Sa Kabila ng mga Pagsubok, Mangunyapit Kayo sa Inyong Pananampalataya!
“Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag kayo ay napaharap sa iba’t ibang pagsubok.”—SANTIAGO 1:2.
1. Sa kabila ng ano naglilingkod kay Jehova ang kaniyang bayan nang may pananampalataya at “kagalakan ng puso”?
ANG bayan ni Jehova ay naglilingkod bilang kaniyang mga Saksi taglay ang pananampalataya sa kaniya at “kagalakan ng puso.” (Deuteronomio 28:47; Isaias 43:10) Ginagawa nila ito bagaman sila ay ginigipit ng maraming pagsubok. Sa kabila ng kanilang mga paghihirap, naaaliw sila sa mga salitang: “Ituring ninyong buong kagalakan, mga kapatid ko, kapag kayo ay napaharap sa iba’t ibang pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subok na katangiang ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagbabata.”—Santiago 1:2, 3.
2. Ano ang nalalaman tungkol sa manunulat ng liham ni Santiago?
2 Ang pangungusap na ito ay isinulat noong mga 62 C.E. ng alagad na si Santiago, ang kapatid sa ina ni Jesu-Kristo. (Marcos 6:3) Si Santiago ay isang matanda sa kongregasyon sa Jerusalem. Sa katunayan, siya, si Cefas (Pedro), at si Juan ay “tila mga haligi”—matibay at matatag na mga suhay ng kongregasyon. (Galacia 2:9) Nang ang isyu tungkol sa pagtutuli ay iharap sa ‘mga apostol at mga nakatatandang lalaki’ noong mga 49 C.E., si Santiago ay gumawa ng isang mahusay na mungkahi ayon sa Kasulatan na tinanggap naman ng unang-siglong lupong tagapamahala.—Gawa 15:6-29.
3. Ano ang ilan sa mga suliranin na napaharap sa unang-siglong mga Kristiyano, at paano tayo makikinabang nang husto sa liham ni Santiago?
3 Bilang isang nababahalang espirituwal na pastol, si Santiago ay ‘nakaaalam sa anyo ng kawan.’ (Kawikaan 27:23) Natanto niya na ang mga Kristiyano ay nakaharap noon sa matitinding pagsubok. Kailangang ibalik sa ayos ang pag-iisip ng ilan, sapagkat nagpapakita sila ng paboritismo sa mayayaman. Para sa ilan, pormalidad lamang ang pagsamba. Ang ilan ay nakasasakit dahil sa kanilang di-masupil na dila. Nagkakaroon ng nakasisirang epekto ang isang makasanlibutang saloobin, at marami ang hindi matiisin ni mapanalanginin. Sa katunayan, may espirituwal na karamdaman ang ilang Kristiyano. Tinalakay ng liham ni Santiago ang gayong mga bagay sa isang nakapagpapatibay na paraan, at ang kaniyang payo ay praktikal din sa ngayon kung paanong ito’y gayon noong unang siglo C.E. Makikinabang tayo nang husto kung isasaalang-alang natin ang liham na ito na gaya ng isa na isinulat sa atin nang personal.a
Kapag Dumaranas Tayo ng mga Pagsubok
4. Paano natin dapat malasin ang mga pagsubok?
4 Ipinakita sa atin ni Santiago kung paano mamalasin ang mga pagsubok. (Santiago 1:1-4) Hindi niya binanggit ang kaniyang pagiging kapamilya ng Anak ng Diyos, anupat mapagpakumbabang tinawag ang kaniyang sarili na “isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.” Sumulat si Santiago sa “labindalawang tribo” ng espirituwal na Israel “na nakapangalat,” una dahil sa pag-uusig. (Gawa 8:1; 11:19; Galacia 6:16; 1 Pedro 1:1) Bilang mga Kristiyano, tayo rin naman ay pinag-uusig, at tayo ay ‘napapaharap sa iba’t ibang pagsubok.’ Ngunit kung tatandaan natin na ang mga pagsubok na binata ay nagpapatibay sa ating pananampalataya, ating ‘ituturing na buong kagalakan’ kapag tayo’y napaharap sa mga ito. Kung iingatan natin ang ating integridad sa Diyos sa panahon ng pagsubok, magdudulot ito sa atin ng walang-hanggang kaligayahan.
