Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 7/15 p. 15-20
  • Ang mga Panalangin ay Kailangang may Kasamang mga Gawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Panalangin ay Kailangang may Kasamang mga Gawa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit ang mga Panalangin ay Kailangang Samahan ng mga Gawa
  • Mga Ilang Sinaunang Halimbawa
  • Ang Halimbawa ni Jesus
  • Pagkakapit ng Simulain
  • Ang Panalangin at ang Ating Pagpapatotoo
  • Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Ang Pribilehiyong Panalangin
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Ang mga Panalangin na Sinasagot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kung Papaano Makakamit ang Tulong sa Panalangin
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 7/15 p. 15-20

Ang mga Panalangin ay Kailangang may Kasamang mga Gawa

“Si Jehova ay malayo sa mga balakyot, ngunit kaniyang dinirinig ang dalangin ng mga matuwid.”​—KAWIKAAN 15:29.

1. Ano ang isang kahilingan na dapat matugunan kung ibig natin na sagutin ng Diyos ang ating mga panalangin?

LAHAT ng mga kahilingan ni Jehova ay pantas, makatarungan, at mapagmahal. Sa anumang paraan ay hindi mabigat ang mga ito. (1 Juan 5:3) Kasali na riyan ang kaniyang mga kahilingan tungkol sa panalangin, na isa roon ay na kailangang mamuhay tayo na kasuwato ng ating mga panalangin. Ang ating ikinikilos ay kailangang makalugod sa Diyos na Jehova. Sapagkat kung hindi, paano natin maasahan na pakikinggan niya ang ating mga panalangin at mga pagsusumamo?

2, 3. Bakit hindi sinagot ni Jehova ang mga panalangin ng mga Israelita, gaya ng makikita sa mga salita ni Isaias, ni Jeremias, at ni Mikas?

2 Ito ang pitak ng panalangin na kinaliligtaan ng karamihan ng tao sa Sangkakristiyanuhan, gaya rin ng kung paano kinaligtaan ito ng apostatang mga Israelita noong kaarawan ni Isaias. Kaya naman pinangyari ni Jehova na sabihin ng propetang kumakatawan sa kaniya: “Kahit na kayo manalangin ng napakarami, hindi ko kayo pakikinggan . . . Maghugas kayo; maglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; huminto kayo sa paggawa ng masama. Matuto kayong gumawa ng mabuti.” (Isaias 1:15-17) Oo, kung ibig ng mga Israelitang iyon na kamtin nila ang pabor ng Diyos, kailangang sila’y kumilos sa paraan na nakalulugod sa kaniya. Mainam ang pagkasabi: “Kung ibig mong marinig ka ng Diyos pagka ikaw ay nananalangin, kailangang makinig ka sa Kaniya pagka Siya’y nagsasalita.”

3 Sa katunayan, paulit-ulit na nasumpungan ng Diyos na Jehova na kailangang paalalahanan ang kaniyang bayang Israel ng mga katotohanang ito. Kaya naman ating mababasa: “Siyang naglalayo ng kaniyang pakinig sa pakikinig sa kautusan​—maging ang kaniyang panalangin ay karumal-dumal” sa Diyos. “Si Jehova ay malayo sa mga balakyot, ngunit kaniyang dinirinig ang dalangin ng mga matuwid.” (Kawikaan 28:9; 15:29) Dahilan sa ganitong katayuan, si Jeremias ay naghinagpis: “Tinakpan mo [Jehova] ang iyong sarili ng isang bunton ng alapaap, upang huwag makaraan ang anumang panalangin.” (Panaghoy 3:44) Tunay, ang babala na kinasihan si Mikas na ibigay ay natupad: “Sila’y dadaing kay Jehova at hihingi ng tulong, ngunit hindi sila sasagutin. At ang kaniyang mukha ay ikukubli niya sa kanila sa panahong iyon, ayon sa kanilang ginawang kasamaan sa kanilang mga gawa.”​—Mikas 3:4; Kawikaan 1:28-32.

4. Ano ang nagpapakita na kahit na sa mga lingkod ni Jehova ang iba ay hindi nagpapahalaga sa pangangailangan na ang kanilang mga gawa’y maging kasuwato ng kanilang mga panalangin?

