Huwag Pabayaan ang Iyong Kabiyak!
ISANG mag-asawa ang paalis na sa Kingdom Hall. Ang nangakangiting mukha ng mag-asawa ay nagbabadya ng kaligayahan na kanilang tinatamasa bilang “iisang laman,” nagkakaisa ng pagsamba sa kanilang Diyos, si Jehova. (Mateo 19:6) Gayumpaman, sa mula’t mula ay hindi nila tinamasa noon ang gayong pagkakaisa o pagkakaisa ng pananampalataya. May mga panahon noon na ang asawang babae, si Atsuko, ay dumadalong mag-isa sa mga pulong. Pagkatapos ay uuwi siya sa tahanan na ang daratnan ay isang nagagalit na asawang nakasigaw sa kaniya. Ang kaniyang asawang lalaki, si Kazutaka, ay minsan galit na galit kung kaya’t kaniyang sinunggaban ang mesang kainan at, sa isang malakas na pagtutulak, sumabog sa sahig ang lahat ng pagkain para sa hapunan.
Gaya ng patiunang sinalita ni Jesus, ang tunay na pagka-Kristiyano ay nagdala ng pagkakabaha-bahagi sa mga ilang sambahayan. (Mateo 10:34, 35) Gayunman, tulad nina Kazutaka at Atsuko, ang iba ngayon ay nagtatamasa na ng pagkakaisa ng relihiyon at kaligayahan sa kanilang tahanan. Ang gayong pagkakaisa ay hindi sadyang nangyayari lamang, mangyari pa. Ano ba ang ginawa ng mga sumasampalataya upang madaig ang pananalansang at magkaroon ng tunay na pagkakaisa sa pamilya? Bago natin alamin iyan, tingnan natin kung bakit ang ibang mga kabiyak ay sumasalansang.
Bakit Sila Sumasalansang?
“Sa aking paglingon sa nakaraan,” ang pagtatapat ni Atsuko, “natanto ko na ako’y sagsag na sa mga pulong nang hindi ko man lamang ipinaliliwanag ang mga bagay-bagay sa aking kabiyak.” Nang iwanang nag-iisa na hindi pinatatalastasan kung bakit, si Kazutaka ay nagalit.
Ang silakbo ng pananalansang ay maaaring sumiklab din dahil sa paninibugho. Isang kabataang asawang lalaki, si Shigeo, ang tinubuan ng walang-batayang paghihinala tungkol sa mga bagong kasamahan ng kaniyang maybahay. “Pagka ang aking maybahay ay nagme-makeup na at sumasagsag na sa mga pulong, naisip ko na baka siya’y may kalaguyo na ibang lalaki.” “Ang totoo’y hindi kami nagkaroon ng anumang pagkakataon na mag-usap na kaming dalawa lamang,” inamin ni Masako, ang kaniyang maybahay. “Hindi ko man lamang naipahayag ang aking taos-pusong pagnanasa na siya man ay matuto ng katotohanang Kristiyano.”
Si Toshiko, isang ginang ng tahanan, ay nakadama ng gaya ng nadama ni Shigeo. “Nang magsimula nang makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova ang aking asawa, ako’y tumutol sapagkat unti-unting dinagdagan niya ang panahong ginugugol niya sa pakikisama sa kongregasyon. Bumaling ako sa alak upang maibsan ang samâ ng loob ko.”
Ang pahayag ni Toshiko ay nagpapahiwatig ng isa pang dahilan—kalungkutan. Ganiyan ang nadama ng ilang dating mananalansang pagka ang kani-kanilang kabiyak ay regular na dumadalo sa kanilang mga pulong. “Palibhasa’y nag-iisa sa bahay, ang nadama ko’y pinabayaan na ako,” ang nagunitang sabi ng isang asawang lalaki. “Ang nadama ko’y para bagang pinababayaan ako ng aking maybahay at mga anak,” ang sabi naman ng isa pa. Yamang karamihan ng mga lalaki’y nahihirapang magsabi, “ako’y nalulungkot, pakisuyong dumito ka na lamang sa tahanan,” ang iba’y bumabaling sa pananalansang sa relihiyon ng kanilang kabiyak.