5. Ano ang maaaring kalakip sa ating mga pagsubok, at ano ang nangyayari kapag matagumpay nating nababata ang mga ito?
5 Kasali sa ating mga pagsubok ang mga paghihirap na karaniwan sa sangkatauhan. Halimbawa, ang mahinang kalusugan ay maaaring bumagabag sa atin. Ang Diyos ay hindi nagsasagawa ngayon ng makahimalang pagpapagaling, ngunit sinasagot niya ang ating mga panalangin para sa karunungan at lakas na kailangan upang harapin ang karamdaman. (Awit 41:1-3) Bilang pinag-uusig na mga Saksi ni Jehova, nagdurusa rin tayo alang-alang sa katuwiran. (2 Timoteo 3:12; 1 Pedro 3:14) Kapag matagumpay nating binabata ang gayong mga pagsubok, napatutunayan ang ating pananampalataya, anupat nagiging isa na may “subok na katangian.” At kapag nagtatagumpay ang ating pananampalataya, ito ay “gumagawa ng pagbabata.” Ang pananampalatayang lalong pinatibay ng mga pagsubok ay tutulong sa atin na mabata ang mga pagsubok sa hinaharap.
6. Paano ‘ginaganap ng pagbabata ang gawa nito,’ at anong praktikal na mga hakbang ang maaaring gawin kapag tayo’y nasa ilalim ng pagsubok?
6 “Subalit,” sabi ni Santiago, “hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito.” Kung hahayaan nating maganap ang pagsubok nang hindi ito tinatapos agad sa pamamagitan ng di-maka-Kasulatang paraan, gaganapin ng pagbabata ang “gawa” na magpapangyari sa ating maging ganap bilang mga Kristiyano, anupat hindi nagkukulang ng pananampalataya. Sabihin pa, kung ang isang pagsubok ay nagsisiwalat ng isang kahinaan, dapat nating hingin ang tulong ni Jehova upang madaig iyon. Paano kung ang pagsubok ay ang tukso na gumawa ng seksuwal na imoralidad? Ipanalangin natin ang tungkol sa suliranin at pagkatapos ay kumilos na kasuwato ng ating mga panalangin. Baka kailanganin nating lumipat ng pinagtatrabahuhan o gumawa ng ibang hakbang upang maingatan ang integridad sa Diyos.—Genesis 39:7-9; 1 Corinto 10:13.
Ang Paghahanap ng Karunungan
7. Paano tayo maaaring matulungan na harapin ang mga pagsubok?
7 Ipinakita sa atin ni Santiago kung ano ang dapat gawin kapag hindi natin alam kung paano haharapin ang isang pagsubok. (Santiago 1:5-8) Hindi tayo sasawayin ni Jehova dahil sa kakulangan ng karunungan at pananalangin ukol dito taglay ang pananampalataya. Tutulungan niya tayong malasin ang isang pagsubok sa wastong paraan at batahin iyon. Ang Kasulatan ay maaaring itawag-pansin sa atin ng mga kapananampalataya o sa panahon ng pag-aaral ng Bibliya. Ang mga pangyayaring minaniobra ng Diyos ay maaaring magpangyari sa atin na makita kung ano ang dapat nating gawin. Maaaring akayin tayo ng espiritu ng Diyos. (Lucas 11:13) Upang tamasahin ang gayong mga kapakinabangan, natural lamang na kailangan nating manatiling malapit sa Diyos at sa kaniyang bayan.—Kawikaan 18:1.
8. Bakit walang tatanggaping anuman mula kay Jehova ang isang nag-aalinlangan?
8 Pinagkakalooban tayo ni Jehova ng karunungan upang maharap ang mga pagsubok kung ‘patuloy tayong hihingi na may pananampalataya, na hindi sa paanuman nag-aalinlangan.’ Ang isang nag-aalinlangan “ay tulad ng alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan” nang walang katiyakan. Kung ganiyan tayo kabuway sa espirituwal, ‘huwag nating ipalagay na tatanggap tayo ng anuman mula kay Jehova.’ Huwag tayong maging “di-makapagpasiya” at “di-matatag” sa pananalangin o sa ibang paraan. Sa halip, manampalataya tayo kay Jehova, ang Pinagmumulan ng karunungan.—Kawikaan 3:5, 6.
