Mayroon Ka Bang Maka-Diyos na Pangmalas sa Inuming De-Alkohol?
MGA 20 taon na ang nakaraan, nakahukay ang mga arkeologo ng isang lumang gusali na yari sa ladrilyong-putik malapit sa bayan ng Urmia, Iran. Natagpuan nila doon ang isang seramik na banga na, ayon sa mga siyentipiko, libu-libong taon na ang tanda, noon pang panahon nang itatag ang ilang kauna-unahang pamayanan ng tao. Ginamit kamakailan ang pinakabagong teknolohiya sa pagsusuri sa banga. Nagulat ang mga siyentipiko nang masumpungan sa loob nito ang pinakamatandang kemikal na katibayan ng paggawa ng alak.
Maliwanag din na pinatutunayan ng Bibliya na iniinom ang alak, serbesa, at iba pang inuming de-alkohol noong sinaunang panahon. (Genesis 27:25; Eclesiastes 9:7; Nahum 1:10) Tulad sa ibang pagkain, bilang mga indibiduwal ay binibigyan tayo ni Jehova ng mapagpipilian—ang uminom o hindi uminom ng inuming de-alkohol. Madalas uminom ng alak si Jesus kapag kumakain. Umiwas sa alkohol si Juan na Tagapagbautismo.—Mateo 11:18, 19.
Ipinagbabawal ng Bibliya ang pagpapakalabis sa pag-inom. Ang paglalasing ay isang kasalanan sa Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Kasuwato nito, hindi pinahihintulutan ng mga Saksi ni Jehova na manatili sa Kristiyanong kongregasyon ang sinuman na hindi nagsisising lasenggo. Yaong mga nasa kongregasyon na nagpasiyang uminom ng inuming de-alkohol ay dapat na maging katamtaman sa paggamit nito.—Tito 2:2, 3.
Di-maka-Diyos na Pangmalas
Maraming tao sa ngayon ang walang maka-Diyos na pangmalas sa mga inuming de-alkohol. Madaling mahalata na itinataguyod ni Satanas ang maling paggamit sa sinaunang produktong ito. Halimbawa, kaugalian ng mga lalaki sa ilang isla sa Timog Pasipiko na magtipun-tipon upang uminom ng maraming gawang-bahay na inuming pinakasim. Ang mga sesyong ito ay maaaring tumagal nang maraming oras at ginaganap nang madalas—maraming lalaki ang nagpapakasasa sa paggawa nito sa araw-araw. Itinuturing ito ng ilan bilang bahagi na ng kultura. Kung minsan ay serbesa at alak ang iniinom sa halip na—o bukod sa—lokal na gawang-bahay na inumin. Paglalasing ang karaniwang resulta.
Sa isa pang isla sa Pasipiko, halos hindi alam ang katamtamang pag-inom ng mga lalaki ng alkohol. Gaya ng kadalasang nangyayari, kapag sila’y uminom sila’y umiinom upang malasing. Karaniwan, kapag araw ng suweldo ay magtitipon ang isang grupo ng mga kalalakihan at bibili ng kahun-kahon na serbesa, na bawat isa ay naglalaman ng 24 na bote. Humihinto lamang sila sa pag-inom kapag ubos na ang serbesa. Bilang resulta, palasak na ang paglalasing ng mga tao.
Ang mga pinakasim na inumin, tulad ng lambanog at iba pang lokal na inuming de-alkohol, ay karaniwan nang ginagamit sa mga bansang Aprikano. Sa ilang komunidad ay idinidikta ng tradisyon na dapat na mag-alok ng alkohol sa mga bisita kapag sila’y inaasikaso. Kinaugalian nang ilaan ng mapagpatuloy na punong-abala ang higit kaysa sa maiinom ng kaniyang bisita. Sa isang lugar ay kaugalian nang maglagay ng 12 bote ng serbesa sa harapan ng bawat bisita.
Maraming kompanya ng mga Hapones ang nag-oorganisa ng mga pagliliwaliw sakay ng bus para sa kanilang mga manggagawa. Maraming inuming de-alkohol ang dinadala, at pinahihintulutan ang paglalasing. Tumatagal nang dalawa o tatlong araw ang ilan sa gayong mga iskursiyon ng kompanya. Ayon sa magasing Asiaweek, sa Hapon, “mula sa mga magsasaka ng palay hanggang sa mayayamang pulitiko, ang sukatan ng pagkalalaki ay matagal nang ibinabatay sa dami ng alak na kaniyang maiinom.” Gayundin ang napansin sa ibang bansa sa Asia. Sinabi ng Asiaweek na “mas maraming alak ang naiinom ngayon ng bawat tao na taga-Timog Korea kaysa sa naiinom ng mga manginginom saanman sa daigdig.”