4 Kaya kinakailangan na mamuhay na kasuwato ng ating mga panalangin. Kailangan bang idiin ang bagay na ito sa ngayon? Kailangan nga, hindi lamang dahilan sa situwasyon sa Sangkakristiyanuhan kundi rin naman dahilan sa situwasyon ng ilan sa nag-alay na mga lingkod ni Jehova. Sa mahigit na 3,000,000 mamamahayag ng mabuting balita noong nakaraang taon, mahigit na 37,000 ang itiniwalag dahilan sa asal na di nararapat sa isang Kristiyano. Iyan ay umaabot sa katumbasan na humigit-kumulang isa sa 80. Malamang, karamihan ng mga taong ito ay nananalangin ng marahil ay manaka-naka. Subalit sila ba’y kumikilos na kasuwato ng kanilang mga panalangin? Hinding-hindi! Mayroon pa ngang mga ilang elders (matatanda) na nasa buong-panahong paglilingkod na nang maraming taon ang kabilang sa mga dinisiplina sa paano’t paano man. Anong lungkot nga! Oo, “Ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal,” upang huwag siyang kumilos sa paraan na ang kaniyang mga panalangin ay hindi tinatanggap ng kaniyang Maylikha.​—1 Corinto 10:12.

Kung Bakit ang mga Panalangin ay Kailangang Samahan ng mga Gawa

5. Upang sagutin ni Jehova ang ating mga panalangin, paano natin patutunayan ang ating kataimtiman?

5 Upang ang ating mga panalangin ay dinggin ng Diyos na Jehova, tayo ay kailangang hindi lamang malinis sa moral at sa espirituwal kundi kailangang patunayan din natin ang kataimtiman ng ating mga panalangin sa pamamagitan ng paglalakip ng mga gawa sa ating ipinapanalangin. Ang panalangin lamang ay hindi isang panghalili sa taimtim, na matalinong pagsisikap. Hindi gagawin ni Jehova para sa atin ang magagawa naman natin para sa ating sarili sa pamamagitan ng masikap na pagkakapit ng payo ng kaniyang Salita at pagsunod sa pag-akay ng kaniyang banal na espiritu. Dapat na handa tayong gawin ang lahat ng magagawa natin sa bagay na ito upang siya’y magkaroon ng batayan ng pagsagot sa ating mga panalangin. Kung gayon, tayo’y ‘di dapat humingi ng higit kaysa handa tayong isagawa,’ gaya ng pagkasabi ng isa tungkol dito.

6. Sa anong dalawang dahilan dapat tayong manalangin?

6 Gayunman, baka itanong: ‘Bakit pa tayo mananalangin kung kailangan pa ring gumawa tayo para sa ating hinihiling sa panalangin?’ Tayo’y dapat manalangin ng dahil sa humigit-kumulang dalawang mabubuting kadahilanan. Una, sa pamamagitan ng ating mga panalangin ay kinikilala natin na lahat ng mabubuting bagay ay nanggagaling sa Diyos. Siya ang Tagapagbigay ng mabuti at sakdal na kaloob​—ang sikat ng araw, ang ulan, ang nagpapabungang mga paghahali-halili ng panahon, at marami pang iba! (Mateo 5:45; Gawa 14:16, 17; Santiago 1:17) Ikalawa, ang tagumpay o di-tagumpay ng ating mga pagpapagal ay depende sa pagpapala ni Jehova. Gaya ng mababasa natin sa Awit 127:1: “Malibang si Jehova mismo ang magtatayo ng bahay, walang kabuluhan ang masikap na pagpapagal doon ng mga nagsisipagtayo. Maliban na si Jehova ang magbantay sa lunsod, walang kabuluhan ang pamamalaging gising ng bantay.” Ang ganiyan ding punto ang nililinaw ng mga salitang ito ni apostol Pablo sa 1 Corinto 3:6, 7: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpalago; anupa’t walang anuman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig, kundi ang Diyos na siyang nagpapalago.”

Mga Ilang Sinaunang Halimbawa

7, 8. (a) Anong pangyayari sa buhay ni Jacob ang nagpapakita na kaniyang nauunawaan na ang mga panalangin ay kailangang may kasamang mga gawa? (b) Anong halimbawa ang ipinakita ni Haring David sa bagay na ito?

