Kabanata 9—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Ang Tipan ng Diyos sa Kaniyang “Kaibigan” ay Pinakikinabangan Na ng Angaw-angaw
1, 2. (a) Anong palakaibigang kaugnayan ang pinakikinabangan na ng angaw-angaw? (b) Bakit naging kaibigan ng Diyos si Abraham?
MAHIGIT na 1,950 taon na ang nakalipas isang tunay na kaibigan ng lahat ng sangkatauhan ay nagsabi: “Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Ang nagsalita, si Jesus, ay isang inapo ng lalaking tinawag na kaibigan ng Isa na namumukod tangi sa lahat ng sansinukob, ang Diyos na Jehova. Ang palakaibigang kaugnayang ito, bagaman waring hindi kapani-paniwala, ay pinakikinabangan na ng angaw-angaw.
2 Sino ang taong ito noong sinaunang panahon na nakagawa ng napakalaki para sa atin dahilan sa kaniyang pakikipagkaibigan sa Diyos? Siya si Abraham, isang inapo ng taong si Shem, isa sa mga nakaligtas sa pangglobong Baha noong kaarawan ni Noe. Si Abraham ay pumasok sa isang pakikipag-ugnayan sa Diyos, itinatanghal ang mga katangian ng isang tunay na kaibigan. Udyok ng pag-ibig at pananampalataya, si Abraham ay kumilos na kasuwato ng kalooban ng Diyos, at sa kadahilanang ito ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nagsasabi: “At natupad ang kasulatan na nagsasabi: ‘Si Abraham ay sumampalataya kay Jehova, at sa kaniya’y ibinilang iyon na katuwiran,’ at siya’y tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’”—Santiago 2:23.
3, 4. (a) Ano ang nagpapakita kung gaanong lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang pananampalataya at pagtitiwala na inilagak sa kaniya ni Abraham? (b) Sa anong mga salita winakasan ni Jehova ang pangungusap na ito sa Isaias 41:8?
3 Ang taong iyon ng pananampalataya at pagkilos ay mula sa lunsod ng Ur ng mga Caldeo, at siya ang kauna-unahang tinawag na isang Hebreo. (Genesis 14:13) Ang katawagang ito ay ikinapit sa kaniyang mga inapo ng bansang Israel. (Filipos 3:5) Dahilan sa paggawa niya kay Abraham na kaniyang kaibigan, sinabi rin sa kaniya ng Diyos na Jehova ang ilan sa Kaniyang personal na mga bagay. Ito ay ipinakikita ng kung ano ang nasusulat sa Genesis 18:17-19.
4 Inilalarawan niyan kung gaano lubhang pinahalagahan ng Diyos na Jehova ang pananampalataya at pagtitiwala na inilagak sa kaniya ni Abraham, na nagbunga ng walang pag-aalinlangang pagsunod sa bahagi ni Abraham. Kaya walang pagkapahiya o paghingi ng paumanhin, winakasan ni Jehova ang kaniyang pananalita sa bansang Israel sa pagsasabing: “Subalit ikaw, Oh Israel, ang aking lingkod, ikaw, Oh Jacob, na aking pinili, ang binhi ni Abraham na aking kaibigan.”—Isaias 41:8.
Ang Tipang Abrahamiko ay Nagkabisa
5, 6. (a) Anong tipan ang ginawa ni Jehova sa kaniyang kaibigang si Abraham? (b) Sa harap ng anong salungat na mga kalagayan nangako ang Diyos sa kaniyang kaibigan tungkol sa isang “binhi”?
5 Sa lawak na roon ang isa ay inaakay ng buklod ng isang maibiging kaibigan ay inilalarawan ng bagay na ang Soberano ng sansinukob, si Jehova, ay nakipagtipan sa isa lamang hamak na taong ito, si Abraham. Sa Genesis 15:18 ating mababasa: “Nang araw na yaon si Jehova ay nakipagtipan kay Abram [Abraham], na nagsabi: ‘Sa iyong binhi ibibigay ko ang lupaing ito, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang ilog Eufrates.’”
