Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yb13 p. 78-173
  • Myanmar (Burma)

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Myanmar (Burma)
  • 2013 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Subtitulo
  • Binuksan ang Gawain
  • “Rachel, Natagpuan Ko Na ang Katotohanan!”
  • Mga Payunir na Walang Takot
  • Isang Makasaysayang Kombensiyon
  • Mga Unang Alagad na Kayin
  • Hambalos ng Digmaang Pandaigdig ll
  • Masayang Muling Pagkikita
  • Unang mga Misyonero Mula sa Gilead
  • Sumiklab ang Gera Sibil!
  • Pangangaral at Pagtuturo sa Wikang Burmese
  • Nagbunga ang Gawain sa Mandalay
  • Pinalayas ang mga Misyonero!
  • Pangangaral sa Chin State
  • ‘Pag-akyat sa mga Bundok’
  • “Walang ‘Tupa’ sa Myitkyina”
  • Mga Bagon ng Tren na Hindi Nakarating
  • Pagtuturo sa mga Naga
  • Pagsalansang sa “Golden Triangle”
  • Pananatiling Neutral
  • Mga Sundalong Naging Kristiyano
  • Pakikipagkatuwiranan sa “Lahat ng Uri ng mga Tao”
  • Nagdaos ng Kombensiyon sa Panahon ng mga Protesta
  • Hindi Pinababayaan ang Kristiyanong Pagtitipon
  • Pagsulong sa Paglilimbag
  • Kailangan ng Bagong Sangay
  • ‘Hindi sa Pamamagitan ng Kapangyarihan, Kundi ng Aking Espiritu’
  • Pagtatayo ng Bagong mga Kingdom Hall
  • Dumating ang mga Misyonero
  • Mabubuting Halimbawa na Nakatulong sa Marami
  • Kapakinabangan ng Mas Mainam na Salin
  • Bagyong Nargis
  • Isang Di-malilimutang Okasyon
  • “Mapuputi Na Para sa Pag-aani”
2013 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
yb13 p. 78-173

Myanmar (Burma)

SA PAGITAN ng India at China, matatagpuan ang Myanmar.a May magkaibang mukha ang lupaing ito. Sa pinakamalaking lunsod nito, ang Yangon (dating Rangoon), may nagtataasang gusali, mga tindahang hindi mahulugan ng karayom sa dami ng tao, at mga sasakyang siksikan sa kalsada. Pero sa labas ng lunsod, tahimik ang buhay. Ang mga taganayon ay manghang-mangha sa mga banyaga at gumagamit ng kalabaw sa pag-aararo.

Mababakas sa Myanmar ngayon kung ano ang Asia noon. Sa daan, kakarag-karag ang mga bus sa baku-bakong kalsada, hila-hila ng mga baka ang kariton ng mga pananim papunta sa palengke, at akay-akay ng mga pastol ng kambing ang kawan nila. Ang kalalakihan ay nakatradisyonal na palda (lungi). Ang mga babae ay nagpapahid ng paste na mula sa balat ng puno ng thanaka bilang makeup. Napakarelihiyoso ng mga tao. Mas pinararangalan ng mga debotong Budista ang mga monghe kaysa sa sikát na mga personalidad at araw-araw silang naghahandog ng laminang ginto kay Buddha.

Mahinahon, makonsiderasyon, at mausisa ang mga taga-Myanmar. May walong malalaking etnikong grupo rito at di-bababa sa 127 maliliit na grupo. Ang bawat grupo ay may kani-kaniyang wika, pananamit, pagkain, at kultura. Karamihan sa mga tao ay nakatira sa kapatagan sa paligid ng napakalaking Ilog Ayeyarwady (Irrawaddy), na 2,170 kilometro ang haba at bumabagtas mula sa mayelong kabundukan ng Himalaya hanggang sa maligamgam na Dagat Andaman. Milyun-milyon din ang nakatira sa malawak na baybaying-dagat at sa mga bulubunduking lupain malapit sa border ng Bangladesh, China, India, Laos, at Thailand.

Sa halos 100 taóng nagdaan, walang tinag ang pananampalataya at pagbabata ng mga Saksi ni Jehova sa Myanmar. Samantalang nagkakagulo ang bansa dahil sa pulitika, nanatili silang neutral. (Juan 17:14) Sa kabila ng hirap, pagsalansang, at limitadong pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid sa ibang lupain, hindi sila nanghimagod sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Tunghayan natin ang kanilang nakaaantig-pusong kuwento.

Binuksan ang Gawain

Noong makasaysayang taon ng 1914, dalawang brother na taga-Inglatera ang bumaba sa pantalan ng Yangon. Si Hendry Carmichael at ang kapartner niyang payunir ay naglakbay mula India para sa isang di-birong atas​—buksan ang gawain sa Burma. Buong bansa ang teritoryo nila.

Sa Yangon, dalawang lalaking Anglo-Indian ang natagpuan ni Hendry at ng partner niya.b Naging interesado sa mensahe ng Kaharian sina Bertram Marcelline at Vernon French. Agad silang kumalas sa Sangkakristiyanuhan at nagsimulang magpatotoo nang di-pormal sa mga kaibigan nila. Di-nagtagal, mga 20 na ang regular na nagpupulong sa bahay ni Bertram para pag-aralan ang Bibliya sa tulong ng The Watch Tower.c

Taóng 1928 nang isa pang payunir na Briton mula sa India, si George Wright, ang dumalaw sa Burma. Limang buwan siyang lumibot sa bansa at namahagi ng mga literatura sa Bibliya. Kabilang sa mga iyon ang 1920 na buklet na Millions Now Living Will Never Die!​—ang kauna-unahang publikasyong Kristiyano na isinalin sa Burmese.

Pagkalipas ng dalawang taon, dumating sa Yangon ang mga payunir na sina Claude Goodman at Ronald Tippin. Natagpuan nila ang isang maliit na grupo ng mga kapatid na regular na nagpupulong pero walang organisadong pangangaral. “Pinasigla namin ang mga kapatid na mangaral tuwing Linggo,” ang sabi ni Claude. “Nagtanong ang isang brother kung puwedeng may mag-proxy na lang sa kaniya sa pangangaral, tapos susuporta na lang siya sa pinansiyal. Sagot ni Ron: ‘Bakit hindi? Pero y’ong proxy mo lang din ang makakapasok sa bagong sanlibutan.’” Simpleng sagot, pero iyon ang nagpakilos sa grupo. Di-nagtagal, marami na ang sumama kina Claude at Ronald sa pangangaral.

“Rachel, Natagpuan Ko Na ang Katotohanan!”

Nang taon ding iyon, natagpuan nina Ron at Claude si Sydney Coote, na nangangasiwa sa istasyon ng tren sa Yangon. Kumuha si Sydney ng isang koleksiyon ng sampung makukulay na aklat na tinatawag noong rainbow set. Pagkatapos mabasa ang ilang bahagi ng isang aklat, sinabi ni Sydney sa kaniyang misis, “Rachel, natagpuan ko na ang katotohanan!” Nang maglaon, naglilingkod na kay Jehova ang buong pamilya Coote.

Masipag mag-aral ng Bibliya si Sydney. Sinabi ng kaniyang anak na si Norma Barber, isang beteranong misyonera na naglilingkod ngayon sa sangay sa Britanya: “May sariling reperensiya ng mga teksto ang tatay ko. Kapag nakakita siya ng teksto na nagpapaliwanag sa isang turo, isinusulat niya iyon sa libro niya sa ilalim ng isang kategorya. Ang tawag niya sa libro, Nasaan Iyon?”

Gusto ring ibahagi ni Sydney sa iba ang mensahe ng Bibliya. Kaya sumulat siya sa sangay sa India para itanong kung may mga Saksi sa Burma. Nakatanggap siya agad ng malaking kahon ng mga literatura at ng listahan ng mga pangalan. “Sinulatan niya ang mga nasa listahan para bisitahin kami kahit isang araw lang,” ang sabi ni Norma. “Lima o anim na brother ang nagpunta sa bahay; itinuro nila kung paano kami magpapatotoo nang di-pormal. Walang sinayang na panahon ang mga magulang ko sa pamamahagi ng literatura sa mga kaibigan at kapitbahay. Nagpadala rin sila ng mga sulat at literatura sa lahat ng kamag-anak namin.”

Nang matanggap ni Daisy D’Souza na nakatira sa Mandalay, ang sulat ng kapatid niyang si Sydney at ang buklet na The Kingdom, the Hope of the World, sinagot niya agad ito at humingi ng iba pang publikasyon at ng Bibliya. “Sobrang saya ni Nanay, inabot siya nang madaling araw sa pagbabasa ng buklet,” ang kuwento ni Phyllis Tsatos, anak ni Daisy. “Tapos, tinipon niya kaming anim na magkakapatid dahil may mahalaga siyang sasabihin: ‘Iiwan ko na ang Simbahang Katoliko dahil natagpuan ko na ang katotohanan!’” Nang maglaon, tinanggap din ng asawa ni Daisy at ng mga anak niya ang katotohanan. Ngayon, apat na henerasyon ng pamilya D’Souza ang tapat na naglilingkod kay Jehova.

Mga Payunir na Walang Takot

Nang unang mga taon ng dekada ng 1930, ipinangangaral na ng mga payunir ang mabuting balita sa mga lugar na binabagtas ng tren mula Yangon patungong Myitkyina, isang bayang malapit sa border ng China. Nangaral din sila sa Mawlamyine (Moulmein) at Sittwe (Akyab), mga bayan malapit sa baybayin sa silangan at kanluran ng Yangon. Kaya nagkaroon ng maliliit na kongregasyon sa Mawlamyine at Mandalay.

Noong 1938, ang sangay sa Australia na ang nangasiwa sa gawain sa Burma, na dating pinangangasiwaan ng sangay sa India. Nagdatingan ang mga payunir mula sa Australia at New Zealand. Kabilang sa masisigasig na payunir na ito sina Fred Paton, Hector Oates, Frank Dewar, Mick Engel, at Stuart Keltie. Di-matatawaran ang sakripisyo ng mga payunir na ito sa pagbubukas ng bagong teritoryo.

Ikinuwento ni Fred Paton: “Sa loob ng apat na taon sa Burma, nakapangaral ako sa halos buong bansa. Nagkamalarya ako, tipus, disintirya, at iba pang sakit. Madalas na wala akong matulugan pagkatapos ng maghapong pangangaral. Pero patuloy akong pinaglaanan ni Jehova at pinalakas ng kaniyang espiritu.” Sinabi naman ni Frank Dewar, taga-New Zealand: “Nakaengkuwentro ako ng mga tulisan, rebelde, at mapanindak na mga opisyal. Pero kumakalma ang kahit mahirap na sitwasyon kapag magalang ka, mahinahon, mapagpakumbaba, at makonsiderasyon. Nakita ng mga tao na hindi mapanganib ang mga Saksi ni Jehova.”

Ibang-iba ang pagtrato ng mga payunir sa mga mamamayan. Karaniwan nang mababa ang tingin ng mga banyaga sa mga taga-Burma. Pero nirespeto sila at minahal ng mga payunir. Nakaantig ito sa mga taga-Burma dahil mas gusto nila ang mahinahon at mataktikang paraan, kaysa ang prangkahin o komprontahin sila. Sa salita at sa gawa, pinatunayan ng mga payunir na ang mga Saksi ni Jehova ay mga tunay na Kristiyano.​—Juan 13:35.

Isang Makasaysayang Kombensiyon

Makalipas ang ilang buwan pagdating ng mga payunir, nagsaayos ng kombensiyon sa Yangon ang sangay sa Australia. Pinili nila itong idaos sa Yangon City Hall, isang malapalasyong gusali na may hagdanang marmol at malalaking pintuang tanso. May mga delegado mula sa Thailand, Malaysia, at Singapore. Nagsama naman si Alex MacGillivray, ang lingkod ng sangay sa Australia, ng mga kapatid mula sa Sydney.

Dahil sa banta ng digmaan, napukaw ang interes ng mga tao sa pahayag pangmadlang “Digmaang Pansansinukob Malapit Na,” na malawakang ipinag-anyaya ng mga kapatid. “Ang bilis napuno ng awditoryum!” ang sabi ni Fred Paton. “Pagbukas ng pinto, nag-uunahan ang mga tao paakyat sa awditoryum. Wala pang sampung minuto, mahigit 1,000 na ang nagsisiksikan sa bulwagan na pang-850 lang.” Idinagdag ni Frank Dewar, “Kailangan na naming isara ang mga pinto sa harap, kahit may 1,000 pa sa labas. Pero may madiskarteng mga binatilyo na pilit pa ring pumasok sa mga pinto sa gilid.”

Masayang-masaya ang mga kapatid sa nakita nilang interes, pati na sa iba’t ibang uri ng taong dumating, kabilang na ang maraming etnikong grupo. Bago ang kombensiyon, kakaunti lang ang interesado sa katotohanan, dahil karamihan sa mga taga-Burma ay debotong Budista. Ang mga nag-aangking Kristiyano naman​—karamihan ay Kayin, (Karen), Kachin, at Chin​—ay nasa mga liblib na lugar na hindi gaanong napapaabutan ng mabuting balita. Pero hinog na ang teritoryong ito para sa pag-aani. Di-nagtagal, maraming etnikong grupo sa Burma ang naging bahagi ng “malaking pulutong” mula sa iba’t ibang bansa gaya ng inihula ng Bibliya.​—Apoc. 7:9.

Mga Unang Alagad na Kayin

Minsan noong 1940, nangaral ang payunir na si Ruby Goff sa Insein, isang maliit na bayan malapit sa Yangon. Wala siyang matagpuang interesado kaya nanalangin siya, “Diyos na Jehova, sana makakita po ako ng kahit isang ‘tupa’ bago ako umuwi.” Sa kasunod na bahay, natagpuan niya si Hmwe Kyaing, isang Baptist na Kayin, na nakinig sa mensahe ng Kaharian. Di-nagtagal, si Hmwe Kyaing at ang mga anak niyang sina Chu May (Daisy) at Hnin May (Lily) ay nag-aral ng Bibliya at sumulong sa espirituwal. Bagaman di-nagtagal ay namatay si Hmwe Kyaing, ang nakababatang anak niyang si Lily ang kauna-unahang Kayin na naging bautisadong Saksi ni Jehova. Nang maglaon, nabautismuhan din si Daisy.

Naging masisigasig na payunir sina Lily at Daisy at nag-iwan sila ng magandang halimbawa. Sa ngayon, marami sa kanilang inapo at mga estudyante sa Bibliya ang naglilingkod kay Jehova sa Myanmar at sa ibang bansa.

Hambalos ng Digmaang Pandaigdig ll

Noong 1939, pumutok ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa. Nagimbal ang buong daigdig. Sa gitna ng kaguluhan, lalo pang ginipit ng klero ng Sangkakristiyanuhan sa Burma ang pamahalaan para ipagbawal nito ang ating literatura. Kaya si Mick Engel, ang nangangasiwa sa depot ng mga literatura sa Yangon, ay lumapit sa isang mataas na opisyal ng Amerika at humingi ng awtorisasyon para maisakay sa trak ng militar ang mga dalawang tonelada ng literatura at maitawid ito sa Burma Road patungong China.

Dinala nina Fred Paton at Hector Oates ang mga literatura sa istasyon sa bayan ng Lashio, malapit sa border ng China. Nang kausapin nila ang opisyal na nangangasiwa sa convoy patungong China, halos umusok ang ilong nito sa galit! “Ano?” bulyaw niya. “Saan ko pa isisingit ’yang walang kuwentang tracts n’yo? E, wala na nga akong paglagyan ng mga gamot at gamit ng militar!” Kinuha ni Fred sa kaniyang bag ang awtorisasyon at sinabi sa opisyal na malaking paglabag kung babale-walain niya ang opisyal na utos na iyon mula sa Yangon. Kaya isang maliit na trak, na may kasamang drayber at mga suplay, ang ipinaubaya sa mga brother. Nagbiyahe sila nang 2,400 kilometro patungong Chongqing (Chungking), sa timog-sentral ng China. Dito nila ipinamahagi ang napakahalagang literatura at personal pa silang nakapagpatotoo kay Chiang Kai-shek, ang presidente ng gobyernong Chinese Nationalist.

Pagkatapos, noong Mayo 1941, nagpadala ng telegrama sa Yangon ang kolonyal na gobyerno sa India. Ipinag-utos nito sa mga opisyal sa Yangon na kumpiskahin ang ating mga literatura. Dalawang brother na nagtatrabaho sa cable office ang nakakita sa telegrama at agad nila itong sinabi kay Mick Engel. Tinawagan ni Mick sina Lily at Daisy at agad silang pumunta sa depot. Itinago nila ang 40 kahon ng literatura sa iba’t ibang bahay sa Yangon. Pagdating ng mga opisyal, wala na ang mga literatura.

Noong Disyembre 11, 1941, apat na araw pagkatapos umatake ng Japan sa Pearl Harbor, binomba naman nito ang Burma. Noong dulo ng sanlinggong iyon, nagtipon ang isang maliit na grupo ng mga Saksi sa isang maliit na apartment sa itaas ng Yangon Central Railway Station. Matapos ang isang pagtalakay sa Bibliya, doon mismo binautismuhan sa isang bathtub si Lily.

Pagkaraan ng 12 linggo, pinasok ng hukbo ng Japan ang Yangon, na ngayo’y abandonado na. Mahigit 100,000 ang lumikas papuntang India. Libu-libo ang namatay sa paglalakbay dahil sa gutom, pagod, at sakit. Si Sydney Coote, na lumikas kasama ang kaniyang pamilya, ay namatay sa malarya malapit sa border ng India. Isang brother ang binaril ng mga sundalong Hapon, at isa pa ang namatayan ng asawa’t mga anak nang hagisan ng bomba ang bahay nila.