Makapagsasaya ang Mayayaman at ang mga Dukha
9. Bakit may dahilan tayo sa pagsasaya bilang mga mananamba ni Jehova?
9 Kahit na karukhaan ang isa sa ating mga pagsubok, tandaan natin na makapagsasaya kapuwa ang mayayaman at mga dukhang Kristiyano. (Santiago 1:9-11) Bago maging tagasunod ni Jesus, karamihan sa mga pinahiran ay kapos sa materyal at hinahamak ng sanlibutan. (1 Corinto 1:26) Subalit makapagbubunyi sila sa kanilang “pagkakataas” sa katayuan ng pagiging mga tagapagmana ng Kaharian. (Roma 8:16, 17) Sa kabaligtaran, ang mayayaman na dating pinararangalan ay dumanas ng “pagkakababa” bilang mga tagasunod ni Kristo yamang sila’y hinahamak ng sanlibutan. (Juan 7:47-52; 12:42, 43) Gayunman, bilang mga lingkod ni Jehova, tayong lahat ay makapagsasaya sapagkat walang kabuluhan ang makasanlibutang kayamanan at mataas na katayuan kung ihahambing sa espirituwal na kayamanang tinatamasa natin. At anong laki ng ating pasasalamat na sa gitna natin ay walang dako para sa pagmamapuri kung tungkol sa katayuan sa lipunan!—Kawikaan 10:22; Gawa 10:34, 35.
10. Paano dapat malasin ng isang Kristiyano ang materyal na kayamanan?
10 Tinulungan tayo ni Santiago na maunawaang hindi nakasalalay ang ating buhay sa kayamanan at makasanlibutang tagumpay. Kung paanong ang ganda ng bulaklak ay hindi nakahahadlang sa pagkamatay nito sa “nakasusunog na init” ng araw, gayundin naman na ang kayamanan ng isang taong mayaman ay hindi makapagpapahaba ng kaniyang buhay. (Awit 49:6-9; Mateo 6:27) Maaari siyang mamatay habang itinataguyod ang kaniyang “mga landas ng buhay,” marahil sa negosyo. Kaya naman, mahalaga na maging “mayaman sa Diyos” at gawin ang lahat ng makakaya natin upang itaguyod ang kapakanan ng Kaharian.—Lucas 12:13-21; Mateo 6:33; 1 Timoteo 6:17-19.
Maligaya Yaong mga Nagbabata ng Pagsubok
11. Ano ang pag-asa niyaong nangungunyapit sa kanilang pananampalataya sa harap ng mga pagsubok?
11 Mayaman man o dukha, maaari lamang tayong maging maligaya kung magbabata tayo ng ating mga pagsubok. (Santiago 1:12-15) Kung binabata natin ang mga pagsubok na buo ang ating pananampalataya, maaari tayong ipahayag na maligaya, sapagkat may kagalakan sa paggawa ng tama sa paningin ng Diyos. Sa pamamagitan ng pangungunyapit sa kanilang pananampalataya hanggang kamatayan, tinatanggap ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano ang “korona ng buhay,” ang imortalidad sa langit. (Apocalipsis 2:10; 1 Corinto 15:50) Kung tayo ay may makalupang pag-asa at nag-iingat ng ating pananampalataya sa Diyos, makakaasa tayo sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. (Lucas 23:43; Roma 6:23) Ano ngang buti ni Jehova sa lahat ng sumasampalataya sa kaniya!
12. Kapag dumaranas ng kagipitan, bakit hindi natin dapat sabihing: “Ako ay sinusubok ng Diyos”?
12 Posible kaya na subukin tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kagipitan? Hindi, hindi natin dapat sabihin: “Ako ay sinusubok ng Diyos.” Si Jehova ay hindi nagsisikap na udyukan tayong magkasala kundi tiyak na tutulong siya sa atin at bibigyan tayo ng lakas na kailangan upang mabata ang mga pagsubok kung mananatili tayong matatag sa pananampalataya. (Filipos 4:13) Ang Diyos ay banal, kaya hindi niya tayo inilalagay sa mga kalagayan na magpapahina sa ating resistensiya sa paggawa ng masama. Kung masadlak tayo sa isang masamang situwasyon at makagawa ng kasalanan, hindi natin siya dapat sisihin, “sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni siya mismo ay nanunubok ng sinuman.” Bagaman maaaring pahintulutan ni Jehova ang isang pagsubok upang madisiplina tayo sa ating ikabubuti, hindi niya tayo sinusubok na may masamang intensiyon. (Hebreo 12:7-11) Baka tuksuhin tayo ni Satanas na gumawa ng masama, ngunit maililigtas tayo ng Diyos mula sa isang iyan na balakyot.—Mateo 6:13.
