Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Karangalan”
  • Karangalan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Karangalan
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Parangalan si Jehova—Bakit at Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Igalang ang Lahat ng Uring mga Tao
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Magpakita ng Dangal sa Iba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Ibigay ang Karangalan sa mga Karapat-dapat Dito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Karangalan”

KARANGALAN

Ang pangunahing terminong Hebreo na tumutukoy sa “karangalan” ay ka·vohdhʹ, na literal na nangangahulugang “bigat.” (Ihambing ang pagkakagamit ng kaugnay na mga termino sa 1Sa 4:18 at 2Sa 14:26.) Kaya nga ang isa na pinararangalan ay maituturing na bigatin, o may sinasabi. Sa Griego, ang pangngalang ti·meʹ ay nagtatawid ng diwa ng “karangalan,” “paggalang,” “halaga,” “kahalagahan.” Sa gayon, ang pandiwang ti·maʹo ay maaari ring mangahulugang “tinakdaan ng halaga” (Mat 27:9); ang pangngalang ti·meʹ ay maaaring magtaglay ng diwa ng “halaga” (Mat 27:6; Gaw 4:34); at ang pang-uring tiʹmi·os naman ay maaaring mangahulugang “iginagalang,” “mahal,” at ‘mahalaga.’​—Gaw 5:34; 20:24; 1Co 3:12.

Ang Diyos na Jehova at ang Kaniyang Anak. Bilang ang Maylalang at Soberano, ang Diyos na Jehova ay karapat-dapat pag-ukulan ng karangalan, pagpipitagan o paggalang. (1Ti 1:17; Heb 3:3, 4; Apo 4:9-11) Iniuukol ng mga tao ang karangalang ito sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano ang kalugud-lugod sa paningin niya, gaya ng laging ginagawa ng kaniyang Anak. (Ju 8:29, 49) Noong may bisa pa ang tipang Kautusan, mapararangalan ng mga Israelita si Jehova sa pamamagitan ng paghahandog nila ng kanilang pinakamaiinam bilang mga hain.​—Kaw 3:9; Mal 1:6-8.

Ang basta pagsamba sa pormalistikong paraan ay hindi maituturing na isang tunay na pagpaparangal sa Makapangyarihan-sa-lahat. Kailangan din ang tunay na pag-ibig sa mga daan ni Jehova at taimtim na pagnanais na gawin ang kaniyang kalooban. Hindi ito taglay ng relihiyosong mga lider ng Judaismo noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa.​—Mar 7:6; Isa 29:13.

Ipinakita ni Jesu-Kristo ang sakdal na halimbawa ng pagpaparangal sa kaniyang Ama, anupat isinagawa niya nang walang kapintasan ang Kaniyang kalooban hanggang sa punto na ihain niya ang kaniyang buhay. (Mat 26:39; Ju 10:17, 18) Dahil nalulugod siyang gawin ang kalooban ng Ama, pinarangalan siya ng kaniyang Ama sa pamamagitan ng pagkilala sa kaniya bilang ang Kaniyang minamahal at sinang-ayunang Anak. (2Pe 1:17; Mat 17:5) Nang matapos na ang makalupang landasin ni Jesus, pinagkalooban ng Diyos ang kaniyang Anak ng karangalan at karingalan na lubhang nakahihigit kaysa sa tinaglay ni Jesus bago siya naging tao. (Fil 2:9-11) Ipinakikita ng kaso ni Jesu-Kristo kung paano pararangalan ng Kataas-taasan ang lahat ng nagpaparangal sa Kaniya, anupat kinikilala sila bilang Kaniyang sinang-ayunang mga lingkod at pinagpapala sila nang labis-labis.​—1Sa 2:30.

Yamang ang Diyos na Jehova ang isa na lubhang dumakila sa kaniyang Anak, ang lahat ng tumatangging kumilala kay Jesu-Kristo bilang ang imortal na Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon ay hindi nagpaparangal sa Ama. Dahil sa kaniyang katayuan at dahil sa mga naisakatuparan niya, ang Anak ay karapat-dapat pag-ukulan ng karangalan at matapat na suporta. (Ju 5:23; 1Ti 6:15, 16; Apo 5:11-13) Ang lahat ng nagnanais na maparangalan ng Anak bilang kaniyang sinang-ayunang mga alagad ay dapat tumulad sa kaniyang halimbawa at manghawakan nang may katapatan sa kaniyang turo.​—Ro 2:7, 10.

Mga Iba Pa na Dapat Parangalan. Bagaman sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak nararapat iukol ang pinakamalaking karangalan, may mga ugnayan sa gitna ng mga tao na nangangailangan din ng pag-uukol ng karangalan. Dapat parangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagiging masunurin. (Deu 5:16; Efe 6:1, 2) Kapag ang mga magulang ay nangailangan, mapararangalan sila ng kanilang adultong mga anak sa pamamagitan ng kusang-loob na pagbibigay ng materyal na tulong. (Mat 15:4-6; 1Ti 5:3, 4) Bagaman dapat parangalan ng asawang lalaki ang kaniyang asawang babae sa pamamagitan ng pakikitungo sa kaniya nang may pag-ibig at dignidad, dapat ding parangalan ng asawang babae ang kaniyang asawang lalaki sa pamamagitan ng pagpapasakop at pagpapakita ng matinding paggalang. (1Pe 3:1-7) Ang mga matatanda na nagpapagal sa pagtuturo ay dapat bigyan ng “dobleng karangalan,” anupat maliwanag na kalakip dito ang materyal na tulong. (1Ti 5:17, 18) Dapat parangalan ng mga aliping Kristiyano ang kanilang mga panginoon sa pamamagitan ng magalang na pagganap sa mga atas na ibinibigay sa kanila. (1Ti 6:1, 2) Ang mga tagapamahala at ang iba pang mga may awtoridad ay dapat pag-ukulan ng karangalan, o paggalang, na nararapat sa kanilang posisyon. (Ro 13:7) Anuman ang kanilang kalagayan sa buhay, ang lahat ng uri ng tao, bilang mga nilalang ng Diyos, ay nararapat pag-ukulan ng karangalan.​—1Pe 2:17.

Dapat manguna ang mga Kristiyano sa pagpapakita ng dangal sa kanilang mga kapananampalataya. (Ro 12:10) Kalakip dito ang paghanap, hindi sa sariling kapakinabangan ng isa, kundi yaong sa iba. (1Co 10:24) Humihiling ito ng kusang-loob na pagsasagawa ng mabababang gawain. (Luc 22:26; Ju 13:12-17) Mapananatili ang mainam na espiritung ito kung aalalahanin na mahalaga sa Diyos ang bawat mananampalataya at na kailangan ng mga Kristiyano ang isa’t isa, kung paanong nakadepende sa isa’t isa ang bawat sangkap ng katawan ng tao.​—1Co 12:14-27.

Bagaman hindi naman sila naghahanap ng kaluwalhatian, makatuwirang ikinababahala ng mga Kristiyano ang pagpapanatili ng marangal na katayuan sa harap ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak. Kailangan dito ang pagbabantay laban sa mga pakikipagsamahan na nakapagpapasamâ at ang pagtanggi sa mga pagnanasa ng makasalanang laman. Makapananatili lamang ang isa bilang isang marangal na sisidlang magagamit ng Diyos tanging kung mananatili siyang dalisay sa moral at espirituwal. (1Te 4:3-8; 2Ti 2:20-22; Heb 13:4) Dito nakasalig ang tunay na karangalan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share