Si Jesus, Isang Modelo na Susunding Maingat
“Sapagkat, sa ganitong pamumuhay kayo tinawag, dahil sa si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng modelo upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.”—1 PEDRO 2:21.
1, 2. Anong uri ng alagad si Pedro nang siya’y nagsasagawa ng kaniyang ministeryo na kasama ni Jesus?
SA LOOB ng isang yugto ng panahon na tatlo at kalahating mga taon, si Simon, na nakilala bilang si Cefas, o Pedro, ay nagkaroon ng pribilehiyo na maging matalik na kasama ni Kristo Jesus. (Juan 1:35-42) Pagkaraan ng mga isang taon na siya’y naging alagad, siya’y hinirang na isa sa 12 apostol. (Marcos 3:13-19) Ang ulat ng Ebanghelyo ay nagpapakita na si Pedro ay isang taong malakas ang loob, mapusok, at mahilig magpahayag ng kaniyang niloloob. Siya ang isa na nagsabi na hindi niya itatatwa kailanman si Kristo, anuman ang dumating. Subalit, nang siya’y mapalagay sa kagipitan, kaniyang itinatwa ito ng makaitlo, gaya ng inihula ni Jesus.—Mateo 26:31-35; Marcos 14:66-72.
2 Si Pedro ang apostol na nagsabi kay Jesus, “Hindi mo nga huhugasan kailanman ang aking mga paa.” Pagkatapos nang payuhan siya ni Jesus, lumabis naman siya sa kabila at ang sabi, “Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati rin ang aking mga kamay at ang aking ulo.” (Juan 13:1-17) Ang Simon Pedro ring ito na, nang arestuhin si Jesus, ay lakas-loob na kumilos nang may katapangan at kapusukan sa pamamagitan ng pagbubunot ng kaniyang tabak at pagtagpas ng kanang tainga ni Malco, ang alipin ng mataas na saserdote. Dito ay sinaway rin siya ni Jesus: “Isalong mo ang iyong tabak. Ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, hindi ko baga iinuman sa anumang paraan?”—Juan 18:10, 11.
3. Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa halimbawa ni Pedro?
3 Ano baga ang ipinakikita nito at ng iba pang mga pangyayari kung tungkol kay Pedro? Na napakadalas na hindi siya nag-iisip at nangangatuwiran na tulad ni Jesus. At, hindi rin siya laging may pag-iisip ni Kristo. Kadalasan ay totoo rin iyan tungkol sa atin. Hindi natin itinutuon ang ating pag-iisip sa mga bagay na kasuwato ng paraan ng pag-iisip ni Jesus. Ang ating mga kilos ay di-sakdal dahilan sa ating di-kasakdalan.—Lucas 9:46-50; Roma 7:21-23.
4. Anong mga pangyayari noong bandang huli ang nakaapekto sa paraan ng pag-iisip ni Pedro? (Tingnan ang Galacia 2:11-14.)
4 Gayunman, ang mga bagay ay nagsimulang nagbago para kay Pedro magmula noong Pentecostes at patuloy. Palibhasa’y pinakilos ng banal na espiritu, siya ang nanguna sa gawaing pangangaral sa mga Judio sa Jerusalem. (Gawa, kabanata 2-5) Sa ilalim ng kaliwanagan na dulot ng banal na espiritu, kaniya ring binago ang kaniyang kaisipan upang makasuwato ng pag-iisip ni Kristo tungkol sa mga Gentil. (Gawa, kabanata 10) Si Pedro ay nagpakita ng pagpapakumbaba, isang katangian na kailangan natin kung ibig nating makasuwato ni Kristo.—Mateo 18:3; 23:12.
Di-nakikita Ngunit Nakikilala
5, 6. Dahil ba sa bagay na hindi natin nakita kailanman si Kristo ay hadlang na ito sa pagtulad natin sa kaniyang halimbawa?
