Patibayin ang Pagtitiwala Kay Jehova—Sa Pamamagitan ng Masigasig na Pag-aaral ng Kaniyang Salita
“Ilagak ninyo ang inyong puso sa lahat na mga salita na aking sinasalita bilang babala sa inyo sa araw na ito . . . Sapagkat ito’y hindi isang hamak na salita lamang para sa inyo, kundi nangangahulugan ito ng inyong buhay.”—DEUTERONOMIO 32:46, 47.
1, 2. (a) Anong pag-asa ang nakaharap sa Israel habang sila’y nagkakampamento sa kapatagan ng Moab? (b) Anong payo ang ibinigay ni Moises sa bansa?
ANG kanilang mahabang paglalakbay sa iláng ay malapit na noon na matapos. Tanging ang paliku-likong Jordan ngayon ang naghihiwalay sa bansa buhat sa malaon-nang-pinanabikang Lupang Pangako. Gayunman, para sa lider ng bansa, si Moises, ang pag-asa ng Israel na makapasok sa lupaing iyan ay gumigising ng seryosong pagninilaynilay. Kaniyang nagugunita kung papaano minsan ay natisod ang bansa dahilan sa kakulangan ng pagtitiwala kay Jehova at sa gayo’y pinagkaitan ng pagpasok sa Canaan.—Bilang 13:25–14:30.
2 Sa gayo’y tinawag ni Moises nang sama-sama ang bansa sa malawak na kapatagan ng Moab. Pagkatapos na pagbalikang-gunita ang kanilang pambansang kasaysayan at ulitin sa kanila ang Kautusan ng Diyos, iniharap ni Moises ang tinatawag na kaniyang nakahihigit na katha. Sa wikang ginagamit sa pinakamataas na uring tula, kaniyang hinimok ang Israel na magtiwala at tumalima kay Jehova, “isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya.” Bilang pagtatapos, si Moises ay nagpayo: “Ilagak ninyo ang inyong puso sa lahat ng mga salita na aking sinasalita bilang babala sa inyo sa araw na ito, na inyong iutos sa inyong mga anak upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito. Sapagkat ito’y hindi isang hamak na salita lamang para sa inyo, kundi nangangahulugan ito ng inyong buhay.”—Deuteronomio 32:4, 46, 47.
‘Paglalagak ng Kanilang Puso’ sa Salita ng Diyos
3, 4. (a) Sa ano kailangang ‘ilagak ang kanilang puso’ ng mga Israelita, at ano ang kasangkot dito? (b) Paano ikinapit ng huling mga salinlahi ang payo ni Moises?
3 Pinaalalahanan ni Moises ang mga Israelita na ‘ilagak ang kanilang puso’ hindi lamang sa kaniyang pumupukaw na awit kundi sa lahat ng banal na kasulatan. Sila’y kailangang “magbigay ng mabuting pagsunod” (Knox), “tiyak na sumunod” (Today’s English Version), o “magbulaybulay” (The Living Bible) sa Kautusan ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagiging lubusang may kaalaman dito magagawa nilang ‘iutos sa kanilang mga anak na isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.’ Sa Deuteronomio 6:6-8, si Moises ay sumulat: “Ang mga salitang ito na iniutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasaiyong-puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak . . . At iyong itatali na pinaka-tanda sa iyong kamay, at ibibigkis sa iyong noo.”
4 Binabanggit ng komentarista sa Bibliya na si W. H. Davey ang tungkol sa kung paanong noong mga huling panahon, ang mga salitang ito “ay literal na interpretasyon ang ginawa ng mga Judio, at ang itinatagubilin nito ay ginamit sa pamahiin. May mga talata . . . na isinulat sa pergamino, at ibinigkis sa braso at sa noo sa panahon ng pananalangin.” Magagarang mga sisidlan na kinalalagyan ng mga talata, o mga pilakterya, ang ginagamit na palamuti noong panahon ni Jesus at ginagamit pa rin hanggang ngayon ng mga ilang sektang Judio. (Mateo 23:5) Subalit, isinusog pa ni Davey: “Ang mga tao sa kanilang kawalang-muwang ay nagpasasa at dala-dala nila ang isang kopya ng kahit na lamang mga salita ng kautusan, sa halip na ipakita sa kanilang buhay ang pagsunod sa utos na taglay niyaon.”
