Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang 1 Juan 4:18 ay nagsasabi sa atin: “Walang takot sa pag-ibig, kundi ang takot ay itinatapon sa labas ng sakdal na pag-ibig.” Subalit si Pedro ay sumulat: “Magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid, matakot sa Diyos.” (1 Pedro 2:17) Papaano natin mapagkakasuwato ang dalawang talatang ito?
Kapuwa sina Pedro at Juan ay mga apostol na tuwirang natuto kay Jesu-Kristo mismo. Kaya naman tayo’y makapagtitiwala na ang kanilang isinulat ay magkasuwato. Tungkol sa mga talatang sinipi na, ang pinakasusi ay na iba’t ibang uri ng takot ang tinutukoy ng dalawang apostol.
Isaalang-alang muna natin ang payo ni Pedro. Gaya ng ipinakikita ng konteksto, si Pedro ay nagpapayo sa mga kapuwa Kristiyano tungkol sa saloobin nila sa mga may awtoridad. Sa ibang salita, siya’y nagkokomento tungkol sa tamang pangmalas sa pagpapasakop sa mga ilang pitak. Sa gayon, siya’y nagpayo sa mga Kristiyano na pasakop sa mga taong humahawak ng awtoridad sa mga pamahalaan ng tao, tulad ng mga hari o mga gobernador. (1 Pedro 2:13, 14) Sa pagpapatuloy, si Pedro ay sumulat: “Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid, matakot sa Diyos, magbigay-dangal sa hari.”—1 Pedro 2:17.
Kung ibabatay sa konteksto, maliwanag na nang sabihin ni Pedro na ang mga Kristiyano’y dapat “matakot sa Diyos,” ang ibig niyang sabihin ay na tayo’y magkaroon ng malalim at taimtim na paggalang sa Diyos, isang pagkatakot na hindi mapalugdan ang pinakamataas na awtoridad.—Ihambing ang Hebreo 11:7.
Kumusta naman ang komento ni apostol Juan? Sa bandang una ng 1 Juan kabanata 4, binanggit ng apostol ang pangangailangang subukin ang “kinasihang mga pahayag” gaya ng nanggagaling sa mga bulaang propeta. Ang mga pahayag na iyon ay tunay na hindi nanggagaling sa Diyos na Jehova; ang mga ito’y nanggagaling sa balakyot na sanlibutan o nagpapaaninaw nito.
Sa kabaligtaran, ang pinahirang mga Kristiyano ay “nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1-6) Dahil dito, ipinayo ni Juan: “Mga minamahal, patuloy na mag-ibigan tayo, sapagkat ang pag-ibig ay nagmumula sa Diyos.” Ang Diyos ang kusang nagpakita ng pag-ibig—siya ang “nagsugo ng kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 4:7-10) Papaano tayo dapat tumugon?
Maliwanag, tayo ay dapat manatiling kaisa ng ating mapagmahal na Diyos. Tayo’y hindi dapat masindak sa kaniya ni katakutan ang paglapit sa kaniya sa panalangin. Una rito si Juan ay nagpayo: “Kung hindi tayo pinapatawan ng hatol ng ating mga puso, tayo ay may kalayaan sa pagsasalita sa Diyos; at anuman ang ating hingin ay ating tatanggapin mula sa kaniya, sapagkat tinutupad natin ang kaniyang mga kautusan.” (1 Juan 3:21, 22) Oo, ang mabuting budhi ay nagbibigay sa atin ng kalayaan na lumapit sa Diyos nang walang pumaparalisa o pumipigil na takot. Dahil sa pag-ibig, tayo’y nakadarama ng kalayaan na tumawag, o lumapit, kay Jehova sa panalangin. Sa bagay na ito, “walang takot sa pag-ibig.”
Kung gayon, pagsamahin natin ang dalawang kaisipan. Ang isang Kristiyano ay laging kailangang magkaroon ng may-pagpipitagang takot kay Jehova, na likha ng matinding paggalang sa kaniyang posisyon, kapangyarihan, at katarungan. Ngunit iniibig din natin ang Diyos bilang ating Ama at nakadarama ng pagkamalapit sa kaniya at ng kalayaang lumapit sa kaniya. Sa halip na napipigil ng anumang pagkatakot sa kaniya, tayo’y nagtitiwala na tayo ay makalalapit sa kaniya, gaya ng isang bata na malayang nakalalapit sa isang mapagmahal na magulang.—Santiago 4:8.