5 Pagsapit ng panahon na isinulat ni Pedro ang kaniyang unang kinasihang liham, humigit-kumulang noong 62-64 C.E., nagkaroon na siya ng panahon para bulaybulayin ang kaniyang ministeryo kasama ni Jesus at lalong higit na maunawaan ang pag-iisip ni Jesus tungkol sa mga bagay-bagay. Sa may pasimula ng liham na ito ay kinilala ng apostol ang isang simpleng katotohanan—na karamihan ng mga kapatid sa Asia Minor ay hindi naman personal na nakakilala kay Jesus di-gaya ng kaniyang pagkakilala. Subalit iyon ba ay isang hadlang sa pagkakaroon ng isang pag-iisip na kagaya ng kay Kristo at pagtulad sa kaniyang halimbawa? Si Pedro ay nagsasabi: “Bagaman hindi ninyo nakita, inibig ninyo siya. Bagaman ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayunma’y inyong sinasampalatayanan at kayo’y lubhang nagagalak na taglay ang di-masayod at maluwalhating kagalakan, samantalang tinatanggap ninyo ang ganti sa inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.”—1 Pedro 1:8, 9.
6 Ang mga salita ni Pedro ay dapat ding kumapit sa lahat ng mga lingkod ni Jehova ngayon. Hindi natin nakilalang personal si Kristo, subalit kung tayo’y gagawa ng “masugid na pag-uusisa at maingat na pagsasaliksik” at ‘patuloy na magsusuri’ gaya ng ginawa ng mga propeta, kung gayon, sa antas na lalong malawak, makakamtan natin ang pag-iisip ni Kristo.—1 Pedro 1:10, 11.
Si Jesus, ang Sakdal na Modelo
7, 8. (a) Anong pangkalahatang payo ang ibinigay ni Pedro sa kaniyang unang liham? (b) Ano ang saligang kahulugan ng hy·po·gram·mosʹ? Paano ito ikinakapit ni Pedro?
7 Dahil sa kaniyang mas malinaw na pagkaunawa sa pag-iisip ni Jesus at sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, si Pedro ay makapagbibigay nga ng payo sa kaniyang mga kapananampalataya tungkol sa kung paano mababanaag sa kanila ang pag-iisip ni Kristo bagama’t iba-iba ang kanilang mga kalagayan. (2 Timoteo 3:16) Sa gayon, kaniyang ipinapayo sa lahat ng mga Kristiyano “bilang mga dayuhan at pansamantalang mga mananahan” na umiwas sa mga pita ng laman. Kaniyang hinihimok sila, bagama’t sila’y nagdurusa dahilan sa katuwiran, na manatiling may magandang asal sa kanilang araw-araw na pamumuhay.—1 Pedro 2:11, 12.
8 Mga ilang talata pagkatapos si Pedro ay nagpapasok ng isang mahusay na ilustrasyon, na ang sabi: “Kung kayo’y gumagawa ng mabuti at kayo’y nagbabata, inyong pinagtitiisan iyon, ito’y nakalulugod sa Diyos. Sa katunayan, sa ganitong pamumuhay kayo tinawag, dahil sa si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo na kayo’y iniwanan ng modelo upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.” (1 Pedro 2:20, 21.) Ang salitang Griego na isinaling “modelo,” o “halimbawa” sa maraming mga iba pang salin, ay hy·po·gram·mosʹ. Ang literal na kahulugan nito ay “under-writing,” o “isinulat-na-kopya, kasali na ang lahat ng letra ng abakada, na ibinibigay sa mga nagsisimula pa lamang bilang tulong sa pagkatuto na iguhit ang mga ito.” (A Greek-English Lexicon of the New Testament, ni J. H. Thayer) Sa gayon, ang mga mag-aaral ay binibigyan kung minsan ng mga tabletang pagkit at sa pamamagitan ng isang pansulat ay sinusulatan ng guro ng mga letra na magsisilbing modelo. Ang estudyante ay kailangang sumunod sa pinaka-halimbawa at gumawa ng eksaktong kopya sa ilalim noon. Dito’y gumagawa si Pedro ng pagdiriin, sapagkat siya lamang ang manunulat ng Kasulatang Griego na gumagamit ng salitang hy·po·gram·mosʹ. Sa gayo’y kaniyang idiniriin ang bagay na si Jesus ay nag-iwan ng sakdal na halimbawa na dapat tularan ng kaniyang mga tagasunod.