5. Ano ang wastong pagkakapit ng mga salita ni Moises sa Deuteronomio 6:6-8?
5 Hindi, hindi sa kanilang literal na mga kamay o mga noo iniutos na ilagay ang Kautusan ng Diyos kundi ‘sa kanilang puso.’ Sa pamamagitan ng pagkakaroon hindi lamang ng basta kaalaman niyaon kundi ng matinding pagpapahalaga roon, ang Kautusang iyon ay laging mapagmamasdan, mistulang nakasulat sa isang susulatan sa harap ng kanilang mga mata o nakatali sa kanilang mga kamay.
Mga Paglalaan Para sa Pagkatuto sa Kautusan ng Diyos
6, 7. (a) Anong mga paglalaan ang ginawa ni Jehova upang makilala ng mga Israelita ang Kautusang Mosaico? (b) Paano nga rin kaya naging posible na ang bayan ng Diyos noong sinaunang panahon ay maturuan ng Salita ng Diyos?
6 Datapuwat, paano nga matututuhan ng mga Israelita ang mga 600 batas ng Kautusan? Ang mga sipi nito ay tiyak na bihira lamang noong una. Ang magiging hari ng Israel ay “susulat sa isang aklat para sa kaniyang sarili ng isang sipi ng kautusang ito . . . . , at kaniyang babasahin sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, upang siya’y matutong matakot kay Jehova na kaniyang Diyos upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deuteronomio 17:18, 19) Isinaayos ng Diyos na ang Kautusan ay basahin tuwing ikapitong taon sa Kapistahan ng Kubol. (Deuteronomio 31:10-13) Bagaman ang gayong okasyon ay walang alinlangang nagpapasigla, iyon ay totoong madalang upang makapagbigay ng lubos na kaalaman.
7 Isinaayos din ni Jehova na ang tribo ng Levi ‘ang magturo sa Jacob ng mga kahatulan ng Diyos at ng kautusan ng Diyos sa Israel.’ (Deuteronomio 33:8, 10; ihambing ang Malakias 2:7.) Sa ilang mga okasyon, ang mga Levita ay nagsagawa ng mga kampaniya ng pagtuturo bilang paglilingkod sa buong bansa. (2 Cronica 17:7-9; Nehemias 8:7-9) Lumilitaw nga na, nang sumapit ang panahon, ang mga tao sa pangkalahatan ay naaaring makakuha rin kahit na mga bahagi ng salita ng Diyos.a Kaya naman, ang salmista ay nakasulat: “Maligaya ang tao . . . [na] ang kasayahan ay nasa kautusan ni Jehova, at binabasa ang kaniyang kautusan at binubulaybulay araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Ang payo ni Moises na ‘ilagak ang kanilang puso sa salita ng Diyos’ ay para na rin ngang pagsasabi na gumawa ng isang masikap na pag-aaral ng Bibliya.
‘Paglalagak ng Ating Puso’ sa Salita ng Diyos Ngayon
8. Hanggang saan sinunod ng Israel ang payo ni Moises, at ano ang naging resulta?
8 Hindi sinunod ng Israel ang payo ni Moises. Nang sa wakas ay matatag sa bansa ang pamamahala ng mga hari, maliwanag na karamihan ng mga hari niyaon ay hindi ‘sumulat para sa kanilang sarili ng isang sipi ng kautusan at binasa iyon sa lahat ng araw ng kanilang buhay.’ Noong ikapitong siglo B.C.E., noong mga kaarawan ni Haring Josias, “ang mismong aklat ng kautusan” ay tuluyang nawala. (2 Hari 22:8-13) Ang pangit na halimbawa ng mga lider ng bansa ang walang alinlangan ay nagpabilis ng pagkabulusok ng bansa sa apostasya. Natupad ang ibinabala ni Moises, at ang pambansang kapahamakan ay naganap noong 607 B.C.E.—Deuteronomio 28:15-37; 32:23-35.