6 Ang Eufrates ang ilog na tinawid ni Abraham at ng kaniyang sambahayan upang pumasok sa Lupang Pangako. Sa panahon ng pagtawid, si Abraham ay walang anak, bagaman ang edad niya noon ay 75 na, at ang kaniyang asawa ay lagpas na sa edad ng panganganak. (Genesis 12:1-5) Gayunman, sa harap ng gayong salungat na mga kalagayan, sinabi ng Diyos sa masunuring si Abraham: “Tumingala ka, pakisuyo, sa langit at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo ang mga ito. . . . Magiging ganiyan ang iyong binhi.”—Genesis 15:2-5.
7. (a) Ano ang itinawag sa tipang ito? (b) Sa anong taon ito nagkabisa at sa anong pangyayari sa buhay ni Abraham? (c) Ilang taon iyan bago ginawa ang tipang Batas sa bansang Israel?
7 Ang tipan na ginawa ni Jehova sa kaniyang “kaibigan” ay tinatawag natin na tipang Abrahamiko. Ang tipang iyan ay nagkabisa noong 1943 B.C.E. nang sundin ni Abraham ang mga kahilingan ng tipan ng Diyos at tumawid sa Eufrates patungo sa Lupang Pangako. Nang taóng iyon obligado ang Diyos na Jehova na pagpalain ang walang anak na si Abraham ng “binhi.” Ang Batas na kabilang sa tipan na ginawa sa bansang Israel sa Bundok Sinai ay umiral 430 mga taon pagkatapos, noong 1513 B.C.E.—Genesis 12:1-7; Exodo 24:3-8.
Ang Tipang Batas ay Idinagdag sa Tipang Abrahamiko
8. (a) Ano ang layunin ng tipang Batas? (b) Pinawalang-bisa ba ng tipang Batas ang tipang Abrahamiko?
8 Nang panahong iyon, ang mga inapo ni Abraham sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Isaac ay naging isang malayang bayan. Ang bansang Israel ay iniligtas mula sa Ehipto at inakay sa Bundok Sinai sa Arabia. Sa pamamagitan ni Moises bilang ang tagapamagitan, sila ay dinala sa pakikipagtipan sa Diyos na Jehova ng tipang Batas. Yamang ang mga Israelitang iyon ay likas na mga inapo ng “kaibigan” ni Jehova, si Abraham, ano nga ba ang layunin ng gayong tipang Batas? Ito’y magsisilbing isang proteksiyon sa piniling bayan ni Jehova. Hindi pinawalang-bisa ng tipang Batas ang tipang Abrahamiko, bagaman ipinakita nito ang bansang Israel bilang mga makasalanan sa liwanag ng sakdal na batas ng Diyos.—Galacia 3:19-23.
9, 10. (a) Ano ang inaakala ng mga inapo ni Abraham sa pangkalahatan tungkol sa “binhi” na sa pamamagitan nito ay pagpapalain ng lahat ng mga bansa ang kanilang sarili? (b) Ang kanila bang palagay ay napatunayang totoo?
9 Sa makasagisag na pananalita, ang mga Israelita ay naging “mga anak” ng tipang Batas na iyon. Inaakala nila na sapagkat sila’y likas na mga inapo ni Abraham, sila ay kusang naging ang “binhi” na sa pamamagitan nito pagpapalain ng lahat ng mga bansa ang kanilang sarili. Ganito nga ba ang nangyari? Hindi! Sa ngayon, pagkalipas ng halos 3,500 mga taon, nakikita natin ang malayang sekular na Republika ng Israel, subalit ito ay nakikipagbaka para sa buhay nito sa gitna ng maraming napopoot na mga bansa.
10 Kaya ang pagiging isang proselitang Judio ngayon taglay ang ideya na maging bahagi ng “binhi” ni Abraham sa ikapagpapala ng lahat ng sangkatauhan ay hindi siyang paraan ng Diyos na Jehova. Ano, kung gayon, ang naganap?