7 Ang Kasulatan ay nag-uulat ng maraming halimbawa na nagpapakitang ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay gumawa ayon sa kanilang hinihiling sa panalangin. Isaalang-alang natin ang ilang mga maiinam na halimbawa. Dahilan sa ang apo ni Abraham na si Jacob ang nagkamit ng pagpapala sa karapatan sa pagkapanganay, ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Esau ay tinubuan ng mamamatay-taong pagkapoot sa kaniya. (Genesis 27:41) Makalipas ang humigit-kumulang 20 taon, nang si Jacob ay pabalik na galing sa Paddan-aram patungo sa kaniyang sinilangang lupain at may kasamang malaking sambahayan at maraming mga hayupan, kaniyang nabalitaan na si Esau ay sasalubong sa kaniya. Naalaala niya ang pagkapoot sa kaniya ni Esau, kaya si Jacob ay nanalangin nang buong ningas kay Jehova para iligtas siya sa pagkapoot ng kaniyang kapatid. Ngunit ganoon ba lamang ang ginawa niya? Hindi nga. Siya’y patiunang nagpadala ng maraming regalo, at nangangatuwirang: “Paglulubagin ko ang kaniyang galit sa pamamagitan ng regalo na ipauuna ko sa akin.” At ganoon nga ang nangyari, sapagkat nang magkita na ang dalawang magkapatid, niyakap ni Esau si Jacob at hinagkan siya.​—Genesis, kabanata 32, 33.

8 Si David ay isa pang halimbawa ng paglalakip ng gawa sa kaniyang hinihingi sa pananalangin. Nang agawin ng kaniyang anak na si Absalom ang kaniyang trono, ang tagapayo ni David na si Ahithophel ay kumampi kay Absalom. Kaya’t taimtim na nanalangin si David na sana’y mabigo ang payo ni Ahithophel. Si David ba ay nanalangin lamang na ganoon nga ang mangyari? Hindi, iniutos niya sa kaniyang tapat na tagapayo na si Hushai na makisama kay Absalom upang kaniyang mabigo ang payo ni Ahithophel. At ganoon nga ang kinalabasan ng mga bagay-bagay. Si Absalom ay kumilos dahil sa masamang payo na ibinigay sa kaniya ni Hushai, tinanggihan niya ang payo ni Ahithophel.​—2 Samuel 15:31-37; 17:1-14; 18:6-8.

9. Paano ipinakita ni Nehemias na nauunawaan niya ang simulain na ang mga panalangin ay kailangang may mga gawa?

9 Datapuwat ang isa pang maaaring banggitin para sa ating ikatututo ay yaong halimbawa ni Nehemias. Siya’y binigyan ng malaking proyekto na gagampanan​—ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. Subalit, maraming kaaway ang nagsasabwatan laban sa kaniya. Si Nehemias ay kapuwa nanalangin at gumawa, gaya ng mababasa natin: “Kami’y nanalangin sa aming Diyos at naglagay ng bantay laban sa kanila araw at gabi.” Mula na noon, kalahati ng mga kabinataan na kasama ni Nehemias ay laging handa na ipagsanggalang ang kabilang kalahati, yaong mga nagtatayo ng pader.​—Nehemias 4:9, 16.

Ang Halimbawa ni Jesus

10, 11. Anong mga halimbawa na ipinakita ni Jesus ang nagpapakita na siya’y kumilos kasuwato ng kaniyang mga panalangin?

10 Si Jesus ay nagpakita sa atin ng isang mainam na halimbawa ng paglalakip ng gawa sa ating panalangin. Kaniyang tinuruan tayo na manalangin: “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Subalit ginawa rin ni Jesus ang lahat ng dapat niyang gawin upang pakabanalin ng mga tagapakinig niya ang pangalan ng kaniyang Ama. Gayundin naman, si Jesus ay hindi lamang nanalangin: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” (Juan 12:28) Hindi, kundi ginawa niya ang magagawa niya upang luwalhatiin ang pangalan ng kaniyang Ama at maakit din ang iba na gawin ito.​—Lucas 5:23-26; 17:12-15; Juan 17:4.

11 Palibhasa’y nakita ni Jesus ang malaking espirituwal na pangangailangan ng mga tao, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang aanihin ay marami, datapuwat kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng pag-aani [ang Diyos na Jehova] na magpadala siya ng manggagawa sa kaniyang aanihin.” (Mateo 9:37, 38) Basta pinabayaan ba ni Jesus na ganoon na lamang? Tunay na hindi! Pagkatapos na pagkatapos niyaon, ang kaniyang 12 apostol ay sinugo niya nang dala-dalawa sa pangangaral, o ‘pag-aani.’ Nang magtagal-tagal, sinugo naman ni Jesus ang 70 ebanghelisador upang gawin ang ganoon ding gawain.​—Mateo 10:1-10; Lucas 10:1-9.

