Magpakita ng Dangal sa Iba
“Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”—Roma 12:10.
1, 2. (a) Ano ang dapat nating gawin upang ipakita ang kababaan ng pag-iisip? (b) Paano kadalasang ginagamit sa Bibliya ang salitang “dangal,” at sino ang hindi nahihirapang magpakita ng dangal?
IDINIIN sa ating nakaraang artikulo ang payo ng Salita ng Diyos: “Kayong lahat ay magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5) Ang isang paraan upang magbigkis tayo ng kababaan ng pag-iisip ay ang pagsasanay na magpakita ng dangal sa isa’t isa.
2 Ang salitang “dangal’ ay kadalasang ginagamit sa Bibliya upang ipahiwatig ang paggalang, pagtingin, at konsiderasyon na dapat nating ipakita sa iba. Binibigyang-dangal natin ang iba kapag tayo’y mabait sa kanila, kapag iginagalang natin ang kanilang dignidad, kapag pinakikinggan natin ang kanilang pananaw, anupat handa nating pagbigyan ang kanilang makatuwirang mga kahilingan sa atin. Karaniwan nang hindi mahihirapang magpamalas nito ang isa na may kababaan ng pag-iisip. Gayunman, yaong mapagmataas sa kanilang puso ay baka mahirapang magpakita ng taimtim na dangal at sa halip ay baka sikaping magkamit ng mga pabor at kapakinabangan sa pamamagitan ng pambobola.
Binibigyang-Dangal ni Jehova ang mga Tao
3, 4. Paano nagpakita ng dangal si Jehova kay Abraham, at bakit?
3 Si Jehova mismo ay naglaan ng halimbawa sa pagpapakita ng dangal. Nilalang niya ang mga tao na taglay ang malayang kalooban at hindi niya sila pinakikitunguhan na parang mga robot lamang. (1 Pedro 2:16) Halimbawa, nang sabihin niya kay Abraham na ang Sodoma ay pupuksain dahil sa labis na kabalakyutan nito, nagtanong si Abraham: “Talaga bang lilipulin mo ang matuwid na kasama ng balakyot? Ipagpalagay nang may limampung tao na matuwid sa gitna ng lunsod. Lilipulin mo ba sila, kung gayon, at hindi pagpapaumanhinan ang dako alang-alang sa limampu?” Sumagot si Jehova na hindi niya pupuksain ang lunsod alang-alang sa 50 matuwid. Pagkatapos ay patuloy na mapakumbabang nakiusap si Abraham. Paano kung mayroon lamang 45? 40? 30? 20? 10? Tiniyak ni Jehova kay Abraham na hindi niya pupuksain ang Sodoma kung mayroon lamang sampung matuwid na masusumpungan doon.—Genesis 18:20-33.
4 Batid ni Jehova na walang sampung matuwid na tao sa Sodoma, gayunma’y binigyang-dangal niya si Abraham sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang pananaw at pakikitungo sa kaniya nang may paggalang. Bakit? Sapagkat si Abraham ay ‘nanampalataya kay Jehova; at iyon ay ibinilang niya na katuwiran sa kaniya.’ Si Abraham ay tinawag na “kaibigan ni Jehova.” (Genesis 15:6; Santiago 2:23) Bukod dito, nakita ni Jehova na binigyang-dangal ni Abraham ang ibang tao. Nang magkaroon ng pagtatalo ang kaniyang mga tagapag-alaga ng kawan at yaong mga tagapag-alaga ng kawan ng pamangkin niyang si Lot, binigyang-dangal ni Abraham si Lot sa pagsasabi rito na pumili muna siya ng lugar na ibig niya. Pinili ni Lot ang itinuturing niyang pinakamainam na lupain, at lumipat na lamang si Abraham sa ibang lugar.—Genesis 13:5-11.
5. Paano binigyang-dangal ni Jehova si Lot?
5 Binigyang-dangal din ni Jehova ang matuwid na si Lot. Bago puksain ang Sodoma, sinabihan niya si Lot na tumakas ito patungo sa bulubunduking pook. Gayunman, sinabi ni Lot na hindi niya gustong pumaroon; mas gusto niya ang kalapit na Zoar, bagaman ang lunsod na iyon ay nasa lugar na pupuksain. Sinabi ni Jehova kay Lot: “Narito, ako ay nagpapakita sa iyo ng konsiderasyon maging sa bagay na ito, sa pamamagitan ng hindi ko paggiba sa lunsod na iyong sinalita.” Binigyang-dangal ni Jehova si Lot sa pamamagitan ng pagpayag sa kahilingan nito.—Genesis 19:15-22; 2 Pedro 2:6-9.