Naging palasak ang labis na pag-inom sa mga kampus ng mga kolehiyo sa Estados Unidos. Ayon sa The Journal of the American Medical Association, “hindi minamalas ng karamihan sa mga labis uminom na sila ay mga alkoholiko.”a Hindi ito dapat na ipagtaka dahil ang pag-inom ay itinataguyod ng media sa maraming bansa bilang isang kapana-panabik, uso, at sosyal na gawain. Kadalasan ang mga kabataan ang pangunahing puntirya ng ganitong propaganda.
Sa Britanya, dumoble ang pag-inom ng serbesa sa loob ng 20 taon, at dumami ng tatlong beses ang pag-inom ng matapang na alak. Mas bata ang mga nagsisimulang uminom, at dumarami ang mga babaing umiinom. Gayundin ang napapansin sa mga bansa sa Silangang Europa at sa Latin Amerika. Pinatutunayan ito ng kaugnay na pagtaas ng alkoholismo at mga aksidente sa lansangan na may kinalaman sa alkohol. Maliwanag, kitang-kita ang pagtaas ng pag-aabuso sa alkohol sa buong daigdig.
Gaano Karami ang Labis?
Timbang ang pangmalas ng Bibliya sa mga inuming de-alkohol. Sa isang panig, sinasabi ng Kasulatan na ang alak ay isang kaloob na galing sa Diyos na Jehova na “nagpapasaya sa puso ng mortal na tao.” (Awit 104:1, 15) Sa kabilang panig, ginamit ng Bibliya ang mga pananalitang “labis na pag-inom,” “pagpapakalabis sa alak, maiingay na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom,” “mahilig sa maraming alak,” at “napaaalipin sa maraming alak,” sa paghatol laban sa pagpapakalabis. (Lucas 21:34; 1 Pedro 4:3; 1 Timoteo 3:8; Tito 2:3) Subalit gaano karami ang “maraming alak”? Paano matitiyak ng isang Kristiyano kung ano ang kasangkot sa maka-Diyos na pangmalas sa mga inuming de-alkohol?
Hindi mahirap kilalanin ang paglalasing. Inilalarawan ng Bibliya ang mga bunga nito sa pananalitang: “Sino ang may kaabahan? Sino ang may pagkaligalig? Sino ang may pakikipagtalo? Sino ang dumaraing? Sino ang may sugat na walang kadahilanan? Sino ang may nanlalabong mga mata? Silang nagpapakasawa sa alak, silang nagsisiyaon upang humanap ng pinaghalong alak. . . . Ang mga mata mo ay makakakita ng mga kakatwang bagay, at ang puso mo ay magsasalita ng mga kamalian.”—Kawikaan 23:29-33.
Ang labis na alkohol ay maaaring maging sanhi ng pagkalito, mga guniguni, kawalan ng malay-tao, at iba pang sakit sa isip at katawan. Sa ilalim ng impluwensiya ng alkohol, ang isang tao ay maaaring mawalan ng kontrol sa kaniyang paggawi, anupat napipinsala ang kaniyang sarili o ang iba. Kilala ang mga lasenggo sa pakikibahagi sa katawa-tawa, nakagagalit, o imoral na paggawi.
Ang pag-inom hanggang sa malasing, lakip na ang nabanggit na mga bunga nito, ay tiyak na labis na pag-inom. Gayunman, maipamamalas ng isang tao ang pagpapakalabis nang hindi ipinakikita ang lahat ng karaniwang palatandaan ng paglalasing. Kaya naman, karaniwang pinagtatalunan ang isyu na may kinalaman sa kung baga ang isa ay labis na nakainom. Ano ang hangganan ng pagiging katamtaman at ng pagpapakalabis?
Ingatan ang Iyong Kakayahang Mag-isip
Ang Bibliya ay hindi nagtatakda ng hangganan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga porsiyento ng dami ng alkohol sa dugo o ng ilan pang panukat. Nagkakaiba ang pagtalab ng alkohol sa iba’t ibang tao. Subalit kapit ang mga simulain ng Bibliya sa lahat ng Kristiyano at makatutulong sa atin upang magkaroon ng maka-Diyos na pangmalas sa mga inuming de-alkohol.