Iilang Saksi ang nanatili sa Burma. Sina Lily at Daisy ay lumipat sa Pyin Oo Lwin (Maymyo), isang tahimik na bayan malapit sa Mandalay. Nagbunga ang pangangaral nila roon. Tumira naman ang brother na si Cyril Gay sa maliit na nayon ng Thayarwaddy, mga 100 kilometro sa hilaga ng Yangon. Doon siya nanirahan habang may digmaan.

Masayang Muling Pagkikita

Pagkatapos ng digmaan, bumalik sa Burma ang karamihan sa mga kapatid na lumikas. Pagsapit ng Abril 1946, walo na ang aktibong mamamahayag sa Yangon Congregation. Sa pagtatapos ng taon, nang 24 na ang mamamahayag sa kongregasyon, nag-organisa ng asamblea ang mga kapatid.

Ang dalawang-araw na asamblea ay idinaos sa isang paaralan sa Insein. “Pagbalik ko mula India, inatasan ako ng isang oras na pahayag,” ang naaalala ni Theo Syriopoulos, na nakaalam ng katotohanan sa Yangon noong 1932. “Bago iyon, dalawang limang-minutong pahayag pa lang ang nagampanan ko sa India. Pero naging matagumpay ang asamblea at mahigit 100 ang dumalo.”

Pagkaraan ng ilang linggo, isang lider sa komunidad ng Kayin na naging interesado sa katotohanan ang nag-alok sa kongregasyon ng isang lote sa Ahlone. Tabing-ilog ito at malapit sa sentro ng Yangon. Doon nagtayo ang mga kapatid ng Kingdom Hall na gawa sa kawayan, at mga sandaan katao ang kasya. Masayang-masaya ang kongregasyon. Hindi natinag ng digmaan ang kanilang pananampalataya. At handang-handa sila at sabik na sabik sa gawaing pangangaral.

Unang mga Misyonero Mula sa Gilead

Pagtuntong ng 1947, isang grupo ng mga kapatid ang nagpunta sa daungan ng Yangon para salubungin si Robert Kirk, ang kauna-unahang misyonero mula sa Gilead na inatasan sa Burma. Di-nagtagal, tatlo pang misyonero ang dumating​—sina Norman Barber, Robert Richards, at Hubert Smedstad​—pati na si Frank Dewar, na payunir sa India noong panahon ng digmaan.

Halos wasak ang buong lunsod nang datnan ito ng mga misyonero. Napakaraming gusali ang sinunog at abandonado na. Libu-libong tao ang nakatira na lang sa mga kubo. Ang mga tao ay nagluluto, naliligo, at naninirahan na lang sa lansangan. Pero dumating ang mga misyonero para magturo ng katotohanan mula sa Bibliya, kaya tiniis nila ang mahirap na kalagayan at naging abala sa ministeryo.

Noong Setyembre 1, 1947, isang tanggapang pansangay ng Watch Tower Society ang itinayo sa tahanan ng mga misyonero sa Signal Pagoda Road, malapit sa sentro ng lunsod. Si Robert Kirk ang inatasang maging tagapangasiwa ng sangay. Di-nagtagal, mula sa dating Kingdom Hall na kawayan sa Ahlone, lumipat ang Yangon Congregation sa isang apartment sa Bogalay Zay Street. Ilang minutong lakad lang ito mula sa Secretariat, ang magarang gusali ng kolonyal na pamahalaan ng Britanya​—isang administrasyong hindi na magtatagal noon!

Sumiklab ang Gera Sibil!

Noong Enero 4, 1948, matapos maging kolonya sa loob ng 60 taon, ibinigay na ng Britanya sa Burma ang pamamahala dito. Malaya na ang Burma. Gayunman, ang bansa ay nasadlak sa gera sibil.

Ipinaglaban ng iba’t ibang etnikong grupo ang kanilang kalayaan, at nag-agawan naman sa kapangyarihan ang mga private army at mga gang. Sa pasimula ng 1949, kontrolado na ng mga rebelde ang kalakhan ng bansa, at sumiklab ang labanan sa labas ng Yangon.

Sa gitna ng kabi-kabilang labanan, maingat na nangaral ang mga kapatid. Mula sa tahanan ng mga misyonero sa Signal Pagoda Road, ang tanggapang pansangay ay inilipat sa isang malaking apartment sa 39th Street. Mataas ang seguridad sa lugar na ito dahil dito rin matatagpuan ang ilang embahada, at mga tatlong-minutong lakad lang ito mula sa post office.

Unti-unting nagapi ng hukbong militar ng Burma ang mga rebelde at naitaboy ang mga ito sa kabundukan. Sa kalagitnaan ng dekada ng 1950, kontrolado nang muli ng gobyerno ang kalakhan ng bansa. Pero hindi pa tapos ang gera sibil. Patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng iba’t ibang grupo hanggang sa ngayon.

Pangangaral at Pagtuturo sa Wikang Burmese

Bago ang kalagitnaan ng dekada ng 1950, ang mga kapatid sa Burma ay kadalasang nangangaral sa wikang Ingles​—ang wika ng mga edukadong tao sa malalaking bayan at lunsod. Pero may milyun-milyon na nagsasalita lang ng Burmese (Myanmar), Kayin, Kachin, Chin, o iba pang lokal na wika. Paano sila mapapaabutan ng mabuting balita?

Noong 1934, ipinasalin ni Sydney Coote sa isang titser na Kayin ang ilang buklet sa wikang Burmese at Kayin. Nang maglaon, isinalin naman ng ibang mamamahayag ang aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” at ilang buklet sa Burmese. Pagkatapos, noong 1950, ipinasalin naman ni Robert Kirk kay Ba Oo ang mga araling artikulo sa Ang Bantayan. Pagka-typeset sa sulat-kamay na salin, ipinapaimprenta ito sa komersiyal na mga palimbagan sa Yangon at ipinamamahagi sa mga dumadalo sa pulong. Nang maglaon, bumili ang tanggapang pansangay ng typewriter na may mga karakter na Burmese para mapabilis ang pagsasalin.

Napaharap sa maraming hamon ang mga tagapagsaling iyon. “Nagtatrabaho ako sa araw para suportahan ang pamilya ko, at sa gabi, nagsasalin naman ng mga artikulo kahit na mahina ang bombilya,” ang naaalala ni Naygar Po Han, na siyang nagtuloy ng pagsasalin nang hindi na ito kaya ni Ba Oo. “Hindi ako gaanong marunong mag-Ingles kaya malamang na hindi ganoon katumpak ang salin ko. Pero gustung-gusto naming mabasa ng pinakamaraming tao hangga’t maaari ang mga magasin natin.” Nang hilingan ni Robert Kirk si Doris Raj na isalin sa Burmese ang Bantayan, nag-iiyak siya. “Mababa lang ang edukasyon ko at wala akong karanasan sa pagsasalin,” ang paliwanag ni Doris. “Pero pinalakas ako ni Brother Kirk. Kaya nanalangin ako kay Jehova at nagsimulang magtrabaho.” Makalipas ang halos 50 taon, nagsasalin pa rin si Doris habang nasa Bethel sa Yangon. Nasa Bethel din ang 93-taóng-gulang na si Naygar Po Han at hindi nagbago ang kaniyang sigasig.

Noong 1956, dumalaw sa Burma si Nathan Knorr ng punong-tanggapan at ipinatalastas niya ang paglalabas ng Ang Bantayan sa Burmese. Hinimok niya ang mga misyonero na pag-aralan ang wika para maging mas epektibo sa pangangaral. Napasigla nito ang mga misyonero at sinikap nilang matuto ng Burmese. Nang sumunod na taon, si Frederick Franz, na mula rin sa punong-tanggapan, ang dumalaw at nagbigay ng pinakatemang pahayag sa limang-araw na asamblea sa Yangon. Pinasigla niya ang mga nangangasiwa na palawakin ang pangangaral at magpadala ng mga payunir sa iba pang lunsod at bayan. Ang unang lugar na pinadalhan ng mga payunir ay ang Mandalay, na dating kabisera ng Burma at ikalawa sa pinakamalaking lunsod sa bansa.

Nagbunga ang Gawain sa Mandalay

Maaga noong 1957, anim na bagong special pioneer ang dumating sa Mandalay, na makakasama ng bagong kasal na sina Robert Richards, isang misyonero, at Baby, isang Kayin. Medyo nahirapan ang mga payunir sa kanilang bagong teritoryo. Ang Mandalay ang sentro ng Budismo at nandito ang halos kalahati ng mga Budistang monghe ng Burma. Pero natanto ng mga payunir na, gaya sa sinaunang Corinto, si Jehova ay ‘maraming tao sa lunsod na ito.’​—Gawa 18:10.

Isa sa mga ito si Robin Zauja, 21-anyos na estudyanteng Kachin. Naalala niya: “Isang umaga, nagpunta sa bahay namin sina Robert at Baby Richards at nagpakilala silang mga Saksi. Ipinangangaral daw nila sa bahay-bahay ang mabuting balita, gaya ng iniutos ni Jesus. (Mat. 10:11-13) Sinabi nila ang kanilang mensahe at ibinigay ang kanilang adres, kasama ng ilang magasin at aklat. Binasa ko ang isa sa mga aklat at tinapos ito hanggang umaga. Nang araw ding iyon, pumunta ako sa bahay ni Robert at sinunud-sunod ko siya ng tanong. Sinagot niya mula sa Bibliya ang lahat ng tanong ko.” Di-nagtagal, si Robin Zauja ang naging kauna-unahang Kachin na tumanggap ng katotohanan. Nang maglaon, ilang taon siyang nag-special pioneer sa hilaga ng Burma. Halos isang daan katao ang naakay niya sa katotohanan. Dalawang anak niya ang naglilingkod ngayon sa Bethel sa Yangon.

Masigasig na alagad din ang 17-anyos na si Pramila Galliara, na nakaalam ng katotohanan sa Yangon. Sabi niya: “Miyembro ng relihiyong Jain si Tatay, at ayaw na ayaw niya ang bago kong pananampalataya. Dalawang beses na sinunog niya ang Bibliya at mga aklat ko at ilang beses niya akong binugbog sa harap ng marami. Ikinulong niya rin ako sa bahay para hindi ako makadalo, at tinakot ako na susunugin daw niya ang bahay ni Brother Richards! Pero nakita niyang hindi ako natinag, kaya unti-unti rin siyang tumigil sa pagsalansang.” Tumigil sa pag-aaral sa unibersidad si Pramila, nagpayunir, at napangasawa ang tagapangasiwa ng sirkito na si Dunstan O’Neill. Mula noon, 45 na ang naakay niya sa katotohanan.

Habang sumusulong ang gawain sa Mandalay, nag-atas ang tanggapang pansangay ng mga misyonero o payunir sa iba pang lugar, kabilang na ang Pathein (Bassein), Kalaymyo, Bhamaw, Myitkyina, Mawlamyine, at Myeik (Mergui). Kitang-kitang pinagpala ni Jehova ang gawain, dahil sa bawat lugar na ito, may matatatag na kongregasyon.

Pinalayas ang mga Misyonero!

Habang sumusulong ang gawain, lalo namang tumitindi ang tensiyon sa pulitika at sa pagitan ng mga etnikong grupo. Noong Marso 1962, kontrolado na ng militar ang gobyerno. Daan-daang libong Indian at Anglo-Indian ang ipina-deport sa India at Bangladesh (dating East Pakistan). Ang mga dayuhan ay binibigyan ng visa na pang-24 na oras lang. Pinuputol na ng Burma ang ugnayan nito sa ibang bansa.

Nag-alala ang mga brother sa sitwasyon. Tiniyak ng pamahalaang militar na mananatili ang kalayaan sa pagsamba basta’t hindi makikialam sa pulitika ang mga relihiyon. Pero gaya ng inaasahan, nakisawsaw sa pulitika ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan. Noong Mayo 1966, napuno na ang gobyerno​—pinalayas nito ang lahat ng banyagang misyonero! Bagaman hindi kailanman nakialam sa pulitika ang mga Saksing misyonero, bandang huli, ipina-deport din sila.

Nabigla ang mga kapatid, pero hindi sila nanghina. Alam nilang aalalayan sila ni Jehova. (Deut. 31:6) Pero iniisip ng ilang brother kung paano magpapatuloy ang gawain.

Di-nagtagal, nakita nila ang sagot ni Jehova. Agad na inatasan si Maurice Raj, dating tagapangasiwa ng sirkito, para mangasiwa sa sangay. Hindi siya naipa-deport kahit na isa siyang Indian. Ikinuwento niya: “Ilang taon bago nito, nag-apply ako ng citizenship sa Burma. Pero wala akong 450 kyatd na pambayad, kaya ipinagpaliban ko muna iyon. Tapos, isang araw, napadaan ako sa dati kong opisina at nakita ako ng dati kong boss. Sumigaw siya: ‘Raj, nakalimutan mo nang kunin ang retirement fund mo.’ Ang halaga​—450 kyat!

“Habang palabas ng opisina, ang dami kong naisip na puwedeng bilhin sa 450 kyat. Pero dahil ang mismong halagang iyon ang kailangan para sa aplikasyon ng citizenship, naisip kong kalooban ni Jehova na gamitin ko iyon para doon. At tama nga ang desisyon ko. Kahit na pinalayas sa Burma ang mga Indian, nakapanatili ako sa bansa, nakapagbiyahe nang malaya, nakapag-import ng literatura, at nagawa ang iba pang atas sa ating gawain​—dahil isa akong legal na mamamayan ng Burma.”

Kasama si Dunstan O’Neill, naglakbay si Maurice sa buong bansa para patibayin ang bawat kongregasyon at nakabukod na grupo. “Ang sabi namin sa mga kapatid: ‘Huwag kayong mag-alala, kasama natin si Jehova. Hangga’t tapat tayo sa kaniya, tutulungan niya tayo,’” ang sabi ni Maurice. “At tinulungan nga kami ni Jehova! Marami ang inatasan bilang special pioneer, at lalo pang bumilis ang pagsulong.”

Ngayon, makalipas ang mga 46 na taon, si Maurice, na miyembro ng Komite ng Sangay, ay lumilibot pa rin sa buong Myanmar para patibayin ang mga kongregasyon. Gaya ng may-edad nang si Caleb ng sinaunang Israel, walang kupas ang sigasig ni Maurice sa gawain ng Diyos.​—Jos. 14:11.

Pangangaral sa Chin State

Isa sa unang mga lugar na pinadalhan ng mga payunir ay ang Chin State, isang bulubunduking lugar malapit sa Bangladesh at India. Maraming tagarito ang nag-aangking Kristiyano dahil sa mga misyonerong Baptist noong panahon ng kolonya ng Britanya. Kaya malaki ang respeto ng mga Chin sa Bibliya at sa mga tagapagturo nito.

Sa pagtatapos ng 1966, ang special pioneer na si Lal Chhana, dating sundalo, ay dumating sa Falam, ang pinakamalaking bayan noon sa Chin State. Nakasama niya roon sina Dunstan at Pramila O’Neill pati na si Than Tum, dati ring sundalo na kababautismo lang. Nakatagpo sila ng ilang pamilyang interesado, at di-nagtagal, isang maliit pero aktibong kongregasyon ang naitatag.

Nang sumunod na taon, nagpayunir si Than Tum sa Hakha, isang bayan sa timog ng Falam, at isang maliit na grupo ang naitatag. Nangaral din siya sa iba pang lugar sa Chin State at tumulong sa pagbuo ng mga kongregasyon sa Vanhna at Surkhua, pati na sa Gangaw at sa iba pa. Makalipas ang 45 taon, aktibo pa rin ngayon si Than Tum bilang special pioneer sa kaniyang nayon, ang Vanhna.

Pagkaalis ni Than Tum sa Hakha, humalili si Donald Dewar, isang 20-anyos na special pioneer. Dahil na-deport ang mga magulang niyang sina Frank at Lily (Lily May noong dalaga) Dewar, sinamahan siya roon ng 18-anyos na kapatid niyang si Samuel. “Nakatira kami sa isang maliit na kubong yari sa yero, na kulob na kulob kapag tag-init at parang nagyeyelo naman kung taglamig,” ang sabi ni Donald. “Pero mas mahirap pa ring kalaban ang kalungkutan. Lagi akong mag-isa sa ministeryo, tapos, hindi pa ako gaanong marunong ng wikang Hakha Chin. Ako lang at si Samuel at isa o dalawang mamamahayag ang dumadalo sa pulong. Kaya unti-unti akong nanlumo, at naisip ko nang huminto.

“Pagkatapos, nabasa ko ang ulat sa Taunang Aklat tungkol sa mga kapatid sa Malawi na nanatiling tapat sa kabila ng brutal na pag-uusig.e Naisip ko, ‘Kung sa kalungkutan pa lang, suko na ’ko, paano pa kaya sa pag-uusig?’ Nanalangin ako kay Jehova at nakatulong ito para gumaan ang loob ko. Napalakas din ako ng pagbabasa ng Bibliya at ng mga artikulo sa Bantayan at pagbubulay-bulay sa mga ito. Nang dalawin ako nina Maurice Raj at Dunstan O’Neill, pakiramdam ko, mga anghel ang kausap ko! Unti-unti, bumalik ang kagalakan ko.”

Nang maglaon, naging naglalakbay na tagapangasiwa si Donald at ginamit niya ang kaniyang karanasan para patibayin ang nakabukod na mga Saksi. Nagbunga ang pagpapagal niya sa Hakha. May masigasig na kongregasyon dito at madalas itong mag-host ng mga asamblea at kombensiyon. Dalawa sa mga mamamahayag na dumadalo sa pulong sa Hakha, sina Johnson Lal Vung at Daniel Sang Kha, ang naging special pioneer. Tumulong sila sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa Chin State.