6. Paano binigyang-dangal ni Jehova si Moises?
6 Nang pabalikin ni Jehova si Moises sa Ehipto upang akayin ang Kaniyang bayan mula sa pagkaalipin at kausapin si Paraon tungkol sa pagpapalaya sa Kaniyang bayan, tumugon si Moises: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova, ngunit hindi ako bihasang tagapagsalita.” Tiniyak ni Jehova kay Moises: “Ako mismo ay sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang dapat mong sabihin.” Ngunit nag-atubili pa rin si Moises. Kaya binigyang-katiyakan ni Jehova si Moises at isinaayos na pasamahin sa kaniya ang kaniyang kapatid na si Aaron bilang tagapagsalita.—Exodo 4:10-16.
7. Bakit handa si Jehova na bigyang-dangal ang iba?
7 Sa lahat ng gayong pagkakataon, nagpakita si Jehova ng pagiging handang bigyang-dangal ang iba, lalo na yaong mga naglilingkod sa kaniya. Bagaman ang hiniling nila ay maaaring naiiba sa unang nilayon ni Jehova, isinaalang-alang niya ang kanilang mga kahilingan at pinagbigyan sila hangga’t ang mga ito ay hindi lumalabag sa kaniyang layunin.
Binigyang-Dangal ni Jesus ang Iba
8. Paano binigyang-dangal ni Jesus ang isang babae na may malubhang karamdaman?
8 Tinularan ni Jesus si Jehova sa pagbibigay-dangal sa iba. Minsan sa isang pulutong, may isang babae na 12 taon nang inaagasan ng dugo. Hindi siya mapagaling ng mga doktor. Sa ilalim ng Batas Mosaiko, siya’y itinuturing na marumi sa seremonyal na paraan at hindi siya dapat na naroroon. Nakalapit siya sa likuran ni Jesus, hinipo ang kasuutan nito, at siya’y gumaling. Hindi iginiit ni Jesus ang teknikalidad ng Batas para pagalitan ang babae sa kaniyang ginawa. Sa halip, sa pagkaalam ng mga kalagayan, binigyang-dangal niya ito, anupat sinabi: “Anak na babae, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo ka sa kapayapaan, at mapasa-mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.”—Marcos 5:25-34; Levitico 15:25-27.
9. Paano binigyang-dangal ni Jesus ang isang Gentil?
9 Sa iba namang pagkakataon, sinabi kay Jesus ng isang babaing taga-Fenicia: “Maawa ka sa akin, Panginoon, Anak ni David. Ang aking anak na babae ay malubhang inaalihan ng demonyo.” Yamang nalalaman na isinugo siya sa bansang Israel at hindi sa mga Gentil, sinabi ni Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak [ni Israel] at ihagis ito sa maliliit na aso [mga Gentil].” Sumagot ang babae: “Subalit tunay ngang ang maliliit na aso ay kumakain ng mga mumo na nahuhulog mula sa mesa ng kanilang mga panginoon.” Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus: “O babae, malaki ang iyong pananampalataya; mangyari nawa sa iyo gaya ng nais mo.” Ang kaniyang anak na babae ay napagaling. Binigyang-dangal ni Jesus ang Gentil na ito dahil sa kaniyang pananampalataya. Maging ang paggamit niya ng pananalitang “maliliit na aso,” sa halip na mga asong ligaw, ay hindi nakakainsulto at nagpakita pa nga ng kaniyang pagkamadamayin.—Mateo 15:21-28.
10. Anong matinding aral ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at bakit kailangan iyon?
10 Patuloy na tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad tungkol sa pangangailangan na magtaglay ng kababaan ng pag-iisip at bigyang-dangal ang iba, yamang mayroon pa rin silang saloobing ako-muna. Minsan, matapos na sila’y magtalu-talo, nagtanong si Jesus: “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” Nanatili silang tahimik, sapagkat “nagtatalo sila sa kanilang mga sarili kung sino ang mas dakila.” (Marcos 9:33, 34) Kahit noong gabi bago mamatay si Jesus, “bumangon din ang isang mainitang pagtatalo sa gitna nila tungkol sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” (Lucas 22:24) Kaya noong hapunan ng Paskuwa, “naglagay [si Jesus] ng tubig sa isang palanggana at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad.” Tunay na isang matinding aral! Si Jesus ay Anak ng Diyos, na pangalawa lamang kay Jehova sa buong sansinukob. Gayunman, tinuruan niya ang kaniyang mga alagad ng isang marangal na leksiyon sa pamamagitan ng paghuhugas sa kanilang mga paa. Sinabi niya: “Inilagay ko ang parisan para sa inyo, na, gaya ng ginawa ko sa inyo, ay gawin din ninyo.”—Juan 13:5-15.