Pagkakapit ng Simulain

12. Anong kaugnayan mayroon ang gawa sa ating mga panalangin na bigyan tayo ng Diyos ng ating kakanin sa araw-araw?

12 Maliwanag, inaasahan ng Diyos na Jehova na tayo’y hindi magiging pabagu-bago, na tayo’y kikilos na kasuwato ng ating mga panalangin, sa ganoo’y pinatutunayan ang ating kataimtiman. Tayo’y sinabihan ni Jesus na manalangin: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakainin para sa araw na ito.” (Mateo 6:11) Matuwid, kung gayon, na lahat ng kaniyang mga tagasunod ay manalangin sa Diyos ng gayon. Subalit inaasahan ba natin na sasagutin ng ating makalangit na Ama ang panalangin na iyan kung hindi tayo gagawa ng anuman tungkol diyan? Siyempre hindi. Kaya naman mababasa natin: “Ang tamad ay nagnanasa”​—marahil kahit na sa panalangin​—​“ngunit hubad ang kaniyang kaluluwa.” (Kawikaan 13:4) Ganiyan din ang punto ni apostol Pablo sa 2 Tesalonica 3:10, na nagsasabi: “Kung ang sinuman ay ayaw gumawa, huwag siyang pakainin.” Sa pananalangin na bigyan tayo ng ating araw-araw na kakainin ay kailangan na handa tayong gumawa. Kapuna-puna, may kapantasan na sinabi ni Pablo na yaong mga “ayaw gumawa” ay hindi dapat kumain. Ang mga iba na ibig magtrabaho, ay baka walang hanapbuhay, maysakit, o totoong matanda na upang magtrabaho. Ibig nilang magtrabaho, subalit hindi nila kaya. Kung gayon, matuwid na manalangin sila at hilingin na bigyan sila ng kanilang araw-araw na kakainin at umasa na tatanggapin nila iyon.

13. Upang sagutin ni Jehova ang ating mga panalangin na bigyan tayo ng kaniyang banal na espiritu, ano ang kailangan nating gawin?

13 Tayo’y pinayuhan din ni Jesus na hilingin sa kaniyang makalangit na Ama na bigyan tayo ng Kaniyang banal na espiritu. Gaya ng katiyakang ibinibigay sa atin ni Jesus, lalong nalulugod ang Diyos na bigyan tayo ng kaniyang banal na espiritu kaysa pagkalugod ng makalupang mga magulang na bigyan ng mabubuting bagay ang kanilang mga anak. (Lucas 11:13) Subalit maaasahan ba natin kay Jehovang Diyos na magbibigay sa atin ng kaniyang banal na espiritu sa makahimalang paraan, nang hindi man lamang tayo nagsisikap? Hindi nga! Kailangang gawin natin ang lahat ng magagawa natin upang tumanggap tayo ng banal na espiritu. Bukod sa pananalangin na bigyan tayo niyaon, kailangang buong sipag na kumain tayo ng espirituwal na pagkain na nanggagaling sa Salita ng Diyos. Bakit? Sapagkat hindi nagbibigay ang Diyos na Jehova ng kaniyang banal na espiritu nang hiwalay sa kaniyang Salita, at tayo’y hindi rin naman makaaasa na tatanggap ng kaniyang banal na espiritu kung hindi natin kinikilala ang makalupang alulod na ginagamit ni Jehova sa ngayon, “ang tapat at matalinong alipin,” na ang kumakatawan ay ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Kung walang tulong buhat sa “alipin” na ito, hindi natin mauunawaan ang buong kahulugan ng ating binabasa o malalaman man natin kung papaano ikakapit ang mga bagay na ating natutuhan.​—Mateo 24:45-47.

14, 15. (a) Upang sagutin ni Jehova ang ating panalangin na bigyan tayo ng karunungan, paano tayo dapat makipagtulungan? (b) Paano ito pinatunayan ng halimbawa ni Haring Solomon?