‘Pag-akyat sa mga Bundok’

Ang Chin State ay 900 hanggang 1,800 metro mula sa kapantayan ng dagat at may mga bundok dito na hanggang 3,000 metro ang taas. Maraming bundok ang may makakapal na kagubatang punô ng nagtataasang tekla at conifer, makukulay na bulaklak ng rhododendron, at magagandang orkid. Kahanga-hanga ang tanawin, pero mahirap itong lakbayin. Liku-liko at baku-bako ang daan patungo sa mga bayan at halos hindi ito madaanan kapag umulan dahil sa mga landslide. Maraming liblib na nayon ang mararating lang kung lalakarin. Pero hindi ito nakahadlang sa mga kapatid, na determinadong mangaral sa pinakamaraming tao hangga’t posible.

Ikinuwento ni Aye Aye Thit, asawa ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa Chin State: “Lumaki ako sa patag na Ayeyarwady Delta at gandang-ganda ako sa Chin Hills. Excited akong umakyat sa unang burol, pero halos malagutan ako ng hininga pagdating sa tuktok. Pagkatapos akyatin ang ilan pang burol, parang mamamatay na ’ko sa pagod. Nang maglaon, natutuhan ko rin ang teknik sa pag-akyat ng bundok​—tipirin ang lakas at huwag magmadali. Nakakaakyat na ’ko nang mga 30 kilometro sa isang araw sa paglalakbay na inaabot ng anim na araw o higit pa.”

Sa paglipas ng panahon, iba’t ibang transportasyon ang ginamit ng mga kapatid sa Chin State​—kabayo, mula, bisikleta, at kamakailan ay motorsiklo, pampasaherong trak, at sasakyang four-wheel-drive. Pero kadalasan, naglalakad lang sila. Halimbawa, para marating ang mga nayon sa palibot ng Matupi, manhik-manaog sa mga bundok ang mga special pioneer na sina Kyaw Win at David Zama. Para makadalo ng kombensiyon ang mga taga-Matupi Congregation, naglalakad sila nang anim hanggang walong araw papunta sa Hakha, na mahigit 270 kilometro ang layo, at anim hanggang walong araw din pabalik. Kumakanta sila ng mga awiting pang-Kaharian habang binabagtas ang mga burol.

Di-biro ang mga paglalakbay na iyon dahil sa pabagu-bagong lagay ng panahon sa kabundukan, mga pesteng lamok, at kung anu-ano pang gumagapang, lalo na kung tag-ulan. “Habang naglalakad sa gubat, ginapangan ng mga linta ang mga binti ko,” ang kuwento ng tagapangasiwa ng sirkito na si Myint Lwin. “Nang alisin ko ang mga ito, may dalawa pang gumapang. Napatalon ako sa isang natumbang puno, pero mas marami pang linta ang naggapangan doon. Nataranta ako’t nagtatakbo. Pagkalabas sa gubat, tadtad ako ng linta.”

Pero bukod sa linta, naging hamon din sa mga naglalakbay sa Chin State ang mga baboy-ramo, oso, leopardo, at tigre. At sinasabi ng ilan na ang Myanmar ang may pinakamaraming uri ng makamandag na ahas. Kaya kapag nagha-hiking papunta sa mga kongregasyon sa Chin State, ang tagapangasiwa ng distrito na si Gumja Naw at ang asawa niyang si Nan Lu ay nagsisiga sa paligid kung gabi para hindi lapitan ng mababangis na hayop!

Hindi malilimutan ang sigasig ng mga mangangaral na iyon. “Pinaglingkuran nila si Jehova nang kanilang buong lakas,” ang sabi ni Maurice Raj. “Kahit tapos na ang atas nila sa Chin State, handa pa rin silang bumalik. Talagang nagparangal kay Jehova ang pagsisikap nila!” Kaya kahit maliit lang ang populasyon sa Chin State, pito ang kongregasyon dito at may ilang nakabukod na grupo.

“Walang ‘Tupa’ sa Myitkyina”

Noong 1966, ilang special pioneer ang dumating sa maliit at magandang bayan ng Myitkyina, sa tabi ng Ilog Ayeyarwady sa Kachin State, malapit sa China. Noong 1960, saglit na nangaral dito sina Robert at Baby Richards. Iniulat nila: “Walang ‘tupa’ sa Myitkyina.” Pero nakatagpo ng mga taong uháw sa katotohanan ang mga bagong payunir.

Isa rito si Mya Maung, 19-anyos na Baptist na nanalanging tulungan siyang maunawaan ang Bibliya. Ikinuwento niya: “Nang may pumuntang payunir sa trabaho ko at alukan ako ng Bible study, ang saya-saya ko. Naisip kong ’yon na ang sagot sa panalangin ko. Dalawang beses sa isang linggo akong nagpa-study, pati na ang nakababata kong kapatid na si San Aye. Mabilis kaming sumulong.

“Mahusay ang titser namin​—si Wilson Thein. Hindi lang niya basta sinasabi kung ano’ng dapat naming gawin, ipinapakita rin niya! May mga praktis kami at pagtatanghal kaya natutuhan naming gamitin nang mahusay ang Bibliya, mangaral nang walang takot, at harapin ang pagsalansang. Tinuruan niya rin kaming maghanda at magbigay ng mga pahayag. Nakikinig siya habang nagpapraktis kami at nagbibigay siya ng mga mungkahi. Malaking tulong ang mabait na pagsasanay niya para magsikap kaming umabot ng espirituwal na tunguhin.

“Noong 1968, nagpayunir kami ni San Aye, kaya naging walo ang payunir sa Myitkyina. Si Nanay at pito sa aming mga kapatid ang una naming Bible study, at nang maglaon, tinanggap nila ang katotohanan. Nangaral din kami sa mga bayan at nayon sa kahabaan ng riles ng Myitkyina hanggang Mandalay; isa hanggang tatlong araw kaming naglalakbay. Nagbunga ang itinanim naming binhi ng katotohanan. May masusulong na kongregasyon na ngayon sa mga bayan ng Namti, Hopin, Mohnyin, at Katha.”

Habang nangangaral sa isang lugar ng negosyo sa Myitkyina, natagpuan ni San Aye si Phum Ram, isang Baptist na Kachin na nagtatrabaho sa gobyerno. Tinanggap agad ni Phum Ram ang katotohanan at lumipat siya sa maliit na bayan ng Putao, sa paanan ng kabundukan ng Himalaya. Nangaral siya sa mga kamag-anak, at di-nagtagal, 25 na ang dumadalo sa pulong. Nagpayunir si Phum Ram at naakay niya ang kaniyang asawa, pitong anak, at maraming kamag-anak. Payunir pa rin siya ngayon sa Myitkyina at isang elder.

Mga Bagon ng Tren na Hindi Nakarating

Dahil sa mabilis na pagsulong ng gawain sa Kachin State, nagpasiya ang tanggapang pansangay na idaos ang 1969 na “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea sa Myitkyina, mahigit 1,100 kilometro ang layo sa Yangon na kadalasang pinagdarausan nito. Para makarating ang mga delegado mula Yangon, tinanong ng sangay ang Burma Railways kung puwedeng umarkila ng anim na bagon ng tren. Nakapagtataka ang ganitong kahilingan; pugad kasi ng mga rebelde ang Kachin State, at mahigpit ang seguridad sa sinumang papasok o lalabas dito. Pero pumayag ang awtoridad, kaya laking gulat ng mga kapatid.

Sa araw ng pagdating ng tren sa Myitkyina, kasama ni Maurice Raj ang iba pang brother para salubungin ang mga delegado. Sinabi ni Maurice: “Habang naghihintay kami, dumating ang stationmaster at katatanggap lang daw niya ng telegrama. Inalis umano ng mga awtoridad ang anim na bagon na sinasakyan ng mga delegado, kaya na-stranded sila sa pagitan ng Mandalay at Myitkyina. Hindi raw kayang hilahin ng tren ang mga bagon paahon sa bundok.

“Ano’ng gagawin namin? Inisip naming ipagpaliban ang kombensiyon. Kaso, panibagong aplay na naman iyon ng mga permit, na aabutin din nang ilang linggo! Habang marubdob kaming nananalangin kay Jehova, dumating ang tren. Hindi kami makapaniwala​—puro mga kapatid ang sakay ng anim na bagon! Nakangiti sila at kumakaway. Nang tanungin namin sila, sinabi ng isa, ‘May tinanggal ngang anim na bagon, pero hindi ang anim na sinasakyan namin!’”

Tagumpay ang kombensiyon! Tatlong publikasyon ang inilabas sa Burmese at lima naman sa Ingles. Tatlong taon bago nito, nang palayasin ang mga misyonero, umunti ang espirituwal na pagkaing pumapasok sa Burma. Pero ngayon, nag-uumapaw ito!

Pagtuturo sa mga Naga

Apat na buwan pagkatapos ng kombensiyon sa Myitkyina, nakatanggap ng sulat ang tanggapang pansangay mula sa isang klerk ng post office sa Khamti​—isang bayan sa tabi ng ilog, sa paanan ng mga burol malapit sa border ng Burma at India. Tagarito ang mga Naga​—mga taong galing sa iba’t ibang tribo at kinatatakutan noon sa pamumugot ng ulo. Sa sulat ng klerk na si Ba Yee, dating Sabadista, humihingi siya ng espirituwal na tulong. Agad na nagpadala ang tanggapang pansangay ng dalawang special pioneer, sina Aung Naing at Win Pe.

Ikinuwento ni Win Pe: “Sa runway ng Khamti, nakakanerbiyos makita ang mga mandirigmang Naga na nakabahag. Mayamaya, heto na si Ba Yee, binati kami at minadali para makilala ang ilang interesado. Lima agad ang naging Bible study namin.

“Pero napagkamalan kaming mga pastor ng Baptist na kasabuwat ng mga rebelde. Ipinaliwanag namin sa mga awtoridad na neutral kami, pero hindi pa man kami nakakaisang buwan, pinapaalis na kami.”

Pagkalipas ng tatlong taon, nang iba na ang mga opisyal, ipinagpatuloy ng 18-anyos na payunir na si Biak Mawia ang gawain. Di-nagtagal, nagbitiw si Ba Yee sa trabaho at nagpayunir. May iba pang payunir na dumating. Ang masigasig na grupong ito ay nakapagtatag ng isang kongregasyon sa Khamti at ilang maliliit na grupo sa mga katabing nayon. Naaalala ni Biak Mawia: “Ang mga kapatid na Naga ay hindi nakapag-aral at hindi marunong bumasa’t sumulat. Pero mahal nila ang Salita ng Diyos at masigasig silang mangaral gamit ang mga larawan sa ating mga publikasyon. Marami silang kabisadong teksto at mga awiting pang-Kaharian.”

Ngayon, regular na nagdaraos ng mga pandistritong kombensiyon sa Khamti. May mga delegadong mula pa sa bayan ng Homalin sa timog, na mga 15 oras na pamamangka sa ilog.

Pagsalansang sa “Golden Triangle”

Samantala, lumalawak din ang gawain sa ibang bahagi ng bansa tulad ng bulubunduking lugar sa border ng China, Laos, at Thailand. Ito ang pusod ng Golden Triangle, isang magandang rehiyon ng mga burol at mabungang libis na sinira ng rebelyon, produksiyon ng opyo, at iba pang ilegal na gawain. Maingat na nagpatotoo ang mga payunir sa mapanganib na lugar na ito. (Mat. 10:16) Pero isang grupo ang sumalansang​—ang klero ng Sangkakristiyanuhan!

Pagdating ng mga payunir na sina Robin Zauja at David Abraham sa Lashio, isang abalang bayan sa Shan State, inakusahan agad silang mga rebelde ng mga klero. Sinabi ni Robin: “Inaresto kami at dinala sa presinto. Tapos, ipinakita namin sa mga pulis ang mga papeles namin. Mayamaya, may dumating na kumandante ng hukbo. ‘Hello Mr. Zauja,’ ang sabi niya. ‘Nandito na pala sa Lashio ang mga Saksi ni Jehova!’ Kaklase ko noon ang kumandante, at pinalaya niya kami.”

Nangaral ang dalawang payunir, at nang maglaon, isang malaking kongregasyon ang naitatag. Pagkatapos, nagtayo sila ng Kingdom Hall. Makalipas ang dalawang taon, ipinatawag sila sa munisipyo. Mahigit 70 opisyal ng militar, lider ng tribo, at klero ang naroon. “Galít na galít ang klero. Pinipilit daw namin ang mga tao na iwan ang kanilang kinalakhang relihiyon,” ang sabi ni Robin. “Nang hingin ng chairman ang paliwanag namin, itinanong ko kung puwede akong gumamit ng Bibliya. Pumayag siya. Saglit akong nanalangin, tapos, ipinaliwanag ko ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga tradisyon ng huwad na relihiyon, serbisyo sa militar, at nasyonalistikong mga seremonya. Pagkatapos, tumayo ang chairman at sinabing nasa batas ng Burma ang kalayaan sa relihiyon. Pinalaya kami at pinayagang patuloy na mangaral. Dismayado ang klero.”

Nang maglaon, sa maliit na nayon ng Mongpaw malapit sa border ng China, isang Kingdom Hall ang sinunog ng galít na galít na mga Baptist. Pero hindi nasindak ang mga Saksi kaya ang bahay naman ng isang special pioneer ang sinunog nila at tinakot ang mga kapatid sa kani-kanilang bahay. Umapela ang mga kapatid pero kinampihan ng pinuno sa lugar na iyon ang mga Baptist. Gayunman, namagitan ang gobyerno at pinayagan ang mga kapatid na magtayo ng bagong Kingdom Hall​—hindi sa dating kinatitirikan nito sa gilid ng nayon, kundi sa mismong sentro ng nayon!

Sa Leiktho, isang bulubunduking nayon sa Kayin State sa may border ng Golden Triangle, matindi ang pagsalansang ng Simbahang Katoliko kay Gregory Sarilo. “Inutusan ng pari ang mga parokyano niya na sirain ang mga tanim kong gulay,” ang sabi ni Gregory. “Tapos, nagregalo sila ng pagkain, pero sinabi ng kaibigan ko na may lason ’yon. Isang araw, tinanong ako ng mga tauhan ng pari kung saan ako dadaan kinabukasan. Pero sa ibang ruta ako dumaan nang mismong araw na iyon kaya nakaiwas ako sa pagtatangka nilang patayin ako. Nang isumbong ko sa mga awtoridad ang mga pagtatangka sa buhay ko, inutusan nila ang pari at ang mga tauhan nito na lubayan ako. Iningatan ako ni Jehova mula sa ‘mga humahanap sa aking kaluluwa.’”​—Awit 35:4.

Pananatiling Neutral

Sa paglipas ng mga taon, ibang pagsubok naman sa katapatan ang napaharap sa mga kapatid sa Burma. Dahil sa hidwaan ng mga tribo at alitan sa pulitika, madalas masubok ang kanilang neutralidad.​—Juan 18:36.

Sa gawing timog sa bayan ng Thanbyuzayat, na kilala sa istasyon ng tren na “Death Railway” na itinayo noong Digmaang Pandaigdig II, nasaksihan ng special pioneer na si Hla Aung ang labanan ng mga rebelde at ng hukbo ng pamahalaan. “Sumasalakay ang mga sundalo sa mga nayon kung gabi para kunin ang mga kalalakihan at sapilitang pagtrabahuhin sa militar,” ang paliwanag niya. “Marami ang hindi na nakabalik. Isang gabi, magkausap kami ni Donald Dewar sa bahay nang sumalakay ang mga sundalo. Sumigaw ang misis ko para babalaan kami, kaya nakatakas kami tungo sa kagubatan. Dahil muntik na kami noon, gumawa ako ng puwede naming pagtaguan sa bahay sakaling salakayin na naman kami.”

Nang dumating ang special pioneer na si Rajan Pandit sa bayan ng Dawei, sa timog ng Thanbyuzayat, nakapagpasimula siya ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga nayong pugad ng mga rebelde. “Pauwi na ako nang arestuhin ako at bugbugin ng mga sundalo. Inisip nilang kasabuwat ako ng mga rebelde,” ang sabi niya. “Nang sabihin kong isa akong Saksi ni Jehova, tinanong nila ako kung bakit nagpunta ako sa Dawei. Ipinakita ko sa kanila ang tiket ko sa eroplano​—na itinago ko bilang subenir. Pruweba ’yon na sumakay ako ng eroplano, na imposibleng sakyan ng mga rebelde. Tumigil sila sa pagbugbog sa akin, at pinalaya rin ako nang maglaon. Pero tinanong ng mga sundalo ang isa sa mga Bible study ko. Kinumpirma niya na nag-aaral lang kami ng Bibliya. Matapos iyon, hindi na ako niligalig ng mga sundalo at naging ruta ko pa nga ng magasin ang ilan sa kanila.”

Kung minsan, ginigipit ng mga opisyal ng bayan ang mga kapatid na bumoto o makibahagi sa mga seremonyang makabayan. Nang ang mga kapatid ay gipiting bumoto ng mga opisyal sa Zalun, isang bayan sa tabing-ilog na mga 130 kilometro sa hilaga ng Yangon, nanatili silang matatag at ginamit nila ang Bibliya bilang awtoridad. (Juan 6:15) Umapela ang mga opisyal sa mas mataas na awtoridad. Pero alam ng mas mataas na awtoridad na neutral sa pulitika ang mga Saksi ni Jehova. Na-eksemted sa pagboto ang mga kapatid.