13. Ano ang maaaring mangyari kung hindi natin pinaglalabanan ang isang maling pagnanasa?
13 Kailangang maging mapanalanginin tayo sapagkat ang isang situwasyon ay baka umakay sa isang maling pagnanasa na maaaring mag-udyok sa atin na magkasala. Sinabi ni Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.” Hindi natin maaaring sisihin ang Diyos sa ating pagkakasala kung hinayaan nating manahan sa ating puso ang makasalanang pita. Kung hindi natin iwawaksi ang isang maling pagnanasa, ‘ito’y naglilihi,’ naaaruga sa puso, at “nagsisilang ng kasalanan.” Kapag ang kasalanan ay nagampanan na, ito ay “nagluluwal ng kamatayan.” Maliwanag, kailangan nating bantayan ang ating puso at paglabanan ang mga makasalanang hilig. (Kawikaan 4:23) Binabalaan si Cain na ang kasalanan ay malapit nang mangibabaw sa kaniya, ngunit hindi niya ito pinaglabanan. (Genesis 4:4-8) Kaya paano kung nagsisimula na tayong tumahak sa isang di-maka-Kasulatang landasin? Dapat lamang na tayo’y magpasalamat kung sinisikap ng Kristiyanong matatanda na ibalik tayo sa ayos upang hindi tayo magkasala sa Diyos.—Galacia 6:1.
Ang Diyos—Pinagmumulan ng Mabubuting Bagay
14. Sa anong diwa masasabi na ang mga kaloob ng Diyos ay “sakdal”?
14 Dapat nating tandaan na si Jehova ang Pinagmumulan, hindi ng mga pagsubok, kundi ng mabubuting bagay. (Santiago 1:16-18) Binati ni Santiago ang mga kapananampalataya bilang ‘mga kapatid na iniibig’ at ipinakita na ang Diyos ang Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at sakdal na regalo.’ Ang espirituwal at materyal na mga kaloob ni Jehova ay “sakdal,” o kumpleto, anupat walang anumang kulang. Ang mga ito ay “mula sa itaas,” ang tahanang dako ng Diyos sa langit. (1 Hari 8:39) Si Jehova ang “Ama ng makalangit na mga liwanag”—ang araw, ang buwan, at ang mga bituin. Binibigyan din niya tayo ng espirituwal na liwanag at katotohanan. (Awit 43:3; Jeremias 31:35; 2 Corinto 4:6) Di-tulad ng araw na nagpapabago sa mga anino habang kumikilos ito at nasa katirikan nito sa katanghaliang-tapat lamang, ang Diyos ay laging nasa rurok ng kasiglahan sa paglalaan ng mabuti. Tiyak na sasangkapan niya tayo upang harapin ang mga pagsubok kung sasamantalahin natin nang lubusan ang kaniyang espirituwal na mga paglalaan sa pamamagitan ng kaniyang Salita at “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45.
15. Ano ang isa sa pinakamaiinam na kaloob ni Jehova?
15 Ano ang isa sa pinakamaiinam na kaloob ng Diyos? Ang pagluluwal ng espirituwal na mga anak sa pamamagitan ng banal na espiritu, na gumagawa kasuwato ng mabuting balita, o “salita ng katotohanan.” Yaong dumaranas ng isang espirituwal na pagsilang ay “isang uri ng mga pangunang bunga,” na pinili mula sa sangkatauhan upang maging makalangit na “kaharian at mga saserdote.” (Apocalipsis 5:10; Efeso 1:13, 14) Maaaring iniisip ni Santiago ang mga pangunang bunga ng sebada na inihandog noong Nisan 16, na siyang petsa nang buhaying-muli si Jesus, at ang paghahandog ng dalawang tinapay na gawa sa trigo sa araw ng Pentecostes, nang ibuhos ang banal na espiritu. (Levitico 23:4-11, 15-17) Kung gayon, si Jesus ang pangunang bunga at ang kaniyang mga kasamang tagapagmana ang siyang “isang uri ng mga pangunang bunga.” Paano kung tayo ay may makalupang pag-asa? Buweno, ang pagkikintal nito sa ating isip ay tutulong sa atin na mangunyapit sa ating pananampalataya sa Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob,” na nagpaging posible sa buhay na walang hanggan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.
