Ano ang Tingin sa Akin ni Jehova?
1. Bakit maitutulad ang Bibliya sa isang salamin?
1 Gaano kadalas kang tumingin sa salamin? Ginagawa ito ng karamihan sa atin araw-araw para makita kung ano ang kailangan nating ayusin sa ating hitsura. Ang Bibliya ay itinulad sa isang salamin. Kapag nagbabasa tayo ng Salita ng Diyos, nakikita natin ang ating panloob na pagkatao, na siyang tinitingnan sa atin ni Jehova. (1 Sam. 16:7; Sant. 1:22-24) Ang Salita ng Diyos ay “may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb. 4:12) Paano tayo tinutulungan ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay rito na makita ang mga kailangan pa nating pasulungin para maging mas epektibong ebanghelisador?—Awit 1:1-3.
2. Paano tayo tinutulungan ng Bibliya na masuri ang ating sarili?
2 Gamitin ang Bibliya Bilang Salamin: Kapag binabasa natin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa tapat na mga lingkod ni Jehova, nalalaman natin ang mga katangiang gusto niya. Halimbawa, nagpakita si David ng sigasig sa pagluwalhati sa pangalan ng Diyos. (1 Sam. 17:45, 46) Si Isaias ay lakas-loob na nagboluntaryong mangaral sa mga taong ayaw makinig. (Isa. 6:8, 9) Dahil sa matinding pag-ibig ni Jesus sa kaniyang Ama sa langit, ang ministeryo ay nakagiginhawa at kasiya-siya para sa kaniya sa halip na isang pabigat. (Juan 4:34) Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay masigasig na nangaral, umasa kay Jehova, at hindi sumuko. (Gawa 5:41, 42; 2 Cor. 4:1; 2 Tim. 4:17) Makakatulong ang pagbubulay-bulay sa gayong mga halimbawa para masuri natin ang ating sarili at mapasulong ang ating sagradong paglilingkod.
3. Bakit kailangan nating gumawa agad ng kinakailangang mga pagbabago?
3 Ayusin ang Sarili: Walang saysay na manalamin kung wala tayong gagawin para ayusin ang nakita nating problema sa ating hitsura. Maaari nating hilingin kay Jehova na tulungan tayong makita ang totoo nating pagkatao at gumawa ng mga pagbabago kung kailangan. (Awit 139:23, 24; Luc. 11:13) Kaunti na lang ang natitirang panahon at buhay natin at ng iba ang nasasangkot kaya dapat tayong gumawa agad ng kinakailangang mga pagbabago.—1 Cor. 7:29; 1 Tim. 4:16.
4. Paano nakikinabang ang taong tumitingin sa Salita ng Diyos at kumikilos para ayusin ang sarili?
4 Ang ating panloob na pagkatao—na siyang tinitingnan ni Jehova—ay di-hamak na mas mahalaga kaysa sa ating hitsura. (1 Ped. 3:3, 4) Paano nakikinabang ang taong tumitingin sa Salita ng Diyos at kumikilos para ayusin ang sarili? ‘Hindi siya isang tagapakinig na malilimutin kundi isang tagatupad ng gawain, kaya magiging maligaya siya sa paggawa nito.’ (Sant. 1:25) Oo, magiging maligaya tayo at epektibong mga ministro dahil sa ‘pagpapaaninag ng kaluwalhatian ni Jehova tulad ng mga salamin.’—2 Cor. 3:18.