11. Paano ipinaliwanag ni apostol Pablo ang nangyari sa likas na mga inapo ni Abraham?
11 Ipinaliliwanag ni apostol Pablo ang bagay na iyan sa atin, na sinasabi: “Nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak na lalaki, ang isa’y sa aliping babae [si Hagar] at ang isa’y sa babaing malaya [si Sara]; subalit ang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman, ang anak naman sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako. Ang mga bagay na ito’y nagsisilbing isang makasagisag na dula; sapagkat ang mga babaing ito ay nangangahulugan ng dalawang tipan, ang isa’y mula sa Bundok ng Sinai, na nag-aanak para sa pagkaalipin, at ito’y si Hagar. Ngayon ang Hagar na ito ay nangangahulugan na Sinai, isang bundok sa Arabia, at siya’y katumbas ng Jerusalem ngayon, sapagkat siya’y nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak. Ngunit ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siyang ina natin.”—Galacia 4:22-26.
12. Kanino lumalarawan ang aliping babae na si Hagar?
12 Ang Jerusalem na kumakatawan sa aliping babae na si Hagar ay makalupa, pinaninirahan ng mga Judio sa laman. Noong mga kaarawan ni Jesu-Kristo, ito ang kabisera ng bansang Israel at nasa ilalim ng tipang Batas. (Mateo 23:37, 38) Yamang ang tipang Batas na pinamagitanan ni Moises ay ipinatutupad pa, ang likas na Israel ang nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Kaya ito ay maaaring ilarawan ng isang babae, ni Hagar na aliping babae ni Sara.
Ang Tunay na mga Anak ng Tipang Abrahamiko
13. (a) Ano ang lumalarawan sa asawa ni Abraham, si Sara? (b) Bakit ang “Jerusalem sa itaas” ay maaaring tawaging “malaya”?
13 Sa kabilang dako, “ang Jerusalem sa itaas” ang di-nakikitang makalangit na organisasyon ni Jehova. Kasuwato nito, ito ay maaaring ilarawan ng isang babae, ni Sara, ang tunay na asawa ni Abraham. Ang tipang Batas ay hindi ginawa sa organisasyong ito, kaya “ang Jerusalem sa itaas” ay malaya, tulad ni Sara noong una. Ito ang organisasyon na nagbubunga ng ipinangakong “binhi,” at iyan ang dahilan kung bakit matatawag ito ni apostol Pablo na “ina natin.”
14. Ang tipang Abrahamiko ba ay kumakapit sa “Jerusalem sa itaas,” at ano kung gayon ang maaaring itawag sa inianak-sa-espiritung mga alagad ni Jesu-Kristo?
14 Kung gayon, ang tipang Abrahamiko ay kumakapit nga sa kaniya bilang ang simbolikong asawa ng Lalong-dakilang Abraham, oo, sa pansansinukob na organisasyon ni Jehova roon sa mga langit. Samakatuwid ang inianak-sa-espiritung mga alagad ni Jesu-Kristo ay, gaya ni apostol Pablo, mga anak na lalaki, o mga anak, ng tipang Abrahamiko. Si Pablo ay nangangatuwiran pa, na sinasabi:
15. Ano ang sinabi ni apostol Pablo sa Galacia 4:27-31 kung tungkol sa “mga anak” ng tipang Abrahamiko?
15 “Sapagkat nasusulat: ‘Magsaya ka, oh baog na hindi nanganganak; biglang umawit ka at humiyaw ka, ikaw na babaing hindi nagdaramdam sa panganganak; sapagkat higit pa ang mga anak ng babaing pinabayaan kaysa mga anak ng babaing may asawa.’ Ngayon tayo, mga kapatid, ay mga anak sa pangako na gaya ni Isaac. Subalit kung paano noon na yaong ipinanganak ayon sa laman ay nagsimulang nang-usig sa isang ipinanganak ayon sa espiritu, gayundin naman ngayon. Gayunman, ano ang sinasabi ng Kasulatan? ‘Palayasin ang aliping babae at ang kaniyang anak, sapagkat ang anak ng babaing alipin ay hindi maaaring maging tagapagmana kasama ng anak ng babaing malaya.’ Kaya nga, mga kapatid, tayo’y mga anak, hindi ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.”—Galacia 4:27-31; Isaias 54:1.
16. Ano ang inihula ng simbolikong drama noong sinaunang panahon kung tungkol sa tipang Batas, iniiwan nitong manatili ang ano?
