mula sa itaas” ay nagbibigay-babala sa atin tungkol sa mga pagkakasala na magbubunga ng di-pagsang-ayon ng Diyos. “Alamin ninyo ito, mga kapatid kong iniibig,” sabi ni Santiago. “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot; sapagkat ang poot ng tao ay hindi nagsasagawa ng katuwiran ng Diyos.” Oo, dapat tayong maging matulin at sabik sa pakikinig sa payo ng Diyos at sa pagkakapit nito. Gayunpaman, kailangan tayong mag-ingat laban sa maling paggamit ng “maliit na sangkap” na iyan, ang dila. Sa pamamagitan ng paghahambog, walang-kabuluhang tsismis, at pamamalita ng kaniyang sariling opinyon, ang dila ay maaaring makapagpaliyab ng ‘napakalaking kakahuyan’ sa makasagisag na paraan. Kung gayon ay kailangan nating linangin ang pagiging kalugud-lugod at ang pagpipigil-sa-sarili sa lahat ng ating pakikisalamuha.​—Santiago 1:19, 20; 3:5.

13. Bakit mahalaga na tanggapin natin “ang pagkikintal ng salita”?

13 “Kaya nga,” isinulat ni Santiago, “alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang kalabisang bagay na iyon, ang kasamaan, at tanggapin nang may kahinahunan ang pagkikintal ng salita na may kakayahang magligtas ng inyong mga kaluluwa.” (Santiago 1:21) Ang masakim na sanlibutang ito, pati ang mapagparangya, materyalistiko, at makasariling istilo ng pamumuhay at mababang moral, ay malapit nang lumipas. “Ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:15-17) Kung gayon, napakahalaga nga na tanggapin natin “ang pagkikintal ng salita”! Ang karunungang inilalaan ng Salita ng Diyos ay totoong naiiba sa kasamaan ng naghihingalong sanlibutang ito. Hindi natin ibig ang kasamaang iyan. (1 Pedro 2:1, 2) Kailangang ibigin natin ang katotohanan at ikintal sa ating puso ang matatag na pananampalataya, upang tayo ay maging determinado na huwag lumihis buhat sa matuwid na mga daan ni Jehova. Subalit sapat na ba ang pakinggan lamang ang Salita ng Diyos?

Pagiging ‘Mga Tagatupad ng Salita’

14. Papaano tayo magiging kapuwa “tagapakinig” at “tagatupad” ng Salita?

14 Sa Santiago 1:22 ay mababasa natin: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang, na nililinlang ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran.” “Maging mga tagatupad kayo ng salita”! Ang temang ito ay tunay na itinatampok sa liham ni Santiago. Dapat tayong makinig, saka gumawa nang “gayung-gayon”! (Genesis 6:22) Maraming tao sa ngayon ang nag-aangkin na sapat nang makinig sa isang sermon o makibahagi sa seremonyal na pagsamba sa pana-panahon, ngunit hanggang doon na lamang. Maaaring iniisip nila na hangga’t sila’y may ‘mabuting pamumuhay’ ayon sa kanilang pamantayan, sapat na iyon. Subalit sinabi ni Jesu-Kristo: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuluyang sundan ako.” (Mateo 16:24) Ang pagsasakripisyo-sa-sarili at pagbabata sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus ng paggawa ng kalooban ng Diyos ay maliwanag na hinihiling sa tunay na mga Kristiyano. Para sa kanila, ang kalooban ng Diyos sa ngayon ay katulad pa rin niyaong sa unang siglo nang iutos ng binuhay-muling si Jesus: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Kumusta naman kayo sa bagay na ito?

15. (a) Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Santiago, na nagpapakita kung papaano tayo magiging maligaya bilang ‘mga tagatupad ng salita’? (b) Bakit hindi sapat ang pormal lamang na pagsamba?

