Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 8/1 p. 14-19
  • Magpatuloy Nawa ang Inyong Pag-ibig na Pangkapatid!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magpatuloy Nawa ang Inyong Pag-ibig na Pangkapatid!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magpakita ng Damdaming Pakikipagkapuwa
  • Pagpapakita ng Pagpapahalaga
  • Mga Gawa ng Maibiging-Kabaitan
  • Maging Determinadong ‘Ipagpatuloy ang Inyong Pag-ibig na Pangkapatid’!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Natuklasan ang Susi sa Pagmamahal sa Kapatid
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • 2016 Taunang Teksto
    2016 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • “Patuloy na Magpakita ng Pag-ibig”
    Maging Malapít kay Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 8/1 p. 14-19

Magpatuloy Nawa ang Inyong Pag-ibig na Pangkapatid!

“Magpatuloy nawa ang inyong pag-ibig na pangkapatid.”​—HEBREO 13:1.

1. Ano ang gagawin ninyo upang mapanatiling nagniningas ang apoy sa isang malamig na gabi, at anong katulad na responsibilidad ang taglay nating lahat?

PAGKALAMIG-LAMIG sa labas, at bumababa pa ang temperatura. Ang tanging pinanggagalingan ng init sa inyong bahay ay ang lumalagitik na apoy sa apuyan. Nakasalalay ang buhay sa pagpapanatili ninyong nagniningas ito. Basta na lamang ba kayo mauupo at manonood habang namamatay ang apoy at ang namumulang baga ay nagiging mga uling na lamang? Siyempre hindi. Hindi kayo magsasawang gatungan iyon upang manatiling nagniningas. Sa isang diwa, lahat tayo ay may katulad na gawain kung tungkol sa isang makapupong higit na mahalagang “apoy”​—yaong isa na dapat nagniningas sa ating puso​—​ang pag-ibig.

2. (a) Bakit masasabi na nanlalamig ang pag-ibig sa mga huling araw na ito? (b) Gaano kahalaga ang pag-ibig sa mga tunay na Kristiyano?

2 Nabubuhay tayo sa panahon na, gaya ng matagal nang inihula ni Jesus, ang pag-ibig ay lumalamig sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano sa buong daigdig. (Mateo 24:12) Tinutukoy ni Jesus ang pinakamahalagang uri ng pag-ibig, ang pag-ibig sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Lumalamig din ang iba pang uri ng pag-ibig. Inihula ng Bibliya na “sa mga huling araw,” marami ang ‘mawawalan ng likas na pagmamahal.’ (2 Timoteo 3:1-5) Totoong-totoo nga ito! Ang pamilya ay dapat sanang isang pugad ng likas na pagmamahal, ngunit maging doon, ang karahasan at pang-aabuso​—kung minsa’y nakapangingilabot sa kalupitan​—ay naging pangkaraniwan. Gayunman, sa malamig na kalagayan sa sanlibutang ito, inuutusan ang mga Kristiyano na hindi lamang ibigin ang isa’t isa kundi magkaroon ng mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig, anupat inuuna ang iba kaysa ang sarili. Dapat nating ipamalas ang pag-ibig na ito sa paraang maliwanag na nakikita ng lahat, anupat nagiging pagkakakilanlang tanda ng tunay na kongregasyong Kristiyano.​—Juan 13:34, 35.

3. Ano ang pag-ibig na pangkapatid, at ano ang ibig sabihin ng ipagpatuloy ito?

3 Kinasihan si apostol Pablo na mag-utos: “Magpatuloy nawa ang inyong pag-ibig na pangkapatid.” (Hebreo 13:1) Ayon sa isang akademikong akda, ang Griegong salita na isinalin ditong “pag-ibig na pangkapatid” (phi·la·del·phiʹa) “ay tumutukoy sa mapagmahal na pag-ibig, pagpapakita ng kabaitan, pagdamay, pag-aalok ng tulong.” At ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang ipagpatuloy nawa natin ang gayong pag-ibig? “Hindi ito dapat na manlamig kailanman,” sabi ng akda ring iyon. Kaya hindi sapat na makadama ng pagmamahal para sa ating mga kapatid; dapat na ipakita natin iyon. Isa pa, kailangang panatilihin natin ang pag-ibig na ito, anupat hindi ito hinahayaang lumamig. Isa bang hamon? Oo, ngunit matutulungan tayo ng espiritu ni Jehova na linangin ang pagmamahal sa kapatid at panatilihin ito. Isaalang-alang natin ang tatlong paraan upang gatungan ang apoy ng pag-ibig na ito sa ating puso.