Nang tumangging sumaludo sa bandila ang 23 batang Saksi sa bayan ng Khampat, malapit sa border ng India, in-expel sila ng prinsipal. Tapos, dalawang elder ang ipinatawag niya para magpaliwanag sa isang malaking grupo ng mga opisyal, kasama na ang hukom ng bayan at ang kumandante ng militar. “Habang ipinaliliwanag namin mula sa Bibliya ang mga dahilan natin, kitang-kita na galít sa atin ang ilang opisyal,” ang sabi ni Paul Khai Khan Thang, isa sa mga elder. “Tapos, ipinakita namin sa kanila ang kopya ng utos ng gobyerno na nagsasabing ang mga Saksi ni Jehova ay pinahihintulutang ‘tumayong tahimik at magalang sa panahon ng flag ceremony.’ Natigilan ang mga opisyal. Nang mahimasmasan sila, ipinag-utos ng kumandante na pabalikin sa paaralan ang mga batang in-expel. Pinadalhan din ng prinsipal ng kopya ng utos ang bawat departamento sa paaralan.”

Hindi na lingid ngayon sa pinakamatataas na opisyal ng gobyerno ng Myanmar ang neutralidad ng mga Saksi ni Jehova. Dahil sa paninindigan sa mga simulain ng Bibliya, napakainam na patotoo ang naibigay ng mga lingkod ni Jehova, gaya ng inihula ni Jesu-Kristo.​—Luc. 21:13.

Mga Sundalong Naging Kristiyano

Noong magulong panahon sa Myanmar, maraming mamamayan ang nagsundalo o naging rebelde. Gaya ng unang-siglong opisyal ng hukbo ng Roma na si Cornelio, ang ilan sa kanila ay “taimtim at natatakot sa Diyos.” (Gawa 10:2) Nang matuto sila ng katotohanan, sinikap nilang magbago ayon sa matuwid na pamantayan ni Jehova.

Isa sa mga ito si Hlawn Mang, dating sundalo ng navy, na natuto ng katotohanan habang nakadestino sa Mawlamyine. “Gusto kong mangaral agad-agad,” ang sabi niya. “Pero kung kailan magbibitiw na ako sa navy, saka ko naman nalaman na isa ako sa napipisil i-promote at bigyan ng scholarship sa isang eskuwelahan sa mayamang bansa sa Kanluran! Pero determinado akong sumama sa gawain ng Diyos. Laking gulat ng mga opisyal n’ong mag-resign ako at magsimulang maglingkod kay Jehova. Ngayon, mga 30 taon na ang nakakaraan, kumbinsido pa rin ako na tama ang pasiya ko. May hihigit pa ba kaysa paglingkuran ang tunay na Diyos?”

Nagpapagaling sa ospital ang sundalong si La Bang Gam nang ipakita sa kaniya ni Robin Zauja ang aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso.f Manghang-mangha si La Bang Gam sa aklat at nagtanong kung puwede niya itong hingin. Pero dahil ito lang ang kopya ni Robin, ipinahiram na lang niya ito kay La Bang Gam nang isang gabi. Kinabukasan, pagbalik ni Robin, sinabi ni La Bang Gam: “Heto na ang aklat mo. Meron na akong sariling kopya!” Hindi pala siya natulog at magdamag na kinopya sa mga notbuk ang 250-pahinang aklat! Di-nagtagal, nagbitiw si La Bang Gam sa militar at ginamit ang kaniyang aklat na “Paraiso” para magturo ng katotohanan sa marami.

Sa kabundukan ng Shan State, nasa magkabilang panig ng labanan sina Sa Than Htun Aung, isang kapitan sa hukbo ng Burma, at si Aik Lin, isang kumander ng United Wa State Army. Nang sumang-ayon sa cease-fire ang magkabilang panig, ang dalawang lalaking ito ay nanirahan sa Shan State. Pareho silang nakaalam ng katotohanan, nagbitiw sa kanilang posisyon, at nagpabautismo. Ang dalawang lalaking dating miyembro ng magkalabang hukbo ay nagkita sa isang pansirkitong asamblea. Mainit nilang tinanggap ang isa’t isa bilang kapatid na Kristiyano. Dahil sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos, nakalaya sila sa poot at ngayon ay pinagbuklod ng pag-ibig.​—Juan 8:32; 13:35.

Pakikipagkatuwiranan sa “Lahat ng Uri ng mga Tao”

Sa pagitan ng 1965 at 1976, lumobo nang mahigit 300 porsiyento ang bilang ng mamamahayag sa Burma. Karamihan sa mga baguhang ito ay dating miyembro ng Sangkakristiyanuhan. Pero alam ng mga kapatid na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Kaya naman mula noong mga 1975 patuloy, pinag-ibayo nila ang pagsisikap na mapangaralan ang mga miyembro ng iba pang relihiyon sa Burma, kabilang na ang mga Budista, Hindu, at mga animista, o naniniwala sa mga espiritu.

Napakaraming hamon. Hindi naniniwala ang mga Budista na may isang Diyos o Maylalang; milyun-milyong Diyos naman ang pinaniniwalaan ng mga Hindu; at maraming taga-Burma ang naniniwala sa mga espiritung nilalang na tinatawag nilang nat. Tadtad ng pamahiin, panghuhula, at espiritismo ang mga relihiyong ito. Bagaman marami sa mga debotong ito ang naniniwalang isang banal na aklat ang Bibliya, kakaunti lang o halos wala pa nga silang alam tungkol sa mga tauhan, kasaysayan, kultura, at turo ng Bibliya.

Pero alam ng mga kapatid na kayang antigin ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos ang sinuman. (Heb. 4:12) Kailangan lang nilang magtiwala sa banal na espiritu ng Diyos at gumamit ng “sining ng pagtuturo”​—samakatuwid, ng lohikal na paliwanag na aantig sa puso ng mga tao na magbago.​—2 Tim. 4:2.

Isang matagal nang payunir, si Rosaline, ang gumagamit ng lohika kapag nakikipag-usap sa mga Budista. Sinabi niya: “Kapag itinuro sa isang Budista na mayroong isang Maylalang, itatanong niya, ‘Pero sino ang lumikha sa Maylalang?’ Naniniwala ang mga Budista na ang mga hayop ay kaluluwa ng mga tao na lumipat sa mga ito, kaya ginagamit ko ang kanilang alagang hayop bilang halimbawa.

“‘Kilala ba ng alagang hayop ang amo nito?’ ang tanong ko.

“‘Oo.’

“‘Pero alam ba ng hayop ang trabaho, pamilya, o kinalakhan ng amo nito?’

“‘Hindi.’

“‘Kaya yamang iba ang tao sa Diyos, na isang Espiritu, maaasahan ba natin na maintindihan ang lahat tungkol sa pag-iral ng Diyos o pinagmulan niya?’

“‘Hindi.’”

Nakakumbinsi sa maraming tapat-pusong Budista ang gayong pangangatuwiran para maniwalang umiiral ang Diyos. Kapag ang lohikal na paliwanag ay sinamahan pa ng tunay na pag-ibig Kristiyano, napakalaki ng epekto nito sa puso ng mga tao. Si Ohn Thwin, dating Budista, ay nagsabi: “Kumpara sa paniniwala ng mga Budista sa Nirvana, mas gusto ko ang pangako ng Bibliya na Paraiso sa lupa. Pero para sa akin, maraming daan patungo sa katotohanan kaya inisip kong wala akong kailangang baguhin. Tapos, nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi. Walang kasintamis ang pag-ibig na ipinakita sa akin ng mga kapatid. Iyon ang nagpakilos sa akin.”

Siyempre, kailangan ang taktika at tiyaga sa pagtulong sa mga tao na magbago ng paniniwala. Sampung taon si Kumar Chakarabani nang pumayag ang tatay niya, isang saradong Hindu, na turuan siya ng Bethelite na si Jimmy Xavier na bumasa. “Ang bilin sa kaniya ni Tatay, pagbasa lang ang ituro at huwag relihiyon,” ang naaalala ni Kumar. “Kaya sinabi ni Jimmy na magandang gamitin ang librong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya para turuang bumasa ang mga bata. Pagkatapos ng leksiyon ko sa pagbasa, nakikipagkuwentuhan si Jimmy kay Tatay. Nang magtanong si Tatay tungkol sa relihiyon, mataktikang sinabi ni Jimmy: ‘Nasa Bibliya po ang sagot. Hanapin natin.’ Nang maglaon, tinanggap ni Tatay ang katotohanan, at 63 pa sa pamilya namin ang naging Saksi ni Jehova.”

Nagdaos ng Kombensiyon sa Panahon ng mga Protesta

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1980, lumala ang gulo sa Burma dahil sa pulitika. At noong 1988, libu-libo ang nag-rally bilang protesta sa gobyerno. Pero na-disperse agad ng militar ang rally, at nagdeklara ng martial law sa kalakhan ng bansa.

“Mahigpit ang curfew, at hindi puwedeng magtipon ang mahigit lima katao,” ang sabi ng Bethelite na si Kyaw Win. “Pinag-isipan namin kung dapat kanselahin ang nakaiskedyul na mga pandistritong kombensiyon. Pero nagtiwala kami kay Jehova at nakipag-usap sa kumandanteng nakakasakop sa Yangon. Humingi kami ng permit na magdaos ng kombensiyon na dadaluhan ng 1,000 katao. Pagkaraan ng dalawang araw, binigyan kami ng permit! Nang ipakita namin ito sa mga awtoridad sa ibang lugar, pumayag silang maidaos din sa kanilang lugar ang kombensiyon. Sa tulong ni Jehova, matagumpay na naidaos ang serye ng kombensiyon!”

Hindi Pinababayaan ang Kristiyanong Pagtitipon

Dahil sa protesta noong 1988, bumagsak nang husto ang ekonomiya ng Burma. Pero nanampalataya kay Jehova ang mga kapatid at patuloy na inuna sa kanilang buhay ang Kaharian ng Diyos.​—Mat. 6:33.

Isang halimbawa si Cin Khan Dal at ang kaniyang pamilya, sa nayon ng Sagaing. “Gusto naming dumalo sa pandistritong kombensiyon sa Tahan, na dalawang araw na biyahe sa bangka at sa trak,” ang paliwanag niya. “Kaya lang, walang maiiwan sa mga manok namin. Pero nagtiwala kami kay Jehova at dumalo pa rin. Pagbalik namin, 19 na manok ang nawawala​—malaking kawalan sa aming kabuhayan. Pero makaraan ang isang taon, dumami ang manok namin at naging mahigit 60. Kahit namatay noon sa peste ang mga manok ng mga kapitbahay, walang napeste sa mga manok namin.”

Isa pang mag-asawa na nanatiling nakapokus sa espirituwal ay sina Aung Tin Nyunt at Nyein Mya, may siyam na anak at nakatira sa Kyonsha, mga 64 na kilometro sa hilagang-kanluran ng Yangon. Ikinuwento ni Aung Tin Nyunt: “Lugaw at gulay ang madalas naming kainin. Wala kaming pera ni may maibebenta man. Pero hindi kami nalungkot. Sabi ko sa pamilya ko: ‘Si Jesus nga, walang mahigaan ng ulo niya. Kaya manirahan man ako sa ilalim ng puno o mamatay sa gutom, tapat pa rin akong maglilingkod sa Diyos.’

“Isang araw, wala na kaming makain. Nakatingin na lang sa akin ang misis ko pati ang mga bata. ‘Huwag kayong mag-alala,’ sabi ko. ‘Hindi tayo pababayaan ng Diyos.’ Pagkatapos naming lumabas sa larangan nang umaga, nangisda kami ng mga anak kong lalaki. Pero pang-isang kain lang ang nahuli namin. Iniwan namin sa ilog ang mga basket na panghuli, katabi ng mga water lily. Sabi ko sa mga bata: ‘Balikan na lang natin pagkatapos ng pulong.’ Mahangin nang hapong iyon, kaya pagbalik namin, ang daming isdang napadpad sa mga water lily. Pagkababa ng mga basket, napakarami naming nahuling isda. Ibinenta namin iyon at nakabili kami ng pagkain para sa buong linggo.”

Sa anumang panahon, damang-dama ng mga lingkod ni Jehova sa Myanmar ang katuparan ng pangako ng Diyos: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” Hindi sila nag-aatubiling sabihin: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”​—Heb. 13:5, 6.

Pagsulong sa Paglilimbag

Mula 1956, nakinabang ang mga taga-Myanmar sa regular na suplay ng espirituwal na pagkain sa edisyong Myanmar (Burmese) ng Ang Bantayan. Sa kabila ng labanan ng mga tribo, alitang sibil, at mabuway na ekonomiya, wala ni isang isyu ang nagkulang. Paano ba iniimprenta noon ang mga magasin?

Sa loob ng maraming taon, ipinapadala ng tanggapang pansangay sa gobyerno ang ilang minanikilyang kopya ng naisaling mga magasin. Kapag inaprobahan ito ng censor, mag-aaplay ang sangay ng permit na bumili ng papel. Kapag may papel na, dadalhin ito pati na ang laman ng magasin sa isang komersiyal na imprentahan. Manu-manong ita-typeset ang bawat pahina​—letra por letra​—sa tipong Myanmar (Burmese). Kapag na-proofread na ito ng isang brother, iimprentahin ito sa isang palyadong palimbagan. Ang mga kopya ng magasin ay ibabalik sa censor, na magbibigay naman ng sertipiko para mailimbag ang magasin. Gaya ng maaasahan, inaabot nang ilang linggo ang matrabahong prosesong ito, at hindi rin gaanong maganda ang papel pati na ang imprenta.

Noong 1989, tumanggap ang sangay ng bagong sistema ng paglilimbag, na ibang-iba sa dati. Ang Multilanguage Electronic Phototypesetting System (MEPS) ay dinebelop at binuo sa punong tanggapan. Gamit ang mga computer, software, at mga phototypesetter, puwede nang makapag-imprenta sa 186 na wika​—kasama na ang Myanmar!g

“Ang mga Saksi ni Jehova ang kauna-unahang nakapag-compose at nakapaglimbag ng literatura sa Myanmar gamit ang computer,” sabi ni Mya Maung, na nagtatrabaho sa sangay. “Nagkaideya ang mga palimbagan sa bansa dahil sa MEPS, kasi ang gaganda ng mga letrang Myanmar na dinisenyo nito. Hangang-hanga ang mga tao kung paano nagawang ganoon kaganda ang mga letra!” Suportado rin ng MEPS ang offset printing​—na mas mainam kaysa letterpress printing. Sa tulong ng MEPS, mas gumanda rin ang larawan sa mga magasin kaya mas naging kaakit-akit ang Bantayan.

Noong 1991, inaprobahan ng gobyerno ang paglilimbag ng Gumising! Laking tuwa ng mga kapatid, pati na ng publiko! Gaya ng maraming mambabasa, ganito ang komento ng isang mataas na opisyal ng Ministry of Information: “Ibang-iba ang Gumising! sa ibang magasing panrelihiyon. Marami itong magagandang paksa at madaling intindihin. Gustung-gusto ko ito.”

Sa loob ng mahigit 20 taon, ang bilang ng magasing iniimprenta ng sangay bawat buwan ay lumaki mula 15,000 tungo sa mahigit 141,000, mga 900 porsiyentong pagsulong! Makikita sa bawat sulok ng Yangon ang Bantayan at Gumising! at binabasa ito ng mga tao sa buong bansa.

Kailangan ng Bagong Sangay

Matapos ang protesta noong 1988, hinilingan ang mga organisasyong panlipunan at panrelihiyon sa Myanmar na magparehistro sa gobyerno. Siyempre, agad na tumugon ang sangay. Noong Enero 5, 1990, pagkaraan ng dalawang taon, rehistrado na sa gobyerno ang “Jehovah’s Witnesses (Watch Tower) Society” sa Myanmar.

Nang panahong ito, ang tanggapang pansangay sa 39th Street ay nailipat na sa isang bahay sa Inya Road, isang maunlad na lugar sa hilaga ng lunsod. May dalawang palapag ito at loteng mga 2,000 metro kuwadrado. Pero siksikan na sa pasilidad na ito. Ganito ang naalala ni Viv Mouritz, ang zone overseer na dumalaw noon sa Myanmar: “Mahirap ang kalagayan ng 25 miyembro ng pamilyang Bethel. Isang maliit na kalang de-kuryente lang ang pinaglulutuan. Walang washing machine, kaya sa butas sa sahig naglalaba ang isang sister. Gusto sanang bumili ng mga brother ng kalan at washing machine, pero hindi maiimporta ang mga ito.”

Talagang kailangan ng mas malaking sangay. Kaya inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang proposal na gibain ang dalawang-palapag na bahay at tayuan ng bagong apat-na-palapag na gusali. Pero bago magawa ng mga kapatid ang planong ito, may malalaking problemang kailangan munang malampasan. Una, kailangang makakuha ng permit mula sa anim na opisyal ng gobyerno, mula sa mababa hanggang sa pinakamataas. Ikalawa, walang kontraktor sa Myanmar ang may alam sa konstruksiyon ng steel frame. Ikatlo, hindi papapasukin sa Myanmar ang mga boluntaryong Saksi mula sa ibang bansa. At panghuli, walang suplay ng materyales sa bansa, at hindi rin ito maiimporta. Parang malabong matuloy ang proyekto. Pero nagtiwala kay Jehova ang mga kapatid. Kapag ginusto ni Jehova, maitatayo ang bagong tanggapang pansangay!​—Awit 127:1.

‘Hindi sa Pamamagitan ng Kapangyarihan, Kundi ng Aking Espiritu’

Itinuloy ni Kyaw Win, ng Legal Department ng sangay, ang kuwento: “Lima sa anim na antas ng gobyerno ang naasikaso namin nang walang aberya, kabilang na ang Ministry of Religious Affairs. Tapos, pagdating sa Yangon City Development Committee, masyado raw mataas ang apat-na-palapag na gusali, kaya ibinasura ang aplikasyon namin. Ipinasa namin ito ulit, pero bagsak pa rin. Pinatibay ako ng Komite ng Sangay na huwag sumuko. Kaya taimtim akong nanalangin kay Jehova at isinumite ang aming aplikasyon sa ikatlong pagkakataon. Naaprubahan ito!