14 Ang simulain na kailangang may kalakip na mga gawa ang mga panalangin ay kumakapit din sa mga salitang ito ng alagad na si Santiago, ang kapatid ni Jesus sa ina: “Kung kulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, patuloy na humingi siya sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay saganang magbigay sa lahat at di nanunumbat; at iyon ay ibibigay sa kaniya.” (Santiago 1:5; Mateo 13:55) Subalit ang kaalaman bang ito ay ibinibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng isang himala? Hindi. Unang-una, kailangang mayroon tayo ng tamang saloobin, gaya ng mababasa natin: “Kaniyang tuturuan ang maaamo ng kaniyang daan.” (Awit 25:9) At paano tinuturuan ng Diyos “ang maaamo”? Sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Muli na naman, kailangang pagsikapan natin na maunawaan iyon at ikapit iyon, gaya ng ipinakikita ng Kawikaan 2:1-6: “Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita at pakakaingatan mo ang aking mga utos, upang iyong ikiling sa karunungan ang iyong pakinig, na ang iyong puso ay maihilig mo sa pag-unawa; oo, kung hihingi ka ng unawa at itataas mo ang iyong tinig sa paghingi ng kaunawaan, kung hahanapin mo ito na parang pilak, . . . kung magkagayo’y mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos. Sapagkat si Jehova mismo ay nagbibigay ng karunungan.”

15 Nang si Haring Solomon ay nanalangin na bigyan siya ng karunungan at makahimala namang sinagot ng Diyos ang kaniyang panalangin, ang simulain ba na kailangang may kalakip na mga gawa ang panalangin ay kumakapit din? Oo, kumakapit ito, sapagkat bilang hari ng Israel, si Solomon ay kinakailangang sumulat ng kaniyang sariling kopya ng Kautusan, basahin iyon araw-araw, at ikapit iyon sa kaniyang buhay. Subalit nang si Solomon ay sumalansang sa mga tagubilin niyaon, gaya ng magparami siya ng mga asawa at mga kabayo, ang kaniyang mga gawa ay hindi na kasuwato ng kaniyang mga panalangin. Kaya naman, si Solomon ay naging apostata at namatay na isang “taong mangmang.”​—Awit 14:1; Deuteronomio 17:16-20; 1 Hari 10:26; 11:3, 4, 11.

16. Anong ilustrasyon ang nagpapakita na kailangang samahan ng mga gawa ang ating mga panalangin na sana’y madaig natin ang mga kahinaan ng laman?

16 Ang simulain na kailangang may kasamang mga gawa ang mga panalangin ay kumakapit din pagka tayo’y humihiling sa Diyos na tulungan tayo na madaig ang ilang mapag-imbot na ugaling nakatanim na sa atin. Sa gayo’y inamin ng isang sister na payunir na siya’y sugapa na sa panonood ng mga soap opera [mga drama sa TV], at siya’y nanonood mula sa ika-11 n.u. hanggang ika-3:30 n.h. araw-araw. Nang marinig niya buhat sa isang pahayag sa pandistritong kombensiyon ang malaking pinsalang nagagawa ng masasagwang programang ito, kaniyang inilapit ang bagay na iyon sa Diyos sa panalangin. Ngunit nangailangan ng kaunting panahon upang madaig niya ang kinaugaliang iyon. Bakit? Sapagkat, gaya ng sinabi niya: ‘Nananalangin ako noon na madaig ko ang ugaling iyon at pagkatapos ay nanonood din ako ng mga programa. Kaya’t minabuti kong manatili sa paglilingkod sa larangan sa buong maghapon para hindi ako matukso. Sa wakas dumating ako sa punto na isinasara ko ang TV sa umaga at napananatiling nakasara iyon sa buong maghapon.’ Oo, bukod sa pananalangin na madaig ang kaniyang kahinaan, kinailangan niyang samahan iyon ng gawa upang madaig iyon.

Ang Panalangin at ang Ating Pagpapatotoo

17-19. (a) Ano ang nagpapatotoo na ang mga Saksi ni Jehova’y kumikilos na kasuwato ng kanilang mga panalangin? (b) Anong halimbawa ng isang indibiduwal ang may ganiyan ding punto?

17 Sa gawaing pangangaral ng Kaharian higit sa lahat lalong totoo ang simulain na ang mga panalangin ay kailangang may kasamang mga gawa. Kaya naman, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang nananalangin na harinawang maragdagan ang mga mang-aani kundi rin naman masigasig sila sa gawaing iyan. Sa gayon, nasaksihan nila ang pambihirang mga pagsulong sa maraming lupain. Narito ang isang halimbawa: Noong 1930 ay mayroong isa lamang Saksi ni Jehova na nangangaral sa Chile. Sa ngayon, ang iisang Saksing iyon ay hindi lamang naging isang libo kundi mga 30,000. (Isaias 60:22) Ito ba’y resulta lamang ng mga panalangin? Hindi, ito’y may kasamang mga gawa. Aba, noong 1986 lamang, ang mga Saksi ni Jehova sa Chile ay gumugol ng mahigit na 6,492,000 mga oras sa gawaing pangangaral!

