Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 2/15 p. 27-29
  • Tumingin sa Kabila Pa Roon ng mga Bagay na Iyong Nakikita!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tumingin sa Kabila Pa Roon ng mga Bagay na Iyong Nakikita!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Kailangan Iyon?
  • Malasin na Panandalian Lamang ang Kasalukuyang mga Kapighatian!
  • Magpako ng Pansin sa Di-nakikita at Walang-Hanggang mga Bagay!
  • Magsumikap Ngayon Upang Makita ang Di-nakikita!
  • Itinutuon Mo ba ang Iyong Paningin sa Gantimpala?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Maglingkod Nang Tapat sa Kabila ng “Maraming Kapighatian”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Manatiling Matatag na Parang Nakikita ang Isa na Di-Nakikita!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Huwag Kayong Susuko sa Takbuhan Ukol sa Buhay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 2/15 p. 27-29

Tumingin sa Kabila Pa Roon ng mga Bagay na Iyong Nakikita!

ANG malinaw na paningin ay isang pagpapala. Sa katunayan, maraming tao ang magsasabi na iilan lamang sa mga bagay na taglay nila ang mas mahalaga pa rito. Gayunman, para sa mga Kristiyano, may isang uri ng paningin na binanggit ni apostol Pablo na lalong mahalaga kaysa sa malinaw na paningin. “Itinutuon namin ang aming mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita,” ang isinulat ni Pablo. (2 Corinto 4:18) Tiyak na iyon ay isang natatanging uri ng paningin anupat napangyayari nito na makita ng isa ang mga bagay na di-nakikita! Matatawag natin iyon na isang uring espirituwal na 20/20 bista.

Bakit Kailangan Iyon?

Lubhang kailangan ng mga Kristiyano noong unang siglo ang ganitong uri ng espirituwal na paningin. Binabalikat nila ang kanilang Kristiyanong ministeryo sa ilalim ng matinding kahirapan. Ganito ang pagkasabi ni Pablo hinggil dito: “Ginigipit kami sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan na hindi makakilos; naguguluhan kami, ngunit hindi ganap na walang malabasan; pinag-uusig kami, ngunit hindi iniiwan sa kagipitan; ibinabagsak kami, ngunit hindi napupuksa.”​—2 Corinto 4:8, 9.

Sa kabila ng gayong mga kalagayan, nanatiling matatag ang tapat na mga alagad. Taglay ang matibay na pananampalataya sa Diyos, masasabi nga nila ang gaya ng nasabi ni Pablo: “Hindi kami nanghihimagod, kundi kahit na ang pagkatao namin sa labas ay nanghihina, tiyak namang ang pagkatao namin sa loob ay nababago sa araw-araw.” Subalit ano ang nagpangyari ng ganitong pagbabago sa araw-araw? Nagpatuloy pa si Pablo sa pagsasabi: “Sapagkat bagaman ang kapighatian ay panandalian at magaan, nagsasagawa ito sa amin ng isang kaluwalhatian na may lalo at lalo pang nakahihigit na bigat at walang-hanggan; habang itinutuon namin ang aming mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang-hanggan.”​—2 Corinto 4:16-18.

Pinatitibay-loob ni Pablo ang kaniyang espirituwal na mga kapatid na huwag hayaang ang mga suliranin, kahirapan, pag-uusig​—anumang uri ng kapighatian​—​ay magpalabo sa kanilang pangitain ng maluwalhating gantimpala na nakalaan sa kanila. Sila’y dapat tumingin sa kabila pa roon ng kanilang kasalukuyang kalagayan, anupat ipinapako ang kanilang mga mata sa maligayang kahihinatnan ng Kristiyanong landasin. Iyan ang nakatulong sa kanila na sariwaing-muli sa araw-araw ang kanilang pasiya na magpatuloy sa pakikipagpunyagi. Ang mga Kristiyano sa ngayon ay nangangailangan din naman ng gayong malinaw na espirituwal na paningin.

Malasin na Panandalian Lamang ang Kasalukuyang mga Kapighatian!

