Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 3/15 p. 24-27
  • Kung Papaano Ka Pinaglilingkuran ng mga Kristiyanong Pastol

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Papaano Ka Pinaglilingkuran ng mga Kristiyanong Pastol
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Proteksiyon Laban sa Ano?
  • Ano ang Pagpapastol?
  • Bakit Ka Dinadalaw ng Isang Pastol?
  • Nangangailangan ng Pangangalaga ang Malulusog na Tupa
  • Pagpaplano ng Panahon Ukol sa Pagpapastol
  • Mga Pagpapala ng Pagpapastol
  • Mga Pastol na Kristiyano, ‘Palawaking Mabuti ang Inyong Puso’!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Mga Matatanda, Pakadibdibin ang Inyong mga Pananagutan sa Pagpapastol
    Gumising!—1986
  • Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Magpastol Kayo sa Kawan ng Diyos Nang May Pagkukusa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 3/15 p. 24-27

Kung Papaano Ka Pinaglilingkuran ng mga Kristiyanong Pastol

SA MARAMING dako ay maaaring magmasid kung papaano inaasikaso ng mga pastol ang isang kawan. Kanilang inaakay, ipinagsasanggalang, at pinaglalaanan ang mga tupa. Ito ay mahalaga sa Kristiyanong matatanda, yamang kasali sa gawain nila ang pagpapastol. Sa katunayan, pananagutan nila na “magpastol sa kongregasyon ng Diyos” at ‘magbigay-pansin sa buong kawan.’​—Gawa 20:28.

Kung ikaw ay miyembro ng Kristiyanong kongregasyon, papaano ka mapaglilingkuran ng espirituwal na mga pastol? At papaano ka nararapat tumugon sa kanilang pagsisikap alang-alang sa iyo? Bakit kailangan ng kongregasyon ang kanilang tulong?

Proteksiyon Laban sa Ano?

Noong unang panahon ang mga leon at ibang mababangis na hayop ay mapanganib sa kawan at sumisila ng isang tupa. Ang mga pastol ay kailangang maglaan ng proteksiyon. (1 Samuel 17:34, 35) Aba, si Satanas na Diyablo “ay gumagala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Siya’y may kabagsikang nakikipagdigma hindi lamang laban sa makalupang organisasyon ni Jehova sa kabuuan kundi laban din sa bawat indibiduwal na lingkod ng Diyos. Ano ang layunin ni Satanas? Nais niyang masiraan ng loob ang bayan ni Jehova at mahadlangan pa nga sila sa ‘pagtupad sa mga kautusan ng Diyos’ at sa pagganap sa “gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.”​—Apocalipsis 12:17.

Pinatawan ng Diyos na Jehova ang mga tagapamahalang pastol ng sinaunang Israel ng salang pagpapabaya dahil ang kaniyang mga tupa ay naging “pagkain para sa lahat ng mababangis na hayop sa parang.” (Ezekiel 34:8) Gayunman, ang Kristiyanong matatanda ay may taimtim na hangaring ipagsanggalang yaong mga nasa kongregasyon upang walang isa man ang mawala bunga ng pagpapabaya o dahil sa impluwensiya ni Satanas, ng sanlibutan, o ng apostatang “mga lobo.” (Gawa 20:29, 30) Papaano tinutulungan ng mga pastol ang lahat ng miyembro ng kawan na manatiling gising at mapagbantay? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng naihandang mahusay at maka-Kasulatang pahayag buhat sa plataporma ng Kingdom Hall. Ang isa pa ay sa pamamagitan ng positibo, nakapagpapatibay na pakikipag-usap bago at pagkatapos ng mga pulong. Karagdagan pang epektibong paraan ay ang personal na pagdalaw sa “tupa” sa tahanan. (Ihambing ang Awit 95:7.) Subalit ano ba ang pagpapastol? Papaano nararapat isagawa ang gayong pagdalaw? At sino ang dapat dalawin?

Ano ang Pagpapastol?