Si Pablo ay Nagpakita ng Dangal
11, 12. Nang maging isang Kristiyano si Pablo, ano ang natutuhan niya, at paano niya ikinapit ang aral na ito may kinalaman kay Filemon?
11 Bilang isang tagatulad kay Kristo, si apostol Pablo ay nagpakita ng dangal sa iba. (1 Corinto 11:1) Sinabi niya: “Ni naghahanap man kami ng kaluwalhatian mula sa mga tao . . . Sa kabaligtaran, kami ay naging banayad sa gitna ninyo, gaya ng kapag ang isang nagpapasusong ina ay nag-aaruga sa kaniyang sariling mga anak.” (1 Tesalonica 2:6, 7) Ang isang nagpapasusong ina ay nagmamalasakit sa kaniyang mumunting anak. Nang maging isang Kristiyano si Pablo, natutuhan niyang magtaglay ng kababaan ng pag-iisip at magpakita ng dangal sa kaniyang kapuwa mga Kristiyano sa pamamagitan ng magiliw na pakikitungo sa kanila. Sa paggawa nito, iginalang din niya ang kanilang malayang kalooban, gaya ng makikita sa isang pangyayari nang siya’y nakabilanggo sa Roma.
12 Isang takas na alipin na nagngangalang Onesimo ang nakinig sa pagtuturo ni Pablo. Siya’y naging isang Kristiyano at naging kaibigan din ni Pablo. Ang may-ari sa alipin ay si Filemon, isa ring Kristiyano, na nakatira sa Asia Minor. Sa isang liham kay Filemon, isinulat ni Pablo kung gaano kalaking tulong para sa kaniya si Onesimo, anupat sinabi: “Ibig ko sanang pigilan siya para sa aking sarili.” Gayunman, pinabalik ni Pablo si Onesimo kay Filemon, sapagkat sumulat siya: “Kung walang pagsang-ayon mo ay hindi ko ibig na gumawa ng anumang bagay, upang ang iyong mabuting gawa ay maging, hindi tila sa ilalim ng pamimilit, kundi sa iyong sariling malayang kalooban.” Hindi sinamantala ni Pablo ang bagay na siya’y isang apostol, kundi binigyang-dangal niya si Filemon sa pamamagitan ng paghiling dito na payagang manatili sa kaniya si Onesimo sa Roma. Bukod dito, pinayuhan ni Pablo si Filemon na bigyang-dangal si Onesimo, anupat pakitunguhan siya nang “higit pa kaysa sa isang alipin, bilang isang kapatid na iniibig.”—Filemon 13-16.
Pagpapakita ng Dangal sa Ating Kapanahunan
13. Ano ang sinasabi ng Roma 12:10 na dapat nating gawin?
13 Nagpayo ang Salita ng Diyos: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Nangangahulugan ito na hindi natin dapat na hintayin ang iba na magpakita muna ng dangal sa atin, kundi tayo ang dapat na siyang mauna. “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1 Corinto 10:24; 1 Pedro 3:8, 9) Kaya naman, ang mga lingkod ni Jehova ay humahanap ng mga pagkakataon upang magpakita ng dangal sa mga kapamilya, sa mga kapuwa Kristiyano sa kongregasyon, at maging sa mga nasa labas ng kongregasyon.
14. Paano nagpapakita ng dangal sa isa’t isa ang mag-asawa?
14 Sinasabi ng Bibliya: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki.” (1 Corinto 11:3) Inuubliga ni Jehova ang lalaki na pakitunguhan ang kaniyang asawa gaya ng pakikitungo ni Kristo sa kongregasyon. Sa 1 Pedro 3:7, ang asawang lalaki ay tinagubilinan na pag-ukulan ang kaniyang asawa ng “karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae.” Magagawa niya ito sa pamamagitan ng taimtim na pagkukusang makinig at pagsasaalang-alang sa mga mungkahi ng kaniyang kabiyak. (Genesis 21:12) Maaaring pagbigyan niya ang mga kagustuhan nito kung wala namang isyung nasasangkot, at tulungan niya ito at pakitunguhan siya nang may kabaitan. “Ang asawang babae [naman] ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Siya’y nakikinig dito, na hindi laging iginigiit ang kaniyang sariling kagustuhan, anupat hindi ito minamaliit o lagi na lamang sinisisi. Siya ay nagpapakita ng kababaan ng pag-iisip sa pamamagitan ng hindi pag-agaw sa pagkaulo ng kaniyang asawa, kahit na siya ay may nakahihigit na katangian sa ilang bagay.