15 Kung patuloy tayo sa masusing pagtingin sa Salita ng Diyos, iyon ay magiging kagaya ng isang salamin na magpapaaninaw sa atin kung anong uri talaga tayo ng mga tao. Ganito ang sabi ni Santiago: “Siya na nagmamasid sa sakdal na batas na nauukol sa kalayaan at nagpapatuloy rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay naging, hindi isang tagapakinig na malilimutin, kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.” (Santiago 1:23-25) Oo, siya ay magiging isang maligayang ‘tagatupad ng salita.’ Bukod dito, mahalaga na maging isang “tagatupad” sa bawat pitak ng ating buhay bilang Kristiyano. Hindi natin dapat dayain ang ating mga sarili sa pag-iisip na sapat na ang pormal lamang na pagsamba. Pinapayuhan tayo ni Santiago na tuparin ang ilang bahagi ng tunay na pagsamba na maaaring nakaliligtaan maging ng masisigasig na Kristiyano. Sumulat siya: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.”​—Santiago 1:27.

16. Sa anu-anong paraan naging “kaibigan ni Jehova” si Abraham, at papaano natin matatamo ang Kaniyang pakikipagkaibigan?

16 Hindi sapat ang basta sabihing, ‘Naniniwala ako sa Diyos,’ at hanggang doon na lamang. Ganito ang binabanggit sa Santiago 2:19: “Ikaw ay naniniwalang may isang Diyos, hindi ba? Mahusay ang iyong ginagawa. Gayunma’y ang mga demonyo ay naniniwala at nangangatog.” Binigyang-diin ni Santiago na “ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili,” at tinukoy niya si Abraham, sa pagsasabi: “Ang kaniyang pananampalataya ay gumawang kasama ng kaniyang mga gawa at sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa ay napasakdal ang kaniyang pananampalataya.” (Santiago 2:17, 20-22) Kasali sa mga gawa ni Abraham ang paglalaan ng tulong sa kaniyang mga kamag-anak, pagiging mapagpatuloy, paghahanda na ihain si Isaac, at ‘hayagang paghahayag’ ng di-matitinag na pananampalataya sa pangako ng Diyos na “lunsod na may tunay na mga pundasyon,” ang panghinaharap na Mesianikong Kaharian. (Genesis 14:16; 18:1-5; 22:1-18; Hebreo 11:8-10, 13, 14; 13:2) Angkop naman, si Abraham ay “tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’ ” (Santiago 2:23) Tayo man ay maibibilang na ‘mga kaibigan ni Jehova’ habang masigasig nating ipinahahayag ang ating pananampalataya at pag-asa sa kaniyang dumarating na Kaharian ng katuwiran.

17. (a) Bakit si Rahab ay ‘ipinahayag na matuwid,’ at papaano siya ginantimpalaan? (b) Anong mahabang talaan niyaong ‘naging mga tagatupad ng salita’ ang inilalaan ng Bibliya? (c) Papaano ginantimpalaan si Job, at bakit?

17 Yaong nagiging ‘mga tagatupad ng salita’ ay tunay ngang “ipahahayag na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.” (Santiago 2:24) Nilakipan ni Rahab ng gawa ang kaniyang pananampalataya sa “salita” na narinig niya hinggil sa makapangyarihang mga gawa ni Jehova. Itinago niya ang mga espiyang Israelita at tinulungan silang makatakas, at saka niya tinipon ang sambahayan ng kaniyang ama upang sila’y maingatan. Sa pagkabuhay-muli, tunay ngang matutuwa siyang malaman na ang kaniyang pananampalataya, na nilakipan ng gawa, ay humantong sa kaniyang pagiging ninuno ng Mesiyas! (Josue 2:11; 6:25; Mateo 1:5) Ang Hebreo kabanata 11 ay naglalaan ng mahabang talaan ng iba pa na ‘naging mga tagatupad’ sa pagpapamalas ng kanilang pananampalataya, at sila’y saganang gagantimpalaan. Ni hindi rin natin dapat kalimutan si Job, na sa ilalim ng mahigpit na pagsubok ay nagsabi: “Hayaang ang pangalan ni Jehova ay patuloy na purihin.” Gaya ng alam na natin, ang kaniyang pananampalataya at gawa ay nagbunga ng dakilang gantimpala. (Job 1:21; 31:6; 42:10; Santiago 5:11) Gayundin naman, ang ating pagbabata ngayon bilang ‘mga tagatupad ng salita’ ay magdudulot ng ngiti ng pagsang-ayon ni Jehova.