Maging ‘Tagatupad ng Salita’
16. Bakit tayo dapat na maging ‘matulin sa pakikinig ngunit mabagal sa pagsasalita at pagkagalit’?
16 Dumaranas man tayo ngayon o hindi ng mga pagsubok sa ating pananampalataya, dapat tayong maging ‘mga tagatupad ng salita.’ (Santiago 1:19-25) Kailangan tayong maging “matulin sa pakikinig” sa salita ng Diyos, anupat mga masunuring tagatupad nito. (Juan 8:47) Sa kabilang banda, tayo ay maging “mabagal sa pagsasalita,” anupat maingat sa ating mga sinasabi. (Kawikaan 15:28; 16:23) Maaaring hinihimok tayo ni Santiago na huwag maging padalus-dalos sa pagsasabing ang ating mga pagsubok ay nagmumula sa Diyos. Tayo rin naman ay pinapayuhang maging “mabagal sa pagkapoot; sapagkat ang poot ng tao ay hindi nagsasagawa ng katuwiran ng Diyos.” Kung ikinagalit natin ang nasabi ng isang tao, tayo’y ‘maging mabagal’ upang maiwasang tumugon sa pamamagitan ng nakasasakit na salita. (Efeso 4:26, 27) Ang poot na maaaring magbigay sa atin ng mga suliranin at maging isang pagsubok sa iba ay hindi makapagluluwal ng kung ano ang hinihiling sa atin ng pananampalataya sa ating matuwid na Diyos. Bukod pa rito, kung tayo ay “sagana sa kaunawaan,” tayo ay magiging “mabagal sa pagkagalit,” at ang ating mga kapatid ay mapapalapit sa atin.—Kawikaan 14:29.
17. Ano ang naisasakatuparan ng pag-aalis ng kasamaan mula sa puso at isip?
17 Tiyak na dapat tayong maging malaya sa “lahat ng karumihan”—lahat ng bagay na kasuklam-suklam sa Diyos at nagtataguyod ng kapootan. Isa pa, dapat nating ‘alisin ang kalabisang bagay na iyon, ang kasamaan.’ Tayong lahat ay dapat maglinis ng ating buhay mula sa anumang karumihan ng laman o espiritu. (2 Corinto 7:1; 1 Pedro 1:14-16; 1 Juan 1:9) Ang pag-aalis ng kasamaan mula sa puso at isip ay tumulong sa atin na “tanggapin nang may kahinahunan ang pagkikintal ng salita” ng katotohanan. (Gawa 17:11, 12) Gaano man tayo katagal sa pagiging Kristiyano, dapat na patuloy nating hayaang maikintal sa atin ang higit pang katotohanan mula sa Kasulatan. Bakit? Dahil sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos, ang naikintal na salita ay nagluluwal ng “bagong personalidad” na umaakay sa kaligtasan.—Efeso 4:20-24.
18. Paanong ang isa na tagapakinig lamang ng salita ay naiiba sa isa na tagatupad din nito?
18 Paano natin ipinakikita na ang salita ang ating giya? Sa pagiging masunuring ‘mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.’ (Lucas 11:28) Ang “mga tagatupad” ay may pananampalatayang nagluluwal ng mga gawa tulad ng masigasig na paggawa sa ministeryong Kristiyano at regular na pakikibahagi sa mga pulong ng bayan ng Diyos. (Roma 10:14, 15; Hebreo 10:24, 25) Ang isang tagapakinig lamang ng salita “ay tulad ng isang tao na tumitingin sa kaniyang likas na mukha sa salamin.” Tumitingin siya, saka umaalis at nalilimutan kung ano ang kailangan upang ayusin ang kaniyang hitsura. Bilang ‘mga tagatupad ng salita,’ maingat nating pinag-aaralan at sinusunod ang “sakdal na batas” ng Diyos, na dito’y kasali ang lahat ng hinihiling niya sa atin. Kaya ang kalayaang tinatamasa natin ay ang mismong kabaligtaran ng pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan, sapagkat ito’y umaakay sa buhay. Kaya tayo nawa’y ‘magpatuloy sa sakdal na batas,’ anupat laging sinusuri at sinusunod ito. At isip-isipin ninyo! Bilang ‘mga tagatupad ng gawain, hindi malilimuting mga tagapakinig,’ taglay natin ang kagalakan bunga ng pabor ng Diyos.—Awit 19:7-11.
