Kung Bakit Kailangan Natin ang Pananampalataya at Karunungan
Mga Tampok Buhat sa Liham ni Santiago
ANG mga lingkod ni Jehova ay nangangailangan ng pagtitiis pagka sila’y nasa ilalim ng pagsubok. Kailangan ding iwasan nila ang pagkakasala na magbubunga ng hindi pagsang-ayon ng Diyos. Ang ganiyang mga punto ay idiniriin sa liham ni Santiago, at ang paggawa ng positibo tungkol sa mga iyan ay nangangailangan ng aktibong pananampalataya at makalangit na karunungan.
Ang manunulat ng liham na ito ay hindi nagpapakilala ng kaniyang sarili bilang isa sa dalawang apostol ni Jesus na nagngangalang Santiago kundi bilang isang ‘alipin ng Diyos at ni Kristo.’ Gayundin, ang kapatid ni Jesus sa ina na si Judas ay nagsasabing siya’y “isang alipin ni Jesu-Kristo, ngunit isang kapatid ni Santiago.” (Santiago 1:1; Judas 1; Mateo 10:2, 3) Kung gayon, ang kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago ay maliwanag na siyang sumulat ng liham na may taglay ng kaniyang pangalan.—Marcos 6:3.
Ang liham na ito ay hindi bumabanggit ng pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E., at ipinakikita ng mananalaysay na si Josephus na si Santiago ay naging martir hindi pa natatagalan pagkatapos ng kamatayan ng Romanong gobernador na si Festo noong mga 62 C.E.. Maliwanag, kung gayon, na ang liham ay isinulat bago sumapit ang 62 C.E. Ito ay ipinahatid sa “labindalawang tribo” ng espirituwal na Israel, sapagkat ito ay isinulat sa mga nakakapit sa “pananampalataya ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—Santiago 1:1; 2:1; Galacia 6:16.
Si Santiago ay gumagamit ng mga ilustrasyon na makatutulong sa atin na tandaan ang kaniyang payo. Halimbawa, kaniyang ipinakikita na ang isang taong humihingi sa Diyos ng karunungan ay hindi dapat mag-alinlangan, “sapagkat siyang nag-aalinlangan ay gaya ng alon sa dagat na itinataboy ng hangin at ipinapadpad sa magkabi-kabila.” (1:5-8) Ang ating dila ay dapat na supilin sapagkat ito’y umuugit sa atin na gaya ng isang pang-ugit sa isang bangka. (3:1, 4) At upang ating madaig ang mga pagsubok, kailangang tayo’y magpakita ng matiyagang pagtitiis tulad ng isang magsasaka pagka naghihintay ng pag-aani.—5:7, 8.
Pananampalataya, Pagsubok, at mga Gawa
Ipinakikita muna ni Santiago na tayo’y liligaya bilang mga Kristiyano sa kabila ng ating mga dinaranas na pagsubok. (1:1-18) Ang ilan sa mga pagsubok na ito, gaya ng sakit, ay karaniwan sa lahat ng tao, subalit ang mga Kristiyano ay dumaranas din ng paghihirap dahilan sa pagiging mga alipin ng Diyos at ni Kristo. Tayo’y pagkakalooban ni Jehova ng karunungang kinakailangan upang magtiis kung tayo’y patuloy na hihingi nito nang may pananampalataya. Kailanman ay hindi niya tayo sinusubok sa pamamagitan ng masasamang bagay, at tayo’y makaaasa sa kaniya na ang ibibigay sa atin ay mabuti.
Upang tumanggap ng tulong ng Diyos, kailangang sambahin natin siya sa pamamagitan ng mga gawa na nagpapakita ng ating pananampalataya. (1:19–2:26) Kailangan dito na tayo’y maging “mga tagatupad ng salita,” hindi mga tagapakinig lamang. Kailangang supilin natin ang dila, arugain ang mga ulila at ang mga babaing balo, at manatiling walang bahid-dungis sa sanlibutan. Kung tayo’y may pagtingin sa mga mayayaman at hindi naman natin pinapansin ang mga dukha, ating nilalabag “ang kautusang-hari” ng pag-ibig. Kailangang tandaan din natin na ang pananampalataya ay ipinakikita sa pamamagitan ng mga gawa, gaya ng ipinakikita ng mga halimbawa ni Abraham at ni Rahab. Totoo nga, “ang pananampalatayang walang gawa ay patay.”
Makalangit na Karunungan at Panalangin
Ang mga tagapagturo ay nangangailangan ng kapuwa pananampalataya at karunungan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. (3:1-18) Sila’y may napakabigat na pananagutan bilang mga guro. Katulad nila, kailangang supilin natin ang dila—anupa’t tinutulungan tayo ng makalangit na karunungan na gawin iyan.
Sa pamamagitan ng karunungan ay natatalos natin na ang pagpapadala sa makasanlibutang mga hilig ay sisira sa ating kaugnayan sa Diyos. (4:1–5:12) Kung tayo’y nakipagbaka upang kamtin ang mapag-imbot na mga hangarin o ating hinatulan ang mga kapatid natin, tayo’y kailangang magsisi. At gaanong kahalaga na iwasan ang pakikipagkaibigan sa sanlibutang ito, sapagkat ito ay espirituwal na pangangalunya! Huwag nating ipagwalang-bahala ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng materyalistikong pagsasaplano, at sana’y mag-ingat tayo laban sa espiritu ng kawalang-tiyaga at pagbubuntung-hininga laban sa isa’t isa.
Sinumang may sakit sa espiritu ay dapat humingi ng tulong ng matatanda sa kongregasyon. (5:13-20) Kung sakaling may mga kasalanang nagawa, ang kanilang mga panalangin at matalinong payo ay tutulong upang maipanumbalik sa dating espirituwal na kalusugan ang isang nagsising nagkasala. Sa katunayan, “ang nagpapabalik-loob sa isang makasalanan mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas sa kaluluwa [ng nagkasala] buhat sa [espirituwal at walang-hanggang] kamatayan.”
[Kahon sa pahina 23]
Mga Tagatupad ng Salita: Tayo’y dapat maging “mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.” (Santiago 1:22-25) Ang isang tagapakinig lamang “ay katulad ng isang taong tumitingin sa kaniyang natural na mukha sa isang salamin.” Pagkatapos ng sandaling pananalamin, siya’y umaalis “at kaagad ay nalilimutan kung anong uri siya ng tao.” Subalit ang isang “tagatupad ng salita” ay maingat na tumitingin sa sakdal, o kumpleto, na kautusan, sumasaklaw sa lahat ng bagay na kahilingan sa isang Kristiyano. Siya’y “nananatili roon,” patuloy na sinisiyasat niya ang kautusang iyan sa layuning gumawa ng mga pagtutuwid upang masunod iyon nang maingat. (Awit 119:16) Papaanong ang “isang tagatupad ng salita” ay naiiba sa isang taong tumitingin sa isang salamin at nalilimutan ang kaniyang nakikita roon? Bueno, ang tagatupad ay nagkakapit ng salita ni Jehova at nagtatamasa ng Kaniyang pagsang-ayon!—Awit 19:7-11.