Ang pagpapastol ay hindi lamang isang sosyal na pagdalaw na may walang-kabuluhang usapan. Ganito ang sinabi ng isang matanda: “Karamihan sa mga mamamahayag ay lubusang nasisiyahan na basahin ang isang kasulatan o talakayin ang isang partikular na tauhan sa Bibliya. Sabihin pa, hindi lamang ang matanda ang magsasalita. Ang dinadalaw na mamamahayag ng Kaharian ay karaniwan nang natutuwa sa pagpapahayag ng kaniyang mga idea sa Bibliya, at ang paggawa nito ay nagpapalakas ng kaniyang pananampalataya. Ang matanda ay maaaring magdala ng isang magasing Bantayan o Gumising! upang talakayin ang isang nakapagpapatibay na artikulo. Marahil ang espirituwal na pagtalakay na ito ang siyang kaibahan ng pagpapastol sa isang sosyal na pagdalaw.”

Isa pang makaranasang matanda ang nagkomento: “Bago dumalaw, ang matanda ay gumugugol ng ilang panahon sa pag-iisip tungkol sa mamamahayag na kaniyang dadalawin. Ano kaya ang makapagpapatibay sa mamamahayag? Ang taimtim na komendasyon ay isang mahalagang bahagi ng pagpapastol, sapagkat pinalalakas nito ang isang tao upang magbata.” Oo, ang pagpapastol ay higit pa kaysa sa palakaibigang pagdalaw lamang na maaaring gawin ng sinuman sa kongregasyon.

Bakit Ka Dinadalaw ng Isang Pastol?

Kapag dinadalaw ng isang matanda ang isang tahanan, siya ay handa upang patibayin ang kapuwa mga mánanampalatayá at tulungan silang maging matatag sa pananampalataya. (Roma 1:11) Kaya kapag ang isa o dalawang matanda ay nagnanais dumalaw sa iyo, papaano ka tumutugon? Ganito ang sabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Kung ang pagpapastol ay ginagawa lamang kapag may suliranin, ang unang reaksiyon sa balak na pagdalaw ay maaaring, ‘Ano kaya ang nagawa kong mali?’ ” Ang maibiging espirituwal na mga pastol ay tumutulad kay Jehova, na nangalaga sa salmista at laging ‘pinananariwa ang kaniyang kaluluwa,’ lalo na sa panahon ng kabagabagan at pantanging pangangailangan.​—Awit 23:1-4.

Ang layunin ng pagpapastol ay ‘upang magpatibay, hindi ang manggiba.’ (2 Corinto 13:10) Talagang nakapagpapatibay ang mga pananalitang may pagpapahalaga sa pagbabata, sigasig, at tapat na paggawa ng isang dinadalaw. Ganito ang sinabi ng isang matanda: “Sa pagpapastol, hindi mabuting ipahiwatig na dumalaw ang isa sa layuning alamin at talakayin ang mga suliranin. Sabihin pa, maaaring naisin ng mamamahayag mismo na ipakipag-usap ang tungkol sa isang partikular na suliranin. At kung ang isang tupa ay nanlulupaypay o naghihiwalay ng sarili sa kawan, kailangang kumilos ang mga matatanda upang tumulong.”

Ang mga Kristiyanong pastol ay tiyak na gagawa ng pantanging pangangalaga sa sinuman na kagaya niyaong inilarawan sa mga salitang ito: “Ang nawala ay aking [si Jehova] hahanapin, at ang napangalat ay aking ibabalik muli, at ang nabalian ay aking bebendahan at ang maysakit ay aking palalakasin.” (Ezekiel 34:16) Oo, baka kailangang hanapin ang mga tupa, ibalik, bendahan, o palakasin. Ang mga pastol ng Israel ay nagpabaya sa mga pananagutang ito. Ang pagganap sa gayong gawain ay humihiling na lapitan ng isang pastol ang isang tupa at asikasuhin ang mga kailangan nito. Karaniwan na, ito ay nararapat na maging isang pagkakakilanlang anyo ng bawat pagpapastol sa ngayon.

