KALAWANG
Ang mapula, magaspang, at malutong na bagay na namumuo sa bakal lalo na kapag sinira ito ng mahalumigmig na hangin. Kasama rin dito ang bagay na namumuo sa iba’t ibang metal dahil sa pagkaagnas (corrosion). Ang bakal ay kinakalawang, ang tanso at pilak ay sinasabing naaagnas, at kahit ang ginto ay maaaring sirain ng ilang uri ng asido o elemento. Ang salitang Hebreo na chel·ʼahʹ, isinalin bilang “kalawang” (NW; RS) o “linab” (KJ), ay hinalaw sa isang salita na nangangahulugang ‘magkaroon ng sakit.’ (2Cr 16:12) Kaya naman kung tungkol sa metal, tumutukoy ito sa kalawang. (Eze 24:6, 11, 12) Ang salitang Griego na broʹsis ay nangangahulugang “kainin” (Mat 6:19, 20), samantalang ang i·osʹ ay nangangahulugang “kamandag” (Ro 3:13), “lason” (San 3:8) at “kalawang.”—San 5:3.
Inihambing ni Ezekiel ang Jerusalem sa isang tansong kaldero na maluwang ang bibig at “may kalawang sa loob.” Ang kalawang na ito ay lumalarawan sa karumihan, mahalay na paggawi, at pagbububo ng dugo na ginawa ng Jerusalem. Matapos paglutuan ng karne ang kaldero, iniutos na “ipatong iyon nang walang laman sa ibabaw ng mga baga nito upang uminit; at ang tanso nito ay mag-iinit, at ang karumihan nito ay malulusaw sa gitna niyaon. Hayaang mapugnaw ang kalawang nito [at ang tanso nito ay masunog, upang ang karumihan nito ay matunaw sa loob nito, anupat ang kalawang nito ay mapugnaw; RS].”—Eze 24:3-12.
Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang [broʹsis] ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw.” (Mat 6:19, 20) Ang materyal na kayamanan na nakaimbak lamang ay hindi napakikinabangan. Palibhasa’y hindi ginagamit, maaari itong kalawangin at sa bandang huli ay mawalan ng silbi pati sa may-ari nito. Sa katunayan, gaya ng babala ni Santiago sa mga taong mayayaman na nagtitiwala sa materyal na kayamanan: “Ang inyong kayamanan ay nabulok . . . Ang inyong ginto at pilak ay lubusang kinalawang, at ang kanilang kalawang [i·osʹ] ay magiging patotoo laban sa inyo at kakainin ang inyong mga kalamnan. Isang bagay na tulad ng apoy ang inyong naimbak sa mga huling araw. Narito! Ang kabayarang nauukol sa mga manggagawa na nag-ani sa inyong mga bukid ngunit ipinagkakait ninyo, ay patuloy na humihiyaw, at ang mga paghingi ng tulong mula sa mga manggagapas ay pumasok na sa mga tainga ni Jehova ng mga hukbo.” (San 5:2-4) Sa halip na gamitin ang kanilang kayamanan sa tamang paraan, may-kalikuan nila itong ipinagkakait. Miyentras iniimbak nila ito, at habang lalo itong naaagnas at kinakalawang, lalo namang tumitindi ang patotoo laban sa kanila sa harap ng trono ng paghatol ng Diyos. Kabaligtaran naman nito ang inirekomenda ni Jesus nang sabihin niya: “Makipagkaibigan kayo sa ganang inyo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang kapag nabigo ang mga iyon ay tanggapin nila kayo sa walang-hanggang mga tahanang dako.”—Luc 16:9.