“Sunod naming nilapitan ang Ministry of Immigration. Sinabi ng mga opisyal na pitong-araw na tourist visa lang ang puwedeng ibigay sa mga banyaga. Pero nang ipaliwanag namin na magtuturo ng makabagong teknik sa konstruksiyon ang mga banyagang boluntaryo, pumayag ang mga opisyal na bigyan sila ng anim-na-buwang visa!

“Pagkatapos, nakipag-usap kami sa Ministry of Trade. Pinahinto pala nila ang lahat ng pag-i-import. Nang ipaalam namin sa mga opisyal kung para saan ang aming proyekto, pinayagan kaming makapag-import ng mga materyales na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong dolyar (U.S.). Paano ang tax? Pagpunta namin sa Ministry of Finance, pumayag silang mag-import kami nang walang tax! Talagang naranasan namin ang katotohanan ng pananalita ng Diyos: ‘“Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, ni sa pamamagitan man ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.’”​—Zac. 4:6.

Noong 1997, dumating sa site ang mga boluntaryo. Galing sa mga kapatid sa Australia ang karamihan sa materyales, at ang ibang suplay naman ay galing sa Malaysia, Singapore, at Thailand. Sinabi ni Bruce Pickering, isa sa mga nangasiwa sa proyekto: “Ang mga kapatid sa Australia ang nag-fabricate ng lahat ng steel frame, tapos nagpunta sila sa Myanmar para pagkabit-kabitin ito. Ang nakakabilib, walang isa mang butas ang sumablay!” May mga boluntaryong galing sa Britanya, Estados Unidos, Fiji, Germany, Greece, at New Zealand.

Sa loob ng 30 taon, noon lang malayang nagkasama ang mga kapatid na taga-Myanmar at taga-ibang bansa. “Tuwang-tuwa kami; parang panaginip iyon,” ang naalala ni Donald Dewar. “Malaking pampatibay sa amin ang espirituwalidad, pag-ibig, at pagsasakripisyo ng mga bisita.” Idinagdag ng isang brother: “Marami kaming natutuhan sa konstruksiyon. Ang mga kapatid na kandila lang ang ginagamit ay natutong maglinya ng kuryente. Ang iba naman na sanay lang sa pamaypay, marunong na ngayong magkabit ng aircon. Natuto rin kaming gumamit ng mga power tool!”

Napatibay rin ng pananampalataya’t pag-ibig ng mga kapatid sa Myanmar ang mga boluntaryo mula sa ibang bansa. “Salat sa pera ang mga kapatid, pero sagana sila sa kabaitan,” ang sabi ni Bruce Pickering. “Marami ang nag-aanyaya sa kanilang bahay, inihahain ang pagkain na pang-ilang araw na sana ng pamilya nila. Natutuhan namin sa kanila kung ano talaga ang mahalaga sa buhay​—pamilya, pananampalataya, pagkakapatiran, pagpapala ng Diyos.”

Noong Enero 22, 2000, inialay ang bagong sangay sa espesyal na pagtitipong ginanap sa National Theatre. Tuwang-tuwa ang mga kapatid na si John E. Barr ng Lupong Tagapamahala ang nagpahayag para sa pag-aalay.

Pagtatayo ng Bagong mga Kingdom Hall

Nang patapos na ang bagong sangay, bumaling ang mga kapatid sa isa pang mahalagang pangangailangan​—mga Kingdom Hall. Noong 1999, dumating mula sa Japan sina Nobuhiko at Aya Koyama. Tumulong si Nobuhiko sa pagbuo ng Kingdom Hall Construction Desk sa sangay. Naaalala niya: “Ininspeksiyon namin ang mga dakong pinagpupulungan ng mga kongregasyon sa buong bansa. Nag-bus kami, eroplano, motorsiklo, bisikleta, bangka, at naglakad. Madalas na kailangan namin ng permit para magbiyahe, dahil maraming lugar ang bawal pasukin ng mga banyaga. Kapag nakita na namin kung saan kailangan ng bagong mga bulwagan, maglalaan ang Lupong Tagapamahala ng pondo para sa mga lupaing limitado ang kakayahan.

“Pagkabuo sa grupo ng masisipag na boluntaryo, nagkita-kita ang mga ito sa Shwepyitha, isang pamayanan malapit sa Yangon, para itayo ang unang bulwagan. Magkasamang nagtrabaho ang mga kapatid na banyaga at taga-Myanmar. Ikinagulat ito ng mga pulis, na ilang beses pinatigil ang konstruksiyon para alamin sa kanilang mga superior kung puwede ang ganoon. Puring-puri naman sila ng ibang nagmamasid. ‘Nakita kong naglilinis ng CR ’yong isang banyaga!’ ang sabi ng isang lalaki. ‘Ngayon lang ako nakakita ng banyaga na gagawa ng gano’n. Iba talaga kayo!’

“Isa pang grupo ang nagtayo ng bagong Kingdom Hall sa bayan ng Tachileik, sa border ng Myanmar at Thailand. Maraming kapatid sa Thailand ang tumatawid sa border araw-araw para magboluntaryo kasama ng mga kapatid sa Myanmar. Nagtrabaho silang may pagkakaisa kahit magkaiba ang wika nila. Ibang-ibang ito sa nangyayari sa labas. Nang patapos na ang proyekto, nagsimulang magbakbakan ang magkalabang hukbo sa may border. Inulan ng bala at bomba ang paligid ng Kingdom Hall, pero hindi ito tinamaan. Nang kumalma ang sitwasyon, 72 katao ang nagtipon sa Kingdom Hall para ialay ito kay Jehova, ang Diyos ng kapayapaan.”

Mula 1999, halos 70 bagong Kingdom Hall na sa buong bansa ang naitayo ng mga Kingdom Hall Construction Group. Ano ang epekto nito sa mga kapatid sa Myanmar? Gaya ng marami, ganito ang sabi ng isang sister, na umiiyak sa tuwa: “Hindi ko akalaing magkakaroon kami ng napakagandang Kingdom Hall! Mas magsisikap ako ngayong mag-imbita sa pulong. Pinasasalamatan ko si Jehova at ang kaniyang organisasyon sa kabaitan nila sa amin!”

Dumating ang mga Misyonero

Noong dekada ’90, matapos ang maraming taon, muling binuksan ng Myanmar ang pinto nito. Sinamantala ito ng sangay at humingi ng permit para makapagpasok ng misyonero. Sa wakas, noong Enero 2003, dumating ang mag-asawang nagtapos sa Gilead na sina Hiroshi at Junko Aoki mula sa Japan. Sila ang kauna-unahang misyonero sa Myanmar makalipas ang halos 37 taon.

“Dahil iilan lang ang banyaga sa bansa, naging mataktika kami para hindi paghinalaan ng mga awtoridad ang aming pangangaral,” ang sabi ni Hiroshi. “Kaya sumama muna kami sa mga kapatid sa kanilang mga RV at Bible study. Gustung-gusto pala ng mga taga-Myanmar na pag-usapan ang tungkol sa Diyos. N’ong unang paglabas namin, limang Bible study ang nabuksan namin!”

“Madalas naming maranasan ang patnubay ni Jehova,” dagdag ni Junko. “Isang araw, galing kami sa Bible study malapit sa Mandalay nang ma-flat ang gulong ng motor namin. Itinulak namin iyon at humingi ng tulong sa isang pabrika. Pinapasok ng guwardiya si Hiroshi pati ang motor, pero naiwan ako sa guardhouse. Mausisa ang guwardiya.

“‘Ano ang ginagawa n’yo dito?’ tanong niya.

“‘Dumadalaw sa mga kaibigan,’ sagot ko.

“‘Para saan? Miting tungkol sa relihiyon?’ muling tanong niya.

“Medyo nag-ingat ako kaya hindi ko pinansin ang tanong niya.

“‘Deretsahin mo ’ko!’ giit niya. ‘Aling organisasyon kayo?’

“Kumuha ako ng Bantayan at ipinakita sa kaniya.

“‘Sabi ko na nga ba!’ bulalas niya. Sinabi niya sa kaniyang mga katrabaho: ‘Mga kasama! Binutas ng anghel ang gulong nila para mapuntahan tayo ng mga Saksi ni Jehova!’

“May kinuha ang lalaki sa bag niya at naglabas ng Bibliya at isa sa ating mga tract. Nakipag-aral siya dati sa mga Saksi pero hindi na niya sila nakontak paglipat niya sa Mandalay. Noon mismong oras na ’yon, nagsimula kami ng Bible study. Nang maglaon, nag-aral na rin pati ang mga katrabaho niya.”

Noong 2005, apat pang misyonero ang dumating, na mga graduate naman ng Ministerial Training School (tinatawag ngayong Bible School for Single Brothers) sa Pilipinas. Isa sa kanila si Nelson Junio. Napaharap siya sa hamong karaniwan sa mga misyonero​—pagka-homesick. “Madalas akong umiyak sa panalangin tuwing gabi,” ang sabi niya. “Tapos, ipinakita sa akin ng isang mabait na brother ang Hebreo 11:15, 16. Sinabi roon na nagpokus sina Abraham at Sara sa atas na ibinigay ng Diyos imbes na alalahanin ang dati nilang buhay sa Ur. Pagkabasa sa tekstong iyon, hindi na ako umiyak. Sinikap kong maging ‘at home’ sa teritoryong iniatas sa akin.”

Mabubuting Halimbawa na Nakatulong sa Marami

Noong unang siglo, pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Ang mga bagay na narinig mo sa akin . . . ay ipagkatiwala mo sa mga taong tapat, na magiging lubusang kuwalipikado na magturo naman sa iba.” (2 Tim. 2:2) Isinapuso ng mga misyonero ang payong ito at tinulungang makaalinsabay ang mga kongregasyon sa Myanmar sa teokratikong pamamaraan na sinusunod ng bayan ni Jehova sa buong daigdig.

Halimbawa, napansin ng mga misyonero ang paraan ng pagtuturo ng Bibliya ng maraming kapatid sa Myanmar; ipinapabasa nila mula sa aklat ang sagot​—isang pamamaraang ginagamit sa mga paaralan sa Myanmar. “Unti-unti naming pinasigla ang mga mamamahayag na gumamit ng punto-de-vistang mga tanong para maabot ang isip at damdamin ng mga estudyante,” sabi ni Joemar Ubiña. “Ikinapit agad ng mga mamamahayag ang mungkahi kaya naging mahuhusay silang guro.”

Napansin din ng mga misyonero na maraming kongregasyon ang iisa lang ang elder o ministeryal na lingkod. Ang ilan sa tapat at masisipag na brother na ito ay naging masyadong istrikto sa kawan. Malamang na umiral din ang ganitong tendensiya ng tao noong unang siglo, kaya pinayuhan ni Pablo ang matatanda: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, . . . hindi mamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.’ (1 Ped. 5:2, 3) Paano kaya makakatulong ang mga misyonero? “Sinikap naming maging mas mabait, malumanay, at madaling lapitan para makapagpakita ng mabuting halimbawa,” ang sabi ni Benjamin Reyes. Nakatulong ang kanilang mabuting halimbawa. Binago ng maraming elder ang kanilang pakikitungo at naging mas mapagmahal sa kawan.

Kapakinabangan ng Mas Mainam na Salin

Maraming taon nang ginagamit ng mga kapatid sa Myanmar ang ika-19 na siglong Bibliya sa wikang Myanmar. Isinalin ito ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa tulong ng mga Budistang monghe. Ang saling ito ay gumamit ng maraming salitang Pali na hindi na ginagamit ng tao at napakahirap intindihin. Kaya nang ilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Myanmar noong 2008, walang pagsidlan ang tuwa ng mga kapatid. “Ang tagal ng palakpakan. May mga naluha pa nga sa saya nang matanggap nila ang kanilang kopya,” ang sabi ni Maurice Raj. “Malinaw, simple, at tumpak ang bagong salin. Kahit nga ang mga Budista, madaling naintindihan ito!” Di-nagtagal paglabas ng bagong salin, tumaas nang mahigit 40 porsiyento ang bilang ng mga Bible study sa buong bansa.

Gaya ng maraming wika, may dalawang istilo ang wikang Myanmar​—ang pormal na istilo na galing sa wikang Pali at Sanskrit at ang kolokyal na istilo na ginagamit sa araw-araw. Ginagamit kapuwa sa pag-uusap at pagsulat ang dalawang istilong ito. Karamihan sa ating matatandang publikasyon ay ginamitan ng pormal na istilo, na mahirap nang maintindihan ng mas marami ngayon. Dahil dito, sinimulan ng sangay na isalin ang mga publikasyon sa wikang ginagamit sa araw-araw ng mga taga-Myanmar.

Kitang-kita agad ang epekto ng bagong mga publikasyong ito. Sinabi ni Than Htwe Oo, tagapangasiwa ng Translation Department: “Dati, sabi ng mga tao, ‘Mataas ang kalidad ng mga publikasyon n’yo, pero hindi ko ito maintindihan.’ Ngayon, masayang-masaya sila sa ating mga literatura, at binabasa nila ito agad. Sabi ng marami, ‘Ang dali nitong intindihin!’” Sumigla rin ang pagkokomento sa pulong dahil mas nauunawaan ng mga tagapakinig ang nakasulat sa ating publikasyon.

Sa kasalukuyan, may 26 buong-panahong tagapagsalin ang sangay, na nahahati sa tatlong wika​—Myanmar, Hakha Chin, at Sgaw Kayin. May mga publikasyon na rin sa 11 iba pang wika.

Bagyong Nargis

Noong Mayo 2, 2008, ang Myanmar ay hinagupit ng Bagyong Nargis. Dala nito ang hanging may lakas na 240 kilometro kada oras at nanalanta mula Ayeyarwady Delta hanggang border ng Thailand. Mahigit dalawang milyon katao ang naapektuhan ng bagyo at mga 140,000 ang nasawi o nawawala.

Libu-libo ring Saksi ang naapektuhan, pero mabuti na lang at walang nasawi. Marami ang nakaligtas nang manganlong sila sa bagong tayong mga Kingdom Hall. Sa Bothingone, isang nayon sa tabi ng Ayeyarwady Delta, 20 Saksi at 80 taganayon ang siyam na oras na nanganlong sa mga biga ng kisame ng Kingdom Hall habang rumaragasa ang baha. Halos umabot ito sa kisame bago humupa.

Nagpadala agad ang sangay ng mga relief team sa may delta ng ilog, ang lugar na naapektuhan nang husto. Di-alintana ang mga bangkay na nagkalat sa daan, narating ng relief team ang nayon. Bitbit ang pagkain, tubig, at gamot, sila ang unang relief team na nakarating doon. Matapos ipamahagi sa mga kapatid ang dala nilang suplay, pinatibay nila ang mga ito mula sa Bibliya. Namahagi rin sila ng mga Bibliya at literatura dahil inanod ng baha ang lahat ng pag-aari ng mga kapatid.

Para maisaayos ang pagtulong sa nasalanta, ang sangay ay bumuo ng mga Disaster Relief Committee sa Yangon at Pathein. Tumawag ng daan-daang boluntaryo ang mga komiteng ito para mamahagi ng tubig, bigas, at iba pang kailangan ng mga nasalanta. May mga grupo rin na magkukumpuni o magtatayo sa nasirang bahay ng mga Saksi.

Inilahad ng isa sa mga boluntaryo, si Tobias Lund: “Nakita namin ng misis kong si Sofia ang 16-anyos na si May Sin Oo, ang kaisa-isang mamamahayag sa kanilang pamilya, habang ibinibilad ang Bibliya niya. Nginitian niya kami, pero pumapatak ang luha niya. Mayamaya, dumating ang grupo ng konstruksiyon na naka-hard hat at dala-dala ang kanilang mga power tool at mga materyales ng bahay. Isang bagong bahay para sa pamilya ang itinayo nila. Namangha ang mga kapitbahay! Ilang araw na pinanood ng mga tao ang ginagawang bahay. Sinasabi ng mga ito: ‘Ngayon lang kami nakakita ng ganito! Nagkakaisa kayo at nagmamahalan. Gusto rin naming maging Saksi ni Jehova.’ Dumadalo na ngayon ang mga magulang at kapatid ni May Sin Oo, at patuloy na sumusulong ang buong pamilya.”

Ilang buwang nagpatuloy ang pagtulong sa nasalanta. Tone-toneladang relief ang ipinamahagi ng mga kapatid at 160 bahay at 8 Kingdom Hall ang kinumpuni o itinayo. Bagaman nanalasa ang Bagyong Nargis, isang bagay ang hindi nito napinsala​—ang bigkis ng pag-ibig na nagbubuklod sa bayan ng Diyos at nagdudulot ng kapurihan sa pangalan ni Jehova.

Isang Di-malilimutang Okasyon

Maaga noong 2007, nakatanggap ng kapana-panabik na liham ang sangay. “Pinag-oorganisa kami ng Lupong Tagapamahala ng isang internasyonal na kombensiyon sa Yangon,” ani Jon Sharp, na dumating sa sangay nang nakaraang taon kasama ang maybahay niyang si Janet. “Ang 2009 kombensiyon ay dadaluhan din ng daan-daang delegado mula sa sampung bansa​—na ngayon lang mangyayari sa kasaysayan ng sangay!”

Nagpatuloy si Jon: “Napakarami naming tanong: ‘Anong venue ang puwedeng gamitin para sa ganoon kalaking pagtitipon? Makakadalo kaya ang mga kapatid na nasa liblib? Saan sila manunuluyan? Paano sila makakarating? Paano ang pagkain nila? Saka, paano ang mga awtoridad sa Myanmar? Papayagan kaya nila ang ganoon kalaking pagtitipon?’ Parang di-maubos ang problema. Pero naalala namin ang mga salita ni Jesus: ‘Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.’ (Luc. 18:27) Kaya nagtiwala kami sa Diyos at nagplanong mabuti.