Magpakita ng Damdaming Pakikipagkapuwa

4. Ano ang damdaming pakikipagkapuwa?

4 Kung ibig ninyong makadama ng ibayong pag-ibig sa inyong mga Kristiyanong kapatid, baka kailangan muna ninyong madama ang nadarama nila, anupat makiramay sa kanila sa mga pagsubok at mga hamon na napapaharap sa kanila sa buhay. Iminungkahi ito ni apostol Pedro nang sumulat siya: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng damdaming pakikipagkapuwa, na may pagmamahal na pangkapatid, madamayin sa magiliw na paraan, mapagpakumbaba sa pag-iisip.” (1 Pedro 3:8) Ang salitang Griego na ginamit dito para sa pagpapakita ng “damdaming pakikipagkapuwa” ay nagpapahiwatig ng pagiging “kasamang nagdurusa.” Ganito ang sabi ng isang awtoridad sa Biblikal na Griego tungkol sa salitang ito: “Inilalarawan nito ang kalagayan ng isip kapag nadarama natin ang nadarama ng iba na para bang iyon ay sa atin.” Kaya naman, kailangan ang empatiya. Ganito ang sinabi minsan ng isang tapat at matanda nang lingkod ni Jehova: “Ang empatiya ay ang iyong paghihirap na nadarama ko.”

5. Paano natin nalalaman na si Jehova ay may damdaming pakikipagkapuwa?

5 Si Jehova kaya ay may gayong damdaming pakikipagkapuwa? Tiyak iyon. Halimbawa, ganito ang mababasa natin tungkol sa pagdurusa ng kaniyang bayang Israel: “Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya.” (Isaias 63:9) Hindi lamang nakita ni Jehova ang kanilang kabagabagan; nadama niya ang nadarama ng bayan. Kung gaano katindi ang nadarama niya ay inilalarawan sa sariling mga salita ni Jehova sa kaniyang bayan, na nakaulat sa Zacarias 2:8: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa bilog ng aking mata.”a Ganito ang sinabi ng isang komentarista hinggil sa talatang ito: “Ang mata ay isa sa pinakamasalimuot at pinakamaselan na bahagi ng katawan ng tao; at ang balintataw ng mata​—ang bukana na pinapasukan ng liwanag ng langit upang ito ay makakita​—ang siyang pinakasensitibo, gayundin ang pinakamahalaga, na bahagi ng sangkap na iyon. Wala nang hihigit pang makapaghahatid ng ideya ng napakagiliw na pagmamalasakit ni Jehova para sa mga iniibig niya.”

6. Paano nagpamalas si Jesu-Kristo ng damdaming pakikipagkapuwa?

6 Si Jesus din naman ay laging nagpakita ng masidhing damdaming pakikipagkapuwa. Paulit-ulit na “naantig siya sa pagkahabag” dahil sa dinaranas ng kaniyang mga kapuwa-tao na maysakit o nababagabag. (Marcos 1:41; 6:34) Ipinahiwatig niya na kapag ang sinuman ay hindi nakikitungo nang may kabaitan sa kaniyang mga pinahirang tagasunod, kaniyang nadarama na para bang siya mismo ang pinakikitunguhan nang gayon. (Mateo 25:41-​46) At ngayon bilang ang ating makalangit na “mataas na saserdote,” kaya niyang “makiramay sa ating mga kahinaan.”​—Hebreo 4:15.