9. Paano ngang ang kalagayan ng mga Kristiyano sa ngayon ay kagaya ng sa mga sinaunang Israelita?
9 Kagaya ng mga sinaunang Israelita, ang mga Kristiyano sa ngayon ay nakatayo na sa hangganan ng isang ipinangakong lupain—ang matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Pedro 3:13) Nakagugulantang na mga pangyayari ang natatanaw na sa abot-tanaw: ang pagpapahayag ng “kapayapaan at katiwasayan,” ang pagbagsak ng “Babilonyang Dakila,” ang pag-atake ni ‘Gog ng Magog.’ Ang mga pangyayaring ito ay susubok sa ating pagtitiwala kay Jehova. Apurahang gawin natin, kung gayon, na ‘ilagak ang ating puso sa salita ng Diyos’ ngayon!—1 Tesalonica 5:3; Apocalipsis, kabanata 18; Ezekiel, kabanata 38.
10. Bakit kaya ang mga iba’y nagpapabaya sa personal na pag-aaral?
10 Gayunman, ang paggawa ng ganiyan ay maaaring maging isang tunay na hamon ngayon na tayo’y nasa “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang paghahanapbuhay, pagpapalaki ng anak, at pag-aaral, at mga pananagutan sa kongregasyon ay maaaring kumuha ng malaking bahagi ng ating panahon. Kaya naman, baka ipangatuwiran natin ang ating sarili at magpabaya tayo sa ating pag-aaral ng Bibliya, anupa’t ikinakatuwiran na ‘sapat naman ang ginagawa ko upang makaraos.’ Subalit, ipinapayo ng Bibliya sa mga Kristiyano: “Bulaybulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito.” (1 Timoteo 4:15, 16) Isaalang-alang natin ngayon ang mga ilang mahalagang dahilan para sa paggawa ng gayon.
Pagpapatibay ng Ating Relasyon sa Diyos
11, 12. (a) Paanong ang pagkakamit ng isang lalong matalik na pagkakilala sa Diyos ay nakaapekto kay Job? (b) Bakit ang ating pangitain tungkol sa Diyos ay mas malinaw kaysa noong kaarawan ni Job?
11 Si Job ay “natatakot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan.” Subalit pagkatapos na higit pang magsiwalat si Jehova ng kaniyang sarili sa isang ipuipo, nasabi ni Job: “Sa bali-balita ay nakabalita ako ng tungkol sa iyo, ngunit ngayon ang aking sariling mata ang nakakakita sa iyo.” (Job 1:1; 42:5) Maaari ba nating ‘makita’ sa ngayon ang Diyos, samakatuwid baga, higit pa sa pagkaalam lamang, ang matalik na pagkakilala sa maraming pitak ng kaniyang personalidad? Tunay na maaari! Sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya, naisiwalat ni Jehova ang higit pa tungkol sa kaniyang sarili kaysa alam kahit na noon ni Job.
12 Tayo’y may mas malinaw na kaalaman sa lalim ng pag-ibig ng Diyos, sa pagkaalam na “gayon na lamang ang pag-ibig [niya] sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.” (Juan 3:16) Sa pamamagitan ng mga hula sa Bibliya, tayo’y may balangkas ng mga aktibidades ng Diyos—tuluy-tuloy hanggang sa katapusan ng Milenyo! (Apocalipsis, kabanata 18–22) Mayroon tayong ulat ng mga pakikitungo ng Diyos sa kongregasyong Kristiyano: ang kaniyang pagkuha ng mga Gentil, ang kaniyang paghirang ng isang “tapat at maingat na alipin” upang magpakain sa kaniyang bayan, ang kaniyang pagtawag sa “isang malaking pulutong” na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. (Mateo 24:45; Apocalipsis 7:9, 14-17; Efeso 3:3-6) Pagkatapos sumilip sa malalalim na mga bagay ng Diyos at magnilaynilay sa kaniyang kagila-gilalas na mga gawa alang-alang sa atin, hindi tayo makapagpipigil ng pagbulalas: “Oh anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!”—Roma 11:33.