Gusto man natin o hindi, araw-araw nating nakikita ang mga bagay na hindi natin nanaising makita. Ang isang sulyap sa salamin ay magpapakita ng di-kanais-nais na mga depekto at pilat sa katawan, na nagpapahiwatig ng di-kasakdalan sa pisikal. Kapag nagmamasid tayo sa salamin ng Salita ng Diyos, nakikita natin ang espirituwal na mga depekto at pilat, kapuwa ng ating sarili at ng iba. (Santiago 1:22-25) At kapag tinitingnan natin ang pang-araw-araw na pahayagan o ang palabas sa telebisyon, nanlulumo tayo sa kawalang-katarungan, kalupitan, at trahedya na nakikita natin.

Ibig ni Satanas na masiraan tayo ng loob dahil sa mga bagay na nakikita natin o mailihis tayo at magsimulang matinag ang ating pananampalataya. Papaano natin maiiwasang mangyari ito? Kailangang sundin natin ang halimbawang iniwan ni Jesu-Kristo, gaya ng inirekomenda ni apostol Pedro nang sabihin niya: “Sa katunayan, sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Sa bawat pitak ng Kristiyanong pamumuhay, si Jesus ang sakdal na halimbawa.

Sa pagtukoy kay Jesus bilang ating huwaran, partikular na binanggit ni Pedro na si Jesus ay nagdusa. Tunay, si Jesus ay nagdusa nang labis nang siya’y nasa lupa. Bilang “dalubhasang manggagawa” ni Jehova na naroon nang lalangin ang sangkatauhan, alam na alam niya kung ano ang nilayon ng Diyos para sa mga tao. (Kawikaan 8:30, 31) Subalit ngayon ay tuwirang nakita niya kung ano ang idinulot sa kanila ng kasalanan at di-kasakdalan. Sa araw-araw ay nakita niya at kinailangan niyang harapin ang di-kasakdalan at kahinaan ng mga tao. Tiyak na iyan ay naging napakahirap para sa kaniya.​—Mateo 9:36; Marcos 6:34.

Bukod pa sa kapighatian ng iba, dumanas din si Jesus ng sariling kapighatian. (Hebreo 5:7, 8) Ngunit taglay ang sakdal na espirituwal na paningin, tumingin siya sa kabila pa ng mga ito upang makita ang gantimpala ng pagiging itinaas sa imortal na buhay dahil sa kaniyang landasin ng katapatan. Sa panahong iyon bilang Mesianikong Hari, magkakaroon siya ng pribilehiyo na hanguin ang namimighating sangkatauhan buhat sa abang kalagayan nito tungo sa kasakdalan na unang nilayon ni Jehova. Ang pagpapako ng kaniyang paningin sa di-nakikitang pag-asang ito sa hinaharap ang siyang nakatulong sa kaniya na panatilihin ang kagalakan sa maka-Diyos na paglilingkuran sa kabila ng mga kapighatiang nakikita niya sa araw-araw. Isinulat ni Pablo nang bandang huli: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.”​—Hebreo 12:2.

Hindi kailanman pinahintulutan ni Jesus na ang mga kahirapan at maiigting na kalagayan ay magpahina ng kaniyang loob, maglihis sa kaniya, o tuminag ng kaniyang pananampalataya. Bilang kaniyang mga alagad, dapat nating maingat na tularan ang kaniyang napakahusay na halimbawa.​—Mateo 16:24.

Magpako ng Pansin sa Di-nakikita at Walang-Hanggang mga Bagay!

Sa pagbanggit tungkol sa nagpangyari kay Jesus na makapagbata, tinukoy rin ni Pablo ang landasin para sa atin nang siya’y sumulat: “Takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin, habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” (Hebreo 12:1, 2) Oo, upang matakbo natin ang Kristiyanong landasin nang matagumpay at may kagalakan, dapat tayong tumingin sa kabila pa roon ng mga bagay na nasa harapan natin. Subalit papaano natin ‘titingnang mabuti’ si Jesus, at ano ang magagawa nito para sa atin?

Halimbawa, noong 1914, si Jesus ay inilagay bilang Hari sa Kaharian ng Diyos, at namamahala na siya mula sa langit. Sabihin pa, lahat ng ito ay di-nakikita ng ating pisikal na mga mata. Gayunman, kung ating ‘titingnang mabuti’ si Jesus, tutulungan tayo ng ating espirituwal na paningin na makitang siya ngayon ay nakahanda na upang kumilos at wakasan ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay at gapusin si Satanas at ang kaniyang hukbo ng mga demonyo anupat sila’y walang anumang magagawa. Karagdagan pa, isisiwalat ng ating espirituwal na paningin ang kamangha-manghang bagong sanlibutan na doo’y “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 19:11-16; 20:1-3; 21:4.