7. Paano makatutulong sa atin ang damdaming pakikipagkapuwa kapag naiinis tayo sa isang kapatid?

7 “Makiramay sa ating mga kahinaan”​—hindi ba nakaaaliw isipin ito? Kung gayon, tiyak na ibig nating gawin din ito sa isa’t isa. Sabihin pa, makapupong higit na madaling tingnan ang mga kahinaan ng iba. (Mateo 7:3-5) Ngunit sa susunod na mainis kayo sa isang kapatid, bakit hindi ninyo subukin ito? Gunigunihin ang inyong sarili na nasa kalagayan ng taong iyon, taglay ang kaniyang mga karanasan, personalidad, at mga personal na kahinaan na pinaglalabanan. Makatitiyak ba kayo na hindi kayo makagagawa ng gayunding mga pagkakamali​—o marahil ay masahol pa? Sa halip na labis ang asahan mula sa iba, dapat tayong magpakita ng damdaming pakikipagkapuwa, na tutulong sa atin na maging makatuwiran tulad ni Jehova, na ‘inaalaalang tayo’y alabok.’ (Awit 103:14; Santiago 3:17) Batid niya ang ating mga limitasyon. Hindi siya kailanman umaasa ng higit pa sa makatuwirang magagawa natin. (Ihambing ang 1 Hari 19:5-7.) Ipaabot nawa nating lahat sa iba ang gayong damdaming pakikipagkapuwa.

8. Paano tayo dapat tumugon kapag dumaranas ng paghihirap ang isang kapatid?

8 Sumulat si Pablo na ang kongregasyon ay tulad ng isang katawan na may iba’t ibang sangkap na kailangang gumawang sama-sama sa pagkakaisa. Sinabi pa niya: “Kung ang isang sangkap ay nagdurusa, ang lahat ng iba pang sangkap ay nagdurusang kasama nito.” (1 Corinto 12:12-26) Kailangan nating magdusa, o makiramay, na kasama niyaong dumaranas ng ilang matinding pagsubok. Nangunguna ang matatanda sa paggawa nito. Sumulat din si Pablo: “Sino ang mahina, at hindi ako mahina? Sino ang natitisod, at hindi ako galit na galit?” (2 Corinto 11:29) Ang matatanda at naglalakbay na mga tagapangasiwa ay tumutulad kay Pablo sa bagay na ito. Sa kanilang mga pahayag, sa kanilang pagpapastol, at maging sa paghawak nila ng hudisyal na mga bagay, sinisikap nilang magpakita ng damdaming pakikipagkapuwa. Inirekomenda ni Pablo: “Makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) Kapag nadama ng mga tupa na ang mga pastol ay talagang nagmamalasakit sa kanila, nauunawaan ang kanilang mga limitasyon, at nakikiramay sa mga paghihirap nila, sila ay karaniwan nang mas handang tumanggap ng payo, patnubay, at disiplina. Sabik silang dumadalo sa mga pulong, anupat nagtitiwalang makasusumpong sila roon ng ‘pagpapanariwa ng kanilang mga kaluluwa.’​—Mateo 11:29.

Pagpapakita ng Pagpapahalaga

9. Paano ipinakikita ni Jehova na pinahahalagahan niya ang mabubuti nating katangian?

9 Ang ikalawang paraan upang gatungan ang pag-ibig na pangkapatid ay sa pamamagitan ng pagpapahalaga. Upang mapahalagahan ang iba, dapat nating pagtuunan ng pansin at isaalang-alang ang kanilang mabubuting katangian at pagsisikap. Kapag ginagawa natin ito, tinutularan natin si Jehova mismo. (Efeso 5:1) Araw-araw niya tayong pinatatawad sa ating mumunting pagkakasala. Pinatatawad pa man din niya ang malulubhang kasalanan hangga’t may taimtim na pagsisisi. At minsang patawarin niya tayo sa ating mga kasalanan, hindi na siya nagtutuon ng pansin sa mga ito. (Ezekiel 33:14-​16) Nagtanong ang salmista: “Kung mga pagkakamali ang iyong titingnan, O Jah, O Jehova, sino kaya ang makatatayo?” (Awit 130:3) Ang pinagtutuunan ni Jehova ng pansin ay yaong mabubuting bagay na ginagawa natin sa paglilingkuran sa kaniya.​—Hebreo 6:10.

