Panloob na Kagandahan
GEODE.Isang di pangkaraniwang salita. Galing ito sa Griegong ge·oʹdes, ang ibig sabihin ay “tulad-lupa.” Isa itong bato na medyo bilog, hungkag, at sarisari ang laki mula sa tatlong centimetro hanggang sa mahigit na 0.3 metro sa diyametro. Ang isa na ipinakikita rito ay mas pahaba kaysa bilog at buhat sa Brazil. Ang panlabas na anyo nito ay katamtaman, parang bato.
Subalit buksan mo ito! Tingnan mo ang loob! Masisiyahan ang iyong mata sa siksikang buntong iyon ng nagkikislapang muradong mga kristal! Ang geode ay nag-aanyo sa paligid ng isang butas sa loob ng sedimentaryong bato. Habang ito ay lumalaki, nagkakaroon ng mga bitak sa ibabaw nito, hinahayaang masala sa loob ang tubig na nagdadala-ng-mineral, at habang ang mga mineral ay bumababa, ang mga kristal ay lumalaki sa loob mula sa butas ng dingding. Sa paglipas ng panahon mayroon na tayong balót-ng-kristal na geode. Ang isa na ipinakikita rito ay gumawa ng muradong uri ng kristal na quartz na tinatawag na amatista. Ang panlabas na anyo nito ay maaaring hindi kagandahan, subalit ang panloob na kagandahan nito ay nakasisilaw!
May nakikilala ka bang mga tao na parang mga geode? Mahinahon, marahil mahiyain, hindi gaanong kagandahan sa labas? Subalit bigyan mo ng panahon na makilala sila, at sila ay nagiging palagay ang loob at ipakikita nila sa iyo ang isang panloob na kagandahan na kumikinang. Isang masigla, mabait na espiritu ang lumilitaw, isang kaaya-ayang personalidad ang lumalabas. Natutuklasan mo ang lalim na hindi mo inaasahan.
Saka mo napahahalagahan ang sinabi ni apostol Pedro: “Ang iyong paggayak sana ay huwag ang sa panlabas na pagtitirintas ng buhok at sa pagsusuot ng mga gintong palamuti o pagbibihis ng panlabas na kasuotan, kundi ito sana’y maging ang lihim na pagkatao sa puso sa di-nasisirang kasuotan ng tahimik at mahinahong espiritu, na siyang napakahalaga sa paningin ng Diyos.”—1 Pedro 3:3, 4.
At sikapin mong tingnan ang mga bagay ayon sa pagtingin ng Diyos: “Nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.