Samakatuwid, sa halip na mapabigatan ng pansamantalang mga kapighatian na maaaring mapaharap sa atin bawat araw, bakit hindi natin ipako ang ating tingin sa mga bagay na walang-hanggan? Taglay ang mga mata ng pananampalataya, bakit hindi tayo tumingin sa kabila pa roon ng sakit at ng kasakiman ng maruming lupang ito upang makita ang paraisong punô ng malulusog, maliligaya, at mapagmalasakit na mga tao? Bakit hindi tumanaw lampas pa sa ating mga depekto, kapuwa sa pisikal at espirituwal, at makitang napalaya na magpakailanman ang ating mga sarili mula sa mga ito sa bisa ng haing pantubos ni Kristo? Bakit hindi tumingin sa dako pa roon ng mga bangkay na iniwan ng digmaan, krimen, at karahasan at malasin ang mga bagong binuhay-muli na tinuturuan ng kapayapaan at katuwiran ni Jehova?

Bukod dito, kasali sa ‘pagtinging mabuti’ kay Jesus ang pagpapako ng ating espirituwal na paningin sa kung ano ang nagawa na ng Kaharian, bagaman di-nakikita, sa bayan ng Diyos sa lupa: pagkakaisa, kapayapaan, pag-ibig, pagmamahal na pang-kapatid, at espirituwal na kasaganaan. Ganito ang isinulat ng isang Kristiyanong babae sa Alemanya pagkatapos na mapanood ang video na United by Divine Teaching: “Ang video ay tutulong sa akin na patuloy na isiping napakaraming Kristiyanong mga kapatid sa buong daigdig ang naglilingkod na tapat kay Jehova sa mismong sandaling ito​—na ginagawa iyon sa kabila ng pagsalansang ng madla. Pagkahala-halaga nga ng ating pagkakaisa bilang magkakapatid sa isang daigdig ng karahasan at pagkakapootan!”

“Nakikita” rin ba ninyo si Jehova, si Jesus, ang tapat na mga anghel, at ang milyun-milyong kapuwa Kristiyano na nakatayo sa inyong panig? Kung gayon, hindi kayo labis na mababahala sa “kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay” na maaaring magpahina ng inyong loob at gawin kayong “di-mabunga” sa Kristiyanong paglilingkuran. (Mateo 13:22) Kaya ‘tingnang mabuti’ si Jesus sa pamamagitan ng pagpapako ng inyong espirituwal na mga mata sa naitatag na Kaharian ng Diyos at sa mga pagpapala nito, kapuwa sa ngayon at sa hinaharap.

Magsumikap Ngayon Upang Makita ang Di-nakikita!

Yamang nakikita ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng walang-hanggang bagong sanlibutan ng Diyos at ng gumuguhong matandang sanlibutan ngayon, dapat tayong mapakilos na gumawi sa paraan na mapapabilang tayo sa mga karapat-dapat na mabuhay upang literal na makita ang mga bagay na nakikita lamang natin ngayon sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya. Pulu-pulutong ng mga binuhay-muli ang halos hindi makapaniwala sa makikita ng kanilang mga mata kapag sila’y ginising upang makita ang matuwid na paraisong lupa na ibang-iba sa sanlibutan na nakita nila bago sila mamatay. Gunigunihin ang ating kagalakan sapagkat buháy tayo upang salubungin sila at ipaliwanag sa kanila kung ano ang ginawa ng Diyos!​—Ihambing ang Joel 2:21-27.

Oo, napakahalaga nga ng isang malinaw na espirituwal na paningin, at napakahalaga rin naman na ito’y panatilihing matalas! Magagawa natin ito sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, pakikipag-usap sa iba tungkol sa ating salig-Bibliyang pag-asa, at higit sa lahat, pananalangin ukol sa patnubay ng Diyos. Iingatan nitong matalas at malinaw ang ating espirituwal na paningin, anupat makatitingin tayo sa dako pa roon ng mga bagay na ating nakikita!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share