10. (a) Bakit mapanganib para sa mga mag-asawa na mawalan ng pagpapahalaga sa isa’t isa? (b) Ano ang dapat gawin ng isa na nawawalan ng pagpapahalaga sa kabiyak?

10 Lalo nang mahalaga na tularan ang halimbawang ito sa pamilya. Kapag ipinakikita ng mga magulang na pinahahalagahan nila ang isa’t isa, naglalaan sila ng halimbawa para sa pamilya. Sa panahong ito ng maiikling pagsasama, napakadaling ipagwalang-bahala ang kabiyak at palakihin ang mga kapintasan at maliitin ang mabubuting katangian. Ang gayong negatibong mga kaisipan ang siyang sumisira sa pagsasama, anupat ginagawa itong isang malungkot na pasanin. Kung nababawasan na ang pagpapahalaga mo sa iyong kabiyak, tanungin ang iyong sarili, ‘Talaga nga bang walang mabubuting katangian ang aking asawa?’ Alalahanin ang mga dahilan kung bakit kayo nag-ibigan at nagpakasal. Talaga nga bang naglaho na ang lahat ng dahilang iyon ng pagmamahal sa pambihirang personang ito? Tiyak na hindi; kaya pagsikapang pahalagahan ang mabubuting katangian ng iyong kabiyak, at sabihin mo ang iyong pagpapahalaga.​—Kawikaan 31:28.

11. Upang maging malaya sa pagpapaimbabaw ang pag-ibig ng mag-asawa, anong mga gawain ang kailangang iwasan?

11 Ang pagpapahalaga ay tumutulong din sa mga mag-asawa na mapanatiling malaya sa pagpapaimbabaw ang kanilang pag-ibig. (Ihambing ang 2 Corinto 6:6; 1 Pedro 1:22.) Ang gayong pag-ibig, na ginatungan ng taos-pusong pagpapahalaga, ay walang dako para sa lihim na kalupitan, walang dako para sa mga salitang nakasasakit at humihiya, walang dako para sa malamig na pakikitungo kung saan lumilipas ang mga araw na walang binibigkas na mga salitang may kabaitan at paggalang, at tiyak na walang dako para sa pisikal na karahasan. (Efeso 5:28, 29) Ang mag-asawa na totoong nagpapahalaga sa isa’t isa ay gumagalang sa isa’t isa. Hindi lamang nila ginagawa iyon kapag nasa publiko sila kundi kailanma’t nakikita sila ni Jehova​—sa ibang pananalita, sa lahat ng panahon.​—Kawikaan 5:21.

12. Bakit dapat ipahayag ng mga magulang ang pagpapahalaga sa mabubuting katangian ng kanilang mga anak?

12 Kailangan din naman ng mga anak na madamang sila’y pinahahalagahan. Hindi naman sa dapat silang paulanan ng mga magulang ng walang-kabuluhang papuri, kundi dapat nilang bigyan ng komendasyon ang kapuri-puring mga katangian ng kanilang mga anak at ang taimtim na kabutihang kanilang ginagawa. Alalahanin ang halimbawa ni Jehova sa pagpapahayag ng kaniyang pagsang-ayon kay Jesus. (Marcos 1:11) Tandaan din ang halimbawa ni Jesus bilang “panginoon” sa isang talinghaga. Pareho niyang pinapurihan ang ‘dalawang mabuti at tapat na mga alipin,’ bagaman magkaiba ang ibinigay sa bawat isa at magkaiba rin ang ibinunga ng bawat isa. (Mateo 25:20-​23; ihambing ang Mateo 13:23.) Nakasusumpong din naman ang matatalinong magulang ng mga paraan upang ipahayag ang pagpapahalaga sa natatanging mga katangian, kakayahan, at tagumpay ng bawat anak. Kasabay nito, hindi nila idiniriin nang labis ang tagumpay anupat ang kanilang mga anak ay laging napipilitang higitan ang iba. Hindi nila ibig na ang kanilang mga anak ay lumaking pukaw sa galit o nasisiraan ng loob.​—Efeso 6:4; Colosas 3:21.