Mga panggigipit buhat sa mga kaibigan at kamag-anak ang kung minsan sanhi ng pananalansang ng isang normal na maunawaing kabiyak. Sinasabing sa Silangan ang isang asawang babae ay pangkaraniwan nang “nagiging bahagi ng pamilya imbis na sa kaniyang asawa lamang makisama.” Ang mga panggigipit buhat sa mga kamag-anak ay maaaring dagling pagmulan ng di-pagkakaunawaan. Ang Kristiyanong maybahay ni Takashi ay tumangging makibahagi sa pagsamba sa dambanang Buddhista ng pamilya. “Ang isang nagpalubha ng mga bagay-bagay,” ang paliwanag ni Takashi, “kami’y doon naninirahan malapit sa aking mga magulang. Ako’y ginipit ng aking ina, kaya pinagbantaan ko ang aking maybahay at gumamit ako ng karahasan.”
Ang mga di-pagkakaunawaan, na lumalaki dahil sa di-gaanong pakikipagtalastasan, paninibugho, kalungkutan, o panggigipit buhat sa mga kamag-anak ay maaaring sumiklab tungo sa karahasan. Isang lalaki na nahirati ng pambubugbog sa kaniyang maybahay ang umamin: “Hindi ko ibig na mawala sa akin ang aking pamilya dahil sa isang relihiyon.” Ang isa pa ay nagsabi naman: “Hindi ko gustong datnan ang bahay na walang tao.” Marahil ang kanilang katuwiran, ‘Kung ang mga salita’y hindi makasugpo sa sigasig na ito sa relihiyon, ang ilang suntok ang gagawa nito.’
Nakatutuwa naman, lahat ng mag-asawang binanggit ay nang maglaon nagkaisa sa pagsamba. Ang kanilang di-kanais-nais na karanasan ay bahagi na lamang ng lumipas. Ngunit pagkatapos na kanilang maranasan iyan, sila’y nasa mabuting katayuan na magbigay ng praktikal na mga mungkahing tutulong upang matulungan ang mga ibang dumaranas ng katulad ng naranasan nilang maiigting na kalagayan at posibleng maisauli ang nagkakaisang pagsamba sa mga pamilya na baha-bahagi pa rin sa bagay na ito.
Kumapit Nang Mahigpit sa Katotohanan
Kung iniuunat mo ang iyong kamay upang hilahin at iahon sa tubig ang isang taong nalulunod, kailangang ang mga paa mo ay matatag ang pagkakatayo. Kung hindi, baka ikaw ay mahila rin at mahulog sa tubig. Sa katulad na paraan, ang pinakasusi sa pagtulong sa iyong kabiyak ay ang kumapit nang mahigpit sa nagliligtas-buhay na katotohanan. “Nang nasa sukdulan ang aking pananalansang,” ang sabi ng isang dati’y mananalansang, “akay-akay pa rin ng aking maybahay ang aking mga anak at sila’y nagpupunta sa mga pulong. Kung sila’y nanghinawa, baka nagduda ako kung tunay baga ang kaniyang pananampalataya.”
Si Kazutaka, na nagtaob sa mesang kainan, ay nagtapat tungkol sa kung ano ang bumago ng kaniyang saloobin samantalang ibinibida niya ang natitirang bahagi ng kaniyang istorya: “Sa wakas, hindi ko binigyan si Atsuko ng perang pamasahe. Bagaman gayon, siya’y nagpunta pa rin sa lahat ng mga pulong at dala pa rin ang aming mga anak. Para magawa niya iyon, ang kaniyang personal na mga kagamitan ay kaniyang ibinenta, unti-unti. Nakita kong ako’y isang hangal at nawalan ng loob na salansangin siya. Sa halip, ako’y nagsimulang magbasa na ng mga magasin na kaniyang iniiwan upang makita ko.”