18, 19. Papaanong ang matagal nang siniil na mga kapatid ay ‘naging mga tagatupad ng salita,’ at anong pagpapala ang idinulot ng kanilang gawain?

18 Kabilang sa nagbata nang malaki sa nakalipas na mga taon ay ang ating mga kapatid sa Silangang Europa. Ngayong naalis na ang marami sa mga paghihigpit, ang mga ito ay tunay na ‘naging mga tagatupad ng salita’ sa kanilang bagong kapaligiran. Lumipat doon ang mga misyonero at mga payunir mula sa kalapit na mga lupain upang tumulong sa pagtuturo at pag-oorganisa. Ang sangay sa Finland at ibang kalapit na sangay ng Samahang Watch Tower ay nagpadala ng mga bihasang manggagawa sa pagtatayo, at ang bukas-palad na pambuong-daigdig na kapatiran ang siyang nagtustos sa konstruksiyon ng mga bagong tanggapang pansangay at mga Kingdom Hall.​—Ihambing ang 2 Corinto 8:14, 15.

19 Ano ngang sigasig ng pagtugon sa larangan niyaong mga kapatid na kay-tagal na siniil! Sila ‘ay gumagawa nang masikap at nagpupunyagi’ upang makabawi, wika nga, sa mga pagkakataong hindi nabuksan noong “maligalig na kapanahunan.” (1 Timoteo 4:10; 2 Timoteo 4:2) Halimbawa, nitong nakaraang Abril sa Albania, kung saan naging napakatindi ang paghihigpit, ang buong suplay ng Kingdom News na pinamagatang “Bakit Kaya Punúng-punô ng Suliranin ang Buhay?” ay naipamahagi sa loob lamang ng tatlong araw. Ito ay isang mabuting balita kasunod ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus, na dinaluhan ng 3,491 katao​—malaki ang kahigitan kaysa sa kanilang 538 aktibong mamamahayag.

20. Ano ang ipinakikita ng mga kamakailang bilang ng dumalo sa Memoryal, at papaano matutulungan ang marami?

20 Malaki rin naman ang naidagdag ng ibang lupain sa mga bilang ng dumalo sa Memoryal, na sa mga nakaraang taon ay tumaas sa mahigit na 10,000,000. Sa maraming dako ang mga baguhan, palibhasa ang kanilang pananampalataya ay napatibay sa pagdalo at pagmamasid sa Memoryal, ay ‘nagiging mga tagatupad ng salita.’ Mapatitibay-loob kaya natin ang marami pang bagong kaugnay upang maging kuwalipikado sa pribilehiyong iyan?

21. Kasuwato ng ating teksto sa taóng ito, anong landasin ang dapat nating sundin, at taglay ang anong tunguhin?

21 Tulad niyaong masisigasig na Kristiyano noong unang siglo, at ng marami pang iba mula noon, tayo nawa’y maging determinado na magpunyagi sa ‘pagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala’ na buhay na walang-hanggan, maging iyon man ay sa makalangit na Kaharian o sa makalupang sakop nito. (Filipos 3:12-14) Sulit ang lahat ng ating pagsisikap na makamtan ang tunguhing iyan. Hindi ito ang panahon upang bumalik sa pagiging mga tagapakinig lamang, kundi ang panahon ng mga panahon upang ‘maging malakas at gumawa.’ (Hagai 2:4; Hebreo 6:11, 12) Yamang ‘natanggap ang pagkikintal ng salita,’ tayo sana’y ‘maging maliligayang tagatupad ng salita’ ngayon at magpakailanman.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaano tayo makapagbabata nang may kagalakan?

◻ Ano “ang karunungan mula sa itaas,” at papaano natin matatamo iyon?

◻ Bakit tayo dapat na ‘maging mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang’?

◻ Anong mga ulat ang dapat magpasigla sa atin na maging ‘mga tagatupad ng salita’?

[Larawan sa pahina 17]

Tayo rin ay magbukas sana ng ating puso sa banal na pagtuturo

[Larawan sa pahina 18]

Ginantimpalaan ang katapatan ni Job nang manumbalik ang kaniyang lubos at maligayang buhay kasama ng mga minamahal

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share