13. Sino ang nangunguna sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa bawat miyembro ng kongregasyon?

13 Sa kongregasyong Kristiyano, nangunguna ang matatanda at naglalakbay na mga tagapangasiwa sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa bawat miyembro ng kawan ng Diyos. Mahirap ang kanilang katayuan, yamang pinapasan din nila ang mabigat na pananagutang magdisiplina sa katuwiran, ibalik sa ayos sa espiritu ng kahinahunan yaong mga nagkakamali, at magbigay ng matinding payo sa mga nangangailangan nito. Paano nila tinitimbang ang ganitong magkakaibang responsibilidad?​—Galacia 6:1; 2 Timoteo 3:16.

14, 15. (a) Paano nagpakita si Pablo ng pagiging timbang hinggil sa pagbibigay ng matinding payo? (b) Paano maaaring pagtimbangin ng Kristiyanong mga tagapangasiwa ang pangangailangan na magtuwid ng mga mali at ang pangangailangan na magbigay ng papuri? Ilarawan.

14 Malaking tulong ang halimbawa ni Pablo. Siya ay isang mahusay na guro, matanda, at pastol. Kinailangan niyang harapin ang mga kongregasyon na may malulubhang suliranin, at hindi siya natakot na magpayo nang kailanganin ito. (2 Corinto 7:8-11) Ang pagsusuri sa ministeryo ni Pablo ay nagpapahiwatig na hindi siya madalas gumamit ng pagsansala​—tanging kapag iyon ay kailangan o hinihingi ng situwasyon. Sa ganitong paraan ay nagpamalas siya ng makadiyos na karunungan.

15 Kung ang ministeryo ng isang matanda sa kongregasyon ay ihahalintulad sa isang piyesa ng musika, kung gayon ang pagsansala at pagsaway ay magiging katulad ng nag-iisang nota na babagay sa kabuuan. Ang notang iyon ay angkop naman sa dako nito. (Lucas 17:3; 2 Timoteo 4:2) Gunigunihin ang isang awit na mayroon lamang ng isang notang iyon, na pinauulit-ulit lamang. Maiinis agad tayo sa pakikinig dito. Sa katulad na paraan, sinisikap ng Kristiyanong matatanda na lubusin ang kanilang pagtuturo at lakipan ito ng pagkakasari-sari. Hindi nila nililimitahan ito sa pagtutuwid lamang ng mga suliranin. Sa halip, positibo ang kabuuang epekto nito. Tulad ni Jesu-Kristo, hinahanap muna ng maibiging matatanda ang mabubuting katangian upang papurihan, hindi ang pagkakamali upang punahin. Pinahahalagahan nila ang pagpapagal ng kanilang mga kapuwa Kristiyano. May tiwala sila na sa kabuuan, bawat isa ay gumagawa ng sukdulang makakaya niya upang maglingkod kay Jehova. At kusang ipinahahayag ng matatanda ang damdaming ito.​—Ihambing ang 2 Tesalonica 3:4.

16. Ano ang naging epekto ng mapagpahalaga at madamaying saloobin ni Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano?

16 Walang alinlangan, nadama ng karamihan sa mga Kristiyanong pinaglingkuran ni Pablo na siya ay may pagpapahalaga sa kanila at may damdaming pakikipagkapuwa sa kanila. Paano natin nalalaman ito? Tingnan kung ano ang nadama nila tungkol kay Pablo. Hindi sila natakot sa kaniya, kahit na mayroon siyang malaking awtoridad. Hindi, siya ay minamahal at madaling lapitan. Aba, nang lisanin niya ang isang lugar, ang matatanda ay ‘sumubsob sa kaniyang leeg at magiliw na hinalikan siya’! (Gawa 20:17, 37) Anong laking pasasalamat ng matatanda​—at nating lahat​—na taglay natin ang halimbawa ni Pablo upang tularan! Oo, pahalagahan natin ang isa’t isa.