Ang unang kautusan, sabi ni Jesus, ay “ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.” (Mateo 22:37, 38) Ang alkohol ay may tuwirang epekto sa isip, at ang pagpapakalabis ay hahadlang sa iyong pagsunod sa kautusang ito na pinakadakila sa lahat. Ito ay lubhang makahahadlang sa tamang paghatol, sa kakayahang lumutas ng mga suliranin, sa pagpipigil-sa-sarili, at sa iba pang mahahalagang kakayahan ng isip. Pinapayuhan tayo ng Kasulatan: “Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip, at sa gayo’y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa at palamuti sa iyong leeg.”—Kawikaan 3:21, 22.
Namamanhik si apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Ang isang Kristiyano ba ay magiging “kaayaaya sa Diyos” kung umiinom siya ng alkohol hanggang sa mawala ang kaniyang “kakayahan sa pangangatuwiran”? Kadalasan, ang isa na labis uminom ay unti-unting nasasanay sa alkohol. Maaaring akalain niya na ang kaniyang malakas na pag-inom ay—para sa kaniya—malayo pa sa paglalasing. Subalit, maaaring nagsisimula na siyang magkaroon ng nakasasamang pagkasugapa sa alkohol. Maihaharap kaya ng gayong tao ang kaniyang katawan na “isang haing buháy, banal”?
Gaano mang dami ng alkohol basta nakapipinsala sa iyong ‘praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip’ bilang isang Kristiyano ay labis na alkohol para sa iyo.
Ano ang Humuhubog sa Iyong Pangmalas sa Alkohol?
Dapat suriin ng isang Kristiyano kung ang kaniyang saloobin hinggil sa pag-inom ay naiimpluwensiyahan ng kausuhan o tradisyon. Pagdating sa mga inuming de-alkohol, tiyak na hindi mo nanaising magpasiya salig sa kaugalian ng kultura o sa propaganda ng media. Sa pagsusuri sa iyong sariling saloobin, tanungin ang sarili, ‘Naiimpluwensiyahan ba ito ng kung ano ang sinasang-ayunan sa komunidad? O ang aking pag-inom ay inuugitan ng mga simulain sa Bibliya?’
Bagaman hindi salungat sa kultura ang mga Saksi ni Jehova, natatanto nila na kinapopootan ni Jehova ang maraming kaugalian na malawakang sinasang-ayunan ngayon. Pinapayagan sa ilang komunidad ang aborsiyon, pagsasalin ng dugo, homoseksuwalidad, o poligamya. Gayunman, gumagawi ang mga Kristiyano ayon sa pangmalas ng Diyos sa mga bagay na ito. Oo, ang isang Kristiyano ay uudyukan ng maka-Diyos na pangmalas upang kapootan ang gayong mga gawain maging ang mga ito man ay tinatanggap sa kultura o hindi.—Awit 97:10.
Bumabanggit ang Bibliya tungkol sa “kalooban ng mga bansa,” na doo’y kasali ang “pagpapakalabis sa alak” at “paligsahan sa pag-inom.” Ipinahahayag ng terminong “paligsahan sa pag-inom” ang ideya ng mga pagtitipon na isinaayos sa layuning uminom ng maraming alkohol. Lumilitaw na noong panahon ng Bibliya ang ilan na nagmamapuri sa kanilang inaakalang kakayahan sa pag-inom ng maraming alak ay sumubok na higitan ang iba, o sumubok na alamin kung sino ang makaiinom ng pinakamarami. Tinukoy ni apostol Pedro ang ganitong uri ng paggawi bilang isang “pusali ng kabuktutan” na doo’y hindi na nakikibahagi ang nagsising mga Kristiyano.—1 Pedro 4:3, 4.
Makatuwiran ba para sa isang Kristiyano na magkaroon ng pangmalas na hangga’t hindi siya nalalasing, hindi naman talaga suliranin kung saanman, kailanman, at gaano man karami siyang uminom? Maitatanong natin, Iyan ba ay maka-Diyos na pangmalas? Sinasabi ng Bibliya: “Kumakain man kayo o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Maaaring hindi malasing lahat ang isang grupo ng mga lalaki na nagtipon sa isang pampublikong dako upang uminom ng maraming alkohol, ngunit makaluluwalhati kaya kay Jehova ang kanilang paggawi? Ang Bibliya ay nagpapayo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2.