13. Paano natin ‘mahahanap ang Diyos,’ at ano ang mga kapakinabangan sa paggawa ng gayon?
13 Ang salmista ay nagsabi: “Hinanap kita ng aking buong puso.” Magagawa rin natin iyan sa pamamagitan ng araw-araw na pagsasaalang-alang ng materyal sa Kasulatan; malaki ang nagagawa nito upang patibayin ang buklod sa pagitan natin at ni Jehova. Ang taimtim na pag-aaral ay tumutulong din upang ang ating lakad ay maging ‘lalong matatag ng patuloy na pagsunod sa mga utos ng Diyos.’—Awit 119:5, 10.
Tinutulungan Tayo ng Pag-aaral na Ipagtanggol ang Ating Pananampalataya
14. Magbigay ng halimbawa ng kabutihan ng pagiging ‘handang magtanggol’ ng ating pag-asang Kristiyano.
14 “Hindi ko gustong kayong mga Saksi ay pumaparito sa aking bahay!” ang sabi ng isang lalaking taga-Ghana sa dalawa na dumalaw sa kaniyang tahanan. Kaniyang pinintasan pa rin ang mga Saksi dahilan sa “hindi pagpapasalin ng dugo at hindi pagsaludo sa bandila ng bansa.” Ang gayong mga pagtutol ay karaniwan ng mga makakaharap mo sa ministeryo sa larangan. Anong laking upasala—at kahihiyan—kung hindi tayo handang “magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo”! (1 Pedro 3:15) Mabuti naman, epektibong nagamit ng mga Saksing ito ang Bibliya upang ipaliwanag ang tumpak na pangmalas sa dugo at kung paano timbang ang isang Kristiyano sa paggalang sa mga simbolo na kumakatawan sa bansa at sa pag-iwas sa idolatriya. Ang resulta? Ang taong iyon ay humanga sa kanilang tuwirang mga kasagutan. Sa ngayon, ang taong iyon at pati ang kaniyang maybahay ay bautismadong mga Saksi.
15. Paanong ang personal na pag-aaral ay nagsasangkap sa atin para sa ating ministeryo?
15 Si Pablo ay nagpapayo: “Gawin mo ang buong kaya upang iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, manggagawa na walang anumang dapat ikahiya, na ginagamit nang tumpak ang salita ng katotohanan.” Ang personal na pag-aaral ay tutulong sa atin hindi lamang upang manatili sa landas ng buhay kundi rin naman upang “maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan” upang tumulong sa iba na gawin ang gayon.—2 Timoteo 2:15; 3:17.
Paglaban sa mga Silo ni Satanas
16. Ano ang ilang mga silo buhat kay Satanas na napapaharap sa bayan ni Jehova?
16 Sa ngayon, dumadaluhong sa atin ang mga pag-aanunsiyo upang hikayatin tayo na patulan “ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan.” (1 Juan 2:16) Ang seksuwal na imoralidad ay dinadakila pa ng media at kadalasan masiglang itinataguyod na magkakasama sa trabaho at mga magkakamag-aral. Mga mapupusok na literatura ng mga apostata ang baka ipinadadala sa ating mga tahanan nang hindi naman natin hinihiling. Palibhasa’y napupukaw ang kanilang pagnanasang mag-usisa, may mga kapatid na nagbasa ng gayong nakapagpaparungis na mga babasahin—sa ikinasira ng kanilang pananampalataya. Nariyan din ang mapag-imbot, at makalaman na “espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.” Anong dali nga na mahawahan nito at magkaroon ng isang negatibong espiritu ng pamimintas!—Efeso 2:2.
17, 18. Paanong ang personal na pag-aaral ay makahahadlang sa atin sa ‘pagkaanod’?
17 Kung sa bagay, kakaunti ang kusang nagpapasilo kay Satanas. Bagkus, sa pagpapabaya ng personal na pag-aaral, tulad ng isang bangkang nakakalag sa pagkatali, sila’y dahang-dahang ‘naaanod’ at nagiging mga pangunahing tudlaan para sa atake ni Satanas. (Hebreo 2:1) Isang kabataang kapatid na lalaki, halimbawa, ang nagkaroon ng imoral na kaugnayan sa isang kabataang babae sa paaralan. “Natuklasan ko,” nagugunita niya, “na ang pangunahing dahilan nito ay ang katotohanang ako’y nagugutom sa espirituwal. Wala akong personal na pag-aaral, kaya, hindi ko makayang tanggihan ang tukso.” Isang programa ng personal na pag-aaral, gayunman, ang tumulong sa kapatid na maging malakas sa espirituwal.