Nangangailangan ng Pangangalaga ang Malulusog na Tupa

Dapat ba tayong manghinuha na ang modernong-panahong espirituwal na mga pastol ay hindi na kailangang magpakita ng pantanging pansin sa malulusog na tupa? Buweno, kapag ang isang literal na tupa ay nalagay sa mahirap na sitwasyon, magiging mas madali ang pagtulong kung ito ay may tiwala sa pastol. Napansin ng isang manwal na “ang mga tupa ay likas na lumalayo sa mga tao, at hindi laging madaling makuha ang tiwala ng mga ito.” Liban sa iba pang bagay, iminumungkahi ng aklat ding iyon ang saligang alituntuning ito para matamo ang tiwala ng tupa: “Makipag-usap nang regular sa mga hayop. Sila’y nagiging pamilyar sa boses, na siyang nagbibigay katiyakan sa kanila. Dalawin nang madalas ang mga tupa sa pastulan.”​—Alles für das Schaf. Handbuch für die artgerechte Haltung (Lahat ng bagay para sa mga Tupa. Manwal tungkol sa Kung Papaano Sila Wastong Aalagaan).

Ang personal na pakikitungo ay mahalaga kung gayon kung nais pairalin ang may pagtitiwalang ugnayan sa pagitan ng pastol at ng tupa. Totoo rin ito sa Kristiyanong kongregasyon. Sinabi ng isang matanda: “Ang pagiging kilala sa kongregasyon bilang isang matanda na regular na dumadalaw sa mga tupa ay nagpapadali sa pagdalaw sa isa na may mga suliranin.” Kaya naman, ang espirituwal na mga pastol ay hindi lamang dapat magpakain at mangalaga sa mga tupa sa Kingdom Hall. Habang ipinahihintulot ng pagkakataon, dapat makilala ng mga pastol ang mga tupa sa pamamagitan ng pagdalaw sa kanilang mga tahanan bilang mga pastol. Nagugunita ng isang Kristiyano na noong siya ay bagong hirang na matanda, tumawag sa telepono ang punong tagapangasiwa at hiniling sa kaniya na dalawin at aliwin ang isang kapatid na ang anak na babae ay namatay sa isang kakila-kilabot na aksidente sa daan. Inamin ng matanda: “Kay lungkot ng nadama ko, yamang hindi ko pa nadalaw ang kapatid at ni hindi ko alam kung saan siya nakatira! Laking ginhawa nang isang maygulang na matanda ang nag-alok na sumama sa akin.” Oo, nagtutulungan ang mga matatanda sa pagpapastol.

Sa paghahanda at paggawa ng ilang pagpapastol, ang isang matanda ay maaaring samahan ng isang ministeryal na lingkod na nagsisikap makaabot sa “mainam na gawain” ng isang tagapangasiwa. (1 Timoteo 3:1, 13) Ano ngang laking pagpapahalaga ng ministeryal na lingkod na makita kung papaano naglilingkod ang isang matanda sa pagpapastol sa mga tupa! Ang matatanda at mga ministeryal na lingkod kung gayon ay lalong nagiging malapit sa lahat ng nasa kongregasyon, anupat pinatitibay ang mga buklod ng Kristiyanong pag-ibig at pagkakaisa.​—Colosas 3:14.

Pagpaplano ng Panahon Ukol sa Pagpapastol

Kapag ipinaubaya ng isang lupon ng matatanda ang pagpapastol sa konduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, lahat ng mamamahayag sa ilang grupo ay nadadalaw sa loob ng anim na buwan, samantalang sa ibang grupo naman ay walang nadadalaw. Ito ang nag-udyok sa isang matanda na magsabi: “Lumilitaw na ang ilang matatanda ay nagkukusa at madalas na nagpapastol, subalit ang ilan ay nangangailangang patibaying-loob ng kanilang kapuwa matatanda na gawin iyon.” Kaya ang ilang lupon ng matatanda ay gumagawa ng kaayusan upang madalaw ng mga pastol ang lahat ng mga mamamahayag sa loob ng itinakdang yugto ng panahon.

Sabihin pa, maaaring dalawin ng isang matanda o ng iba pang mamamahayag ang isang miyembro ng kongregasyon nang hindi na naghihintay pa ng pantanging mga kaayusan na gagawin. Bago magpastol, ang isang matanda ay tetelepono at magsasabi, “Isang pamilya ang aking dinadalaw sa isang buwan. Maaari ba akong dumalaw sa inyo nang mga isang oras sa susunod na buwan? Kailan kaya kayo pupuwede?”