Mga Gawa ng Maibiging-Kabaitan

17. Ano ang ilang mabuting epekto ng mga gawa ng kabaitan sa kongregasyon?

17 Ang isa sa pinakamabisang panggatong para sa pag-ibig na pangkapatid ay ang simpleng gawa ng kabaitan. Gaya ng sabi ni Jesus, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Nagbibigay man tayo sa espirituwal at materyal na paraan, o ng ating panahon at lakas, hindi lamang natin pinaliligaya ang iba kundi pinaliligaya rin natin ang ating sarili. Sa kongregasyon, nakahahawa ang kabaitan. Ang isang gawa ng kabaitan ay nasusundan ng iba pang katulad na gawa. Di-nagtatagal, lumalago ang pagmamahal na pangkapatid!​—Lucas 6:38.

18. Ano ang kahulugan ng “kabaitan” na binanggit sa Mikas 6:8?

18 Hinimok ni Jehova ang kaniyang bayang Israel na magpamalas ng kabaitan. Sa Mikas 6:8, mababasa natin: “Kaniyang ipinakilala sa iyo, O makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa nang may katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” Ano ang ibig sabihin ng “ibigin ang kabaitan”? Ang Hebreong salita na ginamit dito para sa “kabaitan” (cheʹsedh) ay isinalin din sa Tagalog bilang “awa.” Ayon sa The Soncino Books of the Bible, ang salitang ito ay “nagpapahiwatig ng isang bagay na mas aktibo kaysa sa karaniwang salitang Tagalog na awa. Nangangahulugan ito ng ‘awang isinalin sa gawa,’ ang pagpapakita ng personal na mga gawa ng maibiging-kabaitan, hindi lamang sa dukha at nagdarahop, kundi sa lahat ng kapuwa ng isang tao.” Kaya sinabi ng isang iskolar na ang cheʹsedh ay nangangahulugan ng “pag-ibig na isinalin sa gawa.”

19. (a) Sa anu-anong paraan maaari tayong magkusa sa pagpapakita ng kabaitan sa iba sa kongregasyon? (b) Magbigay ng halimbawa kung paano naipakita sa inyo ang pag-ibig na pangkapatid.

19 Ang ating pag-ibig na pangkapatid ay hindi teoriko, o mahirap unawain. Ito ay isang matibay na katunayan. Kaya naman, humanap ng mga paraan upang magpamalas ng kabaitan sa inyong mga kapatid. Tularan si Jesus, na hindi laging basta na lamang naghihintay na lapitan siya ng mga tao para humingi ng tulong kundi malimit na siya na mismo ang nagkukusa. (Lucas 7:12-​16) Isipin lalo na yaong higit na nangangailangan. Ang isa bang matanda na o maysakit ay nangangailangan ng dalaw o marahil ng tulong sa ilang bagay? Nangangailangan ba ng panahon at atensiyon ang isang ‘batang walang ama’? Ang isa bang nanlulumo ay nangangailangan ng taingang makikinig at ilang nakaaaliw na salita? Kung magagawa natin, maglaan tayo ng panahon para sa gayong mga gawa ng kabaitan. (Job 29:12; 1 Tesalonica 5:14; Santiago 1:27) Huwag kalimutan kailanman na sa isang kongregasyong punô ng mga taong di-sakdal, ang isa sa pinakamahalagang gawa ng kabaitan ay ang pagpapatawad​—anupat malayang iwinawaksi ang sama ng loob, kahit na may makatuwirang dahilan upang magreklamo. (Colosas 3:13) Ang pagiging handang magpatawad ay tumutulong upang mapanatiling malaya ang kongregasyon mula sa mga pagkakabaha-bahagi, samaan ng loob, at mga alitan, na tulad ng basang kumot na umaapula sa apoy ng pag-ibig na pangkapatid.