9. Ano ang ipinahihiwatig ng salitang Griego na isinaling “hilig ng pag-iisip”? (Ihambing ang Mateo 20:28.)
9 Sa bandang huli, si Pedro ay nagbibigay ng isang aral para sa atin buhat sa pagbabata ni Kristo ng hirap. “Kaya yamang si Kristo’y nagbata sa laman, kayo man ay magsandata rin ng gayong hilig ng pag-iisip [Griego, enʹnoi·an].” (1 Pedro 4:1) Dito na naman ay gumagamit siya ng isang di-karaniwang salita, enʹnoi·a, na makalawa lamang matatagpuan sa Kasulatang Griego. (Tingnan ang Hebreo 4:12, The Kingdom Interlinear Translation.) Ayon kay J. H. Thayer, ang ibig sabihin ng enʹnoi·a ay “pag-iisip, kaunawaan, kalooban; paraan ng pag-iisip at pandamdam.” Samakatuwid, kailangang tayo’y bumagay sa paraan ng pag-iisip at pandamdam ni Kristo. Subalit paano nga tayo makagagawa ng ganiyang pakikibagay? Hanggang sa anong antas dapat gawin iyan?
10. Ano ang ibig sabihin ni Pedro ng pananalitang ‘kayo’y magsandata’?
10 Kakaiba ang pagkagamit ni Pedro sa pandiwa sa Griego na ho·pliʹsa·sthe, na ang ibig sabihin ay ‘magsandata ng sarili bilang isang kawal.’ Sinumang kawal na nagsasandata ng kaniyang sarili nang hindi lubusan ay malamang na hindi tumagal pagka nasa labanan. Samakatuwid ang mga salita ni Pedro ay hindi nagbibigay ng dako para sa malahiningang pagtulad sa paraan ni Jesus ng pag-iisip. Kailangang tayo’y buong-kaluluwa sa ating pagnanasa na magkaroon ng “hilig ng pag-iisip,” o “paraan ng pag-iisip” ni Kristo. (1 Pedro 4:1, Today’s English Version) Ito’y nagpapaalaala sa atin ng kung paano idiniin ni Pablo na ang isang Kristiyano ay kailangang magsandata ng kaniyang sarili ng “hustong kagayakang baluti buhat sa Diyos” upang makapanindigang matatag laban kay Satanas at sa kaniyang sanlibutan.—Efeso 6:11-18.
Ang Hilig ng Pag-iisip ni Kristo Tungkol sa mga Asawang Babae
11. Anong payo ang ibinibigay ni Pedro para sa Kristiyanong mga asawang babae?
11 Sa may kakalahatian ng kaniyang liham, ibinaling ni Pedro ng kaniyang pansin sa mga asawang babae at mga asawang lalaki. Sa sinaunang paganong daigdig na iyan, na kung saan ang mga babae ay may kakaunting karapatan, labis na mahirap para sa isang babaing Kristiyano na manatili sa kaniyang integridad kung mayroon siyang isang asawang di-sumasampalataya. Siya’y dumaranas ng kadustaan, pagdurusa, at posibleng diborsiyo dahil sa pagtalikod niya sa kinamulatang mga diyos. Ang situwasyon ay hindi gaanong naiiba sa modernong panahon. Subalit si Pedro ay muli na namang nagdiriin sa kahalagahan ng pagkakaroon ng hilig ng pag-iisip ni Kristo, ang pagiging handa na magdusa alang-alang sa katuwiran. Kaniyang sinasabi: “Gayon din naman [gaya ng kaisipan ni Kristo, na binanggit sa naunang mga talata], kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, upang, kung ang sinuman ay hindi tumatalima sa salita, sila’y mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa nasaksihan nila ang inyong wagas na pag-uugaling may kalakip na taimtim na paggalang.”—1 Pedro 3:1, 2.