Iwasang Makatisod sa Iba
Kapansin-pansin, ang mismong kultura na nagpapahintulot ng pagpapakalabis ay karaniwan nang hindi naniniwala kapag ang isang malakas uminom ay nag-aangking isang taong maka-Diyos. Sa isang maliit na komunidad sa Timog Pasipiko, isang nagmamasid ang nagsabi: “Hinahangaan ko kayo. Ipinangangaral ninyo ang katotohanan. Ngunit ang nakikita naming problema ay labis uminom ng alak ang mga kalalakihan ninyo.” Ayon sa ulat, hindi nalalasing ang mga indibiduwal, subalit ang katotohanang iyon ay hindi gaanong napapansin ng karamihan sa komunidad. Madaling sabihin ng mga nagmamasid na ang mga Saksi ay nalalasing din, gaya ng karamihan sa ibang mga lalaki na nakikipag-inuman. Mapananatili kaya ng isang Kristiyanong ministro na nakikipag-inuman nang matagal ang isang mabuting reputasyon at maisasakatuparan ang kaniyang ministeryo sa madla nang may kalayaan sa pagsasalita?—Gawa 28:31.
Isang ulat buhat sa isang bansa sa Europa ang nagpapakita na kung minsan ay may ilang kapatid na dumadalo sa Kingdom Hall ang amoy-na-amoy alak ang kanilang hininga. Ito ay nakabagabag sa budhi ng iba. Nagpapayo ang Bibliya: “Mabuti ang huwag kumain ng laman o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na ikinatitisod ng iyong kapatid.” (Roma 14:21) Ang isang maka-Diyos na pangmalas sa mga inuming de-alkohol ay mag-uudyok sa may-gulang na Kristiyano na isaalang-alang ang budhi ng iba, maging ito man ay mangahulugang pag-iwas sa alkohol sa ilang pagkakataon.
Kitang-kita ang Pagkakaiba ng mga Kristiyano
Nakalulungkot, ang sanlibutang ito ay marami nang nagawang nakapagpapagalit kay Jehova sa pamamagitan ng maling paggamit sa mabubuting bagay na kaniyang ibinigay sa sangkatauhan, kasali na ang mga inuming de-alkohol. Dapat sikapin ng bawat nag-alay na Kristiyano na iwasan ang laganap na di-maka-Diyos na mga pangmalas. Sa gayon ay “makikita [ng mga tao] ang pagkakaiba ng isa na matuwid at ng isa na balakyot, ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.”—Malakias 3:18.
Pagdating sa mga inuming de-alkohol, dapat na kitang-kita ang “pagkakaiba” ng mga Saksi ni Jehova at ng sanlibutan. Ang pag-inom ng mga inuming de-alkohol ay hindi siyang pangunahin sa buhay ng mga tunay na Kristiyano. Hindi nila sinusubukang alamin kung hanggang saan ang kanilang kayang inumin, anupat nanganganib na humantong sa paglalasing; ni kanila mang hinahayaang pinsalain o sa paano man ay hadlangan ng mga inuming de-alkohol ang kanilang paglilingkod sa Diyos nang buong kaluluwa at nang may malinaw na pag-iisip.
Bilang isang grupo, ang mga Saksi ni Jehova ay may maka-Diyos na pangmalas sa mga inuming de-alkohol. Kumusta ka naman? Bawat isa sa atin ay makaaasa sa mga pagpapala ni Jehova habang ating sinusunod ang tagubilin ng Bibliya “na itakwil ang pagkadi-maka-Diyos at makasanlibutang mga nasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at maka-Diyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”—Tito 2:12.
[Talababa]
a Binigyang-kahulugan ang labis na pag-inom bilang ang sunud-sunod na pagtagay ng lima o higit pang inumin para sa lalaki at apat o higit pang inumin para sa babae.”—The Journal of the American Medical Association.
[Kahon/Larawan sa pahina 28]
Makinig sa Iyong mga Minamahal
Kadalasan nang ang labis na manginginom ang kahuli-hulihang nakatatanto na siya ay may problema. Hindi dapat mag-atubiling mag-alok ng tulong ang mga kamag-anak, kaibigan, at Kristiyanong matatanda sa mga minamahal na nagpapakalabis. Sa kabilang panig, kung magpahayag ng pagkabalisa ang inyong mga minamahal hinggil sa iyong mga kinagawian sa pag-inom ng alkohol, malamang na may mabuti silang dahilan ukol dito. Isaalang-alang ang kanilang sinasabi.—Kawikaan 19:20; 27:6.