15. Anong konsiderasyon ang dapat ipakita sa mga nakatatanda, at paano sila dapat tumugon?
15 Sa loob ng kongregasyong Kristiyano, may mga lalo nang nararapat bigyang-dangal, gaya ng mga nakatatanda. “Sa harapan ng may uban ay titindig ka, at magpapakita ka ng pakundangan sa pagkatao ng isang matanda[ng lalaki o babae].” (Levitico 19:32) Lalo nang dapat na pag-ukulan nito yaong maraming taon nang naglilingkuran kay Jehova nang buong-katapatan sapagkat “ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31) Ang mga tagapangasiwa ay dapat magpakita ng halimbawa sa pamamagitan ng angkop na pagpapahalaga sa mga kapuwa Kristiyano na mas matanda sa kanila. Sabihin pa, ang matatanda ay kailangan din namang maging magalang sa mga nakababata, lalo na sa mga may bahagi sa pananagutang magpastol sa kawan.—1 Pedro 5:2, 3.
16. Paano binibigyang-dangal ng mga magulang at mga anak ang isa’t isa?
16 Dapat na bigyang-dangal ng mga kabataan ang kanilang mga magulang: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid: ‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang pag-uutos na may pangako: ‘Upang ito ay ikabuti mo at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.’ ” Bibigyang-dangal naman ng mga magulang ang kanilang mumunting mga anak, sapagkat sila’y sinabihan na ‘huwag inisin ang kanilang mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.’—Efeso 6:1-4; Exodo 20:12.
17. Sino ang nararapat pag-ukulan ng “dobleng karangalan”?
17 Dapat ding pagpakitaan ng dangal yaong mga gumagawa nang masikap sa paglilingkod sa kongregasyon: “Ang mga nakatatandang lalaki na namumuno sa isang mainam na paraan ay kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan, lalo na yaong mga gumagawa nang masikap sa pagsasalita at pagtuturo.” (1 Timoteo 5:17) Ang isang paraan upang makapagpakita tayo sa kanila ng ganitong karangalan ay sa pamamagitan ng pagkakapit ng sinasabi sa Hebreo 13:17: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop.”
18. Ano ang dapat nating gawin sa mga nasa labas ng kongregasyon?
18 Kailangan bang pagpakitaan natin ng dangal yaong mga nasa labas ng kongregasyon? Oo. Halimbawa, tayo ay tinagubilinan: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Ito ang sekular na mga tagapamahala na pinahihintulutan ni Jehova na humawak ng awtoridad hanggang sa palitan sila ng kaniyang Kaharian. (Daniel 2:44) Kaya ating “ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo; sa kaniya na humihiling ng takot, ang gayong takot; sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.” (Roma 13:7) Dapat nating “parangalan ang lahat ng uri ng mga tao.”—1 Pedro 2:17.
19. Paano tayo ‘makagagawa ng mabuti’ sa iba at makapagpapakita ng dangal sa kanila?
19 Bagaman totoo na bibigyang-dangal natin maging yaong mga nasa labas ng kongregasyon, pansinin ang idiniriin ng Salita ng Diyos: “Habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Mangyari pa, ang pinakamabuting paraan upang ‘makagawa tayo ng mabuti’ sa iba ay ang paglilinang at pagtugon sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. (Mateo 5:3) Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa paalaala ni apostol Pablo: “Gawin mo ang iyong sukdulang makakaya na iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” Kapag mataktika nating ginagamit ang lahat ng pagkakataon upang makapagpatotoo, anupat ‘lubusang ginaganap ang ating ministeryo,’ hindi lamang tayo gumagawa ng mabuti sa lahat kundi nagpapakita rin ng dangal sa kanila.—2 Timoteo 2:15; 4:5.