Makipagtalastasan sa Iyong Kabiyak
“Dapat sanang inanyayahan ko ang aking asawang lalaki upang sumama sa akin at naipaalam ko sa kaniya na ibig kong kami’y magkasamang mag-aral ng Bibliya,” ang sabi ng maybahay ni Kazutaka, si Atsuko. “Siya’y nababahala tungkol sa akin at sa pamilya. Ang mabuting pakikipagtalastasan ay malayo sana ang mararating upang maibsan ang kaniyang pagkabahala.” Oo, ang mabuting pakikipagtalastasan ang pinakasusi sa pag-unawa. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang may pagtitiwalang pag-uusap.” (Kawikaan 15:22) Sa kontekstong ito, ang ‘may pagtitiwalang pakikipag-usap’ sa iyong kabiyak tungkol sa mga gawain sa relihiyon ay kailangang pinag-isipang mabuti at isagawa sa mataktikang paraan. “Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig upang magpakita ng unawa, at sa kaniyang bibig ay nadaramtan iyon ng katututuhan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 16:23) Mahalaga rin na magpakaingat sa pagpili sa tamang panahon ng pakikipag-usap.—Eclesiastes 3:7.
Kung papaano ka nakikipag-usap ay marahil kasinghalaga rin ng iyong sinasabi. Si apostol Pablo ay nagpapayo: “Ang inyong pananalita nawa’y maging laging magiliw, timplado ng asin, upang inyong maalaman kung papaano dapat ninyong sagutin ang bawat isa.” (Colosas 4:6) Kung ikaw ay nagsasalita nang magiliw, sa isang paraang kaaya-aya, ang iyong kabiyak ay hindi magsasara ng kaniyang mga tainga sa iyong sasabihin.
Maraming asawang lalaki ang nahihirapan na sila’y turuan ng kani-kanilang maybahay. Kaya ang mga asawang babae ay kailangang maging mapamaraan. Ginamit nang husto ni Kikuyo ang mga publikasyon ng Watch Tower Society. Sinabi niya: “Sa sandaling tanggapin ko sa koreo ang aking Gumising!, ito’y binabasa kong mabuti para sa mga bagay na kawiwilihan ng aking asawang lalaki. Pagkatapos ay mananalangin siya para sa pagkakataon na ang mga iyon ay maibahagi sa kaniya.” Ang magasin ay kaniyang iniiwan sa banyo at tinitingnan ang mga pahina sa araw-araw upang makita kung ang asawang lalaki ay nakabasa na ng isang artikulo. Pagka kaniyang nakitang tila hindi ito nagpapatuloy ng pagbabasa, kaniyang pinapalitan ang magasin. Ang asawa ni Kikuyo ay isa na ngayong ministeryal na lingkod at isang payunir.
Ang Bisa ng Magandang Asal
Ngunit ano kung ang iyong kabiyak ay ayaw na makipagtalakayan sa iyo tungkol sa relihiyon? Baka pagka nakilala niya ang mga ibang Kristiyano ay mapawi ang maapoy na silakbo ng maapoy na pananalansang ng iyong kabiyak at maakit siyang mag-aral ng Bibliya. Si Masao, isang elder na ngayon, noong minsan ay nagbawal sa mga Saksi ni Jehova na tumuntong sa kaniyang tahanan. Nagugunita pa niya: “Sa wakas ay pumayag akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi pagkatapos na ako’y pakiusapan ng aking maybahay na tumulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall. Naantig ang aking damdamin nang makita kong lahat doon ay masayang nagtatrabahong sama-sama—nang walang bayad.”
Ano ang maaari mong gawin kung ang iyong kabiyak ay ayaw makipagtalakayan ng relihiyon sa kaninuman? “Kung ang sinuman ay hindi tumatalima sa salita,” ang payo ni apostol Pedro, “sila’y maaaring mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kanilang [kabiyak].” Halimbawa, anong uri ng asal sa bahagi ng isang asawang babaing Kristiyano ang maaaring makahikayat sa kaniyang asawa? “Wagas na pag-uugaling may kalakip na taimtim na paggalang” na nagsisiwalat ng “lihim na pagkatao sa puso sa di-nasisirang kasuotan ng tahimik at mahinahong espiritu,” ang sabi ni Pedro.—1 Pedro 3:1-4.