18 Si Satanas ay determinado na ipahamak ang pinakamaraming maaari niyang ipahamak na mga lingkod ng Diyos. Sa pamamagitan ng patuluyang pagpapasok sa ating isip ng mabubuting bagay na nanggagaling sa Salita ng Diyos at sa kaniyang tapat na katiwala, ating maiiwasan na tayo’y masilo. (Filipos 4:8) Ang mga tagapagpa-alaala na iwasan ang materyalismo, ang seksuwal na imoralidad, ang kaisipang apostata, at ang negatibong espiritu ay saganang makikita kapuwa sa Bibliya at sa mga publikasyon ng Watch Tower Society. Kung tayo nga ay magbibigay ng higit kaysa karaniwang pansin, kailanman ay hindi tayo mapapahiwalay.
Mga Paglalaan Buhat sa Organisasyon ni Jehova na Tutulong sa Atin
19. Ano ang ipinakikita ng halimbawa ng bating na Etiope tungkol sa ating pangangailangan ng espirituwal na patnubay?
19 Ang pag-aaral ay isang puspusang trabaho. Kung gayon ay maipagpapasalamat natin na ang organisasyon ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng gayong tulong. Noong nakaraang mga taon may mga ilan na nagsabing ang mga indibiduwal ay dapat na payagang magbigay mismo ng interpretasyon sa Bibliya. Gayunman, ang bating na Etiope ay hayagang kumilala na siya’y nangangailangan ng espirituwal na patnubay. Bilang isang tinuling proselita, walang alinlangan na mayroon na siyang malaki-laking kaalaman sa Bibliya. Ang mismong bagay na tinangka niyang mag-aral ng isang bagay na kasinlalim ang kahulugan na gaya ng hula ng Isaias 53 ang nagpapakita nito. Subalit, nang tanungin kung nauunawaan niya ang kaniyang binabasa, inamin niya: “Sa totoo lang, paano ngang magagawa ko, maliban sa mayroong sinuman na pumatnubay sa akin?”—Gawa 8:26-33.
20. (a) Ano ang ilan sa mga paglalaan ng organisasyon ni Jehova na tutulong sa atin sa ating personal na pag-aaral ng Bibliya? (b) Ano ba ang palagay mo tungkol sa gayong mga paglalaan?
20 Ang bayan ni Jehova sa ngayon ay nangangailangan din ng espirituwal na patnubay. Sa pagnanasang “magsalita nang may pagkakaisa” kung tungkol sa espirituwal na mga bagay, kanilang malugod na tinatanggap ang tulong na iniaalok ng organisasyon ni Jehova—at anong pagkalaki-laking tulong nga iyan! (1 Corinto 1:10) Mayroon tayong patuluyang pag-agos ng impormasyon sa pamamagitan ng mga magasing Bantayan at Gumising! Mayroon tayong napakaraming mga aklat at mga brochure na tumatalakay ng napakaraming paksa sa Bibliya. Ang mga mambabasa na nagsasalita ng Ingles lalo na ang mapalad sa pagkakaroon ng Watch Tower Publications Index 1930-1985, isang kasangkapan na makatutulong sa isang tao na ‘patuloy na hanapin ang karunungan na gaya ng paghanap sa pilak at parang kayamanang natatago.’—Kawikaan 2:2-4.
21. (a) Paano nagpakita si apostol Pablo na siya’y interesado sa personal na pag-aaral? (b) Ano ang ilan sa mga mungkahi para mapadali ang personal na pag-aaral?