12. (a) Paanong sa mapagpasakop at mahinahong espiritu ng asawang babae ay mababanaag ang halimbawa ni Jesus? (1 Corinto 11:3) (b) Ano ang tingin ng Diyos sa kaniyang mahinahong espiritu, at ano rin ang tingin doon ng kaniyang asawang lalaki?
12 Oo, ang isang asawang di-sumasampalataya ay maaaring mahikayat kung minsan, hindi sa pamamagitan ng walang lubay na pangangaral sa kaniya, kundi sa pamamagitan ng “taimtim na paggalang” at “tapat at ulirang” halimbawa ng mapagpasakop na asawang babae. (1 Pedro 3:2, The Jerusalem Bible) Ang kaniyang “tahimik at mahinahong espiritu, na siyang napakahalaga sa paningin ng Diyos,” ay makatutulong din sa kaniyang asawa na mahalata ang resulta ng pagkakaroon ng pag-iisip ni Kristo sa araw-araw na pamumuhay. (1 Pedro 3:4) Bakit ang mahinahong espiritung ito ay masisinag ang disposisyon ni Jesus? Sapagkat si Jesus mismo ang nagsabi: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang-puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”—Mateo 11:29.
Ang Hilig ng Pag-iisip ni Kristo Tungkol sa mga Asawang Lalaki
13. Paano dapat tratuhin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa? (Efeso 5:28, 29, 33)
13 Ang mga asawang lalaki ay kailangan ding makitaan ng hilig ng pag-iisip ni Kristo sa kanilang pagpapakita ng tunay na pag-ibig sa kani-kanilang asawa. Muli na namang nagpapayo si Pedro: “Kayong mga lalaki, patuloy na makipamahay kayong kasama nila ayon sa pagkakilala, na pakundanganan sila na gaya ng marupok na sisidlan, ang babae.” (1 Pedro 3:7) Para sa sinaunang paganong daigdig na iyan, ang payong ito ay nakapagtataka—ang pagpapakundangan sa isang babae! Subalit ang kongregasyong Kristiyano ay kailangang mapaiba sa sanlibutan. Sa pagsasamahan ng mag-asawang Kristiyano, kailangang umiral ang marangal na pagsasama, at paggalang sa isa’t isa.—1 Pedro 4:3, 4.
14. Paano maigagalang at mapagpapakitaan ng konsiderasyon ng isang lalaki ang kaniyang asawa?
14 Si Kristo ay sa tuwina makonsiderasyon sa kaniyang mga alagad at sa mga karamihan na sumunod sa kaniya. (Marcos 6:30-44) Ito’y kasuwato ng payo ni Pedro sa mga lalaki na isaalang-alang ang pagkababae ng kani-kanilang asawa. Ang isang saling Kastila ay nagpapahayag doon ng ganito: “Tungkol sa mga asawang lalaki: kayo’y magkaroon ng taktika sa inyong pamumuhay na magkasalo, na nagpapakita ng konsiderasyon sa babae, sapagkat siya’y mayroong lalong maselang na pangangatawan.” (Nueva Biblia Española) Kung ang isang lalaki’y sumusunod sa modelo ni Kristo, kaniyang isasaalang-alang ang maselang na pagkababae ng kaniyang asawa. Kasali na rito yaong mga mahihirap na araw na kung kailan ang babae ay nangangailangan na pakitunguhan nang may higit na kabaitan, pagtitiis, at konsiderasyon. Tunay na ang isang mapagmahal na lalaki ay magpipigil sa sarili at hindi magiging mapaghanap sa gayong mga pagkakataon. Ang tunay na pag-ibig ay mapagsakripisyo-sa-sarili.—Ihambing ang Levitico 15:24; 20:18; 1 Corinto 7:3-6.
15. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus kung tungkol sa pagkaulo?
15 Totoo, ang “lalaki ay ulo ng kaniyang asawa.” Subalit sino ba ang kaniyang modelo sa pagsasagawa ng pagkaulong iyon? Ito’y nililiwanag ni Pablo, sa pagsasabi pa na: “gaya rin naman ni Kristo na ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:23) Ang mga kaugnay na pananalitang ito ay hindi nagbibigay-daan sa kalupitan at paniniil sa pagsasamahan ng mag-asawang Kristiyano. Sa pakikitungo niya sa mga alagad niya, kailanman ay hindi inabuso ni Kristo ang kaniyang kapangyarihan (ang kaniyang pagkaulo) kundi, bagkus, ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan na kasuwato ng mga simulain ng Bibliya.—Ihambing ang Mateo 16:13-17, 20; Lucas 9:18-21.
Si Kristo Bilang Modelo Para sa mga Lalaki
16. (a) Bakit si Pedro ay totoong palaisip tungkol sa pangangailangan ng pagpapakumbaba? (b) Sino lalo na ang kailangang makitaan ng katangiang ito?
16 Sa kaniyang ministeryo ay palaging itinatampok ni Jesus ang katangian ng pagpapakumbaba. Sa kaniyang ilustrasyon ng mga inanyayahan sa isang kasalan, sinabi niya: “Sapagkat lahat ng nagtataas ng sarili ay ibababa at siya na nagpapakababa ay itataas.” (Lucas 14:11) Si Pedro ay naging totoong palaisip tungkol sa hilig ng pag-iisip ni Jesus sa bagay na ito. Hindi baga niya natatandaan ang ipinakitang halimbawa ni Jesus sa paghuhugas ng mga paa ng kaniyang mga alagad? (Juan 13:4-17) Kaya naman, sa kaniyang unang liham ay kaniyang ipinapayo sa nakatatandang mga lalaki at sa mga nakababatang lalaki na magpakita ng pagpapakumbaba. Ang matatanda ay ‘hindi dapat mag-astang panginoon sa kongregasyon kundi dapat na maging mga halimbawa sa kawan.’ Ang nakababatang mga lalaki ay dapat na pasakop sa matatanda. Subalit lahat sila, bata at matanda, ay dapat ‘magbihis ng kababaang-loob, sapagkat salungat ang Diyos sa mga mapagmataas ngunit nagpapakita ng di-sana nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.’—1 Pedro 5:1-5.
17. Paanong ang pandiwa na Griego para sa “magbihis kayo” ay nagdiriin ng mapagpakumbabang paglilingkod?
17 Dito na naman ay sinasamantala ni Pedro ang pambihirang gamit ng isang salita upang idiin ang kaniyang punto tungkol sa pagpapakumbaba. Kaniyang sinasabi: “Magbihis kayo [Griego, eg·kom·boʹsa·sthe] ng kababaang-loob.” Ang pandiwa na ito ay kuha sa isang ugat na nangangahulugang ibuhol o itali, at ang kahulugan nito ay may kaugnayan sa “puting bandana o epron ng mga alipin, na ikinakabit sa paha ng tsaleko . . . at ito ang nagpapakita ng pagkakaiba ng mga alipin sa mga malalaya; kung gayon, . . . magbihis kayo ng pagpapakumbaba bilang inyong kasuotang-alipin . . . a.b. sa pamamagitan ng pagbibihis ng pagpapakumbaba ipakita ninyo ang inyong pagpapasakop sa isa’t isa.”—A Greek-English Lexicon of the New Testament, J. H. Thayer.
18. (a) Ano ang dapat isaisip ng nag-alay na mga lalaki tungkol sa kanilang motibo? (b) Sa anong pantanging paraan isang halimbawa ng pagpapakumbaba ang maraming mga kapatid na babae?