“Di-nagtagal, nakakita kami ng angkop na venue​—ang National Indoor Stadium ng Myanmar, isang pasilidad na kasya ang 11,000 katao, naka-aircon, at nasa sentro ng lunsod. Nag-aplay kami kaagad sa mga awtoridad na magamit ang lugar. Pero makalipas ang ilang buwan, hindi pa naaaprobahan ang aming aplikasyon, e ilang linggo na lang bago ang kombensiyon. Tapos, nakatanggap kami ng masamang balita: Nag-iskedyul ang management ng kickboxing tournament sa mismong petsa na gaganapin ang kombensiyon! Dahil wala na kaming panahong humanap ng ibang lugar, nakiusap kami sa promoter ng tournament at sa maraming opisyal. Sa wakas, sinabi ng promoter na puwede niyang i-adjust ang iskedyul kung mapapapayag namin ang 16 na propesyonal na kickboxer. Nang malaman ng mga kickboxer na gustong gamitin ng mga Saksi ni Jehova ang venue para sa isang espesyal na kombensiyon, pumayag silang lahat na i-adjust ang kanilang kontrata.”

“Pero kailangan pa rin namin ng permit mula sa gobyerno para magamit ang istadyum,” ang sabi ni Kyaw Win, miyembro ng Komite ng Sangay, “kaya lang, apat na beses nang tinatanggihan ang aplikasyon namin! Matapos manalangin kay Jehova, nakipag-appointment kami sa opisyal na nangangasiwa sa lahat ng istadyum sa Myanmar. Dalawang linggo na lang bago ang kombensiyon at unang pagkakataon din naming makakausap ang isang mataas na opisyal ng gobyerno. Ang saya namin nang maaprobahan ang aming request!”

Walang kamalay-malay sa pangyayari ang libu-libong delegado na nagdatingan sa Yangon mula sa iba’t ibang panig ng Myanmar at ibang bansa. May mga nag-eroplano, tren, bangka, bus, trak​—at naglakad. Maraming pamilyang taga-Myanmar ang ilang buwang nag-ipon para makadalo. May mga nagtanim, nanahi, nag-alaga ng baboy, at may ilan na naghanap ng ginto sa ilog. Marami ang hindi pa nakarating kahit minsan sa malaking lunsod o hindi pa nakakita ng banyaga.

Mahigit 1,300 delegado mula sa hilaga ng Myanmar ang naghintay sa istasyon ng tren sa Mandalay para sa espesyal na tren na maghahatid sa kanila sa Yangon. Isang grupo na taga-Naga Hills ang naglakbay nang anim na araw, pasan-pasan ang dalawang mamamahayag; bumigay kasi agad sa daan ang pinag-ubra lang nilang wheelchair. Daan-daan ang naghintay sa istasyon, nag-uusap, nagtatawanan, at nag-aawitan ng Kingdom song. “Excited ang lahat,” ang sabi ni Pum Cin Khai, na tumulong sa pag-aasikaso ng transportasyon. “Naglaan kami ng pagkain, tubig, at banig. Pagdating ng tren, tinulungan ng mga elder ang bawat grupo na sumakay sa kani-kanilang bagon. Tapos, may nag-anunsiyo sa loudspeaker: ‘Paalis na ang tren ng mga Saksi ni Jehova!’ Nag-check ako kung may naiwan at saka ako sumampa sa tren!”

Samantala, sa Yangon, mga 700 delegado mula sa ibang bansa ang nagtse-check in na sa mga hotel. Pero saan tutuloy ang mahigit 3,000 delegadong taga-Myanmar? “Binuksan ni Jehova ang puso ng mga Saksi sa Yangon para patuluyin ang kanilang mga kapatid,” ang sabi ni Myint Lwin ng Rooming Department. “May mga nagpatuloy nang hanggang 15 bisita. Nagbayad sila para irehistro ang mga ito at pinaglaanan ang kanilang mga bisita ng almusal at masasakyan araw-araw papunta sa istadyum at pauwi sa tuluyan. Marami rin ang tumuloy sa mga Kingdom Hall; daan-daan pa ang natulog sa isang malaking pabrika. Pero sa kabila ng napakalaking pagsisikap na ito, mga 500 pa rin ang walang matutuluyan. Ipinaliwanag namin sa management ng istadyum ang sitwasyon, at pumayag silang matulog sa istadyum ang mga delegado​—isang bagay na noon lang nila ginawa!”

Maraming kailangang kumpunihin sa istadyum kaya mahigit 350 boluntaryo ang sampung araw na nagtrabaho para maihanda ito. “Inayos namin ang mga linya ng tubig at kuryente, pati na ang aircon, at saka namin pininturahan at nilinis ang buong pasilidad,” ang sabi ni Htay Win, ang tagapangasiwa ng kombensiyon. “Naging mainam na patotoo ang malaking trabahong ito. Napabulalas ang opisyal ng militar na nangangasiwa sa istadyum: ‘Salamat! Salamat! Ipinagdarasal ko sa Diyos na gamitin ninyo taun-taon ang aking istadyum!’”

Mahigit 5,000 ang dumalo sa kombensiyon, na ginanap noong Disyembre 3-6, 2009. Nang huling araw, maraming delegado ang nagsuot ng kanilang tradisyonal na damit, na pagkagaganda at sari-sari ang kulay. “Ang lahat ay nag-aakapan na may mga luha​—bago pa man magsimula ang programa!” ang sabi ng isang sister. Matapos ang pansarang panalangin ni Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala, ilang minutong nagpalakpakan at nagkawayan ang mga tagapakinig. Gaya ng marami, ganito ang nadama ng isang 86-anyos na sister, “Para na akong nasa bagong sanlibutan!”

Marami ring opisyal ng gobyerno ang humanga. “Ibang-iba ang pagtitipong ito,” ang sabi ng isa. “Walang nagmumura, naninigarilyo, o nagnganganga. Nagkakaisa ang iba’t ibang tribo. Wala pa akong nakitang gaya nito!” Idinagdag ni Maurice Raj, “Kahit ang pinakamataas na kumandante militar ng Yangon ay nagsabi na siya at ang iba pang kasamahan niya ay ngayon lang nakakita ng ganito kagandang pagtitipon.”

Sang-ayon ang maraming delegado na napakaespesyal ng nasaksihan nila. Sinabi ng isang brother na taga-Myanmar: “Nababalitaan lang namin noon ang tungkol sa internasyonal na kapatiran. Ngayon, naranasan namin ito! Hinding-hindi namin malilimutan ang pag-ibig ng mga kapatid.”

“Mapuputi Na Para sa Pag-aani”

Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Ganiyan mismo ang Myanmar. Sa kasalukuyan, may 3,790 na mamamahayag ang bansa, 1 mamamahayag sa bawat 15,931 mamamayan​—napakalaking anihin nga! At sa 8,005 na dumalo sa Memoryal noong 2012, talagang malaki ang potensiyal sa pagsulong!

Isa na rito ang Rakhine State, isang rehiyon sa baybay-dagat malapit sa border ng Bangladesh, na halos apat na milyon ang mamamayan pero walang isa mang Saksi ni Jehova. “Buwan-buwan, may natatanggap kaming sulat mula sa mga naninirahan sa lugar na ito; humihingi sila ng literatura at tulong para maunawaan ang Bibliya,” ang sabi ni Maurice Raj. “Dumarami ring Budista sa Myanmar, mga kabataan lalo na, ang nagiging interesado sa katotohanan. Kaya patuloy kaming nagsusumamo sa Panginoon na magpadala ng manggagawa para sa pag-aani.”​—Mat. 9:37, 38.

Halos 100 taon na ang nakakaraan, dalawang masipag na payunir ang nagdala ng mabuting balita sa bansang ito na dominado ng mga Budista. Mula noon, libu-libo mula sa iba’t ibang tribo ang nanindigan sa katotohanan. Sa kabila ng madudugong labanan, kaguluhan sa pulitika, kahirapan, pag-uusig, pagsasara ng pinto sa ibang bansa, at mga kalamidad, ang mga Saksi ni Jehova sa Myanmar ay nagpakita ng di-nagmamaliw na debosyon sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Determinado silang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian at “makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.”​—Col. 1:11.

[Mga talababa]

a Ang Myanmar ay dating tinatawag na Burma, halaw sa pinakamalaking etnikong grupo rito na Bamar (Burmese). Pinangalanan itong Union of Myanmar noong 1989 para katawanin ang maraming etnikong grupo sa bansa. Gagamitin natin ang pangalang Burma para sa mga pangyayaring naganap bago ang 1989 at Myanmar naman pagkatapos ng taóng iyon.

b Ang mga Anglo-Indian ay mula sa pinagsamang lahi ng Indian at Briton. Sa ilalim ng pamamahala ng Britanya, libu-libong Anglo-Indian ang nandayuhan sa Burma, na dating bahagi ng “British India.”

c Si Bertram Marcelline ang kauna-unahang indibiduwal na nabautismuhan sa Burma bilang Saksi ni Jehova. Nanatili siyang tapat hanggang sa kamatayan niya sa Burma noong mga huling taon ng dekada ng 1960.

d Noon, katumbas iyon ng $95 (U.S.), malaki-laking halaga.

e Tingnan ang 1966 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 192.

f Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na inililimbag.

g Mahigit 600 wika na ngayon ang puwedeng maimprenta sa pamamagitan ng MEPS.

[Kahon sa pahina 82, 83]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Myanmar

Lupain

Mga bundok na ang tuktok ay balót ng niyebe, maalinsangang mga kagubatan, malalawak na kapatagan, at malalaking ilog at delta​—iyan ang bumubuo sa lupain ng Myanmar. Ito ang ikalawang pinakamalaking bansa sa Timog-Silangang Asia at ang lupain nito ay mas malawak kaysa sa France.

Mamamayan

Tinatayang 60 milyon katao ang kabilang sa di-kukulangin sa 135 etnikong grupo. Dalawang-katlo ng populasyon ay binubuo ng etnikong grupo ng Bamar, o Burmese. Mga 90 porsiyento ng mamamayan ay mga Budistang Theravada. Marami mula sa grupong Kayin, Chin, at Kachin ay nagsasabing mga Kristiyano sila.

Wika

Myanmar (Burmese) ang opisyal na wika sa buong bansa, pero may kani-kaniyang wika ang karamihan sa mga tribo.

Kabuhayan

Nabubuhay ang mga tao sa pagtatanim, pangingisda, at pangangalaga at paglinang sa kagubatan. Palay ang pinakamahalagang pananim. Ang bansa ay sagana sa likas na yaman​—kabilang na ang tekla, goma, jade, rubi, langis, at natural na gas.

Pagkain

Halos hindi nawawala ang kanin sa hapag-kainan. Kapartner nito ang ngapi, isang klase ng bagoong na isda o alamang. Kadalasang may ensalada at curry na medyo maanghang. Kung minsan, mayroon ding kaunting isda, manok, at hipon sa pagkain. Karaniwang inumin ang black tea at green tea.

Klima

Madalas ang malakas na ulan. May tatlong lagay ng panahon: medyo mainit, mainit, at mainit na may pag-ulan. Pero may pagkakataong napakalamig sa kabundukan sa hilaga.

[Larawan]

[Larawan]

Magkakaibigang salu-salo sa karaniwang pagkaing Myanmar

[Kahon sa pahina 88]

Isang Prangkang Mángangarál ng Katotohanan

SYDNEY COOTE

ISINILANG 1896

NABAUTISMUHAN 1939

Isa sa mga unang taga-Myanmar na tumanggap ng katotohanan. Ayon sa kuwento ng kaniyang pamangking si Phyllis Tsatos (D’Souza noong dalaga).

◆ SI Uncle Sydney ang nagpatotoo sa aming pamilya.

“Talaga bang naniniwala ka na pinapayagan ng Diyos na masunog ang mga tao sa impiyerno magpakailanman?” ang tanong niya sa akin.

“Opo, iyan ang turo ng Simbahang Katoliko,” sagot ko.

Itinuro niya ang aming alagang aso, sabay tanong, “Ano’ng gagawin mo kung kagatin ka ng aso mo?”

“Papaluin ko siya para magtanda,” sagot ko.

“E bakit hindi mo na lang siya bitbitin sa buntot at saka mo tusukin ng nagbabagang bakal?” sagot niya.

Nagulat ako sa sinabi niya. “Uncle! Ang lupit naman no’n!”

“Ang lupit?” sagot niya. “Pero sinasabi ng Simbahan na pinahihirapan ng Diyos magpakailanman ang mga makasalanan sa nag-aapoy na impiyerno!”

Napaisip ako sa kaniyang prangka pero may katuwirang sagot. Di-nagtagal, walo sa pamilya namin ang naging masisigasig na Saksi.

[Larawan]

[Kahon sa pahina 98, 99]

Kultura at Kaugalian sa Myanmar

Pangalan

Walang apelyido ang karamihan sa Myanmar. Ang mga pangalan ay karaniwan nang binubuo ng isang-pantig na mga salita na tumutukoy sa isang magandang katangian, bagay, o etnikong pinagmulan ng isa. Halimbawa, ang Cho Sandar Myint ay nangangahulugang “Matamis Buwan Itaas,” ang Htet Aung Htun ay “Matalino Manakop Magliwanag,” at ang Naw Say Wah Phaw naman ay “Babae Pilak Bulaklak.”

Pagbati

Sari-sari at nakakatuwa ang batian sa Myanmar. Ang magkakaibigang matagal nang hindi nagkita ay pabirong nagbabatian, “Buháy ka pa pala?” Kapag oras na ng pagkain, sinasabi ng mga tao, “Kumain ka na ba?” Hindi nila sinasabing “Paalam” kundi “Alis na ako.” Ang karaniwang sagot naman ay “Mabuti!” o “Dahan-dahan ka lang!”

Paggawi

Pangunahin sa kanila ang kahinahunan at kabaitan. Iginagalang nila ang mga may-edad at tinatawag sa mga titulong gaya ng Tito, Tita, at Guro. Kapag nagkakamayan o may iaabot na bagay, kadalasang inihahawak nila ang kanilang kaliwang kamay sa kanang braso bilang paggalang. Ang mga lalaki at babae​—may-asawa man o wala​—ay hindi naglalambingan sa publiko, pero nakikipaghawak-kamay sila sa kapuwa nila lalaki o babae kahit sa publiko.

Pananamit

Ang mga lalaki at babae ay nagsusuot ng lungi, isang makulay at mahabang damit (gaya ng malong) na mula baywang hanggang bukung-bukong. Ibinubuhol ito ng mga lalaki sa may harapan; itinutupi naman ito ng mga babae sa may baywang. Magkaiba ang disenyo ng tela ng lungi ng lalaki at babae. May kani-kaniyang disenyo rin ang bawat etnikong grupo.

Pag-aayos

Karamihan ng babae at bata ay gumagamit ng thanaka, isang mabangong paste na gawa sa pinulbos na balat ng puno ng thanaka bilang kosmetiko at gamot sa balat. Ang thanaka ay malamig sa balat at epektibong sunblock.

[Larawan]

[Larawan]

Pinapahiran ng thanaka ng isang nanay ang mukha ng kaniyang anak

[Kahon sa pahina 104, 105]

Binigyan Ako ni Jehova ng Isang Bagong Espiritu

WILSON THEIN

ISINILANG 1924

NABAUTISMUHAN 1955

Dating magnanakaw na nagsikap baguhin ang kaniyang pagkatao; 54 na taon na siyang naglilingkod bilang special pioneer.

◆ NOONG kabataan ko, nag-aral ako ng boksing, wrestling, at judo. Kaya naman naging marahas ako at magagalitin. Pagtuntong ko ng 19, naging miyembro ako ng isang gang, natutong magnakaw, at humawak ng armas. Nang maglaon, nahuli ako at nakulong nang walong taon. Napag-isip-isip ko ang mga kasamaang ginawa ko at nanalangin ako nang husto. Sa puso ko, gustung-gusto kong makilala ang Diyos.

Pagkalaya ko, lumipat ako sa Yangon. Doon ako nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi. Di-nagtagal, naging kuwalipikado ako para sa bautismo; salamat sa pagtitiis ng mga brother na nag-study sa akin.

Kahit nabautismuhan na ako, hiráp pa rin akong magpaka-Kristiyano. (Efe. 4:24) Pintasero ako at madaling mainis. Gusto kong magbago pero nahihirapan akong kontrolin ang damdamin ko. Pakiramdam ko, wala na akong pag-asa. Kaya minsan, pumupunta ako sa ilog para umiyak nang umiyak.

Noong 1957, inatasan ako bilang special pioneer. Ang una kong teritoryo ay ang Mandalay. Nakasama ko ang misyonerong si Robert Richards. Para ko siyang tatay. Tinuruan niya akong magpokus sa magagandang katangian ng mga tao at mapagpakumbabang kilalanin ang sarili kong di-kasakdalan. (Gal. 5:22, 23) Sa tuwing maiinis ako, nagsusumamo ako kay Jehova na bigyan ako ng “isang bagong espiritu, yaong matatag” at mapayapa. (Awit 51:10) Dininig ako ni Jehova at unti-unti akong nagbago.

Na-study ko ang isang 80-anyos na Baptist. Galít na galít sa akin ang mga miyembro ng simbahan nila kasi nanunulot daw ako. Tinutukan ako ng kutsilyo ng isa sa kanila at sinabi, “Kasalanan ba’ng pumatay?” Para akong sasabog sa galit. Agad akong nanalangin nang tahimik. Pagkatapos, kalmado kong sinabi, “Ikaw ang makakasagot sa tanong mo.” Nag-alangan ang lalaki at umalis na lang. Nagpasalamat ako kay Jehova dahil tinulungan niya akong manatiling kalmado. Nabautismuhan ang study kong may-edad, at nanatili siyang tapat hanggang kamatayan.