16 Sa gayon inihula ng simbolikong dramang iyon noong sinaunang panahon na ang Diyos na Jehova, ang Lalong-dakilang Abraham, ay magbubukod ng tipang Batas na ipakikipagtipan sa Israel sa Bundok Sinai. Sa ganitong paraan ang karagdagan (ang tipang Batas) sa tipang Abrahamiko ay babawasin, o aalisin, iniiwan lamang ang tipang Abrahamiko taglay ang pangako nito tungkol sa isang “binhi” na sa pamamagitan nito pagpapalain ng lahat ng angkan sa lupa ang kanilang sarili.
17. (a) Gaano katagal magpapatuloy ang tipang Batas? (b) Bakit si Jesu-Kristo ang pangunahing inapo ni Abraham? (c) Ang pagiging Punong Ahente ng Diyos ni Jesus sa ikapagpapala ng lahat ng mga angkan sa lupa ay depende sa ano?
17 Kaya ang idinagdag na tipang Batas ay magpapatuloy hanggang sa dumating ang ipinangakong “binhi,” at ito’y napatunayang si Jesu-Kristo. Sa pamamagitan ng himala ng Diyos, siya ay naging inapo ni Abraham sa laman. Siya ang naging pangunahing inapo ng patriarkang iyan. Hindi lamang siya inapo ni Abraham sa laman kundi siya rin ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y isang sakdal na tao, isa na nanatiling “tapat, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Hebreo 7:26) Gayunman, ang kaniyang pagiging Punong Ahente ng Diyos sa ikapagpapala ng lahat ng angkan sa lupa ay depende sa pagsasakripisyo ng kaniyang sakdal buhay tao at ang pagkakapit ng halaga nito alang-alang sa lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng gayong pagsasakripisyo-sa-sarili, siya ay magsisilbi bilang ang dakilang Mataas na Saserdote ni Jehova, inihahandog ang isang hain na nakatutugon sa lahat ng mga kahilingan ng Diyos.
Ang Tipang Batas ay Ipinako sa Pahirapang Tulos ni Jesus
18. (a) Kanino unang ihaharap ang mga pakinabang ng haing pantubos, at bakit? (b) Naging ano si Jesus?
18 Ang mga pakinabang ng haing pantubos na ito ay unang ihaharap alang-alang sa bansang Judio, kung saan si Jesus ay naging isang membro sa pamamagitan ng kaniyang makahimalang kapanganakan kay birheng Maria. Ito ay lubhang mahalaga, sapagkat ang mga Judio ay nasa ilalim ng dobleng paghatol sa kamatayan. Bakit gayon? Una, sila ay mga supling ng makasalanang si Adan, at pangalawa, dahilan sa kanilang di-kasakdalan, sila’y isinumpa dahil sa hindi pamumuhay ayon sa tipang Batas ng Diyos. Gayunman, si Jesus ay naging isang sumpa para sa kanila. Sa pamamagitan ng pagpapako sa kaniya sa isang pahirapang tulos hanggang sa kamatayan, naalis niya ang sumpa mula sa “mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.” Noong 33 C.E., ang tipang Batas ay ipinako sa pahirapang tulos ni Jesus, at ang Judiong kulungan ng tupa sa ilalim ng pansamantalang tipang Batas na iyon ay inalis, pinawi.—Mateo 15:24; Galacia 3:10-13; Colosas 2:14.
19. (a) Anong bagong kulungan ng tupa ang kailangang buksan, at ano ang ilalagay rito? (b) Kung gayon yaong mga dinala sa bagong kulungan ng tupa ay naging ano?
19 Kaya isang bagong kulungan ng tupa ang kinakailangang buksan upang mapanuluyan ng espirituwal na mga tupa ng binuhay-muling Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. Ang mapagsakripisyo-sa-sarili na Mabuting Pastol ay siya ring simbolikong pinto sa bagong kulungang ito ng tupa. (Juan 10:7) Yaong dinadala sa bagong kulungang ito ng tupa sa ilalim ng Mabuting Pastol ay nagiging inianak-sa-espiritung mga anak ng Lalong-dakilang Abraham at sa gayo’y bahagi ng kaniyang “binhi.” (Roma 2:28, 29) Tunay, sa mga huling araw na ito isang nalabi ng espirituwal na “binhi” na iyan ang naglilingkod bilang isang pagpapala sa dumaraming angaw-angaw na mga tao sa mahigit na 200 mga lupain.