Ang isang asawang babaing Kristiyano ay nagkapit ng simulaing ito nang ang kaniyang sumasalansang na asawa’y mapasangkot sa isang iskandalo. Bagaman ito’y nagdulot sa asawang lalaki ng kahihiyan sa lipunan at ng pagkabangkarote, siya’y walang narinig na isa mang salitang pagrereklamo buhat sa babae o buhat sa mga anak. “Batid ko na ang kanilang pambihirang asal na iyon ay dahil sa kanilang pag-aaral ng Bibliya,” inamin ng lalaki. Pagkatapos ng mga taon ng pananalansang, ang lalaki’y nagsimulang magbasa ng Bibliya. Ang mga ibang asawang lalaki na nang bandang huli’y naging mga Saksi ay nagsabi: “Ako noon ay isang lalaking under-de-saya, ngunit biglang-biglang iginalang ako ng aking maybahay bilang ulo ng sambahayan.” “Nang ang aking mga kasosyo sa negosyo ay pumaroon sa aming bahay, sila’y masiglang tinanggap ng aking maybahay. Gusto ko iyan.”
Ang magandang asal din naman ng mga anak ay makapagpapalambot sa puso ng mga mananalansang. Nang tanungin kung ano ang nagpabago ng kaniyang saloobin, isang ama na dati’y sumasalansang sa kaniyang asawa ang nagsabi: “Pagka nahalata ng aking dalawa-at-kalahating-taóng-gulang na anak na lalaki na ako’y magagalit na, kaniyang ibubulalas sa malakas na tinig: ‘Ang pag-ibig ay matiisin at mabait.’ ” (1 Corinto 13:4-7) Ang mainam-ang-pagkaturong batang ito ang humikayat sa kaniyang ama na magsuri ng Bibliya. Maraming ama ang nagpasiyang suriin ang Bibliya dahil sa pakiusap ng kanilang mga anak na sila’y mag-aral.
Sa katapus-tapusan, ang pagiging masaya at pagkakaroon ng ugaling mapagpatawa ay maaaring gumawa ng kagila-gilalas na pagbabago ng saloobin ng iyong kabiyak. Isang lalaki ang nagsabi sa kaniyang sumasampalatayang asawa na dalhin na niya ang anumang gusto niya at lumayas na, huwag nang babalik pa. “Hindi ko gusto maging ang aking anak, ni ang salapi, ni ang materyal na mga bagay,” ang sagot ng kaniyang maybahay. Pagkatapos ay naglatag ito ng isang malaking furoshiki (tela na ginagamit sa Hapon na pambalot at pagdadala ng mga bagay) at ang sabi: “Walang mas mahalaga sa akin kundi ikaw. Lumagay ka riyan sa furoshiki! Ikaw ang ibig kong madala.” Ang asawang lalaki ay huminto na ng pananalansang, nagsimulang mag-aral ng Bibliya, at ngayo’y naglilingkod bilang isang elder.
Kung ikaw ay kumakapit nang mahigpit sa katotohanan, nananatiling may mabuting pakikipagtalastasan, nagiging kasiya-siyang kasama, at may magandang ugali, baka matulungan mo ang iyong kabiyak na maging isang mananampalataya. “Kahit na kung hindi waring nagiging isang mananampalataya ang iyong kabiyak,” ang sabi ng isang dating mananalansang, “baka nagbabago siya sa kaniyang puso.” Kaya huwag manghinawa. Isapuso ang pampatibay-loob na ibinigay ni apostol Pablo sa lahat ng may mga kabiyak na di-sumasampalataya: “Babae, alam mo bang baka sakaling mailigtas mo ang iyong asawa? O, lalaki, alam mo bang baka sakaling mailigtas mo ang iyong asawa?”—1 Corinto 7:16.