18 Paano nga maikakapit ng nag-alay na mga lalaki ang payong iyan sa ngayon? Sa pamamagitan ng pagkilala sa bagay na anumang responsableng tungkulin sa loob ng kongregasyong Kristiyano ay isang atas na maglingkod nang may pagpapakumbaba. Baka magkamali ang iba sa pag-iisip na ang pagiging isang ministeryal na lingkod, matanda sa kongregasyon, isang tagapangasiwa ng sirkito, distrito, o sa Bethel ay pakalagay sa isang puwesto na may prestihiyo at kapangyarihan. Kung ganoon ay hindi nila taglay ang pag-iisip ni Kristo sa bagay na iyan. Walang dako ang mapag-imbot na ambisyon kung taglay natin ang hilig ng pag-iisip ni Kristo. Ang ating motibo sa paglilingkod sa Diyos at sa ating mga kapatid ay kailangan na malinis. Halimbawa, marami sa ating Kristiyanong mga kapatid na babae ang nangunguna sa pagkakaroon ng bahagi sa pagpapayunir at pagmimisyonero. Ang iba ay masigasig na mga mamamahayag ng mabuting balita sa kabila ng pag-uusig o pananalansang ng kanilang sambahayan. At sa lahat ng ito ay hindi sila pinakikilos ng anumang motibo na mag-isip na maging ministeryal na mga lingkod o mga tagapangasiwa!
Pag-ibig—Ang Saligan ng Halimbawa ni Kristo
19. Ano ang saligan ng halimbawa ni Kristo, paano natin nalalaman iyan?
19 Ano ba ang idiniriin ni Pedro higit sa lahat tungkol sa pag-iisip ni Kristo? Siya’y sumulat: “Higit sa lahat, kayo’y magkaroon ng maningas na pag-iibigan, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Paano nakita kay Jesus ang ganiyang pag-ibig? Siya’y nagturo: “Ito ang aking utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:12, 13) Hindi nagtagal pagkatapos, isinakripisyo ni Jesus ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. At tunay naman na ang kaniyang pag-ibig ay tumakip sa maraming kasalanan! Kung gayon, kung tayo’y tunay na may hilig ng pag-iisip na gaya ng kay Jesus, tayo rin naman ay makikitaan ng “maningas na pag-iibigan” at magiging mapagpatawad.—Colosas 3:12-14; Kawikaan 10:12.
20. Kung ibig nating tularang maingat si Kristo bilang modelo, ano ang kailangang gawin nating lahat?
20 Ang halimbawa ni Kristo ay mabubuo sa isang salita—pag-ibig. Kung talagang tinutularan nating maingat si Jesus bilang modelo sa lahat ng ating iniisip, sinasabi, at ginagawa, tayo rin naman ay magsasagawa ng pag-ibig. Gaya ng sinabi ni Pedro: “Katapus-tapusan, kayong lahat ay magkaisang-isip, na nakikiramay sa kapuwa, nag-iibigang tulad sa magkakapatid, malumanay sa kaawaan, mapagpakumbabang-isip, na huwag ninyong gantihin ng masama ang masama o ng pag-alipusta ang pag-alipusta, kundi, bagkus pa, ng pagpapala, sapagkat dahil dito kayo tinawag, upang kayo’y magmana ng pagpapala.”—1 Pedro 3:8, 9.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano natin matutularan ang modelo na iniwan sa atin ni Kristo?
◻ Paano matutularan ng isang asawang babaing Kristiyano ang halimbawa ni Kristo?
◻ Paano dapat igalang ng mga lalaking Kristiyano ang kani-kanilang asawa?
◻ Paano idiniin ni Pedro ang pagpapakumbaba?
◻ Ano ang saligan ng halimbawa ni Jesus?
[Larawan sa pahina 18]
Ang guro ay sumulat ng isang pinaka-huwarang teksto sa mga linya sa itaas; ang mag-aaral ay nagsikap na gumawa ng isang sakdal na kopya (hy·po·gram·mosʹ)