18 Totoo rin iyan pagka ang pangangaral ay ibinabawal na. Ang mga Saksi ay hindi lamang nananalangin para kamtin nila ang pagsulong kundi sila’y gumagawang patago at patuloy na nangangaral. Kaya naman, sa kabila ng pananalansang ng mga opisyales ay may mga pagsulong sa mga lupaing ito. Sa gayon, sa 33 lupain na kung saan ang mga Saksi ni Jehova’y dumaranas ng gayong pananalansang ng mga opisyales, sa loob ng 1986 na taon ng paglilingkod sila ay gumugol ng mahigit na 32,600,000 mga oras sa kanilang pangangaral at ikinagagalak nila ang 4.6 na porsiyentong pagsulong!

19 Mangyari pa, ang simulain na kailangang lakipan ng mga gawa ang mga panalangin ay kumakapit din sa mga indibiduwal. Maaaring tayo’y nananalangin kay Jehova na magkaroon tayo ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ngunit baka hindi naman natin ginagawa ang lahat upang magkaroon tayo ng isa. Iyan ang karanasan ng isang payunir. Palibhasa’y iisa lamang ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya, siya’y nanalangin na magkaroon sana siya ng higit pa. Siya ba’y nagkasiya na lamang doon? Hindi, kundi maingat na sinuri niya ang kaniyang ministeryo at natuklasan niya na sa kaniyang mga pagdalaw muli ay hindi niya binabanggit ang paksa tungkol sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kaya iyon ang pinagsikapan niyang mapagtagumpayan, at hindi nagtagal ay nagkaroon siya ng dalawa pang pag-aaral sa Bibliya.

20. Bilang sumaryo paano mapapatunayan ang simulain na ang mga panalangin ay kailangang may kasamang mga gawa?

20 Marami pang mga halimbawa ang mababanggit upang patunayan na ang mga panalangin ay kailangang may kasamang mga gawa. Halimbawa, mayroon niyaong mga tungkol sa personal na relasyon sa pamilya o sa kongregasyon. Subalit ang binanggit na mga halimbawa ay sapat na upang lubusang liwanagin na ang mga panalangin ay kailangang may mga gawa. Ito ay lubhang makatuwiran, sapagkat hindi natin maaasahang pakikinggan ng Diyos na Jehova ang ating mga panalangin kung tayo naman ay hindi niya kinalulugdan sa ating mga iniaasal. Maliwanag din na kailangang gawin natin ang lahat ng magagawa natin kasuwato ng ating mga panalangin kung ibig natin na gawin ni Jehova para sa atin ang hindi natin magagawa para sa ating sarili. Oo, ang mga simulain ni Jehova ay pantas at makatarungan. Ito’y may kabuluhan, at sa ating sariling kapakinabangan na tayo’y kumikilos na kasuwato nito.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Anong kahilingan tungkol sa panalangin ang kinaligtaan ng marami sa sinaunang Israel?

◻ Bakit ang Diyos ay makatuwiran sa kaniyang kahilingan na tayo’y gumawa kasabay ng pananalangin ukol sa ibig natin?

◻ Anong sinaunang mga halimbawa ang nagpapakita na ang mga lingkod ni Jehova ay gumawa kalakip ng kanilang mga panalangin?

◻ Upang sagutin ng Diyos ang ating mga panalangin na bigyan tayo ng kaniyang banal na espiritu at ng karunungan, ano ang kailangang ginagawa natin?

◻ Paanong kumakapit sa ministeryo sa larangan ang simulain na ang mga panalangin ay kailangang may kasamang mga gawa?

[Larawan sa pahina 17]

Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalanging maragdagan pa ang mga mang-aani. Ngunit kaniya rin namang sinugo sila sa pangangaral, o gawaing ‘pag-aani’

[Larawan sa pahina 18]

Ikaw ba ay nananalangin na tulungan ka na masupil ang iyong panonood ng telebisyon? Kung gayo’y ikapit mo ang simulain na ang mga panalangin ay kailangang lakipan ng mga gawa sa pamamagitan ng pagsasara ng inyong TV

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share