Sa paglipas ng mga taon, 17 teritoryo na ang napuntahan ko bilang special pioneer at 64 ang naakay ko sa katotohanan. Kapag iniisip ko kung gaano kabuti sa akin si Jehova, naluluha ako. Tinulungan niya ang isang marahas, magagalitin, at malungkuting kabataan na magkaroon ng isang bago at mapagpayapang espiritu.

[Larawan]

[Larawan]

[Blurb]

Pakiramdam ko, wala na akong pag-asa. Kaya minsan, pumupunta ako sa ilog para umiyak nang umiyak

[Kahon sa pahina 108, 109]

Binuksan ni Jehova ang Daan

MAURICE RAJ

ISINILANG 1933

NABAUTISMUHAN 1949

Mahigit 50 taon nang nasa buong-panahong paglilingkod sa Myanmar. Ang karamihan sa mga taóng iyon ay ginugol niya bilang tagapangasiwa ng sangay. Naglilingkod pa rin siya bilang miyembro ng Komite ng Sangay.h

◆ NOONG 1988, niyanig ng mararahas na protesta ang Yangon. Libu-libo ang nag-rally sa mga lansangan para sa reporma sa pulitika. Dahil sa tindi ng gulo, naglunsad ng kudeta ang militar at nagpatupad ng martial law sa kalakhan ng bansa. Libu-libo ang namatay.

Nang buwan ding iyon, kailangan naming magsumite ng taunang report sa punong-tanggapan sa New York. Pero putol ang lahat ng sistema ng komunikasyon, at wala kaming maisip na paraan para maipadala ang report. Tapos, nabalitaan ko na magpapadala ng diplomatic mail ang embahada ng U.S. palabas ng bansa sa pamamagitan ng helikopter. Naisip ko na baka puwedeng isama roon ang report namin. Kaya isinuot ko ang pinakamaganda kong amerikana at pumunta ako sa embahada.

Habang nagmamaneho sa kalsadang basang-basa ng ulan, nagtaka ako sa sobrang katahimikan. Mayamaya lang, isang barikada ang nadatnan ko kaya ipinarada ko ang kotse at naglakad ako papunta sa embahada.

Habang papalapit sa gate ng embahada, nakita ko ang daan-daang tao na nagpupumilit pumasok, pero nakabantay ang mga sundalo. Huminto ako sandali para manalangin. Napansin ng isang estudyante na bihís na bihís ako. Sumigaw siya, “Opisyal siguro ito ng embahada.” Nakipagsiksikan ako sa mga tao hanggang sa makalapit sa gate ng embahada. Tinitigan ako ng isang malaking sundalo.

“Sino ka,” singhal niya, “at ano ang kailangan mo?”

“Gusto kong makausap ang embahador,” sagot ko. “May napakahalaga akong mensahe na dapat ipadala sa Amerika.”

Tinitigan niya ako. Pagkatapos, bigla niyang binuksan ang gate at hinila ako papasók, sabay sara nito.

“Sumunod ka sa akin,” ang pagalít na sabi niya.

Pagdating sa may pinto, ipinasa ako ng sundalo sa isang aburidong opisyal. Tinanong niya kung ano ang kailangan ko.

“Taga-Watch Tower Society ako,” paliwanag ko. “At may importante akong report na dapat makarating sa headquarters namin sa New York ngayong buwan. Puwede mo ba itong isama sa inyong diplomatic mail?” Pagkaabot sa dala kong envelope, idinagdag ko, “Pasensiya na, walang selyo.”

Medyo nagtaka ang opisyal kaya nagtanong pa siya. Tapos, siniguro niya sa akin na makakarating ang report. Nalaman ko nang maglaon na nakarating nga ito sa punong-tanggapan.

[Talababa]

h Ang talambuhay ni Brother Raj ay lumabas sa Ang Bantayan ng Disyembre 1, 2010.

[Larawan]

[Blurb]

Pagkaabot sa dala kong envelope, idinagdag ko, “Pasensiya na, walang selyo”

[Kahon sa pahina 116]

Tumanggap ng Katotohanan ang Isang Hukom

MANG CUNG

ISINILANG 1934

NABAUTISMUHAN 1981

Isang kilaláng prinsipal at hukom na naging masigasig na payunir nang maglaon.

◆ NANG may mag-alok sa akin ng Bantayan, sinabi ko: “Wala akong panahong magbasa. Napaka-busy ko.” Pero dahil malakas akong manigarilyo, naisip kong puwedeng ipambilot ng tabako ang mga pahina ng magasin. Kaya tinanggap ko iyon.

Habang pinipilas ang magasin para ipambilot ng tabako, nanghinayang ako na hindi muna iyon basahin. Diyan ko nasimulang magustuhan ang Bantayan. Napakilos ako ng mga nabasa ko na humintong manigarilyo at sumunod sa matuwid na pamantayan ng Diyos. Di-nagtagal, nabautismuhan ako.

Matapos akong mabautismuhan, bumalik ako sa nayon. Inalok ako ng pera ng pastor at ng mga namumuno sa simbahan namin para bumalik sa dati kong relihiyon. Nang tumanggi ako, ipinagkalat nilang binayaran ako ng mga Saksi para magpabautismo. Hindi ako nasindak ng paninira nila. Ipinagmamalaki ko na kilala ko at pinaglilingkuran ko ang tunay na Diyos.

[Larawan]

[Kahon sa pahina 122]

Pinagpala ni Jehova ang Aking Pagbabata

AH SHE

ISINILANG 1952

NABAUTISMUHAN 1998

Isang pastor na Katoliko na tumanggap ng katotohanan.

◆ MATAGAL akong naging pastor na Katoliko sa Golden Triangle. Nang makilala ko ang mga Saksi, humanga ako sa husay nila sa paggamit ng Bibliya, kaya pumayag akong makipag-aral sa kanila.

Di-nagtagal, dumadalo na ako sa Kingdom Hall sa Linggo ng hapon pagkatapos ng sermon ko sa simbahan nang umaga. Nang maglaon, isinasama ko na sa sermon ko ang mga katotohanan sa Bibliya, na ikinagalit ng mga miyembro ng parokya, lalo na ng pari! Nang mag-resign ako bilang pastor, dinala ako sa korte para mapalayas sa nayon namin. Sinabi sa kanila ng mahistrado na may kalayaan ako sa pagsamba. Pero hindi ito matanggap ng asawa ko. “Lumayas ka dito! Dalhin mo ’yang bag at Bibliya mo!” ang bulyaw niya. Gayunman, naging mabait pa rin ako sa kaniya at pinaglaanan ko sila ng aking mga anak. Masayang-masaya ako dahil pinagpala ni Jehova ang aking pagbabata. Ngayon, maligaya na ring naglilingkod kay Jehova ang asawa kong si Cherry at ang aming mga anak.

[Larawan]

[Kahon sa pahina 126]

Naglaho ang Pagdududa Ko

GREGORY SARILO

ISINILANG 1950

NABAUTISMUHAN 1985

Dating Katoliko na nag-akalang huwad na mga propeta ang mga Saksi ni Jehova.

◆ MATAGAL na akong saradong Katoliko, at nangunguna sa mga gawain sa simbahan sa aming nayon. Pero hindi ko maatim ang ginagawa ng mga lider ng simbahan namin​—kinukunsinti nila ang imoralidad, nag-aalay sila ng mga handog sa kalikasan, at nagsasagawa ng espiritismo. Nagbitiw ako sa mga atas ko sa simbahan, pero hindi ko tinalikuran ang mga paniniwalang Katoliko.

Noong 1981, nakilala ko ang mga Saksi. Hanga ako sa dami ng alam nila sa Bibliya kaya nagpa-study ako. Pero duda ako sa mga turo nila at lagi ko silang kinukuwestiyon. Mahinahon naman nilang sinasagot mula sa Bibliya ang mga tanong ko.

Dumalo ako sa pandistritong kombensiyon para makita kung nagkakaisa ang mga Saksi sa kanilang mga turo. Noong mag-intermisyon, naiwanan ko sa ilalim ng upuan ang bag ko. Nandoon ang ID ko, pera, at iba pang mahahalagang gamit. Inisip kong siguradong ninakaw na iyon. Pero tiniyak sa akin ng mga brother: “Huwag kang mag-alala. Hindi mawawala ’yon.” Pagbalik ko, nandoon nga ang bag ko! Mula noon, naglaho ang pagdududa ko sa mga Saksi.

[Larawan]

[Kahon sa pahina 130, 131]

“Nakahihigit na Kayamanan” ang Natagpuan Ko

SA THAN HTUN AUNG

ISINILANG 1954

NABAUTISMUHAN 1993

Dating mongheng Budista at sundalo. Nang malaman ang katotohanan, nagpayunir nang maraming taon.

◆ BUDISTA ang aming pamilya at naging monghe ako. Hindi ako naniniwala sa Diyos o Maylalang. Tapos, inimbitahan ako ng kaibigan kong “Kristiyano” sa kanilang simbahan. Doon ko narinig na ang mga tao raw ay may Ama sa langit. Gustung-gusto ko siyang makilala at mapalapit sa kaniya.

Nang matapos ko ang paglilingkod bilang monghe, nagsundalo naman ako. Habang nakadestino, nagsusulat ako ng diary. Sinisimulan ko ito sa mga salitang “Ama, Diyos sa langit.” Nang maglaon, gusto ko na sanang magbitiw sa pagsusundalo para maging pastor ng simbahan, pero ayaw akong payagan ng militar. Di-nagtagal, tumaas ang ranggo ko at naging kapitan. Nakilala ako, naging maimpluwensiya at mapera. Pero ang totoo, uháw na uháw ako sa espirituwal.

Noong 1982, nagpakasal kami ni Htu Aung. Binigyan kami ng ate niyang Saksi ni Jehova ng aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso. Sa aklat, Jehova raw ang pangalan ng Diyos, pero duda ako. Sabi ko kay Htu Aung, “Kung maipapakita mo sa akin ang pangalan ni Jehova sa Bibliyang Myanmar, magsa-Saksi ako!” Hinanap niya, kaso hindi niya makita. Pero walang kaproble-problemang nakita iyon ng kaibigan niyang Saksi na si Mary. Agad niyang ipinakita sa akin ang pangalang Jehova! Nang maglaon, dumalo kaming mag-asawa kasama ang aming mga anak sa pulong ng mga Saksi at nagpa-study.

Habang dumarami ang natututuhan ko sa Bibliya, lalong tumitindi ang pagnanais kong maglingkod sa Diyos. Noong 1991, sinubukan ko ulit na magbitiw sa militar​—pero ngayon ay para maging isang Saksi ni Jehova. Pagkaraan ng dalawang taon, pinayagan na rin ako. Nang taon ding iyon, nagpabautismo kaming mag-asawa.

Para matustusan ang pamilya ko, nagtinda ako sa palengke. Sinasabi ng mga kamag-anak at kaibigan ko na kabaliwang iniwan ko ang militar para lang magtinda. Pero naalala ko si Moises; para mapaglingkuran ang Diyos, iniwan niya ang palasyo ni Paraon at naging pastol. (Ex. 3:1; Heb. 11:24-27) Nang maglaon, natagpuan ko ang pinakamimithi kong kayamanan​—naging regular pioneer ako.

Yumaman at naging prominente ang ilan sa mga kaibigan ko sa militar. Pero “nakahihigit na kayamanan” ang natagpuan ko​—ang makilala at mapaglingkuran ang aking Ama sa langit. (Efe. 2:7) Ngayon, marami sa mga pamangkin ko ang nasa buong-panahong paglilingkod, at ang panganay kong anak na lalaki ay naglilingkod ngayon sa Bethel sa Myanmar.

[Larawan]

[Kahon sa pahina 136, 137]

Nawagi ng Kabaitan

ZAW BAWM

ISINILANG 1954

NABAUTISMUHAN 1998

Dating nagbebenta ng droga at salansang sa katotohanan pero naantig ng Kristiyanong kabaitan.

◆ NANG makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova ang asawa kong si Lu Mai, sinalansang ko siya. Itinatapon ko sa palikuran ang mga literatura niya at pinapalayas ko ang mga nag-i-study sa kaniya.

Di-nagtagal, nasangkot ako sa pagbebenta ng droga. Nabilanggo ako. Makalipas ang unang gabi ko sa kulungan, pinadalhan ako ni Lu Mai ng Bibliya at ng nakapagpapatibay na liham na may mga teksto. Patuloy niya akong pinadalhan ng nakapagpapatibay na liham. Naisip kong hindi sana ako nabilanggo kung sinunod ko lang ang payo ng Bibliya.

Dalawang estranghero ang dumalaw sa akin sa bilangguan. Ang mga lalaki ay mga Saksi ni Jehova at ipinaliwanag nila na pinakiusapan sila ng misis ko na dalawin ako at patibayin. Dalawang araw silang nagbiyahe para mapuntahan ako. Napakabait nila. Buti pa ang mga Saksi, kahit masama ang trato ko sa kanila, dinalaw nila ako. Samantalang sa mga kamag-anak ko, walang dumalaw sa akin ni isa.

Minsan, naospital ako dahil sa tipus. Wala akong pambayad. Nang pagkakataong iyon, may dumalaw uli sa akin​—isa pang Saksi na pinapunta ng misis ko. Naawa siya sa akin kaya siya ang nagbayad sa pagpapagamot ko. Hiyang-hiya ako. Mula noon, nanata akong magiging Saksi ni Jehova ako. Makalipas ang limang taon, pagkalaya ko, tinupad ko ang aking panata.

[Larawan]

[Larawan]

Patuloy akong naglilingkod kay Jehova nang lubusan bilang pagtupad sa aking “panata”

[Kahon sa pahina 140, 141]

Aakyat Akong Gaya ng Lalaking Usa

LIAN SANG

ISINILANG 1950

NABAUTISMUHAN 1991

Dating sundalo na naputulan ng mga binti’t hita sa digmaan. Isa na siya ngayong ministeryal na lingkod.

◆ ISINILANG ako at lumaki sa Matupi, isang bulubunduking nayon sa Chin State. Naniniwala ang pamilya namin na may makapangyarihang mga espiritu, na tinatawag na nat, sa mga gubat at bundok sa aming lugar. Kapag may nagkasakit sa pamilya, nag-aalay kami ng pagkain sa altar at tumatawag sa isang nat para tanggapin ang handog namin. Naniniwala kaming pagagalingin niya ang maysakit.

Pagtuntong ko ng 21, nagsundalo ako. Napasabak ako sa 20 labanan. Noong 1977, nilusob ng mga rebeldeng komunista ang kampo namin malapit sa bayan ng Muse sa Shan State. Tumagal nang 20 araw ang labanan. Nang kami naman ang lumusob, nakatapak ako ng bomba. Pagtingin ko sa mga hita ko, buto na lang. Napakainit ng pakiramdam at uhaw na uhaw ako, pero hindi ako natakot. Isinugod ako sa ospital at doon tuluyang pinutol ang mga hita ko. Pagkalipas ng apat na buwan sa ospital, umuwi ako bilang sibilyan.

Lumipat kami ng misis kong si Sein Aye sa bayan ng Sagaing, malapit sa Mandalay; at naglala ako ng mga kawayang upuan bilang hanapbuhay. Minsan, may nakilala akong pastor na Baptist. Sabi niya, kalooban daw ng Diyos ang nangyari sa akin. Tapos, nakilala namin ni Sein Aye ang payunir na si Rebecca, na nagsabing sa darating na Paraiso, magkakaroon uli ako ng mga binti’t hita. Di-nagtagal, nakikipag-aral na kami ng Bibliya; hindi sa pastor, kundi kay Rebecca!

Halos 30 taon na ang nagdaan, kami ni Sein Aye at ang pito naming bautisadong anak ay nakatira ngayon sa isang maliit na nayon malapit sa Pyin Oo Lwin, isang magandang bayan sa taas ng burol, mga 65 kilometro mula sa Mandalay. Ministeryal na lingkod na ako sa Pyin Oo Lwin Congregation, at tatlo sa mga anak ko ang regular pioneer. Nagsikap kami ni Sein Aye na mapalaki sa katotohanan ang aming mga anak at talagang pinagpala kami dahil naging mga lingkod sila ni Jehova.

Regular akong nangangaral sa aming nayon habang naka-wheelchair. Umaangkas ako sa motor para dumalo sa pulong. “Nakakalakad” din ako gamit ang dalawang bloke ng kahoy bilang pantukod.

Paborito kong teksto ang Isaias 35:6: “Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.” Sabik na ’kong magkaroon uli ng mga binti’t hita! Hindi lang ako aakyat gaya ng lalaking usa, kundi magtatatakbo ako at magtatatalon sa tuwa!

[Larawan]

[Blurb]

Sa Paraiso, hindi lang ako aakyat gaya ng lalaking usa, kundi magtatatakbo ako at magtatatalon sa tuwa!

[Larawan]

[Kahon sa pahina 142-145]

Walang Pagod na mga Naglalakbay na Tagapangasiwa

Habang naglalakbay sa buong bansa, walang pagod ang mga naglalakbay na tagapangasiwa sa pagpapatibay sa mga kapatid. Paano nila ito nagagawa? Samahan natin ang isa sa kanila sa pagdalaw sa mga kongregasyon sa liblib na Naga Hills. Isinulat ng tagapangasiwa ng sirkitong si Myint Lwin, na dumadalaw kasama ng asawa niyang si Lal Lun Mawmi: “Mga pasado alas nuebe ng umaga, umalis kami ng asawa ko sa Kalaymyo. Sumakay kami sa likod ng isang pickup truck at nakipagsiksikan sa mga karton ng paninda at mga gulay. May mga pasaherong nakasabit na lang sa estribo at may mga nakaupo sa bubong. Baku-bako ang daan. Kinailangan naming magtakip ng mukha dahil sa alikabok.