Mga Pagpapala ng Pagpapastol

Habang patuloy na dumarami ang mga panggigipit sa balakyot na sistemang ito, ang nakapagpapatibay-loob na mga pagdalaw ng maunawaing mga pastol ay lalong nagiging higit na kapaki-pakinabang. Kapag ang lahat ng nasa kawan ay napatitibay-loob at natutulungan sa pamamagitan ng mga pagpapastol, nadarama ng bawat tupa na sila’y ligtas at panatag.

Tungkol sa isang kongregasyon kung saan ang mga mamamahayag ng Kaharian ay regular na dinadalaw ng mga pastol, ganito ang iniulat: “Ang mga mamamahayag ay naging totoong positibo hinggil sa pagpapastol. Pangkaraniwan na sa isang mamamahayag ang lumapit sa isa sa matatanda upang itanong kung kailan siya muling dadalaw, yamang ang nagtatanong ay nasiyahan sa nakapagpapatibay na pakikipag-usap noong nakaraang pagdalaw. Ang pagpapastol ay isang salik na tumutulong upang mapaunlad ang espiritu ng kongregasyon.” Ipinahihiwatig ng ibang ulat na kapag ang mga pastol ay maibiging naglilingkod sa gayong paraan, ang kongregasyon ay maaaring lumago sa pag-ibig, pagkakaisa, at kasiglahan. Tunay ngang pagpapala!

Ang mga Kristiyanong pastol ay dumadalaw upang itaguyod ang espirituwal na kapakanan ng mga tupa. Nais ng matatanda na patibaying-loob at palakasin ang kanilang kapuwa mánanámpalatayá. Kung matuklasan sa panahon ng pagdalaw ang isang malubhang suliranin na nangangailangan ng pagpapayo, makabubuting magsaayos ng ibang panahon para sa pakikipag-usap, lalo na kung ang matanda ay kasama ng isang ministeryal na lingkod. Anuman ang nangyari, angkop na manalangin sa katapusan ng pagpapastol.

Nais bang dumalaw ng isang espirituwal na pastol sa iyong tahanan sa malapit na hinaharap? Kung gayon, may kagalakang asamin ang pampatibay-loob na matatamo mo. Siya ay dumadalaw upang maglingkod sa iyo at upang palakasin ka sa iyong pasiya na manatiling nasa daan na umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan.​—Mateo 7:13, 14.

[Kahon sa pahina 26]

Mga Mungkahi sa Pagpapastol

◻ Gumawa ng kaayusan: Makabubuti na gumawa ng isang kaayusan. Kung ang matanda ay nagpaplanong humawak ng isang malubhang suliranin, angkop na patiunang patalastasan ang mamamahayag tungkol dito.

◻ Paghahanda: Isaalang-alang ang personalidad at kalagayan ng indibiduwal. Magbigay ng taimtim na komendasyon. Gawing tunguhin ang magbigay ng nakapagpapatibay, nakapagpapalakas-pananampalatayang “espirituwal na kaloob.”​—Roma 1:11, 12.

◻ Kung sino ang isasama: Isa pang matanda o isang kuwalipikadong ministeryal na lingkod.

◻ Sa panahon ng pagdalaw: Ang matanda ay kailangang maging mahinahon, maibigin, positibo, at marunong makibagay. Magtanong tungkol sa pamilya, ang kalagayan nito, at iba pa. Makinig na mabuti. Kapag may lumitaw na isang malubhang suliranin, makabubuting magsaayos para sa isang pantanging pagpapastol.

◻ Haba ng pagdalaw: Manatili sa napagkasunduang panahon, at lumisan na ang binibisita ay nasisiyahan pa sa dalaw.

◻ Pagtapos sa dalaw: Angkop at totoong pinahahalagahan ang isang panalangin.​—Filipos 4:6, 7.

[Larawan sa pahina 24]

Naglalaan ng espirituwal na proteksiyon ang mga Kristiyanong pastol

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang pagpapastol ay naglalaan ng maiinam na pagkakataon para sa espirituwal na pagpapatibay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share