Higit Pa sa Pagiging Pormal na mga Mananamba
19, 20. (a) Ayon sa Santiago 1:26, 27, ano ang hinihiling sa atin ng malinis na pagsamba? (b) Ano ang ilang halimbawa ng walang-dungis na pagsamba?
19 Kung ibig nating tamasahin ang pabor ng Diyos, kailangan nating tandaan na ang tunay na pagsamba ay hindi isang pormalidad lamang. (Santiago 1:26, 27) Baka isipin natin na tayo’y kaaya-ayang ‘pormal na mga mananamba’ ni Jehova, ngunit ang kaniyang pagsusuri sa bawat isa sa atin ang siyang talagang mahalaga. (1 Corinto 4:4) Ang isang maselan na depekto ay maaaring ang pagkabigong ‘rendahan ang dila.’ Dadayain lamang natin ang ating sarili kung inaakala nating nalulugod ang Diyos sa ating pagsamba kung tayo naman ay naninirang-puri sa iba, nagsisinungaling, o ginagamit nang di-wasto ang dila sa ibang paraan. (Levitico 19:16; Efeso 4:25) Tiyak, hindi natin nais na ang ating “anyo ng pagsamba” ay maging “walang saysay” at di-kaayaaya sa Diyos sa anumang dahilan.
20 Bagaman hindi binanggit ni Santiago ang bawat pitak ng malinis na pagsamba, sinabi niya na kasali rito ang ‘pag-aalaga sa mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.’ (Galacia 2:10; 6:10; 1 Juan 3:18) Ang Kristiyanong kongregasyon ay nagpapakita ng pantanging interes sa paglalaan sa mga babaing balo. (Gawa 6:1-6; 1 Timoteo 5:8-10) Yamang ang Diyos ang siyang Tagapagsanggalang ng mga babaing balo at ng mga batang walang ama, makipagtulungan tayo sa Kaniya sa pamamagitan ng paggawa ng makakaya natin upang matulungan sila sa espirituwal at materyal na paraan. (Deuteronomio 10:17, 18) Sa malinis na pagsamba ay kailangan ding “ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan,” ang di-matuwid na lipunan ng tao na nasa kapangyarihan ni Satanas. (Juan 17:16; 1 Juan 5:19) Kaya manatili sana tayong malaya mula sa walang-diyos na paggawi ng sanlibutan upang ating maluwalhati si Jehova at maging kapaki-pakinabang sa paglilingkuran sa kaniya.—2 Timoteo 2:20-22.
21. May kaugnayan sa liham ni Santiago, anong karagdagang katanungan ang nararapat nating isaalang-alang?
21 Ang payo ni Santiago na atin nang natalakay ay dapat makatulong sa atin na makapagbata ng mga pagsubok at mangunyapit sa ating pananampalataya. Dapat nitong pag-ibayuhin ang ating pagpapahalaga sa maibiging Tagapagbigay ng mabubuting kaloob. At tumutulong sa atin ang mga salita ni Santiago upang maisagawa ang malinis na pagsamba. Ano pa ang itinatawag-pansin niya sa atin? Anong karagdagang mga hakbang ang magagawa natin upang patunayan na mayroon tayong tunay na pananampalataya kay Jehova?
[Talababa]
a Sa pribado o pampamilyang pag-aaral ng artikulong ito at ng dalawa pa na kasunod nito, masusumpungan ninyong lalong kapaki-pakinabang na basahin ang bawat binanggit na bahagi ng nakapagpapatibay-pananampalatayang liham ni Santiago.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang tutulong sa atin na makapagbata ng mga pagsubok?
◻ Sa kabila ng mga pagsubok, bakit makapagsasaya ang mga Kristiyano?
◻ Paano tayo maaaring maging mga tagatupad ng salita?
◻ Ano ang nasasangkot sa malinis na pagsamba?
[Larawan sa pahina 9]
Kapag nasa ilalim ng pagsubok, sumampalataya sa kakayanan ni Jehova na tumugon sa mga panalangin
[Mga larawan sa pahina 10]
Ipinahahayag ng ‘mga tagatupad ng salita’ ang Kaharian ng Diyos sa buong sanlibutan