21 Iyo bang lubusang pinakikinabangan ang mga publikasyon ng Samahan sa pamamagitan ng paggamit sa mga ito sa pag-aaral at pananaliksik? O ang gayon bang mga publikasyon ay nagsisilbi lamang na parang palamuti sa istante? Kapuna-puna, minsan ay itinagubilin ni apostol Pablo kay Timoteo na “dalhin . . . ang mga balumbon ng aklat, lalo na ang mga pergamino” upang magamit niya sa Roma; maliwanag, ang tinutukoy ni Pablo ay mga bahagi ng Kasulatang Hebreo (2 Timoteo 4:13) Walang alinlangan na ibig niyang ang mga ito’y naroon upang magamit sa pag-aaral at pananaliksik. Kung sakaling hindi mo pa nagawa, bakit hindi ka magsimulang unti-unting magtipon ng mailalagay mo sa iyong sariling aklatan ng teokratikong mga publikasyon upang ikaw ay makapagsaliksik din? Ang gayong mga publikasyon ay panatilihin mong madaling kunin, maayos, masinop, at malinis. Maglaan ka ng isang lugar na tahimik at maliwanag na maaaring gamitin sa pag-aaral. Magsaayos ka ng regular na mga panahon para sa personal na pag-aaral.
22. Bakit ang ‘paglalagak ng ating puso sa salita ng Diyos’ ay lalong mahalaga ngayon kaysa kailanman?
22 Tulad ng mga Israelita na nagkampamento sa mabungang kapatagan ng Moab, tayo’y nakatayo sa bingit ng bagong sanlibutan. Higit kailanman tayo’y nangangailangan na mag-aral ng Salita ng Diyos ng buong sigasig at ‘samantalahin ang karapat-dapat na panahon’ para sa pag-aaral, marahil isinasakripisyo ang mga ibang kapakanan natin, tulad halimbawa ng panonood ng telebisyon. (Efeso 5:16) “Magnasa kayo nang may pananabik sa gatas na walang daya ukol sa salita,” ang payo ni Pedro, “upang sa pamamagitan nito ay magsilago kayo” hindi lamang sa pagkamaygulang kundi “sa ikaliligtas.” (1 Pedro 2:2; ihambing ang Hebreo 5:12-14.) Ang mismong buhay natin ay kasangkot. Kaya labanan ang anumang hilig na magpabaya sa personal na pag-aaral. Gamitin ito bilang isang paraan ng pagpapatimyas ng iyong pag-ibig sa Diyos at ng iyong pagtitiwala sa kaniya; isa rin itong paraan upang mapalaki mo ang iyong pagpapahalaga sa organisasyon na kaniyang ginagamit upang tumulong sa atin. Oo, ‘ilagak ang iyong puso’ sa Salita ng Diyos, nang may sigasig, palagian. “Ito’y hindi salita na walang kabuluhan para sa inyo, kundi nangangahulugan ito ng inyong buhay”
[Talababa]
a Mga piraso ng nabasag na palayok, o ostraca, ang karaniwang ginagamit noong sinaunang panahon sa Bibliya bilang isang murang susulatan. Ganito ang sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia (1986): “Ang ostraca ay nagagamit ng kahit na pinakamaralitang mga tao, na walang kayang bumili ng anupaman upang masulatan.” Kung hanggang saan ginamit ang ostraca ng sinaunang mga Israelita para sa pagsulat ng mga teksto sa Bibliya ay hindi alam. Datapuwat, kapuna-puna na noong ikapitong siglo C.E. ay may natuklasan sa Ehipto na kinasusulatan ng mga teksto ng Bibliya, anupa’t nagpapahiwatig ng isang paraan na sa pamamagitan niyaon ang karaniwang mga tao ay nakakabasa rin noon ng mga bahagi ng Bibliya.
Mga Punto sa Repaso
◻ Bakit ipinayo ni Moises sa mga Israelita na ‘ilagak ang kanilang puso sa salita ng Diyos,’ at paano nila gagawin iyon?
◻ Paano pinalalakas ng personal na pag-aaral ang ating relasyon sa Diyos at tumutulong sa atin na ipagtanggol ang ating pananampalataya?
◻ Anong papel ang ginagampanan ng personal na pag-aaral sa ating paglaban sa mga silo ni Satanas?
◻ Ang organisasyon ni Jehova ay gumawa ng anong mga paglalaan upang makatulong sa ating pag-aaral ng Salita ng Diyos?
[Larawan sa pahina 11]
Sa halip na isulat ang kautusan ng Diyos sa kanilang puso, ang mga Judio ay may nakakabit sa katawan na mga sisidlan na kinalalagyan ng mga talata