“Makalipas ang dalawang oras, dumating kami sa Kalaywa, isang bayan sa tabi ng ilog. Habang naghihintay para makasakay ng bangka, nangaral kami sa mga nagtitinda at iba pang pasaherong naghihintay. Karamihan sa kanila ay wala pang nakausap na Saksi. Pagdating ng bangka, bumaba ang mga sakay nito at nag-unahan naman sa upuan ang mga bagong pasahero. Halos 100 katao ang siksikan sa bangka, na parang tataob na. Nilagyan namin ng mga boteng plastik ang mga bag namin para kung sakaling mahulog kami sa ilog, lulutang kami.

“Pagkaraan ng limang oras, dumating kami sa bayan ng Mawlaik, at natulog kami sa isang maliit na tuluyan. Alas singko kinaumagahan, bumiyahe uli kami. Tagtuyot noon at napakababaw ng ilog kaya apat na beses na nabalaho sa buhangin ang bangka namin. Kinailangan ko at ng iba pa na bumaba at magtulak. Dumating kami sa Homalin pagkalipas ng 14 na oras at naghihintay na sa amin ang mga kapatid. Sumakit ang katawan namin sa biyahe, pero pagkakita sa nakangiting mga kapatid, nawala ang pagod namin. Makakasama namin sila ngayong gabi. Bukas, tutulak kami papuntang Khamti, na mga 15 oras ang layo.

“Maaga na naman kaming bumiyahe. Pero hindi gaanong puno ang bangkang sinakyan namin ngayon. Iba na rin ang tanawin. Daan-daang taganayon ang nakita naming naghuhukay sa ilog para maghanap ng ginto. Ngawit na ngawit kami pagdating sa Khamti, at walang sumalubong sa amin. Hindi pala natanggap ng kongregasyon ang sulat namin na dadalaw kami. Kaya sumakay kami sa pumapasadang motorsiklo papunta sa tuluyan na karugtong ng Kingdom Hall. Plastado kami sa kama dahil sa pagod.

“Kinaumagahan, binati namin ang 25 mamamahayag na nagtagpo sa Kingdom Hall para mangaral. Karamihan sa kanila ay mga Naga, isang etnikong grupo na naninirahan sa mga kabundukan na hanggang border ng India. Sumama kami sa kanila. Napapalibutan ng ilog ang bayan, na nasa gitna ng nagtataasang burol. Nakarating kami ng partner ko sa isang kubong yari sa kawayan at bumati kami. Isang lalaking Naga ang lumabas at pinapasok kami. Nakinig siyang mabuti sa mensahe ng Kaharian, pati na ang kaniyang asawa. Tumanggap sila ng publikasyon. Maraming Naga ang nag-aangking Kristiyano at interesado sa mabuting balita. Kinahapunan, dumalo kami sa pulong, ang kauna-unahan sa mga pulong nang linggong iyon.

“Makalipas ang isang linggo, tumawid kami sa ilog papunta sa maliit na bayan ng Sinthe; 12 ang mamamahayag dito. Tatlong nakabukod na grupo rin ang dinalaw namin, ang pinakamalayo ay 11 kilometro. Naglakad kami papunta sa bawat grupo para sumama sa pangangaral, at nagbigay ako ng pahayag. Napakahirap ng buhay ng mga kapatid at marami ang may malarya o tuberkulosis. Marami din ang sinasalansang. Pero masigasig sila sa pangangaral. Kinalingguhan, hindi namin inaasahan na 76 ang dadalo sa pulong; ang iba ay naglakad nang ilang oras para makarating.

“Ang bilis ng oras; pauwi na kami. Hindi namin maiwan-iwan ang mahal naming mga kapatid. Pinatunayan nila ang kanilang pag-ibig kay Jehova. Habang bumibiyahe patimog, binubulay-bulay namin ang kanilang matibay na pananampalataya. Kahit mahirap sila, mayaman sila sa espirituwal! Sabik na kaming dalawin sila ulit.”

[Larawan]

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Distrito ng Naga Hills

Khamti

Sinthe

Homalin

Mawlaik

Kalaywa

Kalaymyo

[Larawan]

[Larawan]

[Blurb]

Pagkakita sa nakangiting mga kapatid, nawala ang pagod namin

[Larawan]

[Kahon sa pahina 154, 155]

Gusto Kong Mangaral sa Buong Mundo!

SAGAR RAI

ISINILANG 1928

NABAUTISMUHAN 1968

Isang sundalong tumanggap ng maraming parangal, pero nang matuto ng katotohanan, patuloy siyang nangaral sa kabila ng pagsalansang.

◆ ISINILANG ako sa Shan State, sa bulubunduking rehiyon ng hilagang-silangan ng Myanmar. Mula sa tribo ng Gurkha sa Nepal ang pamilya namin. Mga Hindu kami pero naniniwala rin kami na may espiritu ang mga bagay sa kalikasan. Dahil sa tradisyon ng mga Gurkha, nagsundalo ako, gaya ng aking tatay at apat na kuya. Naglingkod ako sa hukbo ng Burma sa loob ng 20 taon at sumabak sa napakaraming labanan. Pero buti na lang at hindi ako nasugatan nang malubha.

Nang una kong mabasa ang Bantayan, nalaman ko mula sa Bibliya na iisa lang ang tunay na Diyos​—si Jehova. Naintriga ako. Isa akong Hindu at naniniwala ako sa milyun-milyong diyos! Hinanap ko ang pangalang Jehova sa iba’t ibang wikang diksyunaryo​—sa Nepali, Hindi, Burmese, at Ingles. Lahat ng iyon, nagsasabing si Jehova nga ang Diyos na binabanggit ng Bibliya.

Nang maglaon, lumipat kami ng misis kong si Jyoti sa Pathein, at doon, inalok kami ni Frank Dewar na mag-Bible study. Pumayag kami ni Jyoti. Di-nagtagal, nakumbinsi kami na si Jehova lamang ang tunay na Diyos at nagpasiya kaming siya lang ang sambahin. Itinapon namin sa Ilog Pathein ang mga imahen namin para walang makakuha nito.​—Deut. 7:25; Apoc. 4:11.

Nagbitiw ako sa militar at bumalik ang pamilya namin sa lugar kung saan ako ipinanganak. Sumama kami sa maliit na grupo ng mga Saksi roon, na nagturo sa aming mangaral. Pagtagal-tagal, nanguha kami ng materyales sa kagubatan at nagtayo ng maliit na Kingdom Hall sa harapan ng bahay namin. Ikinagalit ito ng komite ng mga Gurkha. Nagprotesta sila: “Sino’ng nagpahintulot sa iyo na magtayo ng ‘simbahang’ Kristiyano sa teritoryo ng mga Hindu? Hindi kayo dapat mangaral sa mga taong may relihiyon na.”

Nagreklamo sa mga awtoridad ang komite ng mga Gurkha. Tinanong nila ako: “Mr. Rai, nangangaral ka ba sa mga Hindu at hinihikayat silang maging Kristiyano?”

“Saksi ni Jehova ako,” ang sagot ko. “Hindi lang sa mga Hindu gusto kong mangaral. Gusto kong mangaral sa buong mundo! Pero nasa tao na kung gusto niyang magbago ng relihiyon o hindi.”

Buti na lang at pinayagan kami ng mga awtoridad na mangaral nang malaya. Sa nagdaang 40 taon, mahigit 100 katao ang natulungan namin ni Jyoti na matuto ng katotohanan. Marami sa kanila ang naglilingkod bilang mga special pioneer, naglalakbay na tagapangasiwa, o mga Bethelite. Natutuwa rin kami na karamihan sa aming anak at kanilang mga pamilya ay tapat na naglilingkod kay Jehova.

[Larawan]

[Larawan]

[Blurb]

Sa nagdaang 40 taon, mahigit 100 katao ang natulungan namin ni Jyoti na matuto ng katotohanan

[Kahon sa pahina 160]

Hindi Ko Makita ang “Kaharian ni Jehova”

SOE LWIN

ISINILANG 1960

NABAUTISMUHAN 2000

Dating Budista na may nabasa tungkol sa “Kaharian ni Jehova” at gustong puntahan ito.

◆ HABANG naglalakad papunta sa bayan ng Tachileik, malapit sa border ng Thailand, nakapulot ako ng mga magasing Bantayan. May sinabi ang mga magasin tungkol sa napakagandang pagpapala ng Kaharian ni Jehova. Budista ako at wala akong alam tungkol kay Jehova, kaya naisip kong baka isang bansa sa Aprika ang “Kaharian ni Jehova.” Hinanap ko ito sa atlas pero wala akong nakita. Nagtanung-tanong ako pero walang may alam dito.

Tapos nalaman ko na isang lalaki sa pinagtatrabahuhan ko ang nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Sabi ko sa kaniya, “Puwede mo bang sabihin sa akin kung nasaan ang Kaharian ni Jehova?” Nang malaman ko na ang Kaharian ni Jehova ay isang makalangit na gobyerno at gagawin nitong Paraiso ang lupa, manghang-mangha ako. Nagpagupit ako, huminto sa pagnganganga at pagdodroga, at tinalikuran ang mga tradisyong Budista. Ngayon, mas nasasabik akong mamuhay sa ilalim ng Kaharian ni Jehova.​—Mat. 25:34.

[Larawan]

[Larawan sa pahina 78, 79]

[Larawan sa pahina 78]

[Blurb sa pahina 80]

Sa halos 100 taóng nagdaan, walang tinag ang pananampalataya at pagbabata ng mga Saksi ni Jehova sa Myanmar

[Mga mapa sa pahina 81]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BANGLADESH

INDIA

CHINA

LAOS

THAILAND

YANGON

Putao

Khamti

Myitkyina

Kalaymyo

Lashio

Hakha

Pyin Oo Lwin

Mandalay

Taunggyi

Tachileik

Golden Triangle

Sittwe

Thayarwaddy

Pathein

Mawlamyine

Dawei

Myeik

Ilog Ayeyarwady

Ayeyarwady Delta

Dagat Andaman

[Chart]

MYANMAR (BURMA)

LUPAIN

261,970 kilometro kuwadrado

POPULASYON

60,380,000

MAMAMAHAYAG NOONG 2012

3,790

RATIO, 1 MAMAMAHAYAG SA BAWAT

15,931

DUMALO SA MEMORYAL NOONG 2012

8,005

Noong 1914, dalawang brother na taga-Inglatera ang naglakbay mula India patungong Burma para simulan ang pangangaral. Teritoryo nila ang buong bansa

[Graph sa pahina 84]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Maliit na Pasimula

1914 hanggang 1949

Mamamahayag

Payunir

80

70

60

50

40

30

20

10

0

1915 1920 1925 1930 1935 1940 1945

[Larawan]

Mga mamamahayag sa Yangon, 1932

[Blurb sa pahina 86]

“Bakit hindi? Pero y’ong proxy mo lang din ang makakapasok sa bagong sanlibutan”

[Larawan sa pahina 87]

Masipag mag-aral ng Bibliya si Sydney Coote (gitna); ibinabahagi niya at ng kaniyang asawang si Rachel (kaliwa), ang mensahe ng Bibliya

[Larawan sa pahina 89]

Frank Dewar

[Larawan sa pahina 92]

Mga unang alagad na Kayin, sina Chu May “Daisy” (kaliwa) at Hnin May “Lily” (kanan)

[Blurb sa pahina 93]

Pagdating ng mga opisyal, wala na ang mga literatura

[Larawan sa pahina 97]

Itaas: Mga unang misyonero mula sa Gilead na sina Hubert Smedstad, Robert Kirk, Norman Barber, at Robert Richards Ibaba: (hanay sa likuran) Nancy D’Souza, Milton Henschel, Nathan Knorr, Robert Kirk, Terence D’Souza, (hanay sa unahan) Russell Mobley, Penelope Jarvis-Vagg, Phyllis Tsatos, Daisy D’Souza, Basil Tsatos

[Graph sa pahina 100]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Kahanga-hangang Pagsulong

1950 hanggang 1988

Mamamahayag

Payunir

1,600

1,400

1,200

1,000

800

600

400

200

0

1950 1955 1960 1965 1970 1975 1980 1985

[Larawan]

Grupo ng mga Saksi sa Burma, 1987

[Larawan sa pahina 101]

Nagsalin si Ba Oo (kaliwa) ng mga artikulo mula sa Ang Bantayan sa wikang Burmese

[Larawan sa pahina 102]

Makalipas ang halos 50 taon, nagsasalin pa rin si Doris Raj habang nasa Bethel sa Yangon

[Larawan sa pahina 103]

Noong 1956, inilabas ni Nathan Knorr ang magasing Ang Bantayan sa wikang Burmese

[Mapa sa pahina 111]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Gangaw

CHIN STATE

Falam

Hakha

Vanhna

CHIN HILLS

Surkhua

Matupi

[Larawan sa pahina 114]

Kaliwa: Naglalakad nang mahigit 270 kilometro ang mga taga-Matupi Congregation para makadalo ng kombensiyon sa Hakha

[Larawan sa pahina 115]

Kanan: Nagha-hiking papunta sa mga kongregasyon sa Chin State ang tagapangasiwa ng distrito na si Gumja Naw at ang asawa niyang si Nan Lu

[Blurb sa pahina 118]

“May masusulong na kongregasyon na ngayon sa mga bayan ng Namti, Hopin, Mohnyin, at Katha”

[Larawan sa pahina 119]

Mga Saksi sakay ng isang arkiladong tren mula Yangon papuntang Myitkina para sa kombensiyon noong 1969

[Blurb sa pahina 120]

‘May tinanggal ngang anim na bagon, pero hindi ang anim na sinasakyan namin!’

[Larawan sa pahina 121]

Si Biak Mawia (hanay sa likuran, dulong kanan) at ang Khamti Congregation nang magsimula ang gawain sa lugar ng mga Naga

[Larawan sa pahina 125]

Isang grupo ng mga elder sa “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea sa Myitkyina noong 1969. (Hanay sa likuran) Francis Vaidopau, Maurice Raj, Tin Pei Than, Mya Maung, (hanay sa gitna) Dunstan O’Neill, Charlie Aung Thein, Aung Tin Shwe, Wilson Thein, San Aye, (hanay sa harapan) Maung Khar, Donald Dewar, David Abraham, Robin Zauja

[Larawan sa pahina 132]

Ang dating nasa magkalabang panig na sina Aik Lin (kaliwa) at Sa Than Htun Aung (kanan)

[Blurb sa pahina 132]

Dahil sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos, nakalaya sa poot ang dalawang lalaking ito at ngayon ay pinagbuklod ng pag-ibig

[Larawan sa pahina 134]

Karaniwang makikita ang mga mongheng Budista na nakasuot ng tradisyonal na damit

[Blurb sa pahina 135]

“Walang kasintamis ang pag-ibig na ipinakita sa akin ng mga kapatid”

[Blurb sa pahina 139]

“Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”​—Heb. 13:6

[Graph sa pahina 146]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Hanggang sa Kasalukuyan

1989 to 2012

Mamamahayag

Payunir

3,500

3,000

2,500

2,000

1,500

1,000

500

0

1990 1995 2000 2005 2010

[Larawan]

[Blurb sa pahina 148]

Sa loob ng mahigit 20 taon, ang bilang ng magasing iniimprenta ay lumaki nang mga 900 porsiyento!

[Larawan sa pahina 149]

Siksikan na sa pasilidad ng Bethel. Sa sahig na namamalantsa ang isang sister

[Larawan sa pahina 151]

Magkasamang nagtrabaho ang mga kapatid na banyaga at taga-Myanmar

[Larawan sa pahina 152]

Bethel sa Myanmar

[Larawan sa pahina 156]

Pagpunta sa bagong-tayong Kingdom Hall gamit ang bangka

[Blurb sa pahina 157]

Mula 1999, mahigit 65 Kingdom Hall na sa buong bansa ang naitayo ng mga Kingdom Hall Construction Group

[Larawan sa pahina 158]

Hiroshi at Junko Aoki, ang kauna-unahang misyonero sa Myanmar makalipas ang halos 37 taon

[Larawan sa pahina 162]

Mga translation team sa sangay sa Myanmar

[Larawan sa pahina 165]

Si May Sin Oo sa harap ng kanilang bahay habang itinatayo itong muli

[Larawan sa pahina 165]

Isang grupo ng konstruksiyon kasama sina Brother at Sister Htun Khin sa harap ng bahay nila na itinayong muli matapos hagupitin ng Bagyong Nargis

[Larawan sa pahina 167]

Miyembro ng Komite ng Sangay, mula kaliwa pakanan: Kyaw Win, Hla Aung, Jon Sharp, Donald Dewar, at Maurice Raj

[Larawan sa pahina 169]

Ang 2009 “Patuloy na Magbantay!” na Internasyonal na Kombensiyon ay nagpatibay sa mga kapatid at naging mainam na patotoo sa Yangon

[Blurb sa pahina 169]

“Binuksan ni Jehova ang puso ng mga Saksi sa Yangon para patuluyin ang kanilang mga kapatid”

[Larawan sa pahina 170]

[Larawan sa pahina 170]

[Larawan sa pahina 171]

[Blurb sa pahina 171]

“Nababalitaan lang namin noon ang tungkol sa internasyonal na kapatiran. Ngayon, naranasan namin ito!”

[Larawan sa pahina 172, 173]

[Blurb sa pahina 173]

“Patuloy kaming nagsusumamo sa Panginoon na magpadala ng manggagawa para sa pag-aani”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share