20. Paano dapat patuloy na suriin nating lahat ang ating sarili?

20 Ipasiya nawa nating lahat na panatilihing nagniningas sa ating puso ang mahalagang apoy na ito ng pag-ibig. Patuloy nawa nating suriin ang ating sarili. Nagpapakita ba tayo sa iba ng damdaming pakikipagkapuwa? Pinahahalagahan ba natin ang iba? Gumagawa ba tayo ng kabaitan sa iba? Hangga’t ginagawa natin ito, ang apoy ng pag-ibig ay magbibigay ng init sa ating kapatiran maging gaano man kalamig at kawalang-malasakit ang sanlibutang ito. Mangyari pa, kung gayon, “magpatuloy nawa ang inyong pag-ibig na pangkapatid”​—ngayon at kailanman!​—Hebreo 13:1.

[Talababa]

a Ipinahihiwatig dito ng ilang tagapagsalin na ang isa na humihipo sa bayan ng Diyos ay humihipo, hindi sa mata ng Diyos, kundi sa mata ng Israel o maging sa kaniyang sariling mata. Ang pagkakamaling ito ay nagmula sa mga eskriba noong edad medya na bumago sa talatang ito dahil sa kanilang maling pagsisikap na ituwid ang mga talatang itinuturing nilang mapanghamak. Dahil dito ay pinalabo nila ang tindi ng personal na empatiya ni Jehova.

Ano ang Palagay Ninyo?

◻ Ano ang pag-ibig na pangkapatid, at bakit dapat na ipagpatuloy natin ito?

◻ Paano nakatutulong sa atin ang damdaming pakikipagkapuwa upang mapanatili ang ating pag-ibig na pangkapatid?

◻ Anong papel ang ginagampanan ng pagpapahalaga sa pag-ibig na pangkapatid?

◻ Paanong ang mga gawa ng kabaitan ay nagpapangyaring lumago ang pag-ibig na pangkapatid sa kongregasyong Kristiyano?

[Kahon sa pahina 16]

Pag-ibig na Isinasagawa

Mga ilang taon na ang nakalipas, ang isang lalaki na nakipag-aral ng Bibliya nang ilang panahon sa mga Saksi ni Jehova ay medyo alinlangan pa rin tungkol sa pag-ibig na pangkapatid. Alam niya na sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ngunit nahihirapan siyang maniwala rito. Isang araw ay nakita niya ang Kristiyanong pag-ibig na isinasagawa.

Bagaman nasa isang silyang de gulong, ang lalaking ito ay naglakbay nang malayo mula sa tahanan. Sa Betlehem, Israel, dumalo siya sa isang pulong ng kongregasyon. Doon, mahigpit na inanyayahan ng isang Arabeng Saksi ang isa pang Saksing turista upang makasama ng kaniyang pamilya sa gabing iyon, at ang estudyanteng ito ng Bibliya ay kasali sa paanyaya. Bago matulog, hiniling ng estudyante sa maybahay na makalabas siya sa beranda sa umaga upang pagmasdan ang pagsikat ng araw. Mahigpit siyang pinagsabihan ng maybahay na huwag niyang gawin iyon. Kinabukasan ay ipinaliwanag ng Arabeng kapatid na ito ang dahilan. Sa pamamagitan ng isang tagapagsalin, sinabi niya na kung malalaman ng kaniyang mga kapitbahay na siya ay may mga panauhin na may lahing Judio​—gaya sa kaso ng estudyanteng ito ng Bibliya​—susunugin nila ang kaniyang bahay pati na siya at ang kaniyang pamilya. Palibhasa’y naguluhan, tinanong siya ng estudyante ng Bibliya, “Kung gayon, bakit sinuong mo ang ganitong panganib?” Nang walang tagapagsalin, ang Arabeng kapatid ay tumingin sa kaniya nang mata sa mata at sinabi lamang, “Juan 13:35.”

Naantig nang gayon na lamang ang estudyante ng Bibliya sa katunayan ng pag-ibig na pangkapatid. Di-nagtagal pagkaraan noon ay nabautismuhan siya.

[Larawan sa pahina 18]

Madaling lapitan si apostol Pablo dahil sa kaniyang masigla at mapagpahalagang saloobin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share