Parangalan si Jehova
20. Ano ang nangyari kay Paraon at sa kaniyang mga hukbo, at bakit?
20 Pinararangalan ni Jehova ang kaniyang mga nilalang. Makatuwiran kung gayon na parangalan din naman natin siya. (Kawikaan 3:9; Apocalipsis 4:11) Sinasabi rin ng Salita ni Jehova: “Yaong nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko, at yaong mga humahamak sa akin ay magiging walang kabuluhan.” (1 Samuel 2:30) Nang sabihan ang Paraon ng Ehipto na payaunin niya ang bayan ng Diyos, buong-kahambugang sumagot siya: “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig?” (Exodo 5:2) Nang isugo ni Paraon ang kaniyang mga hukbo upang lipulin ang mga Israelita, hinati ni Jehova ang tubig ng Dagat na Pula para sa Israel. Ngunit nang sumunod ang mga Ehipsiyo, pinapangyari ni Jehova na magsalikop muli ang tubig. “Ang mga karo ni Paraon at ang kaniyang mga hukbong militar ay inihagis [ni Jehova] sa dagat.” (Exodo 14:26-28; 15:4) Kaya ang mariing pagtanggi ni Paraon na bigyang-dangal si Jehova ay humantong sa kaniyang kapaha-pahamak na wakas.—Awit 136:15.
21. Bakit laban si Jehova kay Belsasar, at ano ang naging resulta?
21 Tumanggi si Haring Belsasar ng Babilonya na bigyang-dangal si Jehova. Sa isang paglalasingan, nilibak niya si Jehova sa pamamagitan ng pag-inom sa sagradong mga sisidlang ginto at pilak na kinuha sa templo sa Jerusalem. At habang ginagawa niya ito, pinuri niya ang kaniyang mga paganong diyos. Ngunit sinabi sa kaniya ng lingkod ni Jehova na si Daniel: “Hindi mo pinagpakumbaba ang iyong puso . . . Kundi laban sa Panginoon ng langit ay dinakila mo ang iyong sarili.” Napatay si Belsasar nang mismong gabing iyon, at kinuha sa kaniya ang kaniyang kaharian.—Daniel 5:22-31.
22. (a) Bakit sumapit ang poot ni Jehova sa mga lider ng Israel at sa kanilang bayan? (b) Sino ang binigyang-pabor ni Jehova, at ano ang naging resulta?
22 Noong unang siglo C.E., nagtalumpati si Haring Herodes sa publiko, at sila’y sumigaw: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng isang tao!” Hindi tumutol ang palalong hari kundi hinangad niya ang kaluwalhatian. Nang magkagayon, “sinaktan siya ng anghel ni Jehova, sapagkat hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian.” (Gawa 12:21-23) Pinarangalan ni Herodes ang kaniyang sarili, hindi si Jehova, at siya’y pinatay. Nilapastangan ng mga lider ng relihiyon noong panahong iyon ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasabuwatan upang patayin ang kaniyang Anak, si Jesus. Batid ng ilang tagapamahala na katotohanan ang itinuturo ni Jesus ngunit ayaw nilang sumunod sa kaniya, “sapagkat inibig nila ang kaluwalhatian ng tao nang higit pa kaysa sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Juan 11:47-53; 12:42, 43) Ang bansa sa kabuuan ay hindi nagbigay-dangal kay Jehova o sa kaniyang hinirang na Kinatawan, si Jesus. Bunga nito, si Jehova ay huminto ng pagbibigay-dangal sa kanila, anupat pinabayaan sila at ang kanilang templo na mawasak. Ngunit iningatan niyang buháy yaong mga nagbigay-dangal sa kaniya at sa kaniyang Anak.—Mateo 23:38; Lucas 21:20-22.
23. Ano ang dapat nating gawin upang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos? (Awit 37:9-11; Mateo 5:5)
23 Lahat ng nagnanais na mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos matapos puksain ang kasalukuyang sistema ay dapat na magbigay-dangal sa Diyos at sa kaniyang Anak, si Kristo Jesus, at tumalima sa kanila. (Juan 5:22, 23; Filipos 2:9-11) Yaong hindi nagpapakita ng gayong dangal ay ‘lilipulin mula sa mismong lupa.’ Sa kabilang panig, ang mga matuwid na nagbibigay-dangal at sumusunod sa Diyos at kay Kristo “ang siyang tatahan sa lupa.”—Kawikaan 2:21, 22.
Bilang Repaso
◻ Ano ang ibig sabihin ng pagbibigay-dangal sa iba, at paano ito ginagawa ni Jehova?
◻ Paano binigyang-dangal nina Jesus at Pablo ang iba?
◻ Sino ang nararapat bigyang-dangal sa ating kapanahunan?
◻ Bakit dapat nating bigyang-dangal si Jehova at si Jesus?
[Larawan sa pahina 17]
Binigyang-dangal ni Jehova si Abraham sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kaniyang pakiusap
[Larawan sa pahina 18]
Sa matagumpay na pag-aasawa, binibigyang-dangal ng mag-asawa ang isa’t isa